Kabanata 1

Kamay

Tinitigan ni Yaya ang larawan ng lalaki na nakaukit sa isang pahina ng kawayan. Sa dilim ng lungga na tinatahak niya, lumulubha ang pagkasungit ng itsura ng lalaki, sanhi ng mabalasik na kurba ng kanyang bibig at mga matang nilililiman ng makakapal na kilay. May gumapang na ngaligkig sa katawang bakal ni Yaya, at ngumatal ang kanyang lamanloob na gawa sa mga gulong at kawad.

“Digan ang pangalan ng lalaking iyan. Isa siyang magtataho sa hilagang-kanlurang bahagi ng baranggay,” ipinaliwanag ng babaeng may hawak ng sulô at naglalakad sa harap ni Yaya. Kumikislap ang liwanag ng sulô sa maputing buhok ng babae. Kahawig ang pagkinang ng mga hibla nito ng malatumbaga na sinulid sa kanyang pamigkis, sinulid na nagpapahiwatig na siya ay isang pambayang lingkod ng datu. Hindi gaanong katandaan itong si Luwan, pero alam ni Yaya ang mga kaganapang nagpalubha sa kalusugan ni Luwan, na nagmukha siya tuloy higit pa sa balubata.

Itinabi ni Yaya ang isang hibla ng sariling buhok – maitim at umaabot sa kanyang babà – sa likod ng tainga para mas mabuting makita ang nakasulat sa tabi ng larawan ni Digan. Habang nilalakad nila ni Luwan ang makitid na lagusan sa ilalim ng lupa, binasa ni Yaya ang mga kaalaman tungkol sa Digan na ito. Sumulpot daw dito sa Takatak tatlong buwan nang nakalipas. Walang mga kamag-anak, walang mga kaibigan. Malayo ang bahay niya sa mga iba, na walang nakakakita sa kanya kapag hindi siya naglalako.

“Tatlong buwan na po siya narito,” sinabi ni Yaya. “Káya bang maglagi nang ganoong katagal ng isang aswang na walang nakakahalata?” Makakapal ang agiw na nakasabit sa sulok ng mga barakilang nagtataguyod sa lagusan. Kumarimot ang isang malikot na daga mula sa butas sa isang pader papunta sa kabila. Sa ilalim ng amoy ng usok, malalanghap ang singaw ng lumang kahoy at naipong alikabok.

“Hiwaláy siyang mamuhay sa iba. At makikita mo,” sinulyapan si Yaya ni Luwan, nakakunot ang noo. “Gumagaling ang mga aswang sa pagpapanggap.”

Nakarating sila sa isang pintong kahoy na iniilawan ng sulô. Binabantayan ito ng dalawang mandirigma, na parehong may pulang putong na nakapalibot sa noo at may itak na nakasukbit sa balakang. Tumango ang isa sa mga ito kay Luwan at binigyan siya ng isang mabuway na ngiti. “Buti't dumating po kayo, Luwan. Naiinip na kami ni Parikit dito.”

Ngunit iba ang sinasabi ng pagngatal ng kanyang tinig at ng hukót na pagtayo ng mandirigmang si Parikit. Hindi sila naiinip o nadadalian sa pagbabantay. May bagabag ang pagsulyap ng dalawang mandirigma sa pinto. Para tuloy naging simbigat ng angkla ng bangka ang mga binti ni Yaya sa pag-iisip na papasok siya sa loob.

Nanatili na maalwan si Luwan, at sinabi nito, “Kailangan kong magtipon ng mga kasulatan.”

Hindi nagulat si Yaya na may nagbabantay sa isang kuwartong naglalaman ng mga kasulatan. Maraming silid tulad niyan sa loob ng tirahan ng datu. Ang hindi niya alam ay anong uri ng kasulatan ang nagpapangatóg sa mga mandirigma.

Tinanggal ni Parikit ang harang sa pinto at binuksan ito. Nakasimangot siyang sumilip sa silid, bago kumaripas patabi para makapasok sina Luwan at Yaya.

Natamaan si Yaya ng malamig at lagibas na hangin pag-apak niya sa loob. Sa kaliwa't-kanan niya, may hanay ng tatlong maliliit na silid na hinaharangan ng makakapal at makakalawang na haligi. Parang isang likaw na pinikpik nang mahigpit ang katawan ni Yaya, habang umaakma ang mga mata niya sa makapal na dilim na kumukumot sa silid sa kanyang kaliwa. Pero nang natarak ng paningin niya ang malapot na anino, ang tanging nakita niya roon ay isang tumpok ng agiw at alikabok. Hinatawan din niya ng sulyap ang silid sa kanyang kanan, pero walang laman ang sahig doon. Kumalma ang loob niya.

“Halika rito, Yaya,” tawag ni Luwan. Nakarating na ang lingkod sa kabilang bahagi ng silid, nakaharap sa patong-patong na mga kahon na kahoy. Bawat isa sa kanila ay mayroong pilak na susian. May isang malaking mesa sa tabi ng mga kahon, punong-puno ng mga pahinang kawayan. Paglapit ni Yaya, naaninag niya ang nilalaman ng mga pahina. Karamihan ay mga mapa, iba naman ay mga talâ. At ang iba pa ay mga larawan ng mga tao na may mabibilog na mata at mala-ahas na dila na nakalaylay sa bibig na tinutubuan ng mahahaba't matatalas na ngipin. Hindi, hindi mga tao, itinamà ni Yaya ang sarili. Mga aswang.

“Hawakan mo ito.” Ipinasa ni Luwan ang sulô sa kanya. Hinatak ni Yaya ang tingin mula sa mesa, pero nanatili sa isip niya ang mga larawan. Habang binubuksan ni Luwan ang ibang mga kahon at kumukuha ng mga pahina mula sa mga ito, nakabakat pa rin sa isip ni Yaya ang naglalaway at nakasangang dila ng mga aswang sa larawan. Nang biglang iwinagayway sa kanya ni Luwan ang ibang mga pahina, nagmadali si Yaya na maisuksok ang mga ito sa braso bago mahulog sa sahig. Iniling niya ang ulo at nagsikap itutok ang pansin sa kasama.

Sinusian ni Luwan bawat kahon na binuksan niya, bago lumakad pabalik sa pinto. Isang hakbang pa lang ang nagagawa ni Yaya nang may malaki't mabilis na anino na biglang bumangga sa mga haligi ng silid sa kaliwa niya. Umigtad siya palayo nang may sumulpot na maitim na braso sa pagitan ng mga haligi, pero hindi niya naiwasan ang matatalim na kuko. Umalingawngaw sa paligid ang matinis na pagkalmot sa bakal niyang balat. Nahulog mula sa kanyang kamay ang sulô, at pumutok ang mga turnilyo't enggranahe mula sa galang-galang niya.

Kumarimot si Yaya palayo, habang umiikot nang napakabilis ang mga gulong niya sa dibdib, na akala niya aakyat ang mga ito sa lalamunan at mahuhulog sa kanyang bibig. Mula sa awang na gumuguhit sa kaliwang bahagi ng mukha ni Yaya, may lumiyab na matingkad na lunting ilaw. Sinamahan nito ang kahel na liwanag mula sa sulô, at pareho nilang ibinunyag ang maaninong hugis sa likod ng mga haligi.

Nakayukod ang maitim na anyo, hawig sa tao pero ábot binti ang mga kamay sa haba ng braso. Binabalatan siya ng maligasgas na balahibo, sobrang maitim na tila sumisilip ka sa kawalan. Sa mukha niya, nagbabaga ang mga mala-gintong mata, iniilawan ang malulupit at basang pangil na bumubunga sa kanyang bibig. Ang pinakanakasisindak ay ang parang pulang tali na nakalaylay sa pagitan ng mga pangil, na sa haba ay sumasadsad na ang nakasangang dulo nito sa sahig. Siniksik ni Yaya ang sarili sa sulok ng kabilang pader, nangingilabot sa pag-iisip na hahagupitin at sasakmalin siya ng dilang iyon.

Nanginig nang matindi ang nilalang, at umikli ang mga braso niya hanggang sa may balakang na lang ang abot nila. Nawala ang pagkakuba niya, at numipis ang balahibo. Ang nakatayo ngayon doon ay isang matandang babae. Nakapusod ang kulot at maputing buhok niya, at tinutuldukan ng mga nunal ang kayumangging balat. Maliit at mataba ang babae, at kung nakita siya ni Yaya sa taas sa baranggay, aakalain lang ni Yaya na isa siyang pangkaraniwang lola. Hindi maiugnay ni Yaya na ang maliit na matandang babaeng ito ay ang nakakasuklam na nilalang sa silid kanina lang.

Napuno ang buong silid ng tunog ng umaagahas na mga gulong at lumalagutok na mga bakal mula sa katawan ni Yaya. Sinisikap iukit ng mekanismo niya itong kaganapan sa kanyang Ubod ng Diwa, habang pinipilit niyang maunawaan kung ano ang nangyari. Humihigpit ang igting sa kalagitnaan niya, na parang tatagos ang Ubod ng Diwa niya sa kanyang dibdib.

Humalakhak ang matandang babae. “Nako! Natatakot rin pala ang mga táong bakal.”

Pinulot ni Luwan ang sulô, kumukurap-kurap ang apoy. Hindi nawawala ang pagkapanatag ng lingkod. “Tayo na, Yaya. Hindi natin kailangang mag-aksaya ng panahon sa ulol na 'yan. Halata namang hindi siya pumasa sa seremonya ng paglilinaw.” At siguradong papaslangin ito sa madaling panahon.

Ilang sandali ang lumipas bago naigalaw ni Yaya ang mga binti't bisig, at hindi lang dahil sa gulat. Nakasabit sa manipis na kawad ang kaliwa niyang kamay mula sa galang-galang. Ang tanging nagagawa niya rito ay ikawag ang hinlalaki. Ngunit kahit mabigat pa ang dibdib at may matinis na haging sa pagitan ng mga tainga, tinipon niya ang mga nalaglag na pahina gamit ang mabuting kamay. Tapos hinabol niya si Luwan.

Nangangatog ang dalawang mandirigma sa likuran ng pinto, tiyak narinig ang gulo sa loob. Nanlalaki ang mga mata ni Parikit, habang sumusukob sa likuran niya ang binatang bumati kanina kay Luwan. Tinanguan sila nang mabilis ni Luwan, pero hindi sila napahinahon nito. At dahil parang bahay-pukyutan ang ulo ni Yaya, hindi na niya nagawang magpaalam nang maayos.

Patag at banayad ang mga hakbang ni Luwan sa pagtahak nila sa lagusan. Iningatan din ni Yaya ang sariling yapak, ginagaya ang paglalakad ng babae sa tapat niya. “Patawad na pinaranas ko iyon sa 'yo,” sinabi ni Luwan sa matatag na boses. “Gusto kong makita mo mismo na hindi madali ang pagsubok na ito.”

“Sino po siya?” tinanong ni Yaya. Humupa na ang tumitibok na ilaw mula sa mukha niya, at tumahimik na rin ang ingay sa kanyang loob.

“Huwag kang mag-alala, hindi siya nakatira dito sa Takatak.” Binigyan siya ng makahulugang tingin ni Luwan. Mas alam ng nakakatandang babae kung ano ang ibig sabihin kapag natagpuan ang isang aswang sa loob ng Takatak. “Naggagala-gala lang siya sa mga daang pangkalakal. Inatake niya ang isang tindero ng mangga na naglalakbay papunta rito. Naghihilom nang maayos ang tindero ngayon, pero mabuti't natagpuan pa rin ng mga lingkod ng datu ang aswang na 'yon.”

Umakyat sila sa hagdanan palabas ng lungga. Madalas humandulong ang mga aswang sa mga tao na nasa labas ng mga baranggay, mas ginugustong sipsipin ang dugo ng mga naglalakbay na walang kanlungan. Laging nasisindak si Yaya sa mga kuwento ng mga mangangalakal na nagigising na mahina at nangingilo, at may mga durò sa likod o tiyan o balakang. Mas malagim ang madadálang na kuwento tungkol sa mga táong hindi na talaga nagigising, naubusan na ng dugo ang katawan. Masuwerte ang tindero ng mangga na nabuhay siya, at nahanap at naparusahan ang umatake sa kanya.

“Limang araw lang po? At ngayon may bago nanamang nasaktan?” Ayon sa ulat ni Luwan, may isang lalaki sa hilagang-kanlurang bahagi ng Takatak na nakapansin na mayroon siyang dalawang tusok sa tagiliran. Hindi naman siya lumabas ng baranggay kamakailan, kaya ang pinaghihinalaan ngayon ay ang bagong tagalako ng taho sa kapitbahayang iyon. Humigpit ang kapit ni Yaya sa rolyo ng mga pahina. Hindi maganda na may posibleng naninirahang aswang dito mismo sa Takatak; hindi rin maganda na nagkaroon agad ng panibagong daluhong ilang araw lang pagkatapos ng huli. Bago itong dalawang ito, ang pinakahuling atake malapit sa kanila ay nangyari apat na taon nakaraan.

Lumabas sina Yaya at Luwan mula sa lungga. Nabulag si Yaya sa sikat ng araw ngayong hapon, pagkatapos niyang maglagi sa dilim sa ibaba, at nag-agpang ulit ang paningin niya sa liwanag. Nakatayo siya sa isang kapatagan na puno ng mahaba't lunting damo. Sa timog nila, hinaharangan ng isang hanay ng mga puno ng saging ang pinakamalapit na kapitbahayan. May dalang halimuyak ng saging at pandan ang hangin. Dito sa taas, parang napakalayo ng panganib ng mga aswang sa kanila.

Itinuro ni Luwan ang mga pahina sa kamay ni Yaya na pumapagaspas sa hangin. “Iyan ang mga talâ ukol sa pagsisiyasat ng mga aswang nitong lumipas na mga taon. Nakaulat diyan kung anong uri ng tao ang mga pinaghinalaan, kung ano ang pamumuhay nila, kung anong mga katangiang kakaiba sa kanila, at kung aswang nga sila o hindi. Sana matulungan ka ng mga iyan.”

Ngumiti si Yaya. “Salamat po, Luwan. Siguradong marami akong matutuhan dito.”

“May walumpu't-apat na kaso diyan, nangyari sa loob ng sandaang taon sa tatlong-daang isla ng kapuluan.” Hindi masasabing nahihiya ang tinig ni Luwan, pero wala rito ang pangkaraniwan niyang panibulos.

Pinilit ni Yaya na manatili ang ngiti, kahit bumulusok ang pag-asa niya. Walumpu't-apat lang na mga kaso, saklaw ang napakalawak na lupain at napakahabang panahon. Akala niya noong una marami siyang mapapag-aralan, pero hindi pala. “Salamat pa rin po.”

Naglakad sila sa madamong kapatagan pabalik sa mga nagkukumpulang kubo at iba pang gusali sa kanluran. Niluwagan ni Yaya ang hawak niya sa mga pahina para mailadlad sila. Tiningnan niya ang pahinang nasa taas, at halos napahinto ang mga yapak niya. Mula sa Takatak ang kasong ito. Sa taas na kalahati ng pahina ay ang larawan ng isang mahabang kubo na may maraming pintuan. Sa tapat ng bahay-panuluyan na ito, may nakatayo na isang lalaki, isang babae, at isang maliit na bata. Hindi na kailangang basahin ni Yaya ang nakasulat para malaman kung tungkol kanino ang kaso na ito. Tumingala siya at nakitang minamata ni Luwan ang pahina, blangko ang mukha.

“Ah, patawad po,” sinabi ni Yaya. Parang walang-galang kung babasahin niya ang ulat habang nasa tabi lang niya't naglalakad ang táong mismong nakaranas ng kaganapan. Lalo na't alam ni Yaya na tumanda ang itsura ni Luwan hindi dahil sa aswang na nagpahirap sa bahay-panuluyan ng pamilya niya, kundi dahil hindi hinayaan ng mga taga-nayon ng Takatak na makabawi siya nang lubos sa nangyari. Kahit unang beses pa lang ni Yaya na makipag-usap kay Luwan, alam niya kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa babae. “Ah, 'yung galing sa inaswang na bahay-panuluyan,” o “Minalas talaga ang mga magulang ni Luwan. Pero kahit papaano, naging masipag siyang babae.” Walang-gulat kung bakit laging nakasimangot si Luwan.

Inayos ng lingkod ang pagkapusod ng maputi niyang buhok. “Ako'y isang pambayang lingkod na ngayon, at anuman ang narinig mo tungkol s'akin, hindi ako naaabala sa nakaraan ko. Trabaho lang ang pagbigay ko sa 'yo ng tungkuling ito.”

Palapit na sila sa unang hilera ng mga kubo sa pinakagitnang kapitbahayan ng Takatak. Sa pagitan ng mga kubo, nagmamadali ang mga tao sa daan, tiyak sinusubukang tapusin ang mga trabaho bago maghapunan. Huminto ang mga hakbang ni Luwan, at inilapat niya ang kamay sa balikat ni Yaya.

“Mag-ingat ka na walang makakaalam tungkol sa pagsisiyasat mo. Baka magbago ang mga kilos ni Digan kung malalaman niyang minamatyagan siya. Kung magkakaroon ka ng malakas na kutob na aswang siya, lapitan mo ako agad. Kung hindi naman, pag-isipan mo nang maayos kung imumungkahi mo na isubok siya sa seremonya ng paglilinaw. Masakit iyon sa pangkaraniwang tao at nakakaubos ng lakas ng katalonan natin.”

Parang humigpit ang mga bisagra ni Yaya sa paalala kung ano ang kahihinatnan kung hindi siya magtatagumpay. Bukod pa sa pahamak na dadalhin ng isang aswang o ang idudulot ng isang seremonya ng paglilinaw, marami pang maaaring mangyari sa kanya. Tatlong beses lang puwedeng bumagsak ang isang Pinanday na tulad niya sa pagkamit ng kanilang patibay sa araling Kaligtasan at Pahamak. Pangatlong pagkakataon na ni Yaya ito. Kung babagsak pa siya rito, paghihinalaan lahat ng kanyang kaalaman, at babawiin pati ang apat na patibay na nakamit na niya. Kailangan niyang ulitin lahat ng mga pagsubok para mabawi sila, at sa wari niya, hindi niya kayang gawin iyon sa loob ng isang buwan.

“Huwag kang malumbay,” tukso ni Luwan. Pumasok sila sa kumpulan ng mga kubo, at lumakas ang tunog ng mga nagmamadaling hakbang at boses ng mga taga-nayon ng Takatak. “Nabalitaan ko na maayos mong nagawa ang huli mong pagsubok. Maniwala ka, sumasang-ayon ang lahat, pati na si Datu Lunti, na kahit bumagsak ka, mabuting natuklasan mo ang katawan na iyon.”

“Ah, salamat po.” Nagawang ngumiti ni Yaya, kahit naiilang. Itinulak niya palabas sa kanyang malay ang alaala ng hungkag na katawan ng isang Pinanday. Lintik na Ubod ng Diwa. Minsan hinihiling ni Yaya na hindi habambuhay nananatiling nakabakat ang mga alaala sa Ubod ng Diwa ng mga Pinanday.

Nagpaalam si Luwan at humiwalay na sa kanya. Nasasabik nang mag-umpisa si Yaya sa pagbabasa ng mga talâ, ngunit kailangan niyang asikasuhin muna ang sira't nakalawit niyang kamay. At papadilim na. Wala rin naman siya gaanong magagawa kahit matapos niyang basahin lahat ng mga pahina. Mas mabuting umuwi na lang siya at isipin kung ano ang maibabalita kay Binhi tungkol sa bago niyang pagsubok.

Lumubog na ang huling sinag ng araw sa likuran ng isang kubo. Sumiksik si Yaya sa umpukan ng mga pawisan na tao, patungo sa tirahan ng mga lingkod ni Datu Lunti kung saan siya natutulog kasama ni Binhi. May mga sumusulyap sa kamay niya, nagtataka. Tinanong ni Kapsa, ang tindero ng bigas na pinagbibilhan ng mga tagaluto ng datu, kung ano ang nangyara sa braso niya. Sinagot ni Yaya na natapilok lamang siya sa hagdanan at hindi siya kailangan alalahanin. Inalok naman ng mapang-alagang si Himala, isang tagahabi ng banig na dating may pagtingin sa panday na gumawa kay Yaya, na sagutin ang gastos para ipaayos ang kamay niya. Pinasalamatan ni Yaya ang babae, pero sinabi na hindi niya nais abalahin ito, lalo na't papagabi na. May tutulong naman sa kanya sa bahay. Napanatag ang loob ni Yaya sa pagmamalasakit nila, at itinulak nito sa dulo ng kanyang isip ang balisa na idinulot ng pagdalaw niya sa lungga.

Pagdating ni Yaya sa bungad ng purok na nakalaan sa datu, hinanda ng mga mandirigmang nagbabantay roon ang mga sibat nila sa unang sulyap sa kamay niya. Pumilantik ang tingin nila sa likuran ni Yaya, tiyak hinahanap kung may humahabol sa kanya. Pinangakuan niya sila na wala siya sa pahamak at hindi rin siya magdadala ng gulo sa loob ng purok.

Umakyat si Yaya sa bahay-kubo na tinutulyan nila ni Binhi, kasama ang dalawampu pang mga katulong. Hinatak niya ang kurtina sa pasukan ng makitid niyang silid, at guminhawa ang loob niya nang nakitang walang ibang tao roon. Baka kumakain sina Binhi at ang tatlo pa nilang kasama sa kuwartong ito. May hapunan na hinahanda sa isang pamayanang bahagi ng purok kada gabi. Dahil hindi naman kailangan kumain o uminom ng mga Pinanday, sinulit ni Yaya ang pagkakataong ito para itago ang mga pahina tungkol sa mga aswang sa bayong niyang abaka sa tabi ng banig. Nagsulat siya ng maikling talâ para kay Binhi, hinihiling na magkita silang dalawa sa talyer ng datu pagkatpos ng hapunan. Bago siya lumabas ulit, nagsuot siya ng gulanit na talukbong, at isinuksok ang sira niyang kamay sa mga tupi nito para hindi wumawagayway ang kamay at nananakot ng mga tao.

Lumubog na ang araw pagtapak ni Yaya sa labas ng kubo ng mga katulong, at may nakasindi nang mga sulô sa pagitan ng mga bahay. Baon ng mahinahon na hangin ang amoy ng tutong na kanin at tuyong isda, at tinulungan nitong humupa ang makating pakiramdam na may sasakmal sa kanya mula sa mga anino. Lumakad si Yaya patungo sa bahay ni Datu Lunti, na isang malaki at malawak na gusali na gawa sa matibay at tuwid na mga kahoy. Nakaangat ang ilang panig ng gusali, halos kasintaas ang tuktok nila ng mga puno ng sampalok sa paligid. May malawak na hagdanan paakyat sa pasukan ng bahay na tinatakpan ng sampung tabing na gawa sa binurdahang gintong tela. Nagbabantay ang apat na mandirigma roon.

Hindi doon pumasok si Yaya. Sa halip, umikot siya sa gusali at dumaan sa pasukan ng mga katulong lampas sa halamanan sa tabi. Dinaanan niya ang isang kumpol ng mga upo na lumalaylay na sa bigat ng kanilang mga bunga. Inisip ni Yaya nang sandali kung puwedeng gamiting panghampas ng aswang ang mga upong iyon, pero napagtanto niya na tiyak mas mabisa ang sarili niyang brasong bakal. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip niya ngayon.

Lumukso si Yaya sa hagdanan doon at pumasok sa isang pasilyong may mga dingding na yari sa sawali at iniilawan ng mga kandilang pagkit. Pagkatapos niyang tahakin ang ilang mga pasilyo, huminto siya sa tapat ng pintuang binabantayan ng isang mandirigma. Pamilyar kay Yaya ang mahaba't payat na mukha nito, pero hindi pa niya naririnig ang pangalan ng lalaki. Nagtaas ng kilay ang mandirigma sa pagdating niya.

“Hinihintay ko po ang kapatid ko. Kakailanganin namin ang talyer.”

Tumango ang mandirigma. “Bubuksan ko kapag nandito na siya.”

Ngumiti si Yaya at sumandal sa kabilang dingding. Kinupkop ng datu si Binhi pagkamatay ng ama niya dalawang taon na nakalipas. Dahil ang ama ni Binhi ang gumawa kay Yaya at nagsilbing guro niya, napasama din si Yaya sa pagtira sa purok ng datu. Noon, lagi silang halos napapatalsik sa purok ng mga mandirigmang akala'y lumusot sila papasok. Tutal, hindi pangkaraniwang katulong si Binhi. Sa halip, tumutulong siya sa pag-aayos ng mga Pinanday ng datu kapalit ng kanyang pagtira sa purok. Malaki ang pagpapasalamat ni Yaya sa bukas-palad na pagkakátaon na ito na ibinigay sa kanila ng datu. Nabibihasa si Binhi kahit papaano sa mga gawain sa mga Pinanday, habang sinisikap makamit ni Yaya ang mga sariling patibay. Ngayon, alam lahat ng nakatira sa purok – buhat sa mismong gusali ng datu, pati na sa mga kubo sa giliran – kung sino si Binhi. At dahil sa kanya, alam din nila kung sino si Yaya.

Hindi siya naghintay nang matagal kay Binhi. Sa kalaunan, lumitaw ang maliit na dalagita sa pasilyo, tumatalbog-talbog ang nakatali niyang buhok sa bawat hakbang. Hindi gaano maaninag ni Yaya ang mukha ni Binhi. Kumikislap ang liwanag ng mga kandila sa makakapal na salamin ng dalagita. Nakakabit ang mga ito ngayon sa ilang ipit sa buhok niya. Laging nakahahanap si Binhi ng iba't-ibang paraan para mailagay ang mga salamin niya sa mukha.

“Panibagong tapal nanaman, Ate?” tinanong ni Binhi. Sa mahabang pasilyo, manipis ang dating ng kanyang boses. Binuksan ng mandirigma ang pintuan sa talyer paglapit niya, at nagsindi ng ilang kandila.

Tumawa nang marahan si Yaya. “Hindi lang tapal ang kailangan ko.”

Sa bawat dingding ng talyer, may nakasandal na mga salansanang kasintaas ng barakilan ng atip. Puno sila ng mga turnilyo, pako, pamasak, at klabete na iba't-iba ang laki. Sa pinakadulong dingding, may maimis na hilera ng mga kahon na naglalaman ng mga martilyo, pamihit ng turnilyo, bigting, gunting, at iba pang mga kasangkapan na nagpapakinang sa mga mata ni Binhi kapag pumapasok siya rito. Nang pumaloob sila, hinagip sila ng amoy ng bakal at kusot. May tatlong malawak na mesa na nakatalungko sa gitna ng silid. Sa taas ng isa ay buntong ng mga kawayang pahina, dinadaganan ng bato. Sa lahat, may nakakalat na ilang matatalas na pansulat. Mayroon ding nakatiwangwang na abo, ginagamit na pampaitim sa ukit sa kawayan, tiyak nakalimutang ligpitin ng isang burarang tao.

Iniladlad ni Yaya ang talukbong paalis sa mga braso niya. Tumaas ang mga kilay ni Binhi, umabot sa nakapalawit niyang buhok sa noo, pero iyon lang ang nagpahiwatig sa kanyang gulat. Nilakbay ng tingin niya ang sira sa braso't galang-galang ni Yaya, at sa wakas, nauwi sa kamay na nakasabit na lang sa isang kawad. Nagbuntong-hininga si Binhi.

“Tatlong natuklap na bahagi ng panuklob, apat na hiniklas na kawad, dalawang nawawalang turnilyo, dalawang lumuwag na butas... at tiyak marami pang iba. Hay, alam mo ba kung gaano kahirap ayusin lahat nito?” Iwinagayway ni Binhi ang mga kamay sa dako ni Yaya, pero naghintay lang si Yaya ng isang saglit bago nawala ang pagpapakita ng inis ng nakababatang kapatid. Ngumiti si Binhi. “Sa wakas! Tunay akong makakapagsanay ngayon!”

Pag-upo nila sa tabi ng isang mesa, sinuri ni Binhi ang mga bahagi ng panuklob na natuklap. “Kailangan ko tanggalin ang mga tuklap, tapos tapalan ang mga butas. Manipis na bakal lang ang magagamit ko ngayon. Hindi gaanong maganda ang kalalabasan, pero madali lang gawin. Ano ba'ng nangyari sa 'yo? Nakipagbunuan ka ba sa baboy-ramo?”

“Mas gugustuhin ko kung iyan nga ang nangyari.” Napangiwi si Yaya. “Alam kong magtataka ka, pero hindi ko masasabi sa 'yo kung ano ang nangyari sa akin. Tungkol kasi sa bago kong pagsubok. Hindi ko raw puwedeng ipagsabi kung ano'ng gagawin ko.”

Bumilog ang mga mata ni Binhi, at dahil sa kanyang salamin mas lalong lumaki ang dating ng mga ito. “Talaga? Pero mabuti na rin na nabigyan ka ng bagong pagsubok.” Sinulyapan niya ang mandirigma, pero nasa pasilyo na iyon nakatayo, malayo-layo sa pintuan. Kahit na, binabaan pa rin ni Binhi ang boses. “Kahit papaano, masasabi mo ba kung may kinalaman ang pagsubok mo kay Sarang? Nanganganib ka rin ba?”

“Naku, walang kinalaman kay Sarang!” Nagmadaling sumagot si Yaya.

Ilang magkakasunod na di-mapaliwanag na pangyayari ang dinanas ng pinakamatandang Pinanday ng datu. Ang pinakamatindi sa mga ito ay ang pagkawala niya. May lumipas na panahong walang nakaaalam kung saan nagpunta si Sarang, hanggang natagpuan siya ni Yaya labing-limang araw nakaraan. Katawan na lang. Kung papansinin ang tinadtad niyang bakal-loob at nawawalang Ubod ng Diwa, halos hindi makapaniwala si Yaya na iyon nga ang matangkad at matipunong si Sarang na nakikita niya sa purok ng datu. Pero pareho ang mukha niya. Mapayapa at maringal pa rin ang itsura, kahit wala nang liwanag na lumalabas sa awang na gumughit sa kaliwa niyang pisngi.

Kinurap ni Yaya paalis sa isip niya ang larawan ng bangkay. Bangkay. Hinding-hindi niya naisip na gagamitin niya ang salitang iyon para sa isang Pinanday. Maraming tao na hindi pa rin makapaniwala sa natuklasan, at alam ni Yaya na bahagi ng pag-aalala ng iba tungkol sa kamay niya ay nag-uugat sa nakapangingilabot na nangyari kay Sarang.

“Mabuti naman,” sinabi ni Binhi. “Huwag kang gagaya sa kanya, Ate.”

“Pinapangako kong hindi mangyayari iyon,” itinugon ni Yaya. “Hindi naman kasintaas ng kay Sarang ang katayuan ko bilang isang Pinanday. Hindi ako gumagawa ng mahahalagang tungkulin para sa datu. Tulad na lang ng pagsasaulo ng mga ruta sa pangangalakal at mga palatuntunan ng mga manlalako. Maraming dahilan kung bakit may magkakagustong mawala si Sarang, pero sa tingin ko walang kinalaman ang mga iyon sa akin.” Hindi abot ni Yaya ang mga pangkat na dating ginagalawan ni Sarang. Hindi pa lubusang nahahasà ang pag-iisip niya para makialam sa pulitiko o sa pangangalakal.

Kung mapanganib man o hindi ang bago niyang pagsubok, matatasa lang ni Yaya kapag natapos na niyang basahin lahat ng mga kasulatan tungkol sa mga lumipas na pagsisiyasat ng aswang. Pero sa alam ni Yaya, kahit mahirap ipasa ang mga pagsubok para sa patibay ng Kaligtasan at Pahamak, hindi naman hangarin ng mga ito na wasakin ang mga Pinanday. Walang punto iyon.

At ayaw din ni Yaya na maabala si Binhi. “Huwag kang mag-alala s'akin, ha? Patuloy ka lang magsanay sa mga gawaing panday. Iyon lang ang isipin mo, para kapag nakuha ko na ang huli kong patibay, handa ka nang magsimula sa tunay na pag-aaral mo. Malaking bagay din para sa isang bata ang paglipat sa bagong baranggay at makipagkilala sa mga bagong tao.”

Binigyan siya ni Binhi ng isang ngiting may kabalintunaang kurba. “Bata, ha? Alam mong mas matanda ako ng siyam na taon sa 'yo.” Lumang biro na iyon sa kanilang dalawa. Kahit tinatawag ni Binhi na Ate si Yaya, tatlong taon pa lang ang lumilipas buhat nang natapos gawin ng ama nila si Yaya. “At saka hindi naman ako nagagambala. May natutuhan pa nga akong bago ngayon.” Sinuksok niya ang kamay sa lukbot na nakatali sa baywang at hinugot ang isang magaspang at maitim na bato.

“Ubod ng Diwa ba iyan?” tinanong ni Yaya. Napangiti siya, nabibighani. Ginagawa ang Ubod ng Diwa ng mga Pinanday mula sa bukod-tanging bato na inaani mula sa natutulog na Bulkang Nadapa. Sinasabi ng mga tao na ang batong iyon ay biyaya mula kay Kalip, ang bathala ng mga bakal. Isang piraso lang ng ganitong bato at nabibigyang kakayahan ang mga Pinanday na magkamalay. Ito ang nagbubukod sa kanila sa pangkarinawang makina. Napakamahal at napakahirap iani ng mga batong ito, at dahil doon, maraming batas na namamahala sa pamamahagi nito.

“Hindi naman, huwad lang. Ginagamit ito ng mga nag-aaral para magsanay. Tingnang mo.” Kumuha ng mga turnilyo't enggranahe si Binhi mula sa lukbot. Inayos niya ang mga ito sa isang balangkas na nakapalibot sa bato. May karayom na tumutusok sa bato, kumikintab sa liwanag ng mga kandila. Sinusian ni Binhi ang balangkas at nagsimulang umikot ang mga enggranahe. Pagbitaw niya sa susi, gumulong ang mga ito, at may ibinakat na dibuho ang karayom sa balat ng bato. Patuloy ang pag-ikot ng karayom hanggang may bago nang hugis ang bato at nahulog ang mga enggranahe sa panibagong pwesto. Nagsimulang magbakat ang karayom ng panibagong dibuho.

“Ang galing! Ganyan siguro gumagana ang loob ko!” sinabi ni Yaya.

Natawa si Binhi. “Mas kumplikado ka rito. Siguradong mas maganda rin tingnan. Hindi kasi umiilaw itong huwad kapag inuukitan. Pero tama ka rin, parang makikita mo na rin dito kung paano gumana ang mga Pinanday.” Kung paano sila gumalaw, kung paano makiramdam, kung paano matuto, at kung paano mabuhay. Isa silang masalimuot na sayaw ng mga bakal at bato.

“Pumayag na ba ang dayang na pag-aralan mo ang Ubod ng Diwa?” tinanong ni Yaya. Pinapamahalaan ng asawa ni Datu Lunti, si Dayang Dikimi, lahat ng mga gawain ukol sa mga Pinanday, mula sa pagpapanday sa kanila, hanggang sa paghahasa ng kanilang isip at galaw. Si Dayang Dikimi rin ang namumuno sa pag-aaral ng mga kabataang datuhan.

“Hindi pa,” sinagot ni Binhi na may buntong-hininga. “May nagpakita lang s'akin na isang bata pagkatapos niyang pag-aralan.”

Tumango si Yaya. Katulad ng datu, makatarungan at mapagpaubaya ang pamamalakad ni Dayang Dikimi sa kanyang mga tungkulin, pero kailangan din niyang itaguyod ang nararapat na mga patakaran. Kahit mabait ang mag-asawa kay Binhi, hindi nila puwedeng ibigay sa kanya ang mga karapatang nakalaan para sa mga datuhan lang.

At hindi naman dapat umaasa si Binhi sa káwang-gawâ nila. Tungkulin ni Yaya bilang ang tanging natitirang kapamilya ni Binhi na ihanda ang kinabukasan niya. Ang ibang mga Pinanday, tulad ni Sarang, ay ginawa para mag-asikaso ng pangangalakal, o isaulo lahat ng sangkap ng libo't-libong mga pagkain, o maging dalubhasa sa mahirap na balarila ng ilang daang wika. Ngunit hindi ginawa si Yaya para sa bukod-tanging layunin. Siya ay isa lamang bunga ng pagmamahal ng ama niya sa pagpapanday, isang magpapayaman sa buhay nilang mag-anak. Kalimitan, nagiginhawaan siya sa kaalaman na ginawa siya dahil lang gusto siyang mabuhay. Ilang Pinanday ang masasabi na ito rin ang dahilang ginawa sila? Ngunit minsan, nahihiya si Yaya na kaunti na nga lang ang inaasa sa kanya, hindi pa niya magawa.

Sa pamigkis na nakaakibat sa balikat ni Yaya ay apat na binurdang linya na sumasagisag sa mga patibay na nakamit na niya. Pero ang nawawalang panlima ang pinakamabigat niyang nararamdaman.

“Binhi, maglalagi muna ako sa hilagang-kanlurang kapitbahayan sa mga susunod na araw,” ipinaalam ni Yaya. Isa sa pinakamalaking baranggay ang Takatak sa pulo nila, nagsisilbing tahanan ng higit sa pitong-daang pamilya at tatlong-daang manlalakbay. Kailangan igugol ni Yaya lahat ng oras na mayroon siya sa susunod niyang pagsubok, at kakainin lang ng paglalakad paalis at pauwi sa kalagitnaan ng Takatak ang oras na iyon.

“Para sa nililihim mong pagsubok?” Itinago ni Binhi ang huwad na Ubod ng Diwa at ang mga bahagi ng balangkas. “Saan ka tutuloy?”

“Baka payagan akong tumuloy ni Mayaw sa kanila. Doon siya lumipat nang ikasal siya, 'di ba? Ang pagsubok na ito ay...” Nakakatakot. Katakataka. “Hindi pangkaraniwan. Pero sa tingin ko, kung magsisikap ako, makukuha ko na ang patibay ko sa Kaligtasan at Pahamak. At ako na ang magiging karapat-dapat mong tagapaglingap sa wakas. Makakalipat na tayo sa Sagabilang, at matututuhan mo na lahat ng gusto mo tungkol sa Ubod ng Diwa mula sa bago mong guro.”

Sa isang himala, nakatanggap si Binhi ng alok na maturuan ng isang panday na naninirahan sa mas malaking baranggay sa dulo ng ilog. Bilang isang ulila na wala nang ibang kamag-anak na tao, ang malamang na kinabukasan ni Binhi kung wala ang alok na ito ay maging katulong lang ng ibang panday. Sayang din, lalo na't may kakayahan din siyang maging dalubhasang panday. Dating kaibigan ng ama nila ang matandang panday na nag-alok magturo, at binigyan niya sina Yaya at Binhi ng anim na buwan para ayusin ang kalagayan nila at lumipat sa Sagabilang. Kung hindi nila makakaya iyon, ipapasa ang alok sa ibang nararapat na bata. Limang buwan na ang nakalipas.

Pumiksi lang si Binhi sa mga salita niya. “Alam kong magsisikap ka, kasi lagi ka namang nagsisikap. At may kutob akong papasa ka na talaga sa pagsubok mo ngayon. Sabihin na lang nating kutob ng isang panday ito.”

“Mayroon bang kutob na mga panday lang ang nakadarama?”

“Oo naman! Halimbawa, 'pag may hinala akong magtutugma ang dalawang bagay na kakaiba ang hugis, at nagtugma nga talaga! Sa usapang ito, ikaw at ang patibay mo ang mga iyon.”

“Sinasabi mo bang kakaiba ang hugis ko?” biro ni Yaya. “Pero salamat na rin sa paniniwala mo, Binhi.”

Naglibot sa silid ang dalagita, habang kumukuha ng iba't-ibang kasangkapan sa mga kahon. Umupo lang si Yaya sa silya at nilarawan sa isip ang pahina ng kawayan kung saan nakaukit ang impormasyon tungkol kay Digan. Pinag-aralan niya ito, habang sumasayaw-sayaw ang mga anino sa bawat pilantik ng apoy ng mga kandila.


Nakasandal si Yaya sa isang kubo sa kabila ng daan kay Digan. Hindi nalalayo ang tunay na mukha nito sa inukit na larawan niya. Ang noo niya ay makitid at matambok, ang uri na hilig kutyain ng mga taga-gitnang isla. Bandang hilaga, dito sa Takatak, hindi naman sobrang pangit ang ganoong noo. Kung ang mga labi naman niya ang papansinin, na laging nakalikong pababa kahit nagsasalita siya, parang lagi siyang may naamoy na mabaho.

“Taho!” sigaw ni Digan habang lumalakad sa daan sa pagitan ng mga kubo. “Taho, bili na po kayo!” Malalim at magaralgal ang boses niya, pero umaabot pa rin sa buong paligid. Hindi inasahan ito ni Yaya. Inakala niya na magaspang at umuungol ang kanyang maririnig.

Nilapitan si Digan ng mga batang nakakapit sa saya ng mga ina. May hawak-hawak silang maliliit na baso na yari sa kahoy o sa bunot. Nagbibilang ang kanilang mga ina ng butil ng bakal mula sa mga bulsa para pambayad. Pinalibutan nilang lahat si Digan, at ibinaba niya ang dalawang timba sa lupa. Sa isa, nagsalok siya ng maninipis na hiwa ng malambot na tokwa at inilagay sa mga baso. Nakahati ang pangalawang timba sa lalagyan ng sago at ng pulót. Idinagdag ni Digan pareho ito sa tokwa.

Parang malayô siya sa iba. Ni isang beses, hindi siya ngumiti o bumati, at hindi niya tinitingnan ang mga namimilí sa kanya sa mata. Nang inabot ng mga babae ang bayad, sa tiyan o braso nila nakatingin si Digan, hindi sa mukha. Baka mahalagang puna iyon. Higit sa isang daang aswang ang mayroong ugali na tulad niyon sa nabasa ni Yaya. Pero, tiyak may mga tao rin na ganoon, 'di ba?

Binuhat ni Digan ang kawayan kung saan nakabitin ang dalawang timba at inakbay niya ito sa balikat. Tumuloy siya pasulong sa daan, tumatawag ng, “Taho! Bili na po kayo ng taho!”

Tiniyak ni Yaya na lubusang natatakpan ng mahahaba niyang manggas ang mga braso at nalililiman ng talukbong niya ang kanyang mukha. Pagkatpos, doon lang niya sinundan ang nilakaran ni Digan. Iilan lang ang mga Pinanday sa buong Takatak. Sana matulungan siya ng kanyang suot na makaiwas sa pansin ng mga tao. Pinalad si Yaya ngayong umaga, dahil masigla ang lipon sa kapitbahayan na ito. Nagsisidatingan ang mga magsasaká mula sa malalayong bukid para mangalakal, at itong hilagang-kanlurang kapitbahayan ang pinakamalapit sa ilog. Mula dito, didiretso ang mga mangangalakal sa gitna ng baranggay at bibigyan ng alay si Datu Lunti. Dahil sa dami ng manlalakbay, abalang-abala ang mga tindero, manluluto, manhahabi, at mangkakahoy sa pagbati sa kanila at sa paghihikayat na magsibilihan na dito bago pa pumunta sa mas malaking palengke sa sentro.

Sa harap ni Yaya, kung saan mas kaunti ang mga tao, biglang tumigil si Digan sa pagtawag at sumingit sa pagitan ng dalawang kubo. Naging alisto si Yaya, at hinanap niya kung ano ang nakabahala sa magtataho. Karamihan sa mga tao rito ay may pamigkis na binurdahan ng kayumangging linya, ang sagisag ng pangkaraniwang manggagawa sa Takatak. May suot din na ganito si Digan. May isa naman na abuhin ang kulay ng burda, na nagpapahiwatig na isang alila siya. Ang nag-iisang katalonan lang ang masasabing kakaiba rito. Hindi kailangan makita ni Yaya ang kupas na asul na sinulid sa pamigkis niyon. Sa kuwintas pa lang na may palawit na mga ngipin ng buwaya, malalaman na isa iyong makapangyarihang katalonan.

Lumakad si Yaya sa pagitan ng dalawang kubo. Walang iba roon kundi si Digan. May ilan-ilan ding manok na gumigiri sa ilalim ng mga tirahan, na kung nandito lang si Binhi, tiyak sasabihin niyang mayabang maglakad ang mga manok na iyon. Nag-alinlangan si Yaya, hindi alam kung hahabulin pa si Digan, pero huminto ito ng ilang hakbang sa harap niya. Nagbuntong-hininga siya nang malakas at inilapag ang bitbit na mga timba. Napapagod ba siya? Nais ba niyang magpahinga?

Lumingon si Digan sa kanya, at humigpit ang mga bisagra ni Yaya. “Tokwa ito,” sinabi ni Digan. “Kinakain ng mga tao.” Wala sa boses niya kapag nagsasalita ang hataw na matatagpuan sa kanyang pagsigaw, pero parang suntok pa rin ang datíng ng pansin niya kay Yaya. Hindi pa handa si Yaya para makipag-usap. Kahit alam niyang kailangan niyang kausapin ito sa kalaunan, balak lang niyang matiyagan ito ngayong umaga. Pero napansin na siya ni Digan, at ipinaalam din nito na napansin nga, at magmumukha lang siyang kahina-hinala kung aalis siya bigla. Pinilit ni Yaya na kumalma ang katawan at humakbang palapit kay Digan.

Binuksan ni Digan ang mga timba. “Sariwang tokwa ito. Maraming uri ng tokwa, at malambot at madulas ang ginagamit ko. Sago naman ang maliliit na butil na ito. Mala-goma sila 'pag nginuya at wala gaanong lasa. Matamis naman itong pulót. Magdadala ka ng tasa, pupunuan ko, at babayaran mo ako ayon sa laki ng tasa.”

Kumurap si Yaya. Iniisip ba ni Digan na hindi pa niya natututuhan kung ano ang taho at kung paano bilhin ito?

Bumaba ang tingin ni Digan sa pamigkis ni Yaya, para bang nakutuban ang kanyang iniisip. Nawala sa pagkatago sa talukbong ni Yaya ang mga sinulid na nagsasagisag sa mga patibay na nakamit na niya. Dilaw para sa kakayahan niyang kilalanin ang mga nakikita, maitim na pula para sa pagbibilang, itim para sa pangangatwiran, at lunti para sa pang-unawa ng mga kagawiang panlipunan. Kumitid ang mga mata ni Digan doon sa huli, at mas kumurba pababa ang mga labi niya. “Kung gusto mong bumili ng taho para sa isang kamag-anak mong tao, bakit hindi mo ako tinawang doon pa sa pwesto ng nagbebenta ng niyog?”

Mukhang napansin ni Digan ang pagsunod ni Yaya sa umpisa pa lang. Ngunit napansin ba niya dahil hindi mabisa ang pagkukubli't pag-iingat ni Yaya, o dahil may pambihirang pandamdam si Digan? May matatalas na pandama ang mga aswang na hindi kayang matapatan ng mga tao. O baka naman isa lang siyang mapagmasid na lalaki.

Bago pa masuri ni Yaya lahat ng mga posibilidad, kumurok nang malakas ang mga manok sa likuran nila. Pumasok ang katalonang natanaw ni Yaya sa daan kanina dito sa makitid na pagitan ng dalawang kubo. Hinatak ni Digan ang mahabang kawayan at inilagay sa mga balikat. Tumakbo siya sa kabilang dulo ng daan, tumatalbog ang nakataling buhok sa likod. Lumiko siya sa likuran ng ibang kumpulan ng mga kubo.

Kumurap uli si Yaya. Mukhang sa katalonan nga nababahala si Digan. Huh.

Lumapit ang katalonan, habang binibigyan ng mausisang tingin ang paglisan ni Digan. Tapos, lumingon ang maamong mukha ng babae kay Yaya. “Nawawala ka ba, anak? Kailangan mo ba ng tulong makabalik sa mga kamag-anak mo?”

“Salamat, pero hindi po. Kaya ko pong umuwi nang mag-isa.” Sinalamin ni Yaya ang ngiti ng katalonan at lumabas sa mas malawak na daan.

Bakit tumakas si Digan sa katalonan? Kahit sabihin na aswang siya, hindi naman agad malalaman ng katalonan iyon hangga't hindi nagaganap ang isang seremonya ng paglilinaw. Isa itong mahirap na gawain na tumatagal din ng ilang araw para lang matiyak kung ang kaluluwa sa loob ng isang nilalang ay pang-tao o pang-aswang. At ayon sa mga kaso na pinag-aralan ni Yaya, sinisikap ng mga aswang na maging mapanatag sa paligid ng mga katalonan para hindi sila paghinalaan agad. Sa tatlong kaso lang dati naging tandâ ang mábalisáng pagtakas ng aswang mula sa mga katalonan.

Umiling si Yaya. Maaaring may tampuhan lang sina Digan at ang katalonan na ito. Baka nabigyan niya ang babae ng sirang taho. Baka nabigyan siya ng katalonan ng sirang gamot.

Ito ang alam ni Yaya sa ngayon. Maayos magtrabaho si Digan at mapagmasid siyang lalaki. Malayô siya sa ibang mga taga-nayon, at pipilitin niya na hindi sila magkita ng mga hindi niya kasundo. Ngunit wala sa mga ito ang makatutulong kay Yaya sa pagsubok niya. Masasabi niya rin halos lahat ng mga puna na ito tungkol kay Luwan. Kilala itong pambayang lingkod bilang mahiyain sa mga kasamahan, at minsan ay sumusungit at umiinit ang ulo kapag hindi natutupad ang gusto. Pero wala namang dahilan na paghinalaan siyang aswang.