Pagkilala
Kahit isang maiksing kuwento lang ang Pinanday at ilang buwan lang ang ginugol ko sa pagsulat nito, marami pa ring tao na kasama sa paggawa sa kuwentong ito. Lagi akong nagpapasalamat sa mga magulang ko, sa walang-tigil nilang pagsuporta sa libangan kong ito. Hindi madaling maglaan ng oras sa pagsusulat at pagguguhit lalo na't ang trabaho ko ay nasa ibang industriya. Masuwerte ako na may mga magulang ako na tumutulong magbigay s'akin ng pamumuhay kung saan nakakapagsulat at nakakapagguhit ako sa gabi at sa weekend. Salamat sa magagandang sinasabi nila, nananatiling isang malikhain at magaang gawain s'akin ang pagsusulat, wala ang stress na alam ko ay malimit nararamdaman sa pagbuo ng kuwento.
Maraming salamat kay Fiona McLaren, ang editor ko, sa lahat ng mabuting feedback. Kinakabahan ako dati sa kakayahan kong isulat ang ganitong konsepto, pero salamat sa kanya, gumaan ang loob ko at tinulungan niya akong linisin pa ang kuwento ko. Medyo marami din ang naiba sa huling bersyon na ito sa nauna, at kung pakiramdam niyo ay matibay at makatuwiran ang mga pangyayari sa kuwentong ito, si Fiona ang dapat pasalamatan diyan.
Nais ko ring bigyang pagkilala ang mga beta readers ko na si Julz Riddle at Lia T.! Napakahalaga at matulungin ang mga feedback nila tungkol sa characters at world-building ko. Minsan kapag nagsusulat ako, sa tingin ko alam na alam ko na ang isang character o ang mundo o kung paano naghahalo ang dalawang ito, pero kapag nagsimula na ako makatanggap ng mga mahulugang tanong mula sa beta readers, doon ko napapagtanto na puwede pa akong sumisid ng malalim. Kung pakiramdam niyong naninirahan si Yaya sa isang masaganang baranggay, kung hindi lang parang pangalan sina Binhi at Luwan, at kung ramdam niyo ang suliranin ng mga aswang, sina Julz at Lia ang dapat niyong pasalamatan.
Nagpapasalamat din ako kay Myta Santiago, ang nag-copy-edit ng Tagalog na bersyon nito. Pangatlong beses ko na nakatrabaho ngayon si Myta. Mahirap maghanap ng editor para sa Tagalog, kaya napakasuwerte ko na nabibigyan niya ako ng oras.
Anumang kakulangan sa kuwento, sa konsepto man o sa pagsasagawa rito, ay nakasandal lamang sa akin. Tanging mabubuti lang ang masasabi ko sa ibang tumulong sa proyektong ito.
Salamat sa lahat ng nag-alok na mag-beta-read sa Tumblr, o sa mga tumulong magpaglaganap ng mga post ko, or sa mga nagsulat ng magagandang komento o tags sa mga post ko tungkol sa Metalmade. Nakatataba ng puso na makitang sinusuportahan niyo ang kuwentong ito. Maraming salamat sa matagal ko ng mga kaibigan online, sina Maryetta at Lia, sa lahat ng pagganyak na ginawa nila noong una pa lang akong nag-post ng ideyang ito sa blog ko.
At sa wakas, salamat sa inyo na nagbabasa. Sana natuwa kayong makasama sina Yaya at Digan kahit sandali.
Nakuha ko ang inspirasyon para sa mundo ng Pinanday mula sa sinaunang kalinangan ng mga Tagalog. Halos lahat ng impormasyon na tumulong s'aking buuin ang lipunan ng Takatak ay nakuha ko sa librong Baranggay ni William Henry Scott. Gayon man, hindi nagaganap ang kuwento sa isang tunay na lugar na maituturo ko sa mapa. Sa halip, ang mundong ito ay isang kathang-isip lang na hinugot ko mula sa kalinangan na nagbigay inspirasyon s'akin. Isa itong mundo na mayroong mahihiwagang bato, at mga aswang, at isang mahusay na klase ng pagpapanday.
Malawak ang saklaw ng salitang "aswang" sa Pilipinas. Maraming nilalang na may iba't-ibang kakayahan na puwedeng sabihing isang aswang. Sa libro ni Maximo D. Ramos na The Creatures of Philippine Lower Mythology, nakalista ang napakaraming katangian na inilalaan natin sa aswang, at nag-iiba ang mga ito depende sa lugar. Pumili akong ng ilan-ilang katangian para mailarawan ko ang aswang dito sa kuwento na kahawig ng konsepto natin sa aswang, pero hindi sumosobra para sa isang maiksing salaysay lang.
Sa sinaunang tradisyon, pinapaniwalaan ng mga tao na kayang makipag-usap ng mga katalonan sa mga kaluluwa, maging kaluluwa ng mga pumanaw, kaluluwa sa kalikasan, at pati na rin ang masasamang kaluluwa. Ngunit ang konsepto ng "seremonya ng paglilinaw" ay isang kathang-isip ko lang. Kung may totoo nga na ganitong proseso noon, o kahit pa ngayon sa mga kasalukuyang katalonan at babaylan, hindi ko sinasadyang gayahin. Isa pang kakayahan na mayroon ang katalonan sa kuwentong ito ay ang abilidad na maramdaman ang diin ng mga kaluluwa sa paligid nila. Isa lang itong bahagi ng pagbuo ko ng mundo ng kuwento, at ulit, kung mayroon mang ganitong kakayahan ang mga kasalukuyang katalonan, hindi ko rin sinasadyang gayahin. Sa mga nauusisa sa totoong gawain ng mga katalonan o babaylan, hinihikayat ko kayong magtanong sa kanila o magsaliksik.