Kabanata 2
Mata
Hindi nagtagal pagkalampas ng hating-gabi nang inalis ni Yaya ang manipis na kumot niya at bumangon mula sa banig. Kalimitan, sa gabi naglilibot ang mga aswang, naghahanap ng madaling mabibiktima. Hindi inaasahan ni Yaya na matatagpuan na lang niyang may inaatake si Digan, pero mabuti na rin kung matitiyak niya na nasa bahay nga ang lalaki ng ganitong oras.
Pumayag ang kaibigan niyang si Mayaw na tumuloy siya sa bahay nito ng ilang araw habang naglalagi siya sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan. Naghanda si Mayaw at ang asawa niya ng matutulugan ni Yaya sa isang sulok ng kanilang salas. Natutulog na ang mag-asawa, at ayaw gisingin ni Yaya para magpaalam. Siguro ayos lang naman kung aalis siya kahit hindi magsabi, lalo na kung makakabalik siya bago sila gumising. Pero parang hindi rin magandang labas-masok siya, na parang isang nangungupa sa bahay nila. Hindi niya babayaran nang ganoon ang kabutihan na ipinakita nila. Naghanap si Yaya ng isang pilas ng kawayang pahina galing sa bayong niya. Hindi kayang magbasa ni Mayaw, at hindi siguardo si Yaya kung nakababasa rin ang asawa niya, kaya imbis na magsulat, sinikap niyang gumuhit ng simpleng hugis ng isang Pinanday, at sa tabi nito, ang maalon na dibuho ng patibay ng Kaligtasan at Pahamak. Maiintindihan na siguro nila diyan na may ginagawa siya ukol sa pagsubok niya.
Maginhawa at malamig ang hangin sa labas at báon nito ang amoy ng ilog. Kahit walang nakasinding mga sulô rito – hindi tulad sa gitnang kapit-bahayan ng Takatak na may mga sulô na umaapoy magdamag – binabalutan ng mahinahong pilak na liwanag ng buwan ang paligid. Nakalabas rin ang mga talà, at hindi nahirapan si Yaya na magpasikut-sikot sa mga daanan. Kapag siya na ang talagang tagapaglingap ni Binhi, maglalakad-lakad sila sa gabi. Siguradong gagamitin ng batang iyon ang kanyang 'kutob ng panday' para maghanap ng kakaibang hugis sa mga talà.
Naglakad si Yaya sa daan patungo sa dulo ng kapit-bahayan kung saan nakatayo ang kubo ni Digan. Habang naglalakad siya, may nilampasan siyang isang mananalaysay, nagkukuwento ng isang pabula para aliwin ang ilang mga nag-iinuman. Kalimitan, nakakatakot ang mga kinukuwento sa gabi. Kaya kalimitan, tungkol sa aswang ang mga kuwentong ito. Hindi alam ni Yaya kung nagyayabang ba o hindi lang nag-iisip ang mga sumasálo sa mga pulong tulad nito. Lalo na't kung iisipin ang malubhang daluhong ng mga aswang apat na taon nakaraan. May tatlong lasing na tao na naggala sa labas ng Takatak sa gabi, at sinalakay sila ng mga aswang. Higit pa raw sa lima, sabi ng mga tao, ayon sa iba't-ibang itsura ng mga tusok na nakita sa katawan nila. Natagpuan na lang sila na walang malay sa may banâ. Hindi nahuli ang mga umatake sa kanila.
Lumalakas ang pagsiyap ng mga kuliglig habang dumadalang ang mga kubo sa paligid ni Yaya. Umalingawngaw ang paghuni ng isang kuwago sa malayo. Mayroon mga nagsasabi na maririnig ang isang aswang sa kanyang ingay na parang ibon na tumutuka sa kahoy. Pero walang nakatitiyak, at wala naman nakalagay sa mga kasulatan na binasa ni Yaya na may tunog na magbibigay babala sa kanya. Sa ngayon, ang tanging hayop na inuugnay sa mga aswang ay ang Itim na Sisiw, ngunit ayon sa ama ni Yaya na nagturo sa kanya ng iba't-ibang ibon sa Takatak, hindi talaga ibon ang mga Itim na Sisiw. Hindi sila kumakain ng mga uod o palay. Hindi sila kailanman nakalilipad. Tinatawag lang silang ibon dahil mukha silang ganito. Pero mas tama kung tatawagin silang parasito na nanánanáhan sa tiyan nitong mga malalagim na nilalang. Kapalit ng pagbigay ng mga sisiw sa mga aswang ng kakayahang magbagong anyo at iba pang kagila-gilalas na husay, kinakain ng mga Sisiw ang singaw ng kamatayan na lumalabas kapag sinisipsip ng mga aswang ang dugo ng kanilang biktima.
Malayo-layo nga ang kubo ni Digan sa pinakahuling bahay na masasabing bahagi pa ng kapit-bahayan. Nang napansin ni Yaya ang kubo, wala nang ibang tirahan na masusulyap sa paligid ng kapatagan. At alam niyang kay Digan iyon, kasi nakalantad sa batalan sa likod ng kubo ang mga timba na ginagamit niya sa pagtataho, kasama ng iba pang mga lutuan. Hindi gaanong maayos ang pagkagawa sa kubo. Nakahilig ang habi ng kawayan, lawlaw ang atip sa bubong, at balikuko ang mga haliging nakabaon sa lupa. Kung hindi pa bihasa si Yaya sa pagkilala ng mga bagay, iisipin niya na isa itong dambuhalang kulisap na mabuhok at may pilay.
Matatagpuan kaya niya sa loob si Digan, natutulog? Paano naman kung wala siya?
Nilangisan nang mabuti ni Yaya ang mga bisagra niya kaninang gabi. Mayroon ding makitid na hawì sa damuhan papunta sa kubo. Tumiyad siya patungo sa mala-kulisap na tahanan. Napakaliit ng kubong ito na tiyak may isang silid lang sa loob. Hindi kataasan ang sahig, at nagawa niyang abutin ang bintana sa pamamagitan ng pagtayo sa ilang mga nakakalat na bato malapit sa dingding.
Madilim ang silid sa loob at kaunti ang nilalaman. Sa ilalim ng bintana may isang mesang kahoy na may garapong luwad at bilaong walang laman. Manipis at balu-baluktot ang mga kawayan sa sahig, malalawak ang pawang sa mga pagitan nila. May nakasandal na isang papag sa kabilang pader, walang laman maliban sa isang gusot na kumot.
Wala rito si Digan.
Bumaba si Yaya mula sa malaking bato. Bumibilis ang pag-ikot ng mga enggranahe niya. Kung aswang nga si Digan at binubusog niya ang sarili ngayon, siguradong mayroong magigising bukas ng umaga na may mga durò sa katawan. Dadalaw si Yaya bukas sa bahay-gamutan at magtatanong kung may dumalaw na may kalagayang ganoon. Sana lang mapansin agad ng biktima ang sugat at magpasya na magpagamot. Sa isang ulat na binasa ni Yaya, nagawang pagsipsipan ng isang napakaingat na aswang ang isang matandang lalaki nang limang buwan bago nahuli ito. Masyadong matanda, at tadtad rin ng bulutong, ang lalaki kaya hindi nito napansin agad ang mga sugat.
Pero pinangungunahan ni Yaya ang sarili. Maaaring tao pa rin si Digan. Baka nagbabasâ lang iyon sa ilog. O baka nakikipag-inuman. Sinabi ng ulat ni Luwan na walang kaibigan si Digan, pero baka nagkaroon siya kamakailan lang. Baka kasintahan pa. Kahit ganoon ang mukha niya, may pag-asa pa rin naman siya.
Umikot si Yaya, handa nang bumalik sa bahay ni Mayaw, nang may napansin siya sa gilid ng tanaw. May biglang yumukod sa damuhan, pero dahil manipis at maikli lang ang mga damo rito, naaaninag pa rin ang lalaki sa pagitan ng mga hibla. Alam na napansin na siya, tumayo ito. Si Digan.
Pumulso ang liwanag mula sa mukha ni Yaya nang sandali. Pinilit niya ang sarili na ngumiti, kahit napahawak siya nang mahigpit sa pamigkis. Hindi niya alam ang gagawin, pero mas kakabahan pa siya siguro kung hindi lang sinubukan ni Digan na magtago. Dahil nahuli niya ito, pakiramdam niya na mas pantay ang katayuan nila ngayon.
“Bakit ka narito?” bantulot ang pagtanong ni Digan habang lumalapit kay Yaya. Maingat ang mga hakbang niya, at kumikiling palayo ang katawan na parang naghahanda siyang kumarimot. “Bakit mo ako sinusundan?”
“Hindi,” nagsinungaling si Yaya. “Hindi ko alam na dito ka nakatira. May maluwag na turnilyo ang galang-galang ko, at akala ko may puwedeng tumulong sa'kin dito.” Kung tutuusin, hindi sinungaling ang isang bahagi ng sagot niya. May turnilyo nga sa galang-galang niya na lumuluwag paminsan-minsan. Sabi ni Binhi ganoon talaga ang mangyayari hangga't hindi napapaltan nang lubusan ang balot ng kamay niya.
Minata ni Yaya ang anyo ni Digan. Tinuunan niya ng pansin ang pababang liko ng mga labi nito, ang pudpod na babà, at ang gusot na damit. Wala siyang naaaninag na dugo.
Halos nagsasalubong ang makakapal na kilay ni Digan. “Pumunta ka rito nang mag-isa dahil lang sa turnilyo?” Iwinagayway niya ang mga kamay. Lumakas ang pagsiyap ng mga kuliglig, para bang dinidiin ang ibig sabihin ni Digan.
“Bumabalik ako galing sa ilog.” Kung nagmula si Yaya sa kabilang dako, mas titibay ang kasinungalingan niya na hindi niya alam na bahay ni Digan ito. Sa dakong iyon, hindi niya makikita ang batalan ng kubo. “May nagpahatid sa aking manlalakbay doon para maabutan niya ang isang pang-gabi na bangka. Naawa ako sa kanya, dahil walang ibang gustong lumakad ngayong hating-gabi nang ganoong kalayo. Kaya sumang-ayon ako.”
Umaasa si Yaya na sana pansinin ni Digan ang parinig niya tungkol sa paglalakbay sa hating-gabi. Pero hindi nagpaliwanag si Digan kung bakit siya nasa labas rin ng ganitong oras. Nanatiling nakataob ang bibig niya sa panghihinala kay Yaya. Ngunit hindi alam ni Yaya kung ito ay dahil may nililihim nga si Digan o dahil ayaw nitong may naniniktik sa tahanan niya. O dahil baka talagang katakataka para sa mga pangkaraniwang tao na may sumusulpot na Pinanday sa tabi ng kubo nila sa kalagitnaan ng gabi. Baka totoo namang nakakabahala iyon.
“Patawad,” sinabi ni Yaya, nais mapawi ang igting sa pagitan nila at umalis na lang nang walang samaan ng loob. Ayaw rin naman niyang mairita si Digan nang sobra sa kanya, at baka umiwas sa kanya tuwing nasa paligid siya. Parang lagi siyang pumapalpak kapag nakikipag-usap siya kay Digan. Mas mabuti siguro kung putulin na niya ito ngayon at pag-isipan nang maayos kung paano siya makikipag-usap kay Digan sa susunod na pagkakataon. “Alam kong nakakapagtaka ang hiling ko, at hindi mo naman ako kailangan tulungan. Maghahanap na lang ako ng iba.”
Tumungó si Yaya at lumakad lampas kay Digan. Nalanghap niya ang simoy ng damo at ng gabi, at isang masangsang at matamis na amoy na hindi niya kasalukuyan matukoy kung saan galing.
“Teka lang,” sinabi ni Digan. Nag-alinlangan ang lalaki, tapos kumurap na lang, at humilata ang mga balikat na parang sumusuko na. “Ayos lang, káya kong higpitan ang turnilyo mo.” Kumaway siya sa dako ng kubo at lumakad papunta sa hagdanan sa harap.
Si Yaya naman ngayon ang nag-atubili. Wala ngang masisipsip ang aswang sa mga Pinanday, pero isang katibayan na ang kamay niya na káya pa rin nilang magdulot ng panganib sa isang tulad ni Yaya. At kahit hindi aswang si Digan, posible pa rin na isa itong mapanganib na tao na nais kalasin ang katawan ni Yaya, tulad ng nangyari kay Sarang.
Hindi niya talaga napag-isipan nang maayos ito. Kaya siguro lagi siyang bumabagsak sa mga pagsubok niya para sa patibay ng Kaligtasan at Pahamak.
“Patawad kung nagsungit ako,” sinabi ni Digan. Mas mahinhin na ang boses niya ngayon. Nakatuon siya sa rehas sa pinakatuktok na palapag ng hagdanan. Nakataas ang mga balikat niya sa may tainga, parang nahihiya. Nawala na ang simangot sa mukha niya. “Ayos lang na tulungan kita, kung gusto mo pa rin na magpatulong sa 'kin.”
Hay, ngayong si Digan na ang humingi ng patawad, si Yaya ang magmumukhang walang-katwiran kung hindi siya tutuloy. Baka maghinala na lang uli si Digan. Walang ibang magagawa si Yaya. Isa rin itong pagkakataon para magsimula ng mas malalilm na usapan, at hindi rin maganda kung pababayaan na lang niya. Kung manganganib siya, kailangan na lang niyang magtiwala sa sarili na makahahanap siya ng paraang makawala.
Umakyat si Yaya sa hagdan, at hinugasan ang mga paa niya ng tubig mula sa luwad na palayok doon. Nang pumasok siya, itinuro ni Digan ang sahig, at doon umupo si Yaya. Nagkalkal si Digan sa isang salansanang malapit sa pinto, kasimbaluktot ng lahat ng nasa kubo. Tapos umupo ito sa tabi ni Yaya, may hawak na pamihit. Inangat ni Digan ang kamay ni Yaya at sinuri ang galang-galang niya sa liwanag ng buwan na pumapasok sa bintana. Dinutdot ni Digan ang turnilyo, at kumalansing ito.
“Masyado ka bang naaabala dito?” tinanong ni Digan. Makitid ang mga mata niya, pero parang hindi dahil naghihinala, kundi nauusisa. Tumango si Yaya. Naglakbay ang tingin ni Digan sa kabuuan niya, pinag-aaralan ang madilim na pawang sa kanyang mukha, ang magkakasalabid na bakal sa kanyang leeg, at ang mas maputing tapal sa mga bahagi ng kamay niya na napunit ng aswang. “Pangkarinwang Pinanday ka ba?”
Hindi inaasahan ni Yaya ang tanong na iyon. Kung ang tinutukoy ni Digan ay mga katangian niya, edi oo, pangkaraniwan siya. Lalo na kung ihahambing siya sa mga tulad ni Hamok, isa sa mga Pinanday ng datu na may diyamante sa loob ng mga braso't binti. Pero kung ang tinatanong ni Digan ay kung ginawa siya para sa mga pangkaraniwang layunin – pangangalakal, pamumulitiko, pandirigma – ibang-iba ang sagot doon.
“Pasensya na, ikaw kasi ang unang Pinanday na nakita ko nang malapitan,” ipinaliwanag ni Digan. May kabuluhan din iyon. Dahil ang mga datuhan o mayayamang mangangalakal lang ang kayang magkaroon ng Pinanday, malabo nga na makihalubilo si Digan sa kanila. “Ibig kong sabihin, halimbawa, pare-pareho lang ba kayong may ganitong biyas?” Itinuro niya ang galang-galang ni Yaya.
“Ah, oo. Sa tingin ko. May isang balangkas na ginagamit para sa aming lahat, pero 'yung iba, binabago nang kaunti para mas bumilis o tumibay sila.” Ikaw, isang pangkaraniwang tao ka ba? Sayang lang, hindi maitatanong ni Yaya iyon.
“Isang balangkas? Ganoon pala,” bulong ni Digan, habang hinihigpitan nang todo ang turnilyo. “Naiintindihan ko na wala ka pang patibay sa Kaligtasan at Pahamak, pero nakuha mo na ang sa Kagawiang Panlipunan. Ba't ka pa naniniktik sa bahay ng mga 'di mo kilala para lang sa turnilyo mo?”
“Tama ka,” tinugon ni Yaya. “At hindi ko naman sinasadya. Kumatok ako at walang sumagot, kaya sumilip ako para tingnan kung may nakatira nga dito.”
Pinansin na sa wakas ni Digan ang pagpaparinig niya, at nagbuntong-hininga. “Nag-aani ako kanina ng dahon ng pandan para sa pulót, kung kailangan mo talaga malaman ang pinagkakaabalahan ko. Maghahanda na ako ng taho.”
“Ganitong kaaga?” Madaling-araw pa lang.
“Aba, matagal gawin ang taho.”
Hindi alam ni Yaya kung anong dahilan ang akala niyang sasabihin ni Digan, pero parang napakapangkaraniwan nito. Ngunit masisisi ba niya na kailangan gumawa ng taho ang isang magtataho?
Tinitigan siya ni Digan, tahimik at mapagmuni-muni. Matagal siyang tinititigan, na kung Pinanday lang si Digan, aakalain ni Yaya na nahihirapan siya na magproseso ng mga pangyayari. Sa wakas, tinanong ni Digan, “Gusto mo bang makita kung paano niluluto ang taho?”
Tumaas ang mga kilay ni Yaya. “Papayagan mo akong manood?”
Tumayo si Digan at nag-inat. “Ba't hindi? Napakasimple ng taho ko. Sinumang gustong magsimula na gumawa ng taho, ganito rin ang unang gagawin nila.”
Bakit yayayaain ni Digan ang isang Pinanday na hindi naman niya gaanong kilala na panoorin siyang magluto? Ngayong wala naman siyang hilig makisalo sa iba? Siguradong hindi makikisama nang matagal ang isang aswang sa mga hindi kakilala, lalo na kung mapipigilan naman nilang mangyari ito. Ngunit paano kung isang tao si Digan? Tiyak maraming dahilan kung bakit maghahanap siya ng makakasama. Malay ni Yaya, baka nangungulila na tao si Digan; baka sinusubkan na niyang makipagkaibigan.
Nagbunga sa isip ni Yaya ang imahe ng numiningning na nilad na sinulid na nakaburda sa pamigkis niya. Dumiin sa kanyang Ubod ng Diwa ang matinding pag-aasam. Nandito na siya, at nasimulan na niya ang usapan. Hindi ba mas maganda kung ituloy na niya, kahit mapapangunahan niya ang balak niyang plano? “Sige,” sinabi niya.
Umangat ang mga sulok ng labi ni Digan hanggang nagkaroon ang mukha niya ng isang nagmimistulang ngiti. “Mabuti naman!” Mas kapansin-pansin pa ang sabik sa boses niya kaysa sa ngiti niya na umuuga-uga. May hinala si Yaya na hindi ito gaanong sanay ngumiti. “Ako nga pala si Digan.”
“Ako si Yaya.”
Nang handa na ang tokwa at ang mga ihahalo rito, sinamahan ni Yaya si Digan nang umagang iyon sa paglibot sa kapit-bahayan. Bago pa lang lumitaw ang isang piranggot ng araw sa abot-tanaw, marami ng bumabangon na tao. Masarap ialmusal ang taho, at hindi nagtagal bago marami ng tumatawag o lumalapit kina Yaya at Digan.
“Siguradong gusto mo akong samahan?” tinanong ni Digan. “Mga tanghali lang tayo matatapos. Baka naghihintay ang mga kamag-anak mo sa'yo sa bahay.”
“Ayos lang. Tumutuloy ang nag-iisa kong kamag-anak kina Datu Lunti,” sinagot ni Yaya. Walang saysay na magsinungaling siya tungkol sa pamilya niya. Maaaring makilala ni Digan si Mayaw, o ang asawa nito, o sinumang nakapunta na sa kalagitnaan ng Takatak at pamilyar kay Yaya. Kaya ipinaliwanag niya kay Digan kung bakit nasa purok ng datu si Binhi.
Umangat ang mga kilay ni Digan, halos abot sa anit. “Ah...” naghanap siya ng masasabi habang inaayos ang pagkalapat ng kawayan sa mga balikat. “Napakasuwerte naman niya,” ang tanging nasabi niya.
Pangkaraniwan na reaksyon iyon ng mga hindi alam kung sino ang gumawa kay Yaya. Tutal, hindi pinapayagan kung sino-sino lang na manirahan sa purok ng datu, kahit pa mababà man ang tungkulin. “Tinulungan ng ama ko na buuin si Wikain, ang nagsasalin ng wika para sa datu. Mataas-taas din ang tingin ni Datu Lunti sa kakayahan ng ama ko dati.”
Napasipol si Digan, parang humahanga rin. “Hindi ko alam iyon.”
Hinanda ni Yaya ang sarili para sa tanong na laging sumusunod sa kaalamang ito. Kung napakahusay ng ama niya, bakit halos wala siyang naipamana kay Binhi? Ngunit kahit man kumikita nang maayos dati ang panday para sa anak at pumanaw na asawa, ginugol din nito halos lahat ng pera panggamot ng sariling sakit. Noong napagtanto ng ama niya na hindi na tatagal ang sariling buhay, doon niya ginastos ang huling ipon para buuin si Yaya. Hindi alam ni Yaya kung ano ang dapat niyang maramdaman dito. Totoo na naging maligaya at magiliw ang isang taon na nakapiling niya ang kanyang ama, pero hindi nito kayang tapatan ang sampung taon na dinanas ni Binhi kasama ang ama. Mas nahirapan pa si Yaya sa pagsaksi sa lungkot ni Binhi kaysa sa pag-atupag sa sarili niyang lungkot. Minsan tinatanong ni Yaya sa sarili kung mas mabuti pa na ginastos na lang ng ama nila ang pera para nga sa gamot.
Ngunit hindi na nagtanong si Digan tungkol sa pamilya niya. “Sino na ang nagtuturo sa iyo kung wala na ang ama mo? Sigurado hindi si Binhi.”
“Siyempre naman! Labag sa batas 'yon.” Napatawa nang mahina si Yaya, nagpapasalamat ituon ang pansin ulit sa kasalukuyang gawain. Ang kadalasang nagtuturo sa mga Pinanday ay ang mga matatanda sa pamilya na nagmamay-ari sa kanila, lalo na ang mga dalubhasa sa mga kakayahan na kailangan matutuhan at sanayin din ng mga Pinanday. Dahil wala si Yaya na bukod-tanging layunin, tinuruan lang siya ng mga saligang kakayahan ng ama niya. Natuto rin si Yaya ng ibang mga gawaing-bahay, na ipinagmamalaki niya dahil lang hindi alam gawin ng ibang Pinanday. “Binibigyan ako ng mga pagsubok ng mga pambayang lingkod ng datu para ihasa pa ang kakayahan ko. Kung papasa ako, ibibigay nila s'akin ang patibay para sa kakayahang 'yon.”
Isang pangkat ng mabababang lingkod ng datu ang nag-aatupag sa maliliit na gawain sa baranggay, tulad ng pagpapaayos ng mga nasirang bahay, paghuhupa ng walang-kabuluhang pagtatalo, o pagtuturo sa isang naulilang Pinanday. Nagtataka nga si Yaya kung bakit siya nabigyan ng pagsubok tungkol sa aswang. Kalimitan ang mas nakakataas na mga lingkod at mahuhusay na espiya ang nagsisiyasat sa mga ganoon. Pero sinabi sa kanya ni Luwan na abalang-abala ang karamihan sa kanila sa paglulutas sa nangyari kay Sarang.
Dinala ni Digan si Yaya sa isang malawak na daan na nililinyahan ng mga mangangalakal. Naghahanda sila ng mga paninda sa tapat ng sari-sariling bahay para sa araw na iyon. May nag-aayos ng mga kakanin na nakabalot sa dahon ng saging sa taas ng kanilang kariton. Mayroong ilang babae na may matitipunong braso na nagtatambak ng mga pampalasa at damong-gamot sa kanilang mesa. Napansin din ni Yaya ang pwesto ng nagbebenta ng niyog kung saan niya sinimulan na sundan si Digan nang nakalipas na araw. At tulad kahapon, sumigaw dito si Digan, “Taho! Masarap na taho! Bili na po!”
Huminto ang ibang mangangalakal sa mga ginagawa at lumapit kay Digan, may hawak-hawak na baso o mangkok. May isa pa nga na malaking palayok ang bitbit. Ibinaba ni Digan ang mga timba sa lupa, at inumpisahan niyang bigyan ng taho ang mga namimili. Tulad kahapon, hindi niya sila tinitingnan sa mga mata. Pero imbis na sa mga braso o tiyan itinuon ni Digan ang titig, tumingin siya kay Yaya at ipinagpatuloy ang kanilang usapan.
“Ilang Pinanday mayroon si Datu Lunti ngayon?” tinanong ni Digan sa gitna ng bulahaw ng mga tao sa paligid.
“Apat, pero gumagawa sila ng panibago.”
“Bakit hindi na lang nila kopyahin ang Ubod ng Diwa ng mga naturuan nang Pinanday sa Ubod ng Diwa mo?”
Umikot ang mga enggranahe in Yaya, sinisikap unawain ang sinasabi ni Digan. Ngunit kahit alam niya ang ibig sabahin ng bawat salita, hindi niya maintindihan ang tanong. “Anong ibig mong sabihin sa 'kopyahin'?”
Ibinalik ni Digan ang malaking palayok pagkatapos punuan ito ng taho, at nagpalitan sila ng pera ng mamang nagdala nito. “Hindi ba may mga ukit ang Ubod ng Diwa na naglalaman ng kakayahan niyo? Bakit hindi na lang kopyahin ng isang panday ang bahagi ng isang Ubod ng Diwa sa panibagong Ubod? Sa ganoon, hindi na matatagalan ang pagtuturo sa mga bagong Pinanday.”
Hindi alam ni Yaya kung tatawa o mangungutya. Nagbibiro yata si Digan. “Paano malalman ng panday – o sinuman – kung anong ukit ang nagsasagisag sa anong kakayahan? Para mo nang sinabi na bubuksan ng isang manggagamot ang ulo ng isang tao at huhubugin ang utak nito sa anyo ng utak ng iba. Saan ka magsisimula't hihinto? Hindi magagawa iyon.”
Lumayo na ang mga bumili ng taho, at iaakbay na sana ni Digan ang mga timba, nang napahinto siya nang nakatalungko. Malayo ang kanyang tingin, tila nakatuon ang pansin sa isang bagay na hindi maaninag. Pagkatapos ng ilang sandali, tumayo siya at inilapat ang kawayan sa isang balikat. “Walang nakakaalam kung paano itugma ang kaalaman ng Pinanday sa mga ukit sa Ubod niya?”
“Sa tingin mo ba nakasulat iyon sa Taktuk? Na parang mga talâ ng isang mananalaysay tungkol sa susunod niyang kuwento?” Ngumiti si Yaya sa nalilitong itsura ni Digan. “Hindi ganoon ang mga ukit. Parang pasikut-sikot na mga linya lang sila na hindi mababasa o maitutugma sa kahit anong uring kasulatan. At kahit magkaroon pa man ng paraan na maintindihan ang mga ito, mapanganib pa rin na mag-ukit nang sadya sa isang Ubod ng Diwa. Kapag nalagyan ng kutab ang batong iyon, hindi na maaalis. Kaya hindi nakakalimot ang mga Pinanday.”
“Talaga?” Bumilog ang mga mata ni Digan. Parang hindi rin niya alam itong isa sa pinakasaligang katangian ng mga Pinanday. Hindi sigurado si Yaya kung mas malamang maging aswang si Digan dahil dito. Kahit mag-isang mamuhay ang mga aswang, sinisikap pa rin nilang malaman ang mga nagaganap sa mundo ng mga tao kung matutulungan sila ng mga ito sa pagpapanggap. Sabagay, kahit sandaang taon na umiiral ang mga Pinanday, madalang pa rin silang gawin, at kaya baka hindi sila gaanong pinapansin ng mga aswang.
“Naaalala namin ang lahat,” inulit ni Yaya. “Kayâ napakamagamitin namin. 'Di mo ba alam na ang pinakaunang Pinanday ay ginawa para maalala lahat ng mga panukala ng isang datu? Ginamit ng datu ang mga alaalang ito para hindi siya madaya sa pamamahala.”
“Ganoon ba...” marahang sinabi ni Digan.
Lumapit sa kanila ang isang lalaki na nakasuot ng bahag at pamigkis. May hawak siyang malaking luwad na mangkok sa mga kamay na puno ng mga tato. Nginitian niya si Digan, binati sa Merang – ang wikang pinakamadalas gamitin sa pangangalakal sa ibang lugar – at inabot ang mangkok.
“Pasensya na, hindi po ako nakakapag-Merang. Gusto niyo po bang punuin ko?” Itinuro ni Digan ang labi ng mangkok.
Sumagot ang lalaki sa baluktot na Taktuk, ang wika sa Takatak at malalapit na baranggay. “Mas kaunti. Parang–” may sinabi siyang salita sa Merang at kinawag ang mga daliri sa isang kamay.
“Halos puno raw, pero mag-iwan ka ng isang daliring agwat mula sa taas,” sinabi ni Yaya. “At binanggit rin niya kanina na ayaw niya ng sago.” Ngumiti ang lalaki sa kanya. Isinalin din ni Yaya sa Taktuk ang halaga ng taho pagkatapos ibinigay ni Digan ang gusto nito.
“Hindi mo alam ang Merang?” tinanong ni Yaya nang itinuloy nila ang paglalakad.
“Taktuk lang ang alam ko.”
“Talaga? Karamihan ng mga tao, marunong ng ilang wika, 'di ba? Kahit ang mga magsasaka mula sa kalooban ng pulo, dalawang wika ang alam. Minsan tatlo pa.” Ang sariling ama ni Yaya ay marunong ng pitong wika, at noong buhay pa, minsan nanghihinayang na kaunti pa ang bilang na ito. Ganoon raw talaga ang buhay sa kapuluan. Bumubulaklak ang mga wika sa iba't-ibang pulo, lumulusog sa loob ng mga ito. Pero luamalaganp din ang mga wika sa paglalakbay ng mga tao tuwing tumatawid sa tubig na kadalasan ay mas nagsisilbing tulay kaysa sa pader.
Nagawa pa ring pumiksi ni Digan sa kabila ng bigat ng dala-dala niyang mga timba. “Lumaki ako sa isang maliit na baranggay sa labas ng Takatak. Wala gaanong pagkakataong makapag-aral ng ibang wika roon.”
Nilunok ni Yaya ang singhap na gustong makawala sa bibig niya. Hindi tulad ng kakulangan ng kaalaman ni Digan sa mga Pinanday, malaki ang naipapahiwatig ng kakulangan niyang dunong sa mga wika. Hindi káya ng mga aswang na linlangin ang mga tao nang matagal, kayâ sa dulo ng mga baranggay sila umaaligid, at umaalis din sila agad para makalayo sa panghihinala ng mga tao. Natuto rin silang tumambay sa iba't-ibang daanan ng pangangalakal, sumusunod sa pagdaloy ng mga manlalakbay. Lagalag ang mga aswang. Bawat isa sa mga aswang sa kasulatan na ibinigay ni Luwan kay Yaya ay marunong ng apat na wika, at kalimitan Merang ang isa sa mga iyon.
Maaaring si Digan ang pinakaunang aswang na isang wika lang ang alam. Mahihirapan siyang mamuhay bilang aswang kung gayon, pero kung tutuusin, laging mayroong nauuna sa lahat naman ng mga bagay.
O maaaring tao talaga siya.
Pagsapit ng hapon nagtungo si Yaya sa bahay-gamutan. Itinutulak siya roon ng mga kabalintunaang kaalaman na naaani niya mula kay Digan. May ilan-ilang bahay-gamutan sa buong Takatak, at isa sa pinakamalaki ang narito sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan. Dahil malapit ito sa ilog, tumatanggap sila ng mga manlalakbay bukod pa sa mga naninirahan dito.
Napansin ni Yaya ang bubong ng bahay-gamutan kahit dalawang daan pa ang layo niya. Kasintaas nito ang ibang mga bahay-panuluyan na inuupahan ng mga manlalakbay. Sa totoo lang, dating bahay-panuluyan din ang gusaling iyon dalawampu't limang taon na nakaraan. Iyon ang tinatawag ng mga taga-nayon na 'inaswang na bahay-panuluyan,' na dating pag-aari ng pamilya ni Luwan. Pagkatapos ng lahat ng nangyari roon, ang mga katalonan lang ang nagpakita ng sapat na tapang para gamitin uli ang bahay.
Sa kasulatan lang natutuhan ni Yaya na bata lang pala ang aswang na natagpuan sa bahay-panuluyan noon. Katumbas lang ng isang batang tao na apat o limang taon ang gulang. Hindi ibinabatid ito ng mga sitsit na umiikot sa Takatak. Ang binabanggit lang nila ay alam daw ng nagmamay-ari na may aswang pala roon, pero hinayaan lang. Noong unang natagpuan ang aswang, nagkunwari ang pamilya ni Luwan na hindi nila alam na may nakatirang aswang sa barakilan ng bahay, sinisipsip ang dugo ng mga umuupa sa kanila. Pero naalala ni Sarang – bagong-gawa na Pinanday pa lang siya noon – na may kinakausap na bata ang ama ni Luwan, at ang batang ito ay ang anyong-tao ng aswang sa bahay. Pinarusahan ng mabigat na buwis ang pamilya ni Luwan, at nalubog sila sa utang. Naging mga alipin sila, at ipinamigay sa ibang baranggay. Si Luwan lang ang hindi naparusahan, dahil sampung taon pa lang siya noon.
Pumila si Yaya sa harap ng bahay-gamutan. Nakatayo ang ilang tao sa harap niya, mga may sugat o pilay sa bisig o binti, o mga may kargang inaantok na bata. Mabilis ang pila, at hindi nagtagal at umaakyat na ng hagdan si Yaya. Pagkatapos niyang hugasan ang mga paa, pumasok siya sa gusali. Sa pangunahing silid, may apat na hanay ng banig. Walang laman ang iba, pero may nakahiga sa karamihan, at inaalagaan sila ng ilang manggagamot. Mayroon din na mga babae na mukhang nagsasanay pa lang na maging katalonan, at inaakayan nila ang ibang mga pasyente sa tamang silid. Sa bungad ng pintuan, nakatayo ang isang dalaga na may mainam na mukha. Nakatitig siya sa kawalan, tila hindi nakaaaninag ang mga mata. Ngunit tumaas pa rin ang kilay niya pagtapak ni Yaya sa harap niya.
“Susundo po ba kayo ng manggagamot para sa isang kamag-anak?” tinanong nito sa mahinhing tinig.
Ipinaliwanag noon ng isang katalonan kay Yaya kung ano ang pakiramdam tuwing lumalapit ang isang Pinanday sa kanila: parang nasa gitna ka ng umiihip na mainit na hangin, tapos bigla kang minanhid. Nararamdaman daw ng mga dalubhasang katalonan ang diin ng mga kaluluwa ng tao sa paligid nila, pero dahil walang kaluluwa ang mga Pinanday, nakakagulat ang kawalang-diin nila.
“A, hindi po. Nandito ako para magtanong tungkol sa isang pasyente.”
Iiling na sana ang dalaga, nang inilabas ni Yaya ang nakatuping pahina mula kay Luwan. Hindi basta-basta nagbibitaw ng kaalaman ang mga katalonan tungkol sa mga ginagamot nila, pero naisip ni Luwan na baka kailanganin ni Yaya ang mga ito. Inabot ni Yaya ang pahina sa kamay ng katalonan. Kinapa ng mga daliri ng dalaga ang nakaukit sa pahina, at kumaway sa isa pang katalonan. Lumapit ang isang babae, mataba at maganda at mas maliit nang kaunti kay Yaya. Nakaladlad ang maalon niyang buhok sa mga balikat. Nakasuot siya ng kuwintas na may nag-iisang ngipin ng buwaya. Binasa niya ang pahina mula sa dalaga, bago nginitian si Yaya at itinuro ang pintuan. “Tara, sa labas tayo mag-usap,” sinabi niya.
Lumabas sila sa bahay-gamutan, at dinala siya ng babae sa likuran ng gusali kung saan may tumutubong mga sampaguita. May kinalabit sa likod ng isip ni Yaya ang matapang at matamis na amoy ng mga bulaklak, pero bago niya maiugnay ito sa isang alaala, nagtanong ang katalonan, “Sinong pasyente ang hinahanap mo?”
Iniling ni Yaya ang ulo at ibinigay ang buong pansin sa usapan. “Nais ko pong malaman kung may dumalaw sa inyo nitong umaga na may durò ng aswang sa katawan.”
Napasinghap ang katalonan. “Ay, wala sa ngayon. May narinig ka bang dinaluhong nanaman? Kamakailan lang may umatake sa isang tindero ng mangga, 'di ba?” Kumunot sa pag-aalala ang noo niya.
Walang dinaluhong kagabi. Pero napag-isip-isipan ni Yaya, wala rin siyang gaanong natutuhan dito. Tutal, baka mayroon pa ring inatake, hindi pa lang nagpapagamot. Doon niya biglang namalayan nang lubos ang tugon ng katalonan. “Teka lang po, sabi niyo tindero ng mangga?”
“Oo, ilang araw lang ang lumipas nang nangyari iyon. Pero kung may itatanong ka tungkol sa kanya, wala ako gaanong maibabahagi.”
“Wala po bang mas bagong daluhong? Hindi sa isang mangangalakal. Sa isa pong taga-nayon dito sa kapit-bahayan.”
Kumitid ang mga mata ng katalonan sa pag-iisip. “Hm, wala yata. Kung mayroon man, hindi siya sa bahay-gamutan na ito nagpatingin.”
Dumeretso na ba ang lalaking iyon sa mga lingkod ng datu? Kay Luwan? Naiintindihan ni Yaya na nahihiya ang ibang tao na ibunyag ang kanilang kalagayan, dahil baka umiwas ang ibang tao sa kanila at sa tahanan nila – o mas malala, sa hanap-buhay nila.
“May maitutulong pa ba ako?”
“Ah opo, may isa pa akong tanong.” Luminga-linga si Yaya sa halamanan. Pamburol ang mga sampaguita na ito, ang uri na inaalay ng mga tao o ipinapampalamuti sa mga puntod. At ganito ang naamoy ni Yaya kay Digan kagabi, sigurado siya. “May lalaki po ba na dumalaw kagabi para humingi ng mga bulaklak?”
Hinaplos ng katalonan ang maputi't malambot na talulot ng isang bulaklak. “Hindi, walang dumalaw sa amin pagkalubog ng araw. May mga humingi ng bulaklak pero isang grupo ng babae at mas maaga iyon nangyari.”
Pinasalamatan ni Yaya ang katalonan at nagpaalam. Hindi niya namalayan na tumitibok nang matingkad ang Ubod ng Diwa niya hanggang may tumuro sa kanyang bata at tinanong sa kasamang ina kung bakit “may lunting araw sa ulo ng babaeng bakal.” Itinalukbong ni Yaya ang pamigkis niya sa ulo para liliman ang ilaw. Ngayon mas namamalayan na niya ang katawan niya, napansin niyang umaagahas sa pag-ikot ang kanyang mga enggranahe, katunog ni Binhi kapag pinipilit huminga sa ilong na barado ng sipon. Inasahan ni Yaya na maliliwanagan ang ibang bagay sa pagdalaw niya sa bahay-gamutan, pero mas dumami pa ngayon ang mga katanungan niya.
Nang gabing iyon, at sa tatlong sumunod pa na gabi, nagmatyag si Yaya sa isang malunggay na nakatayo sa kapatagan malayo sa bahay ni Digan. Wala siyang ibang matataguan sa maiksing damuhan. Pero sa mataas na puno, nakakapagbalatkayo siya sa suot niyang kupas na kayumangging tapis at guhitang damit na kakulay ng dahon.
Isang kalamangan ng pagkakaroon ng kapatid na maaaring gamitin ang talyer ng datu ay minsan nakakatanggap si Yaya ng magamiting kasangkapan mula kay Binhi. Tulad ng largabista na ginagamit niya ngayon para mapanood si Digan sa malayo. Ginawa ito ni Binhi para panooring mag-aral ang mga batang maginoo sa bakuran habang nananatili siya sa kubo ng mga katulong. Pagkatapos ng isang araw, sinabi niyang walang silbi ang largabista, dahil hindi naman nito naipaparinig kung ano ang pinag-aaralan ng mga bata. Ibinigay ni Binhi ang largabista kay Yaya sakaling magagamit niya sa kanyang mga pagsubok. At ngayon, nagagamit na niya sa wakas.
Kababalik lang ni Digan kung saan siya naglalagi kada gabi. Hindi na naniniwala si Yaya na may kinalaman ang dahon ng pandan doon. Iba-iba ang mga daan na tinahak ni Digan. Dalawang beses, tumungo siya patimog-silangan at binagtas ang kapit-bahayan sa isang lugar. Isang beses, tumungo siya pahilaga sa ilog, at ngayong gabi, mas lalo siyang nagpakanluran. Ang ibig sabihin nito, malabong pumupunta si Digan sa halamanan ng bahay-gamutan at nagnanakaw ng mga bulaklak. Ngunit kung saan man siya nagpunta noong unang gabing nagtagpo sila ni Yaya, sigurado si Yaya na mayroon sampaguitang pamburol sa lugar na iyon. Anong dahilan ni Digan para dumalaw sa mga puntod? Tiyak wala naman siyang mga kamag-anak na inilibing sa Takatak. Maaari bang makahanap ng mabibiktima ang aswang sa libingan? Parang hindi naman, maliban kung sinisimot din nila ang mga bangkay ng matagal nang namatay, tulad ng mga halimaw sa pabula tungkol sa ibang mundo na laging kinukuwento ng mga mananalaysay.
Hinawakang mabuti ni Yaya ang maikling tubo ng kawayan ng largabista. Sa salamin nito, nakita niyang nakaluhod si Digan, sinusuri ang awang sa silong ng kubo niya. Nang tumayo siya, umikot siya sa kubo ng dalawang beses, lumilinga-linga. Kumuha pa siya ng isang patpat at sinundot ang damuhan sa paligid. Sa tingin ni Yaya, nag-aalala na si Digan na may nagmamatyag sa kanya sa gabi, dahil sa di-sinasadyang pagsagupa nila apat na gabing nakaraan.
Ibinaba ni Yaya ang tubo at sumandal sa puno. Kung sana puwede lang na sundan si Digan kung saan man siya pumupunta. Pero hindi kayang sumunod ni Yaya na hindi mapapansin mula sa kubo ni Digan. At hindi niya alam kung saan dako tutungo si Digan kada gabi para masabat ang dinaraanan nito.
Kailangan ni Yaya na mag-isip ng mas mabuting paraan. May dalawampu't-tatlong araw na lang bago nila ni Binhi kailangan makipagkita sa gurong panday sa Sagabilang. Pitong araw ang paglalakbay doon kung maayos ang panahon. Kahit maibibigay ni Yaya ang ulat niya sa pagsubok na ito kay Luwan bukas, mga limang araw pa bago matatapos ang isang seremonya ng paglilinaw. Hindi pa alam ni Yaya kung mayroon nga na katalonan na handang gumawa nito agad. Masyado pa rin siyang bitin sa oras.
Malabong makakukuha siya ng ganap na katibayan na aswang nga si Digan o hindi. Ngunit ang kailangan lang talaga ni Yaya ay isang malaking dahilan para imungkahi na isubok si Digan sa isang seremonya ng paglilinaw. Kung sumisipsip nga ng dugo si Digan sa gabi, baka may ibang paraan para hinuhain ito.
Naghintay si Yaya na sumikat ang araw bago siya bumalik sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan. Pinauna niyang umalis muna si Digan para simulan ang paglalako. Ngayon, nahanap ni Yaya si Digan na nagbibigay ng taho sa isang matandang babae na walang ngipin. Habang lumalapit siya, pinagmasdan niya ang katawan ni Digan, umaasa na may mahahanap siyang bakas o tandâ o kahit ano na makakapagmadali sa gawain niya ngayong araw na ito. Pero walang kakaiba kay Digan ngayon. Katulad pa rin ng dati, mas ginugusto niyang tumingin sa tiyan o braso ng namimili.
Bumati si Digan kay Yaya na may ngiti. “Nandito ka uli!” Nakakapagtaka na walang problema si Digan na titigan ang mga mata ni Yaya. At parang mas malugod niya ring tratuhin si Yaya. Napapahiwatig nito na kayang makitungo nang mabuti ni Digan kapag gusto niya. Kinurap ng matanda ang mabibilog na mata sa pagkakita sa ngiti ni Digan. Baka hindi pa niya ito nakikita kailanman.
“Puwede kitang samahan ulit sa paglibot mo ngayon?” tinanong ni Yaya. Balak niyang tutukan si Digan ng buong araw.
“Puwede rin,” tinugon ni Digan, habang binubuhat ang kawayan pagkatapos nakaakyat ng matandang babae pabalik sa kubo. “Maayos ka naman na kasama.”
“Talaga? Parang wala ka naman maikukumpara yata sa 'kin,” tukso ni Yaya. Nais niyang pagaanin ang pagtutungo nila ngayong araw na ito. Naglakad siya sa tabi ni Digan sa daan.
Tiningnan siya ni Digan nang pagilid, nakataas ang isang kilay. “At paano mo nasabi iyan? Minamatyagan mo ba ako?”
“Ah, binanggit lang ng isa kong kaibigan, si Mayaw. Nakatira siya rito kasama ang asawa niya, at kilala niya halos lahat ng mga naglalagi rito.”
Tumigil si Digan nang may lumapit sa kanyang batang lalaki na may inaabot na bunot ng niyog. Ibinaba ulit ni Digan ang mga timba niya. “Kung gayon, dapat tigilan ni Mayaw ang pagsulyap sa ibang lalaki. Malay mo, baka magselos ang asawa niya.”
“Selos? Sa iyo?” Maganda ang hubog ng mukha ng asawa ni Mayaw, makapal at kulot ang buhok, at mayroon siyang ngiti na káyang pahupain ang pag-iyak ng isang sanggol. Binibigyan ni Binhi ang asawa ni Mayaw ng walong puntos sa sampu ayon sa kung anumang grado ng pagkamakisig ang sinusunod ng batang iyon. Siniko ni Yaya ang braso ni Digan, mahinhin lang, at ibinulong, “Sa tingin ko wala siya kailangang alalahanin.”
Napahinto si Digan sa pagsalok ng taho sa bunot. Halata ang gulat sa mukha niya, bago siya humalakhak. Napapitlag ang batang lalaki at humakbang palayo, pero tinapos lang ni Digan ang pagsasalin ng taho. Tumatawa pa rin siya ng marahan habang binabayaran.
Umikot sila sa kapit-bahayan tulad ng ginawa nila tatlong araw nakaraan. Ipinagpatuloy ni Yaya ang dako ng usapan na sinimulan niya, at nagtanong siya tungkol sa pamilya ni Digan at ang buhay nila sa dating baranggay niya. Pero tikom ang bibig ni Digan dito, at pagkatapos ng paikot-ikot na tuksuhan, napilitan si Yaya na baguhin ang usapan. Baka sumamâ lang ang loob ni Digan. Sa halip, nagsagawa na lang si Yaya ng ilang pangyayari para mahiwatig ang katauhan ni Digan.
May napansing katalonan si Yaya sa dulo ng isang daan, kasama ang ilang mga bata. Umusad siya patungo sa kanila. Biglang lumiko si Digan sa isang sabáng. “Tara, dito tayo. May malaking mag-anak rito na laging bumibili sa akin.”
Dahil ibang katalonan iyon kaysa sa nakita nila apat na araw nakaraan, nagsimulang mamuo ang isang kutob sa loob ni Yaya. Pinayagan niya ang sarili na sundan si Digan sa malaking mag-anak na nais nitong alukin ng taho, pero sandali lang pagkatapos nitong magbenta sa kanila, ginabay nang paunti-unti ni Yaya si Digan sa bahay-gamutan.
“Naririnig mo ba iyon?” Huminto si Digan bago nila maabot ang bahay-gamutan na may pila ng mga táong sugatan at sakitin. “Kuliling iyon ng mga kargador sa ilog! May bagong dumarating sa ilog ngayon. Tara, tingnan natin kung gusto nila ng taho.”
Tahimik sumunod si Yaya, mabigat ang loob. Hindi pa rin mapapatunayan ng pag-iwas ni Digan sa mga katalonan na isang aswang siya, pero malabong umasta nang ganito ang isang tao.
Tinahak nina Yaya at Digan ang daan papunta sa pinakahilagang bahagi ng kapit-bahayan kung saan may nakatayo na mga bahay-panuluyan para sa mga panauhing dumarating mula sa ilog. Doon, nakita nga nila na inaatupag ng ilang mga kargador ang mga baguhan – mga mangangalakal ng bulak, kung pagbabasihan ang burda sa pamigkis nila at ang báon nilang ani sa malalaking bayóng.
Natulala si Yaya. “Wala akong narinig na mga kuliling sa pinanggalingan natin.” Akala niya nagkukunwari lang si Digan para makatakas.
“Lagi akong handa sa pagkuliling ng mga kargador,” sabi ni Digan, at pumiksi na parang walang inda. “Sino bang manlalakbay ang makakatiis na makakain ng taho? Mura lang naman.”
Lumingon si Yaya sa malayo, hinihiling na maparam ng sikat ng araw ang liwanag ng Ubod ng Diwa niya. Sa pagpilit ni Digan na makalayo sa mga katalonan, may iba siyang naibunyag tungkol sa sariling katangian. Napakatalas ng panrinig niya, sobra pa sa kakayahan ng pangkaraniwang tao. Sinubaybayan ni Yaya ang layo ng nilakad nila. Masyadong malayo sila kanina para marinig ang mga kuliling na iyon.
“Nakita mo ba 'yung batang lalaki na bumili s'akin ng taho kaninang umaga?” tinanong ni Digan. Palubog na ang araw ngayon. Matagal nang nasalok lahat ng tokwa at sago at pulót mula sa mga latang timba ni Digan. Nagpahinga sila maghapon sa kapatagan sa hilagang baybay ng kapit-bahayan. May kumpulan ng mga puno na nagbigay lilim kanina, ngunit ngayong hindi na kasimbagsik ang sikat ng araw, umupo sila sa ilalim ng malawak na langit, pinapanood ang mga ulap.
“Sino? Ang daming bumili na bata sa 'yo.”
“A, nakita mo sila.” Humiga si Digan sa madamong lupa, tumutupi ang mga hibla ng mga damo sa ilalim niya. “Narinig ko na hindi nakakakita ng mga bata ang ibang Pinanday.”
Buong araw sinusubukan ni Yaya na bumunot ng mga kaalaman mula kay Digan, kaya nakutuban niya agad na ganoon ang ginagawa naman ni Digan sa kanya ngayon. Sinabi na niya dati na tumutuloy siya sa tahanan ng datu, na mayroon siyang kapatid na nagtatrabaho doon. Hindi rin niya nakaligtaan na napakausisa ni Digan sa mga Pinanday, at baka ito ang dahilan kung bakit hinahayaan ng magtataho na sumama si Yaya sa kanya.
“Si Sarang ang tinutukoy mo,” ipinaliwanag ni Yaya. Hindi naman siguro masama kung ibabahagi niya ang nangyari kay Sarang. Alam naman ng karamihan kung ano ang naganap. “Siya lang ang nagkaroon ng ganoong... sakit. Maniwala ka, nakakakita kaming ibang Pinanday ng mga bata. At mga isang buwan lang nang nagsimula ang sakit niyang iyon. Hindi siya sadyang ganoon.” Tutal, nasaksihan ni Sarang ang munting aswang sa bahay-panuluyan nina Luwan.
“Paano siya nagkaganoon?” tinanong ni Digan.
“Walang may alam. Umuwi siya isang araw pagkatapos ng mga gawain at hindi pinansin lahat ng batang lalaking katulong sa purok ng datu. Ang nakakapagtaka, ayos lang ang paningin niya sa mga batang babae. Napansin niya si Binhi nang nilangisan nito ang mga enggranahe niya. Nang inilabas siya ni Datu Lunti sa purok, bumangga siya sa mga batang lalaki, ni isa hindi niya nakikita o naririnig o namamalayan kahit bahagya. Pinasya ni Dayang Dikimi na ipatingin si Sarang. Iniisip ng dayang na baka may sira ang salamin niya sa mga mata, at hindi niya mawari tuloy ang mga batang iyon.”
“Nahanap ba nila ang sira?”
Naghalukipkip si Yaya, sinasangga ang lamig na tila nanggagaling sa kanyang loob at hindi sa maligamgam na hangin ng takipsilim. “Hindi. Nawala siya bigla. At nang natagpuan ko uli, wala na siya sa tamang kalagayan para ipatingin.”
Naging seryoso ang mukha ni Digan, at inilagay niya ang mga kamay sa ilalim ng ulo. “Parang nakakawiling kuwento iyan, a.”
Nagbuntong-hininga si Yaya. Kawili-wili man ang dating, iba ang pakiramdam noong nararanasan ni Yaya. Nanghihinayang nga siya na nasaklot pa siya sa kaganapang iyon. “Sa huli kong pagsubok, trabaho ko na suriin ang isang lugar sa labas ng baranggay. Binabalak ni Datu Lunti na magpatatag ng bagong daan para makapangalakal tayo sa isang maliit na baranggay sa timog.” Gustong malaman ng mga pambayang linkgod kung anong bahagi ang kailangan nilang hawiin; kung mayroong nakakalason na halaman o hayop, o ibon na makabibigay suwerte; kung mayroong tubig-tabang o mga halaman na nagbubunga na madaling mapagsilbihan ng mga manlalakbay. Hindi mahirap ang pagsubok na iyon, hindi tulad sa ngayon.
“Tatlong beses ako lumibot sa lugar na iyon. Bukod sa isang bahagi na may banâ na nagbabahay ng ilang buwaya, maayos naman ang lugar. Pumayag ako sa daan na ito, at nagdagdag pa ako ng mga mungkahi para maayos ang banâ.” Taas-noo si Yaya noon na naisip niyang idagdag ang mga mungkahing iyon. Sa huli, sila pa ang nagpabagsak sa kanya.
“Pumunta ang isang pangkat ng mga lingkod ng datu doon para siguraduhin ang inulat ko,” ipinagpatuloy ni Yaya. “Nagustuhan nila ang payo ko na magtayo ng bakod sa paligid ng banâ, kaya tiningnan nila kung puwede ngang gawin. Habang sinisiyasat nila ang baybay ng banâ, natagpuan nila doon ang katawan ni Sarang. Nangangalawang na ang panaklob at mga enggranahe niya sa halumigmig. Gutay-gutay ang mga kawad niya at nawawala ang kanyang Ubod ng Diwa.” Inamin naman ng mga pambayang lingkod na walang makakahulâ na mangyayari pala iyon. Pero hindi nila maibibigay ang patibay ni Yaya para sa Kaligtasan at Pahamak, dahil inayunan niya ang isang lugar na ginanapan pala ng isang masamang gawain.
May biglang nag-ugnay sa sinabi ni Yaya sa isang alaala mula sa mga lumipas na araw. Tungkol sa Ubod ng Diwa. Ipinapaliwanag niya noon kay Digan kung ano ang Ubod ng Diwa, kung ano ang nagagawa nito. At kung ano ang hindi kayang gawin. Tumuwid ang upô ni Yaya. Paano kung hindi ang mga mata ni Sarang ang nagkasira?
Sumipol si Digan, at nawasak at kumalat ang mga iniisip ni Yaya bago sila nabuo. “Sayang naman. Káya siguro ng matalino mong kapatid lutasin kung ano ang naging problema sa mata ni Sarang.”
Pagkabanggit sa kapatid niya, namuo ang isipan ni Yaya sa ibang larawan: ang pagsakay nila ni Binhi sa isang bangka pasilangan, tumutungo sa Sagabilang sa loob ng ilang araw lang. Napakalinaw ng larawang ito na halos pakiramdam ni Yaya na dumuduyan na ang katawan niya sa banayad na alon. Hindi man maganda ang nangyari kay Sarang, hindi si Yaya dapat ang mag-alala doon. Hindi ginawa si Yaya ng ama niya gamit ang salaping panggamot nito para lang alalahanin niya ang ibang Pinanday. Hayaan na lang na ang datu at ang dayang at ang iba pang mga maginoo ang lumutas sa kinahinatnan ni Sarang.
At ang tanging paraan para maging totoo ang larawang ito sa isipan ni Yaya ay kung tatapusin niya itong bagong pagsubok. Sa puntong ito, hinihintay na lang niya kung ano ang matutuklasan niya pagsapit ng hating gabi. Pero kailangan pa rin niyang gamitin nang maayos ang natitirang oras bago dumating iyon. Sinubukan niyang humugot ng kaalaman tungkol sa nakaraan ni Digan, at minatyagan niya ang mga galaw nito sa kasalukuyan; baka makatutulong din kung magtatanong siya sa kinabukasan.
“Bakit nga ba napakausisa mo sa mga Pinanday? Nagbabalak ka bang maging panday balang araw?
Humalakhak si Digan, isang magaralgal na tawa, pero mabilis din siyang tumino. Nililíman ng panglaw ang mga mata niya, na sa lalim at sa itim, umaaninag sa mga ito ang mga muradong ulap na gumagapang sa langit. “Hindi ako puwedeng maging magtataho habambuhay.”
“Bakit naman? Maayos na trabaho iyon.” Pumiksi si Yaya. “Ano'ng gusto mong gawin?”
Nawala ang galimgim sa mga mata ni Digan, at naramdaman ni Yaya na lumipas na ang pagtatapat ng kasama. “Hindi ko pa gaanong napapag-isipan,” ang tanging sinabi nito. Kinumutan sila ng makatí na katahimikan, iyong uri na nakakaudyok na magbiro ka o bigla na lang magpaalam.
Kinakabahan na baka gustuhin ni Digan na umuwi na, kinuha ni Yaya ang isang lukbot na nakatali sa baywang niya na puno ng maliliit na sigay. Hindi niya bitbit ang mismong sungkaan, pero puwede silang gumawa ng mga bakas sa lupa.
“Sige, maglaro tayo nito ng isa o dalawang beses, at pag-isipan natin kung anong hanap-buhay ang puwede mong gawin,” sinabi ni Yaya at ipinakita kay Digan ang mga sigay.
Higit pa sa dalawang laro ang nagawa nila sa huli. Pero kahit maraming iminungkahi si Yaya na mga trabaho – mula sa sobrang nakakainip, hanggang sa sobrang kakaiba – laging malabo ang tugon ni Digan sa mga ito. Nabawasan lang ang panghihinayang ni Yaya dahil nasulit niya ang panahong ginugol kay Digan. Kasing-itim ng uling ang langit nang nagpasya silang tapusin na ang laro. Pinilit ni Yaya ang sarili na kausapin nang kausapin pa si Digan habang naglalakad sila pabalik sa kubo nito, nais pigain ang panahon na magkasama sila. Nang wala na talaga siyang ibang magawa kundi magpaalam, nakasapit na ang hating-gabi. Habang bumabalik si Yaya sa tahanan ni Mayaw, nadaanan niya ang mga mananalaysay na nagkukuwento ng nakakatakot para sa mga wiling-wili na nakikinig.
Sa liwayway ng susunod na araw, tinipon niya lahat ng pag-aari niya at bumalik na sa gitna ng Takatak.
“Iminumungkahi ko ang isang seremonya ng paglilinaw para kay Digan sa mga sumusunod na dahilan: may malubhang takot si Digan sa mga katalonan, at tinatakasan niya ang mga ito sa bawat pagkakataon; lagi siyang lumalakad nang palihim nang madaling-araw; may pambihira siyang pandama, nakaririnig ng kuliling ng mga kargador sa ilog mula sa bahay-gamutan; at tulad ng 139 na aswang sa mga lumang kaso, mas gustong tumingin ni Digan sa mga braso at tiyan ng ibang tao kaysa sa kanilang mukha.”
Huminto muna si Yaya, tapos inukit sa kawayang pahina ang huli at ang pinakamabisa niyang katibayan.
“At isa pa, hinding-hindi ko nasaksihang kumain o uminom si Digan, kahit sinamahan ko siya mula pagsikat ng araw hanggang hating-gabi.”
Tiyak sumisipsip nga ng dugo si Digan kung saan man siya pumpunta ng madaling araw. Ano pa bang ibang paliwanag? Kahit ang mga tao na nag-aayuno, umiinom pa rin paminsan-minsan.
Itinabi ni Yaya ang pang-ukit at binilot ang kawayang pahina. Pero sa pagliko ng galang-galang niya, nahulog ang maluwag na turnilyo. Biglang pumasok sa isip ni Yaya ang alaala ni Digan noong hinigpitan niya ito nang gabing natagpuan niya si Yaya na sumisilip sa kanyang bahay. Naisip ni Yaya ang mga matipunong balikat ni Digan, nakayukayok habang sinusuri ang kanyang kamay. Naisip niya ang madidilim na mata at ang titig nito nang tinanong kung pangkaraniwang Pinanday ba siya. Nilarawan ni Yaya sa isip ang paghaba ng mga braso ni Digan hanggang abot na ng mga ito ang mga binti; ang pagtubo sa kayumangging balat ng balahibo na kasing-itim ng mga anino; ang pag-ilaw ng mga mata tulad na parang puso ng apoy.
Dumaloy kay Yaya ang pakiramdam na lumulubog siya, na parang bumabagsak ang mga mekanismo niya sa loob. Kapag naibigay na niya ang ulat na ito, malabong makikita niya ulit si Digan, kahit anong kahihinatnan ng pagsubok na ito. Kung aswang nga si Digan, huhulihin siya at papaslangin kung hindi siya makakatakas. Kung tao nga si Digan, hindi lang babagsak si Yaya sa pagsubok niya, hindi rin niya maitutuloy ang pakikipagkaibigan kay Digan hangga't hindi niya ipinagtatapat ang tunay na dahilan sa kanilang pagsasama. At kung sasabihin nga niya, maiintindihan niya kung magpapasya si Digan na hindi na siya makita ulit. Nakakahiya at nakakapanlait sa isang tao na mapaghinalaang aswang siya, lalo na kung isinubok pa siya sa napakasakit na seremonya.
Hindi man namalayan ni Yaya na hindi lang pala pagpasa ang inaasahan niyang kalalabasan ng pagsubok na ito. Naging mabuting kasamahan si Digan. Kung sana ugali lang ang nakakapagsabi kung aswang ba ang isang tao o hindi. Matimpiin man si Digan, may ilang nakilalang tao si Yaya na mas marahas ang ugali kaysa dito sa magtataho. Kung ang kalalabasan nga ay tunay na aswang si Digan, dalubhasa na talaga siya sa pagkukunwari.
Itinulak paalis ni Yaya ang pag-aalinlangan. Nakaukit sa kanyang Ubod ng Diwa ang katotohanan na lumilipas ang mga araw, na apat pa lang ang patibay na nakaburda sa pamigkis niya, na maraming dahilan kung bakit hindi maaaring maging tao si Digan. At para sa isang Pinanday, mas mahalaga ang mga nakaukit sa kanyang Ubod ng Diwa kaysa sa mga hindi.
Lumipas ang ilang araw pagkatapos ibigay ni Yaya ang ulat niya kay Luwan. Wala pang tugon mula sa pambayang lingkod. Baka hindi pa nakakapagbigay ng ulat ang ibang mga nagmamatyag kay Digan; kadalasan higit sa isa ang itinatakdang maniktik para matiyak na kailangan nga ang seremonya ng paglilinaw. Walang ibang nakita si Yaya na sumusunod kay Digan, pero baka nakatutok lang nang lubos ang kanyang pansin dito.
Isang araw, dahil sa sobrang pagkainip, sinapalaran ni Yaya na dumalaw sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan para makita kung naroroon pa si Digan. Pero hindi niya nasilayan ito doon, at nang nagtanong-tanong siya, may nagbatid na liban ang magtataho nang ilang araw. Nauusisa, tumigil si Yaya sa dulo ng kapit-bahayan para tiyakin kung naroon pa ang mga gamit ni Digan. Kung naroon, malamang nahuli na siya para sa seremonya ng paglilinaw. Kung wala, tumakas siya.
Sa laking gulat ni Yaya, hindi lang ang mga gamit ni Digan ang nawawala, pati na rin ang buong kubo. Umikot siya sa kapatagan ng ilang beses, tapos nirepaso ang mga alaala niya sa Ubod ng Diwa. Tamang lugar ito. Nasa kaliwa niya, sa malayo-layo, ang puno ng malunggay kung saan siya umupo ng tatlong gabi. Mayroon mga butas sa lupa kung saan nakasuksok ang apat na haligi ng kubo. Wala lang ang mismong kubo.
Lumiko si Yaya at bumalik sa kapit-bahayan, umiinog nang napakabilis ang mga enggranahe sa dibdib. Tutungo siya sa mga kulungan sa lungga; doon niya hahanapin si Digan. Hindi niya gaano matiyak kung nais nga niyang matagpuan si Digan doon o hindi, pero sa loob ng gulo na ito, sigurado siya sa isang bagay: ayaw niyang masayang lang lahat ng ginawa niya para sa kanyang pagsubok.
Takipsilim na nang nakabalik si Yaya sa gitna ng Takatak. Nilampasan niya ang mga maimis at magandang tahanan sa kapit-bahayan ng mayayamang mangangalakal at magsisining sa baranggay. Pumasok siya sa eskinita na nag-uugnay sa kapit-bahayan na ito sa palengke sa gitna ng Takatak. Nasa silangan ng palengke ang kapatagan kung saan matatagpuan ang lungga sa ilalim ng lupa.
Nililinyahan ng mga puno ng buko at saging ang bawat gilid nitong eskinita. Sumisibol rin ang mga halaman ng kalamansi sa pagitan ng matatabang puno, at nagbibigay ang kanilang maliliit na bunga ng maasim na amoy sa hangin dito. Napaparam sa lumalalim na dilim ang kulay ng mga gumamela, na kadalasan ay nagdadagdag ng matingkad na pula at kahel sa loob ng makitid na eskinita. Naghahapunan na ang karamihan sa mga tao ngayon at wala ang pangkaraniwang paggalà ng mga mangangalakal at masisiglang mamimili. Tahimik ang mga hakbang ni Yaya sa matigas na lupa, at gayon din ang mga yapak sa likuran niya.
Lumingon siya. Ilang hakbang palayo sa kanya, may naglalakad na balingkinitang tao. Tinatakluban ng maitim na panyo ang babá na kalahati ng mukha niya. Maiksi ang kanyang buhok, hindi siya katangkaran, at may nakasukbit na batong pamalo sa may balakang niya. Pambihira din iyon, dahil ang pangkaraniwang dala ng mga tao rito ay pakal. Bumagal si Yaya, hindi alam kung ano'ng iisipin sa táong ito. Lumapit siya sa mga halaman sa kanan, inaasahan na lalampasan na lang siya nito at aalis din.
Ngunit kahit sa malayo, napansin niya na sinusundan ng mamâ ang mga galaw niya. Lumaki ang mga hakbang nito, patungo tuwiran sa kanya.
“Ano'ng gust mo–?” Huminto si Yaya nang hinatak ng lalaki ang pamalo sa balakang. Humaginit sa isip ni Yaya ang alaala ng hungkag na katawan ni Sarang. Napuno siya ng takot, at sumibad siya papasok sa halamanan, itinutulak ng isang sigabo ng lakas. May sumagitsit sa likuran niya, tapos kumalabog ang bato sa kahoy.
Tumalon si Yaya sa mga buhol-buhol na ugat ng puno at maliliit na palumpong. Hinampas niya palayo sa mukha ang mga sanga ng maiiksing puno. Mabagal mag-agpang ang paningin niya sa dilim, at wala siya gaanong maaninag sa lilim ng mga halaman. Kumakabog ang mga yapak na sumusunod sa likuran niya. Hindi niya kilala ang táong ito at hindi niya alam kung bakit siya hinahabol, pero parang mayuyupi ng pamalong iyon ang mukha niya, at ayaw niyang matulad kay Sarang. Pinanangako niya kay Binhi na hindi mangyayari iyon.
Dumagasa si Yaya palabas ng halamanan. Sa harap niya, umaaligid sa dilim ang ilang plataporma. Nakarating siya sa pambayang kainan: ang lugar kung saan nagsasama-sama ang mga taga-nayon tuwing naghahanda ang datu. Kapag handaan, puno ang mga plataporma ng mga mesa, at dito inilalagay ang mahahabang dahon ng saging na may matataas na bunton ng pagkain. Walang dingding ang mga plataporma, kundi mga rehas na yari sa sawali, nakasuksok sa pagitan ng malalaking haligi na nagtataguyod sa bubong.
Nagmadali si Yaya sa loob ng isang plataporma, at yumukyok sa likod ng isang mesa na ngayon ay nakabalot sa abaka para hindi marumihan. Ipinikit niya ang mga mata, huminga nang malalim, at sinubukan pabagalin ang pag-ikot ng kanyang mga enggranahe. Walang umaalingawngaw na yapak sa paligid niya. Binuksan niya ang mga mata and minatyagan ang naghahalong anino at liwanag ng buwan sa rehas. Walang nagbabago. Nawala na ba ang humahabol sa kanya?
May pumilantik sa taas ng ulo ni Yaya. Iwinagayway niya ang kamay sa buhok, naiinis sa mga makulit na langaw na laging iniisip na káya niyang pawiin ang gutom nila. Ngunit basâ at malagkit ang kamay nang ibinaba niya ito. Bumara ang hangin sa mga kable sa lalamunan niya, at bumaling ang tingin niya sa bubong ng plataporma. Tumibok nang malakas ang liwanag ng Ubod ng Diwa niya mula sa ulo, at doon sa matingkad na lunting ilaw na iyon niya natanaw ang lalaki na humahabol kanina sa kanya. Nakasabit iyon sa barakilan sa kisame, nakakapit sa kahoy ang mahahabang bisig na tinubuan ng makapal na balahibo. Gayon din ang mga binti na nakabitin sa barakilan. Malaki ang mga kuko niyon sa paa, at kasintulis ng sa tigre na nakita dati ni Yaya sa larawan na pininta ng isang magsisining. Nakasukbit ulit sa isang tali sa may balakang ang pamalo na hinampas niyon kay Yaya. Natanggal na ang panyo sa mukha niyon at nakapalibot na lang sa leeg, isinantabi ng mahaba't basang dila na nakalaylay sa bibig. Kumakawag ang nakasangang dulo ng dilang iyon sa harap ng mukha ni Yaya.
Nanatili siya sa pinagyuyukuan nang sandali, hindi maigalaw ang mga enggranahe sa kabila ng daluhong ng mga kabalintunaang naiisip. Hindi niya ako masisipsipan ng dugo, ang isang naisip niya. Káya pa rin niya akong sirain.
Tumalon ang aswang mula sa kisame, at iyon ang nagpagalaw na kay Yaya. Itinulak niya ang mesa sa tabi at gumulong sa kawayang sahig na nanginig sa pagbagsak ng aswang. Umukyabit patayo si Yaya, patungo na sana sa labas ng plataporma, pero hinatak siyang pabalik ng dila na pumulupot sa kanang kamay niya. Lumingon si Yaya, isang saglit lang bago gugulpihin na sana siya ng pamalo. Sinangga niya ito gamit ang isa pang kamay. Pero hindi nakayanan ang bangga ng galang-galang niya doon, na hindi pa lubusang nakakabawi sa atake ng aswang sa lungga. Tumalsik ang kamay niya mula sa braso, todong nawala sa pagkakabit sa mga bisagra.
Umungol ang umaatake sa kanya, at iwinasiwas ulit ang pamalo. Pinilit ni Yaya ilayo ang katawan, hinahanda ang sarili sa pagtama nito. Ngunit may anino na biglang tumalon sa rehas ng plataporma at binundol ang nananalasà sa kanya. Dumulas paalis ang dila ng aswang sa kanyang braso. Naghalo ang pangamba at ginhawa sa loob ni Yaya habang nagbubunuan sa sahig ang dalawa. Maliksi at masidhi ang isa, matipuno at mabangis naman ang pangalawa. Aswang ang isa, tao naman ang–
Teka, hindi. Hindi tao. Nangaligkig ang nanghimasok sa away, nanginginig ang mga braso at binti na parang may kumukulo na galit na hindi matimpi. Ngunit hindi galit ang dumadaloy sa katawan niya, kundi isang malagim na pagbabago. Sa loob ng ilang kisapmata ni Yaya, isang nilalang na mahaba't mabalahibo ang katawan ang naroroon ngayon si niluluhuran ng nanghimasok.
Sumibat sa paligid ang isang mabagsik na angil. Sinundan ito ng isang ngalutngot, tapos isang hiyaw ng matinding sakit. Sa kagipitan, hinampasan ng nasa babâ ang nanghimasok, at sa lakas ng palo, gumulong ito sa gilid, napasadlak sa rehas. Namimilipit sa kawayan sa sahig ang umatake kay Yaya. Lumulusak ang dugo sa ilalim nito, tumutulo sa pagitan ng mga kawayan. Mas malala pa ang pagkapunit ng leeg nito kaysa ng kaliwang galang-galang ni Yaya. Pagkalipas ng isang sandali, hindi na ito gumalaw ulit.
Bumalik sa táong anyo ang pangalawang aswang. Naroroon si Digan, nakahilata sa gilid at madugo ang bibig, mukhang isang pinaglumaang manika na itinapon na lang.
May dumiin na bigat sa buong katawan ni Yaya. Inuudyok ng parehong takot at pagkamangha, tumiyad siya sa sinasandalan ni Digan. Nakatingin ito kay Yaya, kumikislap ang mga mata. Sira-sira ang damit niya, at napatingin si Yaya sa dibdib niyang niyupi ng pamalo.
Pero sa halip ng dugo at laman-loob, mga bitak ang pumapalibot sa yuping iyon. Ang yupi na ang laki at ang hugis ay hindi posible para sa laman at buto. Mga bitak na umiilaw ng kagila-gilalas na muradong liwanag.
Isang matinis na tunog ang lumabas sa yupi, parang pinipihit na bakal. Nalaglag ang isang bahagi ng nabitak na dibdib. Hindi maintindihan ni Yaya kung ano ang nakikita niya.
Sa loob ni Digan, pinapalibutan ng mga pilak na hibla at malangis na enggranahe, ay kalahating Ubod ng Diwa. Parang mangkok ang hubog nito, pumipintig ng habán na liwanag sa halip ng pangkaraniwang lunti. Nakadapo sa gitna ng bato ay isang kakaibang sisiw, napakaitim tulad ng pinakamadilim na gabi.
Kumurap si Yaya, halos hindi makayanan sambitin ang mga susunod na salita. “Ano'ng klaseng nilalang ka?”
“Tulad mo,” tugon ni Digan, walang sakit na kumukulay sa tinig. “Isang Pinanday ako.”