Kabanata 3

Binti

Mali ang hinala ni Yaya. Iyon ang unang naisip niya. Bumagsak siya sa kanyang pagsubok.

Hindi niya maalis ang titig sa Itim na Sisiw. Tumutuka-tuka ito sa loob ng mangkok ng Ubod ng Diwa, pero parang hindi nito kayang lumabas. Buong-bilis na ang pag-ikot ng mga enggranahe ni Yaya, ngunit hindi pa rin niya makamit ang inaabot na pang-unawa. “Hindi ko maintindihan.”

“Isa akong Pinanday na aswang – ang kaunaunahang ginawa.”

Nilibot ng tingin ni Yaya ulit ang nakalantad na laman-loob ni Digan. Kakaiba ito sa mekanismo ng pangkaraniwang Pinanday. Tila kalahati lang ni Digan ang gawa sa bakal o sa ibang kasangkapan na bumubuo sa tulad ni Yaya. Ang isa pang kalahati ay gawa sa mga hibla ng kakaibang bagay, at lusaw na likido, at iba pang hindi mamukhaang kalamnan.

At ang Itim na Sisiw.

Ang ugat ng katalasan ng pandama at kakayahang magbagong-anyo ng mga aswang. Ang parasitong ibon na hindi talaga ibon.

Binaha ng mga alaala ang ulo ni Yaya. Tumulo ang mga ito sa pagitan ng pira-pirasong kaalaman niya kay Digan, bumubuo ng panibagong larawan. Tumatakas si Digan sa mga katalonan dahil mararamdaman nila na, tulad ng ibang Pinanday, walang kaluluwa si Digan. Hindi na kailangan ng seremonya ng paglilinaw para matuklasan iyon. At ang Itim na Sisiw ang nagbibigay ng malakas na pandama kay Digan. At hindi siya kumakain dahil hindi kayang gawin ito ng mga Pinanday.

“Kung tapos ka nang tumitig, baka matulungan mo naman ako.” Walang kibo ang kaliwang bisig ni Digan. Natitibag ang mga bakal at hibla mula sa mga malubhang punit nito. Nang itinulak niya patayo ang sarili sa rehas, napangiwi siya sa hirap, at dumulas uli na nakaluhod sa sahig. Kung anumang sira ang dinulot ng mga kalmot at hampas ng kaaway na aswang, mas malalim pa kaysa sa naaaninag ni Yaya.

Lumapit si Yaya kay Digan, at bantulot niyang inabot ang kamay. Dahil alam na niya ngayon na Pinanday si Digan, naghimagsik ang loob niya sa pakiramdam ng malambot na balat nito. Sinasabi ng isip niya na dapat makinis at matigas ang panaklob ng isang Pinanday. Tumama ang tingin nila sa isa't-isa, at sinubukan hanapin ni Yaya ang Digan na akala niya ay kilala niya. Bigla niyang inasam na makabalik sa panahon noong mas sigurado siya kung ano ang nilalang na ito. Ngunit malayô ang itsura nito, at alam ni Yaya ganoon din ang itsura niya. Sa kabila ng pagkatulingaw nila sa isa't-isa noon, pareho rin silang hindi naging tapat.

Pero sinagip pa rin niya ako, sumilay sa isip ni Yaya. Ipapapaslang niya ang nilalang na ito, ngunit kinalaban pa rin nito ang dumaluhong sa kanya. Kahit anumang lihim ang itinatago ni Digan sa kanya, malaki ang utang na loob ni Yaya ngayon sa huling ginawa nito.

Umikot si Yaya at pinulot sa sahig ang naputol niyang kamay. Tapos bumalik siya kay Digan, hinatak ang sirang kaliwang bisig nito at inakibat sa kanyang balikat. Napatigil siya nang napansin ang nagdurugong bangkay na humaharang sa paglabas nila. Hindi pa rin alam ni Yaya kung bakit may biglang umatake sa kanya. “Alam mo ba kung mayroon pang humahabol sa akin?”

“Baka,” sinagot ni Digan, nag-aalinlangan. “Pero sigurado ako na may humahabol sa akin.”

Nagbuntong-hininga si Yaya, humihigpit ang mga bisagra sa inis. Ang daming mga tanong na naglalaban sa isipan niya, at hindi na niya malaman kung ano ang pinakamahalaga. Kailangan niyang kausapin si Digan. Kailangan din nilang magtago. Saan niya madadala ang isang sugatang Pinanday na aswang na may tinatakasan?

Sa huli, hindi dinala ni Yaya si Digan sa malayo. Hindi sila puwedeng makita ng iba na magkasama, kaya sa huli, nauwi sila sa kumpulan ng mga puno na bumabaybay sa eskinita na nilakaran ni Yaya kanina. Magkahalong buhat at kaladkad ang ginawa niya kay Digan para makabalik doon. Dahil may daanan na nakalaan para makapasok sa pambayang kainan, sigurado si Yaya na malabong may tao na babagtas nang sadya sa mga puno. At hindi man mapipigilan ng mga puno ang isang aswang, umaasa pa rin si Yaya na matutulungan sila itago ng amoy ng kalamansi.

“Kapag hating-gabi, lagi kang may pinupuntahan.” Hindi tiyak si Yaya kung bakit iyon ang una niyang nasabi pagkatapos niyang tulungan sumandal si Digan sa isang malaking puno. Mas naligalig yata siya sa kababalaghang iyon kaysa sa inakala niya.

“Mga libingan,” sinagot ni Digan, at parang nabigyang-bisa ang kutob ni Yaya. “Mga lugar na sinalakay noong unang panahon. Ang bangin sa kabilang ibayo ng ilog kung saan tumatalon ang mga nagigipit. Saan man malakas ang singaw ng kamatayan para mapakain ko ang munting alaga ko.” Sinikap ni Digan ituro ang Itim na Sisiw na naaaninag pa rin sa bahagi ng dibdib niyang nahulog. “Káyang pakainin ng pangkaraniwang aswang ang Sisiw niya tuwing sumisipsip siya ng dugo, pero dahil hindi ako kumakain o umiinom, kailangan kong maghanap ng ibang paraan. Maliban kung pumatay ako, ngunit...”

Kumalantog ang katawan ni Yaya sa nginig. Napagtanto niya na ang ibig sabihin ng pagtuka-tuka na nakita niyang ginagawa ng Sisiw kanina ay kumakain ito. Naalala niya ang malansang amoy ng dugo doon sa plataporma, at ipinikit niya ang mga mata para hindi siya mapasulyap sa dakong iyon.

“Sino ang humahabol sa'yo?” tinanong ni Yaya. “At s'akin? Magkasabwat ba sila? Pareho lang ba?”

“Hinahanap ako ng naglikha s'akin.”

Nabigla si Yaya sa sagot na iyon, pero pinilit niyang ituon ang pansin sa kasalukuyan. Siyempre may naglikha kay Digan. Isa siyang Pinanday. Isang Pinanday na aswang, pero siyempre may bumuo pa rin sa kanya.

Pagkatapos ng isang palaisip na saglit, idinagdag ni Digan, “Parang namumukhaan ko ang umatake sa'yo. Sa tingin ko nakita ko na siyang inuutusan ng manggagawa ko. Hindi ko siya gaanong kakilala, pero sa tingin ko hindi ka niya sasaktan nang sariling kusa.” Ibig sabihin, malamang na inutusan ito na saktan si Yaya ng manlilikha ni Digan.

“Ang lumikha sa iyo, isa ba siyang aswang o...”

“Oo.”

May katuturan iyon, kung anumang katuturan ang puwedeng makamit sa gulong ito. Hindi matarok ni Yaya na kayang buuin ng isang tao si Digan, ngunit hindi niya rin matarok na kayang maging panday ng isang aswang. Maraming kailangan para sa paggawa ng isang Pinanday na hindi makukuha ng mga nilalang na mag-isang mamuhay. Kahit ang ama ni Yaya, na mahiyain at mas nais na magsarili, umasa pa rin sa pangangalakal ng mga tindero at karpintero at ibang panday para makuha ang mga kasangkapang kailangan upang mabuo ang mga Pinanday niya. Pero hindi rin naman mawari ni Yaya ang karamihan sa kasangkapang bumubuo kay Digan. Malinaw na may matalinong aswang na nakatuklas ng paraan para makagawa ng Pinanday na aswang. Ang mahalagang tanong ngayon ay, “Bakit? Bakit ka niya ginawa? Bakit ka niya hinahanap ngayon, pati na ako? Bakit nangyayari lahat nito?”

“Sabihin mo s'akin, Yaya. Saan nahahanap ng karamihan ng mga aswang ang mga biktima nila? At alam kong alam mo, dahil pinag-aralan mo sila. At pinag-aralan mo rin ako.”

Natuklasan na pala ni Digan na minatyagan siya ni Yaya. Dati pa ba niya nalaman? Tila nababasa ang isip ni Yaya, umusad sa lupa si Digan at tumingin sa malayo, parang nahihiya. “Huwag kang mag-alala. Napagtanto ko lang nitong umaga.”

Tumighim si Yaya at pinilit tumutok sa isang bahagi lang ng usapan nila. “Nangyayari ang karamihan ng mga daluhong ng aswang sa daanang pangangalakal o sa baybay ng mga baranggay.”

Tumango si Digan. “Tama. Anumang dunong ang natutuhan ng mga aswang sa pagpapanggap bilang tao sa loob ng ilang daang taon, hindi pa rin sapat para linlangin ang mga tao nang matagal. Mga ilang araw lang. Kaya naghahanap sila ng madadaluhong sa mga lugar kung saan hindi nila kailangan makitungo nang matagal at kung saan sila may matatakasan agad pagkatapos.

“Pero tumingin ka sa paligid mo. Tingnan mo ang Takatak. Ang Sagabilang. Ang ibang mga baranggay sa baybay ng ilog at ng dagat. Ano ang sa tingin mo'ng nangyayari sa mga aswang dahil sa mga iyon?”

Nauunawan ni Yaya kung ano'ng ibig sabihin ni Digan. Nagtitipon ang mga tao sa mas masisikip na lugar na saginsin sa gitna. Dinurugtong ng malalaking baranggay tulad ng Takatak ang mga munting nayon na dati ay nanganganib sa mga nanunubok na aswang. Sandaang taòng nakaraan, kinakailangan ng mga ninuno nila na mag-ani sa kakahuyan at ilog nang mag-isa. Ngayon, kinukupkop ang mga tao ng mayayamang pamilihan sa sinapupunan ng mga nayon, tulad ng palengke dito sa Takatak. At kahit sumasagana ang pangangalakal at paglalakbay, mas umaayos din. Napalitan na ang dating kalát na paglalakbay ng mga nag-iisang mangangalakal, ng mga karabana na may sinusunod na palatuntunan. Kung nakukuha nga ni Yaya ang ipinapahiwatig ni Digan, parang nahihirapan ang mga aswang na maghanap ng biktima sa dati nilang paraan.

“Ang ibig mong sabihin, ginawa ka ng manlilikha mo para matutuhan kung paano mamuhay sa malaking baranggay?” Maipapaliwanag niyon kung paano nakatira si Digan sa Takatak ng tatlong buwan na wala gaanong nanghihinala. Kahit man may ginagawa siya minsan na hindi pangkaraniwan para sa isang tao, malinaw na mas magaling siya sa ibang aswang para makapagpanggap ng sandaang araw. “Hindi ko maintindihan. Bakit hindi ang naglikha sa iyo ang nag-aaral mismo kung paano magawa ito?”

Napatawa nang kaunti si Digan. “Alam mo ba kung ilang beses na akong nahuhuli para isubok sa seremonya ng paglilinaw, Yaya? Noong unang beses ako iniwan ng manlilikha ko sa isang baranggay, kalahating araw lang bago ako natuklasan. Lumayas ako sa may kakahuyan, kung saan kinalas ng manlilikha ko ang katawan ko. Kinuha niya ang Ubod ng Diwa ko at ang Sisiw. Bumuo siya ng bagong balot para s'akin, tapos hinatid niya ako sa panibagong lugar, at doon nagawa kong magpanggap bilang tao hanggang gabi. Pang-anim na pagsubok ko na ito, at nahuli pa rin ako. Kung ang manlilikha ko mismo ang sumusubok, anim na beses na siyang mapapatay sa isang taon.”

Napakalinaw ng larawan na ipininta ng kuwento ni Digan sa isip ni Yaya, parang isang nakakaaliw na pabula na ibinabahagi ng sabik na mananalaysay sa mga naiinip na madla. May isang aswang – matalino na, mapamaraan pa – na nag-eesperimento sa mga baranggay para matuto ang ginawa niyang Pinanday – na aswang din – kung paano mas gumaling sa pagpapanggap bilang tao. Hindi makapaniwala si Yaya na ni isang bahagi niyon ay hindi kathang-isip lang.

“Naguguluhan pa rin ako,” sinabi ni Yaya. “Ang tanging kailangan niyang matutuhan ay ang tanging hindi mo magagawa. Hindi ka sumisipsip ng dugo sa loob ng mataong lugar.”

Umiling si Digan. “Totoo man na hindi ako sumisipsip ng dugo, hindi rin iyon ang kailangan niyang matutuhan. Alam na niya kung paano gawin iyon. Kailangan niyang malaman ang...” Kumaway si Digan sa halamanan sa paligid. “Lahat ng iba tungkol sa pagiging tao. Paano makipag-usap, paano magbalagtas, ano ang pinagkaiba ng lingkod sa alipin, bakit maling sipain ang tuta, bakit walang-galang ka kung hindi mo tatawaging lola ang matandang babae na hindi mo naman kamag-anak. Lahat ng mga nakasanayan ng mga táong gawin, iyon ang nais niyang matutuhan.”

“Teka, gumawa siya ng buong Pinanday, pero hindi niya alam kung bakit masamang sipain ang isang tuta?”

“Hay, maniwala ka, nakakapagtaka din s'akin ang mga kabalintunaan sa kaalaman ng mga tao at sa mga ginagawa nila,” ang balik ni Digan.

“Sige, sige. At pagkatapos ng bawat esperimento, sinasabi mo sa manlilikha mo lahat ng natutuhan mo?”

Dahan-dahan, tumaas ang mga sulok ng mga labi ni Digan sa isang ngisi. “Hindi ko kailangan sabihin.” Nilapat niya ang kamay sa dibdib, at itinulak paalis ang sirang bahagi na nahulog kanina. Natanaw uli ni Yaya ang Ubod ng Diwa, pati na rin ang Itim na Sisiw na kumakandirit so loob nito. Binaha ang mga púno sa paligid ng nagtatalong lunti at muradong liwanag.

“Maraming pagkakaiba ang mga aswang at tao. At dalawa sa mga pagkakaibang ito ay nagbibigay kakayahan sa aswang na gamitin ang Ubod ng Diwa sa paraang hindi kaya ng tao. Dahil sa matatalas nilang pandama, nagagawa nilang basahin ang mga ito.” Tinapik niya ang mga nakaukit na makiwal na linya sa balat ng Ubod. “Sinabi mo s'akin noon na walang tao na nakakapagbasa ng mga ito. Pero kaya ng aswang. Kahit papaano, kaya ng manlilikha ko. At hindi ito parang pagbabasa. Ipipikit niya ang mga mata at kakapain ang mga ukit, at bigla na lang niyang makikita ang mga alaala tumpak sa totoong nangyari.

“At ang kakayahan nilang magpalit ng anyo?” Itinuro ni Digan ang isang hindi pangkaraniwang linya sa Ubod ng Diwa. Mukha itong pilat, manipis at nakakunot. May iba pang linya na tulad nito sa ibang bahagi ng Ubod. “Dati, mayroon akong alaala rito, pero nakalimutan ko na. Hindi alam ng mga tao na káya rin ng mga aswang na palitan ng anyo ang ibang bagay bukod pa sa sariling laman at buto. Isa sa mga bagay na iyon ay ang uri ng bato na ginagamit panggawa ng Ubod ng Diwa ng Pinanday.”

“Palitan ng anyo,” inalingawngaw ni Yaya. Nilalamig siya sa ipinapahiwatig ng ibinatid ni Digan. Hindi niya alam kung anong iisipin.

Tumango si Digan, nananatili ang kanyang ngisi sa mukha, ngunit hindi siya nagmamalaki. Hindi siya nagmamayabang. “Káya ng mga aswang na hubugin ang nilalaman ng batong ito, Yaya. Káya nilang burahin ang mga alaala. O baguhin. Isipin mo na lang, isang taon nakaraan, halos hindi ko malinlang ni isang tao. Ngayon, nakakaikot na ako sa isang kapit-bahayan kada umaga ng ilang buwan. Gusto ko man sabihin na napakagaling kong mag-aral, pero ang katotohanan ay pinipisan ng manlilikha ko lahat ng matulungin na kakayahan na natutuhan ko. Gamit ang mga ito, bumubuo siya ng malalakas na kutob. At pinahihinaan naman niya ang mga hindi nakakatulong sa akin, at minsan, binubura niya nang todo sa Ubod ko.”

Tumingala si Yaya sa langit. Hindi niya gaanong makita ito sa pagitan ng makakapal at nagdurugtungang dahon ng mga puno. Pumaparam na ang malupit na pagkataranta na sumakmal sa kanya kanina. Kahit hinahanap nga sila ng manlilikha ni Digan, sa lubos na pagkapuspos ni Yaya, namamanhid na siya. Tila sumusuko na ang mekanismo niya.

Ngunit maipapaliwanag ng lahat ng sinabi ni Digan kung bakit gipit na gipit ang manlilikha niya sa paghahanap sa kanya. Nasa Ubod niya lahat ng mabisang kaalaman para makapagpanggap na isang tao ang aswang. Ayaw ng manlilikha ni Digan na mawala lahat niyon – o mas malala, mapunta ang Ubod sa ibang aswang na makakapagbasa nito.

“Bakit ka nga ba tumatakas sa manlilikha mo?” tinanong ni Yaya.

Umungol si Digan. “Tatakas ka rin kung magiging esperimento ka lang habambuhay. Kung may ibang nagpapasya kung saan at paano ka mamuhay, kung ano ang naaalala mo, kung ano ang malilimutan mo.” Umiling siya, at may bumaba na mahabang hibla ng buhok sa pisngi niya. Sa mas marahang tinig, idinagdag niya, “Malabo ang kinabukasan ko kung mananatili akong ganito. Binibihag ng gumawa sa akin, nagbabantâ sa mga nakapaligid sa akin. Pero isipin mo, paano kung makapagpanggap ako bilang ibang nilalang? Nilalang na tulad mo.”

“Tulad ko?” Biglang napag-ugnay ni Yaya ang sinasabi ni Digan. Gusto ni Digan maging pangkaraniwang Pinanday, iyong uri na gawa ng mga tao. Kung ipapagpatuloy ni Digan ang pagpapanggap bilang tao, matatakasan man niya ang kanyang manlilikha, sa huli ipagkakanulo pa rin siya ng pagkaaswang niya sa mga tao. Pero walang maghihinala na nagpapanggap bilang isang Pinanday ang aswang. Dahil, hangga't ngayon, wala pang nakakagawa nito.

Isa ka bang pangkaraniwang Pinanday? Ito ang tinanong niya kay Yaya noong unang gabi na nagkita sila. Kayá pala napakausisa ni Digan sa mga Pinanday. Hindi dahil hindi niya alam kung ano sila, ngunit dahil ibang uri siya nito. At kung mapapag-aralan lang niya kung paano sila kumilos, makakapagpanggap siya bilang isa sa kanila.

Nakutuban ni Digan ang pag-unawa ni Yaya. Tumawa uli siya nang mahina. “Alam mong ayaw kong makihalubilo sa iba. Pero hindi ako umiwas sa'yo, dahil ginamit ko ang buong panahon na ginugol mo s'akin para aralin ka. Ngayon ko lang napag-isipan na sa sobrang sabik ko, hindi ko napansin na pinapag-aralan mo rin pala ako.”

Napakatumbalik ng nangyari. Para sa kanilang dalawa.

Lumingon si Yaya sa dako ng plataporma ng kainan. “Anong kinalaman ng aswang na iyon? Bakit pinadala siya para atakihin ako, ngayong hindi ko naman alam lahat ng ito kanina?” Kung tutuusin, hindi niya malalaman lahat ng lihim ni Digan kung hindi siya sinagip nito mula sa dumaluhong sa kanya.

Kumunot ang noo ni Digan. Alam na alam na ni Yaya ang itsura ng simangot na iyon. “Hindi ako sigurado. Hindi ko rin alam kung paano nahulaan ng manlilikha ko na ikaw ang nagmungkahi na isubok ako sa seremonya ng paglilinaw. Kadalasan, nalalaman lang namin na may gustong magpaseremonya sa akin kapag hinuli na ako ng mga lingkod ng datu. May plano kami para makatakas tuwing nangyayari iyon. Pero walang humuli sa akin sa Takatak. Sa halip, dalawang gabing nagdaan, dumating s'akin ang manlilikha ko mismo at sinabi na kailangan na naming umalis. Tinanggal namin ang kubo at napilitan akong maglakbay pakanluran kasama niya. Pero ayaw ko nang gumawa pa ng pampitong esperimento, kaya humiwalay ako para hanapin ka.”

Umungol si Yaya at pinisil niya ang natanggal niyang kamay. Nahahatak ang loob niya sa pagkabigo na hindi niya malaman kung bakit siya inatake, at sa kaalaman na napakaliit na bagay lang iyon sa kabila ng ibang nangyayari. Hindi mahirap hulain kung bakit ipinadala ng manlilikha ni Digan ang dumaluhong kay Yaya. Baka natuklasan nito na minatyagan ni Yaya si Digan, at pinautos na sirain siya sakaling may napansin siyang makakasabi sa tunay na katauhan ni Digan.

Pero hindi na ito tungkol lang kay Yaya. Hindi na rin ito tungkol lang sa patibay niya o kay Binhi pa. Kung makakukumpleto ng sapat na esperimento ang manlilikha ni Digan, lubos na makakapagpanggap ito na isang tao. Manganganib ang maraming pamayanan. “Ano pa ang masasabi mo tungkol sa manlilikha mo? May pangalan ba siya? Ano'ng itsura niya?”

“Matangkad siya at payat. May maiksi siyang buhok at maputlang balat.” Pumiksi si Digan. Parang iyon lang talaga ang kaya niyang ibahagi. “At ang pangalan niya? Malay ko. Parang lagi kong nakakalimutan. At kung kaya kong makalimutan ang pangalan niya, ibig sabihin, minamanipula niya ang kaalaman ko sa kanya. Kung ako ikaw, mag-iingat ako sa lahat ng sinasabi ko tungkol sa kanyang pagkakakilanlan.”

Tumayo si Yaya at pinagpag ang mga tapis niya. “Ang tanging paraan na nakikita ko para makawala tayo nang ligtas sa gulo na ito ay kung mahuhuli ang manlilikha mo. At para mangyari iyon, kailangan kong humingi ng tulong sa mga mas makapangyarihan sa ating dalawa.” Humakbang siya, tapos napahinto. “Pero bago ako umalis, bakit mo ba ako hinanap?”

“Sinabi mo s'akin noong unang gabing nag-usap tayo na gawa sa isang balangkas lahat ng mga Pinanday na tulad mo,” sinagot ni Digan. “Puwede ba akong makakuha ng kopya ng balangkas na iyon?”


Iniilawan ng kalahating buwan ang langit ng hating-gabi nang lumakad si Yaya patungo sa purok ng datu. Nakahanap siya ng gising pa na nagkukuti-kutiltil, at ginamit niya ang natitirang panustos para maipakabit ang kaliwa niyang kamay sa galang-galang. Hindi niya gaano nagagalaw ito, pero ayos na pansamantala. Kapag nasusulyapan niya ang malalaking pako sa baba ng kanyang kamay, may sumisiklab na maliit at nakakagulat na inggit kay Digan. Gamit ang kakayahan nitong magpalit ng anyo, naidiretso ni Digan ang sariling braso at dibdib pagkatapos ni Yaya tulungan siyang ipantay ang mga bahagi na nasira.

Hindi sigurado si Yaya kung ano ang magagawa ni Digan nang mag-isa kung makukuha nito ang balangkas ng mga Pinanday, pero pinilit niyang huwag munang isipin iyon. Bago pa mangyari iyon, kailangan ni Yaya hilingin kay Binhi na isalarawan ang balangkas. At bago niya susubukang makipagkita kay Binhi ulit, kailangan niyang tiyakin na hindi siya maghahatid sa tahanan nila ng nilalang na mayroong batong pamalo o mga kuko na sintálas ng kampilan.

Gusto na sana ni Yaya na pumunta na agad kay Datu Lunti, pero wala siyang katibayan na gusto niyang ibunyag bukod pa sa bangkay ng umatake sa kanya. At ang mapapatunayan lang niyon ay na mayroong gustong sumira kay Yaya. Hindi iyon sapat, at hindi lang ang sarili niya ang nanganganib na ngayon.

Sa halip, pagkalampas ni Yaya sa bungad ng purok ng datu, naglakad siya papunta sa mga tahanan ng mga lingkod. May sariling silid si Luwan sa isang bahay-panuluyan sa pitak na nakalaan para sa mga lingkod ng datu. Mas malayo iyon nang kaunti mula sa gusali ni Datu Lunti kaysa sa kubo na tinutuluyan nina Yaya at Binhi. Nakatabi ang bahay-panuluyan na iyon sa isang halahay ng mga puno ng mangga. Sumasayaw-sayaw ang mga dahon nila sa banayad na hangin ngayong gabi.

Wala pa ring mga kamag-anak si Luwan hanggang ngayon. Sa kasalukuyan, mas magaan sa loob ni Yaya na isipin iyon, habang umaakyat siya sa hagdanan ng bahay sa dilim. Wala siyang ibang maaabala habang naghahanap ng katibayan na may malagim na nangyayari sa lugar na ito. Kumatok siya sa pinto ng silid ni Luwan. Nagdadalawang-isip siya kung kailangan pa niyang linisin ang mga paa gamit ang tubig sa palayok na nasa huling palapag, nang biglang bumukas ang pinto. Nakatayo si Luwan sa kabila, nakatali ang puting buhok sa pinakamaluwag na pusod na nakita ni Yaya sa kanya.

“Yaya,” sinabi ng nakakatandang babae nang medyo bagot. “'Di ba sinabi ko na tatawagin na lang kita kapag alam ko na ang kinalabasan ng pagsubok mo?”

“Kalimutan mo na po 'yung pagsubok! Mayroon po akong kailangan sabihin sa'yo, Luwan.”

Kumitid ang mga mata ni Luwan, at naglakbay ang tingin niya sa kabuuan ni Yaya. Baka nakutuban na mayroong malalang nangyari, tumabi si Luwan sa pintuan at pinapasok si Yaya. Sumenyas si Luwan sa isang mababang hapag sa sulok ng pangunahing silid, at bago pa makaupo si Yaya sa tabi nito, sinimulan na niya ang kanyang salaysay.

“Isang Pinanday po si Digan. Pinanday na aswang.” Nahirapan si Yaya na panatilihing mababa at matatag ang boses nang ibinatid niya kay Luwan lahat ng natuklasan niya tungkol kay Digan. Kung ano si Digan. Kung ano ang panukala ng manlilikha niya sa paggawa sa kanya. Ang mga esperimento na ginagawa nila sa iba't-ibang nayon. Nakaupo si Luwan sa tapat ni Yaya, lumalagim nang lumalagim ang mukha nang tumatagal ang kwento. “At nalaman ng manlilikha ni Digan na minamatyagan ko siya. Hindi ko alam kung paano. Baka minantyagan niya rin ako. O tayong lahat. May umatake sa akin na aswang kanina na pinanghihinalaan namin ni Digan na kasabwat ng manlilikha niya.”

Nanatiling tahimik si Luwan, nakadaop ang mga kamay sa harap. Hindi alam ni Yaya kung naniniwala sa kanya ang pambayang lingkod, at sa loob ng isang sandali, bumigat ang dibdib niya sa panghihinayang na baka pati si Luwan ay hindi makatutulong. Tumighim si Luwan, tapos hinigpitan ang pagkapusod ng buhok. “Nasaan na ba si Digan ngayon? Hindi ko sinasabi na nagdududa ako sa'yo, pero siya ang nasa gitna nitong lahat. Tiyak nasa kanya lahat ng kailangan nating malaman.”

“Lumayas po,” sinagot ni Yaya, nakahanda na ang kasinungalingan sa dila niya. Alam niya kung ano ang gagawin ng mga lingkod ng datu kay Digan pagkatapos siyang gamitin para hanapin ang kanyang manlilikha. Walang maniniwala na gusto lang niya na makatakas sa buhay na simula't sapul ay binubuo ng paulit-ulit na mga esperimento. Kung sasabihin ni Yaya kay Luwan kung ano ang tunay na dahilan ni Digan kung bakit niya binalikan si Yaya, sisirain ni Yaya ang tanging pagkakataon ni Digan na mamuhay nang malaya. Ano'ng uri ng pasasalamat iyon sa pagsagip sa buhay niya? “Tumakas po siya sa manlilikha niya, sawa na sa pagiging esperimento. Kaya nga po nang nakita niya ang aswang na dumaluhong s'akin, akala po niya na naroon iyon para hanapin siya. At... at pinatay po iyon ni Digan, kasi natakot siya na baka sabihin niyon kung nasaan siya sa kanyang manlilikha.” Ito ang pinakamaayos na paliwanag na naisip ni Yaya na hindi masyadong lumilihis sa katotohanan.

Niluwagan ni Luwan ang pagkatali ng buhok niya at nagpusod siya ng panibago. Pinalalalim ng liwanag mula sa sulô malapit sa bintana ang mga kulubot sa mga mata niya at sa sulok ng bibig. “Sigurado ka ba na mapapagkatiwalaan natin si Digan? Ang dami na niyang inilihim sa'yo. Hindi n'atin alam, baka nagsasabwatan sila ng manlilikha niya para mabitag tayo. Baka siya pa nga ang nagsabi sa manlilikha niya tungkol sa'yo, kaya nalaman ng umatake sa'yo kung paano ka hanapin.”

Totoo na baka isang kahangalan ang paniniwala ni Yaya kay Digan – tutal, ang dami niyang inakala dito na mali pala. Pero sinagip din siya ni Digan, at sa wari niya hindi si Digan ang uri na papatay na lang ng basta-basta para mapamistulang magkasabwat sila. Napakalabo ng posibilidad na iyon pagkatapos ng lahat ng ibang nangyari. Nararamdaman ni Yaya na nais talaga ni Digan makawala sa manlilikha niya. At hindi ni Digan ipagkakanulo si Yaya kung siya ang huling pag-asa nito na makatakas.

“Hindi ko po alam,” inilihis ni Yaya ang sagot. “Pero hindi po ba mas mahalaga na mahanap natin ang manlilikha ni Digan? Siya po ang ugat ng lahat ng ito. Wala po ba kayong magagawa para matulungan ako? Kailangan lang po natin ng katibayan, kahit po ano na makakapahiwatig sa gulo na ito. Ipakita po natin kay Datu Lunti para matulungan niyang protektahan tayo at ayusin ang problemang ito.”

Napasipol si Luwan at umiling. “Si Digan sana ang pinakamainam na katibayan. Pero kung wala siya, puwede nating subukan tingnan kung may kakaiba bang pangyayari sa Takatak at sa paligid. Ayon sa sinabi mo s'akin, tiyak nag-iwan sina Digan at ang kanyang manlilikha ng mga naudlot na pagsisiyasat ukol sa aswang sa ibang baranggay. Baka may mababatid tayo sa mga kasulatan na naipon ko rito.”

Lumuwag nang kaunti ang igting mula kay Yaya sa pagsang-ayon ng lingkod. Dinala siya ni Luwan sa isa pang kuwarto, at sinindihan ni Luwan ang mga sebong kandila sa loob. Kalahati lang ang haba at lapad ng silid na ito kumpara sa pangunahing silid, pero parang mas makitid pa ang pakiramdam dahil sa mga salansanan, mesa, at kahon na nakatambak dito. Punô rin ang bawat isa sa mga iyon. Karamihan sa mga nakalagay ay mga kawayang pahina, minsan nakabilot, minsan nakapatong sa isa't-isa. Sa natitirang espasyo, nakalagay ang mga pandagán, pang-ukit at pangsulat, mga banig, at mga bayong na gawa sa abaka.

Itinuro ni Luwan ang isang mababang hapag. “Sinulat ko ang mga iyon para kay Datu Lunti, mga balita na dinala ng mga mangangalakal sa mga nagdaang araw. Puwede tayong magsimula roon.”

Kumiling si Yaya sa mesa, binabasa ang mga pahina. Nakasulat sa bawat batid ang petsa, pangalan, at katungkulan ng mangangalakal na nagsalaysay. Mayroong balita tungkol sa mga binahang ilog. Sa mga tinutugis na mandarambog. Sa mga babaeng maginoo na nais bilhin ang pinakausong pampakinis ng balat mula sa isang kilalang manggagamot sa Takatak. Hinanap ni Yaya ang salitang aswang sa mga kasulatan.

May humampas bigla sa likuran niya at sumubsob siya sa mesa. Tumalbog siya sa taas nito at nahulog sa sahig. May dumiin na mabigat sa pagitan ng kanyang mga balikat, dinadaganan siya. Bago namalayan ni Yaya ang nangyayari, pumalupot sa mga galang-galang niya ang bakal na posas, at kinabit siya nito sa baba ng isang mabigat na salansanan.

“Luwan?” tawag ni Yaya.

“Patawad.”

Lumingon si Yaya, at nahanap na kinakaladkad ni Luwan ang isang malaki't mabigat na kaban mula sa tuktok ng salansanan. Hinayaan ng lingkod na malaglag ito, ngumingiwi nang bumagsak kay Yaya, at narinig ang malutong na pagyupi ng kanyang mga binti. Umakyat sa katawan ni Yaya ang yanig ng pagbagsak. Ang tanging nagawa lang niya ay titigan ang tiwaling pagkabaluktot ng mga hita niya sa ilalim ng kaban. Doon tinusok ng matalas na takot ang gulat niya. Pumiglas siya, pero kahit naginhawaan siyang nagagalaw pa rin niya ang mga paa at daliri, hindi niya maalis ang kaban mula sa taas niya.

“Humihingi talaga ako ng patawad,” inulit ni Luwan. Diniinan nito ang pagtuon sa likuran ni Yaya, may kinakalmot sa kuwelyo ng damit niya.

Uminog ang mga enggranahe sa ulo ni Yaya. Naging matingkad na lunti ang mga kawayan ng sahig sa liwanag na nanggagaling sa ulo niya. “Dati mo nang alam ang tunay na katauhan ni Digan,” sinabi ni Yaya, halos bago pa niya nabuo ang hinuha na iyon. “Ikaw po ba ang nagsabi sa manlilikha ni Digan tungkol sa akin?” Ilang tao ba ang may alam na minatyagan niya si Digan? Wala gaano. At si Luwan ang nagsigurado roon. Hindi ba siya ang nagbigay payo kay Yaya na huwag ipagsabi ang pagsubok niya?

“Wala akong ibang magagawa.” Tahimik ang boses ni Luwan, nangangamba. Unang beses ni Yaya marinig na takot ang lingkod. “Hindi kita kayang pakawalan. Masyadong maraming naaalala ang mga Pinanday.”

Ako ang hindi mo kayang pakawalan?” Natunaw ang pagkabahala ni Yaya sa galit. “Naiintindihan mo ba kung anong ginagawa ng manlilikha ni Digan? Alam mo ba kung ilang tao ang manganganib kung matututuhan ng isang aswang mamuhay sa malalaking baranggay?”

“Huwag kang malikot. Mas dadali ito para s'ayo kung tatahimik ka.” Sinabunutan ni Luwan si Yaya at idiniin ang ulo niya sa sahig. Nanginginig ang isang kamay ni Luwan nang sinimulan niyang kutiltilin ang isang bahagi ng panuklob sa batok ni Yaya. Parang may iniikot siyang turnilyo.

Napagtanto ni Yaya kung ano'ng sinusubukang gawin ni Luwan. Mayroong maliit na dalawit sa batok ng mga Pinanday, na kapag hinila ay ititigil ang pag-ikot ng kanilang mga enggranahe.

Pumiglas ulit si Yaya, pero matindi ang pagdiin sa kanya ni Luwan. Hindi niya inakala na ganoon kalakas ang lingkod, lalo na't mas mabigat ang mga Pinanday sa tao na kasinlaki nila. Itinuon ni Yaya ang buong pansin sa mga galang-galang na binibigkis ng posas. Buti na lang mumurahin ang singil ng nag-ayos sa kamay niya kanina.

Buong-lakas hinatak palayo ni Yaya ang mga kamay niya. Tulad ng inaasahan, hindi nasira ang matibay na posas, pero napunit mula sa galang-galang niya ang kaliwang kamay. Nakalaya, itinulak ni Yaya ang sarili mula sa sahig laban sa nanghihinang pagdiin ni Luwan. Kumukurap ang mabibilog na mata ng lingkod sa naputol na kamay ni Yaya. Ngayong wala na ang mahigpit na kapit sa kanyang ulo't leeg, siniko ni Yaya sa mukha si Luwan, at bumangga ang lingkod sa salansanan. Tumumba at nalaglag kay Luwan ang mga nilalaman nito.

Inangat pa ni Yaya ang sarili, nakasabit ang kaliwang kamay sa posas na nakapalibot pa rin sa kanang galang-galang niya. Hindi niya ito pinansin. Sa halip, kinahig niya ang mabigat na kaban sa taas ng kanyang mga binti. Mahirap man gawin gamit ang isang kamay lang, nagawa niyang itulak ito patagilid. Nalaglag ang takip at lumabas ang nilalaman.

Gumiwang si Yaya patayo, at nagpasalamat nang natagpuan na káya pa rin siyang itaguyod ng mga binti. Nayupi man ang kanyang mga hita, natuklasan niya na makakausad pa rin siya kung kakandirit sa bawat hakbang. Kahit katawa-tawa ang magiging itsura niya pagtakas dito sa kubo, wala na siyang pakialam sa puntong ito.

Doon niya napansin kung ano ang lumabas mula sa kaban. Hindi na niya sana bibigyan ng pangalawang sulyap, kung hindi dahil sa kupas na lunting ilaw na kumikislap paminsan-minsan sa mga kutab ng malaki't maitim na batong ito. Kung umaga lang at sikat ang araw, hindi niya mapapansin ang mahinang liwanag, pero sa dilim ng silid ngayon, na iniilawan lang ng mga mausok na kandila, halatang-halata ito.

“Isang... Ubod ng Diwa ba iyan?” binulong ni Yaya. Gumapang ang tingin niya sa mga masalimuot na ukit sa bato, malalalim na daan na marahil nilakbay dati ng mga enggranahe ng isang Pindanday. Hindi lang ito isang Ubod ng Diwa. Ito ay gamít na, at may pambihirang itsura. Sa isang bahagi nito, mayroong patong-patong na maninipis na pilat na bumabagtas sa mga ukit, parang isang sapot ng gagamba na dumikit sa balat ng bato. Isang beses pa lang nakakita ng katulad ng ganoon si Yaya: sa Ubod ng Diwa ni Digan. Binalutan siya ng lamig.

Umusad si Luwan sa pagkahilata niya sa salansanan. Umiitim ang pisngi niya sa isang pasâ. May sugat siya na nagdurugo sa noo. Ngayong kinukumutan siya ng mga anino, mukha siyang isang tauhan sa kuwento ng mga mananalaysay sa hating-gabi. Lumabas ang isang angal sa mga labi niya. “Mamámatay na ang ina ko.”

Hindi gumalaw si Yaya. Parang nabasag ang kapaligiran niya at sinusubukan niyang ibalik lahat ng mga bahagi nito, dito sa makitid na silid na punó ng bato at papel. Isang maling desisyon at baka tuluyang mawala ang pagkakataon niyang matuklasan ang katotohanan.

“Nabalitaan ko sa mga kamag-anak ko,” lumabas ang paós na tinig ni Luwan sa sulok ng salansanan. “Hindi nila kayang magbayad ng manggagamot dahil sa utang nila. Kahit dalawampu't-limang taon na ang lumipas, hindi pa rin nila nababayaran iyon.” Isang mahinang singhot. “Isipin mo, sanhi lang iyon ng isang alaala. Isang alaala lang.”

Bumalik kay Yaya na parang isang malamig na tilamsik ng tubig-ilog ang kuwento tungkol sa inaswang na bahay-panuluyan. “Naalala ni Sarang na may kinakausap na batang lalaki ang ama mo.” Isang batang lalaki na aswang pala. Pumilantik ang tingin ni Yaya sa Ubod ng Diwa, may masakit na napagtanto, nahuhulog ang isang piraso ng katotohanan sa lugar na hindi niya handang tanggapin. Sa isang saglit, nakita ni Yaya sa isip niya ang walambuhay na bakal na balangkas ni Sarang, ang dibdib nito tila isang humihikab na butas sa pagkawala ng Ubod. Ito ba ang nawawalang bahagi ni Sarang?

“May nakilala akong aswang na nagsabi s'akin na káya niyang palitan ang nakasulat sa Ubod ng Diwa. 'Manghuhuwad' ang tawag niya sa sarili.” Humina ang boses ni Luwan, parang nagsisisi. “Akala ko, kung mabubura ko ang alaala na nagsangkot sa mga magulang ko, makahihiling ako ng panibagong litis para sa kanila. Maipapalabas ko na nagkamali lang si Sarang, at mapapatawad na ang utang nila. Ngunit may nangyaring kakaiba sa pagbura.”

Ang bilis naghanay-hanay ng iba't-ibang bahagi ng mga kaganapan ng lumipas na buwan, akala ni Yaya hahaginit mula sa ulo niya ang mga umiikot niyang enggranahe. Mas malubha ang nangyaring pagbura sa inaasahan ni Luwan. Sa halip na mabura lang ang mismong alaala ng pag-uusap ng ama ni Luwan at ng batang lalaki, nakalimutan ni Sarang ang mismong kakayahan na mamalayan lahat ng mga batang lalaki. At ngayon, malinaw na rin kung bakit biglang nawala si Sarang bago siya dapat ipatingin. Sinuman ang makakikita ng Ubod ng Diwa niya ay magtataka sa mga pilat doon. At baka doon din matuklasan na may kinalaman si Luwan sa lahat. Kaya siguro itinago ni Luwan – at baka kasama na rin itong Manghuhuwad na sinabi niya – ang Ubod ng Diwa, bago nila itinapon si Sarang.

Tumagos pa lalo ang lamig sa katawan ni Yaya, dumadaloy sa mga gilid at sulok ng panuklob niya. “Masyadong maraming naaalala ang mga Pinanday,” ang sinabi ni Luwan kanina. Akala ni Yaya, tinutukoy ni Luwan ang natuklasan ni Yaya tungkol kay Digan. Pero baka hindi lang iyon. Baka ang alaala na nagsasanhi ng hinanakit ni Luwan ay ang pagkatagpo ni Yaya sa katawan ni Sarang. Tutal, kung nasangkot ang pamilya ni Luwan gamit ang napakaliit na alaala, baka sakaling may napansin din si Yaya na isang munting bagay – isang hindi pangkaraniwan o hindi nagtutugmang detalye – na makakapanganib sa malinis na pagtapon ni Luwan kay Sarang.

“Kung isang tao ang nakatuklas kay Sarang, pababayaan ko na sana siya,” ibinulong ni Luwan. Hindi man ito ganap na pag-amin, napatunayan pa rin ang hinala ni Yaya. “Humingi ako ng tulong mula sa Manghuhuwad para mawala ka, pero may nais siya munang makuha sa'yo.”

“Ang Ubod ng Diwa ko?” hinulaan ni Yaya.

“Isang Ubod ng Diwa na alam kung paano mawari ang isang aswang,” ipinaliwanag ni Luwan. Ngumiwi siya nang tumulo ang dugo sa mata niya. “Gustong malaman ng Manghuhuwad kung paano mangatwiran ang isang Ubod na ganito, kung ano ang mga tandâ na hinahanap at ginagamit pangatwiran. Gusto niyang malaman kung paano maalis ang mga kahinaan ni Digan para maging mas mabuti pa siyang manlilinlang. Kayâ nagbuo ako ng pagsubok para sa'yo.”

Nagbuntong-hininga si Yaya, hindi makapaniwala. Kahit ang pagsubok niya pala, isang laláng lang. Kathang-isip lang. Nag-ugnay ang iba pang mga nangyari nitong lumipas na buwan. “Wala talagang nabiktima ng isang aswang pagkatapos ng tindero ng mangga,” sabi ni Yaya. Walang maalala ang katalonan na pinagtanungan niya. Si Luwan lang ang nagbatid na mayroong inatake ng aswang sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan, na si Digan ang pinaghihinalaan.

“Aasikasuhin ka dapat ng Manghuhuwad pagkamungkahi mo ng seremonya ng paglilinaw. Kukunin niya dapat ang Ubod mo. Hindi na kita dapat makita ulit.” Lumabas ang isang masakit na tawa kay Luwan. “Pareho lang pala kaming palpak.”

Sumandal si Yaya sa dingding sa likuran, mabuway ang katawan hindi dahil sa napisa niyang mga hita. Siya rin pala mismo naging esperimento lang din. Ang pagsubok niyang ito – kung saan niya ipinako ang pag-asa't kinabukasan niya, ang inakala niyang makatutulong sa kanya para maalagaan si Binhi – ay isa lang palang pakana ng iba. Naiintindihan na niya nang lubos ngayon kung ano ang nararamdaman ni Digan. Namuo ang lamig sa loob niya sa isang mainit na bangis. “Alam mong karapat-dapat lang ang parusa na ibinigay sa pamilya mo!” sinabi niya. “Nararapat iyon. Nagtago sila ng mapanganib na nilalang.”

“Bata lang ang aswang na iyon!” sumalungat si Luwan. Kumapit siya sa salansanan, sinusubukang tumayo. “Masunurin naman siya! Sumisipsip lang siya ng dugo sa mga maiingay na manunuloy o sa mga nandadaya ng bayad. Ano'ng uri ng tao na lang ba ang ama ko kung ipapapaslang niya ang batang iyon? O papalayasin niya para magutom?” Tumuwid ang pag-upo ni Luwan, tumutulo na sa panga ang linya ng dugo mula sa noo. “Alam mo ang tama at mali, Yaya. Ganoon din ang gagawin mo kung ikaw ang nasa katayuan ng ama ko.”

Umiling si Yaya, hindi kayang hikayatin ang sarili na ganoon nga ang gagawin niya, ngunit hindi rin kayang hikayatin na kabaligtaran naman ang gagawin. Patas lang bang kapalit ang dugo at diwa sa pag-iingay at pagdaraya? Patas lang ba na parusahan ng nakapipilay na utang ang isang tao na naawa sa batang aswang?

Bago nalinawan ang isip si Yaya, dinakma ni Luwan ang isang tikín na nalaglag sa sahig kasama ng ibang nilalaman ng salansanan, at idinuldol ito kay Yaya. Umigtad si Yaya, pero sumabit ang kawit sa dulo ng tikín sa isang malaking palayok sa taas ng lalagyan sa likod niya. Nang hinila ito ni Luwan, bumangga ang palayok kay Yaya, at dahil sa mabuway niyang mga binti, pareho sila nitong bumagsak sa sahig.

Sinagpangan ni Luwan si Yaya. Idiniin nito ang kamay sa batok niya, dinadaganan siya sa kawayan na sahig. Lumagutok pabukas ang panuklob sa batok niya. Pumalipit sa sahig si Yaya, inaabot ang mga nahulog na bagay at itinatapon sa taas niya kay Luwan. Pero kahit umaangal ang lingkod tuwing natatamaan, hindi nawawala ang diin sa likod ni Yaya. Nangapâ si Yaya ng matalim na bagay, pero halos lahat ng nasa sahig ay kawayan na pahina o magagaan na hinabing lalagyan. Nagkaroon man ng bitak ang luwad na palayok, hindi ito nabasag na todo, at masyado pa ring mabigat para buhatin ni Yaya. Masyado ring malayo ang tikín para abutin niya.

Nagigipit, kinalmot ni Yaya ang maliliit na pako sa galang-galang niyang walang kamay. Iniliko niya ang mga dulo nito para pataas ang talim imbis na paloob. Itinuwid rin niya ang mga kawad sa braso para nakatusok ang matatalas nilang dulo. At sa isang tumpak na tudla, sinuntok niya ang brasong dumadagan sa leeg niya. Masakit ang bulyaw na lumabas kay Luwan, at nang hinatak pabalik ni Yaya ang galang-galang, may kasamang tunog na basa at malagkit. Nawalan ng lakas ang kamay sa batok niya. Umikot siya sa tagiliran, at kahit hindi niya gaanong hangad, sinuntok niya ang panga ni Luwan gamit itong galang-galang. Lumakas ang sigaw at pagdurugo ng lingkod.

Gumapang si Yaya patayo at sumibad palabas ng imbakan, paika-ika sa kanyang baluktot na mga binti. Kumaripas siya palabas ng pangunahing silid at itinapon ang sarili sa lupa, ininda na lang ang hagdanan na alam niyang hindi na rin niya kayang gamitin. May ilang tao na nagtitipon sa labas ng bahay-panuluyan, tiyak naaabala sa mga ingay na nanggagaling sa silid ni Luwan. Tinulungan si Yaya na makatayo ng isang mandirigma ni Datu Lunti. Ito rin ang lalaking nagbabantay sa talyer noong gabing ipinaayos ni Yaya ang kaliwa niyang kamay kay Binhi. Sa babâ ng pulang putong nito, nagsasalubong ang mga kilay sa pag-aalala. Parang mas pumayat tuloy ang kanyang mukha. Talagang kailangan nang matutuhan ni Yaya ang pangalan niya.

“Yaya, ano'ng nangyayari doon?” sabi niya, mahinhin at nagpapalubag ang tinig.

Sa pagitan ng isang sandali at ng sumunod, isang libong bagay ang nagsiksikan sa isipan ni Yaya, pinipilit bumuo ng isang makabuluhang larawan na makakapaliwanag sa gabing iyon. Pero hindi nila kaya. At bigla niyang napagtanto na siguro iyon ang problema. Minsan hindi nahuhubog sa isang madaling salaysay ang mga nangyayari. Minsan nagmimistula silang isang bagay, pero ibang-iba pala ang katotohanan.

“May aswang!” ang nasabi na lang ni Yaya. Sana sa paggamit niya nitong nilalang, maparating niya ang kalubhaan at karahasan sa likuran ng pintong iyon. “Bilisan niyo po, o baka makatakas pa siya!”

Nag-atubili ang mandirigma. “Aba, hindi ba silid iyon ni Luwan? Sigurado ka ba? O baka kailangan mong magpatingin?”

“May laman-loob sa imbakan niya,” sinabi ni Yaya, iniisip ang sirang Ubod ng Diwa ni Sarang. “Ginagamit niya ang kamatayan ng iba para palusugin ang sarili.”

Isang alon ng pangamba at lito ang dumaloy sa nagtitipong umpukan. Ipinasa si Yaya ng mandirigma sa ibang katulong, hinatak mula sa may baywang ang kanyang itak at umakyat sa hagdanan papunta sa silid ni Luwan.


Mapapatunayan ng isang seremonya ng paglilinaw na tao nga si Luwan, ngunit sapat na rin ang natuklasan sa kanyang imbakan para mahuli siya. Lumipas ang ilang araw na parang ipuipo, halos tulad noong unang paggising ni Yaya at hindi niya maunawaan ang kanyang paligid. Nagbigay siya ng mahabang panayam kay Dayang Dikimi, ang asawa ni Datu Lunti, at pinaulit nito ang kuwento niya ng tatlong beses.

Pagkatapos ng ilang araw, ipinatawag ulit si Yaya sa silid ni Dayang Dikimi. Pinapamunuan ni Datu Lunti ang paghahanap sa manlilikha ni Digan, at nalaglag sa dayang ang pagsagip sa katayuan nila sa kabila ng skandalong ito.

Dinala si Yaya ng mga katulong sa isang maliit, pero maluho, na silid. Pinapalamutian ng matingkad na pulang sulta at kulay-gintong káyo ang mga dingding at kisame. Sa mababang mesa kung saan naghihintay ang dayang, nakaukit ang mababangis na ahas-dagat at dambuhalang ibon mula sa mga alamat ng Dakilang Kapuluan. Sa gilid ng mesa, may maayos na halayhay ng pilak na mangkok at mga tasa, na tiyak nakalaan sa ibang dumadalaw.

“Hindi ka pa namin lubusang napapasalamatan sa mabuting paglingkod na ginawa mo para sa Takatak,” sinabi ni Dayang Dikimi. May malalim siyang kalumata, ang tanging bakas ng pagod sa kanyang magandang mukha. Nananatiling matingkad na kayumanggi ang balat niya, at may ningning pa rin ang maitim niyang mga mata. May iniabot siya sa mesa, at sa ilalim ng kanyang kamay ay isang bidbiran ng kumikislap na nilad na sinulid. “Walang bisa ang pagsubok na ibinigay sa'yo ni Luwan, pero sa tingin ko, sa pagtuklas mo sa sabwatan ng isang lingkod at mapansamantalang aswang, naitanghal mo ang malalim mong pang-unawa sa panganib. Natutuwa akong ibigay sa iyo ang patibay mo.”

Kinuha ni Yaya ang bidbiran, namamangha. Napaayos na ang kaliwa niyang kamay at mga binti mula noong malagim na gabing iyon. Hindi siya makapaniwala na ang daming umaasa sa munting bagay na ito na nagkakasya lang sa isang palad niya. Puwede niya ngayon dalhin sa isang manghahabi ang sinulid na ito at ipaburda ang maalon na dibuho sa pamigkis niya para isagisag ang patibay. Puwede na siya ang maging karapat-dapat na tagapaglingap ni Binhi. Magiging malaya na silang mamuhay kung saan nila gusto. Sa isang saglit, pakiramdam ni Yaya na parang gawa sa pinakamagaang bakal ang katawan niya.

“Maraming salamat po, Dayang,” tinugon niya. “Mayroon po ba kayong balita?”

Naging malumbay si Dayang Dikimi. “Inamin ni Luwan lahat ng sinabi mo sa amin na ginawa niya. Nagsabwatan nga sila ng isang aswang na tinatawag niyang Manghuhuwad para baguhin ang mga alaala ni Sarang. At nang hindi umubra ang binabalak nila, ninakaw niya ang Ubod ng Diwa ni Sarang at itinapon ang katawan nito sa banâ. Tapos binigyan ka kunwari ng pagsubok, inaasahan na sisirain ka na lang ng Manghuhuwad pagkatapos nitong kunin ang Ubod mo.”

Umiling si Dayang Dikimi. “Matagal ko nang kilala si Luwan. Masunurin naman siya at maayos magtrabaho. Akala ko nagawa na namin ang lahat para sanggahin siya sa pagbagsak ng pamilya niya, ngunit parang hindi pa napaparam ang hinanakit niya sa parusang ibinigay ng ama ng asawa ko noon. Humahanga ako sa katapatan niya sa kanyang pamilya, pero hindi ako makapaniwala sa tindi ng ginawa niya para maipalabas na wala silang sala.”

Naiintindihan ni Yaya ang pagnanasang masagip mula sa sakit ang isang tao. Ngunit parang hindi tama ang paraan na ginamit ni Luwan. Tiyak may mas madaling paraan para makaipon nang malaki ang isang lingkod. “Sa tingin ko po, hindi talaga natin mahuhulaan ang binalak niya.”

Kahit pag-aralan pa nila lahat ng mga tao sa mga pulo ng kapuluan at ibang lupalop ng mundo, sa wari ni Yaya hinding-hindi nila makakayang bakasin ang ugali ng sinuman. Tiyak lagi silang may makakaligtaang salik, may hindi mapapansing detalye, may hindi alam na hindi pala nila alam. Paano ba dapat nalaman ni Yaya na isang Pinanday na aswang si Digan kung hindi niya dating alam na posible palang magawa iyon? Paano siya dapat manghinala na nakikipagsasabwatan pala si Luwan sa isang aswang kung hindi niya dating alam na kayang baguhin ng aswang ang mga Ubod ng Diwa?

“Baka tama ka nga. Ang talino mo na talaga ngayon, a!” Ngumiti si Dayang Dikimi kay Yaya. “May kutob kami kung saan nagtatago ang Manghuhuwad, pero hindi pa namin natitiyak ang mismong lugar. Binalitaan na namin ang ibang mga baranggay na mayroong nakatakas na aswang, kaya sana mahanap namin siya agad. Hindi pa rin namin nahahanap si Digan.”

Nagsiyasat na nang lubusan ang mga mandirigma at lingkod sa lugar kung saan nakipaglaban sina Yaya at Digan sa umatake sa kanya, pero naglaho ang Pinanday na aswang nang walang bakas.

“Sigurado ka na hindi mo alam kung saan siya tumakas?”

“Ang sinabi lang niya po ay gusto niyang lumayo sa kanyang manlilikha,” sumagot si Yaya. Totoo naman ito. “Ngayong hindi pa natin alam kung nasaan ang Manghuhuwad, mahihirapan din tayong isipin kung saan tutungo si Digan.”

“May punto ka rin.” Humingang malalim si Dayang Dikimi at ipinikit ang mga mata. Pagbukas ng mga ito, may lagim na umaanino sa titig niya. “Yaya, nagpapasalamat ako sa pagtulong mo sa amin sa mga lumipas na araw. Pinakiusapan ka namin na huwag mong ipagsasabi kanino man ang mga naganap, maliban lang sa mga kasama sa pagsisiyasat. Paki tuloy ang pag-iingat mo. Hindi natin puwedeng ipagkalat ang kakayahan ng mga aswang na baguhin ang mga Ubod ng Diwa. Kahit kaunti lang ang mga Pinanday, may mahalaga kayong katayuan sa lipunan. Tandaan mo kung bakit ginawa ang pinakaunang Pinanday.”

Tumango si Yaya. Hindi nakalampas sa kanya ang ipinapahiwatig ng dayang. Itinalâ ng pinakaunang Pinanday sa sariling Ubod lahat ng kasunduan ng kanyang datu, at kahit ngayon, maraming Pinanday ang ginagawa para sa layunin na iyon. Totoo na ang ninanais lang ng Manghuhuwad ay makahubog ng dalubhasang manlilinlang para maipasa sa sarili ang kaalaman; ang ninais lang ni Luwan ay mapabuti ang kabuhayan ng mga kamag-anak niya. Pero baka hindi kasinliit ang mga pangarap ng iba diyan. Kung tumaob ang mundo ni Yaya sa pagsabwatan ni Luwan at ng manlilikha ni Digan, ano pa kaya ang mangyayari kung sasadyaing makisabwat ng mga tao sa mga aswang upang nakawin at baguhin ang mga kaalaman sa Ubod ng Diwa ng mga Pinanday? Napakalubhang yanig ang idudulot nito. Hindi lang ang pakikitungo ng mga datu sa kapwa datu ang manganganib, ngunit pati na rin ang pakikitungo ng mga tao, Pinanday, at aswang sa isa't-isa.

“Naiintindihan ko po,” sinabi ni Yaya.

“Salamat.” Bumalik ang ngiti ni Dayang Dikimi. “Handa na ba kayo ni Binhi na pumunta sa Sagabilang? Alam kong may naghihintay sa kanyang guro doon.”

Nawala ang pagkahigpit ng mga bisagra ni Yaya sa bagong usapan. “Opo, at maaasahan niyo rin na iingatan namin ang lihim na ito kahit doon. Maliit na bagay lang po ito para mapasalamatan namin kayo kahit papaano sa lahat ng ginawa niyo para kay Binhi sa lumipas na dalawang taon pagkamatay ng ama namin. At para din sa tulong na inilaan niyo para makamit ko ang mga patibay ko. Malaki ang utang na loob namin po sa inyo.”

“Walang utang.” Kinindatan siya ng dayang. “At kung tutuusin, mas marami pa dapat ang nagawa namin para sa inyo. Siguro pagkatapos mag-aral ni Binhi, puwede niyong pag-isipang bumalik sa Takatak para dito siya magtrabaho.”

“Siyempre naman po.” Hindi alam ni Yaya kung saan aabot ang kasong ito tungkol sa Manghuhuwad, o kung ano ang mararanasan niya sa Sagabilang, pero tiyak siya sa isang bagay. Masyadong malalim ang pagkaukit ng Takatak sa kanyang Ubod ng Diwa. Hindi mabubura ang lugar na ito bilang kanyang tahanan, at sigurado na ganoon din ang palagay ni Binhi.


Isang araw bago sila umalis ng Takatak, lumakad si Yaya papunta sa hilagang-kanlurang kapit-bahayan. Doon, nagpasalamat ulit siya kay Mayaw at sa asawa nito dahil pinayagan nila siyang tumuloy sa kanila ng ilang araw habang inaasikaso ang pagsubok. Binati naman nila siya sa pagkakuha ng kanyang patibay para sa Kaligtasan at Pahamak. Buti na lang hindi sila nagtanong-tanong tungkol sa pagsubok, kahit ngayong tapos na ito. Umikot din sina Yaya at Binhi sa gitnang kapit-bahayan ng Takatak, nagkakalat ng mga paalam at mabuting dalangin sa mga kaibigan at kakilala. Binigyan sila ni Himala, isang tagahabi, ng matitibay na banig para sa paglakbay nila. Nagtanong-tanong si Yaya ng mga pangalan ng mga tao, pati na ang mandirigma na tumulong sa kanya pagkatakas niya sa silid ni Luwan. Pabuya daw ang pangalan nito.

Wala sila gaanong gamit, kaya nagkasya sa isang bayong at ilang lukbot lahat ng hinanda nina Yaya at Binhi para sa lakbay nila papuntang Sagabilang. Kalahating umaga silang naglakad pasilangan ng Takatak, sinusunod ang ilog, hanggang nakarating sila sa isang lumang kubo na nasa lilim ng nag-iisang balete. Kahit parang magandang hintuan ang lugar na ito para magpahinga ang isang manlalakbay, pangit ang pagkagawa sa kubo at kawawa itong tingnan. Madalas nilalampasan ng mga manlalakbay ito para sa ibang mga puwesto, na may kasama pang kainan at inuman, pababa sa ilog.

Umakyat sina Yaya at Binhi sa loob ng kubo at inilagay ang mga dala sa may pintuan.

“Sabi niya dito raw tayo magkikita,” sinabi ni Binhi. “O iyon ang plano ayon sa huli niyang sulat ilang gabing lumipas.”

May isang bahagi si Yaya na nagsisising sinabi niya kay Binhi lahat tungkol sa sabwatan nina Luwan. Hindi dahil sa babala ni Dayang Dikimi; maingat naman na bata si Binhi. Ngunit inaalala ni Yaya na baka manganib si Binhi kung may kaalaman siya sa Manghuhuwad. Pero may isa ring bahagi si Yaya na tiyak na hindi tuluyang ligtas si Binhi kahit wala siyang muwang sa nangyari. Hindi naman isang lihim na mag-anak silang dalawa, at kung may nais nga na manakit kay Yaya, marahil madadamay din si Binhi kahit anong gawin niya.

Baka simula ngayong siya na talaga ang nararapat na tagapaglingap ng isang tao, ganito na lagi ang mararamdaman niya kapag nagpapasya, parang nagsusugal. Lagi naman niyang aalagaan si Binhi at ililigtas sa pahamak, pero ngayong ipinasa na ng datu sa kanya ang tungkulin, parang mas mabigat.

At hindi na si Binhi lang ang kailangang alagaan ni Yaya.

Naglakad si Yaya sa mga silid ng kubo. Mas malaki ito ng kaunti sa kubo ni Digan doon sa kabilang dako ng Takatak. Dito, may isang pangunahing silid, at dalawang mas maliit sa gilid. Walang mga kagamitan sa loob, walang bakas na mayroong naglagi rito.

“Hindi mo siya nakikita kapag pumupunta ka rito?” Masyadong naabala si Yaya sa mga araw pagkatapos nahuli si Luwan para matulungan si Digan. Maraming nagmamatyag sa kanya, para na rin sa sarili niyang kaligtasan dahil siya lang ang tanging saksi sa kaganapan. Ngunit nagawa niyang pakiusapan si Binhi na tulungan si Digan. Nagsang-ayon sina Digan at Yaya na gamitin ang lugar na ito, hindi para magkita, kundi para magsalitan ng sulat.

“Hindi, laging walang iba rito,” inamin ni Binhi. “Pero doon ko nakikita ang mga sulat, sa ilalim ng isang bato.” Itinuro niya ang isang sulok ng pinakamaliit na silid. Mukha ngang mas kaunti ang alikabok doon.

Sumasalà ang magtatanghaling sinag ng araw sa sawali ng mga dingding. Mainit at may lumang amoy ang hangin sa loob ng kubo.

“Sa tingin mo nahúli na nila siya?” tinanong ni Yaya.

May bagong boses na nagmula sa likuran niya. “Kung may nahúli sila, hindi iyon ang tamang tao.”

Tumalikod sina Yaya at Binhi. Sa harap ng pinto, nakatayo ang isang kamukha ni Digan. Pareho sila ng pagkaipit ng buhok, ng makitid na noo, ng mabababang kilay. Naroon din ang mga labi na laging mapanglaw, pati ang malawak na balikat na nakakaharang sa pintuan.

Pero iba ang lalaking ito. Hindi na siya nagmimistulang tao. Naging makintab na bakal ang dati niyang balat. Halata ang mga paltak sa bisagra ng kanyang mga biyas. May malinis na pawang na bumabagtas sa mata sa kaliwang bahagi ng mukha niya. Lumiliwanag nang mahina ang lunting ilaw mula rito.

Ngumiti si Digan sa kanila. “Ayos ba ang bago kong itsura?”

Wakas