Ang Malagim na Hangin

2021/09/26
Fantasy Adventure Nobela
Cover image for Ang Malagim na Hangin

Dahil sa malingat niyang paggamit ng ipinagbabawal na hiwaga, nahiwalay si Sano sa kanyang ina. At nasa isang sinauna't pambihirang hiwaga ang tanging pagkakataon nilang magtagpo muli.

Nais lang ni Sano na sagipin ang isang baranggay mula sa pagguho ng lupa, pero may mga makapangyarihang mandirigma na nakapansin sa ginamit niyang hiwagang labag sa batas. Sa paghabol sa kanya ng mga mandirigmang ito, napalayas ang binata mula sa liblib niyang tirahan sa gubat.

Ngayon, sinasapalaran ni Sano na maglakbay sa isang kahariang wala siyang kaalam-alam. Ang tanging makakatulong sa kanya ay ang bantulot niyang kasamahan na si Anina. Siya naman ay naghahanap ng paraang lumakas ang sariling hiwaga — isang lihim na maaaring alam ng ina ni Sano. Kailangan nilang dalawa na makipagtagpo sa ina ni Sano habang umiiwas sa mga mandirigma, magnanakaw, at manlilinlang.

Ngunit mahirap maging isang pugante sa Kaharian ng Dayung. Dahil sa paghihimagsik kamakailan, mabagal magtiwala at mabilis maghinala ang mga tao sa kaharian. Sabik na tanggalin ng masakim at walang-awang hari ang mga nagbabanta sa kapangyarihan niya. At sinusupil ng isang katakatakang hangin ang kaharian, ginagawang kahoy ang mga taong hinihipan.