Kabanata 2

Ang Malagim na Hangin

Tumakbo nang mabilis si Sano sa umpukan ng mga puno. Lumukso siya sa mga nakapilipit na mga ugat, yumuko sa mabababang sanga, umikot sa mga puno ng saba't malunggay. Pinapaso ng mabilis niyang paghinga ang lalamunan, at may nagsisimula nang sakit sa tagiliran niya. Pero sinikap niyang pantayan ang bilis ng dalaga. Naririnig din niya ang mga kaluskos sa kanilang likuran; hindi nalalayo ang mga humahabol sa kanila.

Sumasala ang araw sa lilim ng mga dahon, ngunit dumidilim na. Patapos na ang hapon, at hindi alam ni Sano kung makatatakas pa siya pagsapit ng gabi.

Lumusong si Sano at ang dalaga pababa ng burol. Nang narating nila ang kapatagan at deretso pa rin ang takbo ng dalaga, hinawakan ni Sano ang braso niya.

“Huwag diyan, dito tayo,” sabi ni Sano. “May mapapagtaguan dito.”

Hinila niya ang dalaga sa gilid ng burol, kung saan nila natagpuan ang isang maliit na awang sa likod ng mga halaman. Pumasok sila sa loob nito, pinipilit marinig ang kaluskos ng mga humahabol sa kanila. Walang marinig si Sano maliban sa pagtibok ng kanyang puso, pero hindi nagtagal ay dumating ang mga tinig ng mga mandirigma. Pinigilan ni Sano at ng dalaga ang hininga nila. Pagbaba ng mga mandirigma galing sa burol, tumakbo sila kung saan dederetso dapat kanina ang dalaga. Humina ang kanilang tinig, at naiwan sina Sano sa gilid ng burol.

Malalaking lagok ng hangin ang ipinampakalma ni Sano sa nagagalit niyang mga baga. Tuyong-tuyo ang bibig niya, at mahapdi ang mga galos niya sa balat. Ganoon din ang lagay ng dalaga sa tabi niya. May mga namumuong pasa sa mga bisig nito at sa bahagi ng noo.

“Pasensiya ka na at nasipa ko ang pintuan sa 'yo,” sabi ni Sano sa pagitan ng mga hininga. “At sa pagbagsak natin sa lupa.”

Nagkibit-balikat ang dalaga. “Babala na s'akin ang mga iyon, kahit papaano.” Mababa at paos ang boses niya, at malumanay siyang magsalita. Tiningnan niya si Sano, nakakunot ang noo. “Ikaw ba ang Manghihiwagang Lingid?”

“Hindi, ina ko iyon,” sagot ni Sano.

“Pero ikaw ba ang pumigil sa pagguho ng lupa?”

“A, hindi ko naman talaga pinigilan iyon.” Hinilot ni Sano ang leeg niya. “Gumuho pa rin, sinubukan ko lang iligtas ang mga taga-nayon.”

Tumango ang dalaga at nanahimik lamang. Humihingal pa rin si Sano, pero nawawala-wala na ang sakit sa kanyang gilid. Walang kakaibang ingay mula sa gubat, at wala rin siyang maaninag na mga galaw sa halamanan na magsasabi kung pabalik na ang mga mandirigma.

Tiningnan ulit ni Sano ang dalaga. Nakatali ang buhok niya, at may daladala siyang, hindi lang isa, kundi dalawang yantok na tadtad ng anto. Parang bata-bata pa siya, mas bata kaysa sa mandirigmang babae, pero hindi sanay si Sano sa ibang tao para matantiya nang maayos ang edad ng dalaga.

Hindi pa nagpapakilala si Sano sa ibang tao kailanman, pero parang tamang gawin niya ito ngayon. Gusto naman ng dalaga na makita ang Manghihiwagang Lingid. Alam naman niya ang tamang hudyat. Siguradong ayos lang na magpakilala si Sano sa kanya.

“Ako ay,” mabagal niyang binigkas, “si Sano.” Dati, nangarap siyang magpakilala nang masigasig, na may masiklab na pagbati at mabilog na tinig. Hindi niya puwedeng gawin ang mga iyon ngayong nagtatago sila, kaya pinagtiyagaan na lang niya ang pagbigkas nang maayos sa bawat salita.

“Ako naman si Anina,” tugon ng dalaga, walang pananabik tulad ni Sano. Siguro, dahil nakatira siya nang malaya sa labas, ilang libong beses na niyang ipinakilala ang sarili sa iba, at walang dahilang ituri niyang kakaiba ito.

Inilapit ni Anina ang mga yantok sa dibdib, at napasimangot. “Papatayin na nila ako ngayon, 'di ba? Paglaban sa mga mandirigma, pananakit sa kanila, at pakikialam sa mga pakay nila? Ilang batas ba ang nilabag ko roon?”

“Malamang kasindami ng nilabag ko.” Isinandal ni Sano ang kanyang ulo sa may batuhan sa likod. Napakabilis ng mga pangyayari, hindi siya nakapag-isip nang mabuti. Siguradong dumating ang mga mandirigmang iyon para hulihin ang nabalitaan nilang gumamit ng ipinagbabawal na hiwaga. Hindi maitatanggi ni Sano sa sarili ang maaaring sapitin kung mahuhuli siya. Dadalhin siya kay Haring Bunawi, pipilitin siya ng hari na ibunyag ang lahat ng kakaibang kaalaman niya tungkol sa paghihiwaga, at papapatayin siya pagkatapos.

Ito ang babala kay Sano ng kanyang ina. Ito ang gustong pigilan sana ng Punong Utos.

“Paano tayo makakatakas sa mga mandirigma?” tinanong ni Sano si Anina.

Tumingin sa kanya si Anina, mabibilog ang mata. “Walang nakatatakas sa kanila.” Hinintay ni Sano na magpaliwanag pa siya, pero wala na siyang idinagdag.

Hindi gumaan ang loob ni Sano. Pero kung ang pagpipilian nila ay mahuli ngayon o mahuli mamaya, mas pipiliin na niyang mahuli mamaya.

Nasa bahagi pa sila ng gubat na kilala ni Sano. Puwede silang magtungo pahilaga hanggang maabot nila ang dulo ng gubat. Mula roon, puwede silang bumaba sa bangin para marating ang laot. Kung maaabutan nila ang bangin bago gumabi, madali-dali nilang magagamit ang daanan na nakaukit dito. Kapag nasa batuhan na sila sa ibaba, puwede silang maghintay at makisakay sa isang bangka.

Hindi man mahusay ang balak ni Sano, sumang-ayon na rin si Anina, at nagsimula silang umusad sa mga puno. Mas madilim na ngayon, at hindi alam ni Sano kung ang mga kakaibang hugis sa lilim ay mga nagtatambang sa kanila o namamalikmata lang siya.

Hindi pa sila nakalalayo nang may napansin si Sano. Dumapo ang isang ibong may malalim na bughaw na pakpak sa sanga sa tapat nila.

“Lumipad siya galing sa kaliwa!” himutok ni Anina. Mahinhin pa rin ang kanyang boses, pero tuminis sa pagkabalisa.

Hindi maintindihan ni Sano kung bakit nag-aalala si Anina. Ang ibon na iyon ay – sandali, bughaw na bughaw ang ibon! Isa iyong tigmamanukan! Hind pa nakakita si Sano ng isang ibong tulad niyon. Kunsabagay, ano nga ba ang mga pamahiin sa payak na buhay nilang mag-ina? Sa mga kuwento ng ina niya, kapag sinalubong ng isang pangitain ang isang manlalakbay at lumipad ito galing sa kanan, makahahanap siya ng magandang kapalaran; kung lumipad naman ito galing sa kaliwa, kapahamakan ang haharapin ng tao.

Huminga nang malalim si Sano. “'Wag kang mag-alala. Hindi naman alam ng tigmamanukan kung saan tayo pupunta. Umikot na lang tayo, at magmumukhang lumipad ito papuntang kanan.”

Nag-aalinlangan ang tingin sa kanya ni Anina. “Hindi ganoon iyon. Papunta pa rin tayo sa hilaga kahit ano'ng daan ang piliin natin–”

Biglang itinulak ni Anina si Sano sa sahig. May lumipad sa ibabaw ng ulo ni Sano. Nang tumingala siya, nakita niya ang isang pakal na nakabaon sa puno, nanginginig pa.

“Suwerte mo't naiwasan mo 'yan.” Lumabas ang dalawang mandirigma mula sa mga anino ng mga puno. Paika-ikang maglakad ang lalaking may pilay sa tuhod. Inamba naman ng babaeng mandirigma ang sandata niya, na para bang hindi pa sapat ang pananakot ng kanyang mga salita. “Inutusan kaming dalhin ka nang buhay kay Haring Bunawi, pero hindi ibig sabihin na kailangang buo ka pa.”

Tinahak ng liwanag ang isang anto sa itak ng babaeng mandirigma, at nang itinarak niya ito sa lupa, umusbong ang malalaking lupang tinik pasulong kay Sano. Dumapa siya, nangangatog ang mga ngipin sa pagyanig ng lupa. Habang nanginginig ang mga daliri, isinulat niya ang anto na ginamit niya noon sa tibag para makalikha ng isang lupang pader. Dali-dali siyang tumayo, at nagbuhos ng hiwaga sa anto gamit ang paa niya. Kumislap na bughaw ang mga titik nito, at umusbong ang matigas na lupa at hinarangan ang mga tinik.

Hindi nagsayang ng panahon si Sano sa pagtakbo papalayo. Hinabol niya si Anina na tumatakas na rin. Nasagip man sila ng pader mula sa mga tinik, mababa't makitid pa rin ito para maging sagabal sa mga mandirigma.

Sumibad sina Sano at Anina sa mga puno, nilulundag ang mga nakausling ugat at bato. Malalaki't mabibilis ang mga hakbang ni Sano, kahit nangangati ang mga paa niya sa takot na matatapakan ang mga tinik. Lumingon siya. Halos lumundag ang puso niya sa lalamunan nang makitang papalapit na ang mga mandirigma, umiilaw ang mga itak sa hiwaga.

Biglang may umihip na kakaibang hangin sa paligid nila, mabagal at mabigat at malamig. Nang hinaplos nito ang balat ni Sano, napuno siya ng labis na takot. Sa tindi ng lamig ng hangin, napatigil sila ni Anina sa pagtakbo. Napatigil pati ang dalawang mandirigma, natutuliro. Umugoy ang mga dahon, lumangitngit ang mga sanga. May nakakikilabot na huni sa mga tainga ni Sano. Paanong naka-iihip nang ganito ang hangin sa siksikang kakahuyan?

Nawala ang hangin, at napawi ang matalas na takot ni Sano. Tumahimik ang gubat. Tatakbo na sana siya ulit, nang biglang nagbitaw ng nakahihilakbot na hiyaw ang mga mandirigma.

Lumayo sina Sano at Anina, at napasandal sa isang puno. Lalong nagulat si Sano nang makitang kumukupas ang kulay ng katawan ng mga mandirigma. Nagbago ang balat ng mga paa nila at ang mga ginto sa kanilang bitik – naging balat ng kahoy ang mga ito. Ganoon din ang nangyari sa kanilang mga binti, damit at bisig. Gumapang ang pagbabago pataas, ginagawang kahoy ang mga laman at tela at bakal. Nang nakarating ito sa leeg nila, naputol ang kanilang paghiyaw na naiwang umaalingawngaw sa mga tainga ni Sano.

Pagkatpos lamunin ng pagbabago ang ulo nila, napakatahimik na ng buong kagubatan.


Matagal nakatunganga si Sano sa kinatatayuan niya, tinititigan ang mga katawang kahoy na kanina lang ay mga mandirigma ng hari. Nilalamig pa rin ang balat niya sa pagdaan ng hangin. Mabilis ang pagtibok ng puso niya, hindi tulad ng mga binti na nakahimpil pa rin. Ano'ng nangyari dito?

Makalipas ang halos isang buong buhay, gumalaw si Anina sa tabi. Nilapitan niya ang mga mandirigma, hawak ang mga yantok niya. Tinusok niya sila gamit ang dulo ng isang yantok. Tapos lumundag siya papalayo, sakaling mabuhay ulit sila para labanan siya.

Ngunit hindi iyon nangyari.

Nang naramdaman ni Sano na maitataguyod na siya ng mga binti niya, sinamahan niya si Anina.

“Ano'ng nangyari sa kanila?” tanong niya.

“Sa tingin ko... dumaan ang Malagim na Hangin,” bulong ni Anina.

“Ang ano?”

“Hindi mo pa ba nababalitaan?” Bumilog ang mga mata ni Anina sa gulat. “May hangin na ginagawang kahoy ang mga taong hinihipan nito kung masama ang ginagawa nila. May ilan nang mga kuwento tungkol dito nitong nakaraang mga taon.” Ibinaba niya ang mga yantok at nagpatuloy sa mas mahinhing tinig. “Mga sabi-sabi lang ang narinig ko. Hindi ko aakalain na makikita ko mismo na mangyari ito.”

“Sandali... may narinig na rin yata ako,” sabi ni Sano. “Naglakbay ang ina ko walong araw na ang nakalipas. May pumuntang lalaki sa amin, nagsasabing may mga kaibigan siyang naging kahoy. Sa pagkabalisa niya, halos hindi namin siya makausap.” Akala ni Sano noon na gumagamit lang ng makukulay na salita ang lalaki. “Sakit na hindi kayang hilumin ng gamot o ng pinahihintulutang hiwaga – iyon ang sinabi ng lalaki. Gusto niyang subukin ang bawal na hiwaga, pero hindi maintindihan ni Ina kung ano ang sakit, kaya naglakbay siya sa baranggay nito para malaman ang totoo.”

Nangilabot si Sano. Hindi mapalagay ang kalooban niya sa kakayahan ng hanging ito.

“Kung ganoon,” sabi niya. “Naging kahoy ang mga mandirigma, pero hindi tayong dalawa... dahil mananakit sana sila, pero tumatakas lang tayo?”

“Parang ganoon na nga.” Tinitingnan ni Anina ang sariling mga kamay at paa, tila tinitiyak na hindi nga siya nagiging kahoy rin.

“Parang alamat.” Paano nababago ng Malagim na Hangin ang pinakaugat ng pagkatao nila? Paano nito nakakayang gawin silang hindi na tao? Naisip ni Sano na hindi ito sanhi ng hiwaga lamang. Sa halip, ang Malagim na Hangin ay tiyak likha ng isang bathala.

Nagkibit-balika si Anina. “Kung ano man talaga ang Hangin, iyon lang ang nakapigil sa paghabol ng mga mandirigma sa atin. Maliban kung tayo ang pumatay sa kanila.” Kinalibutan si Anina, at muntik nang sumunod si Sano. Kahit sa mga kathang-isip niya, kung saan siya ang bayani ng sariling pakikipagsapalaran, hindi niya naisip kailanman na pumatay.

Muntik nang lumundag si Sano nang may sumundot sa binti niya. Tinapik lang siya ni Anina gamit ang yantok.

“Paano mo nabuhay ang anto sa lupa gamit ang paa mo?” tanong ni Anina, sabay tusok sa paa ni Sano. “Bago tayo hinabol ng mga mandirigma. Nakita ko ang ginawa mo.”

Nagtaka si Sano sa tanong. “Kung paano ko rin ginagamit ang mga kamay ko. O kahit ano'ng bahagi ng katawan ko.”

“Kahit ano'ng bahagi? Hindi 'yon puwede. Laging dumadaloy ang hiwaga sa mga kamay. Hindi pa ako nakakita ng taong nakapaglalabas ng hiwaga sa paa.”

A, baka ito ang isa sa mga kakayahang itinuro kay Sano ng ina niya na wala nang gaanong nakaaalam o nagsasanay. Bago nagtago ang ina ni Sano sa gubat sa paanan ng bundok, nagsilbi siyang isang Tagaipon, isang uri ng manghihiwaga na naghahanap at nangangalaga ng mga kakaibang kaalaman sa hiwaga. Itinuro ng ina niya ang kakayahang ito noong batang-bata pa siya, at hindi niya naisip na baka hindi ito laganap.

Malamang labag din sa batas ang paggamit ng kanyang paa para maghiwaga, dahil malamang na hindi alam ni Haring Bunawi ito, at hindi niya kayang pahintulutan. Ang mga kakayahang pinahihintulutan lang ng hari ang maaaring gamitin ng mga tao, at kaunti lang ang pinapayagan niya. Sa palagay ng ina ni Sano, gusto ng hari na sarilinin ang mahuhusay na kakayahan at pabayaang kaunti lang ang magagamit ng ibang tao.

Nasa paa pa rin ni Sano ang dulo ng yantok ni Anina, at nagpasya siyang ipakita sa kanya. Nagbuhos siya ng hiwaga hanggang sa kalahati ng isang anto sa yantok ni Anina. Lumiwanag ng marahang bughaw ang anto.

Napanganga si Anina sa pagkamangha. Idinikit niya ang yantok sa hita ni Sano, sa taas ng tuhod. Nginuso niya ang kanyang mga labi sa anto, nais makita muli ang kakayahan. Ginawa ulit ni Sano, at may dumapong maliit na ngiti sa mukha ni Anina. Inilayo ni Anina ang yantok, at ipinatong naman ang dulo sa balagat ni Sano. Todong naaaliw na ngayon, nagpadaloy si Sano ng hiwaga sa kanyang balat.

Nang nakuntento na si Anina, ibinaba niya ang kanyang yantok, bilugan ang mga mata sa pagkahanga. Sinalamin ni Sano ang ngiti niya.

Magiliw na sana ang sandali, kung wala lang ang dalawang nakaaligid na katawang kahoy, na masyadong kasuklam-suklam para hindi pansinin. May kaunting lamig pa ang hangin, at isang mabigat na katahimikan ang kumukumot sa paligid.

Ibinalik ni Anina ang mga yantok sa pamigkis na nakabitin sa likod niya. “Alis na tayo dito,” sabi niya, na parang nababasa ang isip ni Sano.