Kabanata 14

Ang Hari ng Dayung

Dalawang araw pagkatapos pinaalis si Bikon mula sa Masagan, halos nabawi na ni Sano ang salaping nawala niya. Bukod pa sa mga tungkulin sa palengke, nagkuskos din siya ng mga daungan at naglinis ng mga basura sa tabing-dagat bago magliwayway at pagkatapos ng takipsilim. Mas mababa ang bayad sa mga manu-manong trabaho kaysa sa paghihiwaga at pagsusulat ng anto, pero naiipon din ang kinikita niya. Kaya kahit kulang sa tulog si Sano, tumataba naman ang kanyang lukbot.

Wala naman siyang mairereklamo, dahil kasingsipag din niya si Anina na magtrabaho. Hindi naman kailangan ni Anina. Hindi naman siya ang nadaya, pero kung hindi natutulog si Sano, hindi rin matutulog si Anina. Wala na rin binanggit si Anina tungkol kay Bikon o sa mga Gilang anto ulit. Nagpapasalamat si Sano doon, kahit na sa tingin niya ito ay dahil nag-iingat si Anina, hindi dahil inaalala niya ang damdamin ni Sano.

Sa ikaanim na umaga nila sa Masagan, nakita sina Sano at Anina ng Punong Arbitro habang lumalabas ng silid, at kinuha silang tagapaggana ng mga pandayan sa pangkat ng bakalan.

“Dito namin kailangan ang inyong hiwaga.” Itinuro ng Punong Arbitro ang dalawang tubong may mga anto na nakadugtong sa isang pandayan. Sa halip ng bulusan, gagamitin ang kanilang hiwaga bilang pantimpi ng apoy.

“Parang kaya ko naman po,” sabi ni Sano.

“Mabuti 'yan. Sa narinig ko, mahirap lang abutin ang saktong init na gusto ng tao.”

Lumayo ang Punong Arbitro kay Sano at lumapit kay Anina, na nakatoka sa pampalamig na batya. May tatlong pandayan sa ilalim ng kulandong, at bukod kay Sano, may dalawa pang manghihiwagang magpapatakbo sa mga iyon. Sa napansin ni Sano, hindi sa mismong pamilihan gumagawa ng mga sandata ang mga panday; may kani-kanilang bakalan sila. Itong pandayan sa palengke ay para sa ibang mga mangangalakal na nangangailangang mag-ayos ng sariling sandata o kagamitan sa pagtinda.

Tinulungan ni Sano ang isang babae na kailangang painitan ang talim ng isang pakal para maalis ang sirang antong nakatatak doon. Sumunod dito ang isang matabil na matandang lalaki, na gustong ituwid ang tabinging itak para sa kanyang suki. Napakadaldal ng lalaki, halos hindi maitatag ni Sano ang pagbuhos ng kanyang hiwaga.

“Sige pa, palakasin mo pa ang hangin, anak. Huwag kang mahiya! Ay sandali, sobra na 'yan. Ay, sige na nga, maghihintay na lang akong lumamig 'to nang kaunti. Para lang 'yang pag-init ng ulo ng asawa, 'di ba? May asawa ka na ba? Ay, binata ka pa, huwag kang mag-alala. Ang sinasabi ko lang, minsan katulad ng isang itak ang asawa...”

Tumulo ang pawis sa noo ni Sano. Sa paglipas ng umaga, mas uminit pa sa kalagitnaan ng tag-init ang loob ng kulandong – at dahil nasa tabi siya ng pandayan, walang awa ang dapo ng init sa kanyang balat. Sinulyapan niya si Anina sa batyang pampalamig, nakababad ang mga kamay sa maginaw na tubig. Binigyan siya ni Anina ng isang nanunuksong ngiti.

May isang alon ng tilian at hiyawan na biglang umagos sa mga tao sa labas. Nagkagulo sila sa isang bagay na hindi masulyapan ni Sano. Sinara niya ang daluyan ng hangin sa mga tubo at, kasabay ng iba, tumakbo palabas ng kulandong.

Dumapo sa kanila ang isang mahaba't kumikiwal na anino. Bumara ang hininga ni Sano sa lalamunan, at gumiwang ang sikmura niya sa lula. Sa taas nila – mga tatlong-tao ang layo mula sa ulunan nila – ay isang ahas-dagat.

Napakalaki nito, kasinlawak ng isang umpukan ng mga limampung tao, at kasinghaba ng tatlo o apat na pangkat ng palengke. Kumikinang ang mga kaliskis nitong matingkad ang pagkalunting-asul, na may bahid din ng morado. Sa bawat galaw ng ahas-dagat, lumalagutok ang mga kaliskis nito sa isa't-isa. Hindi matanaw ni Sano ang ulo nito, pero may nagsimulang ugong sa kanluran na sinundan ng isang mabagsik na angil. Parang dumadagundong ang lupa sa pagsagot.

Pumilantik ang dulo ng buntot ng ahas-dagat sa tuktok ng kulandong. Umungol ang mga tao sa paligid ni Sano, parang nanghihinayang. Malamang paalis na ito.

“Sandali, bumabalik yata!” may sumigaw.

Pumihit ang mahabang katawan ng ahas-dagat, at bumaliktad ang paglipad nito. Nagpasikut-sikot ito sa pamilihan, patungo sa pandayan. Dumoble ang bilang ng mga tao sa paligid, at halos mapantayan na ang init sa loob ng pandayan ng init ng mga nagsisiksikang katawan. Kumilansing ang mga saga. Nagsikuhan ang mga tao. Naglakasan ang mga sigaw.

“Ihagis mo nang mataas! Bilisan mo!”

“'Wag kang sasablay. Sa laki ng bibig niyan, malawak ang mahahagisan mo!”

Nagsiliparan ang mga saga, pagkain, at iba pang bagay sa hangin. Hindi mapili ang ahas-dagat sa mga alay na kakainin nito. Laging sinasabi ng ina ni Sano na kahit man namamalagi ang ulo't buntot ng mga ahas-dagat sa mundo ng sangkatauhan, nananatili ang tiyan nila sa daigdig ng mga diwata, laging gutom sa pagsamba. Nilalamon ng mga ito ang kahit ano'ng alay ng mga tao, at kapalit, nagbibigay sila ng magandang kapalaran.

“Sa tingin ko magbigay rin tayo,” sabi ni Anina. Hindi namalayan ni Sano na tumabi si Anina sa kanya. Nagulat siya nang makitang kumuha si Anina ng limang saga ng tumbaga sa kanyang ipon. Matipid siya sa sarili, pero hindi nahihiyang gugulan ang mga alay niya.

Kumuha rin ng ilang mga saga si Sano sa sariling lukbot, at inihagis nila ang mga pera sa langit, isang saglit lang bago humagibis ang ahas-dagat sa ibabaw nila. Tinangay ng bunganga nito ang mga alay, habang kumikinang sa araw ang mga ngipin na kasinghaba ng mga binti ni Sano.

Nagpalibot-libot ang ahas-dagat sa pamilihan at tumuloy pataas sa mga talampas sa silangan. Tumudla ito sa langit, parang isang panang pinakawalan. Sa lakas ng sikat ng araw, nawala ito sa paningin ni Sano ng isang saglit, at nang maaninag niya muli ang anino nito, bumubulusok na ang ahas-dagat sa laot.

Naghintay nang matagal ang mga tao, habang minamatyagan ang abot-tanaw. Wala nang lumabas ulit sa mga alon. Nagsilayuan ang mga tao pabalik sa kani-kanilang puwesto at dampa at banig. Pero tuloy pa rin ang ingay lalo na ngayong nakapag-uusap na sila.

“Mas madalas nang mangyayari 'yan,” sabi ng matandang lalaking may itak kay Sano, habang bumabalik sila sa pandayan. “Nagsisimula pa lang ang panahon ng mga ahas-dagat. Noong nakaraang taon, anim na beses silang lumipad sa pamilihan!”

Anim na beses! Hindi pa alam ni Sano kung ano ang iisipin niya dito sa panguna. Kahit banal man ang mga ahas-dagat, kahawig pa rin nila ang isang pinahabang dambuhalang buwaya. Nakamamangha nga, pero naghahatid din ng takot. Nanginginig pa ang mga binti niya.

Buong araw naghari sa mga tao ang sabik ng pagdalaw ng ahas-dagat. Nabalitaan ito ng mga tao sa baranggay, at nagdagsaan sila sa palengke para makisitsit. Maraming tumigil sa pandayan, nagpapainit ng kung anu-ano'ng mga gamit para lang makapaglagi nang matagal sa lilim ng kulandong. Mababait naman sila kay Sano, masigasig nakikinig sa pagkuwento niya, at masaya ring nagsasalaysay ng sariling karanasan sa mga ahas-dagat.

Pagsapit ng takipsilim, halos ubos na ang hiwaga si Sano. Naubos iyong kay Anina sa kalahatian ng hapon, at pinaltan siya sa batya ng isa pang manghihiwaga. Pagkatapos silang bayaran ng Punong Arbitro, bumili sina Sano at Anina ng bibingka para sa hapunan, at umuwi na sa bahay-panuluyan.

“Nakakita ka na ba ng mga ahas-dagat na ganoong kalapit?” tanong ni Sano habang naglalakad sila pataas sa mga bahay.

“Ilang beses – pero laging dito lang sa Masagan,” sagot ni Anina. “Bihirang lumipad ang mga ahas-dagat paloob ng lupain. Kaya ang ginagawa ng ibang mga datu ay nagbabayad ng makapangyarihang katalonan para tumawag ng ahas-dagat papunta sa kanilang tinitirhan.”

“Kung may kaya naman sila, sulit din,” sabi ni Sano. “Makakapag-alay sila't mabibigyan ng mabuting kapalaran. At makakikita sila ng ahas-dagat nang malapitan. Ang ina ko lang yata ang hindi matutuwa sa ganoon! Ayaw na ayaw niya sa mga ahas-dagat.”

Napatawa si Anina. “Bakit, sa tingin ba niya kakainin siya? Sabagay, puwede ring mangyari 'yon... kung iaalay siya.” Ngumiwi siya kay Sano. “Pero wala pang nangyayaring ganoon.”

“Hindi naman ang tunay na mga ahas-dagat ang kinatatakutan ni Ina. Takot siya sa puluhan ng mga sandata ng mga mandirigma ni Haring Bunawi. Napapanaginipan niya nang masasama ang mga iyon.”

“Naiintindihan ko,” tahimik ang pagtugon ni Anina. “May ginawa ba sila sa pamilya ng ina mo? Dahil ba gumagamit siya ng hiwagang hindi ayon sa batas?”

Nakarating na sila sa bahay-panuluyan nila, nakatayo sa harap ng hagdanan papasok sa kanilang silid. Umakyat si Anina sa palapag at naghugas ng mga paa, tumutulo ang tubig sa pagitan ng mga kahoy.

“Hindi naman nagtatago ang ina ko dati,” sinimulan ni Sano. Baka panahon na na sabihin kay Anina kung ano'ng ginawa ng ina niya na tumulak sa kanilang mamuhay nang liblib. Maiintindihan kaya ni Anina?

Binuksan ni Anina ang pinto, at napahinto.

“Ayos ka lang?” tanong ni Sano. Umakyat din siya at nilampasan ang garapon ng tubig. Nawala na ang iba niyang naiisip pagkakita sa kanilang silid.

Napigtas ang kurtinang humahati sa silid nila mula sa lubid nito, at nakabalumbon na lang sa sulok. Bukas ang mga bayong nilang dalawa, nakakalat ang mga laman sa buong silid. Bukas din ang lukbot ng mga pampagamot ni Sano. Nakaladlad ang mga bendahe, at basag ang isang maliit na garapa ng gamot na ngayon ay puno na ng mga bubog.

Gayon din ang mga gamit ni Anina. Nakadapa sa sahig ang anyo ni Likubay, at nakakalat din ang mga batong sagisag ng kanyang mga kamag-anak. Magulong nakatambak sa sahig ang mga damit at kumot nila.

Ang mas nakapag-aalala ay ang mga gamit ni Sano na may antong pinagbabawal, iyong mga kasama sa bayong na panlakbay niya. Nakalabas ang itak at pakal niya mula sa mga panakip ng mga ito, nakatiwangwang ang mga Katamang anto. Nakalatag sa sahig ang balabal na ginamit niya noon sa pagguho, kitang-kita ang mga nakatahing Katamang titik.

Tumakbo si Anina sa loob at dinampot ang mga sagisag niya. Kinapa niya ang sahig at itinabi ang mga damit at kumot. “Nawawala ang isang bato ko!” sabi niya.

Kinuha niya ang isa niyang yantok at kinalog ito. Malamang sinusubukan niyang magpailaw gamit ang hiwaga, pero dahil sa wala na siyang hiwaga, nanatiling madilim ang yantok niya. Binitawan ni Anina ito, tapos napasinghap. Ibinaba niya ang ulo sa sahig, sumisilip sa agwat sa mga kawayan. “Nahulog siya!”

Sumibad si Anina lampas kay Sano sa pintuan at tumalon pababa sa hagdanan. May mga kaluskos sa ilalim ng kubo na nagsasabing gumagapang si Anina sa ibaba.

Ngayong nag-iisa siya sa silid, nabalutan ng manhid si Sano. Tumiyad siya sa paligid, iniingatang hindi lumapit sa basag na garapa. Tinipon niya ang kanyang mga gamit, napapansin na kahit papaano matatag ang mga kamay niya. Ibinalik niya sa panakip ang mga sandata, itinupi ang kanyang balabal, at inilagay muli lahat ng mga ito sa bayong.

Isa bang pagtangka ng pagnanakaw ito? Kinabahan ba ang magnanakaw nang makita ang mga Katamang anto niya?

Pumasok uli si Anina sa silid. Pinunasan niya ang bato niya sa tapis at kinuha ang sariling mga gamit. Mas maagap na ang mga kilos niya ngayon. “Kailangan nating umalis,” sabi niya.

Alam na ni Sano iyon. Lumapit siya sa dungawan at sumilip sa labas. Wala namang naiiba sa kapaligiran. May ilang mga taong naglalakad, at may isang pangkaraniwang usapang nagmumula sa kabilang silid. Walang nakitang tao si Sano na mukhang gustong ipahamak siya. Pero sinuman ang gumawa nito ay marahil nagsusumbong na sa Punong Arbitro.

Wala silang gaanong maraming gamit, at sa madaling panahon, nakalisan sila ng bahay-panuluyan, pati na ng pamilihan. Ginabayan ni Anina si Sano sa manipis na kakahuyan na naghihiwalay sa palengke at sa baranggay. Hindi masigla ang liwanag ng buwan na sumasala sa mga puno, pero may nakikita pa rin naman sila.

“Nasa 'yo na lahat ng ipon mo?” tanong ni Anina kay Sano. Wala na ang nababahalang dalagang naghahanap ng bato niya. Mas matatag na si Anina ngayon, para bang ang mga sagisag niya ang nagsusuga sa kanya dito sa daigdig.

Tinapik ni Sano ang lukbot sa kanyang balakang, at tumango.

“Mabuti naman. Pupunta tayo sa ilog kung saan tayo hinatid ng mampapalayok. Lagi namang may mga tagasagwan roon na papayag maglakbay sa gabi.” Bumagal ang mga hakbang ni Anina. Lumingon siya kay Sano, nag-aalinlangan. “Patawad,” bulong niya. “Sa tingin ko kasalanan ko 'to.”

“Dahil ba sa mga antong isinulat mo para kay Bikon?” Naisip din iyon ni Sano. Walang saysay na may magnakaw sa kanila. Ang mga bahay-panuluyan ay ang pinakahuling pag-iisipang nakawan ng iba, lalo na kung may mga puwesto na malamang ay bukas pa sa pamilihan, o kahit papaano, mga mayayamang mangangalakal na umuuwi bitbit ang mga tinitinda.

Kinagat ni Anina ang labi at tumango. “Noong hinuli si Bikon, sinabi niya na gawa-gawa lang ang bintang sa kanya. Paano kung napagdugtong niya ang mga piraso, at naisip na gusto ng isang biktima niya na paghigantihan siya? Siguradong alam niyang manunulat ka ng anto, dahil nakilala kanya sa sabi-sabi ng ibang mga tinulungan mo. Baka inisip niya na ikaw ang sumulat sa mga Gilang anto sa mga bugsok.” Hinilot ni Anina ang noo, nababalisa. “Banal na Karingal, patawad.”

“Ayos lang.” Inilapat ni Sano ang kamay niya sa balikat ni Anina. “Kung wala kang ginawa, mas marami pa silang lolokohin. Iniligtas mo ang ibang mga tao, at sa tingin ko–”

May isang pakal na humaginit sa kanila. Umigtad si Sano palayo, at natumba si Anina sa lupa. Bumaon ang pakal sa puno sa tabi ni Sano. Hindi na gumalaw si Anina sa paanan ng puno, at nahulog ang puso ni Sano nang makita niyang nababasa ang lupa sa ilalim ng ulo ni Anina.

“O, Karingal.” Lumuhod si Sano sa tabi ni Anina, nanlalamig ang mga kamay.

Biglang napalibutan si Sano ng mga matipunong bisig, at hinatak siyang pabalik ng mga ito. Lumapag sila ng kalaban niya sa lupa, umiinog ang kulandong ng mga dahon sa taas nila. Kumawag si Sano sa hawak ng kanyang kalaban, pero hindi niya lubusang maiangat ang mga braso sa higpit ng yakap sa kanya.

“Tulong!” sigaw ni Sano, bago natakluban ang ulo niya ng isang malapad na tela, at pinahinaan nito ang kanyang boses. Sigurado na siyang dalawa ang sumusugpo sa kanya, kahit na masinsin ang pagkahabi ng tela at wala siyang makita. Sa loob nito, nakakabingi ang paghinga ni Sano. Pero gaano katagal bago siya tuluyang hindi na makahinga? Natataranta, nagsisisipa si Sano, pero wala siyang matamaan kundi ang hangin at ang lupa lang.

Ang lupa! Makasusulat ba siya gamit ang mga paa niya? Kung mag-iingat siya, baka makabuo pa siya ng anto kahit wala siyang makita.

Ngunit may dalawang kamay na humawak sa mga sakong niya at inangat ang kanyang mga binti. Napaungol si Sano nang binuhat siya ng dalawang lalaki. Parang may suot na buklod sa braso ang nasa likuran niya, at dumiin ang mga ito sa balat ni Sano. Desperado at wala nang ibang maisip, nagbuhos si Sano ng maraming hiwaga sa mga buklod.

Tumunog sa paligid ang matalas na pagsabog ng mga bakal, at sinundan ito ng isang magaralgal na hiyaw. Nalaglag ang itaas na bahagi ng katawan ni Sano sa lupa; sa kabalintunaan, napahinaan ng telang nakabalot sa ulo niya ang pag-umpog niya. Sa taas niya, nagmumura at dumadaing ang lalaki.

“Gamitin mo ang pakal!” utos ng nasa paanan ni Sano. Kilala ni Sano ang boses na iyon. Hindi ba iyon ang... kaibigang tanod ni Bikon?

Bumaluktot si Sano sa sarili, inaasahan ang pagtarak ng talim, pero nakaramdam lang siya ng kaunting hapdi sa mga braso. Sinubukan niyang tanggalin ang tela sa ulo, pero natuklasan niyang hindi maramdaman ng kanyang mga kamay ang tela. Kumalat ang pagkamanhid sa buong bisig niya. Biglang nag-init ang katawan niya, lumabo ang isip, bumuway ang paghinga.

May pampatulog ang pakal.

Pagkatpos ng isang saglit, nawalan na ng malay si Sano.


Nagising si Sano sa amoy ng kamanyang at usok. Pumipilantik ang mga anino sa maliit na silid, sanhi ng isang sulo sa labas ng nakabukas na bintana. Nakahiga siya sa isang papag na may mamahaling pulang kumot. May bendaheng nakabalot sa mga braso niya kung saan siya sinugatan ng pakal at kung saan siya naghagupit ng hiwaga. May pakiramdam na ulit ang mga bisig niya, at kumikirot ang kanyang mga sugat. Bumangon si Sano, at may kumalansing na tanikala sa sahig. Nakakabit siya sa papag.

May gumalaw sa labas ng silid. May mga bulungan, tapos mga hakbang. Namitig si Sano, hinihintay bumukas ang pinto, pero hindi nangyari.

Sumandal siya sa pader at tumingin sa bintana sa kabila ng silid. Gabi sa labas, pero hindi niya alam kung ito pa rin iyong gabi nang inatake sila. Hindi naman malala ang pagkagulo ng isip ni Sano, kaya baka hindi siya pinatulog nang matagal ng lason. Baka malapit pa siya sa Masagan. May kaalatan pa ang hangin sa ilalim ng kamanyang at usok.

Ngunit ano'ng nangyari kay Anina? Ang bilis nilang tinambangan, hindi niya natulungan ang kasama. At kahit gusto niyang magpanggap na maayos lang si Anina, tiyak siyang nakita niyang nagdurugo ito. Dinakip din ba siya?

Pinagmasdan ni Sano ang tanikala sa sakong niya. Nakakabit ang dulo nito sa kahoy ng papag, at ito naman ay nakatali sa sahig sa pamamagitan ng makakapal at matitibay na lubid. Kung mahahagupit ni Sano ang hiwaga niya sa tanikala, baka makawala siya.

Siyempre, masasaktan din ang sakong niya, at hindi siya makalalayo kung pilay siya.

Biglang bumukas ang pinto, at humakbang paloob ang isang lalaki. Malusog at matipuno siya, at maamo ang kanyang mukha. May katandaan na rin, halata sa ilang mapuputing hibla ng bigote. Nakataklob ang buhok niya sa isang putong na hinabi sa sulta. May mapipinong burda ang damit at bahag na suot niya. Ngunit walang sinabi ang ganda ng pananamit ng lalaki sa mga gintong alahas niya. Mahaba ang dulo ng kanyang mga tainga sa bigat ng mga pabilog na gintong hikaw. Pinapalibutan ang kanyang leeg ng iba't-ibang laking kuwintas na may mga bulaklaking disenyo. Nakasampay sa dibdib niya ang isang pampalamuti na gintong tanikala. May mga buklod sa bawat pulso at sakong niya, gawa sa inukitang ginto. Ginto rin ang puluhan ng kanyang itak, nililok sa hugis ng ahas-dagat. Ang talim nito na puno ng anto ay, kahit hindi man ginto, numiningning pa rin tulad ng ginto tuwing natatamaan ng liwanag ng apoy.

Napakakintab ng lalaki, halos sinanggahan ni Sano ang mga mata niya.

Sinundan ang lalaki ng isang pila ng mga alipin. Naglagay ang dalawa sa kanila ng hapag sa harap ng papag ni Sano, at pinatong nila rito ang isang mangkok ng mga prutas, isang garapon ng tuba, dalawang luwad na tasa, at isang pinggan ng hitso. Nagpasok din ang isang alipin ng upuan. Umalis sila na nakayuko ang ulo, at nasa pisngi ang mga kamay.

“Iwan niyong bukas ang pinto,” sabi ng lalaki. Madiin ang tinig niya, pero hindi masungit.

“Opo, aking hari,” tugon ng isa sa mga alipin.

Kung may duda man si Sano kung sino ang lalaking ito, pinalayas ng sagot na iyon. Pinalayas rin ang iba pang nasa isip ni Sano. Napanganga siya sa hari, na nagbigay sa kanya ng kumikislap na ngiti. Kumikislap dahil may mga ginto ring nakatalasok sa kanyang mga ngipin.

“Nagulat ka ba?” tanong ni Haring Bunawi. “Baka hindi mo pa alam na may paraan akong makapaglakbay nang mabilis. At mapapasalamatan ko rin ang Datu ng Masagan. Lagi niya akong pinagbibigyan, kung gusto ko mang magpasalubong nang may handaan o nang walang nakaaalam. Pero hindi tungkol sa akin ang usapang ito. Heto, uminom at kumain ka muna.”

Minata ni Sano ang mga hitso, napapaso ang lalamunan sa alaala ng kanyang huling pagsubok sa isa. Pero bakit ba siya inaalok ng tuba at hitso? Usapang pangangalakal ba ito? Palakaibigan ang pananalita ng hari, pati na rin ang kanyang ngiti. Baka mali ang inakala ni Sano sa hari. Baka hindi naman uuwi sa panganib ang gabing ito.

Hindi... muntik na ring hangaan ni Anina ang hari, hanggang nakita niya ang tunay na pagkatao nito. Kaya ng hari na magpakita ng kabaitan sabay ng kalupitan – ganoon siya nilarawan ni Anina.

Kumuyom ang tiyan ni Sano. Ibinaba na lang niya ang tingin, at inilapat ang mga kamay sa pisngi, katulad ng mga alipin kanina. Ito ang tamang pagpakita ng respeto.

Mahinang tumawa ang hari. “Huli na ang pagpakita mo ng galang, lalo na kung totoo nga ang hinala ko sa iyo. At bihira akong magkamali.” Sinubukan ni Sano na sumilip sa hari. Hinihilot nito ang kanyang baba, nakasandal sa likuran ng upuan. Nakakunot ang sulok ng mga mata niya sa ngiti. “Sigurado ka bang ayaw mo ng pagkain? Marami tayong gagawin ngayong gabi. Sige na, kahit isang sampalok lang.”

“Maraming gagawin?” ulit ni Sano.

“Aba'y oo.” Ipinatong ni Haring Bunawi ang mga siko niya sa tuhod at pinagdaop ang mga kamay. “Tutulungan mo akong lutasin ang isang kababalaghan sa hukbo ko. Inaamin ko, sa simula nawiwili lang ako sa paggamit mo ng hiwagang pinagbawal ko, pero ngayon, may isa pa akong layunin sa iyo.”

Pinalakas lang ng mga nakapagtatakang salita ng hari ang pangangamba ni Sano. Hindi siya kumuha ng baso ng tuba o kahit isa sa mga prutas. Wala sa tamang kalagayan ang sikmura niya.

“Sige, bahala ka.” Kumuha ng susi si Haring Bunawi mula sa isang bulsa, at binuksan niya ang tanikalang bumibihag kay Sano. Sa sumunod na saglit, dinakma niya ang bisig ni Sano nang mahigpit.

Hinatak ni Haring Bunawi si Sano mula sa silid, at dumaan sila sa isang pasilyong pinipilahan ng mga mandirigma. Tinahak nila ang ilang mga silid na pinapalamutian ng matitingkad at makukulay na tela at magagarang na gamit. Nababaghan sa mga nakikita niya, ang tanging nagawa lang ni Sano ay habulin ang malalawak na hakbang ng hari at iwasang matapilok. Tuwing nakakakita siya ng bintana, sumisibol ang pag-asa sa kanyang puso – pero sigurado siyang mababali ni Haring Bunawi ang kanyang leeg bago siya makalayo.

Lumabas sila sa likod ng bahay-panuluyan sa isang plataporma. Nakaangat ng kaunti ang sahig, at inaalalayan ng makakapal na haliging kahoy ang mababang bubong na gawa sa atip. Sa halip ng mga dingding, mga rehas na hinabi sa rattan ang nasa pagitan ng mga haligi. Nakatabi ang kabilang dulo ng platapormang ito sa labi ng isang maaninong bangin. Nangilabot si Sano sa haplos ng malamig na hangin ngayong gabi. Ayon sa hari, nasa Masagan pa sila, pero marahil nasa mas mataas na panig sila.

Maraming nakatayong mandirigma sa plataporma. Sa isang gilid nito, napansin ni Sano ang tanod na tumulong kay Bikon sa panlilinlang. Hindi nagulat si Sano na makita siya rito; nanghinala na siya na isa ang tanod sa mga dumakip sa kanya.

Sa isa pang bahagi ng plataporma, nakaupo ang isang matikas na babae na mukhang kasinggulang ng ina ni Sano. Matuwid ang buhok na nakalawit sa gilid ng kanyang mukha. Hawig sa hari ang mga mata niya, pati na ang mabikas niyang pagdala sa sarili. Sa balakang niya, may nakasukbit na itak na kakambal ng kay Haring Bunawi.

Nang suriin ni Sano ang iba pang mga tao, nakawit ang paningin niya sa tatlong tao na kilala niya. Naroon si Aklin, halata sa tangkad at kulot na buhok, nakasandal sa isang haligi. Sa tabi niya ay si Danihon, na hindi makakalimutan sa kanyang mga tato. At sa huli, napansin ni Sano si Matiban na nakatitig sa kanya, matigas ang tindig at walang mabasa sa mukha.

Banal na Karingal, ano'ng mangyayari kay Sano rito?