Kabanata 29
Katapangan
Tumalilis si Anina palabas ng imbakang dampa, kumakabog ang puso sa kaba. Pumili ang mga mandirigmang galing sa langit ng mga sari-sariling kalaban sa mga mandirigma ng hari sa kampo. Ang dating tahimik at malinis na katipunan ay isang maingay at maligalig na kaguluhan ngayon. Mabuti ito para kay Anina; hindi siya pinapansin ng mga mandirigma ng magkabilang panig dahil sa kanyang pangkatulong na suot. Pero ibig sabihin din nito, mahihirapan siyang maghanap sa mga kuya niya.
Sumiksik si Anina sa away, umiiwas sa umuugoy na mga itak, lumilipad na mga sibat, at nagbubunuang mga katawan. Tinahak ng paningin niya ang labanan, humihiling na masulyapan ang maitim na balat at kulot na buhok ni Kuya Aklin o ang mga tato ni Kuya Danihon.
Pero ang amoy ng mangga ang nakanakaw sa pansin ni Anina. Umikot siya, at nandoon si Dayang Yiling, lumulundag paalis ng isang dampa at umiigpaw sa mga kumpulan ng mandirigma. Hindi siya napansin ng Halimaw, at nilipasan siya sa deretsong pagpunta nito sa gitna ng kampo.
Sumunod si Anina, gumagalaw ang kanyang mga paa sa sariling kusa. Punit-punit ang ibang bahagi ng damit ni Dayang Yiling, at nangingitim sa abo ang iba pa. Maliban sa mga iyon, matatag ang galaw ng Halimaw kahait sinabi ni Kuya Danihon na mayroon siyang manghihiwagang-pilay. May tumulong ba sa kanyang gumawa ng alay? Lumingon si Anina sa dampa kung saan nagmula si Dayang Yiling, pero nahaharangan na ng mga naglalaban na mga mandirigma.
Bumagal si Dayang Yiling, at tumayo sa harap ni Bunawi.
Magpaparugo na ba sila ngayon? May saysay pa ba ang parugo ngayon? Lumupasay si Anina sa tabi ng isang tambak ng mga sirang kahoy at kagamitan.
Sa umipsa, nagtitigan lang sina Bunawi at Dayang Yiling. Pinipisil ng hari ang pangkaraniwang itak na kinupit niya kanina sa isang mandirigma. Inisip ni Anina kung nag-aatubiling umatake si Bunawi kay Dayang Yiling ngayong hindi na niya mapapalakas ang hiwaga niya. Pero suminghal lang ang hari, dumura sa lupa, at sumibad kay Dayang Yiling. Nagliliyab ang suklam sa mga mata niya, at nakaturo ang tuktok ng kanyang itak sa Halimaw.
Hindi nakalayo ang hari. Sumulpot ang matitigas na tipak ng lupa mula sa sahig at pinalibutan ang mga tumatakbo niyang paa. Gumapang ang mga tipak pataas ng kanyang sakong at inipit siya sa sahig. Napahiyaw si Bunawi sa bigla niyang pagtigil. Isang batong kasinlaki ng kamao niya ang humampas sa kanyang siko mula sa likuran. Sumigaw siya sa sakit, at lumagapak ang itak niya sa lupa. Yuyuko sana si Bunawi para kunin ito gamit ang maayos na kamay, pero umakyat ang lupang sumisipit sa mga sakong niya papunta sa baywang, at pinigilan ang kanyang pagyuko nang tuluyan.
Napalunok si Anina. Ang bilis ng mga galaw ni Dayang Yiling. Walang magtataka kung bakit kinailangan ngang mandaya ni Bunawi para magkaroon ng laban sa kanya.
May ilaw na biglang tumudla sa pinakatuktok ng himpapawid, maliwanag at mapula, at sumabog ito nang malakas. Tinakpan ni Anina ang mga tainga niya. Nagulat siya nang pinakawalan ni Dayang Yiling si Bunawi, at nagtayo ito ng mataas na pader sa pagitan nilang dalawa. Sa kapaligiran, nagbabaan ang mga mandirigma ng mga itak at nagtaasan ng mga kalasag, o nagtatatakbo patago. Pero hindi lahat ng mga mandirigma – ang mga Kataman lang.
Bumuga ang isang maginaw na hangin, at may nagputukang mga tili sa buong kampo.
Pumalipit si Anina sa sarili habang napupuno siya ng tiwaling takot. Sigurado ang Malagim na Hangin ito. Mas mabilis at mas malakas ang pag-ihip nito kaysa sa naranasan niya noon sa bundok kasama si Sano. Tinatagan niya ang sarili at humawak sa mga kahon sa tabi niya. Ipinikit niya ang mga mata, iniiwasang makita ang mga katawang nagbabago sa paligid. Nanghihina siya sa mga sigaw nila.
Nang napawi na ang mga haluyhoy, doon lang binuksan ni Anina ang mga mata. Nangininig siya sa lamig na sanhi ng Hangin at ang mga kamatayang idinulot nito. Pinilit ni Anina ituon ang pansin kina Dayang Yiling at Bunawi muli. Naibaba na ang pader sa pagitan nila. Tao pa rin silang dalawa – o kahit papaano, halos tao pa rin si Dayang Yiling.
Nabawi ng hari ang nalaglag na itak. Numiningning ang mga ilan sa mga anto rito ng asul, pero parang mabuway ang daloy ng hiwaga niya, hindi nakakayang buhayin ang kabuuan ng isang anto. Lumalala na ang manghihiwagang-pilay niya, at sa kalaunan malamang hindi na siya makalalaban pa.
Ngunit hindi gumaan ang loob ni Anina sa mahinang kalagayan ng hari. Nagulat siya nang napagtantong takot pa rin siya kay Bunawi hanggang ngayon. Baka may bahagi sa kanya na habambuhay mararamdamang napakaliit niya sa harap nito. Kahit nagigipit na ang hari ngayon, kawawa laban sa Halimaw, may gumagapang pa ring mga galamay ng kahihiyan sa dibdib ni Anina. Parang labing-isang taon siya ulit, nagugutom at walang kalaban-laban, pinanonood ang mga lalaki sa kanyang baranggay na maghukay ng mga libingan. Parang nasa dampa siya ulit ni Bunawi, nagpapasalamat sa lahat ng hindi niya makakamtan. Parang nahuhulog siya ulit sa ere, lumalakas ang ungol ng ilog sa mga tainga niya.
Tumalikod si Anina, handang hanapin na ulit ang mga kuya niya. Sigurado siyang kayang tapusin ni Dayang Yiling si Bunawi nang mag-isa.
Subalit may tumigil sa kanya. Ang katiyakan na siya ang talo. Ang kaalaman na kung lalayo na siya ngayon, habambuhay siyang nakatanikala sa takot niya kay Bunawi. Lagi niyang ikakatawan ang isang tao na, sa huli, ay nagpasalamat at nagmakaawa sa hari, kabilang sa mga maraming Kataman na sumuko sa karuwagan at pagkamakasarili dahil sa kagipitan.
Isang tahimik na ingil ang lumabas sa mga labi ni Anina. Sa ilalim ng kanyang sindak, lumitaw ang tibok ng paghihimagsik. Ayaw niyang iwang ganito ang panimbang nilang dalawa ng hari. Gusto niyang makalamang ulit, tulad ng ginawa niya nang binawi niya si Sano mula sa kamay ni Bunawi noon sa paglilitis ni Matiban. Hindi naging alipin si Anina sa takot niya noon. Hindi. Nakayanan niyang harapin si Bunawi sa panahong iyon, dahil nahigitan ang bisa ng kanyang takot ng pangangailangan nila ni Sano sa isa't-isa. Naging matapang siya, hindi lang para sa sarili niya, kundi para rin sa iba.
At iyon ang gusto niyang matandaan ni Bunawi sa kanya.
Nakatalikod si Bunawi kay Anina, kaya madali niyang natakbuhan ito. Lumingon si Bunawi nang tatalon na si Anina. Kinawit niya ang kanyang braso sa leeg ng hari at, gamit ang buwelo niya, hinagis niya silang dalawa sa lupa. Gumulong si Anina palayo at tumayo sa tabi ni Dayang Yiling.
Itinulak ni Bunawi ang sarili payuko, hindi gaanong nasaktan. Hindi naman layunin ni Anina na saktan siya. Pero ang mabagal na pagdilat ng mga mata ni Bunawi, ang banayad na pagtaas ng mga kilay, ang pagtanto na hindi naganap ang kanyang alay – iyon ang hinahanap ni Anina. Nilasap niya ang itsura ni Bunawi.
“Hindi kita pinasasalamatan,” ipinahayag ni Anina, taos-puso ang bawat salita. Sumimangot si Bunawi, sumisinghal. Dati, matatakot na si Anina sa mukha palang nito; walang nakatatakas sa galit ng hari. Ngunit iba na ang pananaw niya dito ngayon. Mabuway si Bunawi. Nagkakamali siya. Tinatablan din siya ng kapritso ng mga bathala, katulad ng ibang pangkaraniwang tao.
Nawala ang pakialam ni Anina sa hari doon, at alam niya na wala na siyang ibang kailangang gawin para mabigyang halaga ang sarili. Ngayong nakita na ni Bunawi na buhay siya, na kaya niyang sumuway dito at sa mga hiling nito, wala nang saklaw si Bunawi kay Anina, kahit ano pa man ang mangyari mula sa puntong ito.
Lumingon si Anina kay Dayang Yiling at inilapat ang kamay sa braso ng Halimaw. “Kayo na po ang bahala sa kanya.”
Binigyan siya ni Dayang Yiling ng magiliw na tango at ngiti. “Oo naman. Magandang makita kang buhay, Anina.”
Ngumiti rin si Anina, tapos tumakbo na siya palayo. Ngayong wala nang ibang umaagaw sa kanyang pansin, mas malakas na uli ang udyok na hanapin niya ang mga kapatid. Nasulyapan niya ang mga Gamhanang tato ni Kuya Danihon, at nagpahabi-habi siya sa mga mandirigma na walang ganang hinahmpas ang mga itak, at nagtutulakan lang imbes na nagsusuntukan. Nagmamasid-masid sila, mabibilog ang mga mata sa takot. Nag-iingat sila sa Malagim na Hangin.
Dumausdos si Anina pahinto sa tabi ng kapatid. “Kuya Danihon, kailangan mo na pong kausapin ang punong katalonan!”
Umikot si Kuya Danihon at humarap sa kanya. “Buti naman, inuutusan mo 'ko! Walang may alam kung ano'ng dapat gagawin ngayon.” Nakatingin kay Kuya Danihon ang dalawa sa mga mandirigma ni Bunawi, naghihintay. Sa isang tabi, may Kataman naman na nagkakamot lang ng ulo.
“Puwede pa rin natin ipagpatuloy ang plano natin,” sabi ni Anina. “Kung tatawagin ng katalonan ang ahas-dagat ngayon, maiaalay pa rin natin ang mga itak doon.”
“Kinakausap na ni Aklin si Ginang Nawa,” tugon ni Kuya Danihon.
“Mabuti naman. Kailangan na lang po nating kunin ang mga itak.”
“Nagkabanggaan kami ni Matiban kanina.” Ininat ni Kuya Danihon ang leeg, lumilinga sa kampo. “May kasama siyang nakakuha na ng itak ni Haring Bunawi. Pero nasa bayi pa rin yata ang isa.”
“Ayos lang, bantayan mo na lang po ang itak ng hari. Susubukan kong agawin iyong kay Angtara.”
Parang isang sagot sa pagpasya ni Anina, umalsa uli ang lupa, ngayon nasa malayong dulo ng kampo. Pero hindi isang haligi ng bato lang ang tumaas katulad ng dati. Isang kumpol ng mga matatangkad na burol, hawig sa mga daliri, ang nagsulputan. Uminog ang makapal na ulap ng alikabok sa kapaligiran nila. Nadapa ang mga tao at nagsigawan, pinipilit iwasan ang mga gumugulong na malalaking bato.
Sinanggahan ni Anina ang mga mata mula sa alikabok, at itinuon ang paningin sa mga gumagalaw sa tuktok ng kumpulan ng mga burol.
Tulad ng hinala niya, isa sa mga nakikipaglaban doon ay nakasuot ng magarang na damit ng bayi, mas halata dahil sa marikit na pagkinang ng kanyang itak. Sinasalubong ng magnanakaw na nakatalukbong ang bawat gulpi ni Angtara. Isa pang tao ang gumagapang pataas ng burol, nahihirapan dahil sa nakasakbat niyang bisig. At kahit malayo pa si Anina, kilalang-kilala niya ang paggalaw ng binatang ito para hindi pa malaman kung sino siya.
Bumuhos ang isang alon ng damdamin kay Anina, biglaan at matapang, na nahilo siya nang saglit rito. May init na bumulaklak sa dibdib niya habang lumalambot ang mga binti't braso. Nalunod ang gulo ng paglalaban sa tindi ng kanyang kawalang-paniwala sa nakikita, na nagdaan ang ilang mga sandali na ang nagawa lang niya ay tumitig.
Buhay si Sano. Bugbog man at sugatan, pero gumagalaw at tumatalon at buhay na buhay.
Isang mahinhing tawa ang lumabas sa mga labi ni Anina. Tumagos ito sa kanyang pagkagulat, at ibinalik siya sa kasalukuyan. Pinaypayan niya ang natitirang alikabok sa harap ng mukha at tumakbo sa mga burol. Inakyat ni Anina ang mga lupang haligi kung saan naglalaban ang tatlong manghihiwaga, naghahanap ng matutuunan ng mga kamay at paa sa malubak na batuhan.
Tamang-tama, nang naabot niya ang tuktok, nasangga niya ang pag-amba ni Angtara kay Sano gamit ang kanyang patpat. Dahil dito, may napansin si Anina na malulusutan ng kanyang sandata sa pagtayo ng bayi. Pinalo niya si Angtara sa tadyang, at namalipit ang bayi sa sakit.
Tinitigan si Anina ni Sano, mabibilog ang mga mata at nakanganga ang bibig; malamang kahawig ng sariling mukha ni Anina nang una niyang nakita si Sano sa baba. Nawala bigla lahat ng gusto niya sanang sabihin kay Sano. Kumurap siya, isang beses, tapos dalawa, pero ang naibigkas lang niya ay, “Mga yantok ko ba 'yan?”
Tiningnan ni Sano ang yantok sa kamay niya. “A,” sabi niya. “Um, oo, heto.” Ibinigay niya ang nasa kamay niya kay Anina at hinatak ang isa pa mula sa pamigkis nito.
“Sa 'yo muna iyan,” sabi ni Anina sa kanya.
Itinulak ni Angtara ang sarili patayo mula sa sahig ng burol. “Hindi ako makapaniwala. Ilang beses ko ba kayong dalawa kailangang patayin?” tahol ng bayi. “Tulad kayo ng mga daga! Iisipin kong napaalis ko na, pero bumabalik pa rin!”
“Aba, mukha yatang hindi matanggap ng eksperto s'atin dito na ang daming butas sa kaalaman niya,” tinukso ng nakatalukbong na babae, nakangisi ang mga labi. Sinamantala ng babae ang saglit na pagkagambala ni Angtara, at hinampas niya ang itak sa bayi. Umigtad si Angtara, nasugatan sa tagiliran, pero nasagip niya ang kamay na humahawak sa itak. Hindi man lang siya napangiwi.
Tinimbang-timbang ni Anina ang luma niyang yantok, nasisiyahan na naibalik na sa kanya ito. Nagpadaloy siya ng hiwaga sa anto ng yantok na nagpapatibay dito laban sa mga dagok, tapos sumingit siya sa labanan. Tinudlahan niya ang tadyang ni Angtara, ang mga tuhod, ang likuran ng leeg – saan man mapipigilan ang pagsangga ng bayi sa nakatalukbong na babae. Kailangan nilang matamaan ang kamay ni Angtara nang malakas para mabitawan niya ang itak.
Pero kumupit ang bayi ng maikling pakal mula sa kanyang balakang para salagin ang yantok ni Anina. Kinalaban ni Angtara silang dalawa ng babae; nakagugulat ang bilis niya at kasiningan, kahit na sugatan siya. Sinangga niya ang yantok ni Anina bawat paglapit nito, at kumalatong ang kanyang itak sa bawat tarak ng sandata ng babaeng magnanakaw.
“Kung kailan ka na handang sumama, anak,” sabi ng nakatalukbong na babae. Narinig ni Anina ang paggalaw ni Sano. Siguro ito na nga ang Manghihiwagang Lingid. Hindi aakalain ni Anina na ganito sila magkikita.
Dinaluhong ang ilong ni Anina ng alimuom. Lumutang ang ilang hibla ng kanyang buhok, at tumayo pati ang balahibo sa braso niya, sanhi ng kakaibang enerhiya. Inisip niya kung may parating bang bagyo.
“Iwas kayo!” sigaw ni Sano.
Sinulyapan ni Anina si Sano, at natagpuan na ang sakbat nito mismo ang lumiliwanag sa isang anto na hindi niya napansing naroon pala. Tumalon siya palayo ilang sandali lang bago humaginit ang isang kidlat mula sa sakbat ni Sano, papunta sa tuktok ng itak ni Angtara.
Binitawan ng bayi ang sandata at lumukso paalis.
May isang nakahihindik na sandali na nakatayo lang silang apat, minamasdan ang pag-usok ng kumikinang na talim ng itak.
Tapos, sabay-sabay, sinunggaban nila ang sandata.
Tumiklop ang mga daliri ni Anina sa puluhan nito, pero napaso siya sa tindi ng init at pinakawalan niya agad. Itinulak siya ni Angtara at dinampot nito ang itak. Napahiyaw ang bayi, pero hindi siya bumitaw. Sinaksak niya ang itak sa sahig ng burol, numiningning ng matingkad ang isang anto rito. Dapat naasahan na ni Anina ang mga tinik na sumulpot mula sa sahig. Napakahilig gawin ni Angtara iyon. Pero ang tanging nagawa lang ni Anina ay gumulong palayo.
Ngunit tuloy-tuloy ang pagbunga ng mga tinik sa burol hanggang sa dulo ng makitid na tuktok nito. Natumba si Anina sa dulo at nadulas sa dalisdis ng burol. Sinubukan niyang kumapit sa kahit ano'ng makatitigil sa pagbaba niya, pero wala siyang nahanap. Nagasgas lang ang mga palad niya sa magagaspang na bato, at ngumiwi siya sa paglala ng mga paltos sa kanyang kanang kamay.
Bumagal at huminto si Anina sa isang parang lambak sa pagitan ng dalawang burol. Kumikirot ang mga kamay niya kung saan natuklapan ng balat. Nabali ang ibang kuko niya. Dumurugo ulit ang lumang sugat sa kanyang kanang binti.
Napamura si Anina. Aabutin siya ng siyam-siyam sa pag-akyat muli. At paano niya maaabot ang tuktok ng burol ngayon? Mayroon na itong koronang tinik.
Doon niya napansin ang isang itim na bagay na nahulog sa dalisdis. Isang bakya. Puno ang talampakan nito ng mga Katamang anto. Malamang ang Manghihiwagang Lingid ang mamay-ari nito.
Biglang may pumasok sa isip ni Anina. Minasdan niya ang matatayog na bato sa paligid niya, at sinilip nang malapitan ang bakya. Nakaukit sa talampakan nito ang anto na hinahanap niya.
Tumingin siya sa tuktok ng burol, at nahanap si Angtara sa gitna ng mga tinik, nakatalikod sa kanya. Bantulot na inilabas ni Anina ang pakal na nanggaling kay Lolo Sungid. Magagawa niya ba talaga ang binabalak niya? Matagal na niyang pinilit na huwag magpahamak ng iba pang buhay, na parang kabalintunaan na magtatangka siya ngayong kumuha ng isa.
Pero mas maraming buhay ang nanganganib kung laging ginagamit ang itak na iyon at umiihip palagi ang Malagim na Hangin. May pagkakataon na si Anina na makasanhi ng tunay na pagbabago, at parang mali rin naman na nag-aatubili pa siya.
Kaya ipinikit niya ang mga mata, at lumukso sa bakya. Bago pa niya mabago ang isip, ibinuga niya lahat ng kanyang hiwaga sa paa, tulad ng itinuro sa kanya ni Sano, tulad ng pagsasanay niya sa nakalipas na buwan.
Hatid ng lakas ng pag-angat ng bato, humagibis si Anina sa ere. Hinagis siya ng kanyang hiwaga higit pa sa tuktok ng matinik na burol. Bumaligtad siya sa langit, napapasukot sa lula, at inikot ang katawan para sa pinakamainam na pagbagsak.
Sa isang bahagi ng langit, may pumutok na pulang liwanag. Ang huling nakita ni Anina habang nahuhulog deretso kay Angtara, habang hinahanda ang pakal sa kamao, ay ang takot sa mga mata ni Sano.