Pagkilala

Apat na taon at tatlong buwan ang ginugol ko sa paglikha ng Ingels na bersyon ng nobelang ito, at mahigit isang taon ko naman sinikap isalin sa Pilipino. Katulad ng ibang trabahong matagal maganap, may maraming tao na nararapat pasalamatan sa kanilang pagtulong sa aking pakikipagsapalaran.

Una at pinakaimportante, salamat sa aking mapagmahal na mga magulang. Dahil sa kanilang suporta sa aking mga libangan, nagkaroon ako ng oras na makatha ang nobelang ito pag-uwi ko galing sa iskul at sa trabaho. Maraming salamat din sa mga matalik kong kaibigan online, sina Maryetta at Lia, na laging sumusuporta sa pagsusulat ko, kahit noong puro fanfiction pa lang ang ginagawa ko. Lagi silang sumasama sa bawat sisid ko sa panibagong fandom, at sumama rin sila nang bigla akong nagpasyang magsulat ng orihinal na kuwento. Salamat sa lahat ng maagang beta-readers ko, sina Maryetta at Lia uli, si Vanathy, at si Bessie. Hindi lang nila natulungan gabayan sa tamang direksyon ang kuwentong ito, pero naganyak din ako sa kanilang mga komentaryo na ipagpatuloy hubugin ang nobela ko.

Salamat sa developmental editor ko, si Katie Zhao, na hinimok akong palakasin pa ang mga character arcs ko – mas mabisa ang kinalabasan ni Anina dahil sa kanya. At siyempre, salamat sa copy editory ko, si Stefanie Tran, at ang huling beta-reader ko, si Myta Santiago, sa kanilang tulong magpakinang sa nobelang ito para madaling basahin ng mga tao. Si Myta Santiago din ang naging copy editor ko sa bersyong Pilipino, kaya doble ang pasasalamat ko sa tulong niya.

At sa wakas, maraming salamat sa inyong nagbabasa. Nagustuhan niyo man o hindi, nasisiyahan pa rin akong nabigyan niyo ng oras na basahin ang kuwento ko. Magandang araw sa inyo!


Karamihan sa impormasyon na ginamit ko upang hubugin ang mundo ng kuwentong ito ay nanggaling sa pagbasa ko sa Baranggay ni William Henry Scott. Kahit na nagbunga mula sa kalinangan ng mga sinaunang Tagalog – at may kaunting halo din ng Kapampangan – ang kaharian ng Dayung, ito ay isa pa ring kathang-isip lamang. Ang daigdig na ginagalawan nina Sano ay may sariling mga wika, grupo ng bathala, alamat, at mga natatanging tradisyon, lalo na dahil may hiwaga sa mundong ito.

May dalawang Pilipinong alamat na ginamit kong basihan sa pagbuo ng nobelang ito: ang mga ahas-dagat at ang masamang hangin. May mga alamat ang iba't-ibang ethnic group sa Pilipinas tungkol sa dambuhalang ahas-dagat (na laho ang tawag sa Tagalog, at bakunawa naman sa Bisaya) na nilalamon ang buwan. Iyon ang sinaunang paliwanag sa paglaho ng buwan. Ang masamang hangin naman ay isa sa mga pamahiing naririnig ko noong bata pa ako. May mga nagsasabi, “Huwag mong gawin iyan sa mukha mo, baka mahipan ka ng masamang hangin at ganyan na ang mukha mo habambuhay!” Naglikha ako ng paraang mailagay ko ang dalawang ito sa mundo ni Sano.

Nauunawan ko ang kapangyarihan ng mga kuwentong mabukas ang mga mata ng mga mambabasa sa panibagong mundo. May tuwa sa pagkamit ng bagong kaalaman, pero may panganib din sa pagkalat ng maling impormasyon. Para sa akin, ang pinakamainam na paraan para mapigilan ang huling iyon ay maging tapat sa mga nilikha ko, at himukin ang iba na manaliksik ng tamang impormasyon. Kung nauusisa kayo sa kaliningan ng mga sinaunang Pilipino, iminumungkahi ko na basahin niyo ang Baranggay.