Kabanata 25
Dalamhati at Ligaya
Matagal na ang kadiliman ang tanging namamalayan ni Sano. Ang kadiliman at ang matinding sakit sa buong katawan, lalo na sa kaliwang kamay. Kasinghirap ng pagpiga ng tubig mula sa putik ang bawat paglanghap ng hininga. Minsan kumukupas ang kadiliman, nagbibigay daan sa maiiksing kislap ng liwanag; ng malabong pagkamalay sa pagguho at paggulong na mga bato at sa maalikabok na hangin. May nakayukong babae kay Sano. Ang ina niya ba ito?
Dumilim ulit, hanggang may sumibat na mga tili sa kamalayan ni Sano. Parang binabayo ang ulo niya ng biglaang ingay. Hinaplos siya ng malalamig na galamay ng lagim, pinapawi ang mainit na kirot ng kanyang mga sugat. Nangatal siya sa indayog ng mga naglalakasang sigaw.
Kadiliman ulit, isang mahimbing at kamutya-mutyang pahinga.
Dumating ang pakiramdam ng pagsakay sa tubig, ng dinuduyan ng malulumanay na alon. Binuksan ni Sano ang mga mata at nakita ang matitingkad na luntiang dahon na nagsasala sa liwanag ng araw. Naalala niya sa simoy ng basang lupa ang kanyang tahanan, pero hindi na siya tiyak kung saan nga ba iyon. Narinig niya ang tinig ng kanyang ina, tapos ang sariling boses, ngunit hindi niya alam kung ano ang mga sinabi niya.
Nang nagkamalay na talaga si Sano, natagpuan niya ang sarili sa kanyang silid sa tahanan ni Dayang Yiling. Mabigat at masakit ang katawan niya, pero parang hindi na siya hihimatayin ulit. Nagulat din siyang matagpuan na maliwanag na ulit ang isip niya, at nagpapasalamat siya rito.
“Mabuti naman, gising ka na.”
Tumingin si Sano sa tabi, ang mga mata lang niya ang naigalaw. Napakaganit ng kanyang leeg. Sa tabi ng papag niya, nakaluhod ang kanyang ina, maimis ang itsura at matatag ang tindig. Kahit nakasuot siya ng mga luma at tagpi-tagping damit, may malaharing katangian pa rin siya na daig pa ang ibang mga maginoong nakita ni Sano sa lumipas na buwan. Isang malumanay na ngiti na puno ng pag-asa ang naglalaro sa kanyang mga labi. Sa pagkakita rito, biglang umagos kay Sano ang magugulong damdamin, at nagsimula siyang umiyak.
Pinalibutan si Sano ng mga bisig ng ina niya, habang tinatapik nito ang kanyang ulo. Walang sinabi ang ina, hinawakan lang siyang mahigpit. Sa yakap nito, pinadaloy ni Sano ang natitirang lito at takot mula sa labanan sa Liman; ang hilahil na lagi niyang buhat-buhat simula nang napaalis siya sa kanyang tahanan; at higit sa lahat, ang sakit na hindi siya sapat o ginugusto sa mundong ito.
Subalit sa kabila ng mga iyon, bumunga rin ang walang-sukat na ginhawa na nagkita na sila ulit ng kanyang ina. Ang ina na walang pakialam kung ano ang maisusukli ni Sano sa lahat ng ibinigay sa kanya. Ang ina na nagdala ng bigat ng pangungulila at pagdurusa sa pagpapalaki sa kanya nang mag-isa, para lang maligtas sila. Ngayong alam niyang maayos ang ina niya, at magkapiling na sila muli, mas nakayanan niyang tiisin ang bagyo ng mga damdaming umiikot sa kanyang loob.
“Patawad po,” ang iyak ni Sano.
“Alam ko, itlog ko.” Hinaplos ng ina niya ang kanyang buhok, ubod ng lumbay na pakiramdam ni Sano ay hindi nararapat ibigay sa kanya.
“Ano po ang nangyari?” tanong niya. “Nasaan po si Dayang Yiling? Ano na po ang gagawin ngayon?”
“O Sano. Hindi maganda ang ikukuwento ko, pero para sa kalusugan mo, subukan mong kalamayin ang loob mo.” Lumayo ang kanyang ina at inayos ang mga kumot sa ibabaw niya. Hindi ugali ng ina niya na magpakita ng mga luha, pero may mga kulubot ang kanyang noo na nagsasabing masama ang loob niya. At kung ano man ang maaaring magpasama ng loob ng babaeng tulad ng ina ni Sano ay malamang sakuna na para sa iba. Hinanda ni Sano ang sarili para sa ipapaliwanag ng ina.
“Nawala ang Halimaw – ang tinatawag mong Dayang Yiling. Nahiwalay ako sa labanan sa Liman, sinagabal ng pader ng mga tinik, at pagkatapos kong makarating sa kabila nito, nakaalis na sina Angtara at ang mga mandirigma niya. Kinuha nila si Dayang Yiling. Gusto ko silang habulin, pero ikaw ang mas inalala ko.”
Sumenyas ang ina ni Sano sa katawan niya. “Natagpuan kita sa tuktok ng pinakamataas na batong haligi, bugbog na bugbog. Nayanig ang ulo mo at may dalawa kang nalamat na tadyang. Pinakamalala ang bisig mo. Lumabas ang buto sa balat. Ibinalik ko na ito, at itinahi ang braso mo. Hindi man gaanong masakit ngayon dahil pinahiran ko ng pampamanhid, malamang hindi na ulit nito mababawi ang dating ganap na paggalaw. At tiyak akong pagod na pagod ka pa para maramdaman ang manghihiwagang-pilay, pero kung iisipin mo ang ginawa mo sa Liman, tiyak akong kailangan mong magbigay ng alay sa kalaunan. Gayumpaman, mapalad kang mataas ang nabagsakan mo. Kung bumagsak ka deretso sa lupa mismo, wala ka na rito.”
Hinilot ng ina niya ang noo, at kinurap niya ang maluluhang mata, parang pinapawi mula sa isip ang alaala nang natagpuan si Sano sa batong haligi. Ang pinakamataas daw. Tiyak kinailangan ng ina niyang akyatin iyon. Banal na Karingal, gaanong katagal naghanap ang ina niya sa gulo sa ibaba, bago pa sinubukan ang mga tuktok?
Inabot ni Sano ang kamay ng kanyang ina, at hinawakan itong mahigpit. Binigyan siya nito ng isang bantulot na ngiti at sinabi, “Dapat tayong magpasalamat pa rin. Maraming hindi kasimpalad natin. Maraming namatay, Sano.”
Ipinikit ni Sano ang mga mata, hinihiling na mailayo sa sarili ang katotohanan. Alam niya mula pa lang nang sumulpot ang mga dambuhalang tinik na nakamamatay ang ginawa niya. Ngunit hanggang ngayon, kahit kahangalan man, umaasa pa rin si Sano na nakatakas ang lahat sa kamatayan.
“Hindi lang iyon,” idinagdang ng ina niya sa mas malamlam na boses. Banal na Karingal, ano pa ba ang puwedeng mangyari? “Nagsilabasan ang mga tauhan ng Liman para siyasatin ang sakuna. At para tumulong na rin, sa tingin ko, pero siguro nagulat sila sa nakita nila. Nagkagulo sila sa galit at lito. Isipin mo na lang kung ano'ng nangyari nang umihip ang Malagim na Hangin sa amin.”
Ang Malagim na Hangin. Malamang iyon ang nakasisindak na agam na naramdaman ni Sano habang umaalon siya palapit at palayo sa kamalayan. At dumating iyon habang nagkakagulo ang lahat. Ibig sabihin nito, mas marami pa ang namatay. Dahil sa kanya.
“Sa iglap na iyon, siyam na ang naging kahoy,” sambit ng ina. “Hindi ko alam kung ilan pa ang nabago sa kabuuan ng Liman sa pag-ihip ng Hangin.”
“Si Datu Dulan po?” tanong ni Sano sa paos na boses. Parang isang makatuwirang tao ang datu, kahit man hindi siya nagpasyang sumanib kay Dayang Yiling. Hindi nararapat ang nangyaring paggunaw ng kanyang tahanan.
“Isa siya sa mga mapalad, at dapat tayong magpasalamat doon. Kung namatay siya, mas magagalit ang mga tauhan niya sa atin. Bilang isang maginoo, maraming manghihiwaga at mandirigma si Datu Dulan sa puhunan niya, at nakatulong sila sa gulo, pero may mga mahal din siyang pumanaw. Maraming sumulpot na maliliit na away, at alam natin na hindi naiintindihan ng Hangin ang salimuot ng mga nangyayari noon.”
Sa ilalim ng kanyang sakit, lumiyab sa loob ni Sano ang ngitngit at poot. Paanong nagawang kahoy ng Malagim na Hangin ang mga taong gusto lang tumulong? Paano ba nagkaroon ng matinding kapangyarihan ang isang napakapalpak na nilalang?
“Bakit dumating pa ang Malagim na Hangin?” angal ni Sano. Sabi ng lahat na minsan lang daw ito umihip. Nakalipas ang buong buwan na hindi niya ito naranasan ulit. Paano napapunta ito sa pinakamalalang sakunang nasanhi niya?
“Alam ko kung bakit,” tugon ng kanyang ina. Iminulat agad ni Sano ang mga mata. “Simula pa lang nang nakita ko ang mga kahoy na katawan sa dinalaw kong baranggay sa Gila, alam ko na kung ano ang Malagim na Hangin. Alam ko kung bakit ito narito.”
Tumambol ang puso ni Sano sa dibdib niya. Unang beses pa lang may nakaalam ng sagot dito. “Paano po? At bakit?”
“Pinangakuan ko si Matiban na hihintayin ko siya bago ko ipaliwanag ang buong kuwento. Ang pinakamaiksing masasabi ko ay dahil iyon sa sandata ni Angtara. Naaalala mo ba kung ano'ng nangyari nang ginamit mo iyon?”
Siyempre. Naaalala pa rin ni Sano lahat ng hindi mag-ugnay nang sandaling iyon, ang pagkakasaksi sa isang pangyayaring talagang salungat sa inaasahan niya. Hindi niya mabigyang salita ang pagkagulat. Parang sumilip siya sa isang salamin at nakita ang sariling sampung patong ang laki. Malakas nga ang hiwagang itinulak ni Sano sa itak na iyon, pero alam niya kung ano ang kakayahan ng lakas na ito. Hindi dapat ito nagsanhi ng ganoong kalalang pagkasira.
Ngunit iyon ang nadulot. Sumasalungat ito sa lahat ng kabuluhan, sa lahat ng kaalaman ni Sano. Katulad ng sinabi ni Anina tungkol sa sariling hiwaga.
“Anina!” suminghap si Sano. “Nasabi niyo na po ba ito sa kanya? Matagal na niyang hinahanap ang ganitong paliwanag sa kanyang hiwaga.”
“Ang kasamahan mo?” tanong ng ina. “Wala siya rito. Sabi ni Matiban hindi niya siya nakikita ng ilang araw na.”
Napuno ng bigo si Sano. “Baka umalis na nga talaga siya.” Ang lapit pa naman makamtan ni Anina ang hinahangad niyang sagot. Sana naghintay na lang siya ng ilang araw pa. At malamang maayos din silang naghiwalay. Napakasariwa pa sa isip ni Sano ang away nila ni Anina. Umaalingawngaw pa rin ang mga nakapapasong bintang sa utak niya – walang muwang, walang pasasalamat – na parang inukit ni Anina doon. Pero tiyak si Sano na may nasabi rin siyang hindi magaganda.
“Nandito pa ang mga gamit niya,” sabi ng kanyang ina. Itinuro ng mga labi niya ang sulok ng silid kung saan nakalatag ang bayong ni Anina at ang mga yantok. “Nang hindi siya bumalik mula sa balong, hinanap siya ni Matiban. Natuklasan niya papunta sa ilog ang ilang yapak na hindi niya kakilala, at isang malalim na butas malapit sa balong. Hindi maganda ang ibig sabihin ng mga ito para sa iyong kaibigan.”
Dapat sanang magsiyasat si Sano noong gabing iyon. Paano kung nakapasok nga ang mga kalaban nila sa gubat at natagpuan si Anina? Hinatid rin ba ni Sano si Anina sa kanyang kamatayan? May sumilab sa dibdib ni Sano, isang mapait na paghahalo ng sakit at sisi. “Ginawa ko ang butas na iyon, at iniwan ko siya roon, pero wala po akong kinalaman tungkol sa ibang yapak.”
“Iniwan... mo ang kaibigan mo sa isang butas?”
“Nag-away po kami!” ang iyak ni Sano.
“Ay naku, marami yata akong kailan ituro sa 'yo tungkol sa pakikisama.”
Ang pagtangka ng kanyang ina na mapagaan ang usapan ay hindi tumagos sa makulimlim na ulap na umaaligid kay Sano. Ngayon niya lang naintindihan ang hilakbot na naranasan ni Anina sa pagsalantang sinanhi nito noon. Gaano pa kalala ang sariling sindak ni Anina, lalo na't walang makapaglutas sa nangyari sa kanyang hiwaga at baranggay? Sinubukan niyang ipaliwanag ang pagkamuhi niya habang nag-aaway sila, pero ang naiisip lang ni Sano ay ang sariling nakaraan, at ibinaliwala niya ang dalamhati at takot na naranasan ni Anina. Paano pa masisisi ni Sano si Anina sa uri ng pamumuhay nito – laging tumitiyad, laging naghahanap ng matatguan?
At ngayon, baka huli na para matulungan pa siya.
Suminghap si Anina, at iminulat ang mga mata niya. Sa umpisa, akala niya bulag siya. Pero nang tumagal, nahubog ang madidilim na hugis sa tapat niya sa magagaspang na bato, kumikinang sa halumigmig. May ilaw na nagmumula sa tabi niya. Sinubukan niyang ilingon ang ulo, pero para siyang tuyong kahoy, malangitngit at malutong. Hindi niya napigilan ang mahabang ungol na lumabas sa mga labi niya. Umalingawngaw ang tunog nito sa paligid. Nasa isang yungib siya.
“Oy, hinay-hinay lang diyan!” tumawag ang isang maligasgas na tinig. May lumapit na mga hakbang, at may yumukong isang matandang lalaki sa tabi ni Anina. “Pambihira din ang nilangoy mo, ano!”
May tumunog na ibang mga hakbang, at panibagong boses ang nagsalita. “Gising na po ba siya?” Mas bata ang boses nito.
“Oo, Uwa, at bigyan mo siya ng tubig. Gusto mo bang uminom?” Tiningnan ng matandang lalaki si Anina, pero bago siya makasagot, lumingon ang matanda ulit sa batang lalaki. “Gusto niyang uminom. Bigyan mo siya ng tubig.”
Parang namumukhaan ni Anina ang matandang lalaki, ang kanyang masungit na mukha, at ang pag-ungol niya sa mga salita na para bang hindi siya makapaniwalang may karapatan ang ibang tao na abalahin siya. Ngunit pakiramdam ni Anina na tinanggalan ng laman ang kanyang ulo, at hindi niya kayang salain ang mga alaala niya ngayon. Halo-halo lahat ang mga ito, at malalabo. May malakas siyang kutob na may nangyaring malala sa kanya, at mapalad siyang nabuhay pa siya.
Ngunit hindi pakiramdam ni Anina na mapalad siya. Pakiramdam niya tila nakupas siya. Pinag-aagawan ng iba't-ibang sakit sa katawan ang kanyang pansin, at wala nang natira para sa iba pang palaisipan.
Bumalik ang bata, si Uwa, at tinulungan siyang humigop ng tubig. Malamig at sariwa ito, sulit na sulit ang hirap niya sa pag-inom. Humiga uli si Anina sa sahig, ninanamnam ang munting ginhawa, at mabilis siyang nanakawan ulit ng malay.
Hindi alam ni Anina kung gaano siya katagal nakatulog, pero sa susunod na gising niya, mas malinaw na ang kamalayan n iya. Nakararamdam siya ng mahinang kirot ng gutom sa tiyan, dulot ng malinamnam na amoy sa yungib. Kumirap-kirap siya, pinipilit paalisin ang antok. Binaluktot niya ang mga daliri, at nang walang sakit na lumiyab sa mga ito, kinawag naman niya ang mga daliri sa paa. Parang maayos din ang mga iyon. At ngayon, ang pinakamahirap na gawin: itinulak ni Anina ang sarili paupo. Dumaing siya. Maliban sa mga pinakadulong bahagi ng katawan niya, parang isang dambuhalang pasa siya.
“Aha, sabi ko na nga ba magigising ka dito, matakaw na bata ka!” sabi ng masungit na boses.
Hindi gaanong malaki ang yungib, pero mayroong makitid na daanan sa isang tabi. Nasa isang sulok si Anina ng kuweba, at si gitna nito may maliit na apoy kung saan nakasalang ang isang kawa. Nakayukyok ang matandang lalaki sa tabi nito, isang kamay hinahalo ang nilalaman, at ang isa naman nagdadagdag ng mga pampalasa. Wala sa paligid ang batang lalaki na tumulong kay Anina na uminom.
“Siguradong gusto mong makatikim nito ngayon, ano?” tanong ng matanda. May mga mangkok na nakatambak sa tabi niya, at may mga gulanit na bayong na nakasandal sa pader sa likuran niya. “Mapalad ka, alam mo ba? Napakapalad! Biro mo, nakasalubong mo ang isang mabait na tulad ko na nag-ahon sa iyo mula sa ilog, at ngayon ay magbibigay pa ng pagkain! Pero ano ba ang magagawa ko kung hangarin ni Likubay na magtagpo tayo, 'di ba? Wala na! Pero alalahanin mo, hindi madali sa akin ito, 'no!”
Halos hindi masundan ni Anina ang sinasabi ng matanda. Pero kinalog ng pagbanggit niya sa ilog ang mga alaala ni Anina, at dumagasa sa kanya lahat ng mga nangyari kasama sina Bunawi at Angtara, parang mga batong gumugulong pababa ng bangin. May dumaluhong sa kanyang matinding lula, at sumandal siya sa pader ng yungib.
Nagpatuloy dumaldal ang lalaki. “Natagpuan kitang nakatali, nakabuhol sa lambat ko diyan. Muntik ka nang malunod, at ako lang ang mapapasalamatan mo na hindi nangyari 'yon.”
“Salamat po, kung ganoon,” bulong ni Anina.
“E ano pa ba ang gagawin ko? Iiwan ka lang doon? Ano ba sa ngalan ni Karingal ang ginawa mo para galitin ang mga Dayungang nakatambay paitaas ng ilog? Sa tingin ko naman na sila nga ang nagtali at naghulog sa 'yo? O baka ang ibang mga buhong diyan? O sarili mo? Pero paano mo naman 'yon magagawa ng mag-isa, ewan ko ba.”
“Opo, ang mga Dayungan ang gumawa,” sagot ni Anina, pero hindi na niya ipinaalam na ang hari mismo ang nag-utos ng kanyang pagkahulog. “Hindi po sila... natuwa sa mga ginawa ko.”
“E, mainitin lahat ang mga ulo ng mga iyon ngayon,” sumang-ayon ang matanda. “Pinalayas din kaming lahat sa Masagan!”
Masagan... sandali, ito ba ang matanda na laging may sumpong sa palengke? Iyong nagligalig sa tatlong manghahabi dahil sa kanilang Katamang disenyo? Walang ibang kilalang kuripot si Anina na palabulyaw kung magsalita. Dati pa naman hindi matikas tingnan ang matandang ito, kahit noong nagmamalaki siya, pero ngayong nasa yungib sila, parang mas... hapis pa ang itsura niya. Hindi makapaniwala si Anina na ang matandang ito ang sumagip sa kanya. “Sandali po, ano ang nangyari sa Masagan?” tanong ni Anina.
Nagsalin ng sabaw ang matanda sa isang mangkok at ibinigay sa kanya. “Ano'ng bato ang bumaon sa iyo na hindi mo alam kung ano ang nangyayari sa Masagan?”
“May kaunti po akong alam sa Halimaw.” Kinuha ni Anina ang mangkok, at nilanghap ang masarap na amoy. Hindi yata siya namumukhaan ng matanda, hindi tulad ni Anina na nakikilala siya. Magpanggap na lang si Anina na wala siya noon sa Masagan, lalo na sa mismong lugar kung saan lumitaw ang Halimaw.
“Ano'ng sa tingin mo ang nangyari pagkatapos sumulpot ng nilalang na 'yon? Naghawak-kamay ang mga tao at umawit? Hindi! Nagkagulo ang mga tao, at kinailangang lumisan halos lahat ng mga Kataman na tulad ko!”
Kataman na tulad ko, sabi niya. Naaalala pa rin ni Anina kung paano nangutya itong matanda sa tatlong manghahabi, kung paano niya ipinaghambong na dumadaloy raw sa kanya ang dugo ng isang Gilang mandirigma. Subalit paano pa ikasasama ng loob ni Anina ang yabang ng lalaking ito, ngayong narito sila, ngayong itong matanda ang nagligtas at tumutulong kay Anina? Anuman ang paniwala ng matandang ito tungkol sa sarili, hindi pa rin siya nasagip mula sa mga kahirapang dinaranas ng ibang Kataman.
May nabuong tigas sa lalamunan ni Anina na nagpahirap sa paglunok niya ng unang higop ng sabaw. Sa totoo lang, malamang masasabi rin niya iyon tungkol sa sarili. Katulad niya itong matandang lalaki. Dahil sa mga hinanakit, nawalan siya ng kakayahang makiramay sa mga kababayan, pinipilit ibukod ang sarili sa iba.
Nagpatuloy magsalita ang matanda. “Marami sa Masagan na naghihinalang dati nang alam ng mga Kataman na totoo ang Halimaw. Ha! Kung ako ang tatanungin, napakataas naman ng tingin nila sa atin, kung iniisip nilang kaya nating ilihim ang isang tulad ng Halimaw! Hindi na bale. Natataranta na ang mga taga-Masagan ngayon. Kung Kataman ka, o kahit may mga kaibigan ka lang na Kataman, hindi ka na ligtas sa baranggay at pamilihan doon. Hindi rin kayang pamahalaan ng Datu ng Masagan at ng Punong Arbitro ang mga lumalaking kaguluhan, at ginaganyak na rin nilang magsialisan ang mga tao. Wasak-wasak na ang purok na iyon.
“Puno ang Ilog Kunting ng mga manlalakbay na gustong lumipat sa Katam. Ang mga tulad ko na patimog ang hantungan, kailangan namin lampasan ang buwisit na kampong iyon paitaas sa ilog. Kaya nandito tayo ngayon sa malamig at basang yungib na 'to.” Itinuro ng matanda ang daanan sa gilid. “Ito ay bahagi ng mga magkakahanay na yungib malapit sa Kunting. Maraming tao ang naglalagi rito ngayon.”
Nagbuntong-hininga si Anina. Ang daming nangyari pagkatapos nila umalis ni Sano sa Masagan na hindi na niya napag-isipan kung ano ang idinulot ng paglitaw ni Dayang Yiling sa baranggay.
Hinigop ni Anina ang sabaw na ibinigay sa kanya ng matanda – si Lolo Sungid, kung tama ang pag-alala niya sa pangalan. Simple lang ang sabaw, halos mga gulay ang laman, ilang piraso ng gabe, at kaunting pampalasa, pero pinainitan nito ang sikmura niyang walang laman. Nang natapos siya, itinabi niya ang mangkok at nahiga ulit.
Bigla na lang tumulo ang mga luha niya. Hindi man nakapaghanda si Anina. Dapat naubos na ang mga luha niya sa pag-iyak na ginawa niya pagkatapos ng away nila ni Sano, pero hindi pa pala. Tinakpan ni Anina ang mukha niya sa mga kamay, nahihiya na nangyayari ito, at umikot sa tagiliran niya para hindi siya makita ni Lolo Sungid.
“Ano'ng iniiyak-iyak mo diyan?” tahol ni Lolo Sungid. “Hindi pa ba masarap ang sabaw ko para sa iyo? E wala, sinabihan ko na nga si Uwa na humingi ng mga puto, pero hindi pa siya bumabalik, kaya iyan lang ang makukuha mo.”
Hindi ni Anina pinansin ang matanda, at mas yumuko na lang siya. May nabiyak sa loob niya, at ang dating maliliit na butil ng mga alaala, ngayon ay naging malalaking tipak ng nakaraan, bawat isa naghahamon ng panibagong buhos ng luha. Isang saglit, napuno si Anina ng sindak sa kanyang pagkahulog. Sa susunod, bigla niyang ginustong maligo sa ilog at hugasan mula sa sarili ang maruming pakiramdam na nasabi niya lahat ng nais marinig ni Bunawi. Kinamumuhian ni Anina ang kahinaan niya, kinamumuhian ang kakayahang pilitin ang sariling maramdaman ang gusto ng hari, sabihin ang gusto ng hari. Nasaan ang kanyang karangalan? Muntik na siyang mamatay, at ginamit niya ang huli niyang araw na pinalalaki ang balunglugod ni Bunawi, at sinisira naman ang kay Sano. Ang mabait at malambing na si Sano. Hindi na muli makikita ni Anina ang ngiti nito.
Panibagong dagsa ng luha ang tumulo para lang kay Sano. Nasasaktan ang loob ni Anina para sa kanya, sa nangyari sa kanya. Ang tanging hiling lang ni Sano ay makapamuhay nang malaya. May makahahanap ba sa kanya sa Liman, sa ilalim ng kabundukang bato? May makaaalam ba kung ano'ng mga kuwento ang sasabihin tungkol sa kanya? Ang mga tamang kuwento; ang nararapat na ipaalam sa iba. Na si Sano ay isang masayahin at mapangalagang tao na sa lawak ng ngiti, hindi aakalaing nasasaktan din pala. Dati inisip ni Anina na walang muwang si Sano, pero sa kanilang dalawa, hindi si Sano ang may mahinang loob. Hindi. Dahil nagawa pa niyang maniwala sa mas magagandang posibilidad kahit na sinasabi ng mundo na walang nakalaan para sa kanya. Masyado lang nakatutok si Anina sa sariling pagdurusa, na hindi niya nabigyan ng sapat na halaga ang kasiyahan ni Sano.