Kabanata 17

Ang Halimaw

“Labas na kayo! Hindi kayo makatatago habambuhay!” Kahit nasa baba na siya ng butas, naririnig pa rin ni Anina ang pag-alingawngaw ng boses ng bayi sa kakahuyan. “Ganito na lang. Itatago ko ang itak ko, at mag-usap tayo nang matino.”

Nanatili si Anina sa bunton ng mga unan katabi ni Sano, hindi alam kung ano'ng gagawin. Iniisip niya kung babalik sila sa taas at mas pipiliing harapin ang bayi, nang biglang inangat ng Halimaw ang kamay nito at isinara ang mga daliri. Sumara rin ang butas kung saan nalaglag sina Anina at Sano; napipisan ang lupa hanggang lubusang bumara ang pinaghulugan nila.

“Mas maayos ba 'yan?” tanong ng Halimaw.

Hindi alam ni Anina kung saan siya mas nabigla. Sa pagkausap sa kanila ng Halimaw, o sa boses nitong parang tunay na tao?

Ang Halimaw – napagtanto ni Anina – ay hindi isang 'ito.' Kung ang tinig ang pagbabasihan, ang Halimaw ay isang 'siya.'

At nakatayo siya sa harapan nina Sano at Anina, nakalantad ang kakaibang anyo. Inakala ni Anina na kung makikita niya ulit ang Halimaw hindi na siya masisindak ng kasinlakas noon, pero nasusuya pa rin siya. At kahit hindi na siya natatakot na kakainin siya nang buhay, nangingilabot pa rin siya sa itsura ng Halimaw.

Ngayong pinagmamasdan ni Anina ang nilalang, nakita niya na mas pinabangis ng mga kwento ang kanyang katangian. Hindi buong katawan ng Halimaw ang binabalutan ng balat ng kahoy. Ang kanang bahagi lang. At hindi rin tunay na kahoy ito; isang kakaibang pagkulubot ng balat lang. Halatang binuo pa rin siya sa hugis ng tao, kahit na kamukha nga ng mga sanga ang mga daliri niya sa kanang kamay. At ang kanang mata niya ay kahoy rin – hindi lang namalikmataan ni Anina iyon sa plataporma. Hindi rin katangkaran ang Halimaw. Binibigyan lang siya ng kanyang buhaghag na buhok ng kaunting taas, na kung wala ay mas liliit pa siya kay Anina. May suot siyang baro at dalawang magkapatong na tapis, katulad ng uso sa kababaihan sa kaharian.

Lumipas ang mga saglit. Hindi maalis ni Anina ang tingin niya sa Halimaw, hindi maintindihan kung ano ang nakikita niya. Bigla siyang natauhan, at sa kabila ng bagong sugat niya sa binti, tumayo siya agad at itinaas ang mga yantok panangga sa sarili. Tumayo rin si Sano, mas mabagal lang. Nagsiyukyukan sila sa pader ng lungga.

Napaigtad ang Halimaw, pero kinuha lang niya ang isang balabal mula sa upuan sa tabi. Ibinalot niya itong maitim na tela sa sarili, at namukhaan ito ni Anina. Ito ang suot ng Halimaw noong lumitaw siya sa Masagan. Natakpan nito ang katawan niya noon, at pinasiklab ang imahinasyon ng mga tao roon.

“Mas ayos na ito, 'di ba?” Pinantakip ng Halimaw ang pandong ng balabal sa kulot na buhok niya, at itinulak ang ilang hibla ng buhok sa harap ng kanang bahagi ng mukha. Ngayong ganito ang kanyang pananamit, halos makapapasa siya bilang isang pangkaraniwang tao.

Kahit pa, hindi gumalaw sina Sano at Anina.

Itinaas ng Halimaw ang mga kamay sa isang pampaamong galaw, na para bang sila ang mapanganib dito. “Huwag kayong mag-alala,” sabi niya ulit. Banal na Karingal, napakapangkaraniwan ng kanyang boses. May katandaan ng kaunti, pero mas mataas kaysa sa sariling magaspang na tinig ni Anina. “Nagugutom ba kayo? May pagkain ako!”

Pumalintik ang kamay niya, at umusbong ang isang bahagi ng lupa sa hugis ng maikling mesa na magagamit bilang hapag. Walang nakikitang mga anto si Anina na nag-uutos sa lupa. Kumiramot ang Halimaw sa mga salansanan sa tabi, at humatak ng mga dahon ng saging at mga palayok at iba pang mga lalagyan. Hinapag niya ang mga ito.

“Heto. Mas marami pa sana akong maiaahin kung nasa tunay kong bahay lang tayo, pero ayos na muna siguro ito,” paliwanag ng Halimaw. Inilagay niya ang kamay niya – 'yung pangkaraniwang kamay – sa tabi ng kanyang bibig, na parang nagbabahagi ng isang lihim sa kanila. “Ninakaw ko ang mga ito sa hari!”

Binigyan sila ng Halimaw ng isang nag-aalinlangang ngiti, pero nang nanatili silang nakasiksik sa pader, bumagsak ang mga balikat niya. “Sige na nga. Nagpapasalamat na lang ako na hindi kayo tumili.” Itinuro ng mga labi niya ang isang papag sa sulok ng silid. Sa tindi ng pagkatutok ni Anina sa Halimaw, hindi niya napansing may isa pang tao sa lungga.

Nakahiga sa papag si Matiban, nakakulob sa malilinis at malalambot na kumot. Maayos nakabalot ang kanyang balikat, at mahimbing siyang natutulog.

Mula sa isang mesa sa tabi ng papag, kumuha ang Halimaw ng mga nakatiklop na bimpo, malilinis na bendahe, at isang garapon ng tubig, at inilagay lahat ng mga ito sa lupang hapag. “Kung hindi kayo nagugutom, kahit papaano, asikasuhin niyo ang sarili niyo. Huwag kayong mag-alala kay Angtara, hindi niya tayo matatagpuan dito.” Nag-alinlangan ulit ang Halimaw, bago idinagdag. “Ang pangalan ko ay Yiling.” Tumalikod siya at naupo sa dulo ng papag ni Matiban.

May pangalan ang Halimaw? Umikot ang isip ni Anina, pero dinaig ang pangangatuwiran niya ng mahapding sugat sa binti at ng makirot na tiyan, tulad ng laging nangyayari kapag hapong-hapo na ang katawan. Kaya lumakad si Anina papunta sa hapag, maingat ang bawat hakbang. Bumuntot si Sano malapit sa kanya.

Pumili si Anina ng mauupuan kung saan mananatili ang Halimaw – si Yiling – sa paningin niya. Ibinabad niya ang isang malinis na bimpo sa garapon at hinugasan ang bago niyang sugat. Hindi naman ito kalaliman, pero ayaw rin naman niyang mawalan pa ng dugo. Paminsan-minsan sinusulyapan niya si Yiling, pero tahimik lang nakaupo ang Halimaw, hawak-hawak ang isang kamay ni Matiban at hindi sila pinapansin.

Pagkatapos mabalot ni Anina ang sugat niya, tiningnan niya ang mga nakahapag na pagkain. Malinaw na nagsasabi ng totoo si Yiling. Sa mga lalagyan, may bagong lutong kanin, inadobong baboy at baka, malutong na dilis at tuyong pusit, at iba’t-ibang uri ng sawsawan. Nakapagtatakang walang mangga, dahil puno ang lungga ng amoy nito. Pero tama nga, nararapat sa isang hari ang nakaahin.

Tinambakan nina Anina at Sano ng kanin at ulam ang mga dahon ng saging, at nagsimula silang kumain. Pinuno ng linamnam ang bibig ni Anina, timplang napakasarap, akala niya maiiyak siya. Sa pangkaraniwang panahon, hindi basta-basta kakain si Anina ng mga inaalok ng iba, lalo na kung hindi niya alam ang binabalak nila. Ngunit wala sa mga nangyari kamakailan ang matatawag na 'pangkaraniwan' pa.

Tumikhim si Sano at, kahit may pagkain pa sa bibig, kinausap si Yiling. “Um, makikisuyo lang po. Sino po ba kayo?”

Tiningnan ulit sila ni Yiling, at nagpapasalamat si Anina na tinatakpan pa rin ng bahagi ng kanyang buhok ang kakila-kilabot niyang mata. Inisip ni Anina kung bulag si Yiling sa matang iyon. “Hindi nalalayo ang mga kuwento sa katauhan ko,” sagot ni Yiling. “Ama ko ang huling lakan ng Katam. Pinanganak ako ng ilang araw lamang bago sumugod si Bunawi at nilupig niya ang bayan namin.”

Muntik nang mabulunan si Anina. Wala kahit isang ulat tungkol sa maduwag na paglisan ng lakan ang nagbanggit na may anak siya!

Pero siyempre, wala ngang magbabanggit. Kasi mababago ang lahat. Baka may mag-isip na hindi naman talaga isang duwag ang lakan. Na baka isang tao lamang siya na kinailangang pumili sa kanyang bayan o sa pamilya. At kahit hindi nito sinasangkalan ang kaduwagan ng lakan, binabawasan kahit papaano ang kahihiyan.

Nilunok ni Sano ang pagkain. “Pero a, paano po kayo... naging ganyan...” Itinuro niya ang kanang bahagi ng mukha ng Halimaw.

Ngumiti ng malawak si Yiling – si Dayang Yiling. “A, huwag niyong pigilan ang mga hininga niyo – manghihinayang lang kayo. Ipinaglihi ako ng ina ko sa isang punong mangga, kaya ganito ako ipinanganak.”

“Iyon lang po?” sabay hiniyaw nina Anina at Sano. Alam ng lahat na nakapagbibigay ang paglihi ng isang ina ng kakaibang katangian sa kanyang anak. Ngunit kalimitan, hindi pisikal ang mga katangiang ito. Halimbawa na lang, ang pagkakaroon ng maagap na isip o malumanay na asal, o ang kakayahang makakita nang mabuti sa dilim. Bihirang matablan ang mismong katawan.

“Oo, iyon lang.” Pumiksi si Dayang Yiling. “Alam ko, nakapanghihinayang, 'di ba?”

“Ang ibig niyo pong sabihin, wala 'yang kinalaman sa Malagim na Hangin?” tanong ni Anina. Parang may mas katuturan pa kung nahipan ng Malagim na Hangin ang Halimaw habang may ginagawa siyang kalahating masama, kung kaya ng Hangin malaman iyon.

Bumilog ang mga mata ni Dayang Yiling. “Ako? Hindi, matagal na akong pinanganak bago pa unang lumabas ang Hangin. Sabi ko nga, nakapanghihinayang ang paliwanag ko. At hindi naman ako talagang kahoy, ano. Hindi tulad ng mga nabago ng Malagim na Hangin. Nagagalaw ko pa ang kanang bahagi ko, 'di ba?”

Inilagay ni Anina ang sumasakit niyang ulo sa mga kamay. Lagi na lang, kapag akala niyang mababawi na niya ang kanyang hininga, may nangyayari ulit na magpapahingal sa kanya. Ang may kabuluhan lang sa paliwanag ng Halimaw ay ang amoy ng mangga na lagi niyang napapansin. Parang binabad ang lunggang ito sa katas ng mangga, at naalala ni Anina ang malakas na samyo nito noong sinagip ni Dayang Yiling si Matiban sa pagkahulog.

“'Wag kayong mag-alala,” sabi ni Dayang Yiling. “Alam ko naman na hindi ako madaling unawain. At mukhang kailangan niyong dalawa ng pahinga. Pangako ko na walang masamang mangyayari sa inyo habang nandito kayo. May mga kumot at unan sa sulok doon, kung gusto niyong matulog.”

Nagbuntong-hininga si Anina. Nakakain na rin naman siya. Walang panganib na maidudulot ang pagtulog na hindi pa niya sinapalaran sa pagkain. At pakiramdam rin niya na para siyang isang sirang layag sa wasak na bangka. Iniisip pa lang niya ang pahinga, bumigat na ang mga mata niya tulad ng kanyang mga bisig at binti.

May pagnanasa ring tumitingin si Sano sa sulok na binanggit ni Dayang Yiling. Parang inaanyaya sila ng tambak ng malalambot na kumot. Kung ihahambing sa bangkang tinulugan nina Anina at Sano kagabi, napakagarang ang maaliwalas na sulok na iyon.

Itinuloy nina Anina at Sano ang pagkain hanggang nabusog sila, at nang natapos, tumungo sila sa mga kumot. Bago pa siya nakalapat nang maayos sa sahig, sumuko na si Anina sa isang malalim na tulog.


Hindi alam ni Anina kung gaano katagal siyang nakatulog, pero pagbukas ng mga mata niya, mas maayos na ang kanyang pakiramdam. Alam niya agad ito, dahil may sapat na siyang lakas para kabahin ulit. Nang nakita niya ang lupa sa itaas, at nang naalala niya kung nasaan siya, dinagsa ng balisa ang kanyang tiyan. Natagpuan niyang mahimbing si Sano sa tabi niya, mukhang hindi magigising kahit magunaw pa ang mundo.

Wala na ang hapag kung saan sila kumain ni Sano. Nakatayo si Dayang Yiling sa mesa sa tabi ng papag ni Matiban, may binabayo. Nakaladlad ang mga bendahe ng mandirigma. Sinimulan ni Dayang Yiling ipahid sa sugat nito kung anumang gamot ang ginawa niya.

Umahon si Anina at hinakbangan si Sano, pero hindi siya gaanong lumapit kay Dayang Yiling. “Bubuti po ba ang kalagayan ni Matiban?” ang tanong niya. Ano mang panganib ang inihatid ni Matiban sa kanila ni Sano, pinakawalan niya pa rin sila sa una nilang pagkikita. Hindi nararapat na mamatay siya.

Lumingon si Dayang Yiling. “Sa tingin ko,” ang sagot niya. Kumuha pa siya ng lunting-kayumangging gamot at ipinahid ito sa mga tahi sa sugat. Hindi na niya suot ang balabal, at pinilit ni Anina na huwag ngumiwi sa pambihirang anyo ng babae. “May mga dinanas siyang mas malala pa rito.”

Totoo na maraming galos ang dibdib at mga bisig ni Matiban.

“Gaano po ako katagal nakatulog?” tanong ni Anina. Mahirap mamalayan ang takbo ng panahon sa saradong lungga.

“Higit ng kaunti sa isang araw. Tumaas ako kaninang madaling-araw at nagtipon ng mga halamang-gamot. Wala na si Angtara, at hindi ko na rin mahanap ang mga mandirigma ng hari. Sa tingin ko lumisan sila nang hindi kayo nakita.”

Mabuti naman. Parang matalas na halakhak ng haribon ang pagtawa ni Baying Angtara. Minsan, akala ni Anina naririnig pa rin niyang umaalingawngaw ang tawa nito sa paligid niya.

Naiintindihan ni Anina ang kalupitan. Naiintindihan niya ang kawalang-awa, pati na ang kawalang-malasakit. Pero hindi niya maunawaan kung paano nagagawa ng ibang taong matuwa sa takot ng iba.

“Ano bang ginawa natin sa kanya na ganito siyang kayabang sa atin?” ungot ni Anina. “Alam kong inutos ng ama niya na hulihin kami, pero hindi naman niya kailangang... maaliw.”

Pagilid tiningnan ni Dayang Yiling si Anina. “Alam mong lumaki ang bayi sa Katam, 'di ba?”

“Opo, ipinatira siya ng ama niya roon noong bata-bata pa siya, para siya ang mapagkatiwalaan ng hari tungkol sa mga pangyayari sa Katam. Ano pong kinalaman niyon sa amin ni Sano?”

“Isipin mo na lang, pinalaki ka para maging dalubhasa sa isang bayan, at sa kabila ng lahat ng pag-aaral at pagmamatyag mo, may nabuong paghihimagsik sa bayang tinitirhan mo.” Palarong ngumiwi si Dayang Yiling. “Napahiya si Angtara.”

Naghalukipkip si Anina. Sinusubukan ba ng bayi ngayong hilumin ang kanyang nabugbog na dangal sa pamamagitan ng karahasan? “Wala naman akong naririnig na sinisisisi siya ng ama niya dahil hindi niya namalayan agad ang paghihimagsik. Mukhang maayos ang pakikitungo nila sa isa't-isa.”

“Silang dalawa, oo. Malapit ang mag-ama. Ang ibang kamag-anak nila ang tumutukso kay Angtara tungkol doon, sabi ni Matiban.” Nilagutok ni Dayang Yiling ang dila. “Mahirap sa mga maginoo na umahon pagkatapos mahiya.”

Gumalaw si Sano sa sulok, tinatanggal ang mga nabuhol na kumot sa mga binti. Kinuskos niya ang mga mata at kumurap kina Anina at Dayang Yiling. “Nag-uusap na kayo nang wala ako?”

“Nagsisimula pa lang,” sabi ni Anina. At totoo naman. Ngayong gising na rin si Sano, panahon nang kumuha ng mga sagot.