Kabanata 15
Ang Taksil
Itinulak ni Anina ang sarili mula sa isa pang puno, at gumiray sa dilim. Hindi gaanong malala ang pakiramdam niya, siguradong hindi tulad ng itsura niya. Maliit nga lang ang sugat sa kanyang noo, pero malakas ang pagdugo nito. Kahit ngayon, maingat niyang idinidiin ang pilas ng tapis na ibinalot niya sa ulo.
Sa umpisa, nang bumuhos nang mabilis ang dugo sa kanyang mukha, natakot siya na kung tatayo siya agad, masyado pa siyang bulag para kalabanin ang mga dumaluhong sa kanila. Babanat ulit ang mga iyon, at tiyak hindi na sila sasablay ng pangalawang beses. Kaya kahit ano pang pagpiglas ang ginawa ni Sano, at kahit ginugusto rin niyang tumayo at lumaban, nanatili si Anina sa lupa, hindi gumagalaw. Umahon lang siya pagkatapos lumisan ng dalawang lalaki kasama si Sano. Hinupa niya ang pagdugo ng noo, inakibat ang mga bayong nila, at sinundan ang mga lalaki.
Buhat-buhat ng isa sa mga ito si Sano sa balikat. Ang isa naman ay may mga pulang latay sa bawat braso at hindi gaanong tumutulong. Hindi sila tahimik. Malamang sa palagay nila hindi nila kailangan manahimik. Iniisip nila na dumakip sila ng isang pugante, at totoo naman. Pero naging kalamangan kay Anina ang ingay nila. Hindi siya nahirapan sundan sila sa baranggay.
Ang bahaging ito ng Masagan ay iniilawan ng mga sulo na nakatayo sa mga daang halos wala nang laman. May nakita lang si Anina na ilan-ilang mga lalaking nakaupo sa hagdan ng mga kubo, umiinom ng alak. Iniwasan niya sila – kahit na baka mas katakutan pa siya nila sa madugong niyang mukha.
Sinubaybayan ni Anina ang mga dumukot kay Sano sa pasikot-sikot na mga daanan. Tiyak siyang isa sa mga lalaki ay ang tanod na tumulong kay Bikon. Tandang-tanda ni Anina ang maungot na boses niya. Ang isa namang lalaki ay nakasuot ng damit ng mandirigma, na ang kulay ay nakakabagabag ang lapit sa matingkad na pulang nakalaan para sa mga nasa hukbo ng hari. Hiniling ni Anina na sana nagkakamali lang ang paningin niya sa dilim.
Pumunta ang dalawang lalaki sa isang kumpulan ng mga bahay sa malinis na bahagi ng baranggay, at tahimik na sumunod si Anina sa kanila. Lumapit sila sa isang malaking bahay-panuluyan. Sinuksok ni Anina ang sarili sa pagitan ng mga halaman sa paligid nito. Bumukas ang pinto ng bahay-panuluyan, at may isa pang lalaki na bumaba ng hagdanan at kinuha si Sano. Umakyat din ang mandirigma at ang tanod, at isinara nila ang pinto.
Ngayong nag-iisa siya sa hindi niya kilalang lugar, hindi na alam ni Anina kung ano'ng gagawin.
Kinuha niya ang mga yantok mula sa pamigkis at sinubukang gamitin ang hiwaga niya. May malumbay na paghatak sa kanyang gitna, at lumiwanag ang isang anto nang marahan. Napamura si Anina. Walang saysay kung makikipaglaban siya sa mga bihasang mandirigma habang hindi pa niya nababawi ang kanyang hiwaga. Pero ano ang magagawa niya pansamantala? Kahit papaano, kailangan niyang mailabas si Sano mula sa gusali.
Nahihilo si Anina sa pagkawala ng dugo, pero ginagawa siyang maagap ng kanyang kaba. Luminga siya sa paligid. Paano kung magsanhi siya ng gulo sa isang bahagi ng lugar na ito? Hindi man maganda ang planong iyon, wala nang ibang pumapasok sa isip niya.
Lumabas nang maingat si Anina sa mga halaman, at naglibot siya sa kumpulan ng mga gusali. May tatlo pang mas maliit na bahay-panuluyan at apat na pangkaraniwang kubo. Nakatayo ang kumpulan malapit sa isang siwang sa lupa, pero hindi rin siya binigyan nito ng mas mabuting plano. May mga nakakalat na sulo sa kumpulan – makakapagsimula ba siya ng sunog? Ngunit may mga katulong at alipin na pumapasok at lumalabas sa mga kubo, at ayaw niyang masaktan sila.
Biglang bumukas ang pinto ng isang bahay-panuluyan, at nagsilabasan ang isang pila ng mga mandirigma. Umuungot sila, habang kinukuskos ang antok sa mga mata. Nagrereklamo ang ilan sa kanila tungkol sa minadaling paglakbay sa mga lumipas na araw, sa kawalang-kibo ng baranggay sa kanilang pagdating, at ngayon, sa pag-udlot ng kanilang tulog. Yumuko si Anina sa sulok ng isang kubo at pinanuod pumasok ang pila ng mga mandirigma sa bahay-panuluyan kung saan dinala si Sano.
Banal na Karingal, ano'ng gagawin niya sa dami ng mga mandirigmang ito? Bakit ba sila lahat nandito?
Dapat may ginawa na si Anina kanina pa, noong nasa kakahuyan pa sila. Hindi niya dapat hinintay mauwi pa sila rito. Pero kahit kinalaban niya ang tanod at ang mandirigma roon, ano'ng magagawa niya pagkatapos? Buhatin ang walang-malay na si Sano sa likuran niya katulad ng ginawa niya noong bumagyo? Dapat ba siyang pumunta sa ilog, nakatambay lang habang naghihintay ng bangka?
Kinuskos ni Anina ang tuyong dugo mula sa mukha niya. Hindi nakatutulong ang mga isipang ganito.
Tumiyad siya pabalik sa pinakamalaking bahay-panuluyan pagkatapos pumasok ng huling mandirigma rito. Umiingay na sa loob. Ang mga silid na madilim kanina ay nagkakailaw na. Sinundan ni Anina ang mga ingay hanggang napaikot siya sa likuran ng bahay-panuluyan, kung saan may nakatayong plataporma na may sariling bubong sa tabi ng siwang.
Sumilip si Anina sa rehas ng plataporma. Iniilawan ito ng dalawang sulo, at tiniyak ng liwanag ang kinatatakutan niya. Mandirigma nga ni Haring Bunawi ang kasama ng tanod na dumakip kay Sano. Nakatayo ang tanod sa tabi nito, nakahalukipkip at may mayabang na ngiti.
Nagulat si Anina nang makita niya sina Kuya Aklin at Kuya Danihon, pati na si Matiban, na nakatayo rin sa plataporma. Ano'ng ginagawa nila sa Masagan? Kailan pa sila dumating dito?
Kanina, habang naglalabasan ang mga mandirigma mula sa isang bahay, umaangal sila tungkol sa mabilisan nilang paglakbay patungo dito sa Masagan. Alam ni Anina na may mabisang paraan ang hari upang magpadala at magtawag ng kanyang maharlika, na doble ang tagal kung pangkaraniwang tao ang maglalakbay. Na ginawa ng hari ito ngayong gabi? Hindi maganda ang ibig sabihin nito para kay Sano.
Bumukas ang pinto sa plataporma. Lumabas dito ang pila ng mga mandirigma at tumayo sila sa iba't-ibang puwesto. Sumunod sa mga ito ang isang babaeng nakasuot ng kumikinang na gintong yambong. Kumikislap ang matuwid at malasulta niyang buhok sa pagkurap ng apoy. Naaaninag sa mga mata niya ang kapilyuhan. Sa kanyang balakang ay isang itak na puno ng mga anto, nakamamamngha ang kulay na parang gintong gatas. May humaplos na alaala sa likuran ng isip ni Anina, pero naglaho ito nang yumuko ang mga tao sa plataporma at sinabi, “Magandang gabi po, bayi.”
Sumuray si Anina. Napawi ang init sa mga kamay at paa niya. Nandito na si Baying Angtara, pero walang nagpahayag sa baranggay o sa palengke. Siguradong nandito rin si Haring Bunawi, at hindi lang alam ng mga madlang. Paano nagkamali nang ganitong kalala si Anina? Na inisip niyang maaasahan ang mga sitsit at alingasngas bilang babala sa pagdating ng hari? Siyempre kayang-kaya ng hari na umiwas sa mga sabi-sabi!
Hindi lang mali ang hinala ni Anina, isinagawa pa niya ang isang napakahangal na plano na ngayo'y naglagay kay Sano sa mga kamay ng mga mismong tinatakasan nila. Tiningnan ni Anina ang pasukan ng bahay-panuluyan. Kung nandito sa plataporma lahat ng mga tao, baka makapapasok siya sa bahay at makuha niya si Sano.
Papaikot na sana siya, nang bumukas ang pinto sa plataporma ulit, at katulad ng isang masamang panaginip na naging totoo, lumabas si Haring Bunawi.
Magayak pa rin si Haring Bunawi, tulad sa alaala ni Anina. Sa tabi niya, parang isang dagang hindi makatakas, ay si Sano. Maputla ito, at mahigpit hinahawakan ng hari.
Banal na Karingal at Likubay at lahat ng mga ninuno! Kailangan nang umalis ni Anina. Ang hari na ito! Anuman ang gawin niya rito ay mauuwi lang sa pagsaksak ng isang talim sa kanyang lalamunan. Hindi siya umiwas sa hari sa mga nakalipas na taon para lang dito mapadpad.
Ngunit hindi niya maiiwan lang si Sano. Ang galit at takot ni Anina ang nagpahamak kay Sano, at kung mamamatay si Sano ngayong gabi, mababahiran na naman ng inosenteng dugo ang mga kamay ni Anina. Hindi niya papayagang mangyari iyon ulit.
Humiwa ang tinig ni Haring Bunawi sa katahimikan ng gabi. “Alam ko na pagod kayong lahat sa pagsunod sa akin nang mabilis dito sa Masagan, kaya tapusin natin ito nang mabilisan din.” Mabilog at matatag ang boses ng hari. Napakadaling isipin na mabuti siyang na tao. “Si Sano ang binatang ito. Sa kaalaman ko, kilala ng ilan sa mga inyo kung sino siya.”
Tumango ang tanod sa pamilihan. Pati na ang mga kuya ni Anina. Walang kibo si Matiban.
Lumingon si Haring Bunawi sa kanila. “Maipapaliwanag niyo ba kung saan kayo nagkita?”
“Opo, hari ko,” tugon ni Aklin na walang pag-aatubili. “Natagpuan po namin siya nina Matiban at Danihon sa isang baranggay sa Katam malapit sa paanan ng bundok. Naglalakbay po siya kasama ng isa kong kapatid, at nabatid nila na papunta sila sa Gila para dalawin ang kamag-anak ni Sano.”
“At naaalala mo ba ang isang babaeng may pangalan na Silim sa baranggay na iyon?”
“Opo, hari ko. Siya po ang katalonan doon.”
Hinatak palapit ng hari si Sano. “Ngayon, anak ko, tulungan mo ako rito. May mga itatanong ako sa iyo, at nais kong sagutin mo nang tapat. Kung tama ang mga narinig ko, inamin mo sa isa sa tatlong lalaki roon na ikaw ang manghihiwaga na nagpahinto sa pagguho ng lupa gamit ang mga bawal na anto. Ngunit hindi nagawang mag-ulat s'akin ng lalaking iyon. Tama ba?”
Umiiling si Kuya Danihon. Nanlalaki ang mga mata ni Kuya Aklin sa pagtataka. Parang bato ang mukha ni Matiban. Bawat isa sa mga itsurang iyon ay puwedeng magpahayag na wala silang kinalaman. Ngunit alam ni Anina kung sino sa kanila ang tinutukoy ng hari.
Nais ibunyag ni Haring Bunawi ang pagsuway ni Matiban, gamit si Sano bilang katibayan. Ang ibang tao rito ay mga saksi lamang. Malamang hindi para kay Sano ang paglilitis na ito, kundi kay Matiban.
Malamig at matapang ang sindak na bumalot sa katawan ni Anina, at minanhid nito ang isip niya. Tinakpan niya ang bibig, kinakabahan na makakagawa siya ng ingay. Hindi na niya talaga alam kung ano'ng gagawin ngayon.
“Ako...” Nanginginig ang tinig ni Sano, kasinlakas ng panginginig ni Anina. “Hindi po ako ang manghihiwagang 'yon. Hindi ko magagawang umamin diyan.”
O, si Sano talaga. Naiintindihan niya kung ano ang pinagagawa ni Haring Bunawi, at pinipili pa rin niyang sagipin ang taong tumulong sa kanya.
Tumawa ang hari. “Nakakatuwa ka. Huwag kang mag-alala – hindi ako nagagalit sa kasinungalingan mo. Ganyan lang talaga ang mga Katamang salarin. Hindi, ang nakapanghihinayang ay may nagpangako sa akin na matapat niya akong paglilingkuran, pero tatalikuran lang pala ako.
“Baka mag-iba ang isip mo kung sasabihin ko kung paano ko natuklasan ang katotohanan?” Tumingin si Haring Bunawi sa isang mandirigma na nakabukod sa iba, isang lalaking may matalim na anyo. “Tumigil din sina Pakos at ang mga kasama niya sa munting baranggay na iyon, ilang araw pagkatapos niyong umalis. Ano'ng balita ang sa tingin mo'ng ibinigay niya sa akin? Sinumbong ni Silim, ang katalonan ng baranggay, na nakita ka raw niyang kinausap ng isa sa tatlong iyon–” at itinuro ng hari sina Kuya Aklin, Kuya Danihon at Matiban – “at umamin ka na ikaw ang manghihiwagang pugante.
“Pero inakala ni Silim na alam ng mga mandirigma ko ang ginagawa nila, at nang pinakawalan ka nila, inisip lang niya na may iba silang plano. Napakasunurin! Hindi ko rin masisisi si Silim sa ginawa niya. Ang katapatan niya ang dahilan kung bakit niya binalitaan ang pangalawang grupo ng mga mandirigma. Pagkatapos niyon, hindi naman mahirap tuntunan ka at ang kasintahan mo rito sa Masagan. Kinailangan lang namin salain ka sa ilang daang tao. At nang isinulat mo ang mga Gilang anto, parang kumatok ka na rin sa bahay ko.”
Ipinikit ni Anina ang mga mata. Kanina pa niya hinala na ang kanyang mga anto ang naghatid kay Sano kay Haring Bunawi, pero parang nasuntok pa rin siya nang marinig na totoo nga ito. Paano niya naisip noon na matatakasan niya ang hari?
Kung narinig ni Silim ang inamin ni Sano, alam din nito na si Matiban ang sumuway kay Haring Bunawi. Tiyak alam din iyon ni Haring Bunawi, pero hindi pa niya binibitay si Matiban. Nagtatanghal siya ngayon, at ipinapaalam sa lahat na ang mga patakaran niya ang masusunod. Pinaglalaruan lang niya sila.
“Kung ako ang tatanungin,” tuloy ni Haring Bunawi sa malumanay at palaisip na himig. “Ang paghihinalaan ko ay si Danihon.”
Hindi. Bumara ang puso sa lalamunan ni Anina, at sumilip muli siya sa mga rehas. Umiling si Kuya Danihon. Tumayo si Kuya Aklin sa harap ng kapatid. Bukod kay Pakos, mukhang nananaginip ang ibang mga mandirigma, hindi tiyak kung ano'ng nangyayari.
“Kamahalan, pakiusap, sigurado po akong hindi si Danihon iyon!” sabi ni Kuya Aklin. “Lagi ko po siyang kasama, at wala pong nangyaring ganoon.”
Pumiksi si Haring Bunawi sa paliwanag, at idiniin, “Matagal ko nang nararamdamang may traydor na malapit sa akin. Sino ang nagnanakaw sa kayamanan ko? Sino ang sumisira ng mga alay ko? Sino ang nagbunyang ng mga plano ko sa mga Gamhana?” Sa huling salita, sinibatan niya ng simangot si Kuya Danihon.
Sinabunutan ni Haring Bunawi si Sano. “Ayan, aminin mo na siya ang traydor! Isang Gamhanang hindi ko dapat tinanggap sa aking hukbo! Tama ako, 'di ba?”
Nanatiling tahimik si Sano, namimilipit ang mukha sa sakit. O baka naman sa mapait na pagpipilian: sagipin ang taong walang kinalaman dito, o sagipin ang taong tumulong sa kanya. Gusto ni Anina sumagot para kay Sano. Hindi man siya malapit sa kanyang mga kapatid, pero may pagmamalasakit pa rin naman siya sa kanila.
Tumayo ang bayi mula sa upuan at hinila palabas ang itak niya. Itinaas ni Aklin ang mga kamay. “Pakiusap na po, bayi,” nagmakaawa siya. “Totoo po ang sinasabi ko.”
“Tumabi ka, Aklin,” utos ni Baying Angtara. Kumulot ang dulo ng tinig nito sa maliit na tawa. Natutuwa ba ang bayi sa nangyayari? Maduduwal yata si Anina. “O sasaktan din kita.”
“Hindi po siya!” ang buga ni Sano sa wakas. Matamlay ang ulo niya sa hawak ni Haring Bunawi. Hinatak ulit ng hari ang buhok niya, at napasirit si Sano. “Si... si Matiban po.”
Kinumutan ng mabigat na katahimikan ang plataporma. Umangat ang mga gilid ng labi ni Haring Bunawi sa isang ngisi.
“Matiban,” ulit ng hari na parang hindi niya kilala ang pangalan. “Hindi ko maintindihan, pero nandito tayo ngayon. Matiban, ano'ng masasabi mo para sa sarili mo?”
Inilag ng mandirigma ang tingin mula sa hari, at walang sinabi. Ang nagkanulo lang sa takot niya ay ang mababaw na paghinga at ang pawis na tumutulo mula sa ilalim ng putong.
“Hindi mo ipagtatanggol ang sarili mo? Hindi mo man itatanggi ang mga paratang sa iyo?” nagpatuloy si Haring Bunawi. “Ang mga pagnanakaw, ang mga nabunyag na plano sa digmaan? Ano-ano pa ba ang pinaggagagawa mo?”
Subalit hindi nagsalita si Matiban. Lumayo na ang ibang mga mandirigma sa kanya, ayaw madamay. Naiwan siya sa isang bilugang espasyo sa likuran ng plataporma.
Bakit hindi niya ipinagtatanggol ang sarili? Bakit niya pinaglalaruan nang ganito ang hari?
“Sige na nga, tapusin na natin ito.” Lumingon si Haring Bunawi kay Kuya Danihon. “Gamitin mo ang itak mo, at patayin mo si Matiban. Kung talagang tapat ka sa akin, patunayan mo ngayon.”
Namutla si Kuya Danihon. Kahit man may tato siya sa katawan – mga tatak na nagpapahayag ng katapangan niya – nakatayo siya na parang isang dagang nakaharap sa isang ahas.
“Ano'ng hinihintay mo?” tahol ni Haring Bunawi. “Isang taksil ang taong iyan, at nag-aalinlangan ka pang parusahan siya nang marapat? Patayin mo na siya!”
Itinuwid ni Matiban ang kanyang tindig at tinitigan si Kuya Danihon sa mga mata. Hindi niya kinuha ang sariling itak para sanggahin ang sarili.
Pumilantik si Haring Bunawi ng isang pakal mula sa baywang at inilapat ito sa leeg ni Sano. “Kailangan ko bang bitayin din ang munting kasuyo ng kapatid mo para ganyakin ka?”
Napalunok si Kuya Danihon, lumingon kay Sano, tapos tumingin ulit sa hari. “Ayos lang po,” sabi niya. “Hindi ko naman po siya gusto.”
Nasa dulo na ng katinuan ng isip si Anina. Paano pa nagagawa ng kuya niyang magbiro sa ganitong panahon?
“Alam ko kung nasaan ang kawawa niyong ampunan,” babala ng hari.
Mahigpit ipinikit ni Kuya Danihon ang mga mata, at hinilang palabas ang itak niya. Sa tindi ng pagkaputla niya, halatang-halata ang tinta sa kanyang balat, parang mga maabong dungis sa maputing layag. Humapdi ang puso ni Anina para sa kanya. Ano'ng nararamdaman ni Kuya Danihon ngayong nalaman niya ang kasamahan niya ay isang taksil? At ngayong kailangan niyang patayin ito?
Tumakbo si Kuya Danihon, nakaturo sa dibdib ni Matiban ang tuktok ng kanyang itak. Ngunit bago ito tumama, may lumipad na sibat at tinudla nito ang balikat ni Matiban.
Humagis pabaliktad si Matiban sa lakas ng pagtama, at bumangga siya sa rehas. Nabali ang taas nito, at tuluyang bumigay sa bigat niya. Kumawag si Matiban sa dulo ng bangin, bago tuluyang nahulog nang patiwarik.
Napatingin si Anina kay Kuya Aklin, nakaunat pa rin ang braso sa paghagis ng sibat. Ganyan talaga itong kuya niya. Laging sinasagip si Kuya Danihon sa mahihirap na mga desisyon.
Naghintay silang lahat, walang gumagalaw at humihinga, inaasahang marinig ang pagtama ng katawan sa mga bato sa baba.
At naghintay sila.
Wala bang ilalim ang siwang na iyon, o hindi lang nila namalayan ang paglapag ni Matiban?
Dumungaw si Pakos sa rehas at sumilip sa bangin.
Biglang sumabog ang isang bahagi ng bubong ng plataporma. Umulan ng mga kahoy at atip mula sa malaking butas na bumukas doon. May nahulog mula sa butas nang napakalakas na nasira ang kawayang sahig.
Natumba si Anina sa lupa, kasama ng iba't-ibang piraso ng rehas na tinangay ng dahas. Nawasak halos ang kabuuan ng sahig, bali-bali at kalat-kalat ang mga kawayan sa lupa. Nalalaglag ang mga anahaw ng bubong sa mga tao na nakayukod o nakahiga sa watak-watak na plataporma.
Ngayong wala nang rehas na humaharang sa paningin niya, tinitigan ni Anina ang nilalang na nalaglag mula sa bubong. Namanhid siya sa gulat.
Isa itong nilalang na nilarawan ni Anina sa isip nang isang daang paraan, ngunit wala ni isa sa mga ito ang naghanda sa kanyang makita ang katotohanan. Mahaba't buhaghag ang buhok ng nilalang, magaspang tulad ng mga hibla sa buto ng mangga. Malutong ang balat sa kalahati ng katawan nito, makapal at maitim at puno ng mga lamat tulad ng balat ng puno. Napatayo ang balahibo sa batok ni Anina sa isang mata nito, gawa sa timbulog na kahoy. Nakayuko ito, hindi sa kakubaan tulad ng sinasabi ng mga alamat, kundi sa bigat ng katawan ni Matiban na nakasakbat sa mga balikat nito.
Ang Halimaw ng Katam.