Kabanata 16
Isang Libong Taon
Umikot ang alikabok sa paligid ng nilalang. Dinaluhong ng amoy ng mangga ang ilong ni Anina. Ang anyo ng Halimaw – dahil tiyak ito na nga ang Halimaw – ay hindi naman kasinlubha ng sinabi sa mga kuwento, pero nababalisa pa rin si Anina sa pambihira nitong itsura. Hindi siya makagalaw sa takot, at pinagmasdan na lamang niyang magtitigan ang Halimaw at ang hari.
Napaupo si Haring Bunawi sa mga sirang kawayan pagkasabog ng plataporma. Tinititigan niya ang Halimaw, dilat na dilat ang mga mata sa lito at gulat. Sinuklian siya ng Halimaw ng nasusuklam na tingin. Humaba ang sandali, hanggang sa wakas, itinaas ng Halimaw ang kamay nito.
Kahit walang anto, binutasan ng isang matalim na hangin ang sirang bubong. Sa bagong butas, tumalon ang Halimaw, bitbit si Matiban at ang samyo ng mangga. Bumaba ito sa malayong kumpulan ng mga bahay, halos hindi na makita ni Anina sa dilim. Hinintay niya ang yanig ng pagbagsak nito, pero walang dinulot na dagundong ang pagbaba nito ngayon.
Tumagal pa ang katahamikan sa plataporma ng ilang sandali.
Tapos biglang nagkagulo. Humarap ang mga mandirigma sa isa't-isa, winawagayway ang mga itak, pakal at sibat, pinanghihinalaan ang mga kapwa. Nagsiliparan ang mga bintang mula sa bibig nila, at dumadapo sa kung sinuman ang pinakamalalapit. Nawala sa paningin ni Anina sina Kuya Aklin at Kuya Danihon. May hinimatay na mandirigma sa gilid, at pinaypayan siya ng kaibigang-tanod ni Bikon gamit ang sariling putong. Tumayo sa Haring Bunawi mula sa sahig, hawak pa rin si Sano, at sumama sa sigawan. Sinundan siya ni Baying Angtara, marahas at matinis ang tinig, pero napakalakas nilang lahat na wala nang maintindihan si Anina.
Natauhan si Anina sa ingay. Ngayong wala na ang rehas, halata na siya. Kailangan lang lumingon ng isang mandirigma para mapansin siya, at kapag nalaman na ng lahat na siya'y naririto, wala na siyang magagawa. Kung ililigtas niya si Sano, ito na ang pinakamainam na pagkakataong makukuha niya.
Kamalasan man ang nangyari kay Matiban, binigyan nito si Anina ng isang plano. Binuksan niya ang bayong ni Sano, at hinila palabas ang balabal na may mga anto. Dati na niya nakita ito habang naglalakbay sila, pero sinabihan niya si Sano na itago sa bayong dahil lahat ng mga anto rito ay Kataman.
Itinali ni Anina nang mahigpit ang mga bayong nila ni Sano sa katawan niya. Sinuksok niya ang isa niyang yantok sa pamigkis at hinawakang mabuti ang isa pa. Baka sapat na ang hiwaga niya ngayon para bumuhay ng isang anto nang mabilis kung titiyempo siya nang maayos.
Halos hindi makapaniwala si Anina na gagawin niya ito. Kung kamatayan na ang parusa sa pagtaas ng sandata laban sa mga mandirigma ng hari, mas lalo sa pakikipag-away sa hari mismo. Pagkatapos ng gabing ito, matatatakan na talaga si Anina bilang isang kalaban ng kaharian.
Humingang malalim si Anina, nilunok niya ang pag-aatubili. Itinutok niya ang pansin kay Sano na walang magawa sa higpit ng kapit ng hari. Siya ang nagdala kay Sano rito. Ano man ang mangyari pagkatapos nito, sa ngayon, siya ang nararapat sumagip sa buhay na isinapanganib niya.
Sumugod si Anina sa mga nagtatalong tao. Sinundot ng mga hibla ng atip at salubsob ang mga paa niya, pero hindi niya pinansin ang mga ito. Nanatili kay Haring Bunawi ang tingin niya. Napansin siya ng isang mandirigma, at inamba sa kanya ang itak. Inilihis ito ni Anina gamit ang yantok.
Naagaw ng mga galaw niya ang pansin ng hari. Lumingon ito nang ihahampas na ni Anina ang yantok. Itinaas ni Haring Bunawi ang kamay at sinalo ang dulo nito.
Ngunit ito ang nais talagang mangyari ni Anina. Binitawan ng hari si Sano.
Ibinuhos ni Anina ang hiwaga niya sa isang anto, at bumulaklak ng mga tinik ang bahagi ng yantok na hinahawakan ni Haring Bunawi. Napasigaw ito at pinakawalan ang yantok. Sa saglit na iyon, inihagis ni Anina ang sarili kay Sano, palayo sa abot ng hari.
Lumagapak sila sa lupa. Pinagaspas pabukas ni Anina ang balabal ni Sano, at inutos, “Ilipad mo tayo paalis.” Hinanda ni Haring Bunawi ang sariling itak, at tatarakan na sana si Anina, pero bago siya masaktan, tinangay siyang pataas ng isang malakas na haltak. Kumapit nang mahigpit si Anina kay Sano habang lumutang sila palabas ng butas na pinagbaksakan ng Halimaw.
Sinundan sila ni Haring Bunawi. Iwinasiwas nito ang sariling itak sa mga paa ni Anina, pero inilayo ni Anina ang kanyang mga binti. Patuloy humagis sa kanila ang iba pang mga sandata. Sinangga ni Anina ang isang patalim gamit ang kanyang yantok, at pinalo palihis ang isang pakal. Ngunit may napakabilis na sibat na pumilas sa gitna ng balabal ni Sano. Sumuray ang tiyan ni Anina nang nahulog sila papunta sa maitim na kawalan ng siwang.
Sumigaw si Sano at binatak ang pumapagaypay na balabal. Umilaw nang matinding asul ang isang anto, halos puti na sa lakas ng hiwaga, at nagsimulang magtalian ang mga sinulad si gilid ng butas. Bumubulusok pa rin sila, at ipinikit ni Anina ang mga mata, inaasahang tatama na sila sa mga bato. Pero sumara sa wakas ang butas ng balabal at umihip muli ang hangin sa tela.
Nahaltak ang mga braso ni Anina sa biglaang pagbago ng dako ng kanilang paglipad. Binuksan niya ang mga mata. Tumaas sila paalis ng siwang, muntik nang matamaan ng mga pakal at sibat na hinahagis pa rin ng hari at ng kanyang mga mandirigma. Hinigpitan ni Anina ang kapit sa mga balikat ni Sano, at pinanuod niya ang pagliit ng plataporma habang lumalayo sila.
Hindi alam ni Sano kung gaano katagal silang lumipad, pero mas maagang nagsimulang humina ang kanyang hiwaga sa inaasahan niya. Bumagal ang bumubugang hangin sa balabal niya, at umugoy sila sa himpapawid. Minsan biglaang nababawasan ang kanilang taas, at maindayog ang kanilang pagbaba sa lupa. Sinubukan ni Sano na itatag ang pagbuhos ng kanyang hiwaga, pero paudlot-udlot lumabas ang huling simpok nito, hanggang nahulog na sila ni Anina nang tuluyan sa natitirang agwat sa lupa. Buti na lang hindi na gaanong kataasan, pero ngumatal pa rin ang katawan ni Sano sa kanyang pagbagsak. Kumalansing ang mga buto niya, at nagasgas ang kanyang balat sa mga damo at maliliit na bato.
Nang tumigil na siya sa paggulong, humiga lang si Sano sa lupa, lumalanghap ng maraming hangin. Pinupulikat ang mga braso niya at umaapoy ang mga balikat dahil sa mga haltak at batak sa maligalig nilang paglipad. Nahiga siya sa malambot at maginhawang damo, at tumingin sa langit na binudburan ng mga tala. Malinaw ang gabi ngayon, maliwanag ang kalahating-buwan. Ito ang uri ng gabing kasisiyahan niya kung iba lang ang kanyang kalagayan.
Umungol si Anina sa tabi, mga ilang hakbang ang layo sa kanya. Kahit hindi pa siya nakababawi ng hininga, tinipon ni Sano lahat ng kanyang natitirang lakas at gumapang sa kasamahan. May dugo ang kalahati ng mukha ni Anina. Marumi ang pilas ng tela na nakatapal sa noo niya, at namumulaklak ang bahid ng dugo sa gilid nito. Makapal ang alikabok sa kanyang balat at damit. Pinapalamutian ng mga pasa at sugat ang mga bisig at binti niya.
Pero buhay si Anina. At iyon, higit sa lahat, ang nagpataba sa puso ni Sano sa saya, ang nagtulak sa masakit niyang braso na abutin ang kamay ni Anina. “Banal na Karingal, buhay ka!” sabi ni Sano, bago lumagpak uli sa lupa. “Buhay ka. Maraming salamat sa pagtulong s'akin. Akala ko hindi na tayo magkikita.”
Binuksan ni Anina ang mga mata, at tinitigan si Sano nang matagal. Hinawakan niya ang kamay ni Sano. “Ako rin. Salamat sa pagtakas s'atin doon.”
Matagal silang humiga sa lupa, hinihintay mabawi ang mga hininga. Sa katahimikan ng gabi, makatutulog na sana si Sano kung hindi lang sa magulong pagkabalisa na dumadaloy pa sa katawan niya.
“Ano sa lupalop ng mundo ang nangyari?” tanong ni Anina.
“Sa tingin ko... magkasabwat si Matiban at ang Halimaw ng Katam?” Hindi makapaniwala si Sano sa mga salitang binibitiwan niya. Hindi ang bahagi na traydor si Matiban – iyon, kahit papaano, napaghinalaan nila ni Anina. Pero ang Halimaw ng Katam?
Tumingin sa kanya si Anina. “Sa tingin mo rin ang Halimaw ang nilalang na 'yon?”
“Kamukha niya ang mga sinasabi sa mga alamat,” sagot ni Sano.
Nanginig si Anina, tapos dumapa. “Banal na mga ninuno... kailangan nating umalis dito.”
Iniisip pa lang ni Sano ang paggalaw, mapapaiyak na siya. “Hindi ko na yata kayang maglakbay pa.”
“Ayos lang, tingnan mo.” May itinuro si Anina sa harapan nila. Hindi kalayuan, may umaagos na manipis na sapa, at nakataob sa baybayin nito ang isang bangka. “Kailangan lang nating makalayo. Sa ngayon, wala akong pakialam kung saan.” Itinulak ni Anina ang sarili mula sa lupa, ngumingiwi at umaangal. Dinampot niya ang mga yantok at bayong niya, at umika papunta sa ilog.
Mahirap man gawin, ginaya ito ni Sano. May kaunting pilay ang isa niyang sakong, pero hindi niya namalayan kung kailan nangyari. Kinuha niya ang balabal at ang sariling bayong, at paugod-ugod niyang hinabol si Anina.
Maliit ang bangka at wala itong mga katig. Sa loob, may maiksing sagwan. Payapa naman ang sapa, kaya hiniling ni Sano na wala sanang mangyaring masama kung sasakyan nila ang bangka. Gusto lang niyang humiga at matulog. Ang sakit ng katawan niya. Ang sakit din ng isipan niya. Pati na yata ang kaluluwa niya, masakit na rin.
Nang naitulak na nina Sano at Anina ang bangka sa tubigan, umakyat sila sa labi nito at sumalampak sa ilalim parang mga isda. Hindi man maginhawang humiga sa loob ng isang bangka, ngayong lumiliyab lahat ng mga kalamnan niya, nagpapasalamat na lang si Sano sa pagkakataong makapagpahinga. Lumayas ang kanyang ligalig sa banayad na pagduyan ng bangka at sa mainit na katawan ni Anina sa kanyang tabi. Sa wakas, nakatulog si Sano.
Nagising si Sano nang may bumuhos na tubig sa mukha niya. Dumilat ang kanyang mga mata. Tumutulo ang tubig sa loob ng bangka, binababaran ang likuran ng damit niya. Umupo siya, tumututol at lumalangitngit ang kanyang katawan.
Kakamadaling-araw pa lang, isang maulap at abuhing simula sa araw. Tinatakpan ng manipis na hamog ang abot-tanaw at ang tutktok ng mga puno sa paligid. Tahimik lahat at walang gumagalaw. Nakatigil pati ang kanilang bangka. Ang maliit na sapa kagabi ay naging isang mabatong balong. Hinaharangan ng dalawang malaking bato ang kanilang bangka, at umuugoy-ugoy ito habang dumaragasa ang tubig sa ilalim, at paminsan-minsa, tumutulo sa loob nito. May kumpulan ng malalaking bato sa baybayin sa kanan nila.
Natutulog pa rin si Anina sa tabi ni Sano. Mas mukha man itong bugbog-sarado kaysa sa kanya, wala namang saysay na manatili pa sila sa bangka. Tinapik ni Sano si Anina, at bumukas ang mga mata nito. Bigla siyang napaupo, namimitig na parang panang handang lumipad. Suminghap siya nang makita ang naiipong tubig sa loob ng bangka, at ngumiwi sa mga nababad niyang tapis.
Umahon sina Sano at Anina mula sa bangka, umuungol at humahalinghing sa sakit ng kanilang paggalaw. Kinaladkad nila ang bangka sa baybayin at iniwan ang mga gamit sa may batuhan. Napakatindi ng pangangalay ni Sano, gusto na niya sanang ipagpatuloy ang tulog kahit sa lupa na lang, pero hinikayat siya ni Anina na mas bubuti ang pakiramdam nilang dalawa pagkatapos maligo at kumain.
Mga dalandan lang ang tanging bungangkahoy na nahanap ni Sano sa kakahuyan malapit sa balong. Bumalik siya sa baybayin, puno ng dalandan ang mga braso, at nahanap niyang ginagatungan ni Anina ang isang apoy. May makintab at mahabang isda sa tabi niya. Habang hinintay nilang maluto ang isda, sumandal sila sa mga bato at sinunggaban ang mga dalandan. Daig pa nila ang nagugutom na baboy-damo. Kagabi, punong-puno ng igting ang tiyan ni Sano, hindi niya namalayang wala na palang nilalaman ito.
Pagkatapos naluto ang isda at nakain din ito, pinatay nina Sano at Anina ang apoy at nagpatuloy silang magpahinga sa batuhan. Ngayong nahupa na ang tiyan niya at bumabalik na ang lakas, tinutukan na ni Sano ang mahahalagang bagay. “Saan na tayo pupunta ngayon?” tanong niya, habang pinaglalaruan ang mga bendahe sa kanyang braso. Nawalan na ng bisa ang anumang gamot na inilagay roon, at nararamdaman na niya ang sakit ng mga sugat galing sa pag-atake sa kanila.
“Isa, kailangan nating malaman kung nasaan tayo,” sabi ni Anina. May bagong pilas ng tela na nakapalibot sa noo at bisig niya. Mas maiksi ang isa niyang yantok, pagkatapos niyang putulin ang bahaging may mga tinik. “Kung hindi tayo nakatulog nang mahigit sa isang gabi, hindi pa tayo malayo sa Masagan.”
“Sa tingin mo hahabulin tayo ni Bunawi?”
“Oo naman. Ang pag-asa na lang natin ngayon ay sana mas unahin niya ang Halimaw ng Katam.” Inilapat ni Anina ang mga siko sa tuhod. Nanginginig ang hininga niya nang idinagdag, “Hindi ko maintindihan. Paano lahat ito nangyari? Gusto ko lang sanang makita ang Manghihiwagang Lingid.”
Alam ni Sano na hindi nakakatawa, pero hindi niya mapigilan ang tawang lumabas. “Banal na Karingal, hindi nga maganda 'to, ano? Kung puwede lang sanang kumatok ka na lang sa pinto namin, nagtanong sa ina ko, at umalis nang masaya.”
“Oo!” masiglang tumango si Anina. “Ganyan nga sana ang inaasahan kong mangyari.”
“Paano na tayo makikipagkita sa kanya ngayon?”
“Ewan ko ba.”
Napalayas sina Sano at Anina sa Masagan sa hindi tamang panahon. Hanggang kagabi, ang gusto lang nila ay kumita ng sapat para sa ilang araw ng paglalakbay. Wala pa nga silang nabubuong plano. Ang mas nakapanghihinayang, nawala na ang inaasahan nilang kakayahang magtago. Alam na ni Bunawi at ng mga mandirigma rito kung ano'ng itsura nina Sano at Anina. Ngayong hindi na makakapagkalat si Matiban ng mga maling alingasngas sa pinaroroonan nila, madali na silang mahahanap ulit.
“Hindi ko na maintindihan kung ano ang nangyayari.” Sumandal si Anina sa bato.
“Sa tingin mo ba ang lumang lakan ng Katam talaga ang Halimaw?” tanong ni Sano. Kung gayon, baka ang labanang ito ay higit pa sa isang pasaway na mandirigmang gustong mang-asar sa hari. Baka isa itong malawak na panukala na tatlumpung taong binubuo.
“Hindi ko alam. Malamang ibang tao ang nilalang na iyon, at inugnay na lang ito sa lakan. Pero kahapon, masasabi ko pa na hindi totoo ang Halimaw, kaya hindi ko na alam kung kaya ko pang ipagkaiba ang totoo sa hindi.”
Hindi rin alam ni Sano kung ano'ng iisipin sa Halimaw. Kung ito nga ang natalong maginoo noon, bakit pa naghintay ito ng tatlumpung taon para kumilos? Mas mabuti kung lumabas ito noong nagkaroon ng himagsikan labing-anim na taong nakalipas.
“Nakita mo ba kung paano tumalon ang Halimaw?” tanong ni Anina. Ang mga mata niya na malumbay at antukin ng buong umaga ay kumikislap na ngayon. “Sa tingin mo, paano nito nagawa iyon?”
Kinawag ni Sano ang mga daliri sa paa. “Kung kaya nitong magtulak ng hiwaga sa mga paa, katulad namin ni Ina, baka may suot itong bakyang inukitan ng anto na tumutulong sa pagtalon. Pero mangangailangan pa rin ng malakas na hiwaga para makatalon ito nang ganoong kataas at kalayo. At nang binutasan ng Halimaw ang bubong, kamay lang ang gamit nito. Wala akong napansing anto kahit saan. Wala pang nababanggit si Ina na may nakapaghihiwagang walang anto!”
“Ibig nitong sabihin, may alam na kakaibang hiwaga ang Halimaw.” Hinaplos ni Anina ang baba niya, nakatitig sa wala, parang may nilulutas na kababalaghan. Minsan ganyan din makatitig ang ina ni Sano.
Isang libong taon na ang nakalilipas noong unang pinagkaloob in Karingal ang hiwaga sa sankatauhan, isang libong taon mula noong nilikha ng mga Sinaunang Manghihiwaga ang pagsusulat ng anto, ngunit ang dami pa rin hindi maintindihan ng mga tao tungkol sa hiwaga. Hindi nagbago ang mga batas ng hiwaga, pero nagkaroon ng sari-sariling paraan ng paghihiwaga ang iba't-ibang bahagi ng sankapuluan. Iyon ang nagbibigay halaga sa gawain ng mga Tagaipon tulad ng ina ni Sano. Sa pamamagitan ng pagtala ng mga nagagawa ng hiwaga, mas nauunawaan nila kung ano talaga ang kakayahan ng kapangyarihang ito.
Hindi rin nakatutulong na sinasakal ni Bunawi ang paghihiwaga. Nakahahadlang din ito sa paglaganap ng mga kaalaman sa kaharian ng Dayung. Kung hindi siya mabibigyan ng isang paraan ng paghihiwaga ng tagumpay, salapi, o luwalhati, hindi niya papayagan ang paggamit nito. At kahit pa payagan niya, kadalasan sinasarili niya, at sinasabi na masyadong mapanganib para gamitin ng iba.
At ang mas nagpapahirap pa, may matinding kapangyarihan ang mga bathala at ang mga diwata na higit pa sa kakayahan ng hiwaga ng sangkatauhan. Naibabaluktot ng kapangyarihang ito ang mismong paghihiwaga ng mga tao. Kapag naghahalo ang mga banal at ang hiwaga, mas mahirap unawain ang kinahihinatnan.
“Gusto ko lang makatakas sa gulong ito,” nagmaktol si Anina. “Sana may isang anto akong maisusulat na mag-uutos, 'Dalhin sina Anina at Sano sa kinatatayuan ng Manghihiwagang Lingid.' Tapos tatakas tayo at mawawala sa balat ng mundo.”
Hindi masama ang hiling na ito, pero hindi rin layunin ni Sano ang mawala na lang. Sa ngayon, ang pakikipagtagpo sa ina niya ang kanyang hantungan, pero naiba na ang takbo ng buhay niya. Samantalang hinahangad ni Anina na makabalik sa kanyang pangkaraniwang buhay, wala nang mababalikan si Sano na parang dati.
Sumasakit pa rin ang bisig niya sa nakapapasang hawak ni Bunawi. Kumikirot pa rin ang anit niya kung saan siya nawalan ng mga hibla ng buhok nang sinabunutan siya ng hari. Kahit na may bago na siyang mga sugat at bugbog, kahit pa nangangalay ang katawan at sinusumpong siya ng mabigat na pagod, ang mga sakit na ibinigay ni Bunawi ang talagang nagpapabahala sa kanya. Dahil hatid ng mga sakit na ito ang nakakahiyang alaala ng kanyang kahinaan, ng mga bagay na napilitan siyang gawin para lang maipakita ng hari ang sariling kataasan.
Kung may isang bagay na tiyak kay Sano, ito ang ayaw na ayaw niya muling masupil ng hari. Ayaw niyang habambuhay na lang siya matatakot at magtatago kay Bunawi.
May isang boses na sumulpot mula sa balong. “O, tingnan niyo ang nahanap ko!”
Tumingin sina Sano at Anina sa balong at nakita ang isang bangka na lumalapit sa kanila. Nakatayo rito si Angtara, may malawak at naaaliw na ngiti. Nakakasilaw ang matingkad niyang damit sa kupas na liwanag ng araw. Sa itsura niya, naaalala ni Sano ang nakalalason na bulaklak na may abuhing dahon na tumutubo malapit sa kubo nila sa bundok. May dalawang madirigmang nakaupo sa likod ng bayi, at nagsasagwan ang isa sa mga ito papuntang baybay.
Napamura si Anina sa tabi ni Sano. “Talaga? Hindi ba tayo puwedeng magpahinga?”
“Halika, huwag na kayong mahiya,” tawag ni Angtara. “Wala rin naman kayong matataguan, kaya kausapin niyo na ako.” Humakbang siya palabas ng bangka at nagtampisaw papunta sa baybay. Minamasdan sila ni Angtara na parang isang buwayang minamata ang susunod nitong pagkain.
Lumingon si Sano kay Anina. “Tatakbo ba tayo?”
“Saan?” tanong ni Anina. “Sa kakahuyan?”
Maikukubli sila nang pansamantala ng kakahuyan, pero hindi ito sapat para lubusang pigilan ang bayi at ang dalawang mandirigma. Ngunit wala silang iba pang matatakbuhan na hindi rin mararating ng bayi, at hindi pa bumabalik ang hiwaga ni Sano para gamitin ang kanyang balabal.
Tinitigan nila ang hinaharap na kakahuyan, hindi makapagpasya. May biglang pumagaspas sa paningin ni Sano, isang maliit at matingkad na asul. Dumapo ito sa damo katabi ng mga paa ni Anina. Bumilis ang tibok ng puso ni Sano. Isa uling tigmamanukan.
“Nakita mo 'yon? Nanggaling ito sa kanan!” itinuro ni Sano.
Bumilog ang mga mata ni Anina sa kawalang-paniwala. “Sige, sa kakahuyan na tayo.”
Sinulyapan ni Sano nang huling beses ang bayi, na ngayon ay nakaakyat na sa baybay at lumalakad papunta sa kumpulan ng mga bato. Kinuha nina Sano at Anina ang mga bayong nila at tumakbo sa mga puno.
Tumawa ang bayi. “Nagbibiro ba kayo?” sigaw niya. “Sa tingin niyo makakawala kayo?”
Narinig ni Sano ang indayog ng mga yabag sa likod niya at pinilit niyang bilisan ang sariling paghakbang. Lumiliyab ang sakit sa kaliwang binti niya kapag tumatama ang paa sa lupa. Ngunit hindi lang ang sakong niya ang nagpapabagal sa kanya. Kung hindi lang siya masyadong pagod, may lakas pa sana siyang makalayo sa bayi – pero sa kalagayan niyang ito, ibinubuhos na niya lahat ng kakayahan niya para lang mauna ng ilang hakbang.
Nakarinig si Sano ng isang malakas na kalabog, at ang susunod na namalayan niya, nabitak ang lupa sa ilalim ng kanyang mga paa. Malalaking tipak ng lupa ang umusbong kahilera ng dinaraanan nila, katulad ng nangyari noong hinahabol sila ng mga mandirigma sa bundok. Bumagal si Sano at umikot sa mga sagabal. Nadapa si Anina, pero tumalon agad siya patayo at tumakbo ulit.
Pumasok sila sa kakahuyan, humahabi paikot sa mga puno. Tumingin pabalik si Sano sa bayi at nakita siyang tumatakbo sa kapatagan, winawagayway ang itak at tumatawa na parang naaaliw sa paghabol sa kanila. Namitig ang mga bisig at binti ni Sano sa malamig na takot.
Huminto si Anina sa likod ng punong dalandan, hinihingal. Tumigil si Sano sa tabi niya. Sobrang sakit na ng sakong ni Sano, parang malalaglag na yata ang kanyang paa. Pero mas maayos pa rin ang kalagayan niya kaysa kay Anina, na nagkasugat sa kanang binti. Tumatagos ang dugo ngayon sa tapis niya.
“Bakit sinabihan tayo ng tigmamanukang pumunta – ah!” Napatapak si Sano sa inaakala niyang matatag na lupa, pero isang puwang pala. Nawalan siya ng balanse at napahawak kay Anina, at pareho silang bumagsak.
Nalaglag sila sa isang butas, na sa sobrang lalim, nasasapak sila ng mga ugat ng puno habang nahuhulog. Lumapag sila sa isang tambak. Malamig at malambot ang lupa sa ilalim nila. Kumikirot ang balat ni Sano sa pagpalo ng mga ugat, at sumasakit ang buto sa kanyang puwetan. Mahihirapan siyang umupo nito nang ilang araw. Buti na lang hindi ang ulo niya ang naumpog.
Sa tabi niya, napasinghap si Anina.
Binuksan ni Sano ang mga mata niya. Nasa isang lungga sila sa ilalim ng lupa. Itinataguyod ng mga haligi at barakilang kahoy ang silid. Ang nabagsakan nila ay isang bunton ng mga magaspang at mahimulmol na unan, hindi malambot na lupa sa unang akala niya. Lumalamlam ang liwanag mula sa butas laban sa pagliyab ng mga sulo dito sa ibaba.
Sa gitna ng silid, tinititigan sila ng Halimaw ng Katam.