Kabanata 20

Ang Katangian ng Isang Espiya

Sa katahimikang ng kubo, tumatagos ang magaspang na hininga ni Matiban sa dingding ng silid kung saan nakahiga si Anina. Balak sana ni Anina na magpahinga habang nasa labas sina Sano at Dayang Yiling, nagtitipon ng mga halamang pagkain. Sa halip na magpahinga, pinaghalo-halo ng isip niya ang mga imahe ng malalaking daluyong at sumisibol na burol at nagtatawanang maginoo. Hindi na yata titigil ang isip niya sa kaiikot ng mga waring ito, kung hindi lang kay Matiban na ngayon ay parang mamatay sa pag-agahas. Akala ni Anina mas maayos na ang kalagayan ng mandirigma, pero baka nabinat siya sa paglakbay nila.

Umahon si Anina sa banig, at nagbuntong-hininga. Hindi niya maisisingit ang ninanais niyang idlip kung hindi hihinto si Matiban; at ayaw rin naman niyang bumalik si Dayang Yiling at mahanap na napabayaan ang kanyang espiya. Kaya lumakad si Anina palabas ng silid at sumilip sa pintuan ni Matiban. Nakahiga ang mandirigma sa isang makitid na papag. Mabilis ang pagtaas at pagbaba ng dibdib niya sa paghinga, at kumikintab ang balat niya sa pawis sa liwanag ng hapon.

Nag-atubili si Anina, sumisipsip ang pagkailang sa mga buto niya. Kahit na pangkaraniwang tao lang si Matiban, kasinghirap din siyang pakisamahan ni Dayang Yiling.

Sa wakas, itinabi ni Anina ang pag-aalinlangan at lumapit sa papag. Lumingon si Matiban sa kanya.

“Ano'ng nangyari?” bulong ni Matiban, magaspang ang tinig na parang naging pangaskas ang likuran ng kanyang lalamunan.

“May kailangan po ba kayo?”

“Makatutulong ang tubig,” tugon ni Matiban. “At pampamanhid ng sakit.”

Bumalik si Anina na may isang tasang tubig at maliit na garapon ng kurkuma. Nagpasalamat si Matiban nang tinanggap ang mga ito mula sa kanya. Pagkatapos inumin ang kaunting kurkuma na may kasamang tubig, humiga ulit si Matiban sa mga kumot. Nakadikit ang buhok niya sa pawisang balat ng mukha.

Babalik na sana si Anina sa silid niya, nang nasunggaban siya ng isang isipang napakabigat, pinalayas nito ang natitirang pagkailang niya. “Ano pong mangyayari sa mga kuya ko?” tanong niya, gulat at takot na hindi niya sila naisip nang mas maaga.

Isang saglit ang lumipas bago nakasagot si Matiban. “Mamatyagan sila ng hari, pero ligtas sila sa ngayon. Alam ni Bunawi na wala silang pagkakamali, kung titingnan mo ang kinalabasan ng paglitis sa akin.”

Lumiyab ang yamot ni Anina sa pagsagot ni Matiban, na napakatahas at walang damdamin. Hindi nakatulong na hapong-hapo na siya; parang isang pabigat ang pagod niya na nagpapapintig sa kanyang ulo. Si Matiban ang pangunahing dahilan kung bakit pinilit hanapin ni Haring Bunawi si Sano sa Masagan. Matatakasan sana nila si Haring Bunawi kung hindi lang sa kagipitan nitong matuklasan ang taksil sa hukbo.

“Hindi ba kayo nag-aalala?” bulyaw ni Anina. “Noong pinagbintangang traydor ni Haring Bunawi si Kuya Danihon, wala man kayong sinabi. Muntik na siyang saktan ni Baying Angtara.”

Tinitigan siya ni Matiban, mapupula ang mata, at naalala ni Anina ang mabatong katahimikan ng mandirigma noon sa paglitis. Magkakasunod na mga tanong ang hinataw sa kanya ni Haring Bunawi, at sa kabila ng mga ito walang lumabas na kahit isang imik sa kanya.

“Bakit niyo ba kami sinagip ni Sano? Bakit niyo ipinamigay ang binabalak ni Haring Bunawi sa mga Gamahanan, gayong alam niyo na marami sa inyong mga kasamahan ang mamamatay sa labanang hindi nila maipapanalo? Hindi ko kayo maintindihan.”

“Wala akong madaling sagot para sa 'yo, Anina,” sabi ni Matiban sa wakas. Mas may kakayahan pang magpahiwatig ng damdamin ang kakaibang mukha ni Dayang Yiling kaysa sa mukha ni Matiban. “Sinagip ko si Sano dahil isa lang siyang batang mangmang. Kung hindi ako ang tumuklas kung sino siya, ang mga kuya mo ang gagawa. Isipin mo kung ano ang kahihinatnan niyon para sa kanila. At para sa iyo.

“Pambihira na ang ugaling ipinaiiral ng hari, na ipapapaslang niya ng isang taong sumusulat sa isang wikang hindi niya maintindihan. Maraming buhay ang nailigtas ni Sano mula sa pagguho ng lupa. Mag-aral na lang ang hari ng ibang wika, na siya naman ang may matutuhan.” Umiling si Matiban. “Ngunit tama ka. Marami akong ginawa para makuha ang tiwala ni Bunawi. Ginawa ko ang mga ito para pagtaksilan siya ng maraming beses din. Hindi ako nagkukunwaring mahimbing ang tulog ko sa gabi. Hindi mo ako kailangan maintindihan, at hindi ko hinihingi iyon sa 'yo.”

Nawala ang init sa loob ni Anina, pinaalis ng mismong pagod na nagbigay buhay rito. Wala na siyang lakas para panindigan ang sama ng loob. Hindi naman siya kay Matiban nagagalit, kundi sa sariling pagkalito, sa sariling kalagayan. “Sa buong panahong ito, ginagawa niyo lang po lahat ng inuutos ni Dayang Yiling?” tanong niya.

“Oo, pero hindi pa siya nagbigay ng utos na hindi ko rin pinaniniwalaan. Alam mo naman kung paano iyon, 'di ba? Sinusuway mo rin si Bunawi. May dahilan ka rin kung bakit narito ka.”

Nakakatawa ang pagsabi nito ni Matiban, na para bang binalak talaga ni Anina ang lahat ng ito. “Hindi ko sinasadyang maparito. Gusto ko lang makita ang ina ni Sano. May mga nangyaring hindi ko inaasahan, at narito lang ako dahil dito lang yata tatagal ang buhay ko. Hindi dahil may masama akong pakay sa hari.”

“Naglalako ng hiwagang ipinagbabawal sina Sano at ang ina niya, 'di ba? Kusa mo silang hinanap. Ibig sabihin sumalungat ka na sa hangarin ng hari.”

“Pansarili lang ang dahilan ko sa paghanap sa kanila,” ang salag ni Anina. “Kung nakuha ko ang hinahanap ko agad, wala namang aalalahanin pa si Haring Bunawi sa akin.” Mahinang palusot ito, alam ni Anina. Kahit man walang nakaaalam na sinusuway niya ang batas, hindi ibig sabihin na hindi nga labag dito ang mga ginagawa niya.

“At ano ba ang hinahanap mo?” tanong ni Matiban.

Balak sanang hindi na sagutin ni Anina, pero naalala niya ang sinabi ni Dayang Yiling tungkol sa hari at sa bayi. Baka may makuha siyang impormasyon mula sa isang tao na dating malapit sa dalawang ito.

“Alam kong pambihira ang hiling na 'to, pero gusto kong malaman kung paano lumakas ang hiwaga ko.”

Tumaas ang mga kilay ni Matiban. “Gusto mong lumakas?”

“Hindi po iyon. Hindi ang paglakas ang layunin ko, kundi ang kaaalaman kung paano lumakas ang hiwaga ko.”

“Ganoon ba... at bakit mo gustong malaman iyon? Ibebenta mo ba ang kaalaman na iyon para yumaman?”

“Ano naman po kung gayon?”

Tumabingi ang mga labi ni Matiban sa isang ngiti. “Hindi masamang plano iyon. Iyan ba ang dahilan kung bakit mo tinatanong kanina ang paglakas ng hiwaga nina Bunawi at Angtara?”

“E, inisip lang po ni Dayang Yiling na sila ang tinutukoy ko.”

“Tama pa rin siya,” pabulong sinabi ni Matiban, na tila kahit napakalayo na nila, baka may makarinig pa rin sa pagbunyag niya ng lihim na ito. Lumapit si Anina. “Lumakas nga sila. Iyon ang palagay ko. Kapag nakipagdigmaan ka na kasama ng ibang mga tao, kapag tumira ka na kasama sila, at nagbuo ka na ng mga panukala kasama sila, magkakaroon ka ng hinala kung ano ang kaya nilang gawin. Sa maraming nagdaang taon, akala ko natantiya kong maayos ang kakayahan nila. Pero biglaan, may nag-iba sa kanila. Inisip ng ibang tao na nagtitimpi lang sila noon, iniipon ang tunay nilang kakayahan para sa isang panggigitla, pero sa tingin ko may natuklasan sila.”

“Natuklasang ano?” idiniin ni Anina, kumakabog ang puso.

“Hindi ko alam. Sa tingin mo ba kung may alam si Bunawi na hindi natin alam, ipagsasabi na lang niya? Hay, ayaw kitang paasahin. Ang alam ko lang ay ilang taong nakalipas, nagbago sina Bunawi at Angtara. Mas maluho sila sa paghihiwaga at mas malalaki ang isinusugal nila rito. Isang katibayan na ang daluyong sa Gamhana.”

“Mga ilang taon ang nakalipas?” kinakapos na ng hininga si Anina.

“Higit na apat na taon. Baka mas malapit sa lima. Hindi ako sigurado kung kailan talaga.”

Malapit sa limang taon. Halos kasabay nang pagwasak ni Anina sa sariling baranggay. Ano'ng nangyari noon? Ano'ng kababalaghan ang naganap, at paano nadamay rin ang hari at ang bayi? Biglang nakaramdam si Anina ng malubhang kabagutan, tulad ng isang mahapding kati na hindi niya makamot. Parang ang lapit-lapit na niya sa kasagutan, pero hindi pa niya maipag-ugnay ang iba't-ibang mga bahagi.

“Mukhang may alam ka,” napansin ni Matiban.

Tumingin si Anina sa kanya. Kahit binalak niyang bumunot ng mga sagot mula kay Matiban, siya itong mas nagbunyag ng sarili nang hindi sinasadya. Nakikita na niya ngayon kung gaano kahusay gamitin ni Matiban ang mga salita; na kahit ngayon, sugatan at may lagnat, umaasta pa rin siya bilang espiya na kinakailangan ni Dayang Yiling.

“Matutulungan mo ba ang Katam?” ang sumunod na tanong ni Matiban.

Nabasag doon ang pagkaseryoso ng usapan. “Bakit puro Katam na lang kayong lahat? Ginagawa ko po ito para sa sarili ko!” sabi ni Anina.

“Nakapgtatakang nasasabi mo iyan bilang isang Kataman. Sa tingin mo ba hindi ka nadadamay sa mga nangyayari dito sa bayan? Hindi ba maiiba ang buhay mo kung naging mas mabuting tirahan ang Katam?”

Oo naman, maiiba ang buhay niya. Kung hindi pinahirapan ng dobleng buwis ni Haring Bunawi ang baranggay ni Anina, hindi sila mapipilayan sa utang. Hindi titindi ang hirap nila, na dumulog sila sa paghuhukay ng mga libingan. Hindi titindi ang tuwa nila sa pagkatuklas ng mayayamang bakal sa ilalim ng mga kubo, na narinig ng mararahas na mananalakay ang kanilang kasuwertehan. Hindi titindi ang kagipitan ng mga mananalakay, na sinubukan nilang patayin lahat ng mga taga-nayon sa baranggay. At hindi titindi ang takot ni Anina, na siya na ang nagpatupad sa binabalak ng mga ito.

Pinaasim ng alaala ang damdamin ni Anina. Nilunok niya ang bato ng lungkot sa lalamunan niya. “Mas higit pa po sa kaya kong ibigay ang tulong na kinakailangan ng Katam.” Sinimangutan niya si Matiban, pero hindi na uli mawari ang itsura ng mandirigma. “At saka hindi po ito magandang panahon para makipaglaban. Kailangan din nating alalahanin ang Malagim na Hangin. Sa tingin niyo po mahirap maging Kataman dahil sa hari? E ano po ang ginagawa niyo sa nilalang na basta-basta na lang nagpapasyang hindi ka nararapat maging tao? Sa tingin niyo po ba matatalo niyo rin iyon katulad ng hari?”

Kinibit ni Matiban ang isang balikat. “Hindi, pero mayroon o wala mang Malagim na Hangin, ang pinagpipilian lang natin ay sumuko at mamatay, o lumaban at marahil mamatay. Masisisi mo ba kami na mas pipiliin namin iyong huli?”

Hindi naman sa nakalimutan na ni Anina ang pinagpipilian nila. Kahapon lang ng umaga nila ni Sano tinimbang din ang dalawng iyon.

Biglang lumapit ang tunog ng usapan mula sa labas, parating sa kubo. Malamang babalik na sina Sano at Dayang Yiling. Natauhan si Anina, namalayan na nakikipagtalo siya sa minamahal na espiya ng Halimaw. Hindi na siya tumugon pa kay Matiban, at sa halip nito, lumabas siya sa silid ng mandirigma at pumasok sa pangunahing silid.

Binuksan ni Dayang Yiling ang pinto, may nakasandal sa balakang niya na bilaong tambak ng gulay. Humakbang papasok din si Sano kasunod ng Halimaw at binigyan si Anina ng isang ngiti. “Ayos lang ang lahat?” tanong ni Sano.

“Oo,” sagot ni Anina, pero kasinungalingan ito. Isang ulap ng balisa ang umaaligid sa dibdib niya at parang ipo-ipo ang magugulong palaisipan sa kanyang utak. Ano'ng ibig sabihin na lumakas din sina Haring Bunawi at Baying Angtara halos kasabay ni Anina? Bakit parang patuloy nilang nagagamit ang lumakas nilang hiwaga, samantala ang natira lang kay Anina ay ang kapangyarihan niyang likas?

Nananamlay si Anina sa lito. Higit pa sa dati, mas dama niya ang kawalang-kakayahan.