Kabanata 5

Manghihiwagang-Pilay

Nagising si Sano sa nakakapamilipit na sakit na humihilab sa tiyan niya. Ang unang naisip niya ay baka kinagat ng Halimaw ng Katam ang kanyang tiyan. Ang pangalawang naisip niya ay baka hindi ito nasarapan kung may itinira pa.

Iminulat ni Sano ang mga mata niya. Sumalubong sa tingin niya ang isang bubungang gawa sa kugon, pero hindi ito kamukha ng bubong ng bahay niya. Iba ang halaman sa mga pasong nakabitin sa biga, at wala ang nakasabit nilang duyan. Sa isang mahabang saglit, naguluhan ang isip ni Sano. Ano'ng nangyari sa kanya? Kaninong bahay ito?

“Mabuti't gising ka na,” may bumulong. Sinubukang lumingon ni Sano, pero may gumuhit na mainit na kirot sa kanyang ulo. Ipinikit niya ang mga mata niya pagkasulyap sa isang dalagang may mga palawit na gumigilid sa mukha.

Doon niya napag-ugnayan ang lahat. Ang mga mandirigmang dumating para hulihin siya. Ang Malagim na Hangin. Ang dalagang sumama sa pag-alis niya. Bumalik na sa kanya ang lahat.

Subalit wala sa mga iyon ang nagpapaliwanag sa matinding sakit niya. Oo nga, hindi pa siya nakapaglalakbay nang malayo dati, pero paano umabot iyon sa ganitong kalalang kalagayan?

May lumapat na isang mamasa-masang bimpo sa kanyang noo. “Sano?” sinabi ni Anina. “Nasumpungan ka ng manghihiwagang-pilay. Kailangan mo nang mag-alay. Kung hindi, hindi ka gagaling.”

Manghihiwagang-pilay. Oo nga pala.

Lahat ng mga tao, may hiwaga man o wala, ay kailangan makisama sa mga nilalang na namumuhay sa daigdig ng mga kaluluwa: mga diwatang nakatira at nag-aalaga sa mga purok o mga bagay, mga kaluluwa ng mga ninunong matagal nang pumanaw, at pati na ang mga bathala. Magkakasakit ang taong hindi gumalang sa pakikisama na ito hangga't hindi napapayapa ang ginalit na kaluluwa.

Mas mabigat ang pananagutan ng mga manghihiwaga sa pananatili ng kapayapaang ito kaysa sa mga walang hiwaga. Dahil sa kakayahan nilang hubugin ang kapaligiran, mas matindi ang nagagawa nilang pagbabago. Ang hindi nagpapakita ng tamang paggalang ay nakakaranas ng sakit para lang sa mga manghihiwaga: ang pansamantalang paghina, o minsan, ang lubusang paghadlang sa hiwaga nila. Dahil napakasakit ng mga kalagayan na ito, nauudyok ang manghihiwaga na makipagbati sa nagalit nilang nilalang.

Maraming beses na binalaan si Sano ng ina niya tungkol sa manghihiwagang-pilay. At hindi naman siya laging nakakalimot. Pagkatapos niyang sinagip ang munting baranggay sa guho, nag-alay siya sa mga diwatang nananahan malapit sa bangin na nabulabog niya sa pagtayo ng lupang pader.

Ngunit sa kabila ng lahat ng nangyari pagdating ng mga mandirigma, nawala sa isipan ni Sano ang pagbigay ng alay. Isang baguhang pagkakamali ito. Siya pa naman din ang nagtatanong kay Anina kung ano'ng dapat hindi gawin ng mga manghihiwaga, at nandito siya ngayon, nagbibigay ng halimbawa.

Itinulak ni Sano ang sarili sa sahig. Nalaglag ang kumot na nakatakip sa kanya. Nakakahilo ang sakit na nararamdaman niya. Ang daming nawasak sa gubat sa labanan nila ng mga mandirigma. Ang dami tiyak na nagalit na mga kaluluwa. Kaya naman pala ang lala ng pakiramdam niya.

“Nasaan tayo?” ibinulong ni Sano.

“Sa baranggay na pupuntahan natin.” Sa naaalala ni Sano, malayo pa sila roon nang sumumpong ang sakit niya. “Paano tayo nakarating dito?”

Nabaling ang tingin ni Anina sa gilid. “Hindi ko alam. Binubuhat kita, pero lumakas pa ang ulan, at malabo na pagkatapos noon.”

Napanganga si Sano. Binuhat siya ni Anina hanggang dito? “Ang lakas mo naman! Patawad na kinailangan mo pang–”

“Hindi mo kailangang humingi ng patawad,” sagot ni Anina. “Intindihin mo lang ang paggaling mo para makalakad na ulit tayo sa madaling panahon. Hindi natin dapat inaabala ang mga taga-nayon nang ganito. Buti nga mayroon tayong natuluyan sa kubo ng katalonan nila. May maaalay ka ba? Matutulungan kita, pero hindi ko magagawa para sa iyo.”

Nasa bayong ni Sano lahat ng natitira niyang pag-aari, at gagamitin ang karamihan dito sa paglalakbay. Hindi niya maisusuko ang mga ito. Ngunit wala ring bisa bilang alay ang mga bagay na walang halaga.

“May maliit akong lukbot ng bigas,” sabi ni Sano. Luho ang kanin sa kanilang mag-ina. Kapag nakatatanggap sila nito bilang bayad, nagtatabi sila ng kaunti sa bayong nilang panlakbay.

Binuksan ni Anina ang bayong, at kinapa ang lukbot na may bigas. Tinulungan niyang makatayo si Sano, at sabay silang lumabas sa maliit na kubo. Lulugo-lugo si Sano at nahirapang bumaba sa maalog na hagdanan, pero nagawa niyang makatapak sa lupa nang hindi natatapilok.

Kalalampas lang ng takipsilim. Malalim ang pagkabughaw ng langit sa pinakatuktok nito, at mas malumanay ang kulay sa abot-tanaw. Nakakalat ang matitingkad na bituin sa pinakamadilim na bahagi ng langit. Malamig ang hangin at maalimuom.

Mas maliit kaysa sa pangkaraniwang baranggay ang nasulyapan ni Sano sa harap. Pero parang masikip na ito sa anim na kubo na pumapalibot sa kanya. May ilang mga taong nagkukumpulan sa gitna ng baranggay, naggagatong sa apoy. May mga babaeng nagtipon doon, nakabalanse ang mga tiklis ng gulay sa kanilang ulo o sa kanilang balakang. May palayok sa tabi na naghihintay isalang sa apoy. Nagtatakbuhan ang mga bata papasok at palabas ng mga kubo, magkahalo ang paglalaro't pagtulong sa pagluluto. Ngayon pa lang napaligiran si Sano ng ganitong karaming tao.

Naaalala niya noong pinanonood niya ang munting baranggay sa bangin malapit sa kubo nila, kung paano siya nangarap na makausap ang mga tao roon at makalaro ang mga bata. Kahit sa sakit na dulot ng manghihiwagang-pilay, umaalingawngaw ang mga hangarin niya noon.

“Mag-alay ka na, anak.” Lumapit ang isang matandang babae kina Sano at Anina. “Nakikita kong naluluha ka na sa sakit mo.”

“Sano, ito si Lola Silim, ang katalonan dito,” ipinakilala ni Anina.

Nakasabit ang isang kuwintas na may ngipin ng buwaya sa leeg ni Lola Silim, at nakalawit ang ilang hiyas sa mga tali sa baywang niya. Nakapalibot sa kanyang pulsuhan ang isang gintong buklod. Pagngiti niya, may mga taliptip ng nakar na nakasuksok sa mga ngipin niya. Ipinaalala nila kay Sano ang kanyang ina na may mga butil ng pilak naman sa ngipin. Minsan, nanghihinayang ang ina niya na hindi nila kayang palamutian ang mga ngipin din ni Sano.

“Mabuti naman at gising ka na,” sinabi ni Lola Silim kay Sano, malumanay ang tinig. “Maaari kang mag-alay sa likuran ng kubo. Walang gaanong dumaraan doon.”

Tinulungan ni Anina si Sano na lumakad paroon. Lumuhod si Sano, hinatak ang tali ng kanyang lukbot, at ikinalat ang mga bigas sa lupa. Yumukod siya at bumulong ng isang dalangin. Dahil hindi niya maalala ang lahat ng nawasak sa habulan, inihandog niya ang alay deretso kay Tayu, ang nangangalagang diwata sa bundok, at kay Hasik, ang bathala ng mga gubat, halaman at tanim.

Biglang nabawasan nang kaunti ang dumidiin sa pilipisan ni Sano, at mas natitiis na niya ang sakit sa tiyan niya. Tinulungan siyang tumayo ni Anina, at ibinalik siya sa kubo ni Lola Silim para makapagpahinga muli.

Para sa hapunan, hinainan sila ng simpleng pagkain galing sa pampamayanang lutuan sa labas: sabaw na may luya at kangkong, sa isang mangkok na bunot ng buko. Pagkatapos kumain ni Sano, mas maayos na ang kanyang pakiramdam, at nakatulog siya nang mahimbing ng buong gabi.


Kinbukasan, bumaba na ang lagnat ni Sano at may kulay na ulit ang mga pisngi niya. Alam naman ni Anina na ilang araw bago gumaling ang manghihiwagang-pilay, pero nanghihinayang pa rin siya nang hindi niya nakitang tumatalon-talon na si Sano. Nagsisimula nang mabalisa si Anina. Tiyak hindi babalik ang mga mandirigma na ginawang kahoy ng Malagim na Hangin sa hari o kanino man sila nag-uulat. May makapapansin sa kanilang pagkawala. Tiyak na magpapadala pa ng mas maraming mandirigma ang hari na maghahanap kay Sano, kung hindi pa nga ito nangyayari.

At paano naman ang Manghihiwagang Lingid? Noong araw na natagpuan ni Anina si Sano, binanggit ni Sano na walong araw nang wala ang kanyang ina. Hindi alam ni Anina kung gaano katagal maglalagi ang Manghihiwagang Lingid sa baranggay sa Gila, pero may posibilidad na sinimulan na niya ang pag-uwi. Paano kung magkasalisi sila?

Nag-aalala din si Anina dahil hindi niya maalala kung paano sila nakarating ni Sano sa baranggay na ito. Ang naalala niya, nahihirapan siyang maglakad sa ulan, at sa isang iglap, nagising siyang hinahatak ng mga taga-nayon mula sa putikan. Posibleng binuhat nga ni Anina si Sano hanggang sa baranggay, pero bakit may mahabang agwat sa alaala niya? Dahil ba sa pagod?

Ang mas nakapagtataka pa, nangamoy mangga daw ang mga damit nina Anina at Sano sa hindi malamang dahilan. Akala raw ni Lola Silim ay nagpabango sila.

Puno ng agam-agam si Anina. Bakit laging may nangyayari sa kanyang hindi maipaliwanag?

Habang nagpapagaling si Sano sa manghihiwagang-pilay, tinulungan ni Anina ang mga taga-nayon para masuklian ang mabuting pagtanggap ng mga ito sa kanila. Walang gaanong gawain sa maliit na baranggay tulad nito. Kaunti lang ang mga halamanan. May nagkukumpulang kawayan at palasan sa paligid, at may mangilan-ngilang mga punong hindi pa nagbubunga. Ang mga taga-nayon ay nabubuhay sa kanin, gabi, at karne na binibili nila sa mga mangangalakal na dumarating ilang beses sa isang buwan, kapalit ng mga hinabi nilang tiklis, lalagyan, at iba pang mga gamit gawa sa kawayan at palas.

Sa umpisa, tumulong si Anina sa paglilinis, pero nang natagpuan ni Lola Silim ang kanyang mga inukitang yantok, nagpasulat ang mga taga-nayon sa kanya ng mga anto sa kanilang mga hinahabi. Nagpalagay ang isang babae ng antong pampainit sa isang bilao; humiling naman ang isa ng antong pampatibay sa malaking tiklis.

Paminsan-minsan, kinakausap si Anina ng pinuno ng baranggay, isang matandang lalaki na mahinhing magsalita, para matiyak na maayos ang kalagayan nila ni Sano. Ayaw mang-abala ni Anina, at halos wala siyang hiningi sa mga taga-nayon.

Dumating sila sa baranggay sa mapalad na panahon. Maganda ang kalagayan ng mga tao ngayon sa natuklasan nilang tiklis na may nilalamang mga pambihirang pagkain sa may kawayanan. Natagpuan ito ng isang batang lalaki noong araw pagkatapos ng bagyo; may laman itong dalawang sariwang langka, isang bungkos ng rambutan, mga nakabilot na dahon ng pandan, isang garapong puno ng gata ng niyog, ilang tangkay ng lansones, at makakapal na mga tubo. Walang may alam kung kaninong tiklis ito, dahil bukod kina Sano at Anina, walang ibang alam ang mga taga-nayon na dumaan sa baranggay. Itinuri ng karamihan sa taga-nayon na biyaya ito ng mga ninuno dahil tinulungan nila sina Sano at Anina.

Pag may nagtatanong kung bakit sila naglalakbay, hindi gaanong lumilihis si Anina sa katotohanan.

“Kailangang makipagkita ni Sano sa isang kamag-anak niya sa Gila,” sagot ni Anina. Magaling siyang magtago ng mga lihim, pero hindi madali sa kanyang magsinungaling. “Mas alam ko ang mga daanan sa bayan, kaya tinutulungan ko siyang pumunta roon.”

“At kayong dalawa ay....?” tanong ng isang dalaga.

“Magkalayong magpinsan,” sagot ni Anina. “Malayong-malayo.”

Hindi siya pinakikialaman ng mga tao, pero sa mga bulung-bulungan nila, naramdaman ni Anina ang pagkamausisa nila.

Sa ikatlong araw nila sa baranggay, umupo sina Sano at Anina sa mga hakbang ng kubo ni Lola Silim, naghahasa ng mga bolo na ginagamit ng mga taong pang-ani ng kawayan at palasan. Nawala na ang lagnat ni Sano, at masigla ang pag-asa ni Anina na makakapaglakbay sila bukas ng umaga.

Masyadong nakatutok si Anina sa talim na hinahasa niya, nang napasinghap si Sano sa tabi niya, halos nasugatan niya ang kamay niya sa gulat.

“Ano'ng nangyari?” Sinuri niya si Sano para sa mga sugat, pero wala naman.

Nakatingin si Sano sa malayo. Doon, pinaliligiran ng ilang mga lalaki ang isang kubo. Nakatayo sila sa apat na hanay, tigalawa sa magkabilang gilid ng kubo, nakapila sa mga kalap na nakalabas sa sahig. Sabay-sabay, inilagay nila ang katapat nilang kalap sa mga balikat at binuhat ang buong kubo.

Tumayo si Sano nang napakabilis na nalaglag ang bolo at hasaan niya.

“Inililipat nila ang kubo!” binulalas ni Sano, na sa lakas ay nahatak ang pansin ng mga lalaki't babaeng nasa paligid nila. Pati na ang mga batang naglalaro ng habulan, napahinto at tiningnan siya.

“Oo, narinig ko na lumuwag ang lupang nakapalibot sa isang haligi ng kubo dahil sa bagyo, kaya inililipat nila,” paliwanag ni Anina. Lumaki ang ngiti ni Sano hanggang nakakailang nang tingnan. Tinapik ni Anina ang braso ni Sano, ramdam ang mga naiipon nilang tingin. “Halika, upo ka na. Hindi mo kailangan manabik nang sobra. Pangkaraniwang gawain lang iyan.”

“Hindi pa ako nakakakita ng mga taong naglilipat ng kubo,” sinabi ni Sano, nagniningning ang mga mata. “Sa tingin mo ba papayagan nila akong tumulong?” Bago nakasagot si Anina, tumakbo si Sano papunta sa kubo.

“Sandali lang!” tawag ni Anina. “Sano, hindi mo dapat pinapagod ang sarili mo!” Bakit ba nanaisin ng isang taong kaaahon lang sa lagnat na magbuhat ng kubo? Kay Anina nga, na malusog na at malakas pa, iyon ang pinakahuli niyang gustong gawin.

Malamang hinikayat ni Sano ang mga lalaki roon, dahil umusog ang isang pila para bigyan siya ng matatayuan. Napa-iling na lang si Anina, at bumalik siya sa paghahasa ng mga bolo.

Pagkabalik ni Sano, bumubuhos ang pawis niya. Nakangiti pa rin siya, pero ibinunyag ng matatamlay niyang hakbang at lupaypay na mga bisig ang pagod.

“Masakit uli ang katawan mo, ano?” puna ni Anina.

“Sulit naman!” Hinihingal pa rin si Sano.

Umirap na lang si Anina. Itinaboy niya si Sano papasok ng kubo, at sinabihan na magpahinga. Kinuha niya ang mga bolong naka-ukol kay Sano at sinimulan niyang hasain din ang mga ito.


Hiniling ni Anina na matuloy ang araw na wala nang magpapasabik pa kay Sano. Oo nga, ngayon lang nakararanas si Sano ng pangkaraniwang buhay sa isang baranggay, at mapapatawad naman ni Anina ang pagiging mausisa niya, pero kailangan ba talaga niyang umasta na parang bata? Bakit hindi magawa ni Sano na sarilinin na lang ang tuwa? Hindi dapat sila maging kapansin-pansin.

Ang hiling ni Anina para sa mapayapang pagsapit ng gabi ay napawi kasabay ng liwanag. Nang palubog na ang araw, may nagkagulo sa dulo ng baranggay. Dumungaw siya sa bintana ng kubo ni Lola Silim, nagtataka kung ano ang nangyayari. Nakakita siya ng hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi tatlong mandirigma ni Haring Bunawi na sinasalubong ng mga sabik na tao.

“Banal na Karingal... may nagsumpa ba sa atin o ano?” angil ni Anina.

“Ano'ng nangyayari?” tanong ni Sano. Itinabi niya ang mga kumot na nakatakip sa kanya sa banig, at lumakad papunta sa dungawan sa tabi ni Anina. “A.”

Nabalutan sila ng lagim. Halatang-halata ang mga mandirigma sa mga putong nila na puspos ng pagkapula, at sa mayamang yari ng mga damit at tahi ng mga bahag. Kumikislap sa natitirang liwanag ng araw ang mga gintong buklod na nakapulipot sa mga braso at sakong nila. Ang mga batong-hiyas na nakabaon sa panakip ng mga itak nila ay maipambibili nitong baranggay ng bigas na pang-isang taon.

“Sa tingin mo nandito sila para sa akin?” tanong ni Sano.

May katwiran ang tanong niya. Posibleng hindi dumating ang mga mandirigma para kay Sano. Madalas magpasiyasat ng mga baranggay si Haring Bunawi sa kanyang mga mandirigma para tiyakin na sumusunod ang mga tao sa mga batas ng kaharian. Minsan dumadalaw sila para sapilitang kumuha ng magaling na manghihiwaga o batang nagpapakita ng gilas sa labanan para isama sa maharlika ng hari. Hindi pangkaraniwang gamit ng maharlika ang mga ito, pero maraming ginagawa si Haring Bunawi na kakaiba sa mga ibang pinuno sa sangkapuluan.

“Baka nandito sila para magsuri, pero hindi ko rin binabaliwala na baka hinahanap ka nga nila,” sinabi ni Anina.

“Tatakas ba tayo?”

Sa tingin ni Anina, hindi magandang balak iyon. Wala silang malapit na mapapagtaguan, at siguradong babanggitin ng mga taga-nayon sa mga mandirigma ang mga panauhin nila.

Tumingkayad si Anina, sinusubukang mas tanawin ang tatlong mandirigma. May isang matangkad sa mga ito na litaw ang ulo sa umpukan. Parang nakikilala ni Anina ang balingkinitang mukha niya at kulot na buhok, at nagpasibol ito ng pag-asa sa loob niya. Nang may umusog na tao at nahantad ang isang mandirigmang puno ng tato sa buong katawan, pinayagan ni Anina na mamulaklak pa ang pag-asa na iyon.

“Hindi. Sa tingin ko kaya nating ipapaniwala sa kanila na hindi ikaw ang manghihiwagang pumigil sa pagguho ng lupa,” sabi ni Anina.

“Paano?”

“May dalawang mandirigma roon na baka mas madaling maniwala sa akin,” ipinaliwanag niya. “Mga kapatid ko sila.”