Kabanata 24

Pasasalamat

Hindi madalas umiyak si Anina, pero ngayong nag-iisa siya sa kagubatan, inudyok ng katahimikan at dilim na tumulo ang mga luha niya. Hindi niya alam kung ano talaga ang iniiyakan niya. Dahil ba naiinis siya sa mga hiling ni Sano na wala namang pag-asang matupad? O dahil ba tiniyak ng pagbunyag niya ng lihim ang lahat ng mga masasamang paniwala niya sa sarili?

Hindi naman nakalimutan ni Anina na napatay niya ang kanyang mga kamag-anak at ibang taga-nayon. Hindi niya ito nakalimutan kailanman, pero itinago niya ito sa ilalim ng iba pang mga sinanhi ng sakunang iyon: ang biglang pagkawala ng pamayanan niya, ang mga pagbabagong dinulot nito sa kanyang buhay; at higit pa sa mga iyon, ang kataka-takang pagsablay ng hiwaga niya. Ang huling iyon ang talagang ginamit ni Anina para ibaon ang katotohonan na sa labing-isang taon na gulang, mas marami pa siyang napaslang kaysa sa ibang mga bihasang mandirigma.

“Oy, ano'ng nangyari sa 'yo diyan?” sabi ng isang tinig sa taas ng butas. “Kailangan mo ba ng tulong makalabas?”

Mabilis pinunasan ni Anina ang mga mata, at tumingala siya. Ngayong binalutan na ng dilim ang gubat, hindi na gaanong mapagkaiba ang lupa ng butas sa kalawakan sa taas. Ngunit may hinahawakang itak ang lalaking nakatayo malapit sa butas, at isa sa mga anto rito ay binubuhay nang bahagi ng hiwaga. Naaaninag sa liwanag nito ang mukha ng lalaki.

Ang unang napansin ni Anina ay hindi niya kakilala ito.

Ang pangalawang napansin niya ay kahugis ng isang ahas-dagat ang puluhan ng itak.

May isa pang madirigmang lumapit at dumungaw kay Anina. “Tingnan mo ang mga yantok na iyon... sabi ng bayi na babae ang isa sa hahanapin natin, 'di ba?” sabi nitong babae sa kanyang kasama. Hindi marahas ang pananalita niya, pero tiniyak ng pagbanggit niya sa bayi na nanganganib na si Anina.

Nawala ang galimgim ni Anina, ninakaw ng pagdagasa ng takot. Tumalon siya mula sa butas at kumarimot sa mga puno. May mga kamay na humatak sa mga balikat niya, pero pumilipit si Anina sa hawak ng mga ito, at hinampasan sila ng mga yantok. Natamaan niya ang lalaki sa gitna ng dibdib at umika ito palayo, hindi makahinga. Nailihis naman ng mandirigmang babae ang yantok ni Anina gamit ang sariling itak.

Itinaas ni Anina ang mga yantok ulit, maagap at naghahanda sa susunod na sunggab sa kanya. Ngunit humakbang lang ng palayo ang babae, kahit hindi naman nasaktan ito.

Doon napansin ni Anina ang matalas na kirot sa mga bisig niya. Natagpuan niyang may mahahabang sugat sa mga ito, hindi kalaliman, pero sapat para mahiwa ang balat at tumulo nang kaunti ang dugo.

Nasapol si Anina ng pagkahilo. Dumuyan ang mga puno sa paligid niya. Sinubukan niyang abutin ang pinakamalapit sa mga ito, pero nagkamali siya ng tantiya, at walang nahawakan ang kamay niya. Tumumba siya sa lupa. Banal na Karingal, paano pa siya hindi natuto sa pagkakamali ni Sano noong nadaluhong sila sa Masagan? Nasugatan ng pakal na may lason – ganoon din nadali si Sano ng mga kalaban nila noon.

Tinitigan ni Anina ang mga lumalabong sanga sa taas niya. Lumitaw ang mga mandirigma sa maulap niyang paningin.

“Walang samaan ng loob a,” sabi ng lalaki, mapaos ang tinig. “Utos lang ito.”

Kung ano pa ang idudulot ng mga utos na iyon, wala nang panahong pag-isipan pa ni Anina, dahil nahulog na siya sa kawalan.


Urong-sulong ang malay ni Anina sa mga sumunod na araw. Kapag nagigising siya, natatagpuan niya ang sarili sa isang bangka – nakatali, nakataklob ang bibig, at nahihilo. Kasama niya sa bangka ang dalawang mandirigmang umatake sa kanya sa gubat, binubuhay ang isang anto na nagpapabilis sa bangka. Minsan naman, pangkaraniwan lang ang kanilang tulin, at tatanggalin ng isa sa mga mandirigma ang mga nakatali sa kanya para makakain siya.

Ilang beses, nauudyok si Anina na ihagis ang sarili sa ilog, pero hindi siya makalalangoy sa kalagayan niyang ito. Bukod dito, kung pagpipilian niya ang malunod o kainin ang inaalok sa kanya – walang lasa man ang pagkaing ito – mas ginugusto ng taksil niyang katawan na kumain. At pagkatpos niyang punuuin ang tiyan, bumabagsak ulit siya sa kadiliman, walang panahong pag-isipan ang mga nangyayari sa kanya.

Sa wakas, nagising si Anina – tunay na nagising – sa isang malaki at maruming dampa. Nakahiga siya sa isang gulanit na kumot. Nakatambay ang isang timbang kahoy ng tubig sa tabi niya, at nakalupasay sa likuran nito ang isang mababang hapag na may mga garapon. Nakapalupot sa pulso ng sugatan niyang kamay ang isang magaspang na tali, at nakasuga ito sa isang haliging sumusuporta sa dampa.

Kumirap-kirap si Anina at iniling ang ulo para palayasin ang natitirang ulap na matagal nang umaanino sa isip niya. Nang medyo maliwanag na ang pag-iisip niya, sunod-sunod ang kanyang mga napagtanto.

Inatake si Anina ng mga mandirigma ni Baying Angtara. Sa loob ng gubat sa timog. Nahulaan ba ng bayi na nandoon ang Halimaw? Marami ba ang mga mandirigmang dumating, at natuklasan ba nila ang kubo ni Dayang Yiling? Hindi kalayuan ito sa lugar kung saan natagpuan ng dalawang mandirigma si Anina.

Banal na Karingal, ayos lang ba sina Sano, Dayang Yiling at Matiban?

At ang mas mahalaga, nasaan na ba si Anina ngayon? Sinubukan niyang maaninag ang nasa labas ng dampa. Maliwanag doon, malamang sasapit pa lang ang tanghali o hapon. Mula sa labas, narinig niya ang mga pangkaraniwang tunog ng isang baranggay – mabibilis na hakbang, malalakas na usapan, mga kilansing at kalatong ng iba't-ibang kagamitan.

Pumagaypay ang tela sa pintuan ng dampa, at pumasok ang isang batang lalaki na sa palagay ni Anina ay isang alipin dahil sa kasimplehan ng suot. May bitbit siyang dalawang maliit na mangkok, isa may pagkain, at isa may malinis na tubig. Tahimik niyang ibinaba sa tabi ni Anina ang mga ito, bago umalis.

Sa wari ni Anina pinapakain siya, pero hindi niya masabi kung hinaluan ito ng pampatulog na nagnakaw sa kanyang malay nitong lumipas na mga araw. Sa halip, tinuntunan niya ang tali sa may pulso. Kung makakalag niya ito, baka makatalilis siya.

Bumukas na naman ang dampa, at si Baying Angtara ang lumakad paloob ngayon. Minatyagan si Anina ng dalawang kumikislap at nasasabik na mga mata. Nakaunat ang mga labi ng bayi sa isang natutuwang ngiti. Nakasuot siya ngayon ng asul na yambong. May mga gintong alahas na nakasabit sa kanyang tainga at leeg, at nakasukbit ang nakaaakit niyang itak sa may baywang. Kahali-halina na sana ang anyo niya kung hindi lang sa isang puting bendaheng nakatapal sa isang tainga niya.

“Magandang hapon,” sabi ni Baying Angtara, habang lumuhod sa tabi ni Anina. “Mabuti't gising ka na. Gusto ka nang makausap ng ama ko at masimulan na rin ang parugo. Pero habang hinihintay natin siya, mag-usap muna tayo. Pagtiyagaan mo lang ako kung magpapaulit ako sa 'yo paminsan-minsan. Nakikita mo naman, hindi maganda ang kalagayan ng tainga ko.”

“Parugo?” tanong ni Anina. Hinamon na ba ni Dayang Yiling ang hari?

“Oo,” sagot ni Baying Angtara. “Nakakatuwa man makitang nagtitipon ng kakampi ang Halimaw para sa parugo, hindi naman talaga nito kailangan 'yon. Gusto naman talaga ng ama ko na makipaglaban dito. Halos handa na ang lahat at malapit nang magsimula iyon sa labas.”

May sumagabal sa hininga ni Anina. “Nandito ang Halimaw? Nasaan po ba tayo?”

“Nasa hilagang-kanluran tayo ng Katam, hindi nalalayo sa Ilog Kunting. At oo, nandito iyong nakasusuklam na nilalang na iyon. Naka... aaliw nga ang pagdakip ko rito. Gusto mo bang marinig ang nangyari?”

Pinahihiwatig ng baluktot na ngiti ng bayi kay Anina na hindi maganda ang kalalabasan ng kuwentong ito, pero kailangan niyang malaman kung ano ang nangyari sa mga kasamahan niya.

Hindi na siya hinintay ni Baying Angtara na sumagot. “Nakarinig ako at ang mga mandirigma ko ng mga alingasngas na dinalaw raw ng Halimaw ang Angbun. Sinalanta, iyon ang nakuha ko sa mga sabi-sabi. Pero alam mo naman iyon, 'di ba? Narinig ko naroon ka raw sa Angbun, pati na ang kaibigan mo. Kasama ng Halimaw, binigyan niyo raw ng bagong anyo ang tahanan ng datu – nagdagdag ng butas sa bubong, ginawang abo ang mga dinding, at nagtayo ng pangit na pader sa bakuran niya. Napag-isip-isipan niyo na bang maghinay-hinay lang? Para sa mga duwag, minsan napakapusok ng mga Kataman.

“Gayumpaman, hindi kailangang maging ubod ng talino para malaman kung bakit ang Halimaw, pagkatapos ng maraming taon na pagtatago, ay biglang magpapakita sa pinakamalaki at may pinakamaraming taong lugar sa Katam. Lalo na pagkatapos pinaalam nito na kasabwat siya ng taksil sa hukbo ng ama ko. Ganoon ko nalaman na naghahanap ng mga susuporta ang Halimaw. At hindi nito nakuha ang kasagutang hinahanap sa Angbun, kaya alam kong susunod nitong susubukan ang Liman. Doon ako nagtungo, kasama ng karamihan sa mga mandirigma ko, pero nagpadala rin ako ng dalawa sa timog na gubat ng Katam. Baka sakali lang. Sinasabi ng mga alamat na doon nagtatago ang Halimaw.

“At parehong tama ang mga hinala ko! Nahanap ka ng dalawa kong mandirigma sa gubat at dinala ka rito. At kami namang pumunta sa Liman, nahuli naming tumatalilis sa bahay ng datu ang Halimaw kasama ng kaibigan mo. Ano nga pala ang pangalan niya? Lagi ko na lang nakakalimutan.”

“Sano?” sagot ni Anina, kahit umiinog ang isip niya. Nagpunta sina Sano at Dayang Yiling sa Liman. “Nandito rin ba siya?”

Tumaob ang ngiti ni Baying Angtara sa isang palarong pagpapakita ng awa. “Ayaw ko man pagmulan ng masamang balita, pero may ginawang napakahangal si Sano sa Liman. Mangmgang lang talaga ang batang 'yon.”

Inisip ni Anina kung may natitira pang lason sa katawan niya; kung baka naidudulot nito ang pagguni-guni ni Anina sa buong usapan na ito. Parang hindi tunay ang mundo. Hindi puwedeng kinakausap talaga siya ng bayi. Hindi puwedeng sumang-ayon ang hari sa parugo kasama si Dayang Yiling kahit walang sapat na sumusuportang Kataman sa kanya. Hindi puwedeng nangyayari ang lahat ng mga ito.

Ngumiti ulit si Baying Angtara. “Ibahagi ko kaya sa 'yo ang isang lihim.”

“Ibahagi niyo po sa akin kung ano'ng nangyari kay Sano,” pinilit ni Anina.

“Oo, pagkatapos ng lihim.” Mula sa baywang niya, kinuha ni Baying Angtara ang itak. Napaigkas si Anina, pero inilapit lang ng bayi ang itak para mapagmasdan niya ang lapad ng talim at ang mga anto na nakaukit doon.

“Nakakita ka na ba ng kasingganda nito?” tanong ni Baying Angtara, habang hinahaplos ng mga daliri ang bakal. Iiling na sana si Anina, pero napahinto siya ng isang isipan.

Ang buwan. Ipinapaalala ng itak na ito kay Anina ang buwan, sa mga gabi na hindi nito malaman kung liliwanag na parang pilak o kikinang na parang ginto. Kiniliti ng pagningning ng bakal ang mga alaala sa likuran ng isip ni Anina, mga alaalang matagal na niyang pinilit kalimutan.

Bumalik ang mga ito ngayon. Ang santambak ng mga bakal na hinukay ng mga kabaranggay niya mula sa mga libingan. Ang pagbagsak ng mga yabag, ang marahas na kaguluhan nang dumating ang mga mananalakay. Ang takot na sumiklab kay Anina habang nagtatago siya sa likuran ng mga bakal. Ang sindak niya nang natagpuan siya ng mga mananalakay. Ang kislap ng mga bakal sa ilalim ng kamay niya, at ang nakabubulag na liwanag nang hinagupit niya ang kanyang hiwaga sa mga bakal na ito. Ang matindi at nakamamanhid na sakit.

“Hindi,” bulong ni Anina, ayaw tanggapin kung saan siya dinadala ng isip niya.

Iba ang pang-unawa ni Baying Angtara sa kanyang sagot. “Natagpuan ng ama ko ang bakal ng itak na ito sa isang kawawang baranggay sa Katam limang taong nakalipas,” sinimulan niya, at napaurong si Anina. Hindi nangyayari ito. Hindi maaaring totoo ito. Masyado lang siyang desperado na matuklasan ang nangyari sa hiwaga niya, na kinakatha ng isip niya ang masamang panaginip na ito, gustong mabigyan ang sarili ng mga sagot gaano man kasama.

Nagpatuloy si Baying Angtara, “Pumunta doon si Ama para maningil ng buwis, pero natagpuan niya at ng mga kasamahan niya na nawasak ang baranggay na ito, walang buhay ni isang tao. Nakita niyang nakakalat ang mga piraso ng bakal na ito. Sa umpisa, akala ni Ama na ginto ang mga ito, at tinipon niya kaysa masayang lang. Ngunit sa kalaunan, natuklasan namin na ang bakal na ito ay may... kakaibang kakayahan.”

“Kakayahan...” alingawngaw ni Anina. Pakiramdam niya na wala siya sa sariling katawan, na nakalutang siya sa pagitan ng nakaraan at ng kasalukuyan.

“Kaya ng bakal na ito palakasin ang kapangyarihan ng isang manghihiwaga. Gaano mang kalakas ang hiwaga na gagamitin mong pambuhay sa isang anto na nakaukit dito ay pasisiglahin ng bakal ng mga dalawampung patong. Nakapagtataka talaga ito. Inipon ng ama ko lahat ng nakuha niyang mga piraso mula sa baranggay at nagpagawa siya ng magkaparehong itak para sa aming dalawa.”

Hindi makahinga si Anina. Ito na ang sagot. Ang dami niyang sinakripisyo para dito, at ngayon, hindi niya alam kung ano'ng gagawin. Mahirap mag-isip. Sabay ang pag-init at pag-lamig ng katawan niya, sabay ang ginhawa at takot. Dahil sa kabila ng natutuhan niya, alam niya kung ano'ng susunod na sasabihin ni Baying Angtara.

“Inagaw ni Sano ang itak na ito sa akin sa Liman, malamang nais magpabayani. Binuhay niya ang antong ito.” Itinuro ni Baying Angtara ang isa sa mga nakasulat, pero napupuspos na si Anina at hindi na niya binasa. “At namatay si Sano sa ginawa niya. Natabunan ng isang bundok ng mga bato.”

Tinitigan ni Anina ang bayi, alam na sinusuri nito ang itsura niya, pero walang maisip o masabi si Anina. Lumisan na lahat ng nilalaman ng isip niya, at ang namamalayan na lang niya ay ang nagbabantang kintab ng itak sa gilid ng kanyang paningin.

Biglang bumukas ang pintuan ng dampa ulit. Pumasok si Haring Bunawi.

“Angtara, ano'ng ginagawa mo?” tanong niya.

“Nag-uusap lang kami, Ama.”

“Tingnan mo naman si Anina, namumutla na siya!” puna ng hari. “Tinatakot mo siya. Wala ka bang ibang magagawa muna?”

“Puwede po akong maghanap.” Nagbuntong-hininga si Baying Angtara na parang may sumabad sa kanyang paboriting libangan. Tumayo siya at nagpaalam kay Anina. “Sa tingin ko hindi na ulit tayo magkikita. Mabuting nakapag-usap tayo ngayon.”

Nang nakaalis na si Baying Angtara, lumuhod si Haring Bunawi kung saan nakaluhod ang anak niya kanina. Pakiramdam ni Anina na parang piniga siya. Umupo siya, hinihiling na matutulungan siya nitong maituwid ang pag-iisip. Naalala pa rin niyang magbigay galang, at nanatiling nakatungo ang kanyang ulo. Ilalagay niya rin sana ang mga kamay sa pisngi, pero nakatali ang isa sa haligi sa sulok.

“Pagtiyagaan mo ang anak ko,” sabi ni Haring Bunawi. “Sobran masugid lang talaga siya minsan. Gusto mo bang uminom? Hindi mo pa nagagalaw ang tubig o pagkain mo. Tara, inom ka na, para mabawi mo ang lakas mo.”

Ibinigay ni Haring Bunawi ang mangkok ng tubig, at napansin ni Anina ang mga peklat sa kamay ng hari kung saan niya sinugatan siya gamit ang yantok. Mabagal kinuha ni Anina ang mangkok, natatakot na baka saktan siya sa ginawa niya noon, pero binitawan ng hari ang mangkok nang hindi siya pinapahamak.

“Anina, sana matulungan mo ako.”

Lumunok si Anina. Hindi ito ang inaasahan niyang sasabihin sa kanya ng hari.

“Nasira ang tiwala ko sa Katam,” dagdag ni Haring Bunawi. “At sana matulungan mo akong hilumin iyon kahit kaunti.”

Hindi maintindihan ni Anina kung saan ito patungo. Gusto ba ng hari na magbunyag siya ng mga lihim tungkol sa Katam? Tungkol sa mga balak ni Dayang Yiling? May katuturan sana iyon kung hindi pa nasa kanya na si Dayang Yiling, pero ayon kay Baying Angtara, nandito na ang Halimaw. Magpaparugo na, kaya ano pa ang magagawa ni Anina?

“Kailangan kong malaman na magaling akong hari. Na minamahal ako ng mga tauhan ko. Ginawa ko naman talaga lahat ng makakaya ko para sa Katam. Hinatak ko ang bayang ito mula sa karimlan, tinanggap ko bilang bahagi ng sarili kong bayan. Dapat nasiyahan na ang mga tao na napasama sila sa mas mayaman at mas maunlad na kaharian, pero hindi ko alam kung bakit parang hindi pa sapat lahat ng ginawa ko.” Nagbuntong-hininga ang hari na tila nagmamahal siya ng isang hindi kayang ibalik ang pag-ibig niya.

“Ano po ang gusto niyong gawin ko?” Hindi pa rin maunwaan ni Anina.

“Gusto kong pasalamatan mo ako,” sabi ng hari sa kanyang malumbay na tinig, na para siyang isang lolo.

Iyon lang? Lumunok si Anina. Magagawa niya iyon. Hindi iyon ang pinakamahirap na maiuutos ng hari. Kaya sinabi niya, “Salamat po.”

Napakalakas siyang sinampal ng hari na napahiga ulit si Anina sa kumot. May kuliling sa mga tainga niya, at lumabo ang paningin niya sa mga luha at kumikislap na liwanag.

“Nasasaktan ako sa panlilinlang mo,” sabi ni Haring Bunawi. “Gusto kong sabihin mo iyon nang taos sa puso mo. Nandito ako, nakaluhod, nagpapalilimos ng pagsasalamat mula diyan sa kuripot na Katamang puso mo – at may gana ka pang magsinungaling sa akin? Sabihin mo ulit, at sabihin mong tapat.”

Namamanhid ang pisngi ni Anina, at nalalasahan niya ang dugo mula sa sugat sa kanyang labi, pero binaliwala niya ang mga iyon. Sa talukap ng mga nakapikit niyang mata, hinagap niya ang mga imahe ng makukulay na pananamit ng mga Dayungan, ng kanilang dalubhasang sining sa pagpanday, ng magagandang titik ng kanilang pagsusulat, ng malumanay na indayog ng kanilang pananalita. Sa kanyang takot, pinukaw ni Anina ang bahagi ng sarili na nagmamahal sa lahat ng kinakatawan ng Dayung: ang kadakilaan, ang ginhawa, ang karangyaan. Lahat ng wala sa Katam. Dahil totoo rin naman. Marami siyang minamahal sa Dayung, kahit na ikinamumuhian niya ang sarili at ikinahihiya ang mga kapwang kababayan dahil sa mga ito.

“Salamat po,” sinubukan ulit ni Anina, sa kabila ng nagdurugo niyang mga labi.

Pumikit si Haring Bunawi, isang kamay nakalapat sa dibdib banda sa puso, nilalasap ang mga salita. “Sige. Tumagos sa puso ko ngayon.”

Nilagutok ng hari ang mga daliri sa direksyon ng pasukan ng dampa, at pumasok ang ilang mga mandirigma, may bitbit na mga lubid. “Alam mo naman, minsan kinakailangan ng isang pinunong magsakripisyo,” sabi ni Haring Bunawi.

Sinunggaban ng mga mandirigma si Anina. Itinali ng dalawa sa kanila ang mga paa niya, pinapaikot ang mahabang lubid sa kanyang mga sakong. Kinawag ni Anina ang mga paa mula sa kanilang hawak, pero hindi niya alam kung ano'ng kahihinatnan pa ng paglaban niya. Nakatali pa rin siya sa haligi, nasa tabi pa rin niya si Haring Bunawi, at madali siyang masusupil ng dalawang mandirigma sa kalagayan niyang ito. Pagkatapos nilang itali ang mga binti niya, ginupit nila ang lubid na nagsusuga sa kanya sa haligi, at binuklod ang isa pang tali sa kanyang katawan at mga bisig.

“Laging mahirap mawalan ng mga tagalingkod, lalo na ang mga nagpapasalamat,” itinuloy ni Haring Bunawi. “Maniwala ka, masakit din sa akin ang mangyayari sa iyo, pero ikabubuti ito ng buong Dayung.”

Dinakma si Anina ng mga mandirigma, hinahatak at kinakaldkad siya sa pagitan nila. Lumabas sila sa dampa, at pagkatapos nanibago ng mga mata niya sa liwanag ng araw, nakita na ni Anina sa wakas kung nasaan sila.

Wala sila sa isang baranggay. Nasa isang kampo sila, at ang dampa ni Anina ay nasa dulo nito. Sa tabi ng kampo ay isang mahabang bangin, katulad ng nasa likuran ng bahay-panuluyan ng hari sa Masagan. Kagyat, naliwanagan si Anina sa mga salita ng hari. Sa pagkakita sa bangin, sa pagkarining sa dagasa ng ilog sa ibaba nito, naunwaan ni Anina kung bakit inutusan siya ng hari na magpasalamat. Naintindihan niya kung ano'ng alay ang tinutukoy ng hari.

Siya.

“Huwag po,” narinig ni Anina ang sariling magsalita. “Huwag, maawa po kayo.”

“Pero kailangan ko,” tugon ni Haring Bunawi. “Makikipaglaban ako sa Halimaw, at kailangan ko ng mahalagang alay para siguraduhin na hindi ako mapaparusahan ng manghihiwagang-pilay.”

“Nagpapakiusap po ako,” sabi ni Anina, pumipiglas sa hawak ng mga mandirigma na halos binibitbit na lang siya ngayon. Kumakapa ang isip niya ng mga magagawa, ng kahit ano'ng malabong paraan para makatakas siya – pero sandali lang, nakarating sila sa tangwa ng bangin. Nahilo ang masakit na ulo ni Anina sa nakitang bumubulang ilog at malalaking bato na nakakalat dito.

“Huwag kang namang malungkot,” sabi ni Haring Bunawi. Nilapatan niya ng kamay ang balikat ni Anina. “Matitiyak ng pag-alay mo ang pagpanalo ko, at aayusin ko muli ang Katam.”

Itinulak ng hari si Anina sa bangin.