Kabanata 11

Pagnanakaw sa Maginoo

Hindi na naman nakatulog nang maayos si Anina, kaya nahirapan uli siya bumangon sa susunod na umaga. Parang pinuno ng bulak ang kanyang utak at piniga lahat ng lakas mula sa kanyang katawan. Inisip niya ang darating na araw at walang mahanap na kahit isang bagay na gusto man lang niyang gawin.

Ilang buwan nang pinag-iisipan ni Anina na magpatingin sa isang katalonan para malaman kung may sakit siya, pero lagi niyang pinampapaliban. Laging may ibang magagastusan ang kanyang panahon at pera. Pansamantala, nag-aalay at nananalangin na lang siya, mga bagay na kahit papaano nagagawa niyang mag-isa.

Bago magbukang-liwayway, nagawa ni Anina na hilahin ang anyong kahoy ni Likubay at ang maliliit na batong sagisag ng kanyang mga pumanaw na kamag-anak: isang lola, ama, ina, at dalawang kuya. Inilagay niya ang mga ito sa tapat niya, at sinundot-sundot ang isip para sa isang dasal.

Walang dumating. Ano nga ba ang masasabi niya? Ano ba ang mahihiling niya para sa kanilang kaluluwa? Parang napakababaw kung gugustuhin lang niyang mapayapa sila.

Nakayukayok nang ganoon si Anina nang matagal, inaalon palayo at palapit sa pag-idlip. Tapos may narinig siyang kumakaluskos sa likuran.

“Magandang umaga!” sabi ni Sano. Gumapang si Sano sa tabi niya, pero pinilit ni Anina na manatiling nakapikit ang mga mata. Hindi na nga siya makabuo ng dasal sa pagkablanko ng isip, paano pa siya makikipag-usap?

“Oy,” nagpatuloy si Sano. “Ayos ka lang?”

“Oo,” ungot ni Anina. Bakit ba laging masigla si Sano? Kung alam lang ni Anina kung saan kumukuha ng lakas si Sano, kukupit din siya para sa sarili.

“Inaantok ka pa ba? Ganyan din ang ina ko minsan. Nagbibiro nga siya na nauunang gumising ang katawan niya kaysa sa kaluluwa niya. Kailangan daw niyang layawin ang sarili para magising talaga ito.”

Ang sumunod na naramdaman ni Anina, sinusuklayan siya ni Sano. Kumikirot ang anit niya sa paghatak ni Sano sa mga nabuhol na buhok. Nang tuwid na lahat ng mga hibla, tinarintas ni Sano ang buhok niya, at inikot sa ulo. Inipit ang dulo nito malapit sa batok niya. “Ayan, maganda ka na!”

Hinipo ni Anina ang ulo niya. Kahit mukhang malinis naman ang gawa ni Sano, 'maganda' rin ang salitang ginamit nito sa isang kalabaw noong unang beses niyang makakita, kaya hindi alam ni Anina kung maayos nga talaga siyang tingnan. Sinuksok ni Sano ang suklay pabalik sa bayong, at sinimulang iligpit ang mga sagisag ni Anina. Sasawayin na sana siya ni Anina sa paghawak sa mga iyon, pero magalang naman niyang hinahawakan, kaya hinayaan na lang ni Anina.

Tumayo si Anina at dumipa. Mas magaan ng kaunti ang mga braso at binti niya. Dahil ayaw rin naman niyang magsungit, inamin na niyang nakatulong nga si Sano. “Salamat. Mas ayos na ako.”


Nang pumasok sina Sano at Anina sa pamilihan, marami na ang naghahalubilo roon. Mukhang magulo at malagkit ang umpukan ng mga tao, pero inisip ni Anina ang mga batong sagisag ng kanyang pamilya, at ipinaaalala sa sarili kung bakit siya naririto.

Minalas sila ngayon, sapagkat hindi nagbukas ang puwesto ni Haraw. Nanatiling walang laman ang puwesto niya kahit naghahanda na ang mga ibang magtitinda. Nang hindi sila talaga makahanap ng tinderong makakukuha sa kanilang dalawa, nagpasya si Anina na maghiwalay sila ni Sano, kahit nag-aatubili siyang gawin ito. Malamang na mas madaling makakapagbigay ng trabaho ang mga tindero sa isang tao lang. Bago sila naghiwalay, ipinaalala ni Anina kay Sano lahat ng mga payo niya kahapon, at ipinangako naman ni Sano na mas babaitan pa niya ngayon.

Ang tumanggap kay Anina ay isang mang-aalahas na nag-utos sa kanyang ayusin ang mga maliliit na gintong tanikala. “Mas mahal nga ang mga manghihiwaga ng apoy, pero kung mas mabilis naman matapos ang gawain, bakit hindi gumastos ng kaunti, 'di ba?” sabi ng ngumingiting mang-aalahas.

Nakaupo si Anina sa isang hapag sa likuran ng puwesto ng mang-aalahas kasama ang dalawa pang manghihiwaga. Sa tabi ng hapag, nakatayo ang tatlong matitipuno't mapagmatyag na lalaki na hindi lamang pinagmamasdan ang mga taong dumaraan, pinagmamasdan din pati sina Anina at ang dalawa pang katulong. Mga sirang mutya ang inaayos ng mang-aalahas, at may iba ritong napakamahal.

Nakakabagot din ang gawain dahil napakaliit ng mga kawing, at isang tiyani lang na may anto ang gamit ni Anina pampainit at pambaluktot sa mga ito. Buti ni lang buong araw siya nagsulat kahapon. Mas maliliksi ang daliri niya ngayon.

“Sa totoo lang, dahil napakaraming nangyayaring pagnanakaw ngayon, hindi ako sigurado kung mapapatuloy ko ang pag-aalahas,” sinabi ng mang-aalahas sa kanila. Kalbo ito at may mahabang bigote na hinahaplos niya kapag nagsasalita, at lagi siyang nagsasalita. “Inisip kong magpanday na lang ng mga kandado. Iyon naman ang kailangan ng mga tao ngayon. May mga gamit at bakal na rin naman ako; siguro hindi naman ako mahihirapang magpanday.”

“Narinig ko nanakaw pati ang mga alahas ng bayi,” idinagdag ng isa sa mga katulong. Mas bata siya kay Anina, at mabilis mahubog ng maliliit niyang daliri ang mga kawing sa magagandang hugis.

“Hindi tayo nakasisigurado,” sinabi ng manghihiwaga sa tabi niya, isang dalaga na parang may malabong paningin. Lagi siyang kumikirat kapag tumitingala sa hapag. “Ang mga sabi-sabi lang ay nagwala siya nang hindi niya mahanap ang mga kuwintas niya at singsing, pero baka nawala lang naman niya. Basta-basta na lang daw nagwawala iyon e.”

“'Wag ka namang ganyan. Bayi pa rin natin siya,” babala ng mang-aalahas. “'Tsaka may katwiran ang paghihinala niya. Naaalala niyo ba ang nangyari sa agong na dapat ialay ng hari? May dahilan mag-alala ang mga maginoo.”

“Ano pong nangyari sa agong?” tanong ni Anina. Hindi ito bahagi ng mga balitang ikinuwento sa kanila ng Punong Arbitro.

Walang pang nakapila ngayon, kaya sumandal ang mang-aalahas sa isang poste ng puwesto niya. “Alam mo 'di ba na nag-aalay ang hari sa mga diwata at mga bathala para mawala ang Malagim na Hangin?” sabi niya, habang kinukulot ng daliri ang dulo ng bigote. “Nagpasya si Haring Bunawi na ialay ang isang mahalagang gintong agong na minana niya. Ilalagay dapat ito sa bangka, sa tuktok ng ibang mga alay. Nang panahong ipapaanod na ang bangka, idadagdag na sana ang agong sa taas, pero walang makahanap nito! Nawala raw, ilang saglit lang bago ialay!”

Napasipol si Anina. Tiyak matindi ang galit ng hari doon. “Nahuli po ba nila ang magnanakaw?”

“May nahuli sila, at pinaslang na ito,” paliwanag ng mang-aalahas. “Pero kung makikinig tayo sa mga sabi-sabi, may mga pagnanakaw pa ring nangyayari. At lumalaganap na pati sa ibang mga maginoo.”

“Hah, pustahan tayo na ang tunay na magnanakaw ay iyong manghihiwaga ng guho sa Katam!” sabi ng batang lalaki na may hagikgik. Bumara ang hininga ni Anina sa lalamunan niya, at muntik na siyang mabilaukan.

“Bakit mo nasabi iyan?” tanong ni Anina, sinusubukang itago ang talim ng kanyang boses.

“Nagbibiro lang!” Tinapik siya ng lalaki sa balikat na para bang siya ang mas bata. “Isipin mo na lang, kung kaya ng isang taong magpaguho, kaya rin niyang magnakaw, 'di ba? Oy, huwag mo akong tingnan ng ganyan, wala naman akong sinasabing masama sa mga Kataman. Biro lang! Wala rin naman katuturan ang sinasabi ko.”

Pinilit ni Anina ng huwag kumibo. Mas maayos kung iisipin ng bata na nainis siya dahil isa siyang Kataman, at hindi dahil kasama niya itong 'manghihiwaga ng guho.' Pero hindi maganda ito. Kung ganito mag-isip ang mga tao, hindi tatagal at mas iitim pa ang reputasyon ni Sano.

Nang nagsara ang puwesto pagsapit ng takipsilim, binayaran ng mang-aalahas si Anina, at pinakiusapan siyang bumalik sa susunod na umaga. Binigyan pa nga siya ng asawa nito ng isang mangkok ng kanin at adobong baboy, na masayang binitbit ni Anina sa tagpuan nila ni Sano.

Patungo roon, naghanap si Anina ng isang mangingisda na makapagpapahiram sa kanya ng isang bangka mamayang gabi. Sa dagat, makakapag-usap sila ni Sano nang mas malaya.

Nagkasundo sina Sano at Anina na magkita muli sa bakod na pumapagitan sa pangkat ng mga pagkain at pangkat ng mga tela. Natagpuan ni Anina si Sano roon, pinapaligiran ng ilang mga dalaga at binata. Naghahalakhakan at naglalaro sila. Nang nakita siya ni Sano, nagpaumanhin siya sa iba at lumapit sa kanya.

“Anina, tingnan mo!” Kinuha ni Sano mula sa lukbot niya ang labing-dalawang saga ng tumbaga. “Maayos ba ang kinita ko?”

Gustong matawa ni Anina sa tuwa. Naroon siya kanina, nag-aalala na baka may mainsulto na naman si Sano at magawa siyang alipin bilang parusa. Dapat mas pinagkatiwalaan niya pala si Sano. “Oo, ayos na ayos ito! Ano'ng ginawa mo ngayon?”

“Kaninang umaga, tinulungan kong ayusin ang bangka ng isang lalaki, na nagpakilala naman sa akin sa kanyang kaibigan na gustong malaman kung bakit hindi gumagana ang anto sa pakal niya. Buong araw, pinakikilala lang ako sa iba't-ibang mga taong nangangailangan ng tulong.”

Tumango si Anina, namamangha. “Ang dami mong kinausap, ah! Pero parang nasiyahan ka naman. At nakipagkaibigan ka rin?” Itinuro ng mga labi ni Anina ang umpukan ng mga dalaga at binata sa bakod. Parang kasinggulang lang nila si Anina, pero mabibikas sila at nakasuot ng usong Dayungang damit. Nagpapakita ng kumpiyansa ang mga tindig nila, at kahit walang mapansing masama sa likod ng kanilang magagalak na ngiti, mabigat pa rin ang naramdaman ni Anina.

“Ay oo, may nakilala akong mga ibang Kataman,” paliwanag ni Sano. “Noong una, hindi ko nahalata. Nakakapagsalita sila ng Dayungan na walang punto. Mangangalakal ang mga magulang nila rito at naglalaro sila pagkatapos magsara ng mga tindahan. Yinayaya nila tayong maghapunan kasama nila.”

Napakalalim ng mga puyo ni Sano sa laki ng ngiti niya. Ayaw sana ni Anina biguin siya. “Sano, humiram ako ng isang bangka. Inisip ko na baka puwede tayong bumunsod sa dagat, tayo lang dalawa. Kailangan nating mag-usap.”

“A, ayos lang,” sabi ni Sano. Tumalikod siya at sumigaw sa mga bagong kaibigan. “Pasensiya na, hindi ako makakasama! Mamamangka kami!”

Dumagasa ang dugo sa mukha ni Anina. May isang saglit ng katahimikan mula sa gulat na mga kabataan, tapos nagtawanan at nagsipulan sila, sabay ng mga tukso.

“Banal na Karingal, 'wag mong sabihing ganyan!” sutsot ni Anina. Pumadyak siya pababa sa tabing-dagat, sinusundan ni Sano. “May ibang ibig sabihin ang mamamangka, ano!” Bumuntot sa kanya ang nababahalang paumanhin ni Sano, habang hinahanap niya ang rinentang bangka.

Maliit na guhit na lang ang liwanag ng araw sa abot-tanaw. Madilim na halos buong langit. Hindi sila gaanong lumayo sa baybay, pero sapat na hindi sila maririnig ng ibang mga tao. Bago mabatid ni Anina ang mga kuwento tungkol sa mga pagnanakaw, ginulat siya ni Sano ng sarili nitong katakatakang tanong.

“Anina, ayaw mo ba sa ibang mga Kataman?” hinarap siya ni Sano, at ibinaba ng binata ang sagwan sa kandungan. “Parang naiilang ka kapag kasama natin sila.”

Inisip ni Anina ang mga bagong kaibigan ni Sano, pati na rin ang tatlong manghahabi kagabi. Sa totoo lang, hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman sa ibang mga Kataman. Kung hindi sila ni Sano nagkasundong hanapin ang ina nito, marahil hindi rin niya malalaman kung paano makisama kay Sano. Kakaibiganin ba niya sila? Iiwasan ba?

Pinaniwalaan dati ni Anina na nangungulila siya sa kapatiran ng mga kabayan niya, at sa kaugnayan niya sa kanila noong bata pa siya. Subalit sinubukan niyang makipagkaibigan sa ibang mga Kataman dati, at hindi bumalik ang dating aliw sa buhay niya. Marahil hindi pala kapatiran sa ibang Kataman ang hinahangad niya, kundi ang tamis ng kanyang kabataan. At hindi na niya makukuha muli ito.

At kung magpapakapagod si Anina na makisama sa iba, mas maayos kung sa mga Gilan o Dayungan. Mas makatutulong sila sa kanya.

Hindi alam ni Anina kung paano ipaliwanag lahat ng iyon kay Sano, kaya pinaikli na lang niya. “Nahihiya lang ako. Kapansin-pansin ang mga manghahabi kagabi, at ayaw ko sanang madamay. At mukhang mabait man ang mga bago mong kaibigan, sa tingin ko hindi ako bagay makisali sa kanila.”

Kinagat ni Sano ang labi, tapos sinabi, “Naiintindihan ko, at baka tama ka rin naman. Pakiramdam ko lang na kahit lumaki ako sa Katam, hindi ko nalaman kung ano talaga ang buhay roon. Inisip ko, kung makikisama ako sa ibang mga Kataman, baka maunawaan ko.”

Ngumiti si Anina. “Hindi ka naman masyadong napag-iwanan. Walang gaanong nangyayari sa Katam, at kung may mangyari man, hindi magaganda. Mga krimen, sakuna, pananalakay, nagtataasang buwis. Wala tayong maipagmamalaki mula sa Katam.”

“Hindi naman totoo iyan,” tugon ni Sano, nakakunot ang noo na parang nag-iisip siya ng maihahalimbawa. Pagkatapos ng ilang sandali, kinamot lang niya ang ulo. “E, sana balang araw, magkaroon.”

“Puwede rin. Ngayon, mayroon akong natutuhan kanina.” At kinuwento ni Anina lahat tungkol sa pagnanakaw ng agong at iba pang mga mamahaling alahas. “Hindi ba nakapagtataka iyon? May kumukupit sa pag-aari ng mga maginoo at angkan ng hari, tapos may mahihirap na baranggay sa Katam na nakakatanggap ng mga tiklis ng pagkain at gamit.”

“Sa tingin mo may kinalaman sila sa isa’t-isa?”

Hindi tuluyang maikabit ni Anina ang iba’t-ibang bahagi ng problemang ito, pero may kutob siya na magkaugnay lahat ng mga iyon. “Hindi ko pa alam. Nag-aalala lang ako na lalong sasama ang mga sabi-sabi tungkol sa 'yo at idadagdag ang mga ito sa mga krimeng hindi mo naman ginawa. Dadamihan ni Haring Bunawi ang mga hahanap sa iyo, sigurado ako.”

Napayukod si Sano. Sinuklay niya ang mga daliri sa buhok at tinitigan ang mga alon. Lubusang lumubog na ang araw. “Sa tingin ko, may naglalaro sa hari, at sa kamalasan ko, napapasama lang ako nang hindi sinasadya. Sana naman, walang magsimulang magsabi na ako rin ang traydor na nagtatago sa hukbo. Siyempre, hindi naman ako bahagi ng hukbo, pero–”

“Ano'ng traydor sa hukbo?” sumabad si Anina. “Saan mo narinig ito?”

“Sa bahay, mga dalawang taon na ang nakalipas. Sinabi sa amin ng isang suki ni Ina,” sagot ni Sano. “Nakakapagtaka naman na walang nagbubulungan tungkol sa ganyang kalaking bagay rito.”

“Wala, hindi hinahayaan ng mga taga-Masagan ang mga bulungan na tulad niyan dito,” sabi ni Anina, nanlalamig bigla ang mga kamay at paa. Kung may traydor sa hukbo, ibig sabihin baka magkaroon ng himagsikan. Sa salita lamang, nangilabot na ang mga braso ni Anina. Simula noong Himagsikan ng Katam, wala kahit isang tao ang nagsasambit ng salitang iyon. “Bakit inisip ng suki ng ina mo na may traydor?”

“Dahil sinubukang sakupin ni Haring Bunawi ang isa sa mga Pulong Gamhana, tatlong taong nakalipas. Maganda raw ang plano niya, pero natalo pa rin.”

“Oo, pero ilang taon na ring sinusubukan ni Haring Bunawi manakop ng pulo roon. Pangatlong subok na niya iyon. May mas kinalaman ang paulit-ulit niyang pagkatalo sa magagaling na pandirigma ng mga taga-Gamhana sa dagat.”

“Iba raw noong pangatlong subok,” pilit ni Sano. “Lumusob daw nang walang babala si Haring Bunawi habang nasa baybayin pa ang hukbo ng mga Gamhana. Nagsanhi ang hari ng malaking daluyong para tangayin sila.”

Kabisado ni Anina ang bahaging ito, dahil sa panahong iyon, ito lang ang pinag-uusapan ng mga tao. Isang nakamamanghang panghihiwaga ang magpadaluyong, at binigyan nito lahat sila ng panibagong pang-unawa sa lakas ng hari. Tuwing akala nila na nakita na nila ang tunay na kapangyarihan ng hari, may bago siyang ginagawa na nagpapakita na may ilalakas pa siya.

Nagpatuloy si Sano. “Pero natalo siya, dahil may inilagay na pader ang mga Gamhana sa ilalim ng dagat na may antong nagpawalang-bisa sa daluyong. Paano nila inihanda iyon kung hindi nila alam ang balak ng hari?”

Sigurado si Anina na napag-isip-isipan din ng iba ang tanong na iyon, ngunit wala pang nagmumungkahi na dahil ito sa isang taksil sa loob ng hukbo. Sinasabi lang ng mga tao na kailangan nilang magbigay ng mas magandang alay kay Digmaran, bathala ng pakikipaglabanan, o kailangan nilang pumili ng mas maayos na panahon sa paglusob, o hindi maganda ang pakiramdam ng hari. Laging iba ang dahilan.

Sumimangot si Sano, at may mabigat na pag-aalinlangan sa susunod niyang tanong. “Wala namang nanghihinala kay Danihon, 'di ba? Dahil galing siya sa Gamahana, at ayon sa mga tato niya, mataas ang ranggo niya bilang mandirigma roon.”

Napasinghap si Anina. “Wala naman sana! At wala pa akong naririnig. Anuman ang itsura ni Kuya Danihon sa labas, hindi niya tatalikuran ang kaharian ng Dayung.” Iniling ni Anina ang ulo, siguradong-sigurado sa paniniwala. Noon sa ampunan, sinasabi nila na ipinaglihi si Kuya Danihon sa buko dahil lumabas siyang matibay sa labas, malambot sa loob.

“Walang gaanong pagkukusa si Kuya Danihon,” dagdag ni Anina. “Sinusundan lang niya si Kuya Aklin. At hindi magtataksil ang dalawang iyon, dahil tapat sila sa ampunan. Ang perang kinikita nila bilang mandirigma ay bumabalik sa mga magulang ni Kuya Aklin at ang mga bata sa ampunan ngayon. At sumali lang ang mga kuya ko sa hukbo ilang buwan bago naganap ang paglusob sa Gamahana. Matagal nang pumapalpak ang mga atake ng hari sa Gamhana, at tiyak hindi sapat ang ilang buwan para wasakin ng dalawang baguhang mandirigma ang plano ng hari.”

“Baka tama ka nga,” tugon ni Sano. “Kung kailangan nating mag-isip ng isang traydor, may kilala tayong isa na mabilis sumuway sa mga utos ni Haring Bunawi.”

“Si Matiban?” Kung may ituturo man si Anina na isang maaaring traydor, hindi ang kuya niya. Pero ano'ng ibig sabihin para kay Sano at Anina na pinakawalan sila ng isang taong baka ipinapahamak ang hari? Maraming araw na ang nakalipas mula nang pinalaya sila ni Matiban, at hindi pa rin maintindihan ni Anina kung bakit nagawa iyon ng mandirigma.

Hinimas ni Anina ang kanyang pilipisan. Nagsimula ang usapan nila sa pagnanakaw at nauwi sa paghihimagsik. Ang lalim ng inabot nila.

“Kapag naglakbay ulit tayo para hanapin ang ina mo, kailangan nating magpanggap nang mas mabuti,” mungkahi ni Anina. “'Yung ayos lang sa katayuan natin. Katulad ng mahihirap na Gilan. At kailangan nating ayusin ang kuwento natin. Mabilis nabutasan ni Matiban 'yung dati, at hindi lang siya ang may matalas na isip sa mga mandirigma.”

“Sige.” Nginitian siya ni Sano. “Mahilig naman akong magkatha ng mga kuwento.”

“'Yung paniniwalaan ng mga tao! At kailangan nating magsang-ayon sa lahat ng detalye nito.”

“Oo, gagawin natin lahat iyan.”

“O sige.” Kinuha ni Anina ang hapunan na ibinigay sa kanya ng asawa ng mang-aalahas. Nalumbay silang dalawa sa usapan, at hindi na kasintuwa si Anina sa pagkain kaysa kanina. Gayumpaman, isa ito sa iilang magandang nangyari sa araw na ito, at kumapit si Anina rito para hindi malunod sa kawalan na minsan ay lumalamon sa kanya. “Pangako na hindi kita sinusuhol palayo sa mga bago mong kaibigan, pero ayos sa aking paghatian natin itong masarap na hapunan ko.”

Minasdan ni Sano ng ilang saglit ang tabing-dagat, pero humarap uli kay Anina na may malawak na ngiti. Sabi niya, “Sige, masubukan ngang kumain sa bangka.”