Kabanata 30
Pag-unawa
Tinitigan ni Sano ang pagbagsak ni Anina sa alapaap, nililiwanagan ng pulang ilaw na sumiklab sa malayo na nagbabantang padating na ang Malagim na Hangin. Sa loob ng saglit na nahuhulog siya, humiling si Sano na huminto ang oras, humiling na pumalya si Anina o malaglag ang pakal, humiling ng isang libong bagay maliban sa nangyari.
Hindi pumalya si Anina.
Hinagip si Sano ng Malagim na Hangin na parang isang malupit na alon sa binabagyong dagat. Mas marahas ito kaysa dati. Pati na rin ang sindak na daladala nito, kahit na hindi alam ni Sano kung ano'ng bahagi ng takot na nararamdaman niya ay nagmula sa Hangin o sa sarili.
Lumagapak sina Anina at Angtara sa sahig, isang bunton ng mga damit at katawan. Hindi na umahon muli si Angtara, pero tumayo si Anina. Kumalampag ang puso ni Sano sa dibdib, habang hinihiling niya higit pa sa iba pang mahihiling, na sana ang Malagim na Hangin ang pumalya sa pag-ihip.
Sumuray si Anina. Nalaglag ang hawak niyang pakal sa sahig. Humakbang siya palayo, dalawang hakbang sa kanan, tapos huminto nang ganap. Di-likas ang pagkawalang-galaw ng kanyang mga paa at binti.
“Hindi,” bulong ni Sano. Kumupas sa maputlang kayumanggi ang kulay ng mga paa ni Anina. Kinuskos ni Sano ang mga mata niya, tiyak na guni-guni lang ito na sinanhi ng kanyang pagkabalisa, pero kumurap siya at tumingin ulit. Bumulusok ang puso niya sa tiyan nang natagpuang tumataas na ang pagkupas mula sa paa ni Anina papunta sa mga sakong. Sumunod na ang mga tapis niya. Tumigil ang tela sa anyong dumuduyan sa hangin, habang naging bitak-bitak na balat ng kahoy ang dating malambot na damit. At tumaas pa ang pagbabago sa mga bisig ni Anina, sa kanyang tiyan, sa dibdib. Nanghihina sa sindak si Sano. Tiningnan niya ang mga mata ni Anina, kinatatakutan ang sandaling magiging kasimbulag ang mga ito ng kanang mata ni Dayang Yiling.
Nagawa pa rin siyang ngitian ni Anina sa kabila ng sakit na alam ni Sano na nararamdaman niya. “Ayos lang,” sabi ni Anina sa mahinhing bulong. Tinatakluban na ng kahoy ang leeg niya.
Hindi. Hindi ito ayos lang. Isang mainit at pumipintig na galit ang dumanak kay Sano. Sinunggaban niya ang nalaglag na pakal, at pinilit ang sariling tumayo sa harap ni Anina. Pinilit niyang itatag ang ngumangatal niyang kamay, na ilapat ang tuktok ng talim sa dibdib na kahoy ni Anina. Ginabayan siya ng kanyang nakaugaliang galaw, at pumatnubay ito sa pagpilantik niya sa pakal para mabuo ang isang titik, ang titik na sinulat niya paulit-ulit ng buong buhay tuwing nag-aasam siya ng isang kaibigan.
Ka. Maging tao, mabuhay, umiral.
Inilapat ni Sano ang kamay sa titik at ibinuhos niya lahat ng hiwagang nasa loob niya papunta sa maliit na bakas na iyon. Isang dalyuong ng matingkad na liwanag ang sumiklab mula rito. Nasilaw siya at napilitang ipikit ang mga mata. Humatak pa siya ng hiwaga sa gitna ng katawan, tinutulak ang mga simpok nito papunta sa bisig niya at palabas ng kamay. Nabundat at nabaha ang mga lagusan ng hiwaga sa katawan niya, pero nagpatuloy pa rin siya.
“Pinagmamalaki kita,” sabi ni Anina.
Biglang bumukas ang mga mata ni Sano, at nagsisi siya agad na ginawa niya iyon. Puno ng pagbitiw ang mga mata ni Anina. Gumagapang pa rin ang kahoy pataas ng leeg niya, pataas ng baba, pati na ng mukha. Walang bisa ang hiwaga ni Sano.
“Hindi!” sigaw ni Sano. “Hindi, hindi!” Dadagdagan pa niya ang hiwaga. Iyong lang ang kailangan niya. Kung makakapagbigay siya ng sapat, maaayos niya ito. Ngumalit siya at humatak pa ng hiwaga mula sa kanyang gitna. May lumiyab na mga alipatong sakit sa dibdib niya at balikat at braso. Umaapaw na siya sa hiwaga, at napakabilis na ng agos nito. Sumisingaw na ang dahas mula sa kanya, nagpapaikot ng mga bato at alikabok sa paligid.
Ilang saglit lang at naging magaspang na pagputok ang dating madulas na pagbuhos ng kanyang hiwaga. Kahit pa, nagtulak pa rin si Sano. Naging pagkayat na lang ang dating pagputok, at naging patak-patak ang dating pagkayat. Nababanat at nanghihina na ang gitna niya, pero nagpatuloy pa rin siya.
Natakpan na ng kahoy ang ulo ni Anina. Naganap na ang kanyang pagbabago.
“Hindi,” ang iyak ni Sano, nakalapat pa rin ang kamay niya sa dibdib na kahoy, tumutulo pa rin ang hiwaga nang marahan sa titik, hanggang naubusan na talaga siya. Pero walang kinahinatnan. Wala naman talagang kahihinatnan. Hindi kaya ni Sano na ibalik si Anina sa pagiging tao, dahil siya mismo, sarili niya, ay isa lang ding tao, at hindi niya masusuway ang mga batas ng hiwaga.
Parang ginamit ni Sano lahat ng natitira niyang lakas para lang lumayo kay Anina. Nakatitig sa kanya ang kahoy na mukha nito, may magkahalong sakit at pag-asa ang itsura.
Biglang lumiko si Sano at tinapon ang itak sa dako ng pag-ihip ng Hangin. “Sinagip niya ako!” sigaw ni Sano. Sasaktan na sana siya ni Angtara kung hindi lang bumagsak si Anina sa bayi. Sinagip ni Anina si Sano, pero binaliwala ng Hangin.
Binalutan si Sano ng dalawang braso. Hinatak siyang palapit ng kanyang ina. “Tahan na,” bulong ng ina niya sa kanyang buhok. Pumiglas si Sano sa yakap nito. Masyado siyang puno ng mabangis na dahas para layawin pa ng ina niya nang ganito. Lumalakas ang igting sa batok niya, at alam ni Sano na sisigaw siya ulit o hahagulgol.
Sumigaw siya.
Isang nakakahilakbot at nakakabinging ugong ang dumagungdong sa kampo at nangatog sa mga burol.
Humumpay si Sano, nalilito. Totoong masama ang loob niya, pero ano sa ngalan ni Karingal ang ingay na iyon?
“Naku,” ungot ng kanyang ina. “Tumingala ka.”
Pero hinda na kinailangang gawin ito ni Sano. Isang dambuhala't makiwal na anino ang gumapang sa kampo. Hindi man namalayan ni Sano na sumisikat na ang araw hanggang natakpan ng ahas-dagat ang maagang banaag ng liwayway.
Humagibis ang umuungal na ahas-dagat lampas sa kanilang mag-ina. Binugahan sila ng napakalakas na hangin sa pagdaan nito, napaduyan kahit ang mga burol. Kumapit sila sa isa't-isa, habang pinanonood ang pagsisid ng ahas-dagat sa kampo sa baba.
Sa sulok ng kanyang paningin, nakapansin si Sano ng mga nagmamadaling galaw sa paanan ng mga burol. Sa kabila ng kawalang-kibo ng iba, may isang tao na gumugunting sa umpukan. Si Datu Dulan. Tumatakbo siya papunta sa lumalapit na ahas-dagat. Nasa kamay ng datu ang itak ni Bunawi.
“Iaalay niya iyon!” sabi ng ina ni Sano, kumikinang ang mga mata sa pagkaintindi.
Tumalon si Datu Dulan pataas, isinulong ng isang sigabo ng hangin na nagmula kay... si Aklin ba iyon? Malinis at tamang-tama ang pagtudla ni Datu Dulan, at lumipad nang tuwid ang itak sa bunganga ng ahas-dagat.
“Sano, halika na,” sabi ng ina niya. Inilagay nito ang malamig na itak ni Angtara sa kamay ni Sano. “Kailangan din nating gawin iyon. Huwag tayong mag-aksaya ng panahon.”
Pinalibutan ang baywang ni Sano ng braso ng kanyang ina, at tumalon sila mula sa mataas na burol. Kumislap sa hiwaga ang mga antong nasa tapis ng ina niya para makababa sila nang dahan-dahan. Nang nakalapag sila sa sahig, tumakbo sila papunta sa ahas-dagat.
Namamanhid at nahihilo na si Sano, pero ngayong nasa kamay niya ang Buwang Bakal, kahit papaano napipilit niyang ituon ang pansin sa kailangan niyang gawin. Nanatili ang paningin niya sa ahas-dagat na umaalon-alon sa kampo, nakanganga pa rin nang malawak. Nagmadali si Sano sa pangkat ng mga mandirigma, desperadong habulin ang banal na nilalang. Lumiliyab ang sakit sa kaliwa niyang sakong bawat yapak ng kanyang paa sa lupa. Naparam na ang maraming pamanhid na inilagay ng ina niya sa kaliwang bisig, at nasisimulan na niyang maramdaman ang malubhang sugat doon.
“Habulin niyo siya!” Malabong namalayan ni Sano na nagtatahol ng mga utos si Bunawi. Parang hinaharangan ni Dayang Yiling ang mga pagtangka ng hari mismo na habulin siya. Matatamlay na sinunod ng ilan sa mga tauhan ni Bunawi na dakpin si Sano, kinakalmot siya o tinatapik gamit ang lapat na bahagi ng kanilang itak. Ngunit nagtututulak at nagsisisiko ang ina ni Sano, at nagbitaw ng mababangis na banta. Lumayo ang mga mandirigma sa kanila.
Tumataas na ng paglipad ang ahas-dagat nang hindi na ito nakatatanggap ng mga alay. Nilakihan ni Sano ang mga hakbang niya, umaapoy ang mga kalamnan sa mga binti. Mabigat ang itak sa kamay niya, at natatakot siyang dudulas ito sa kanyang hawak sa sobrang pagkapawis ng palad niya. Ipinikit niya ang mga mata at nilabanan ang pagod. Dapat matapos na ang pagdurusa nilang lahat dito. Dapat matalo na nila ang Malagim na Hangin.
May sumiklab na ilaw sa langit, at nilunod nito ang kampo sa pulang liwanag. Lumikaw ang ahas-dagat pataas pa.
“Ilipad niyo po ako,” sigaw ni Sano sa kanyang ina. “Bago makaihip ang Malagim na Hangin!” Sinunod siya ng ina niya, at isang daluyong ng hangin ang naghagis sa kanya sa himpapawid. Sumakit ang mga tainga niya, gumiwang ang sikmura, at sumampal sa mukha niya ang mga hibla ng kanyang buhok. Tumulin si Sano palapit sa ahas-dagat, tinutulak pasulong ng malakas na hangin.
Binatak pabalik ni Sano ang braso, at gamit ang lahat ng natitirang lakas, tinilapon niya ang itak sa bibig ng ahas-dagat. Hindi malinis ang kanyang hagis, hindi tulad ng kay Datu Dulan. Masidhing umikot ang itak, parang isang timbulog na nagniningning sa mga ulap, parang isang buwan sa liwayway na handa nang lumubog.
Itinikom ng ahas-dagat ang mga panga nito, binitag ang itak sa likod ng mababagsik na ngipin. Kumalabog si Sano sa nguso nito, nadagok ang hininga mula sa mga baga. Pumilipit siya sa sarili, sinasanggahan ang pilay na braso habang gumulong siya sa ulo ng ahas-dagat, lumusot sa pagitan ng mga sungay, at lumampas sa masisinsing hibla ng buhok. Tumalbog siya pababa ng makaliskis na likuran hanggang wala nang matalbugan pa.
Nalaglag si Sano papuntang lupa, at wala siyang panahong isipin kung ano'ng ibig sabihin nito para sa kanya. Nagkakagulo ang kampo sa ibaba. Umiikot dito ang Malagim na Hangin tulad ng isang ipo-ipo, dumadakma ng malalaking bato, naghahagis ng mga dampa. Ganoon na rin sana ang kalalabasan ng mga tao kung hindi sila kinukubli ng mga dakilang muog na gawa sa lupa.
Nakapasok si Sano sa panig na winawasak ng Malagim na Hangin, at pakiramdam niya na mapupunit siya sa magkakasalungat na puwersang pumapaligid sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata, at tinakluban niya ng mga braso ang ulo. Bumangga si Sano sa isang malaman na bagay. Tiniis niya ang isang mahapding saglit na may humatak sa kanya, tapos nakapasok na siya sa kaligtasan ng isang lupang panakip. Nang binuksan ni Sano ang mga mata, natagpuan niyang nakayuko si Danihon sa tabi niya. Naroroon din sina Aklin at Matiban, pinatitibayan ng kanilang hiwaga ang pananggang lupa.
Humupa ang hangin na humahampas sa panakip nila at hindi nagtagal bago naparam na ito nang lubusan. Nagtatakang nagtinginan ang mga lalaki, at isa-isa silang dumungaw sa labas ng panakip. Lumiliit ang bantod ng Hangin. Parang hinahatak nito ang sarili paloob, nag-iiwan ng pabilog na pananalanta sa labas nito. Naging isang payat na lagusan ang Hangin, ikot pa rin nang ikot, at nang inakala ni Sano na puputok ito, kabaliktaran ang nangyari. Pinikpik nito ang sarili sa isang maliit na timbulog, tapos sumagitsit pawala.
Nakabibingi ang katahimikan sa kawalan ng malupit na unos. Bawat maliit na kaluskos, ubo, at sinok ay umaalingawngaw sa buong kapatagan. Sumisikat na ang liwanag ng araw sa kanilang lahat. Umalis na ang ahas-dagat at hindi na maaninag ito kahit saan.
Sumibat ang galit na tinig ni Bunawi sa katahimikan na parang isang karayom na tumusok sa balat. “Mga tanga kayong lahat! Mga ulol! Wala kayong kaalam-alam kung gaano kahalaga ang sinuko niyo.”
Dahan-dahan, lumabas ang mga tao mula sa likod ng mga lupang sagabal. Nakatuon ang pansin nila sa nahihibang na lalaki sa gitna ng dating maimis na kampo.
“Ang gusto ko lang ay makapagtayo ng kahariang hahangaan ng buong sankapuluan, hahangaan ng buong mundo!” sigaw ni Bunawi. “Bibigyan ko kayo ng mga nakamamanghang bagay. Magtatayo ako ng mga simbahan, maghuhugis ng mga bundok. Magpapaamo ako ng mga bulkan at maghihinahon ng mga dagat. Magbibigay ako sa inyo ng mga bagay na maaalala ng napakaraming salinlahi!”
Wasak na wasak si Bunawi. Wala nang natitira sa dati niyang bighani at katatagan, walang masulyapang kabutihang-asal o kapitagan. Parang isang pugad ng ibon ang buhok niya; sira-sira ang magagarang na damit; at nagdurugo siya sa ilang bahagi ng katawan. Nakatayo si Bunawi nang wala ang dating panibulos sa sarili, nakabaluktot ang mga tuhod, nakalaylay ang isang mapurol na itak sa kamay.
“Duwag kayong lahat!” sinigawan ni Bunawi si Dayang Yiling sa harapan niya, pero para sa kanilang lahat ang mga salitang ito. “Takot kayong lahat sa karangyaan, sa dakilaan. Kung hindi niyo pa napapansin, may imperyo sa hilaga. May nagsisibulang mga kaharian sa kanluran at timog. Umuunlad ang mga tao ng Gamhana. Naiiwan tayo. Gusto niyo ba iyon? Gusto niyo bang tingnan ng iba ang panig na ito at sabihing walang mapapakinabangan dito? Walang maipagmamalaki? Gusto niyo bang lingunin kayo ng mga inapo niyo at sabihin na wala sa atin ang nagkaroon ng buhay na karapat-dapat alalahanin?”
Umismid si Bunawi, tapos tumawa. At tumawa nang tumawa. Nagwawala na siya.
Hindi na natiis ni Sano ang paghalakhak ng hari, at napilitan siyang pahintuin ito gamit ang mga tanging salitang masasabi niya.
“Naiintindihan ko!” bulalas niya.
Sinundan ito ng katahimikan, at walang mas nagulat na nasabi ito ni Sano kaysa sa sarili niya. Ngunit natagpuan niyang katotohanan ang kanyang sinambit. Higit pa kanino man, naiintindihan ni Sano ang pagmimithi, ang pagnanasa na maging mahalaga. Nakikita ni Sano kung paano namuo ang marahas na kasakiman mula sa pag-aasam ng hari ng halaga; kung paano siya inudyok ng pangarap na ito na itaboy ang mga taong hindi niya itinuturing nararapat mamuhay sa ganap niyang mundo, ang mga taong nagpapaalala sa kanya ng mga sariling kapintasan.
“Naiintindihan ko,” ulit ni Sano. “Kasi buong buhay ko, dinanas ko ang kinatatakutan mo. Pinaramdam mo sa akin at sa marami pang tulad ko ang kahihyan na ayaw mong maranasan.”
Kinuyom ni Sano ang mga kamao. Oo naiintindihan niya, pero hindi niya mapapatawad. Dahil kahit man may mga dahilan si Bunawi sa mga ginawa niya, hindi sapat na palusot ang mga iyon. Hinding-hindi sapat.
Binigyan lang ni Bunawi si Sano ng mapait na tingin. Tapos mapanglaw na umika ang hari papunta kay Dayang Yiling. Itinaas ni Dayang Yiling ang sariling itak para sanggahin ang hari, pero patuloy pa rin ang lakad ni Bunawi hanggang lumapat ang tuktok nito sa tadyang niya.
“Tapusin mo na ako,” inangil niya. “Alam mong hindi na ako makababalik mula dito. Bigyan mo ako ng kamatayang laan sa isang mandirigma.”
Sa umpisa, nag-atubili si Dayang Yiling, pero sinunod pa rin niya ang utos.
Lumingon palayo si Sano. Sa paligid niya, suminghap ang mga mandirigma ni Bunawi, pero walang nagpahinto as kanila kay Dayang Yiling. Wala sa kanila ang makapagpapanggap na isang haring karapat-dapat ipagtanggol si Bunawi. Lalo na pagkatapos niyang ipagkanulo ang kanyang mga tauhan kapalit lang ng mga bakal.
“Nanalo pa rin ako,” ang tikam ni Bunawi. Tumingin si Sano ulit sa hari, at natagpuan siyang nakahantad sa sahig. Nakatitig si Bunawi sa langit, mamasa-masa ang mga mata, at may lumalawak na pulang bahid sa damit. Gayumpaman, may nagpapangiti pa rin sa kanya. “Ako ang dahilan kung bakit nahanap niyo ang giting para maghimagsik. Ako ang nagturo sa inyong maging matapang.”
Pero hindi nagpatangay si Dayang Yiling dito. Sa halip, sinabi niya, “Hindi mo dapat ipinagkalat ang mga kuwento tungkol sa Halimaw ng Katam. Ngayon, siguradong alam mo na kung paano ito matatapos.” At sinipi niya, “Sarili mo lang ang masisisi mo.”
“Banal na Karingal, namamatay ba ang hari?” bulong ng isang babae sa umpukan. Sinubukang ibulong, pero lumabas pa rin nang malakas. Dalawang beses napasulyap ang lalaki sa tabi niya.
“Kinan, ikaw ba iyan?” Lumabas iyon nang mas malakas, at nabunot ang pansin ng mga tao mula sa hari. “A, pero kanina ka lang naging kahoy! Nakita ng mga mata ko mismo. Tumitili ka nga tulad ng isang agilang nakain ng matsing. Tulad ng matsing na kinakain ng agila!”
Umikot si Sano nang mabagal, tinatahak ng kanyang paningin ang buong kampo. Bigla siyang walang makita ni isang kahoy na katawan. Ang mga mandirigmang nakahiga sa lupa na kanina lang ay parang nililok mula sa kahoy, ay malaman at mabuto na ulit. Pinipilit nila ngayong umahon. Namamangha ang iba sa kanilang katawan, kinakalog ang mga braso at binti. Nakamulaga naman ang iba sa paligid nila, sa mga nakakalat na bahagi ng dampa at sa mga nakausbong na lupa na parang peklat sa sahig.
Humilab ang mga bulyawan ng mga humahanga at ng mga hindi makapaniwala. May mga gulat na yakapan at nalilitong tawanan. Mayroon ding magigiting na luha at malalambing na salita, nang natagpuan ng ibang nakabawi ng kanilang pagkatao ang mga kaibigang hindi nakaligtas sa labanan.
Nawala ang parusa ng Malagim na Hangin.
Nang lubusang naitanim ito sa isip ni Sano, pumilantik ang tingin niya sa mga baku-bakong burol na binuo ni Angtara at ng ina niya gamit ang kanilang hiwaga. Maanino ang mga burol sa kabila ng nakasisilaw na sikat ng araw, at napakalayo pa niya para makita nang maayos kung mayroon mang gumagalaw roon. Kahit na, isang marupok at bantulot na pag-asa ang bumunga sa loob niya.
Gumalaw ang mga paa ni Sano patungo sa mga burol, bawat hakbang mas mabilis sa nauna, hanggang tumatakbo na siya sa pinakamabilis na kaya niya, paikaika man siya. Hindi niya binigyang pansin ang sakit. Kahit ang pagod na lumamon sa kanya kanina ay umurong sa pinakalikod ng kamalayan niya. Ang tanging pakialam niya ay kung, sa wakas, makahahanap na siya ng tumitibok na puso sa ilalim ng kanyang paboritong anto, ka.