Kabanata 27
Batis Na Walang Landas
Nagising si Anina na magang-magang ang mga mata, halos hindi na niya mabuksan ang mga ito. Mainit ang pakiramdam ng mga mata niya, at hindi siya makatingin malapit sa liwanag ng apoy. Parang may bumabayo sa ulo niya.
Nakabalik na ang batang lalaki, si Uwa, at nililigpit niya ang mga gamit sa loob ng isang bayong. Nang natapos siya, inakbay niya ito. Nasa sulok ng yungib si Lolo Sungid, at napansin niyang gising na si Anina.
“A, tamang tama ang pagbangon mo! Hindi n'ako mahihirapan dito.” Itinuro ni Lolo Sungid ang isang maliit na lalagyan sa tabi ni Anina. “Iyan ang natirang sabaw. Malamig na ngayon, pero ayos pa rin. Papunta na ako sa susunod na yungib. Sa tingin mo makatatayo ka na at makasasama sa amin?”
Tiniklop at inipit ni Anina ang kumot sa bisig niya. Makirot pa rin ang kanang kamay niya sa mga paltos galing sa paghagupit niya ng hiwaga sa Angbun. Sa kanyang kaliwang kamay binitbit niya ang lalagyan ng sabaw. Sinundan niya si Lolo Sungid at si Uwa papunta sa makitid na daanan palabas. Magaganit ang kalamnan ni Anina at mabigat ang katawan, pero hindi niya alam kung dahil ito sa pagkabagsak o sa muntikang pagkalunod.
“Saan na po kayo pupunta ngayon?” tanong ni Anina kay Lolo Sungid. Bumungad ang daanan sa mas malawak na lagusan na pasalungat dito. Sa isang dulo naririnig ang tilamsik ng ilog, at sa kabila naman, may kalat-kalat na mga boses ng ibang tao.
“May mga kamag-anak ako sa isang baranggay malapit dito,” sagot ni Lolo Sungid. Ngayon lang narinig ni Anina na hindi madaing ang pagsasalita ng matanda. Parang tanggap na niya ang kanyang gagawin. “Matagal ko na silang hindi nakikita. Lumayas ako roon maraming taon nang nakalipas, napakataas ng tingin ko sa sarili. Titingnan ko na lang kung ano'ng mangyayari kapag bumalik ako. Ikaw? Ano'ng balak mo?”
Sa katagalan, ang ginusto lang ni Anina ay maintindihan ang nangyari noong gabi sa kanyang baranggay. Ngayong alam na niya, pakiramdam niya para siyang tubig sa isang batis na walang patutunguhan. Hindi niya inakalang ganito ang mararamdaman niya. Akala niya mapapayapa na siya. Na malaya na siyang bumalik sa ampunan, o kahit papaano, mamuhay sa wakas kasama ng ibang mga tao. Kaya naman pala niyang gawin ang mga iyon kahit kailan. Puwede naman pala siyang manatili na lang sa ampunan; hindi naman siya mas mapanganib kaysa sa ibang mga bata roon. Dapat nagluksa na lang siya nang maayos sa pagkamatay ng mga kamag-anak niya, imbes na gamitin ang kanilang alaala bilang pang-udyok na maglakbay siya.
Wala naman pala sa kanya ang problema.
Sa ilalim ng pagod ni Anina, pumintog ang kanyang galit. Bakit walang ibang nakaaalam tungkol sa mga bakal na iyon? Ano'ng ginagawa ng malalaking tipak ng bakal na iyon sa ilalim ng baranggay niya? Sigurado namang may mga nakaaalam dati doon; nang hinukay ng mga taga-nayon ang mga bakal, nakahubog ang mga ito sa maiimis na hugis at nakabalot sa nabubulok na tela. Sa paglipas ng panahon, nawala ang kaalaman tungkol sa bakal na iyon, at ang mga tao ngayon ang nagdurusa dahil dito.
Huminto ang mga paa ni Anina. “Baka po... manatili muna ako dito.”
Tiningnan siya ni Lolo Sungid at ni Uwa. “Saan dito?” malakas na tanong ng matanda. “Dito sa yungib? Para saan?”
“Wala po akong babalikan. Wala diyan sa pupuntahan niyo po.”
Pero sa taas, sa tuktok ng bangin kung saan malamang nakatayo pa ang kampo, baka mayroon pang magawa si Anina. Kahit hind siya nagbago sa paraang inaahasan niya pagkatapos natuklasan ang lihim ng paglakas ng hiwaga, nabigyan pa rin siya nito ng isang kalamangan. Tulad nga ng sinabi sa kanya ni Sano, kung may matututuhan siya, dapat gamitin niya ito. Talaga ngang masasabing anak si Sano ng isang Tagaipon.
“Pasensya na po,” sabi ni Anina. “May isa pa po akong hihilingin.”
Kumirap si Lolo Sungid, bumalik ang pagkasungit. “O, ano na naman?”
“Mayroon po ba kayong pakal na maibibigay?” Minatyagan din ni Anina ang mahahabang patpat na nakapatong sa balikat ni Lolo Sungid, kung saan nakasabit ang mabibigat na bayong. “At baka sakaling isang patpat din po?”
Umangal at dumaing si Lolo Sungid, pero ibinigay niya ang mga hiningi ni Anina. Ibinalik ni Anina ang kumot at ang mangkok ng sabaw kay Lolo Sungid. Mausisang nakatingin sa kanya si Uwa, at binigyan niya ang bata ng maliit na ngiti.
“Salamat po sa inyong dalawa. Hinding-hindi ko po malilimutan ang kabaitan niyo,” sabi ni Anina. Tumikhim si Lolo Sungid, at nagpatuloy na sila ng bata sa madilim na dulo ng lagusan, iniilawan ng sulo na bitbit ni Uwa.
Tinahak ni Anina ang lagusan sa kabilang direksyon hanggang bumukas ito sa ilog. Makitid dito ang ilog, at nagluluksuhan sa isa't-isa ang mabubulang alon sa kanilang pagbagsak. Akala ni Anina sa una, matatakot siya o mahihilo, pero napapaalala lang ng ilog na ito ang ilog malapit sa ampunan kung saan siya unang tinuruan nina Kuya Aklin at Kuya Danihon kung paano pamahalaan ang tubig gamit ang hiwaga.
Kung babalik siya sa ampunan ngayon, walang makatitigil sa kanya. Akala nina Bunawi at Angtara na patay naman na siya. At napakaginhawa din na isiping mayayakap na niya muli sina Tita Aka at Tito Lukud, ang mga taong hindi nagdalawang-isip na kumupkop sa kanya. Napakasayang isipin na makikita niya muli ang ibang mga bata roon – o makakikilala ng mga bago sa ampunan, at makaririnig ng mga balita tungkol sa nakaalis na.
Ngunit makababalik nga ba si Anina doon, ngayong may mga taong nangangailangan naman sa kanya rito? Mahirap man paniwalaan, pero nabigyan si Anina ng pangatlong pagkakataon sa buhay. Hindi ba dapat gamitin niya ito para makagawa ng isang mahalagang bagay kahit isang beses man lang? Dahil sa kanyang pag-aakalang hindi siya karapat-dapat magkaroon ng pamilya at mga kaibigan, hindi lang napabayaan ni Anina ang sariling pangangailangan, ngunit pati na rin ang mga taong nangangailangan sa kanya. Nawalan siya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, hindi dahil sa tunay siyang panganib sa kanila, pero dahil nawalan siya ng pakialam sa lahat maliban lang sa sarili niya. Kinailangan pa siyang itulak sa isang bangin para maintindihan ang hangarin ni Sano na maging mahalaga at bahagi ng mundo.
Ngayon, nasa tamang lugar at tamang panahon si Anina para makatulong. Hindi man sapat ang lakas niya para taluhin ang hari, pero baka sakaling sapat ito para mapawi niya ang isang mas mapanganib na bagay.
Hindi makaakyat si Anina sa bangin dahil sa sugatang kanang kamay, pero sinabi ni Lolo Sungid na nasa isang kumpulan sila ng mga yungib, kaya kinapa niya ang daan pakanluran. Pasilangan ang daloy ng ilog kung saan siya natagpuan ni Lolo Sungid; ibig sabihin ang kampo sa tuktok ng bangin ay pasalungat sa daloy nito. Sa pasikot-sikot na mga lagusan ng mga yungib, may ilang mga naghahatid palabas sa tuktok.
Pagkalabas ni Anina sa pang-limang butas na sinubukan niya, nahanap niya ang sarili na pinapaligiran ng mga puno at palumpong. Gabi na at madilim ang gubat, pero hindi kasindilim ng mga yungib sa ibaba. Hinawakan ni Anina nang mahigpit ang patpat na inilaan sa kanya ni Lolo Sungid, binubuhay ang kalahati ng antong inukit niya rito. Binigyan siya ng kanyang hiwaga ng kaunting liwanag. Pagkatapos niyang humiwalay sa matandang lalaki at ang batang katulong nito, nagkaroon lang si Anina ng panahong magsulat ng isang madaling antong pampainit. Pero kahit papaano, nabawi na niya ang hiwaga niya.
Nakinig si Anina ng ilang sandali, hindi kumikibo. May mga tinig nagmumula sa timog, pero hindi malapit ang mga ito. Yumuko siya sa tabi ng mga palumpong, nakikinig, naghihintay. Malayo ang mga nag-uusap, at hindi marinig ni Anina kung ano'ng wika ang ginagamit nila.
Matagal nanatili doon si Anina, pero hindi lumapit o lumayo ang mga tinig. Nang nainip na siya, binawasan niya ang kanyang liwanag at nagsimulang lumapit sa mga boses. Kung hindi gumagalaw ang mga ito, ibig sabihin nakatigil ang mga nag-uusap sa isang lugar ngayong gabi. Kailangan niyang makita kung sino sila, para malaman kung malapit na siya sa kampo ni Bunawi.
Pumayat ang mga puno at numipis ang mga palumpong. Naging mabato at magaspang ang lupa sa ilalim ng mga paa ni Anina. Nang sinibat ang dilim ng isang kahel na ilaw, naaaninag ni Anina sa pagitan ng mga puno ang isang maliwanag na kapatagan. Nakasabit ang mga sulo sa mga haligi na nakapaligid sa mga dampa. Nagmumula ang mga boses na naririnig niya sa isang umpukan ng mga Dayungang mandirigma na nakatayong matamlay malapit sa gilid ng gubat.
Naabot ni Anina ang kampo ni Bunawi!
Hindi niya pinigilan ang malawak na ngiting dumapo sa mukha niya, habang yumuko siya at umurong. Mabuti ito – hindi pa sumusulong si Bunawi paloob ng Katam. Hangga't nandito pa sila ni Angtara, puwedeng makupit ni Anina ang mga itak nila. Pero bago iyon, kailangan niya munang siguraduhin na alam niya kung paano bumalik sa mga yungib, sakaling kailangan niyang lumisan nang mabilisan. Babalik siya sa kampo pagkatapos nito, para magmatyag-matyag.
Binuhay uli ni Anina ang kalahati ng anto sa patpat niya para magka-ilaw. Tiningnan niya ang sahig, hinahanap ang butas kung saan siya umakyat. Parang ang daming butas niyang inaakayatan kamakailan.
Napahinto bigla si Anina sa isang kaluskos. Kagyat niyang itinigil ang hiwaga niya, at nilunok siya muli ng dilim. May kumaluskos ulit, sa may kaliwa niya. Yumukyok si Anina sa lupa, iniingatang walang halaman na magalaw. Walang nakikita ang mga mata niya, naninibago sa pagkawala ng liwanag ng hiwaga. Nangangailangan ng isang makagagabay sa kanya, sinubukan niyang abutin ang puno sa kanyang tabi.
Sa halip, laman ang nahipo niya.
May suminghap, at inatras ni Anina ang kamay sa takot. Ngayong alam na niya na may nakakita na sa kanya, nagbuhos si Anina ng hiwaga sa patpat at iniharang ito sa kanyang tapat.
Nakatayo sa tabi niya ang isa sa mga mandirigma ni Bunawi. Hindi lang basta sinumang mandirigma, kundi isa na tadtad ng mga tato sa katawan.
Si Kuya Danihon.
“Ano – pa – sino – Anina, ikaw ba 'yan?” natatarantang ibinulong ni Kuya Danihon. Kumirat siya sa dilim. “Anina, ano sa ngalan ni Karingal ang ginagawa mong buhay pa, gumagapang sa sahig ng gubat? Muntik na kitang maihian!” At totoo nga, nasa may tali ng kanyang bahag ang mga kamay niya.
Hindi makakibo si Anina, nalilito kung tatalilis siya o kakausapin ang kuya. Pero si Kuya Danihon ang nagpasya para sa kanya. Yumuko ito at niyakap siyang mahigpit. Napakahigpit na nakakasakit na, pero umapaw pa rin ang luha sa mga mata ni Anina, luhang sanhi ng pagkaginhawa. Hindi niya inakalang magkikita muli sila.
“Ano ang nangyari sa 'yo?” tanong ni Kuya Danihon, mababa ang tinig na puno ng hinagpis. “Inalay ka ni Haring Bunawi. Nakita kong inilabas ka nila sa dampa kahapon ng umaga. Hindi pa kami nakababawi ni Aklin sa gulat, at ngayon – buhay ka pala! Ano ba ang nangyayari?”
Humiwalay si Anina para tingnan ang kapatid. “Ayos lang po ako,” sinigurado niya ito. “Talaga po, ayos na ako ngayon. May sumagip sa aking matandang lalaki sa mga yungib sa baba. Kayo naman ni Kuya Aklin? Ang ampunan? May ginawa ba si Bunawi–”
“Mabuti kami,” sabi ni Kuya Danihon. “Pati na rin ang ampunan. Sa ngayon, ang inaalala lang ng hari ay ang parugo.”
“Naganap na ba? Sino po ang nanalo?”
“Wala. Umihip ang Malagim na Hangin sa buong kampo pagkasimula nilang maglaban.”
Napahinto si Anina. “Naging kahoy ba sina Bunawi at ang Halimaw?”
“Hindi, binalaan sila bago mangyari iyon. Napahinto ni Ginang Nawa, ang punong katalonan ng hari, ang parugo bago makarating ang Hangin sa lugar ng labanan. Nakukutuban pala ng mga katalonan ang pagdating ng Hangin. Gayumpaman, pinampaliban muna ni Haring Bunawi ang parugo. Kung umiikot-ikot ang Malagim na Hangin, mapapatay nito ang isa sa kanila habang naglalaban sila, at walang halaga ang kalalabasan.”
“Danihon!” may sumigaw sa dako ng kampo. “Ayos ka lang ba? Ang tagal mo na!”
“Um...” Kumapa-kapa si Kuya Danihon, at pumigtas ng mga duhat mula sa isang malapit na puno. Pinisa niya ang mga ito sa malalaking kamao, at nagsanhi ng malalakas at mababasang tunog. Sumigaw siya pabalik, “Hindi maganda ang pakiramdam ko. May nakain yata akong bulok. Huwag kang lumapit! Baka mahimatay ka sa amoy.” Itinapon niya ang kalat na ginawa at ipinahid ang mga kamay sa bahag niya.
“Kadiri naman,” ungol ni Anina. “Mag-alay ka po para sa mga kinuha mo!”
Nginitian siya ni Kuya Danihon. “Kung pag-uusapan na rin lang natin ang pag-aalay, ngayong alam ko na nabuhay ka pala, sa tingin ko may isa pang dahilan kung bakit nag-aantala si Haring Bunawi. Mayroon siyang manghihiwagang-pilay! Hindi ginanap ang alay niya, dahil buhay ka pa.”
Sinalamin ni Anina ang ngiti ni Kuya Danihon, hindi inaasahan ang tuwang naramdaman sa pagkasira ng mga balak ni Bunawi dahil lang nakaligtas siya. “At paano naman si Dayang Yiling – ang Halimaw? Ayos lang po ba siya?”
“May manghihiwagang-pilay rin siya, pero sa tingin ko wala siyang maiaalay para gumaling. Pero masunurin naman ang Halimaw. Nagulat nga ako. Ipinangako daw ni Haring Bunawi ang parugo kapalit ng kanyang kasunuran. Sa tingin ko gusto niya talagang mabigyan ng pagkakataon na manalo.”
Lumingon si Kuya Danihon. “Kailangan ko nang bumalik, pero marami pa tayong dapat pag-usapan. Magkita ulit tayo dito bukas ng gabi. Susubukan kong isama si Aklin. Mag-ingant ka, a!”
Binalot niya ulit si Anina sa kanyang mga bisig, siguro para mapahid na rin ang natitirang katas ng duhat sa damit ni Anina. Pero kahit mas maikli ang yakap niya ngayon, ninamnam pa rin ni Anina ito. Ligtas ang mga kapatid niya. Hindi na niya kailangang alalahanin pa sila.
Tapat sa kanyang pangako, isinama ni Kuya Danihon si Kuya Aklin sa susunod na gabi. Nagulat din si Anina nang umiyak nang kaunti si Kuya Aklin pagkayakap sa kanya. Kadalasan, si Kuya Danihon ang may mas mababaw na luha sa kanilang dalawa.
“Hindi mo alam kung gaano kasakit sa amin ang nangyari.” Binitawan siya ni Kuya Aklin at tiningnan nang mabuti. “May mga marahas nang ginagawa dati si Haring Bunaw, pero ang pagtulak niya sa iyo sa bangin... sabihin na lang natin na kung hindi laging pinagbabantaan ng hari ang ampunan, titiwalag na sana kami noon.”
Hinawakan ni Anina ang mga braso ni Kuya Aklin. “Maayos na po ako ngayon. At sigurado naman napakarangal tingnan ni Bunawi kahapon, pinaparusahan ang isang salaring tulad ko. Madadamay lang po kayo kung kinampihan niyo pa ako.”
“Ngayong pinag-uusapan na natin ang mga salarin, nasaan si Matiban? Alam mo ba kung ano'ng kalagayan niya?” tanong ni Kuya Aklin.
“Sa huling pagkakita ko po sa kanya, naghihilom nang maayos ang sugat niya.”
“Talaga ba siyang isang taksil?” tanong ni Kuya Danihon, kumikislap ang mga mata sa pagdududa. Napagtanto ni Anina na umaasa pa rin ang kapatid na isang pagkakamali lang iyon.
“Opo,” sabi ni Anina, nanghihinayang sa paglungkot ng mukha ni Kuya Danihon. “Nagsasabwatan talaga sila ng Halimaw, matagal na.”
“Ganoon pala. Napakahirap lang paniwalaan. Totoong hindi naman siya naging palakaibigan, kahit sa amin nina Aklin, kahit na lagi kaming magkakasama sa mga tungkulan. Akala ko lang mapait ang nakaraan niya – hindi na binabalak niyang ipagkanulo kami.”
Pinisil ni Kuya Aklin ang mga balikat ni Anina. “Masaya akong nalamang buhay ka at makitang mabuti ang kalagayan mo, pero kailangan mo nang umalis. Hayaan mong isipin ng hari at ng bayi na patay ka na talaga.”
Nag-atubili si Anina. May kutob na siya kahapon pa lang na uudyukin siyang umalis ng mga kapatid niya. “May kailangan po muna akong gawin,” sinimulan niya. “Habang naglalaban sila, ginamit po ba ni Bunawi ang maganda itak niya? Iyong gawa sa hindi pangkaraniwang gintong-pilak na bakal?”
“Oo,” tiniyak ni Kuya Aklin. “Ano'ng kinalaman niyon?”
“Isang mandaraya si Bunawi,” sabi ni Anina. “Bago po ako ginawang alay, ibinunyag sa akin ni Angtara na ang mga itak na iyon ay gawa sa isang bakal na nagpapalakas ng hiwaga nila. Alam ko pong hindi kapani-paniwalang marinig, pero totoo ito. Naranasan ko mismo ang bisa ng bakal na iyon, dati sa luma kong baranggay. Isang mahabang paliwanag na wala po akong panahong ikuwento ngayon, pero kailangan kong kunin ang mga itak na iyon.”
“Anina, umuwi ka na lang,” nagmakaawa si Kuya Danihon. “Puwede ba? Hindi natin alam, baka kubkubin ang Katam, at mawawalan ka na ng pagkakataong umalis.”
“Naisip ko na rin iyon, maniwala po kayo.” Umiling si Anina. “Pero hindi tama sa akin na iwan ko lang ang mga makapangyarihang sandatang iyon sa mga kamay nina Bunawi at Angtara. Lalo na pagkatapos nang nangyari sa akin sa baranggay ko, o kay Sano sa Liman. Marami man akong hindi naiintindihan, pero alam ko po na hindi tamang gamitin ang mga mapanganib na sandatang iyon, lalo na para sa pagpapadakila lang.”
“Sa tingin mo dapat iba ang mamay-ari ng mga iyon?” tanong ni Kuya Aklin.
“Sa tingin ko po hindi dapat ginagamit ang mga iyon!” ang taltal ni Anina. “Nanakawin ko ang mga itak, at iaalay ko sa isang ahas-dagat.” Wala nang ibang paraan para masira ang mga sandata. Puwede sanang ihagupit ang hiwaga sa mga ito kung wala lang nakaukit na mga anto. Pero kahit wala, magsasanhi ang paghagupit ng malalang pananalanta. Ang pag-aalay ang pinakaligtas na paraan.
Tiningnan ni Anina ang mga kuya niya sa mga mata at hinawakan ang mga kamay nila. “Hindi ko hinihingi na isapanganib niyo po ang katayuan niyo sa hukbo. May dahilan kayong ipagpatuloy ang pagiging tapat dito, o kahit papaano, ang pagpapanggap na tapat. Kaya kung may makikita po kayong... kakaiba sa susunod na mga araw, huwag niyo na lang pansinin.”
Sumimangot si Kuya Danihon. “Ano'ng kakaiba? Ano'ng binabalak mo?”
Pinilit ni Anina na huwag ngumiwi. Hindi pa niya gaanong naiisip ang dapat niyang gawin.
“Banal na Karingal, wala ka pang plano, ano?” sinambit ni Kuya Aklin. Malakas siyang nagbuntong-hininga. “Pakinggan mo ako. Oo, ginagamit ni Haring Bunawi ang ampunan para kontrolin ang mga kilos namin ni Danihon, pero kamag-anak ka rin namin.”
“Tama!” dagdag ni Kuya Danihon, naiinis. “Kaya kung sa tingin mo hahayaan ka naming magnakaw ng mga itak, at maglakbay sa pinakamalapit na tubigan para maghintay sa pagsulpot ng isang maamong ahas-dagat habang nakatunganga ka lang, mali ka!”
Hindi alam ni Anina kung kakabahan siya o magpapasalamat na nakikisama ang mga kapatid niya. “Ano pong sinasabi niyo?”
“Ang sinasabi ko ay may isang taong kayang tawagin ang ahas-dagat dito,” ipinaalala sa kanya ni Kuya Aklin. Ang punong katalonan. “Uutusan sana ni Haring Bunawi na tawagin ni Ginang Nawa ang ahas-dagat sa Masagan para ipakita sa mga tao na inaasikaso niya ang Malagim na Hangin, na nag-aalay siya sa lahat ng mga banal na nilalang. Pero puwede naman niyang ipautos iyon kahit saan. Kinailangan nga lang niyang pumunta sa Masagan, at iyon ang ginawang palusot.”
“Mapapagkatiwalaan ba natin si Ginang Nawa na tulungan tayo?” tanong ni Anina.
Ngumisi si Kuya Danihon. “Sabihin na lang natin na nanghihinayang ang matandang katalonan sa hari. Sa tingin niya walang katuturan ang parugo, at sa halip, gusto niya sanang magbunsod ng maayos na pagsisiyasat sa Katam. Imbes na magpadala ng ilang daang mandirigma sa bayang ito.”
“Ilang daan?” Sa tingin ni Anina wala naman ganoong karami sa kampo.
“Nagtawag ng mas marami pang mga mandirigma si Haring Bunawi mula sa iba't-ibang panig ng kaharian para magtipon dito,” sabi ni Kuya Aklin. “Hindi maganda ang kinabukasan ng Katam, Anina. Kaya ka namin pinapaalis.”
“Aalis ako pagkatapos masira ang mga itak.” Tiyak na si Anina na kailangan nga niyang sirain ang mga iyon. Kung mapapatay ni Bunawi si Dayang Yiling sa parugo – at malamang mangyayari ito dahil sa itak – dadalhin niya ang kanyang hukbo at sasalantahin ang Katam. Pero kung mananalo si Dayang Yiling, mas malabo ang layunin ng hukbo. Mas madadaliang makipagtalo si Ginang Nawa kung nag-iisang sumasalungat si Angtara, kaysa kung makikipagtalo siya sa hari at sa bayi pa.
“Kakausapin namin si Ginang Nawa,” sabi ni Kuya Aklin. “Sigurado akong magagalit siya kapag nalaman niya kung ano ang kayang gawin ng mga itak na iyon, at kung ano ang mga pinaggagagawa ng hari at ng bayi sa mga iyon. Maghahanap kami ng paraan para makuha mo ang mga sandata. Tapos, umalis ka na.”
“Opo,” pangako ni Anina.