Kabanata 12

Tahong

Napuno ng malinamnam na lasa ang bibig ni Sano sa isang kagat ng malambot na baboy. Tamang-tama ang timpla ng pagkaasim ng suka at pagkaalat ng toyo sa tapang ng bawang. Masasabi ni Sano na ito ang pinakamasarap na pagkaing natikman niya. Magaling magluto ang ina niya, pero kadalasan, wala silang sangkap para makagawa ng pagkaing kalasa nito. Habang dinuduyan ng mga alon sina Sano at Anina, nagsalitan sila sa mangkok, kumukuha ng isang dampot ng kanin at ulam sa bawat palitan. Binuhay ng pagkain ang lakas na nilubog kanina ng pinag-uusapan nila.

Maganda ang naging araw ni Sano; walang nangyaring nakakahiya, at may masaganang kita pa. Ngayon, sa katahimikan at kalawakan ng gabi, hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. May masarap nga siyang pagkain sa tiyan, may lumiligalig naman sa kanyang isip.

“Darating ang panahon na mabubuhol nang mabubuhol ang mga kuwento tungkol sa akin, na wala nang maniniwala sa mga ito, 'di ba?” tanong ni Sano, sabay hugas ng mga kamay sa dagat. “Hindi ko kayang magnakaw sa mga maginoong Dayungan, magsanhi ng pagguho ng lupa, at magbigay ng mga pagkain sa mahihirap. Hindi ko kayang lumitaw sa dalawang magkalayong lugar nang sabay. Sino ba ako, ang Halimaw ng Katam?”

Inubos ni Anina ang natitira sa mangkok. “May katwiran ka, pero hindi maghihintay si Haring Bunawi na bumuhol nang ganoon ang mga sabi-sabi. Hinahanap ka na niya ngayon, at hindi siya titigil kung may laging nadadagdag pa na bago tungkol sa iyo.”

Naghilamos si Sano. Kung hindi siya tatantanan ni Haring Bunawi, hindi lamang siya mahihirapang makipagkita sa ina niya, patuloy ring manganganib ang mga buhay nila. Maliban kung nagpasya ang hari na wala nang saysay hulihin pa si Sano, marahil habambuhay silang mag-ina tatakbo nang tatakbo. Baka hindi na rin nila magawang magtago muli.

Subalit nais ba niyang bumalik sa pagtatago? Nakakasawa din ang liblib nilang buhay sa gubat, nakakasakal minsan ang pag-iisa. Kahit pa makatakas sila sa mga Lupang Dinalupig o sa mga Pulong Gamhana, parang pinalayas pa rin sila sa sarili nilang tahanan. Ibang uri lang ng pagtatago iyon. Wala bang paraan para mamuhay sina Sano at ang ina niya dito sa labas, malaya mula sa takot kay Haring Bunawi?

Sa harapan niya, dinudutdot ng paa ni Anina ang isa sa mga yantok na nasa ilalim ng bangka. Nakasimangot siya, at napagtanto ni Sano na sinusubukan niya uling ipadaloy ang hiwaga sa mga paa. Lumuhod si Sano, at inabot ang braso ni Anina.

“Hindi pa sanay ang katawan mo sa pagdala ng hiwaga sa paa mo,” paliwanag ni Sano. Itinaas niya ang manggas ni Anina hanggang siko, at inilapat ang yantok sa loob ng braso. “Simulan mo munang magsanay malapit sa kamay mo. Dahil kailangang makarating ng hiwaga sa palad mo, sanay na itong tahakin ang daang ito.”

Naghintay si Sano, pinapanood ang mga ukit ng anto para sa tanda ng pagdaan ng hiwaga. Hindi nagtagal bago kumislap ng asul ang isa sa mga anto, at suminghap si Anina.

“Ayan, nagawa mo na!” sabi ni Sano.

Nagpatuloy magsanay si Anina, nilalapat ang kanyang yantok sa may braso o siko, habang tumitibok ang hiwaga niya sa mga anto. Hindi pa rin alam ni Sano kung bakit nagsisikap matuto si Anina ng mga hiwagang pinagbabawal, lalo na dahil parang napakasunurin niya sa ibang mga batas. Ngunit may kutob si Sano na titikom lang si Anina kung magtatanong siya, kaya hinayaan na lang niyang magsanay si Anina nang walang abala. Napakalamlam kasi ni Anina kadalasan, na maganda rin siyang makita na, kahit hindi masigla, naaaliw sa isang bagay paminsan-minsan.


Akala ni Sano na ang pinakamalas na balitang mariring niya sa ngayon ay ang mapagbintangan bilang isang magnanakaw. Ngunit nang kinaumagahan, narinig nila ni Anina mula sa mga kapit-silid na parating na raw si Haring Bunawi sa Masagan.

“Dadalaw raw para makita ang mga ahas-dagat,” binanggit ng isang lalaki. “May baon daw siyang isang bangkang puno ng mga alahas pang-alay.”

Nakayukyok si Anina sa tabi ni Sano sa bahagi ng silid niya, nakasandal sa manipis na dingding. Hindi pa dumarating ang madaling-araw, pero maingay nang nag-aalisan ang mga kapit-silid nila. Dumadaing sila na hindi raw nila makikita ang hari at ang pag-aalay dahil aalis na sila ng Masagan. May iba namang umaasang makita ang hari at ang mga kasamahan nito sa daan papunta rito. Habang nag-uusap sila, nangangambang nakikinig sina Sano at Anina.

Mukhang hindi pa lubusang nagigising si Anina, sa pagsandal ng ulo niya sa pader, sa mga matang kalahati lang na bukas, at sa buhok na nakasabog sa mukha. Gustong tanungin ni Sano kung ano'ng gagawin nila, pero nahihiya na siya sa kakatanong niyon. Nakakainis na wala siyang mahanap na paraan para makaalis sila sa ganitong kalagayan, ngayong siya ang naglagay sa kanila rito. Buong buhay ni Sano, nangarap siya ng mga magagawa niyang dakila kapag nakalabas na siya sa wakas, at ngayon hindi man siya makabili ng ginataan, maski pangunahan ng isang hakbang ang hari.

“Aalis ba tayo?” tanong ni Sano. Wala na siyang ibang maisip imungkahi. “Ayos lang sa akin kung ayos lang sa iyo.”

“Hindi pa sapat ang ipon natin.” Nagbilang si Anina sa daliri. “May ilang araw pa tayo. Sinabi ng mga kapit-silid natin na kaaalis lang ni Haring Bunawi sa Munting Dayung, at matagal-tagal din ang paglakbay dito. Malalaman natin kapag malapit na siya, kasi maghahanda ang datu ng Masagan at ang Punong Arbitro sa kanyang pagdating.”

Pagkatapos, umusog pabalik si Anina sa bahagi ng silid niya, at hinila pasara ang kurtina. Tumatagos ang panglaw ni Anina kay Sano, para bang ulang bumabasa sa kanyang damit. Tinatagan ni Sano ang sarili laban dito; mas mahirap kung pareho silang magiging malumbay. At kahit ganito ang ugali ni Anina, naililigtas pa rin naman sila ng mga plano nito. Si Sano ang wala pang nagagawa; sunod-sunuran lang. Ang tanging silbi niya sa ngayon ay magbigay ng saya at pag-asa.


Pagkatapos iwanan ni Anina si Sano para pumunta sa mang-aalahas na pinagtrabahuhan niya kahapon, may lumapit na isang lalaki kay Sano.

“Ikaw ba si Sano?” tanong nito. Nakasuot siya ng maalikabok na putong sa ulo, at singkulay ang balat niya ng mga taong nagbibilad sa araw. Nagulat si Sano na alam ng lalaki ang kanyang pangalan, at namukhaan siya sa lahat ng mga naglilibot sa pamilihan.

“Opo,” sagot ni Sano. “May maitutulong po ba ako?”

“Aba, oo! Ako si Bikon, at may kasunduan ako kay Kathan, 'yung matabang nagtitinda sa palaisdaan na may bulok na ngipin. Kilala mo siya?” Hindi hinintay ni Bikon ang sagot ni Sano. “Ganito kasi. May alam akong bahagi ng tabing-dagat na hindi gaanong pinupuntahan ng tao, lalo na kapag mataas ang dagat. Malawak ang sakop ng mga tahong doon, at gustong ipatipon ni Kathan ang mga iyon ngayon, habang naghihintay pa ang mga katunggali niya na bumaba ang dagat. Nagsang-ayon na kami sa halaga kung makakukuha ako ng mga lalangoy at maibibigay natin sa kanya ang mga tahong ngayong araw din na ito. May bayad ka kung tutulong ka.” Binigyan ni Bikon si Sano ng isang maamong ngiti. “Marami akong narinig tungkol sa 'yo sa mga nakalipas na araw. Sabi nila ikaw raw ang tanungin kung may kailangan.”

May mga nagsasabi ng magaganda tungkol sa kanya? Akala ni Sano hindi na siya makalalayo doon sa nakakahiyang nangyari sa mangkakahoy kamakalawa. Ngayon, siya pa ang mismong nilalapitan ng ibang mga tao sa palengke.

Mabuti ito. Kung iniisip ng iba na masipag siya at mapagkakatiwalaan, malabong may makakapag-ugnay pa sa kanya sa manghihiwagang pugante. “Sige po, tutulungan ko kayo!” sabi ni Sano.

“Maraming salamat kung ganoon!” tinapik ni Bikon si Sano sa likod. “Ang pinakamaganda pa'y desperado si Kathan na makuha ang mga tahong, kaya handa siyang magbayad ng isang saga ng pilak sa bawat manlalangoy.”

“Sa bawat manlalangoy?” Kung may isang sagang pilak sila, maaari nang umalis sina Sano at Anina mula sa palengke kinaumagahan. Hindi na nila aalalahanin na matatagpuan sila rito ni Haring Bunawi. “Sige po!”

Masayang humiyaw si Bikon, at dinala niya si Sano sa dalampasigan, palayo sa pamilihan at sa daungan. May mga talampas sa kanluran na nakausli sa dagat, kaya sumakay sila ni Bikon sa isang balasian para maikot ang mabatong bangin. Malawak ang talampas, pero may isang bahagi nito na nakaurong pabalik sa lupa at bumubuo ng maliit na awang, puno ng mga bato at buhangin. May anim na taong naghihintay na roon.

“Dito tayo,” sabi ni Bikon, sabay hila sa sagwan. “Iyon ang ibang mga manlalangoy na nahanap ko na. Sa tingin ko may sapat na tayo para magsimula.”

Nang lumapit sila sa ibang nagpapahinga sa awang, kumaway si Sano at nagpakilala. May tatlong balubatang babae na magkakahawig, at dalawang binata na mukhang kasinggulang ni Sano.

Hindi nagsinungaling si Bikon sa pagbatid niya na punong-puno ang lugar na ito ng mga tahong. Ang mga batong nakasilip sa ibabaw ng tubig ay kinukumutan ng mga tahong na handa nang pitasin. Nang sumisid si Sano sa tubig, saan man siya tumingin, tinatakpan ng mga tahong ang sahig ng dagat. Kumuha siya nang kumuha hanggang wala nang magkasya sa mga kamay niya. Umahon siya mula sa mga alon, at lumangoy pabalik sa awang kung saan naghihintay ang anim na bugsok.

Pabalik-balik si Sano sa dagat at sa awang, nagtitipon ng mga tahong hanggang puno na ang mga kamay o hindi na siya makahinga. Maligamgam ang tubig, at kahit kumikirot ang mga mata niya sa alat, natagpuan ni Sano na nasisiyahan siya sa trabahong ito.

Umalis si Bikon nang tanghali para bumili ng makakain. Labis ang tuwa ni Sano nang bumalik ang lalaki na may dala ng makatatalo kahit sa adobo ni Anina kagabi: ginataang baka!

Umahon sina Sano at ang ibang mga manlalangoy mula sa tubig at umupo sila sa mga bato o sa buhangin. Nakatanggap ang bawat isa sa kanila ng isang mangkok ng kaning nakalubog sa malapot at mabangong sabaw ng niyog, na may gulay at labot ng baka. Sumubo si Sano ng kanin at ulam. Napuno ang bibig niya ng tamis ng gata at alat ng bagoong. Gusto na niya sanang lamunin ang buong nilalaman ng mangkok sa isang langhap, pero nilakasan niya ang loob. Nagpasya siyang maging matapang at magtira ng kaunti kay Anina.

Habang kumakain, napansin ni Sano ang pagkiwal ng ahas-dagat sa abot-tanaw. Tinuruan siya ng ina niya kung paano maaninag ang mga nilalang na ito; hawig sila ng mga alon ng dagat sa umpisa, hanggang matutuhan mo kung paano maibukod ang kanilang kulay at galaw. Hindi lumalapit ang mga ahas-dagat sa tahanan ni Sano sa may paanan ng bundok, kahit kapag lumilipad ang mga ito, pero dito sa Masagan, minsan daw umaakyat pa ang mga ahas-dagat pataas ng mismong daungan.

Biglang lumipad ang ahas-dagat na tinitingnan ni Sano sa himpapawid. Nauntol ang paghinga niya sa pag-akalang lalapit ito, pero nagpagulong-gulong lang ang ahas-dagat sa hangin. Kumislap ang mga kaliskis nito sa tirik na araw, bago bumulusok pabababa at nagpasaboy ng malaking alon. Hindi man nanghinayang si Sano sa maikling pagtanghal ng nilalang. Napakaganda pa rin ng nakita niya. Isang sulyap lang, at talagang malalaman na kung bakit banal ang mga ahas-dagat.

Pagkatpos nilang kumain at magpahinga, sumisid uli sina Sano at ang iba pang mga manlalangoy para kumuha ulit ng mga tahong. Nang napuno na ang mga bugsok, pinahinto na sila ni Bikon. “Ang sisipag niyo!” pinuri niya sila. “Ayos talaga itong nagawa niyo. Tatawagin ko na 'yung mangangalakal ng isda, at babalik kami kasama ng isa pang bangka para sa mga bugsok.”

Naghintay sina Sano sa may awang, pinanonood ang paglubog ng malaapoy na araw. Nilalasap lang niya ang banayad na hangin at mahinahong lagaslas ng mga alon nang lumitaw ang isang bangka mula sa kabila ng talampas. Nakapagtataka, may isa lang, at ang dalawang nakasakay dito ay hindi kamukha ni Bikon o ng isang mangangalakal. Nakabihis ang isa dito ng pantanod ng pamilihan, at ang kasama niya ay isang katalonan.

Bumigat ang puso ni Sano. May nangyari bang hindi maganda?

“Hoy, kayong mga ungas diyan!” sigaw ng tanod. “Bawal pumasok sa baybay na 'to!”

Tumayo si Sano mula sa batong inuupuan. Naglaho ang ginhawang suot niya ng parang pangalawang balat buong araw, tulad ng isang along umaatras sa buhangin.

Nagsagwan ang tanod sa tabing-dagat at tumalon mula sa bangka. Sinundan siya ng katalonan. Isa-isa niyang tiningnan ang mga manlalangoy, bago sinilip ang anim na bugsok ng tahong na tinipon nila.

“Hindi, hindi tama iyan.” Iniling niya ang ulo niya, at nagbabaan ang mga kilay, pati na ang bigote. “Nakalaan ang hibaybay na ito kay Ginang Tali. Binayaran niya ang Datu ng Masagan para sa pansariling gamit nito ng isang buwan. Hindi kayo puwedeng pumarito basta-basta at magkukukuha ng mga gusto niyo.”

“Mayroon po kaming kasunduan sa isang tindera,” sinimulan ni Sano. “Binanggit po ni Bikon ang pangalan niya. Kat...na? Kathan? Parang ganoon po. Isang mangangalakal po raw siya na may bulok na ngipin.”

Nagpalitan ng nalilitong sulyap ang tanod at katalonan. “Wala akong kilalang ganyan,” ungot ng tanod. “At baliwala 'yon. Kung hindi ka nakipagsunduan kay Ginang Tali, wala kang karapatang maglagi dito. Kukunin ko ang mga ito.” Itinulak niya si Sano patabi, at nilapitan ang mga bugsok.

“Sandali lang po,” sabi ni Sano. “Bakit hindi niyo po kausapin muna si Bikon? Sigurado po akong hindi lang tayo nagkakaintindihan.”

Tiningnan ni Sano ang ibang mga manlalangoy. Bakit siya lang ang nagsasalita? Sigurado namang alam din nila ang kasunduan ni Bikon at matutulungan nilang patunayan ang sinasabi niya. Ngunit nakayukayok lang sila nang malayo sa tanod, nakatitig sa buhangin na parang nahihiyang itingala ang mga ulo.

“Kausapin?” inulit ng tanod, at tumawa siya ng isang magaspang at malibak na halakhak. “Sa tingin mo ba makikiusap ako sa mga salarin?” Kumaway siya sa katalonan. “Kunin mo ang antas ng mga hiwaga nila.” At sa mga manlalangoy, sinambit niya, “Magbabayad kayo ng dalawang saga ng pilak bilang multa sa paglabag ng batas, at dadagdagan ng tubo ayon sa lakas ng hiwaga niyo.”

Dalawang saga ng pilak!

Halos bumigay ang mga tuhod ni Sano. Hindi lang siya walang kikitain na isang saga ng pilak, tulad ng pinangako ni Bikon, pero magkakaroon pa siya ng utang! Sumibad ang isip ni Sano, nangangapa ng sapat na maitututol, nang hinawakan ng katalonan ang kamay niya. Pagkalipas ng isang saglit ng tahimik na pakikiramdam, ipinahayag ng babae na makakukuha siya ng dalawampung bahagdang tubo.

Naaaliw tiningnan ng tanod si Sano. “Mataas ang tubong iyan, a.” Ngumisi siya. “Bundat na bundat sa hiwaga, wala nang paglalagyan ang utak, ganoon ang iba sa inyo.”

Lumapit si Sano sa tanod. “Kung maari po, hintayin niyo si Bikon. Maipapaliwanag niya ang lahat. Sinikap po naming tipunin ang mga ito.” Inilapat niya ang kamay sa balikat ng tanod, pero biglang umurong ang lalaki, na para bang puno ng putik ang kamay ni Sano. Naghampas ang tanod ng kamao, at ang susunod na namalayan ni Sano, nakahiga siya sa sahig, nakadiin ang mukha sa buhangin. May matalas na sakit na gumuguhit sa kanyang leeg at hindi niya maramdaman ang pisngi niya.

Nang sinubukan ni Sano na itulak ang sarili mula sa basang buhanging, tinamaan ang tiyan niya ng isang sipa, at napahiga ulit siya. Nawalan siya ng hininga, at nahihirapan siyang bawiin ito.

“Batang mangmang,” ungol ng tanod. “Huwag mo akong hahawakan. Isa pang kalahating saga ng pilak ang babayaran mo sa ginawa mong 'yan.”

Napasutsot si Sano, kinakapos ang hininga. Sa halip ng hangin, buhangin ang nahigop niya. Umubo siya at lumiyab lalo ang sakit sa kanyang tiyan. Dumaing si Sano, inipon ang lakas, at inahon ang sarili. Paano niya nagawang magtayo ng pader pansagabal sa padating na gumuhong lupa, ngunit ngayon hindi man lang niya naiwasan ang isang suntok? Hawak ni Sano ang leeg niya sa isang kamay at ang pisngi sa kabila. Nang nakatayo na siya, nailagay na ng tanod at ng katalonan sa bangka ang anim na bugsok.

Tumayo ang tanod sa harap nila, nakalabas ang pakal. Umatras si Sano.

“Kailangan niyo nang magbayad.” Inabot ng tanod ang kamay, at nagsimulang maglabas ang ibang mga manlalangoy ng mga butil ng salapi mula sa mga bulsa o lukbot.

“Wala po kaming gaanong pera,” sabi ng pinakamatandang babae. “Ito lang po talaga ang mayroon kami. Hindi namin kayang bayaran ang buong multa.”

Dinakma ng tanod ang mga butil ng tumbaga mula sa kamay ng babae. “Kung gayon, mananatili kang may utang, hanggang nabayaran mo na nang buo ang multa, pati na ang tubo.”

Ibinigay rin ng dalawang binata ang mga pera at alahas nila sa tanod. Hindi gaanong mamahalin ang mga alahas – maninipis na tansong lang na nakabuklod sa braso nila o sakong – pero kinuha pa rin ng tanod.

Nang tumingin ang tanod kay Sano, ang nagawa lang niya ay ibigay ang kinita niya kahapon. Kung hindi niya gagawin kahit iyon, baka taasan lang ng tanod ang utang niya ulit.

Pagkatapos natanggap ang mga bahagyang bayad mula sa kanilang lahat, binilang ng katalonan ang mga saga, at tinaya niya ang halaga ng mga alahas. Umiling siya. “Kahit kalahati, hindi aabot.”

“Sabi ko na nga ba walang pakinabang ang mga ito.” Dumura ang tanod. “Kawawa kayo. Baka higit pa sa isang taon niyo mababayaran ang mga utang niyo. Aba ay, parang alipin na rin kayo!”

Nagsimulang suminghot-singhot ang isa sa mga babae, at hinaplos ng mga kasamahan niya ang kanyang likod.

“Pero mabait naman ako,” pinagpatuloy ng tanod. Tumuwid ang pagtayo niya, at tinitigan silang lahat sa mga mata. “Hindi naman ito kailangan umabot sa Punong Arbitro o sa Datu. Paano kung patawarin ko na lang ang mga utang niyo?”

Nakalog yata ang utak ni Sano ng suntok sa mukha. Saan ba papunta ang sinasabi nito?

“P-papatawarin niyo po ang utang namin?” tanong ng binata sa kaliwa ni Sano. Napasinghap ang umiiyak na babae, at nagdaop ng mga kamay sa pag-asa.

“Oo.” Nagkibit-balikat ang tanod, na para bang baliwala lang ang utang nila sa tulad niya. “At kung may gumagana diyan sa mga ulo niyo, wala kayong pagsasabihan nito. Dahil kung hindi, maririnig ito ni Ginang Tali. At hindi siya naaawang madali katulad ko. Ilihim na lang natin ang katangahan niyo at ang kabaitan ko.”

Pagkatapos, nagsiksikan ang tanod at ang katalonan sa punong bangka, na dumuyan nang kaunti pag-apak nila sa loob. Sumagwan sila paalis, at kahit isang beses hindi lumingon pabalik. Pinanuod sila ni Sano umikot sa talampas, nababagabag. Paano niya maipapaliwanag ang lahat ng ito kay Bikon?

Humarap si Sano sa ibang manlalangoy, handang bumuo ng plano kasama nila. Nagulat siya nang tumalikod bawat isa sa kanila at sumisid sa mga alon.

“S-saan kayo pupunta?” sigaw ni Sano sa kanila, pero nilunod yata ng ingay ng mga alon ang kanyang tinig, o baka ayaw lang talagang manatili ng ibang mga manlalangoy. Naiwan si Sano sa awang. Ang mangkok ng ginataang itinira niya kay Anina ay nahulog mula sa batong pinagpatungan niya, natapon ang laman.

Gusto sanang hintayin ni Sano si Bikon, nangangating may pagsabihan ng buong pangyayari, pero lumulubog na ang araw. Manganganib siya kung lalangoy siya sa dilim, lalo na ngayong may pasa ang tiyan niya at naninigas ang kanyang leeg. Dahil wala nang ibang paraan, lumusob na rin siya sa dagat, iniingatang manatiling malapit sa talampas, pero inaalagaang hindi tumama ang mga paa sa mga bato.

Nang nakaladkad na ni Sano ang sarili pabalik sa palengke, sumasakit na ang mga bisig at binti niya, kulubot ang balat niya, at parang may batong sumisibol sa kanyang pisngi. Natagpuan rin niya, habang lumalangoy, na may sugat ang kanyang labi.

Sa tagpuan nila, nakita ni Sano si Anina nagpapabalik-balik ng lakad. May hawak siyang nakatiklop na dahon ng saging. Malmang hapunan niya.

Napansin siya ni Anina, at napahinto ang paglalakad at nanlaki ang mga mata. “Sano! Ano sa ngalan ni Karingal ang nangyari sa 'yo?” Tumakbo si Anina palapit, sinakbat ang isang braso ni Sano sa balikat, at tinulungan siyang lumakad pabalik sa kanilang bahay-panuluyan. Patungo roon, ikinuwento ni Sano lahat ng nangyari.

“O Sano, napakamangmang niyon,” sabi ni Anina. Uminit ang mukha ni Sano sa hiya. Alam niyang naging mangmang siya, pero parang naging mas toto pagkasabi ni Anina.

Nang nasa silid na sila, ibinaba ni Anina si Sano sa sahig. Gamit ang pampalamig na anto sa yantok niya, nagpatigas si Anina ng tubig at ibinalot sa isang basahan. Humaluyhoy si Sano nang inilagay ito sa pisngi niya, nakakamanhid ang lamig sa kanyang namamagang pasa.

“Panlilinlang iyon. Siguradong kasabuwat din si Bikon. Pati na ang katalonan, sayang naman.” Hinilot ni Anina ang noo niya. “Ito na nga ba ang inaalala ko.”

“Patawad,” sabi ni Sano, isa pa sa mga kinasasawaan na niyang sabihin. “Habol ko kasi 'yung sagang pilak.”

Malungkot tumawa si Anina. “Walang nagbibigay ng isang sagang pilak sa paglangoy!” Hinihilot niya ang leeg niya at pinapantay ang mga tapis. Nararamdaman ni Sano na naiinis si Anina, pero pinipigilan niyang pagalitan siya. Nararapat lang magalit sa kanya si Anina. Lalo na kapag naiisip ni Sano na tuwang-tuwa siya kanina, habang niloloko na pala siya.

Nagpatigas pa si Anina ng tubig para sa tagiliran ni Sano. Halos hinihiling ni Sano na sigawan na lang siya ni Anina, pero pagkatapos siyang pagsabihan na magpahinga, tahimik umurong si Anina sa kabilang bahagi ng silid. Tinitigan ni Sano ang mga barakilan sa bubong, guwang ang dibdib. Maganda sanang ibaon ang masasamang pakiramdam niya doon sa mga kahon sa kanyang isip, pero sa tindi ng pagkahiya niya, pakiramdam ni Sano na baka hindi rin dapat guminhawa ang kanyang loob.