Kabanata 23

Salubong

Dumagasa si Sano sa gubat, hindi pinpansin ang mga sangang humahagupit sa pagdaan niya. Nanginginig siya sa dahas, at pakiramdam niya parang sasabog siya kung wala siyang gagawin agad. Nag-aagusan palabas lahat ng damdaming ibinaon niya sa mga kinathang kahon. Ang kagipitan, ang pagsisisi, ang agam; pinapaypayan ng mga ito ang kanyang galit. Hindi niya matandaan kung kailan siya nagalit nang ganitong katindi.

Hindi naman ang mga salita ni Anina ang nagpaliyab sa kanya. Kundi dahil nanggaling kay Anina mismo ang mga salitang iyon.

Natagpuan ni Sano ang sarili sa tapat ng kubo ni Dayang Yiling, kung saan nakasukot si Matiban sa tabi ng apoy. Hindi man namalayan ni Sano na doon siya dinala ng mga paa niya. Binigyan siya ni Matiban ng nagtatakang tingin, parang naramdaman ang pagbabago sa kalagayan niya.

“Ano'ng nangyari?” tanong ng mandirigma. “May nahanap ka ba sa pagsisiyasat?”

“Nandito po ba si Dayang Yiling?” tinanong pabalik ni Sano. Halos hindi niya matunugan ang sariling boses, ngayong ipit ito sa galit.

Pumaram ang damdamin sa mukha ni Matiban, at tumayo siya. Lumipas ang isang saglit bago siya sumagot. “Pumunta na ng Liman.”

“Ano? Kaagad? At hindi niya po ako sinama?” Hindi alam ni Sano kung bakit makirot iyon, pero pinalakas pa nito ang sakit at inis na kumukulo na sa loob niya.

“Ayaw ni Dayang Yiling maulit ang nangyari noong isang gabi,” matatag na ipinaliwanag ni Matiban. “Gusto lang niyang maglakbay ng mabilis. Tutal, kailangan niyong magpahinga ni Anina–”

“Hindi ko kailangan!” Tumaas ang balahibo ni Sano. Kahit minsan lang, Banal na Karingal, may mangailangan sana sa kanya. Kahit minsan lang, may mag-isip namang may magagawa siya. Tumakbo siya paloob ng kubo, sinaklot ang kanyang balabal at mga sandatang may anto, at lumabas ulit.

“Ano'ng gagawin mo?” tanong ni Matiban.

“Pupunta sa Liman.” Binuksan ni Sano ang balabal, hinawakan ang mga dulo, at nagpabuga ng malakas na ihip ng hangin dito. Lumutang siya sa langit, umaalingawngaw ang mga sigaw ni Matiban kasunod niya.


Hindi pa nakadadalaw si Sano sa Liman, pero ilang beses nang nabanggit ang baranggay na ito habang nag-uusap sila ni Dayang Yiling. Isa itong parisukat na purok sa gitnang-silangang panig ng Katam na nabuo nang nagsamasama ang apat na malalaking baranggay mga sampung taong nakalipas. Humirang ang mga baranggay na ito ng datu na ngayon ay isa sa mga iilang pinuno sa Katam na hindi pininili mismo ni Bunawi.

Ginamit ni Sano ang kaalaman niya tungkol sa Liman panggabay sa tamang direksyon. Sumapit na ang gabi, at may mga panahong natatakpan ng mga ulap ang buwan, at kinailangang huminto ni Sano dahil walang makita. Kapag lumiliwanag na lang ulit niya ibinubunsod ang sarili sa himpapawid. Kinalaunan, naaninag ni Sano ang isang anino sa harap niya, lumulundag nang nakababalaghang layo.

Nagbuhos pa si Sano ng hangin sa balabal niya. Marahil natamaan nito ang paglipad ni Dayang Yiling, dahil nauntol siya at lumingon pabalik. Sa susunod niyang pagbaba sa lupa, nanatili na siya doon, at bumaba si Sano sa tabi niya. Malapit na sila sa Liman, kung saan bumabalong ang pinakamalapit na sapa sa isang bana.

“Ano'ng nangyari?” sabi ni Dayang Yiling pagkalapag ng mga paa ni Sano sa lupa. Nagtatanong ba siya dahil hindi dapat si Sano naparito, o dahil napansin niya ang natitirang galit ni Sano? Halos nahupa na ang init sa loob ni Sano ng kanyang paglakbay sa langit; kinalag ng humahagibis na hangin ngayong gabi ang mapait na pagkabuhol sa sikmura niya.

“Sasama po ako sa inyo,” sagot ni Sano.

“Inutusan kitang magmatyag sa gubat.”

Napangiwi siya sa pagsalungat ni Dayang Yiling. “Alam ko po, pero gusto kong sumama sa inyo. Mahalaga ito.”

Umiling si Dayang Yilng, umuuga ang buhaghag niyang buhok sa galaw. “Sano, mahalaga rin naman ang pagsisiyasat. Hindi tayo lumayas nang tahimik sa Angbun. Maaaring may tumalunton sa atin sa gubat. Ikaw ang nakatakdang magsiyasat ngayong gabi.”

“Pinababalik niyo po ako?” tanong ni Sano.

Tinitigan siya ni Dayang Yiling, parang tinutusok ng nag-iisang mata, na pakiramdam ni Sano hihiwain siyang pabukas nito. “May nangyari,” pinansin ni Dayang Yiling. “Ano iyon?”

Ayaw sana ni Sano pag-usapan si Anina, pero walang katuturan na ipagkait pa niya ang kaalamang ito kay Dayang Yiling. Isinalaysay niya ang pasya ni Anina na umalis, at ang sumunod na away nila. Hindi nagawang banggitin ni Sano kung ano ang sa tingin ni Anina ang nagawa niya sa kanyang baranggay, pero parang sapat na ang paliwanag na ibinigay niya.

Humingang malalim si Dayang Yiling. “Hindi natin mapipilit manatili si Anina kung gusto niya talagang umalis. Alam kong mahirap ito para sa 'yo dahil malapit ka sa kanya–”

“Hindi po.”

“A... sige. Sano, sa totoo lang, maginhawa ang loob ko na aalis si Anina.” Nagulat si Sano nang marinig ito, pero hinayaan niyang magpatuloy si Dayang Yiling. “Kung sumama ka sa kanya, baka mas giginhawa pa ako. Isinasapanganib kita sa pagpayag kong samahan mo ako, hindi lang sa mga pulong, pero pati na sa mismong bahay ko. May dahilan kung bakit kami lang dalawa ni Matiban ang kumikilos nitong mga nakalipas na taon. Papakiusapan ko na rin sana kayo ni Anina na umalis kung hindi lang kayo mas manganganib nang mag-isa. At,” tumawa siya nang marahan. “Kahit makasarili man ito, maganda ring malaman na may gustong sumama sa akin kahit hindi ko pinipilit.”

Nasiglahan si Sano sa mga salitang ito at naluwagan nang kaunti ang loob niya. “Ibinahagi ko po sa inyo ang kabataan ko,” sabi niya. “Tungkol kay Ina at ang paghihimagsik. Wala kaming aabangan sa buhay kung hindi magbabago ang kalagayan ng Katam.”

“Alam ko.”

“Babalik pa po ba ako?”

Tumingin si Dayang Yiling sa likuran niya sa maaninong balangkas ng Liman. Halos naroroon na sila. “Sumama ka na rin,” sabi niya, ngunit mabagal, parang nag-aatubili pa rin. “Hayaan mo ako lang ang makipag-usap ngayon. May mga nagawa ako dito sa Liman na puwede kong gamiting insentibo. 'Di tulad ng Angbun, natulungan ko na ang baranggay na ito dati. Ayaw ko man magmukhang naniningil, pero kung gigipitin ako, ibubunyag kong naglihis ako ng tubig dito noong malalang tagtuyo tatlong taong nakalipas. Baka mas gumaan ang loob nila sa aking kung gayon.”

Walang mga pader ang Liman tulad ng Angbun, pero ang timog na bahagi nito ay napapalibutan ng bana, at kinailangan nilang mag-igpaw nang malawak para makarating sa matatag na lupain. Mas malapit na sa madaling-araw kaysa sa hating-gabi nang nakapasok sila sa baranggay. Sinundan ni Sano si Dayang Yiling habang nilakbay niya ang daan papunta sa gitna nito. Nananatili silang dalawa sa mga anino. Pagkatapos ng maiksing panahon – na ang pinakamalalang panakot na hinarap nila ay isang malaking butiki – narating din nila ang kumpulan ng mga bahay-pandatu.

Hindi alam ni Sano kung matatawag nga niyang 'kumpulan' ang mga tirahang ito. Isang malawak na bahay lang ang bumubuo rito, at mas masasabi itong isang grupo ng magkakakabit na mga kubo na iba't-ibang laki. Siguradong inabot ito ng napakaraming buwan na gawin. Napapalibutan ang gusali ng simpleng hardin puno ng gumamela, sampaguita, at waling-waling. Sa likuran ng mga ito may mga puno ng malunggay, saging, at ilan pang hindi mamukhaan ni Sano sa dilim.

“Gagawin lang din po ba natin ang ginawa natin sa Angbun?” tanong ni Sano kay Dayang Yiling. “Baka matagalan ka pong hanapin ang silid ng datu sa ganyang bahay.”

“Hindi ko na kailangan,” sagot ni Dayang Yiling. “Alam ko kung nasaan ang silid niya. Pero bago tayo pumasok, may gusto akong ipangako mo sa akin. Kung may masamang mangyayari, gusto kong lumisan ka agad, naiintindihan mo?”

Nagbantulot si Sano – tutal, hindi siya pumarito para wala lang gawin. Subalit katunog ang tinig ni Dayang Yiling ng tinig ng ina niya. Tunog na nagsasabing mas nakaaalam sila, at nagpapatiwala sa kanya na totoo iyon. Kaya sumang-ayon siya.

Kinalabasan, nasa labas na bahagi ng bahay ang silid ng datu, dahil ang ginawa lang nina Sano at Dayang Yiling ay umikot sa gusali at lumusot sa isang bintana. Walang tao sa silid na pinasukan nila. Ang nasa loob lang nito ay mga palasang upuan, isang papag na puno ng mga unan na napakaginhawang tingnan, at isang sabitan ng mga itak sa pader. Sa labas ng silid, may umiiyak na sanggol.

Bumukas ang pinto ng silid. May umusad paloob na isang lalaking kinukuskos ang mga mata. Hanggang balikat ang buhok niya, at nakasuot siya ng kulay putik na baro na may paguhit na disenyo.

“Datu Dulan, upang parangalan ang dugong dating nag-ugnay sa atin, gawin natin itong kanlungan ng mga salita.” Inulit ni Dayang Yiling ang pag-aalok ng mapayapang pulong na ibinigay niya rin sa datu ng Angbun.

Napalundag sa takot ang lalaki at ibinagsak ang pinto pasara. Inamba niya sa kanyang harapan ang isang itak mula sa sabitan, at sumilip sa mga anino. “Ikaw!” suminghap si Datu Dulan. “Ang dami kong narinig tungkol sa 'yo. Akala ko nabaliw na ang mga tao! Pero nandito ka at – sandali, sino ka nga ba?” Kumitid ang mga mata ng datu at hinigpitan ang hawak sa itak. “Ikaw ba ang lumang lakan, katulad ng pinapalabas ng mga alamat?”

“Hindi, wala na siya,” sagot ni Dayang Yiling. “Anak niya ako.”

“A, maipapaliwanag niyan ang tapis na suot mo.” Ibinaba nang kaunti ni Datu Dulan ang itak, pero nanatiling mahigpit ang hawak niya. “May dumating na mangangalakal kahapon, naghatid ng balita mula sa Angbun. Sinubukan daw ng Halimaw ng Katam patalikurin ang datu roon sa hari, tapos nang hindi sumang-ayon ang datu, sinunog daw niya ang bahay nito at winasak ang halamanan.”

“Pinalubha lang ang mga alingasngas na iyon,” tugon ni Dayang Yiling. “Pumunta ako doon para humingi sana ng tulong. Nakasagupa ko ang hari sa Masagan–”

“Narinig ko rin iyon,” sumabad si Datu Dulan. Nagbuntong-hininga siya at iniling ang ulo. “Sige, ganito ang gagawin ko. Magkukunwari ako na lahat ng narinig ko sa mga lumipas na araw ay hindi lang sanhi ng isang kasakitan sa ulo ng mga madla. Tama ba ako kung sasabihin kong nandito ka para hingin ang tulong ko? Tutal, walang nagbunga sa pagpunta mo sa Angbun.”

“Ganoon na nga,” sabi ni Dayang Yiling.

Nagpasalit-salit ang tingin ni Datu Dulan kina Dayang Yiling at Sano. Pagkatapos ng mahabang sandali, ibinaba na niya sa wakas ang itak, at isinukbit ito sa may balakang. “Ano ang makukuha ko?” tanong niya. Nag-iba ang bikas niya. Tumuwid ang mga balikat, tumaas ang baba, at nginitian sila ng malawak. “Tiyak maganda kung nanggugulo ka nang ganito.”

“Kasarinlan,” sagot ni Dayang Yiling. “Ng Katam.”

“At sino ang mamumuno diyan sa bagong Katam? Ikaw?” May duda ang tingin ni Datu Dulan.

“Kung sino man ang pinakamahusay mamuno,” ang balik ni Dayang Yiling.

“At paano mo makakamit ang kasarinlan na iyon?”

“Hahamunin ko ang hari sa isang parugo.”

“A.” Mas lumaki ang ngiti ni Datu Dulan, at tumango siya, parang naiintindihan sa wakas ang balak ni Dayang Yiling. “At gusto mo akong sumama sa iyo para ipanagot ang karapatan mong hamunin ang hari.” Napasipol siya. “Mapanganib iyan. Sobrang mapanganib. Sa tingin ko hindi mo pa napag-iisipang maayos iyan. Hindi ko itinatanggi na makapangyarihan ka ayon sa mga sabi-sabi, pero may pagkakataon pa ring matalo ka ni Haring Bunawi. Kapag nangyari iyon, kung kakatigan kita, ang baranggay ko ang unang susunugin niya sa lupa. At may pagkakataon din na hindi ka makaaani ng sapat na pagtataguyod – at kung ganoon, hindi rin tatanggapin ng hari ang paghamon mo. At, kahit sabihin na natin manalo ka pa, pero iiwan mong bukas ang upuan ng lakan para sa 'pinakamahusay mamuno,' ibubunsod mo ang buong Katam sa isang digmaang pambayan dahil pag-aagawan ng mga datu ang upuang iyon.”

“Pinag-isipan ko na lahat ng mga iyan,” ang salungat ni Dayang Yiling. “Pero maaamin mo rin na ang pinakamahalagang magagawa natin ngayon ay talunin si Bunawi. Kahit hindi tayo kusang humarap sa kanya, susunugin din naman niya ang mga baranggay natin. Ano man ang mangyari pagkatapos nating talunin siya, mapapaghandaan naman natin nang sama-sama, hindi ba? Marahil hindi nga natin kailangan ng lakan. Walang lakan dati ang Gila bago ito sumama sa Dayung. Tiyak namang kaya nating... magtulong-tulungan lang.”

Tumawa si Datu Dulan. “Magtulong-tulungan? Baka noong unang panahon, noong namumuno pa ang ama mo, kaya ng mga Kataman na makisamang maayos sa isa't-isa. Pero kung hindi mo pa napapansin, biyak-biyak na ang mga tao rito. Pinagod na tayo ng paghihirap at pinapoot ng patimpalak. Handa tayong itaboy ang kabayan natin kung ibig sabihin ay makakukuha tayo ng isang butil ng puri mula sa hari. Tutal, kung mapapasaya natin ang hari, gagantimpalaan tayo. Kung papasayahin lang natin ang isa't-isa, wala tayong mapapala. Mahihirap tayong lahat.

“Wala akong lubusang pagmamahal kay Haring Bunawi, pero kailangan mo akong ikumbinsi na makalalabas tayong mas mabuti pagkatapos ng iyong parugo sa hari kaysa kung mananatili tayong sakop niya. At doon ko lang pag-iisipang panagutan ka.”

Hindi ito ang masiglang tugon na hinihiling sana ni Sano, pero may katuturan at pag-asa na rin ito. Hindi rin ni Datu Dulan tinalikuran agad ang kanilang alok. Hindi rin niya sinigawan at ipinagkanulo si Dayang Yiling, o pinahabol sa kanyang mandirigma katulad ng ginawa ng datu ng Angbun.

“Ngayon, kailangan ko na kayong paalisin,” patuloy ni Datu Dulan. “Buong gabing may sumpong ang sanggol ko, hindi pa ako nakakakuha ng isang pikit ng tulog, at kailangan niyong lumisan bago mahulaan ng mga naghahanap sa inyo na ako ang susunod niyong kakausapin.”

Naghintay si Sano para makita kung pipilit pa si Dayang Yiling, pero tumango lang siya sa datu at sinabi, “Salamat sa pakikinig.”

Inudyok ni Dayang Yiling na lumabas na si Sano bintana. Nauna siyang umakyat sa dungawan, sinusubukang makalapag nang maayos at nang tahimik sa kabila.

Baliwala lang pala ang pag-iingat niya.

Biglang nagsilabasan mula sa likuran ng mga puno ang ilang mga tao. Parang mga pulubi sila, nakasuot ng maruruming basahan. Ngunit sa kanilang mga kamay, may bitbit silang mga pambihirang patpat na may anto – katulad ng yantok ni Anina, pero gawa sa bakal.

Lumamig ang dugo ni Sano. Tinambangan ba sila ulit? Bago pa siya makalingon para balaan si Dayang Yiling, lumabas ang Halimaw sa bintana at kagyat pinalibutan ng mga pulubi.

“Ano sa ngalan ni Karingal ang nangyayari diyan sa labas?” Sumilip sa bintana si Datu Dulan, sabay tarak ng mga pulubi sa lupa gamit ang mga patpat.

Sa isang marahas na tibok ng hiwaga, humaba ang mga bakal pataas at palihis, binabagtasan ang isa't-isa hanggang nakatayo si Dayang Yiling sa gitna ng isang kulungan. Nagiba dito ang dingding ng silid ni Datu Dulan, at gumuho ang malalaking piraso ng mga kahoy at palasan.

Nagulat lang ng isang iglap ang datu, tapos itinaas niya ang itak niya. “Ano'ng ibig sabihin nito–” sinimulan niya, pero may sumingit na isang tinig na natunugan agad ni Sano.

“Kung ako sa 'yo, mananahimik ako.” Lumabas si Angtara mula sa halamanan, hindi suot ang kamutya-mutyang panamit na nasanay si Sano na makita sa kanya. Sa halip, pangkaraniwan at gulanit ang bihis niya. Kahit na; makikilala ni Sano ang tinig nito kahit saan. “Hindi magandang nahuling lumalabas ang Halimaw sa silid mo, datu. Huwag ka nang maghukay ng mas malalim na puntod. Alam nating dalawa na kayang-kaya kong ipapatay lahat ng tao dito sa baranggay mo kung gusto ko.”

Inangat ni Angtara ang puluhan ng itak niyang nakabalot sa isang tela. Hinatak niyang paalis ang taklob, at ipinakita ang pagkahubog ng hawakan sa hugis ng ahas-dagat. Natunaw ang lito sa mukha ni Datu Dulan, pinalitan ng pamumutla. Tumigas ang paningin ng datu.

“Mga mandirigma ni Haring Bunawi,” sabi niya.

“Sa kabaligtaran, mga mandirigma ko,” itinama ni Angtara. Binigyan niya ng matalas na ngiti ang datu. “Baying Angtara, siguradong kilala mo ako. Pero parating na rin ang ama ko at ang mga mandirigma niya, huwag kang mag-alala.”

“Sano!” Matagal na yatang tumatawag si Dayang Yiling. “Sano, umalis ka na!”

Kinalag ng mga daliri ni Sano ang balabal niyang nakabalot sa balakang. Ayaw niyang iwanan man si Dayang Yiling, pero kailangan niyang panindigan ang pangako niya. Pinagpag niyang pabukas ang balabal, hinawakan ang mga dulo, at sa isang iglap lang, nakataas na siya sa langit.

Ngunit sa isang iglap din, bumagsak siya pabalik sa lupa. Nabinat ulit ang pilay niyang halos nahilom na. Sa lakas ng pagtama ng ulo ni Sano sa sahig, may kuminang na mga tala sa paningin niya. Nang nahimasmasan siya, natagpuan niyang kinakain ng gutom na apoy ang kanyang nalaglag na balabal. Binutas ito ng isang nasusunog na pana.

“Ayaw ko muna siyang umalis,” sabi ni Angtara habang naglalakad papunta sa kulungan ni Dayang Yiling.

Inilagay ni Dayang Yiling ang mga kamay niya sa bakal at sinubukang hilahin sila palayo. Bumaluktot at nangulubot ang mga ito sa lakas niya, pero bago lumaki ang agwat para makalusot siya, may hiwagang nagpatuwid sa mga bakal muli, at nanatiling makitid ang awang. Sa buong haba ng mga bakal, may biglang sumibol na maliliit na tinik. Napahiyaw si Dayang Yiling at binitawan ang mga rehas.

“Nakakatuwa, 'no?” Lumingon si Angtara kay Sano. “Ginaya ko ang anto ng mga tinik ng kaibigan mo noong sinaktan niya ang ama ko.”

Napalunok si Sano. Ang balabal niya ay isang tambak na lang ng mga watak-watak at maabong sinulid ngayon. Masyado nang sira ang mga anto rito na kahit pa mapatay niya ang apoy, hindi na niya mabubuhay ang antong hahabi muli sa balabal.

Hinataw si Sano ng matinding sindak, parang isang alon na lumagpak sa dalampasigan.

Subalit katulad ng isang alon, umurong din ang sindak agad. Napalitan ito ng galit, malamig at mabigat at makatarungan. Bumagal ang paghinga ni Sano. Lumiwanag ang paningin niya. Sa pagmamasid sa nasusunog niyang balabal, naala niya ang panahong hinabi nila ng kanyang ina ito, at lumiyab ulit ang pag-iinit na ginatungan ni Anina kaninang hapon. Hindi niya hahayaan ang sariling mawalan ng laban dito. Hindi niya hahayaang ibaliwala siya ulit.

At ngayong wala na siyang paraang tumakas, wala na ring katuturan ang pangako niya kay Dayang Yiling. Umahon si Sano, hindi pinapansin ang sakit sa sakong.

Pinahaba ng mga tao na nagtayo ng kulungan ang bakal sa ilalim ni Dayang Yiling; wala rin ngayong tuwirang daanan ang hiwaga ng Halimaw sa lupa. Sinusubukan pa rin niyang hatakin ang mga bakal kahit may mga tinik, pero laging bumabalik ang mga ito sa kanilang tamang hugis.

May dumating na panibagong pangkat na mga mandirigma, at sa gulat at lito ng mga ito, naisip ni Sano na alagad sila ni Datu Dulan. Itinaas ng datu ang kamay niya para patigilin sila, at humumpay naman sila, hindi tiyak kung ano'ng gagawin. Kahit parang hindi kasabwat ng bayi ang datu, wala rin gaanong tulong makukuha sina Sano at Dayang Yiling mula sa kanya.

Ang patuloy na pagbuhos ng hiwaga mula sa mga mandirigma ni Angtara ang nagpapatibay sa kulungan. Kung ililigtas ni Sano si Dayang Yiling, kailangan niyang ilayo ang mga manghihiwagang iyon. Lumuhod siya, umukit ng anto sa sahig, at nagpadanak siya rito ng nakasisilaw na simpok ng hiwaga, hanggang nagkaroon ng mga pawang sa ilalim ng kamay niya. Kahit hindi niya nakikita, alam niya na malalim ang abot ng mga pawang na iyon, tumatahak ng daan papunta sa tubig sa ilalim ng lupa. Hinigop pataas ng hiwaga ni Sano ang tubig, at pumulandit ito mula sa mga pawang.

Kinuha ni Sano ang pakal na nakasukbit sa baywang niya. Hinati niya ang kanyang hiwaga para ipadaloy ang bahagi nito palabas ng paa, at ang iba palabas ng kamay. Sumikat ng bughaw ang isang anto sa pakal, humahalo sa liwanag na lumalabas sa sahig. Nang sinaksak ni Sano ang pakal sa pumupulandit na tubig, bumaluktot ang agos at bumuhos sa mga mandirigmang nakapalibot kay Dayang Yiling.

Mas mainam ang tudla ni Sano sa inasahan niya. Tinangay ang ilan sa mga manghihiwaga ng malupit na agos, at nawala ang pagkakapit nila sa kulungan.

Sinubukan ulit ni Dayang Yiling ang mga bakal, at ngayon, bumigay na ang isa sa mga ito. Ngumiwi siya, idinidiin ang kapit ng mga kamay sa mga tinik. Lumaki na ang agwat.

May sumabunot kay Sano at hinila ang ulo niya pabalik. Dumikit ang malamig na talim ng itak sa lalamunan niya.

“Pakawalan mo ang hiwaga mo,” utos ni Angtara. Kinaladkad niya si Sano palayo sa bukalan ng tubig. Ngayong wala nang hiwagang bumubuhay sa anto, pinawi ito ng lumalalim na lusak. Humina ang daloy ng tubig, bago tuluyang nawala. Mabigat ang puso ni Sano habang pinanuod ang pagbalik ng mga manghihiwaga ni Angtara sa pagpapatibay ng kulungan.

“Sasabihin ko kung ano'ng gagawin natin,” ipinahayag ni Angtara sa malakas na boses. “Halimaw, iinumin mo ang ibibigay namin sa iyo. Kung hindi, papatayin ko itong batang ito.”

Dumaan ang isang taong may hawak na mangkok.

“Lason?” binigkas ni Sano.

“Ha, kung nais kong patayin ang Halimaw, ipinatusok ko na sana ang katawan nito sa mga bakal, hindi ipinakulong. Gusto ng Halimaw ng isang parugo, 'di ba? Edi tutuparin namin.” Iyon, ito... tinutukoy pa rin ni Angtara si Dayang Yiling na parang isang bagay, hindi tao. “Mapagbigay naman ang ama ko. Sa toto lang, pinahirapan niyo lang ang mga sarili niyo, nagpalibot-libot sa Katam, ngayong puwede naman kayong dumeretsong humiling ng parugo sa ama ko.”

Hindi gumalaw si Dayang Yiling. Hindi man lang niya pinansin ang taong may mangkok. Kasing walang-imik niya si Datu Dulan na nakatayo sa gitna ng silid, nasusulyapan ni Sano sa mga butas sa pader nito. May binabalak ba silang dalawa?

Ang naiisip lang magawa ni Sano ay saksakin si Angtara. Maitim na balak ito, at nanginginig na ang kamay niya sa pag-iisip pa lang dito. Masusugatan pa ba kaya siya ni Angtara kung sasaksakin niya siya? Paano kung pumalya si Sano? Paano kung hindi? Mapapatay nga ba niya ang bayi ng Dayung? Tumatambol na naman ang puso ni Sano. Ang malamig na galit na umudyok sa kanya kanina ay naglaho na, ginapi ng lumalakas na takot.

“Hindi ko uulitin ang sarili ko! Uminom ka na, o pa – a!” Napasigaw si Angtara, at bumaba ang braso niya. Lumagapak sa lupa ang itak – kumikinang ang kakaibang gintong-pilak na bakal nito sa liwanag ng buwan.

Kinalag ni Sano ang sarili mula sa hawak ni Angtara. Nang kumaripas siya palayo, napansin niyang may pakal na nakasaksak sa likuran ng bisig ni Angtara, at tumatagos ang dugo ngayon sa manggas ng bayi.

Hinanap ni Sano ang taong naghagis ng pakal. Nang nakita niya kung sino iyon, muntik nang bumigay ang mga tuhod niya, at halos mailuwa niya ang lumundag niyang puso sa kanyang nakangangang bibig.

Nakatayo hindi kalayuan sa kanya, pumapagaspas ang talukbong sa banayad na hangin, ay ang ina ni Sano.

Kumurap si Sano ng ilang beses, hindi sigurado kung binibiro lang siya ng mga mata, kung naulol na siya sa pagod at kahirapan ng lumipas na mga araw. Pero hindi, ang babae doon ay talaga ngang ina niya. Matuwid at matatag ang pagtayo nito, nagsasalubong ang mga kilay sa katalasan ng pagsusuri; isa itong itsura na buong buhay nakikita ni Sano. Humigpit ang lalamunan niya sa pakiramdam na matatawa o maiiyak – baka sabay pa nga. Kagyat nawala ang takot niya, walang sinabi sa mainit na ginhawa at saya na pumuno sa kanyang dibdib.

Banal na Karingal, nandito ang ina niya! Pero siyempre, nandito siya. Kung kaya ng isang tulad ni Angtara na hulaan ang dadalawin ni Dayang Yiling, siyempre kayang-kaya rin ng ina ni Sano.

Sinapian si Sano ng matinding pagnanasang tumakbo sa kanyang ina na parang isang munting bata, pero napatigil siya sa nababagot nitong tingin. Itinaas ng ina niya ang isang daliri at binuo ng mga labi ang, “Huwag kang gumalaw.”

Sa lupa, nakahinahon na si Angtara. Kahit nasaktan ang kanan niyang braso, nagawa niyang damputin ang itak gamit ang kaliwa.

“Ikaw pala,” binati ng ina ni Sano si Angtara habang naglalakad palapit sa kanila. “Matagal na rin tayong hindi nagkikita. Naaalala mo pa ba ako?”

Kumitid ang mga mata ng bayi, tapos tumawa siya. “Hindi! Hindi ko naugaliang pansinin ang mga pulubi.”

Ginaya ng ina ni Sano ang magagad na ngiti ng bayi. “A, iyan talaga ang kahinaan mo. Baying Angtara, ang piniling dalubhasa sa Katam, hindi nakita ang isang paghihimagsik na nabubuo sa harapan niya.”

Isang makapal at malagkit na usok ang umangat mula sa lukbot sa baywang ng ina ni Sano. Dumaan dito ang isang daliri niya, pero sa halip na maparam ito, gumalaw ang usok sa guhit na tinatahak ng daliri. Gumagamit siya ng balot-usok, nagsusulat ng anto sa hangin mismo.

Sinampal ng ina ni Sano ang mga kamay sa mausok na anto. Nakakasilaw ang pagkabughaw ng mga titik, at isang makulog na ugong ang lumabas sa mga ito. Tinakpan ni Sano ang mga tainga niya, nararamdaman ang sikdo sa mga buto. Pero si Angtara ang natamaan nang husto. Pumalag siya sa sahig, tumutulo ang dugo sa tainga na hindi niya natakpan.

Tumakbo ang ina ni Sano sa bayi, habang hinahatak ang sariling itak mula sa panakip nito. Ngunit bilang isang bihasang mandirigma, naiangat agad ng bayi ang sariling itak para harangin ang paglusob sa kanya. Nilihis niya ito, at tumayo uli mula sa pagkaupo. Pero dahil sa nadaling tainga, wala siyang balanse at patisod-tisod ang paggalaw niya, tila isang lasing. Sinusunggaban siya ng ina ni Sano, hindi matago ang sariling suklam. Kumakalampag ang mga itak nila sa isa't-isa, nagsasanhi ng mabuway na indayog.

Umigtad si Angtara sa gilid, pero dumulas siya at natumba. Hinampasan siya ng ina ni Sano, at humagis ang itak ng bayi. Bumagsak ito malapit sa paanan ni Sano. Tinitigan lang niya ito ng ilang sandali, nabibighani sa pagkinang ng bakal. Ngunit luminaw muli ang paningin niya, at nangibabaw ang isang anto sa itak, parang isang tali sa dagat ng mga walang-hanggang alon. Sinulyapan ni Sano si Dayang Yiling na, kasama ng ibang mga mandirigma, ay nag-aalalang nanonood sa labanan ng kanyang ina.

Kinupit ni Sano ang itak at sumibad papunta sa kulungan.

“Huwag!” sigaw ni Angtara, pero nang umungol ito, inisip ni Sano na ang ina na niya ang mag-aasikaso sa bayi. Ito ang itak na ginamit ni Angtara pambitak sa lupa noong tumatakas sina Sano at Anina sa kakahuyan. Gamit ito, hindi na niya kailangang magsulat ng mga antong mabubura rin. Matutulungan niyang makawala si Dayang Yiling.

Biglang natauhan ang iba sa mga mandirigma ng bayi, at tumakbo sila para harangan si Sano. Pinilit niyang bilisan ang pagtakbo, pero nang tiyak na mahaharangan nila siya bago pa niya maabot si Dayang Yiling, hindi na siya naghintay. Itinarak niya ang itak sa sahig, at itinulak ang kanyang hiwaga sa antong nagbibiyak ng lupa.

Ang inaasahan ni Sano ay mga lupang tinik na kasingtaas ng tuhod niya. Sa halip, nalagot ang lupa sa buong purok, napakatindi, na tila ang mga bathala mismo ang pumupunit sa mundo.

Sumulpot ang malabundok na lupa mula sa sahig. Nabitawan ni Sano ang itak, natatakot at nalilito – pero tumaas din bigla ang lupa sa kinatatayuan niya at tinangay siya nito papunta sa langit. Mailap na lula ang dumaloy sa katawan ni Sano habang kumakapit siyang mahigpit sa bato. Sa buong paligid niya, nasulyapan niya ang pagsibol ng mga matatalim na burol na umaabot sa himpapawid. Nagbibitbit ang mga ito ng mga bahagi ng atip, kahoy, at palasan. Naghahalo ang malalakas at kakila-kilabot na tili sa pagkawasak ng paligid nila. Nalalasahan ni Sano ang dugo sa bibig.

Huminto bigla ang pagtaas ng lupa sa ilalim ni Sano, pero tinilapon pa siya pataas ng buwelo nito. Sa isang kawalang-bigat na sandali bago siya bumagsak sa mga dambuhalang tinik sa baba, natagusan ang kanyang lito ng isang kaliwanagan: lumakas ang hiwaga niya. Hindi niya alam kung paano, pero sigurado siyang nangyari ito. Kung ano man ang nangyari sa hiwaga ni Anina noon, nangyari din sa kanya ngayon.

Iyon ang huling naisip niya bago siya hinatak pababa ng daigdig at dumilim na ang lahat.