Kabanata 4
Mga Batas ng Hiwaga
Paglabas nila ng gubat, namangha si Anina sa pagsasalamin ng langit sa kanyang damdamin. Matamlay at makulimlim, nagpapahiwatig ng pangangamba ang langit sa pagtatago nito sa makapal na kumot ng ulap.
Alam ni Anina, noon pa, na mayroong panganib sa paghahanap sa Manghihiwagang Lingid, pero sinapalaran pa rin niya sa pagkat wala na siyang iba pang malalapitan. Karamihan ng mga manghihiwagang pinagtanungan niya ay nagbigay ng sagot katulad ng kay Sano, at hindi rin nakatulong ang mga katalonang kaya niyang bayaran. May alam lang sila tungkol sa pagkawala ng hiwaga ng ibang mga manghihiwaga, hindi ang paglakas.
Itinuturi ni Anina na magkahalong biyaya at malas nang may nagbanggit sa kanya tungkol sa Manghihiwagang Lingid. Noong umpisa, ayaw pa niyang hanapin ito. Ang huling nais niya ay makipag-ugnay sa mga lumalabag sa batas, ngunit nagbago rin ang isip niya dahil sa kagipitan. Maraming buwan ang lumipas bago nakaipon si Anina para sa paglalakbay at sa pambayad na sana'y sapat para sa Manghihiwagang Lingid.
Subalit nandito siya ngayon, muntik nang hindi makatakas sa pakikipaglaban sa dalawang mandirigma ni Haring Bunawi. At dumating pa ang Malagim na Hangin! Hindi na nga niya natanggap ang sagot na hinahangad niya, naglalakbay pa siya ngayon kasama ang isang pugante. At marahil pugante na rin siya.
“Ah, ang ganda naman ng langit!” sabi ni Sano, nanlalaki ang mga mata sa pagkamangha, at unat na unat ang mga labi sa pagkangiti. Napatingin ulit si Anina sa itaas, baka sakaling may hindi siya napansing bahagi ng langit na hindi pala mapanglaw.
Hindi niya alam kung ano'ng iisipin kay Sano. Payat ang binatang ito, may matapang na punto, at makaluma ang mga damit. Hindi naman sa hindi masasabi ni Anina ang mga ito tungkol sa sarili rin niya, pero kahit papaano, nagagawa niyang manamit ng pang-Dayungang ang mga kulay at disenyo. Habang lumalabas sila ng gubat, sumisigla nang sumisigla si Sano sa inaabangang paglalakbay nila. Kung hindi sila magkasama kahapon, hindi aakalain ni Anina na kawawasak lang ng buhay ni Sano. Baka sinusubukan ni Sano na takpan ang lungkot niya gamit ang sobrang kasabikan.
Isang kalbong dalisdis ang nasa harapan nila, tuyong lupa na tinutuldukan ng mga bato at munting palumpong. Pagkalampas nito ay isang malawak na kutad na kapatagan. May mga namumuhay rito sa kalat-kalat at maliliit na baranggay. Binago nina Anina at Sano ang unang balak na tumungo sa laot, at sa halip pinili nilang magpakanluran. May daan dito papuntang bayan ng Gila na may maraming matutuluyan, kung saan madaling makukuha nila ang kanilang mga pangangailangan.
Mula sa kinatatayuan nila, naaaninag ni Anina ang balangkas ng isang munting baranggay. Iyon ang kailangan nilang marating bago gumabi.
“Talaga bang hindi ka pa nakalalabas ng gubat?” tanong ni Anina habang bumababa sila. Kaaakyat lang niya nitong paanan ng bundok noong makalawang araw, bitbit ang marupok niyang pag-asa na makahanap sa wakas ng taong may alam kung paano lalakas ang isang manghihiwaga.
“Nakarating ako sa tabing-dagat sa hilaga,” sagot ni Sano. “Kapag hindi kami makahanap ng pagkain ni Ina sa gubat, sinusubukan naming mangisda. Ikaw, saan ka nakatira? Sa pagsasalita mo, parang kabayan kita, hindi tulad ng mga mandirigmang dumating. Nakatira ka ba sa malapit na baranggay?”
Napagtanto ni Anina na nagka-Kataman siya simula nang nagkita sila ni Sano. Nakapagtataka. Hindi niya inakala na ganoon siyang kabilis babalik sa dating nakasanayan. Matagal na rin buhat nang huli siyang nagsabi ng maraming salita sa katutubong wika.
“Hindi ako nakatira sa isang lugar,” tugon ni Anina.
Lumulukso pababa si Sano sa mga mabuhanging bato, pero huminto siya at tiningnan si Anina. “Ano'ng ibig mong sabihin? Siguradong may tahanan ka.”
“Wala,” inulit ni Anina. “Naglalakbay lang ako. Pumupunta ako sa iba't-ibang baranggay, sumusulat at bumubuhay ng mga anto kapalit ng pagkain o kaalaman. Minsan binabayaran ako ng ibang manlalakbay bilang bantay sa mga magnanakaw.”
Hindi man minimithi ni Anina ang buhay ng isang manlalakbay, hindi rin niya kayang manatili sa isang lugar hangga't hindi niya natutuklasan ang lihim sa paglakas ng hiwaga.
Kinapa ni Anina ang bitbit niyang batong sagisag ni Likubay, bathala ng mga manlalakbay at ng mga nawawalang bagay. Nakasanayan na niyang ginagawa ito. Nasa isang bulsa ng kanyang bayong ang sagisag para madaling kunin kapag kailangan niya. Kaninang umaga, habang natutulog pa si Sano, nag-alay si Anina sa mga diwata sa gubat, panunuyo sa gulong nangyari nang nagdaang araw. Pagkatapos nito, nag-alay rin si Anina kay Likubay. Bilang isang manlalakbay na walang pag-aari kundi ang kaya lang niyang bitbitin, umaasa si Anina sa biyaya ng bathala. At sa tingin niya, mas kakailanganin niya ang tulong nito ngayon.
“Paano ang mga kamag-anak mo?” pilit ni Sano.
“Namatay sila nang salakayin ang baranggay namin.” Pinuno ni Anina ng kalungkutan ang kanyang tinig para matakpan ang iba pa niyang nararamdaman tungkol sa pagkamatay nila. Madaling maintindihan ang kalungkutan. Ang pagsisisi, hindi gaano.
Napasinghap si Sano. “Nakikiramay ako.”
Pinasalamatan siya ni Anina, at hindi na nila pinag-usapan pang muli ang mga kamag-anak niya habang nagpatuloy sila ng paglalakad.
Sanay na si Anina sa pagkailang ng mga tao tuwing ibinubunyag niya na isa siyang lagalag. Tumitira ang karamihan ng mga tao sa isang purok buong buhay nila. Kaunti lamang ang mas pipiliing hindi maging bahagi ng isang pamayanan. Kahit ang mga taong pulubi at ang mga itinaboy ay mas nanaisin pang ipa-utang ang kanilang paglilingkod sa datu ng ibang baranggay kapalit ang pagsapi roon. Wala namang nakakahiya sa ganoon, at baka ginawa na rin ni Anina kung iba lang ang kanyang kalagayan.
Lampas na ng tanghali nang nakarating sila sa kapatagan.
“Magpahinga muna tayo,” sabi ni Anina. Mas malayo ang lalakarin patungo sa baranggay, at mukhang hinihingal na si Sano.
Umupo sila sa mga bato, at inilabas ni Sano ang mga natirang prutas kaninang umaga. “Pinag-iisipan ko ang kasunduan natin,” sabi niya, bago kumagat sa isang balimbing. “Baka mas madali kung sabihin mo sa akin ang mga alam mo tungkol sa hiwaga. Maraming itinuro sa akin si Ina, pero hindi niya laging binabanggit kung ano dito ang puwedeng gamitin sa kaharian.”
Kumuha si Anina ng isang saging mula sa piling. Kung may isang magandang kinalabasan ang palpak na paghanap niya sa Manghihiwagang Lingid, ito ay ang alok ni Sano na ibahagi kay Anina ang mga kaalaman niya sa hiwaga. Kung sakaling hindi rin siya mabibigyan ng Manghihiwagang Lingid ng mabisang sagot sa paglakas, baka makabuo si Anina ng kasagutan sa mga matututuhan niya.
“Alam ko ang mga patakaran, ayon sa batas ng kalikasan,” sabi ni Anina, nagsimula sa pinakamadali. “Una, tumatalab lang ang hiwaga sa mga bagay o kagamitan. Hindi nito naiiba ang mga tao, hayop, o nabubuhay na halaman. Pangalawa, maaari lang baguhin ng hiwaga ang isang bagay papunta sa kasing-uri nito. Puwedeng maging buhangin ang isang bato, pero hindi ginto.”
“O sige,” sabi ni Sano. Yumuko siya at dumampot ng maliit na bato. “Malamang alam mo rin kung ano ang mga dapat mong iwasan. Ano'ng mangyayari kung binuhusan mo ng hiwaga ang isang bagay na walang anto?”
Bago siya mapigilan ni Anina, ginawa ni Sano ang tinanong niya. Pumutok pataas ang bato, at naglaglagan ang mga durog-durog na mga bahagi nito sa lupa.
“Ano ba!” angal ni Anina. “Alam mong masasaktan ka!”
“Kaunti lang naman.” Binuksan at isinara ni Sano ang kamay niya para pahupain ang sakit na alam ni Anina ay nararamdaman niya. Wala man gaanong panganib sa maliit na batong iyon, pero naranasan na ni Anina ang matinding kahihinatnan ng pagtulak ng hiwaga sa isang bagay na walang anto.
Tinatawag itong paghagupit ng hiwaga. Kapag walang anto na maaring buhayin, pupunuin lang ng hiwaga ang isang bagay, at ito'y sasabog. Ang mga taong hinahagupit ang kanilang hiwaga ay nakararanas ng masakit na pagtalbog na kasinlakas ng itinulak nila. Minsan hindi lang ang mga nadamay sa pagsabog ang namamatay, pero namamatay rin ang mismong manghihiwaga sa pagtalbog ng kanyang paghagupit.
“May iba pa bang kailangan alalahanin?” udyok ni Sano, nalimutan na ang ginawa sa bato.
Umiling si Anina sa kapusukan ni Sano, pero sinagot niya ang tanong. “Puwedeng isulat ang mga anto sa kahit ano'ng wika, ngunit mas mainam sa mga manghihiwaga kung bubuhayin lang ang mga naiintindihan nila.” Ito ang dahilan kung bakit pinagbawal ni Haring Bunawi ang magsulat ng anto sa mga wikang hindi Dayungan. Dahil marami nang nasakop na mga bayan ang kaharian, mas maingat kung magsusulat ang mga tao sa isa lang wika.
Tumango si Sano. “Alam mo ba, may mga anto na mas mahabang isulat sa Dayungan kaysa sa ibang wika na gumagamit lang ng ilang titik? Naaaliw ako sa mga ito.”
Yumuko ulit si Sano, pero kumuha lang siya ng isang siit. May isinulat siya sa mabuhanging lupa na hindi maintindihan ni Anina. Hindi nasa Kataman o Dayungan ang mga titik nito. Huminto si Sano pagkatapos ng tatlong titik lang.
“Ang ibig sabihin ng maikling anto na ito ay 'hatiin ang bato sa limang bahaging magkakasinlaki,'” paliwanag ni Sano. “Galing ito sa isang bayan sa mga Lupang Dinalupig, kung saan halos dumurugo ng ginto ang mga bundok. Isipin mo na lang kung gaano kabilis mo mapapagana ang antong ito, kung gaano kakaunti ang hiwagang kailangan mong gamitin.”
May katwiran si Sano tungkol sa maliksi na anto, pero hindi iyon ang umagaw sa pansin ni Anina. “Ilang wika ang alam mo?” tanong niya.
“Tinuruan ako ni Ina na magbasa at magsulat sa sampu. Pero kaya ko lang makipag-usap sa apat. Mas maraming alam si Ina kaysa sa akin.”
Kung hindi sila nakatira sa kaharian ng Dayung, hahanga na sana si Anina. Ngunit dahil nandito sila, nag-alala siya sa ibinunyag ni Sano. Binura niya ang anto gamit ang paa. “Mabuti na alam mo ang mga ito, pero lagi mong tandaan na kapag nagsulat ka sa wikang hindi Dayungan, puwede kang hulihin, o baka na rin patayin. Isang malaking bahagi 'yan ng dahilan kung bakit ka pinaghahahanap ngayon.”
Nagkibit-balikat si Sano, tumamlay. “'Wag kang mag-alala, siguradong hindi ko kailangang humati ng bato sa limang magkakasinlaking piraso sa madaling panahon. Kinatutuwaan ko lang ang mga wika. Alam mo yung ka?”
“Oo.” Isang salita ito sa Kataman na naghuhulugang ‘maging tao’ o ‘mabuhay’ o ‘umiral.’ Pinagtataka ni Anina kung bakit hindi tatlong salita na lang sana ang ibinigay ng kanilang mga ninuno para ipagkaiba ang mga ito.
Idinagdag ni Sano, “Hindi ba nakakatuwa na may isa tayong titik na kumakatawan sa salitang ang daming kahulugan? Hindi pa ako nakahahanap ng katulad nito sa ibang mga wikang alam ko. Minsan, sa katuwaan lang, ilalagay ko ito sa mga manikang binubuo ko at susubukan kong buhayin ng hiwaga.”
Napatawa si Anina. “Akala ko ang mga batas lang ni Haring Bunawi ang sinusuway mo. Nanganganib din pala pati ang mga patakaran ng hiwaga sa iyo.”
Tumawa si Sano doon. Lumitaw ang kambal na biloy sa mga pisngi niya. “Naiinip lang ako! Minsan malungkot din sa amin dahil mag-isa lang kaming mag-ina.”
Hindi pa naisip ni Anina kung gaano nga kaliblib ang buhay ni Sano. Nag-aalala na baka umuwi ulit ang usapan sa mga buhay nila, tumigil siya at ibinalik ang usapan sa kanilang paglalakbay.
“Mas mabuti kung magda-Dayungan tayo palapit sa Gila,” ang mungkahi ni Anina. “Ayaw ng mga taong makarinig ng Kataman, lalo na sa mga mayayamang pook.”
“Ganoon na ba talaga kalala ang kalagayan natin sa kaharian?” tanong ni Sano.
“Malala? Hindi ko sasabihin 'yon. Mas gusto lang ng mga taong mag-usap sa Dayungan, o kahit na sa Gilan. Mas kagalang-galang ang mga wikang iyon.” 'Di katulad kay Sano, nagugustuhan lang ni Anina ang mga wika kung makakatulong sila sa kanya na makisama sa isang lugar. Kapansin-pansin na nga siya kahit saan pumunta dahil sa matapang niyang puntong Kataman. Ang magagawa na lang niya ay magsalita sa wikang mas gustong marinig ng mga tao.
Isinabit nila ang mga bayong sa balikat at sinimulan ang paglalakad sa mabatong kapatagan. Mabilis-bilis ang tulin ng paglakad na itinakda ni Anina para malayo ang marating nila. Sa umpisa, nakakasabay naman nang maayos si Sano. Pero ilang sandali pa, nagsimula na siyang maiwan. Naging paghingal ang paghinga niya, at namutla ang balat. May manipis na linya ng pawis sa kanyang noo kahit hindi tirik ang araw. Hindi naman huminto si Sano, pero pumayag na si Anina na magpahinga sila sa gitna ng hapon.
Nagsimulang mag-alala si Anina na hindi nila maaabutan ang baranggay bago sumapit ang gabi. Kadalasan, ayos lang sa kanya na matulog sa lupa kung kinakailangan, pero mukhang hindi sang-ayon ang panahon ngayon sa ganoon.
Ang mga ulap na parang makikinis na abuhing bulak kaninang umaga ay nangingitim na sa ilalim, nangangako ng mabangis na pag-ulan. Kahit na padating na ang tag-init, umuulan pa rin nang malakas paminsan-minsan.
Sa pangatlong pagtigil ni Sano para makabawi ng hininga, nagtimpi si Anina kahit naiinip na siya. Mukha naman talagang nahihirapan si Sano.
“'Wag kang mag-alala!” Kumaway si Sano sa kanya at ngumiti. “Ayos lang ako. Naninibago lang ako sa hangin dito sa baba.”
Binigyan siya ni Anina ng nag-aalinlangang tingin at kinapa ang kanyang noo. Mainit si Sano. Ito na nga ang kinatatakutan ni Anina.
“May lagnat ka,” sabi ni Anina, kahit tiyak siyang alam na ni Sano ang sariling kalagayan.
“Oo nga. Wala nang dahilang magpanggap pa ako. Kumain na ako ng ilang kagat ng luya. Sana makatulong.” Pinunasan ni Sano ang pinagpapawisan niyang noo. “Patawad, Anina. Kalahating araw pa lang, nagpapabigat na ako sa 'yo.”
Sumulyap uli si Anina sa langit, sabay sa pagtama ng isang patak ng ulan sa kanyang pisngi. Sa buong paligid nila, nagsimulang bumuhos ang ulan.
Ano ba naman. Imbes na kay Likubay, dapat pala nag-alay na lang si Anina kay Urulan, bathala ng ulan.
“Halika na.” Hinawakan ni Anina ang bisig ni Sano at inakbay ito sa mga balikat niya. Napapapikit siya sa pagtulo ng ulan sa mukha niya. At nababahala siya sa pag-iisip na bibigat ang kanilang mga damit at bitbit kapag nabasa, na magiging putikan ang lupa kapag nasipsip nito ang tubig.
Hindi pa sila nakalalayo nang tumiklop ang mga tuhod ni Sano, at dumulas siya sa hawak ni Anina. Nalaglag si Sano sa lupa, nakapikit ang mga mata, matamlay ang katawan. Sinubukan ni Anina na gisingin siya, pero hindi siya namulat. Sinubukan rin ni Anina tingnan kung may mga sugat siya, pero ang nahanap lang niya ay mga gasgas at pasa. Walang anumang malubha na magbubunga sa ganitong biglaang sakit.
Akala ni Anina ay malala na ang lahat, pero bigla pang umagos ang ulan, binasa silang tuluyan, pati na rin ang lupa. Sinanggahan niya ang mga mata sa tulo ng ulan, pinipilit maaninag kung gaano sila kalayo sa baranggay. Ngunit wala siyang makita sa harapan nila. Wala rin namang dahilang bumalik pa sila. Nakalantad pa rin sila sa ulan hanggang makapasok sila ulit sa gubat, at hindi makakayang akyatin ni Anina ang paanan ng bundok bitbit ang walang-malay na si Sano.
Dahil wala na siyang ibang makitang paraan, inayos ni Anina ang pagkasaklay ng kanyang bayong sa isang balikat, tapos binitbit ang bayong ni Sano sa kabila. Gamit lahat ng lakas niya, inakay niya si Sano pataas sa kanyang likuran hanggang naibalot niya ang mga bisig nito sa kanyang leeg. Pagkatapos ng mahirap na pagkakawag, nakatayo si Anina. Akay-akay niya si Sano sa likod, sinusuportahan ng mga yantok niya.
“Heto na.” Nagsimula si Anina na maglakad.
Sa umpisa, sinabi ni Anina sa sarili na hindi naman gaanong kabigat si Sano. Kung magkasing gulang sila, mas mabigat ang inaasahan ni Anina. At hindi rin naman gaanong katangkad si Sano. Ngunit nang tumagal ang paglalakbay nila at hindi pa rin humupa ang pag-ulan, naganap ang mga inaalala ni Anina. Hindi lang ang mga dala at suot niya ang bumibigat, pati na rin si Sano. Nanginginig ang mga kalamnan niya sa bigat ng kasama, at kailangang niyang huminto nang madalas.
Lalo pang kumulimlim. Hindi na namalayan ni Anina kung gaano katagal na siyang naglalakad at humihinto, naglalakad at humihinto. Bumubulong siya ng dalangin kay Likubay na gabayan nito ang mga hakbang niya. Tumutok ang buong kamalayan niya sa paninigas ng kanyang mga kalamnan at sa panlalambot ng kanyang mga buto. Umusad ang namamanhid niyang mga paa sa baha na umaabot na sa kanyang sakong, at sa bawat hakbang, nalulunod ang mga ito sa putik.
Pinilit ni Anina na magpatuloy. Wala itong sinabi sa hirap ng paglalakbay niya pagkatapos masalakay ang kanyang baranggay. Gaano katagal siya naglibot noon, walang kakilala, walang patutunguhan? Buti ngayon hindi siya nagugutom. At kung magtatagumpay si Anina sa pakikipagkita sa Manghihiwagang Lingid, baka matuklasan na niya sa wakas ang sagot sa kababalaghan na limang taon nang nagliligalig sa kanya: kung paano nakapagsanhi ang mahina niyang hiwaga ng isang napakalakas na hagupit, na nawasak nito ang buong baranggay niya sa isang kisapmata.