Kabanata 26
Buwan na Bakal
“Heto, uminom ka muna,” sabi ng ina ni Sano.
Tinanggap ni Sano ang tasa gamit ang maayos niyang kamay at ininom ang tubig hanggang sa pinakahuling patak. Humiga ulit siya sa unan at ibinalik ang tasa sa ina.
“Ayan, baka puwede ka nang matulog ulit,” iminungkahi ng ina niya.
Alam ni Sano na kailangan niya ng tulog, pero sa kabila ng kabigatang bumalot sa kanya pagkatapos marinig lahat ng masasamang balita, masyado pa ring mabilis ang pag-ikot ng isip niya para makatulog siya. Pagkatapos ng mahabang katahimikan, tinanong ni Sano, “Paano niyo po ako naihatid dito sa bahay ni Dayang Yiling?”
“Kailangan nating pasalamatan si Datu Dulan diyan,” sagot ng ina niya. “Gusto niya tayong makaalis, para kumalma ang mga tauhan niya. Pinasama niya ang isa katulong sa atin sa pinakamalapit na ilog. Nang nasa bangka na tayo, nagkamalay ka nang ilang saglit, at tinanong ko kung saan ka tumutuloy. Sinabi mo sa akin kung saan makikita ang bahay na ito.”
“Sinabi ko po iyon?” Hindi matandaan ni Sano.
“Pinagdugtong-dugtong ko na lang ang mga sinagot mo.” Nginitian siya ng kanyang ina.
Nakarinig si Sano ng mga hakbang at kaluskos sa labas ng silid. Pagkalipas ng isang sandali, sumilip paloob si Matiban habang ibinababa ang itak niya mula sa baywang. Kahit bumalik na ang kulay sa balat niya, may malalim at maitim siyang kalumata, at parang hindi niya nasusuklayan ang buhok. Nakababa ang mga sulok ng labi niya sa pambihirang pagpakita ng panglaw.
“Salamat at gising ka na,” sabi ni Matiban. Pumasok ang mandirigma sa silid ni Sano at minatyagan siyang maayos bago tiningnan ang ina niya. “Ayos lang ba kung mag-usap na tayo? Tatlong araw na ang nakalipas buhat nang pumunta sina Sano at Dayang Yiling sa Liman. Kung patatagalin pa natin ito, mas kakaunti ang magagawa natin.”
Binigyan ni Sano ng matatag na tango ang ina niya. “Mas gagaan din po ang loob ko kung naiintindihan ko ang mga nangyayari.”
Umupo si Matiban sa dulo ng papag ni Sano. Tumuwid ang upo ni ina niya, at nagdaop siya ng mga kamay sa kandungan. “Heto,” sabi niya. “Sisimulan ko sa sandata ni Angtara. Ang paniwala ko ay gawa ito sa isang bagay na tinatawag na Buwan na Bakal. Napakaluma na ng alamat ng Buwang Bakal. Kinailangang ibahagi sa akin ito ng isang Tagaipon sa isang lumang uri ng Kataman na hindi na ginagamit ngayon.
“Maraming daang taon na ang lumipas buhat ng simula ng alamat, sa panahon na hindi pa kasimbait ang mundo sa sangkatauhan tulad ngayon. Ipinagkakaloob na ni Karingal sa ibang mga tao ang hiwaga, pero alam natin na ang hiwaga ng mga tao ay isang maliit na bahagi lang ng walang-wakas na kapangyarihang nakalaan lamang sa mga bathala. Hindi ito sapat para tulungang makaraos ang mga tao sa mga sakuna ng kalikasan, na dati ay mas mabilang at mas mabagsik sa mga nararanasan natin ngayon.
“Nang tumanggi si Karingal na bigyan ng mas malakas na hiwaga ang mga tao, si Digmaran, ang bathala ng pandirigma, ay naawa sa sangkatauhan at hinandugan sila ng mga Buwang Bakal. Pinapalakas ng bakal na ito ang bisa ng hiwaga na ibinubuhos ng isang tao rito. Hindi pa rin kayang maghiwaga ng mga taong wala talagang hiwaga, pero ang mga mayroon ay nakakapagsanhi ng mas matinding pagbabago sa kanilang kapaligiran kaysa dati.
“Sa pamamagitan ng biyayang ito, nakaraos ang mga tao sa pagputok ng mga bulkan at mga malupit na bagyo. Subalit nang huminhin ang karahasan ng kalikasan, sinimulang gamitin ng mga ninuno natin ang mga bakal para sa ibang layunin.”
“Hulaan ko. Digmaan?” tanong ni Matiban.
Tumango ang ina ni Sano. “Kaunti lang ang bilang ng mga bakal, at ang mga nagmamay-ari sa mga ito ang nagiging pinakamakapangyarihan. Dumating ang panahon na lagi nang nagdadasal ang mga tao kay Likubay, bathala ng mga manlalakbay at nawawalang bagay, para mahanap ang mga piraso ng Buwang Bakal. Nainsulto si Likubay, dahil gusto niyang isamba siya ng mga tao sa sarili niyang karangalan. Dahil doon, nilikha niya ang nilalang na tinatawag natin ngayong Malagim na Hangin. Ginagawa nitong kahoy ang mga taong hinihipan nito kung may ginagawa silang masama. Iniugnay ni Likubay ang Hangin sa mga Buwang Bakal, para umihip ang Hangin habang may gumagamit sa mga Bakal. Kapag dumadalas ang paggamit sa mga Buwang Bakal, bumibilis ang pag-ikot ng Hangin at lumalapit ito sa mga taong nagwawasiwas sa mga sandatang iyon. Gustong siguraduhin ni Likubay na maintindihan ng mga tao na kung nais nilang maging makapangyarihan, dapat handa rin silang harapin ang kahihinatnan nito, mabuti man o masama – hindi lang para sa sarili nila, pero para na rin sa lahat ng nasa paligid nila.”
“Pero hindi ganap ang Hangin,” ungot ni Sano. “Hindi nito naiintindihan ang itinuturing tama o mali ng mga tao.”
Binigyan si Sano ng kanyang ina ng isang pabirong ngiti. “Malamang ang mga tao ang hindi ganap. Pero tama ka, dahil sa pagkakaiba ng pag-unawa natin at ng Hangin, hindi maganda ang kinalabasan. Nabudburan ng mga katawang kahoy ang mga bayan sa pulong ito, habang nagpapatulan sa madugong digmaan ang mga makapangyarihang mandirigma at manghihiwaga. Dahil kalat-kalat ang mga bahagi ng Buwang Bakal at laging mayroong gumagamit sa lahat ng mga pirasong ito, laging umiihip ang Malagim na Hangin, at laging nakahahanap ito ng masasalanta.
“May ilang mga tao na natauhan sa wakas, at naisipan nilang sapat na ang kanilang pagdurusa. Sinira nila ang mga bakal, at nawala ang Malagim na Hangin pagkatapos nawala ang layunin nito. Ganoon dapat natapos ang kuwento. Ngunit may isa pang salaysay na nagsasabing inimbak ng mga katalonan ang ilang bahagi ng Bakal. Inisip nila na masyadong mahalaga ang biyayang ito para sirain lahat. Sa halip, ibinaon nila ang mga pirasong ito, at natulog lamang ang Malagim na Hangin.”
“Ibig sabihin, namumuhay tayo sa pangalawang katapusan,” ang hinala ni Matiban. Bigla siyang tumayo, palaisip ang itsura na parang may pinipilit alalahanin. Umalis siya ng silid at bumalik na may dalang dahon ng saging at isang matalas na panulat.
“Mayroon sina Bunawi at Angtara na itak gawa sa Buwang Bakal na iyan.” Hinawakang maigi ni Matiban ang panulat sa taas ng dahon. “Naaalala ko ang araw na natagpuan ni Bunawi ang mga bakal. Pumunta kami sa isang baranggay dito sa Katam na may utang sa kanya. Ngunit nang nakarating kami para maningil, nakita naming wasak na ang baranggay. Nakakalat ang mga piraso ng makikintab na bakal sa lupa.”
Napasinghap si Sano. “Baka iyon ang baranggay ni Anina! Doon siya...” Ipinikit ni Sano ang mga mata niya. Hindi pa rin niya pakiramdam na siya ang dapat magbunyag ng lihim na ito, pero kailangan malaman ng ina niya at ni Matiban. Nilathala ni Sano ang pagsasalakay na nangyari sa baranggay ni Anina, at ang paghagupit ng kanyang hiwaga na naglipol dito. “Pero sigurado si Anina na hindi sapat ang hiwaga niya para makapagdulot ng ganoong kalakas na dahas, kaya buhat noon naghahanap siya ng makakapagpaliwanag sa nangyari.”
“Kaya pala napakausisa niya sa paglakas nina Bunawi at Angtara,” pansin ni Matiban. “Dati na akong may kutob na mas marami pa siyang alam sa ipinapakita niya.”
“Baka hinagupit niya ang hiwaga niya roon sa mga bakal mismo,” sabi ni Sano. Sa wakas, naliliwanagan na ang lahat. “Kaya buhay pa siya! Dahil ang lakas na hinagupit niya ay hindi sapat para mapatay siya sa pagtalbog ng hiwaga. Pero dahil mas pinalakas pa ng mga Buwang Bakal ang pumasok na hiwaga, ang lumabas sa mga ito ay sobrang bagsik, nawasak ang baranggay niya.”
Tinakpan ni Sano ang mukha niya. Ang bigat ng kanyang puso. Nagdudugtong-dugtong na lahat ng mga piraso, pero wala naman dito ang isang tao na makikinabang nang husto sa kaalamang ito. Walang may alam kung ano ang nangyari kay Anina. Tinapik-tapik ng ina ni Sano ang ulo niya, walang ibang magawa para paluwagin ang kanyang loob.
Tumikhim si Matiban, at malumanay na ipinagpatuloy ang sinasabi. “Tinipon ni Bunawi lahat ng mga bakal, nais mabawi ang halaga ng buwis na hindi na niya matatanggap. Dinala niya ang mga iyon sa Munting Dayung. Sinabi niya sa kalaunan na hindi pangkaraniwang uri ng ginto ang mga iyon. Sinigurado pa raw ng isang panday.” Huminto si Matiban. “Parang hindi ko na ulit nakita ang panday na iyon, a. Pati na rin ang gumawa ng mga itak nila.”
Gumuhit siya ng larawan sa dahon, naglalagay ng mabibilis na bakas dito at doon. “Sabihin na natin na sa loob ng ilang daang taon, natulog lamang ang Malagim na Hangin. Nahukay ng baranggay ni Anina ang mga natitirang bahagi ng Buwang Bakal, at nawasak niya halos lahat ng mga ito nang hinagupit niya ang kanyang hiwaga. Malamang doon nagising ang Hangin. Pero ang pinakaunang lathala ng mga taong nagiging kahoy ay nagmula sa timog ng Munting Dayung.”
“Gaano ba kadalas ginagamit ng hari at ng bayi ang mga itak nila?” tanong ng ina ni Sano.
“Sa totoo lang, hindi nila gaanong kadalasan ginagamit panghiwaga,” inamin ni Matiban. “Hindi naman sila nagkukulang ng iba pang mga sandatang may anto. Inilalaan lang nila ang mga itak na ito kapag nagpapadakila sila. Katulad ng pagtayo nila sa burol sa punong-lungsod ng Munting Dayung para sa kumpulan ng mga bahay-pandatu. At tsaka na rin doon sa digmaan laban sa Gamhana.”
“Kaya po ba bihira lang ang pag-ihip ng Malagim na Hangin?” tanong ni Sano. “At kung bakit hindi pa nagiging kahoy sina Bunawi at Angtara mismo?”
“Tinitingnan ko ngayon kung ganoon nga ang mga nangyari,” tugon ni Matiban. “Sabihin na nating pumunta ang Malagim na Hangin sa baranggay ni Anina, pero dahil patay na ang mga taga-nayon maliban lang sa kanya, walang ginawang kahoy ang Hangin. Inihatid ng hari ang mga bakal sa isang panday sa timog ng Munting Dayung, kung saan niya tiyak natutuhan ang katangian ng bakal. Ito ang tumawag sa Hangin, at ito ang nagsanhi ng unang pagbabago ng tao sa kahoy na narinig namin.”
Nakaukit ang mabilisang balangkas ng kaharian sa dahon ni Matiban, pati na ang mga bakas kung saan nakita ang mga biktima ng Malagim na Hangin. Ikinuwento niya sa kanila ang laban sa mga pirata sa hilaga na sinalihan ni Angtara, at ang mga magnanakaw na naging kahoy sa pinakamalapit na daungan pagkalipas ng tatlong araw. Pagkatapos ginawa ang kumpulan ng mga bahay-pandatu, umihip ang Hangin sa punong-lungsod, at ito na ang nag-udyok sa hari na kausapin ang mga katalonan para mawari kung ano ang nangyayari sa kanila. Mayroon ding mga magkakasunod na lathala sa timog na baybayin ng pulo pagkatapos ng digmaan laban sa mga Gamhanan.
Subalit may mga salaysay rin na hindi nag-uugnay. Hindi nila matuklasan kung ano ang tumawag sa Hangin malapit sa tahanan nina Sano o doon sa mahirap na baranggay sa Gila na dinalaw ng kanyang ina. At may ilang beses din na tiyak si Matiban na ginamit ng hari at ng bayi ang mga Bakal, pero walang nagsumbong na umihip ang Hangin.
“Maliban sa mga iyon, malakas pa rin ang pagkakaugnay nitong iba,” napagmasdan ng ina ni Sano. “Malamang wala lang natagpuan ang Malagim na Hangin na gumagawa ng masama. O baka hindi mo rin nalalaman lahat ng gawain ng hari at ng bayi.”
“Totoo iyan,” sumang-ayon si Matiban. Matagal siyang nanahimik, nakatitig sa dahon. “Mahirap ang ibig sabihin nito. Siguradong gagamitin ni Bunawi ang Buwang Bakal sa parugo. At malamang mangyayari na ito sa madaling panahon. Malay natin, baka nangyayari na rin ngayon, habang nag-uusap tayo.”
“Paano 'yan,” sabi ni Sano. “Baka umihip ang Malagim na Hangin habang naglalaban sila! Ayos lang kung magiging kahoy si Bunawi, pero paano po si Dayang Yiling? Mamatay din siya!”
“At hindi ko rin alam kung matatapos doon ang problema natin. Kahit na mamatay si Bunawi, aangkinin lang ni Angtara ang itak ng kanyang ama at ipagpapatuloy gamitin ang mga sandatang ito para sakupin ang Katam.” Huminto si Matiban. “Pero gamit ang kaalaman na ang mga Buwang Bakal ang namamahala sa galaw ng Malagim na Hangin, sa tingin ko may kalamangan na tayo ngayon. Kung hindi makikiramay ang mga tao sa pagtanggol natin sa sarili, baka makiramay sila kung ang hangarin natin ay sagipin ang kaharian mula sa hari mismo. Mula sa panganib ng Malagim na Hangin at ng mga Buwang Bakal, na pinanghahawakan pala ng hari at ng bayi.”
Napagtanto ni Sano kung saan papunta ito, at sinunggaban na niya ang pag-asang sumiklab sa loob niya. “Sinabihan po ni Datu Dulan si Dayang Yiling na pag-iisipan niyang tulungan tayo kung mas makabubuti sa Katam na matalo natin sa Bunawi. Siguro naman kung panganib si Bunawi at si Angtara sa ating lahat, wala na pong sisisi sa Katam kung lalaban nga tayo.”
Nagkaroon na ulit ng kislap ang mga mata ni Matiban. “Ganoon ba? Malamang panahon na para dalawin uli ang datu.” Sinulyapan niya ang ina ni Sano. “Masasamahan mo ba ako? Maipapaliwanag mo lahat ng alam mo sa Malagim na Hangin.”
“Siyempre,” tugon ng ina ni Sano.
“Hindi natin kayang magsayang pa ng panahon,” dagdag ni Matiban. “Kailangan nating malaman kung maaasahan natin ang tulong ni Datu Dulan. Maiiba nito kung paano natin haharangan ang pagtuloy ng hukbo ng hari sa Katam. Sinabi ba ng alamat kung paano nasira ang mga ibang bahagi ng Buwang Bakal?”
Nag-alinlangan ang ina ni Sano. “A, walang binanggit tungkol doon.”
“Kung ganoon, dapat makahanap din tayo ng paraan para sirain ang mga ito. Ihahanda ko lang ang bangka para sa paglakbay natin sa Liman.” Tumayo si Matiban at masiglang umalis ng silid, na para bang wala na siyang mga sugat sa katawan.
Lumingon ang ina ni Sano sa kanya at tinanong, “Ayos ka lang mag-isa dito nang saglit?”
“Sa palagay ko po. Baka matulog lang po ako.” Sa totoo lang, masyado pang malakas ang pangangamba niya para makatulog nang mahimbing.
“Heto, baka makatulong ang pagkain sa 'yo,” sabi ng ina niya. Lumabas siya nang sandali, at bumalik na may hawak na umuusok na mangkok. Naglagay siya ng isang pampatong sa kandungan ni Sano at inihapag ang mangkok doon. Lugaw ang laman nito.
Habang kumakain si Sano, sinabi niya sa kanyang ina lahat ng nangyari pagkatapos siyang iwanan sa gubat, mula sa pagguho ng lupa hanggang sa pagpupulong nila ni Dayang Yiling kay Datu Dulan.
“Hindi ko po sinasadyang suwayin ang Punong Utos,” dagdag ni Sano, pagkatapos ng buong kuwento. Naubos na rin niya ang lugaw. “Patawad po. Hindi ko po naisip na ganito ang kalalabasan ng lahat.”
Inilapat ng ina ni Sano ang noo nito sa noo niya at huminga nang malalim. “Patawad din. Dapat nalaman ko noon pa na tatawagin ka ng mundo, tulad ng pagtawag nito sa akin. Ligtas nga ang buhay natin sa paanan ng bundok – totoo iyon – pero wala naman gaanong saysay. Hindi mo iyon kasalanan. Hindi ikaw ang nagbigay bunga sa kalagayan nating magtago o mamatay. Hindi naman kailangang pumili ng ibang tao, at hindi patas na pinilit kitang pumili sa dalawang iyon. Sana maintindihan mo lang kung bakit ko piniling magtago nang ganitong katagal.”
Hinawakan ni Sano ang kamay ng ina niya, at hinayaan niyang mapunuan siya ng init ng pagmamahal nito. Kahit na nararamdaman ng isang bahagi ni Sano na hindi siya karapat-dapat bigyan ng pagmamahal na ganito pagkatapos ng lahat ng pagkakamaling nagawa niya.
“Sa tingin niyo po ba na tama ang ginagawa natin?” tanong ni Sano sa mahinang tinig. “Ayon sa datu ng Angbun, hinahatak lang daw natin pababa ang Katam. At kung titingnan ko ang ginawa ko sa Liman, mahirap ngang isipin na nakatutulong ako.”
Alam ni Sano kung ano ang umudyok sa kanyang pulutin ang itak ni Angtara, kung ano ang umudyok sa kanyang buhayin ang anto roon. Ito ay ang mahapding pakiramdam na hindi siya sapat. Ginusto niyang sagipin si Dayang Yiling. Ginusto niyang pahangain si Datu Dulan para mabago ang isip nito. Akala ni Sano na kung maililigtas niya silang lahat, mapapalakas niya ang loob ng mga ibang Kataman para sumanib sa kanila. Siya ang magiging dahilan kung bakit susuportahan ng mga tao si Dayang Yiling.
Subalit kulang ang pag-uunawa ni Sano sa kalagayan nila. Nagkusa siyang tulungan si Dayang Yiling dahil nakita niya ang layunin nito bilang paraan para makawala siya sa sariling suliranin. Itinuri niya ang lahat ng mga sagabal na hinarap niya bilang pagkakataong mapatunayan ang kanyang halaga, mapakita sa sarili at sa daigdig na nararapat siyang mamuhay nang hindi patago. At kahit wala naman mali sa mga nais ni Sano, lumabo sa mga ito ang paningin niya. Ang kalagayan nila ngayon ay mas malaki pa kaysa sa sarili niya lang, o sa kanyang dangal, o kahit na sa kanyang ina pa. Hindi pinag-isipan ni Sano kung gaanong kahirap ang hidwaang ito para sa ibang Kataman.
“Sano, baka hindi ako ang tamang sumagot diyan. Hindi ba natalo nga ang paghihimagsik na pinamunuan ko?” Malungkot na napatawa ang ina niya. “Pero alam ko na ngayon na mali ang matagal na pagtatagong ginawa ko. Tinalikuran ko ang mundo, at sa mga taon na nanirahan tayo sa paanan ng bundok, sinubukan kong hikayatin ang sarili na ikabubuti nga iyon ng lahat. Pero sa pagtakas ko sa mga mananakit sa atin, wala rin akong nagawang mabuti. Masama nga ang nagawa mo sa Liman, at baka habambuhay mo pagbabayaran iyon. Alam ko kung paanong mamuhay nang ganoon. Ngunit kung may kaya rin tayong gumawa ng mabuti ngayon, hindi ba dapat din nating subukan?”
Tinitigan ni Sano ang mangkok ng lugaw. Ilang butil ng kanin at luya na lang ang natitira. Hindi man ito ubod ng sarap, nabusog na rin siya. Ilan ang mga Kataman dito sa bayan na iisiping mapalad siya dahil lang sa lugaw na ito?
Tama ang ina niya. Nagkamali man si Sano sa mapusok niyang ginawa sa Liman, hindi ibig sabihin nito na baliwala na ang mga pangarap ni Dayang Yiling. Ang katotohanan ay nagdurusa ang Katam, at kailangan nitong maghilom. Sinusugpo ang bayang ito ng mga dobleng buwis at nagtataasang alay. Nabibigatan ang mga Kataman sa bitbit nilang poot sa sarili, na hinihimok naman ng ibang mga tao sa kaharian para sa kanilang ikayayaman. Kailangan ng pagbabago, at tutulong si Sano na maganap ito, hindi dahil gusto niyang maging bayani, pero dahil iyon ang dapat gawin.