Kabanata 3
Kasunduan
Pinalayas ng gabi ang natitirang liwanag. Mas mahirap nang maglakbay sa gubat. Inisip nina Sano at Anina na kung gagamit sila ng ilaw, baka mapansin sila ng kung sino pa man ang gustong dumakip kay Sano. Kaya nanatili na lang sila sa dilim. Kung saan sila patungo, hindi pa nila alam. Gusto lang nilang makalayo sa hinipan ng Hangin.
Nakarating sila sa isang maaliwalas at walang sukal na lugar na pinapalibutan ng matitibay na punong sampalok. Kahit wala silang usapan, pareho silang huminto rito para makapag-pahinga. Pumipintig ang mga binti ni Sano sa pagod, at parang malalaglag ang mga ito sa susunod niyang hakbang. Ang nagtulak lang sa kanya na magpatuloy kanina ay ang takot na baka mabuhay muli ang mga mandirigma at tugisin uli sila.
“Hindi ba nawawala ang bisa ng Malagim na Hangin?” tanong ni Sano habang naghahanap ng malambot na bahagi ng lupa.
“Sa tingin ko hindi,” sagot ni Anina. Ibinaba niya ang kanyang bayong mula sa balikat. “Sa mga naririnig ko, nabubulok lang ang mga naging kahoy tulad ng patay na puno.”
“At ang kaluluwa nila?”
“Wala na. Tiniyak ng mga katalonan na ang mga katawang iyon ay parang mga hungkag na bao na lang.”
“Bakit tinatawag ng mga tao na Malagim na Hangin iyon kung pinipigilan nito ang masasamang ugali?”
“Hindi nito naiintindihan kung ano talaga ang masama.” Pumili si Anina ng mahihigaan sa gitna ng mga ugat, at nag-ipon ng mga dahon doon. “Isa sa mga nakakalungkot kong narinig ay ang batang lalaking ginawang kahoy ng Hangin dahil nagnakaw siya ng suman para sa gutom niyang kapatid. Mali ba ang ginawa niya? Oo, pero madalas ang parusa lang sa ganyang sala ay multa – o kung malupit ang nagtitinda, baka gawin siyang alipin. Pero patayin? Sobra na iyon.”
Napasipol si Sano. Walang pakialam ang Malagim na Hangin na, kahit papaano, maganda ang hangarin ng bata para sa kapatid niya. Buti na lang hindi nakatapak si Sano ng ipis habang tumatakas sa mga mandirigma.
“Gaano karami na kaya ang napaslang ng Hangin?” inisip ni Sano. Kung hindi maayos ang pagkakaunawa ng Hangin sa tama o mali, marahil maraming tao na ang nagiging kahoy araw-araw.
“Mabuti para sa atin, bihira lang umihip ang Hangin,” sabi ni Anina. “Ang pinakalumang sabi-sabi na narinig ko ay nangyari limang taon nang nakalipas, at kaunti lang ang nadagdag pagkatapos noon. Ilang taon din ang lumipas bago napagtanto ng mga tao na ang binabago lang ng Hangin ay ang mga gumagawa ng masasama kapag dumaraan ito. At dahil sa kaunti nga lang ang nababalitaan, wala pa kaming ibang nalalaman tungkol sa Hangin. Walang nakaaalam kung ano talaga ito, kung saan ito nanggaling, o kung paano kakalabanin.”
“May nagtanong na ba sa mga katalonan?” May kaugnayan ang mga katalonan sa mga diwata at mga bathala. Kung mayroon mang makakakuha ng kabatiran, malamang isa sa kanila iyon.
“Siyempre, pero hindi rin maliwanag ang mga sagot na nakukuha nila. May ibang nakatanggap daw ng pahiwatig tungkol sa ginto't pilak, kaya iniisip ng karamihan na galit sa atin ang mga bathala dahil hindi sapat ang pag-aalay natin.”
Humiga si Anina sa sahig, at ginaya siya ni Sano. Ibang-iba ang matigas at maalikabok na lupa sa makinis niyang sahig na ngayo'y abo na lamang katulad ng buong tahanan niya. Sumasakit ang ulo ni Sano, ang tipong nakakahilo. Bumuhos sa kanya ang isang kakaibang pakiramdam, na tila hindi kasya sa kanya ang sariling balat.
Iniwan lang si Sano ng kanyang ina ng mga ilang araw. Sa panahong ito, hindi lang niya naibunyag ang lihim nilang buhay, nahanap rin siya ng mga mandirigma ng hari, at nakasagupa ang isang hanging makapapatay sa kanya kung hindi siya mag-iingat. Ang hirap tanggapin lahat nito.
Noong maliit pa si Sano, tinanong niya ang ina niya kung bakit hindi sila maaaring mamuhay nang malaya sa labas. Sinabi ng kanyang ina na mapanganib para sa kanila, para sa mga ginagawa nila, sa katauhan nila. Hindi gaanong naniwala si Sano noon, pero parang tama nga ang sinambit ng ina niya.
Ngunit ano ngayon? Kakayahin ni Sano na mamuhay sa daigdig tulad ng ibang tao. Dati pa naman niyang alam na balang araw lalabas din siya sa pagtatago. Dati pa naman niyang ninanais na lumabas sa pagtatago, at ngayong nangyari na, hindi niya hahayaang itulak siya ng takot pabalik sa mga anino.
Huminga nang malalim si Sano para pahupain ang pagkabahala. Tiyak na magiging maayos ang lahat. Tumagilid siya ng pag-higa at hinayaang patulugin siya ng simoy ng lupa't mga puno.
Nagising si Sano na naninigas ang leeg. Umusog siya sa lupa, at namulikat ang likuran niya. Binuksan niya ang mga mata, at binati ang paningin niya ng payong ng mga dahon. Sa umpisa, akala niya nakatulog siya habang nagtitipon ng mga gamit para sa bahay, pero biglang dumagasa pabalik ang mga pangyayari ng nakaraang araw sa kanya.
Humihingal na si Sano nang makaupo siya. Maganit ang mga kalamnan niya. Nakaupo sa harap niya si Anina, nakatambak ang ilang mga prutas sa kandungan.
“Hindi ka sanay matulog sa labas?” tanong ni Anina, habang inabot ang isang saging kay Sano. Kumirot ang sikmura ni Sano sa pagkakita sa mga prutas. Hindi ito ang unang beses na nakaranas siya ng gutom – hindi naman palaging sagana ang gubat – pero dahil sa lahat ng nangyari kahapon, inaasam ng katawan niyang makakain ng marami.
Sa magaang katahimikan, pinaghatian nila ang mga prutas. Pagkatapos, hinatid ni Sano si Anina sa isang sapa kung saan sila makaiinom at makakapaghugas. Ngayong may laman na ang tiyan at nagiginhawaan na ang mga paa sa malamig na tubig, nag-isip na si Sano kung ano'ng gagawin niya.
“Hindi na ako makababalik sa bahay ko, 'di ba?” tinanong niya.
Napangiwi si Anina, na nakayuko sa baybay at binabanlawan ang buhok. “Palagay ko hindi na. Tiyak na binalitaan ng mga mandirigma si Haring Bunawi tungkol sa mga kuwento sa'yo. Ang ginawa mo ang pinakalantad na pagpapakita ng hiwagang bawal na narinig ng mga tao sa loob ng maraming taon. Hindi ka hahayaang makawala nang basta-basta ng hari. Magpapadala pa siya ng maraming mandirigma, at dito ka nila unang hahanapin.”
“Hay, bakit ba ang bilis umikot ng mga sabi-sabi?”
“May mga paraan si Haring Bunawi. Laging nakikinig at laging nagmamatyag ang mga tagapaglingkod niya. Mas mabilis silang nakakapaglakbay kaysa sa ibang tao sa kaharian dahil sa mga bangka nilang may mabibisang anto. Ganoon namamahala ang hari.”
Inakala ni Sano na puwede siyang manatili muna sa isa pang tinutuluyan nilang mag-ina habang hinihintay niyang makauwi ang ina niya. Ngunit hindi rin pala.
“Ang magagawa ko na lang ngayon yata ay makipagkita sa ina ko,” nagpasya si Sano. Tumingin siya bigla kay Anina. “Oo nga pala! Bakit mo hinahanap ang Manghihiwagang Lingid?”
Sumigla si Anina. Nagkaroon ng kislap ang mga mata niya tulad noong ipinapakita ni Sano na naitutulak ang hiwaga sa paa. “Gusto kong malaman kung may paraan na madagdagan pa ang hiwaga ko. Kung may alam ka, handa akong ibigay sa iyo ang bayad na inipon ko para sa Manghihiwagang Lingid.”
Nanamlay si Sano nang makitang hindi siya makatutulong. “Patawad, wala akong sagot diyan,” inamin niya. “Ang alam ko lang ay nagbibigay si Karingal, ang bathalang gumawa sa ating lahat, ng nakatakdang lakas ng hiwaga sa pagsilang ng bawat tao. Pero siguradong alam mo na 'yan.” Isinisilang ang karamihan sa mga tao nang walang hiwaga; ang mga kakaunting mayroon ay nagagamit ang kanilang hiwaga para paganahin ang mga anto.
“Wala ba talagang taong nagpakita ng lakas ng hiwaga higit sa inaasahan nila?” pinilit ni Anina.
“May ilan-ilan, pero dahil sa pagtanda lang, ayon sa alam ko. Karamihan sa mga manghihiwaga, maaabot lang natin ang takdang lakas natin kapag malaki na tayo. Laging kinukumpara ng ina ko ang hiwaga sa pagtangkad. Kapag naabot na natin ang tunay nating tangkad, wala na tayong magagawa para tumaas pa. Kung hindi, susubukan ng lahat ng mga tao na maging kasintangkad nitong mga puno!”
Lumaylay ang mga balikat ni Anina. Ipinusod niya ang buhok, bago umupo nang nakahalukipkip. “Paano ko malalaman kung naabot ko na ang takdang lakas ko?”
Nagkibit-balikat si Sano. “Sa paghihintay at sa pagsasanay lang. Sana may iba pa akong sagot o alam na paraan.”
Hindi na nagsalita si Anina, tumitig na lang sa sapa. Tapos tumayo siya at kinuha ang kanyang bayong. “Magkano para sa sagot mo?”
“Sandali, babayaran mo ako kahit hindi ko alam?”
Suminghot si Anina. “Magugulat ka kung gaano karaming taong hindi aamin niyan hangga't hindi ako nag-aalok magbayad muna.” Binuksan niya ang isang maliit na lukbot at naglabas ng ilan-ilang butil ng tumbaga.
“Ay, hindi ko matatanggap iyan,” sabi ni Sano.
“Magkano pa ba ang gusto mo?”
“Hindi ako nagpapadagdag.” Nagtampisaw si Sano sa sapa, habang nabubuo ang isang plano sa isip niya. “Bakit hindi mo na lang ipunin para sa ina ko? Siya naman talaga ang gusto mong makita. Puwede natin siyang hanapin nang sabay.”
“Mababago ba ang sagot?”
“Baka. Itinuturo na ng ina ko s'akin ang mga kaalaman niya simula nang nagsalita ako. Pero alam kong marami pa siyang hindi naituturo sa akin. Bigyan mo siya ng pagkakataon na masagot ka.”
“Nasaan na ba siya ngayon?”
“Naalala mo yung binanggit kong lalaki na dumalaw sa amin dahil sa Malagim na Hangin? Galing siya sa isang baranggay sa Gila, at doon nagpunta ang ina ko.”
“Gila?” ang bulalas ni Anina. “Kabilang bayan na 'yon!”
Napangiwi si Sano, pero nagpatuloy, “Alam kong malayo, at alam kong mahihirapan tayong hanapin siya, pero mas madali kung gagawin nating magkasama kaysa magkahiwalay tayong maghahanap. Hindi pa ako nakalalabas sa paanan ng bundok, at hindi mo siya mamumukhaan.”
Si Anina naman ang napangiwi ngayon. “Patawad sa sasabihin ko, pero – Sano, isa ka nang pugante ngayon. Hindi mo ba narinig ang sinabi kong may mga maghahanap pang mandirigma sa iyo?”
Hindi nakalampas kay Sano ang pagsabi ni Anina ng 'ikaw,' na para bang si Sano lang ang lumaban sa mga mandirigma ng hari. Naiintindihan naman ni Sano na kung aalis na si Anina ngayon, wala nang makaaalam na naparito siya, na tinulungan niya ang isang salarin. Bakit pa siya lalong makikihalubilo kay Sano?
“Kalimutan mo na ang bayad!” sabi ni Sano, nagdaop ng mga kamay sa kagipitan. “Sasabihin ko sa ina ko na ibaliwala na lang iyon. Puwede mong itanong sa kanya lahat ng gusto mo, wala nang bayad! At tuturuan din kitang magpabuhay ng anto gamit kahit ano'ng bahagi ng katawan mo, kung gusto mong matutuhan. Marami rin akong ibang mababahaging kakaibang kaalaman tungkol sa hiwaga. Bakit mo nga ba gustong lumakas ang hiwaga mo? Baka makahanap pa ako ng ibang paraang malutas ang problema mo.”
Malamig ang sagot ni Anina. “Hindi ko maibibigay ang mga dahilan ko. At hindi ko kailangan ang ibang paraan. Kailangan kong malaman kung paano totoong lumakas.”
“Sige,” tinanggap na ni Sano. “Sa nakikita ko, mahalaga ito sa iyo. Inilagay mo ang sarili mo sa panganib sa paghahanap pa lang sa Manghihiwagang Lingid. Kung ganoon din lamang, makipagkita ka na sa kanya para sulitin ang mga nagawa mo na.”
Kumunot ang mga kilay ni Anina sa pag-iisip. “Saan ba sa Gila siya nagpunta?”
Mabuti naman na hindi siya agad tumanggi. “Pangatlong baranggay mula sa pagitan ng Katam at Gila, malapit sa dagat. Bandang bungad lang ng Gila.”
“Sige.” Nagbuntong hininga si Anina. “At sasagutin mo rin lahat ng mga tanong ko sa hiwaga?”
“Sa makakaya ko,” ipinangako ni Sano.
Nang tumango si Anina, napuno si Sano ng matinding ginhawa na muntik na niyang mayapos si Anina, ngunit pinigilan siya ng seryoso nitong mukha.
“Magkasama tayong maghahanap sa 'yong ina, pero kailangan nating mag-ingat,” sabi ni Anina. “Kailangang hindi tayo kapansin-pansin. At kailangan mong makinig sa lahat ng babala ko. Mapanganib ang kaharian.”