Kabanata 10
Biyayang Binalot
Nagising si Anina bago mag madaling-araw at pinunas niyang paalis sa mga mata ang mga huling sandali ng isang panaginip. Luminaw ang barakilan sa ibabaw niya, pati na rin ang mga pinaplano niya sa darating na araw. Muntik na siyang umangal, pero pinigilan niya ang paglabas nito. Dapat sumigla na siya pagkatapos ng isang gabing maayos na pahinga, pero napakatamlay pa rin ng kanyang pakiramdam, hindi magalaw-galaw ang mga binti't bisig sa bigat ng mga ito.
Napasukan ng pag-dududa ang isip ni Anina. Ano ba ang dahilan ng kanyang paglalakbay? Minsan, parang hindi sapat maunawaan lang ang kanyang hiwaga at makakuha ng mga sagot sa nangyari. Hindi maibabalik ng mga ito ang pamilya niya at ang baranggay nila. Hindi mabubura ng mga ito ang ginawa niya.
Napanaginipan uli ni Anina ang paghagupit niya ng hiwaga sa mga mananalakay. Lumalapit sila sa kanya ng panahong iyon, at pinaghahagupit niya ang kanyang hiwaga sa kahit ano'ng mahahawakan niya: mga nakakalat na sanga, mga bahagi ng bato, mga sirang palayok. Nang maubos ang mga iyon, kinuha niya ang mga tipak ng bakal na ititinda sana ng mga ka-nayon niya. Bumibilis ang pagkabog ng puso niya. Humihigpit ang dibdib. Napupuno siya ng galit, sanhi ng malubhang takot. At biglang hinagupit ni Anina ang hiwaga niya sa mga tipak na ito. Nawalan siya ng malay sa isang matinding pagsabog, at nang natauhan siya ulit, wasak na ang kanyang baranggay.
Sinabi kahapon ni Sano na inilalagay ni Anina sa panganib ang buhay niya sa pagsama sa kanya, pero baka ang kabaligtaran talaga ang totoo. Baka isang araw, hindi na makapagtimpi si Anina at magpapakawala siya ng isang hagupit na puno ng hiwaga, na walang matitirang bahagi kay Sano para hanapin pa ni Haring Bunawi.
Isang panganib si Anina sa mismong sarili niya. Kung nagawa ng paghagupit niyang sirain ang isang baranggay, dapat namatay siya sa pagtalbog ng lakas nito. Ganoon gumagana ang hiwaga. Pero bakit pa siya buhay? Bakit hindi na siya naging kasinlakas ulit noong gabing iyon? Ano ang nagsanhi sa pambihirang paggana ng kanyang hiwaga?
Napahinto ang pag-iisip niya nang may napansin siyang paggalaw. Umangat ang isang sulok ng kurtina at sumilip si Sano.
“Magandang umaga!” sabi ni Sano sa masayang bulong. “Maghahanap na ba tayo ng trabaho?”
Nagbuntong-hininga si Anina at humiling ng pasensya. Hindi siya puwedeng magsungit kay Sano. Oo, batang-isip nga si Sano, at paminsan-minsan ay mapusok din. Si Sano rin ang naghatid kay Anina ng pinakamalas na naranasan niya nang ilang taon. Ngunit kaiba sa karamihan, mabuti ang hangarin ni Sano. At sa ngayon, siya lang ang makadadala kay Anina sa Manghihiwagang Lingid.
Hindi na mababago ni Anina ang nakaraan, pero kaya pa niyang magbuo ng mapayapang kinabukasan para sa sarili. Kailangan niyang alalahanin ito.
Pagkahinga niya ulit nang malalim, nagtipon si Anina ng lakas ng loob, at bumangon sa wakas mula sa banig.
Pagkapasok nina Sano at Anina sa pamilihan, maraming naghahanda na para sa araw na iyon. Nasa bungad ng daan mula sa mga bahay-panuluyan ang pangkat ng kainan, at puno ang hangin ng amoy ng bawang at kanin dito. Sa harap nila, may maaayos na hanay ng mga tinderong nakaupo sa mga kumot, nagbebenta ng mga prutas at gulay. Nakatayo naman ang iba sa likuran ng mga puwesto kung saan sila nagluluto ng kani-kanilang mga paboritong ulam.
“Tataba ako dito, a!” sabi ni Sano.
Tumawa si Anina. “Hindi tayo kikita ng ganoong kalaki.”
Lumakad sila sa pangkat ng mga manghahabi, dinaanan ang mga hapag at kahong umaapaw sa nakarolyong tela na kasingkulay ng mga pagkaing iniwan nila. Kung hindi makahahanap si Anina ng trabaho sa ibang pangkat ng palengke, baka mauwi sila dito, kahit hindi niya gaanong gusto. Hindi mataas ang bayad dito.
Dinala ni Anina si Sano sa grupo ng mga mangkakahoy, kung saan sila napaligiran ng mga puwesto, dampa, at matataas na tambak ng kahoy. Dito, puno ang hangin ng amoy ng kusot. Kumikinang sa liwanag ng liwayway ang mga panlilok ng mga lumalakad na mangkakahoy, na karamihan ay nakasuot ng kupas na tapi.
“Dito,” sabi ni Anina. “Dito tayo maghahanap ng trabaho.”
Inilabas niya mula sa pamigkis ang mga yantok niya at humingang malalim. Pinagmasdan niya ang mga nagtitinda para makahanap ng mauudyok niyang tumanggap sa serbisyo nila. Pinili niya ang isang lalaking mukhang kagalang-galang na nagsisimula pa lang mag-ayos ng kanyang hapag.
“Magandang umaga po,” bati ni Anina, tahimik at kaaya-aya ang tinig. Patuloy pa rin ang paglabas ng lalaki ng iba't-ibang mga kahoy na naukitan ng anto para itanghal sa hapag. Sinubukan uli ni Anina. Dito sa Gila, mas uso ang marubdob at matatag na boses. “Magandang araw po!”
Tumingala sa wakas ang lalaki. “Ah, magandang araw. Hinahanda ko pa ang puwesto ko. Sandali lang at matutulungan rin kita.”
“Nandito po ako para itanong kung kailangan niyo ng katulong.” Ibinigay ni Anina ang mga yantok niya sa lalaki para masuri ang kanyang sulat. “Isa po akong bihasang tagasulat ng anto. Mabilis po akong magsulat, at nakabubuo po ako ng mabibisang anto para sa kung anumang pakay.”
Binasa ng lalaki ang mga nakaukit sa kahoy. Ginagamit ni Anina ang karamihan sa mga utos dito sa paglakbay niya, katulad ng pagbago ng temperatura o direksyon ng daloy ng tubig at hangin. May isinulat din siyang utos na nakakapagsala ng dumi sa tubig para may mainom siya kapag nakatatagpo ng sapa. May mga anto rin siya para sa pakikipaglaban, katulad ng pampatibay sa mga yantok mismo para hindi sila masira kapag naglilihis siya ng mga dagok.
Sinauli ng lalaki ang mga yantok kay Anina. “Ayos lang ako sa ngayon. Tinuturuan ko ang anak ko. Sa tingin ko makabubuti sa kanya na magsanay.”
Pasasalamatan na siya sana ni Anina, nang lumusot si Sano sa harapan niya. “Magandang araw, po! Sigurado po ako na magaling ang gagawin ng inyong anak, lalo na dahil mahusay ang guro niya! Pero nagpapakadalubhasa po kami ng kaibigan ko sa pagsusulat ng napakasulit na mga anto na makatutulong sa inyong kumita pa. Halimbawa po ito.”
Natulala si Anina sa sindak nang pinagpipipintas ni Sano lahat ng mga mali sa nakatanghal na mga anto ng lalaki: kung paano niya paulit-ulit isinusulat ang ibang bahagi ng antong naukit na niya; kung paano niya mapapalitan ang ibang mga salita gamit ang aligin; at kung paano magbuo ng mas mabisang parirala para mapaiksi ang anto, at sa gayon, mangailangan ng mas kaunting hiwagang pampagana rito.
Sobrang nakatutok si Sano sa mga anto, parang hindi niya narinig ang pagtutol ng lalaki sa mga sinasabi niya. Natauhan si Anina, at itinulak niya si Sano palayo.
“Patawad po!” sabi ni Anina. Sumimangot ang lalaki sa kanila, nakakuyom ang mga kamay. Mapula ang mga pisngi niya sa mga puna ni Sano. “Hindi pa sanay ang a... pinsan ko po sa mga patakaran dito sa pamilihan.”
“Parang hindi pa siya sanay sa pagbigay ng galang,” inungot ng lalaki. Humingi na lang ulit ng paumanhin si Anina habang umuurong siya at kinakaladkad paalis si Sano. Ang lalaki na mukhang mabait na tao sa umpisa ay umungol ng “mga tangang Kataman” bago pa sila nakalayo. Uminit ang buong katawan ni Anina sa hiya, at hinatak niyang paalis si Sano hanggang nakapasok sila sa susunod na pangkat.
“Ano ka ba?” palagot na sinabi ni Anina. Bigla siyang nagliliyab sa galit. Nanginginig ang tinig niya sa pagpilit niyang manatiling tahimik. Makakukuha lang sila ng hindi magandang pansin kung sisigaw siya.
Kumurap si Sano. “Gusto ko lang tumulong. Hindi ko alam na magagalit pala yung lalaki.”
“Ininsulto mo siya!” balik ni Anina. Namamanhid ang mukha niya sa kahihiyan. “Hindi ka dapat magsalita nang ganoon sa nakaaangat sa iyo. Tayo ang naghahanap ng trabaho, at kailangan natin makuha ang kanilang loob para mangyari iyon. Para mo nang sinabing wala siyang alam sa isinulat niya. Naiintindihan mo ba kung bakit siya magdadamdam?”
Namutla si Sano. “Oo... oo, alam ko. Patawad.” Ibinaba niya ang tingin niya. “Gusto ko sanang kailanganin niya ang tulong natin. Hindi ko lang nasabi nang maayos.”
Nagbuntong-hininga si Anina. “Hayaan mong ako na lang ang makipag-usap.” Minatyagan niya ang bagong hanay na napasukan nila, at napilitan siyang ulitin ang mahirap na panunuyo sa ibang mga nagtitinda.
Gumanda ang kanilang kapalaran nang sumang-ayon ang isang mangangalakal na bigyan sila ng trabaho ng buong araw; ang tanging kapalit ay manatili sila sa loob ng kanyang dampa at huwag makikipag-usap sa mga namimili. “Matapang kasi ang mga punto niyo,” nanghihinayang na ipinaliwanag ng tindera, na ang pangalan ay Haraw.
Mabilis pumayag si Anina sa mga takda. “Isang araw sa lilim na walang kinakausap na hindi ko kakilala?” bulong niya sa sarili, sabay pilantink sa nakasukbit niyang pakal. “Buti naman.”
Sa araw na iyon, iba't-ibang mga tao ang dumaan sa puwesto ni Haraw – mula sa mga maginoong nakabughaw na uso ngayon sa mga nakatataas sa Gila; hanggang sa mga nagtitinda galing sa ibang pangkat ng pamilihan; pati na ang mga aliping napakasimple lang ng bihis na namimili para sa mga amo nila. Minsan nasusulyapan din ni Anina ang ilang mga banyaga mula sa mga Lupang Dinalupig at iba pang mga bayan sa sangkapuluan.
Habang pinanonood niya ang pagdating at pag-alis ng mga ito, naalala ni Anina ang mga nakaraang panahon dito sa Masagan. Marami ding araw na lumipas katulad nito, na inaalok niya ang kanyang serbisyo sa kung sinuman ang tatanggap para makakain siya sa gabi at makaipon ng kaunti sa kanyang paglakbay.
Kasama nina Anina at Sano sa dampa ang dalawang anak ni Haraw, mas nakababata sa kanila at tumutulong din sa paglalagay ng anto. Karamihan sa mga namimili ay may bitbit na mga kagamitang pambahay at nagpapaukit ng mga utos sa mga ito. Si Haraw at ang kapatid niya ang namamahala sa mga bilin ng tao, habang ang asawa naman niya ang nagpapatalim ng mga pakal sa likuran ng dampa.
Lumipas ang araw, at nagsimulang sumakit ang mga daliri ni Anina sa kalililok ng mga anto. Nagpapahinga minsan ang mga anak ni Haraw, pero hindi si Anina, maliban lang nang binigyan sila ni Haraw ng saging-saba pang tanghalian. Pinigilan din ni Anina na magpahingang madalas si Sano. Hindi nila kailangan ng isa pang manlalako na mag-iisip na tanga sila, o tamad, o kung ano pa na hindi maganda.
Nang matapos nila ang mga nakatalagang gawain, at nang nagsimulang magligpitan ang ibang nagtitinda, nagpasya na rin si Haraw na magsara. Tinupad niya ang pangako na bayaran ang bawat isa sa kanila ng limang saga ng tumbaga.
“Buti kinuha ko kayong magsulat,” sabi ni Haraw. “Hindi kayo katulad ng ibang Kataman. Mas mabilis pa nga kayo sa huli kong nakuhang tulong. Galing pa sila dito sa Gila, at dalawang-katlo lang ng ginawa niyo ngayon ang natapos nila.”
“Maraming salamat po. Malaking bagay po 'yan sa akin,” sabi ni Anina, at lumuwag ang kahigpitan sa dibdib niya. Pinalayas ng pagpuri ni Haraw ang bisa ng panlalait ng lalaki kaninang umaga.
Mas maginhawa na ang pakiramdam ni Anina nang ginabayan niya si Sano pabalik sa pangkat ng mga pagkain para maghapunan sila.
“Kailangan natin ng limang saga ng tumbaga bawat gabi para sa upa,” sabi niya. “Ibig nitong sabihin, may limang saga ng tumbaga tayong paghahatiin sa pagkain at pang-ipon. Itabi na natin ang tatlo sa panlakbay. Makabibili tayo ng maayos na pagkain sa dalawang saga ng tumbaga.”
Sumang-ayon si Sano, kahit naglalaway siyang tumingin sa palayok ng kumukulong ginataang baka, isang kilalang ulam sa Gila. Mas mahal ang isang mangkok nito sa mga saga na mayroon sila.
“Tama ka,” nagbuntong-hininga si Sano. Malungkot niyang kinawayan ang puwesto ng ginataan. “Paalam, ginataan! Pangakong susubukan kita balang araw.”
Bumili na lang sila ng hindi kasinlinamnam na pagkain: kaning iginisa sa bawang na binudburan ng hinimay na tuyo. Tama lang para kay Anina, pero sinobrahan naman ni Sano ang pagkatuwa. Napakasarap daw. Halatang pinipilit niyang itago ang panghihinayang niya pagkatapos wasakin ni Anina ang pangarap niyang makatikim ng ginataang baka. Ngunit dahil mas maayos na ang kalagayan ni Anina, pinagtiyagaan na lang niya ang sabik ni Sano, at hindi na nagreklamo.
Pagkatapos nilang kumain, nagsimulang pumunta si Anina sa kanilang bahay-panuluyan. Kahit maliit ang silid nila, basta naiisip lang na makahiga siya at maipikit ang mga mata, gumiginhawa na rin ang kanyang katawan. Nakapapagod mapalibutan ng maraming tao.
“Magpapahinga na ba tayo?” tanong ni Sano.
“Oo. Ayaw mo pa ba?”
Binigyan siya ni Sano ng nag-aalinlangang ngiti. “Iniisip kong libutin ang palengke ng saglit. Gusto ko sanang makita pa ang ibang bahagi nito.”
Tiningnan ni Anina ang pamilihan na halos wala nang laman. Karamihan sa mga natitirang kumot ay itinitiklop na, at ang mga bukas na puwesto ay parang hindi magtatagal na nakabukas pa. “Ngayon na? Wala nang makikita ngayon.”
“Wala kasi akong panahong maglibot sa umaga,” balik ni Sano. “Ito na yata ang pinakamagandang pagkakataon. Hindi mo naman ako kailangang samahan kung napapagod ka na.”
Nagpawis ang mga palad ni Anina sa isipang mag-isang maglilibot si Sano. Paano kung maligaw siya? Paano kung matapilok sa isang pakal at nasaksak niya ang sarili? “Hindi, sasama na ako,” ang pasya ni Anina.
Hindi gaanong magaling magkuwento si Anina tungkol sa palengke, pero parang hindi naman kailangan ni Sano ng mga paliwanag. Suminghap at ngumanga at tumulala si Sano sa dinaanan nilang mga halayhay, kahit na nakaligpit na ang magagandang paninda. Ang mga hapag na kaninang umaga ay nagtatanghal ng mga telang kakulay ng mga mutya ay halos wala nang laman, pero may ilang tao pa ring naglalagi rito. Naglilinis ang isang umpukan ng mga babae ng mga kawang pangkulay, at nililikaw naman ng iba ang mga tira-tirang sinulid.
“Ay, tingnan mo!” May itinuro si Sano sa harapan nila. May isang munting hapag na tambak ng mga telang kulay buhangin at tuyong-damo at putik. Kulay pang-Katam. Parang may nag-uudyok kay Anina na lumayo sa direksyon na iyon. Tatlong dalaga ang nakaupo sa likuran ng hapag, mukhang magkakapatid. Kinakausap nila ang isang matandang lalaki na parang hindi natutuwa sa kanila. Sa paglapit nila, nahuli ni Anina ang ilang mga salita.
“... bakit niyo naisip gawin ito?” tanong ng lalaki. Sa tanda niya, puwede na siyang maging lolo ng tatlong bata. Nakapihit ang mukha niya sa isang mabagsik na simangot. Nilawakan ni Anina ang agwat niya rito.
“Pero noong lumipas na buwan, sinabihan niyo po kami na kung nais naming umunlad sa palengke rito, maghabi kami ng mga kakaibang tela,” sinagot ng pinakamatangkad sa mga dalaga. May pagtataka sa itsura ng tatlo, at lumilinga ang mukhang bunso sa kanila. Malakas magsalita ang matandang lalaki, mas malakas pa sa pangkaraniwan sa Gila.
Nagpatuloy ang matangkad na dalaga, “Naaalala niyo po noong lumipas na buwan, naghabi kami ng mga disenyong uso sa Dayung? Iyong makukulay at paikot-ikot. Pero tinawag niyo po kaming...” tumahimik ito. Binulong ng dalaga sa gitna, “manggagaya.”
“At inakala niyo na mas gusto kong makita ang pang-Katam na mga kulay at disenyo?” naging matinis ang tinig ng lalaki.
“Wala pong ibang nangangalakal ng ganoon, kaya akala namin na magandang sundin ang mungkahi niyong maging orihinal!”
“Hindi, hindi, hindi!” Iniling ng matandang lalaki ang ulo niya. “Huwag niyong isisi sa akin ito! Wala akong sinabing ganoon. Ang sinabi ko ay kailangan niyong maging mas malikhain, pero bakit niyo napag-isipang papatok ang ganitong habi sa isang magarang na pamilihan tulad ng Masagan? Ano'ng Katamang pag-iisip ang pinaiiral niyo?”
“E... hindi po ba kayo Kataman din?”
Umurong ang lalaki, suminghal, at itinaas ang baba. “Hoy, ang lolo ko sa tuhod ay isang mabagsik na Gilang mandirigma!” Nagdabog siya paalis, nakatingala ang ulo. Sinundan siya ng tingin ng mga dalaga, at nang napalibutan na siya ng numinipis na umpukan, sina Sano at Anina na ang tinutukan ng kanilang pansin.
“Huh, ang kuripot naman niya,” ungot ni Sano.
Nagbuntong-hininga ang pinakamatangkad na dalaga. “A, iyon po si Lolo Sungid. Lagi siyang ganyan, nakikialam. Nagtataka nga kami kung paano pa niya naaalagaan ang sariling puwesto ngayong lagi niyang sinisilip ang paninda ng iba.”
“Pero tama rin siya.” Hinaplos ni Anina ang malambot na telang bulak sa taas ng tambak. “Hindi marami ang mamimili sa inyo kung ganito ang ibinebenta niyo.” Dati, mahihilig ang mga Kataman sa simpleng pamimihis na itinuturi ng iba sa kaharian na mas bagay sa mga alipin. Sa mga dumaang taon, umayaw na ang karamihan sa pagsuot ng guhitang disenyo sa mga kulay ng lupa.
Kinagat ng matangkad na dalaga ang labi niya, marahil ayaw aminin na totoo ang sinabi ni Anina. Tapos binigyan niya sila ng matingkad na ngiti. “Hindi naman po namin kailangan ng maraming mamimili. Kahit kaunti lang. Kahit dalawa lang, hindi po ba?”
Napatawa nang marahan si Anina. “Sayang, wala akong pera.”
“Tawaran na po kita,” sinubukan ulit ng dalaga.
Umiling si Anina. Kung magsusuot siya ng mga pang-Katamang damit, iisipin ng mga tao na nagmamalaki siya. Hindi siya makakukuha ng trabaho kung ganoon. Minamalas na nga siya na hindi niya gaanong maitago ang kanyang punto.
Lumingon ang dalaga kay Sano, pero nginitian lang siya nang malungkot nito. “Hindi ko rin kayang bumili sa iyo kahit may tawad. Pero magaganda ang mga ito, at sa tingin ko kung nandito lang ang ina ko, baka bumili siya ng isa o dalawang dipa.”
“A, ayos lang po kung ganoon,” sabi ng matangkad na babae. “Babalik na lang kami sa paghabi ng mga Dayungang disenyo uli.”
Tumango ang dalaga sa gitna. “Gusto lang po naming subukan ito. Maayos kasi ang kabuhayan sa amin noong huling pagdalaw namin, kaya naisipan naming subukan ang ibang habi. Pero baka kailangan na nga pong bumalik sa dati.”
“Nasa Katam pa ang mga kamag-anak niyo?” tanong ni Sano.
Tumango ulit ang matangkad na babae, habang nagsimulang magligpit ang mga kapatid niya. “Opo, nakatira ang pamilya namin sa isang baranggay sa gitna ng Katam. Hindi po maganda ang ani doon kamakailan, pero nitong lumipas na buwan, nakatanggap sila ng...” Binabaan niya ang boses. “Mga biyayang binalot.”
“Ano ang mga iyon?” tanong ni Anina.
Tiniyak ng dalaga na walang nasa paligid nila at sumagot siya sa Kataman. “Narinig po namin sa ibang mga Kataman na minsan nakakahanap ang mahihirap na mga baranggay ng mga pagkain at iba pang mga gamit sa isang tiklis. Sa umpisa, akala ng mga tao na galing ang mga ito sa mga manlalakbay na nakaiwan ng mga gamit, pero dumarami na ang ganitong kuwento, at sa wari ko hindi naman ganoong pabaya ang mga manlalakbay.” Nagningning ang mga mata niya. “Hindi man tiklis ang sa amin. Nakatanggap kami ng limang malalaking sako ng bigas! Nahanap malapit sa kubo ng datu namin!”
Sumilay sa isip ni Anina ang alaala ni Silim, nagtatago ng isang tiklis ng mga prutas. Itinuri rin niya ang pagkatuklas sa tiklis na iyon bilang isang biyayang hindi maipaliwanag, pero paano kung may ibang naghatid dito? Ngayong pinag-iisipan ni Anina nang mabuti, may rambutan sa mga prutas doon, at walang lumalaking rambutan sa kaharian na ito. Kung sino man ang nagdadala ng mga tiklis sa mga baranggay sa Katam, nakukuha nila ang nilalaman sa ibang lugar.
Nagpaalam sina Sano at Anina sa mga tagahabi. Lumubog na ang araw, at umuwi sila sa bahay-panuluyan, ginagabayan ng bughaw na liwanag mula sa antong binubuhay ni Anina. Maraming sinasabi si Sano tungkol sa palengke, pero habang naglalakad sila papunta sa kanilang silid, at pati na habang nakahiga na siya sa sahig, nanatili ang isip ni Anina sa mga biyayang binalot.