Kabanata 18
Sabwatan
Itinuro ni Anina ang nakahigang katawan ni Matiban. “Matagal na po ba kayong dalawa nagsasabwatan sa hari?”
Nagbuntong-hininga si Dayang Yiling. Talagang pangkaraniwang-tao ang mga kilos niya. Dati, lagi lang 'ito' o 'iyon' ang Halimaw sa isip ni Anina, at nakakapanibagong makita siyang umaasal na kakaiba sa sinabi sa mga kuwento.
“Mahirap ipaliwanag,” sabi ni Dayang Yiling, malumanay at palaisip ang tinig.
“Baka puwede po kayong magsimula sa umpisa.” Makatutulong iyon kay Anina.
Nagkibit-balikat si Dayang Yiling, na parang hindi rin niya alam kung nasaan ang simula. “Lumaki ako sa gubat sa timog ng Katam, kasama sina Matiban at ang ama ko. Matagal kaming namuhay na kami lang. Hindi kami pinayagang lumabas ng gubat ni Ama, dahil inisip niya na papatayin ako kung may makakakita sa akin, at napakabata pa ni Matiban para masiguradong hindi niya ako ipagsasabi.
“Ngunit sa tingin ko may iba pang dahilan sa kahigpitan ni Ama. Sa tingin ko nahihiya siyang lumbas sa pagtatago. Ayaw niyang makita ang kinahinatnan ng kanyang paglisan. At hindi ko masasabing hindi ako nagpapasalamat na iniligtas niya ang buhay ko, pero kapag nakikita ko kung ano ang kalagayan ng Katam ngayon, minsan hinihiling ko na iba rin sana ang ginawa niya noon.”
Natapos nang ipahid ni Dayang Yiling sa sugat ni Matiban ang luntiang gamot. Kumuha siya ng malilinis na bendahe at tinakpan ang sugat. “Pinaslang ni Bunawi lahat ng mga datu na tapat sa aking ama, at tinaasan niya ang mga buwis ng mga natira, higit pa sa dating hiningi ng ama ko. Ginantimpalaan ni Bunawi ang mga sumipsip sa kanya, ang mabibilis umangkop ng Dayungang wika at kalinangan. Pati na rin ang mga bumiyak sa dating kasunduan sa ibang mga Kataman, at sa halip ay bumuo ng bagong kasunduan kasama ng mga datu ng ibang bayan. Nagkawatak-watak ang pag-uugnayan ng mga datu na nagtaguyod sa Katam ng ilang daang taon, at nang nawala ito, gumuho rin ang balangkas ng ating kabuhayan.”
Lumapit si Sano sa tabi ni Anina. Halata pa rin ang antok sa mukha niya, pero nakikinig siyang maigi habang nagpatuloy si Dayang Yiling.
“Mas sumama pa ang kalagayan natin pagkatapos ng Himagsikan ng Katam. Higit pa sa kalahati ng mga manghihiwaga ng Katam ang namatay noon, pati na ang mga pinakamagaling nating mandirigma. Pinalitan ni Bunawi ang karamihan sa mga datu ng bayan natin, kahit iyong mga dating pinanigan niya. Mga sariling pinili niya ang ginawa niyang pinuno. Dinoblehan din ang ating buwis sa taas pa ng mga mahal na alay na ibinibigay na natin. Mas humirap pa ang dating mahihirap na, at naging mga alipin ang namumulubi. Umalis ang mas mauunlad sa bayan – ang mayayamang mangangalakal, ang mga dalubhasa sa isang kaalaman, ang mabababang maginoo. Hindi nila matiis ang Katam. Hindi ko rin naman sila masisisi. Walang kuwenta ang galing nila doon.
“May isa pang nabago pagkatapos ng himagsikan.” Sinulyapan ni Dayang Yiling si Matiban. “Namatay ang ama ko. Kahit mapanganib pa ring makita ako ng iba, wala nang pipigil kay Matiban na lumabas.
“Gusto ko lang sanang makatulong.” Yumukyok si Dayang Yiling. “Isang bahagi ko, gustong makabawi sa pagkakamali ni Ama. Ang isa pang bahagi, naiinggit lang talaga. Yumayabong ang buong kaharian maliban sa Katam. Isipin mo na may mga pumasok sa bahay mo at kinuha lahat ng gamit mo para makagawa sila ng sariling magagarang na bahay, habang namumulok ang sa 'yo. Ganoon ang nararamdaman ko.
“Naging mata ko si Matiban sa labas. Sa kabalintunaan ng tadhana, nakapasok siya sa hukbo ni Bunawi. Tinatawanan namin iyon minsan. Nagmamayabang ang hari na walang Kataman na magtatagumpay sa mga pagsubok ng hukbo, pero nandyan lang sa tabi niya si Matiban.
“Sinimulan namin tulungan ang Katam sa maliliit na paraan. Sinabi sa akin ni Matiban kung aling mga baranggay ang nangangailangan ng pagkain, at palihim kong binigyan ang mga ito ng mga natipon ko. Tapos sinundan namin ng mas malalaking plano. Kapag umiinit ang ulo ni Bunawi sa mga Kataman, nagtatanim kami ng mga nakakahiyang alingasngas sa ibang panig ng kaharian para abalahin siya. Noong una, mga ganoon lang ang kaya naming gawin.”
“Sandali po,” sumabad si Sano. “Sabi po ng ina ko may mga kuwento na tungkol sa 'Halimaw' noong bata pa siya. Kung hindi ka po umalis ng gubat hanggang nagdalaga ka na, paano po nabuo ang alamat ng 'Halimaw' nang ganoon kaaga?”
“Posibleng may nakakita sa akin paminsan-minsan,” tugon ni Dayang Yiling. “Makapal at mapanganib man ang gubat sa timog ng Katam, mayroon pa ring mga pumapasok doon. At nang narinig ni Bunawi ang mga sabi-sabi tungkol sa akin, pinalaki niya ang mga ito sa alamat na kilala natin ngayon, dahil napapakinabangan niya ito. Sa totoo lang, napapakinabangan ko rin ito. Hindi alam ng mga tao kung totoo nga ako o hindi, at nagbibigay sa akin ito ng kalayaan.
“Nagkaroon ng malubhang tagtuyo tatlong taong lumipas. Kahit ako, wala akong gaanong mahanap sa gubat. Noon din tinangka ni Bunawi na lusubin ang isang pulo sa Gamhana.”
Napasinghap si Sano. “Kayo po pala ang nagkalat ng plano ng hari!”
“Ipinasa sa akin iyon ni Matiban,” inamin ni Dayang Yiling. “At nakipagkasunduan ako sa isang Gamhanan, isa sa mga nakaaalam ngayon na tunay talaga ako. Kapalit ng mga pagkain at patuloy na pangangalakal sa kanila, ibinahagi ko ang balak ni Bunawi na gumamit ng daluyong sa labanan.”
“Patuloy na pangangalakal?” sumingit si Anina. Sumulpot sa kanyang pag-iisip ang ninakaw na agong at ang mga pinamigay na sako ng bigas. “Nagnanakaw po ba kayo ng mahahalagang gamit mula sa mga maginoo, at inilalako ang mga ito sa Gamahanang kakilala niyo para makapamigay ng mga biyayang binalot?”
Binigyan ni Dayang Yiling si Anina ng maliit na ngiti. “Biyayang binalot? Ganoon ba ang tawag ng mga tao sa mga iyon? Oo, ganoon nga ang ginagawa ko. At sa totoo lang, ayos sa aking magpatuloy sa gawaing ito. Nagsisilbing kanlungan ko ang alamat tungkol sa pagiging halimaw hangga't nananatili akong nakatago. Alam ko kung ano'ng mangyayari kapag nalaman ng mga tao na ang Halimaw na kinatatakutan nila ay totoo pala.”
“Pero noong isang gabi...” sinimulan ni Sano, tinutukoy ang pagpakita ni Dayang Yiling sa marami.
Sumimangot si Dayang Yiling, at mas lumala ang mukha. “Mali ang ginawa ko. Hindi ko naman kailangan iligtas si Matiban. Alam namin na balang araw, matutuklasan din siya at hindi dapat ako makialam. At kahit man may magagawa ako, hindi ko naman kailangan makisama sa gulo. Pero galit na galit ako kay Bunawi, at ngayon baka buong Katam ang magbabayad sa pagkakamali ko.”
Hanggang sa puntong iyon, nagsisimula nang guminhawa nang kaunti ang loob ni Anina. Naipaliwanag na ang karamihan sa mga kababalaghang nangyari sa mga lumipas na araw. Nararamdaman pa ba niyang tumaob bigla ang mundo? Oo, pero kahit papaano natututuhan na niya kung bakit. At sa pagtagal ng pag-uusap nila ni Dayang Yiling, nawawala-wala na ang pagkailang niya sa babae.
Subalit tama si Dayang Yiling. Mas walang katiyakan ang kalagayan nila ngayon. Wala silang oras para sa ginhawa. Kahit pa ang layunin lang ni Dayang Yiling ay magpakain ng mga nagugutom na Kataman, para kay Haring Bunawi kataksilan na ang mga ginawa niya. Paniniwalaan ng hari na nagsasabwatan ang buong bayan sa kanya.
Ang magaspang na hininga ni Matiban ang tanging naririnig lang sa lungga. Si Sano ang nagbigay boses sa mga salitang kinakabahang bigkasin ni Anina. “Ano po ang gagawin niyo ngayon?”
Umungol si Dayang Yiling at isinandal ang ulo sa papag ni Matiban. Pero nang tumingala ulit siya at nagsalita, matatag ang kanyang boses. “Lalaban ako. Hindi ko naman kayang takasan ang mga gulong sinimulan ko. Ang ama ko ang magaling sa ganoon. Dapat maiba ako. Tiyak ako na gaganti si Bunawi, hindi lang sa akin, pero sa buong Katam. At ayaw kong maging dahilan kung bakit mas maghihirap pa tayong lahat.”
“Kakalabanin niyo po ang hari?” tanong ni Anina, hindi makapaniwala.
“Aba, madaling kalabanin ang hari,” sabi ni Dayang Yiling, at nagulat si Anina. “Ang mahirap ay matiyak na hindi mawawasak ang Katam sa labanang mangyayari.”
Tumayo si Dayang Yiling at kumuha ng tiklis sa isang sulok ng lungga. “Dadalhin ko si Matiban pabalik sa aming tahanan sa Katam. Doon ako bubuo ng plano. Puwede kayong manatili dito kung gusto niyo, at mag-iiwan ako ng butas na maaakyatan niyo. Sa tingin ko hindi na ako babalik dito ulit. O puwede kayong sumama sa akin, at ihahatid ko kayo kung saan niyo kailangan, pero dapat madadaanan natin patungo sa bahay ko. Hindi ko kayang lumiwas.”
Nadapa ang isip ni Anina sa pangangailangang magpasya nang mabilis. Lumingon siya at tumingin kay Sano. Ibinalik lang ni Sano ang titig niya, mabilog ang mga mata.
“Kailangan niyo bang mag-usap nang mag-isa?” sabi ni Yiling na may nakakatuksong ngiti. Sa isang pilantik ng kamay niya, may bumukas na butas sa itaas ng mga unan na binagsakan nila kahapon. Dumaloy ang liwanag ng araw. Sa pader katabi ng butas, may mga baitang gawa sa mga ugat ng puno na magagamit bilang hagdanan.
Nagtinginan sina Sano at Anina ng isang saglit bago tinanggap ang pagkakataong magsarili. Umakyat sila sa butas, at napaligiran muli ng kakahuyan. Pumili sila ng dako kung saan hindi aabot ang kanilang boses sa butas.
Mula nang nakilala niya si Sano, ito ang unang beses ni Anina na magtanong ng, “Ano'ng gagawin natin?”
Napangiwi si Sano. “Iyan din ang itatanong ko sana sa iyo. Parang... gusto ko yatang sumama sa kanya,” sabi niya sa mahinang tinig. Nag-aalinlangan siyang tumingin kay Anina, parang natatakot na sasalungat si Anina sa kanya. Hindi alam ni Anina kung sasalungat nga o hindi. “Marami nang nagbago. Baka hindi pa malayo ang bayi at ang mga mandirigma niya rito. Pagod at sugatin tayong dalawa, at kung hindi tayo tinulungan ni Dayang Yiling kahapon, tiyak mahuhuli tayo. At hindi rin naman gaanong nakakatakot si Dayang Yiling, 'di ba? Kahit papaano, hindi niya tayo papatayin.”
“Alam kong tama ka, pero...” kinagat ni Anina ang labi niya. Paano sila nakarating dito sa dalawang pagpipiliang ito? Kung matatawag nga niyang pagpipilian pa ang mga ito, dahil kahit dalawa, isa lang ang uuwian: sa mabagal at masakit na kamatayan. “Hindi man tayo papatayin ni Dayang Yiling, pero kung sasama tayo sa kanya, baka mamatay rin tayo sa kalaunan.”
“Mas masama ba iyon kaysa sa madakip na tayo ngayon?”
May katwiran si Sano. Sinaktan ni Anina si Haring Bunawi; sa madaling salita, papaslangin siya kapag nadakip siya. Hindi siya tulad ni Sano, na binibigyang halaga ng malakas niyang hiwaga at mga kakaibang kaalaman; walang halaga na maiaalay si Anina para mapahaba ang sariling buhay.
Kahit na. Pumipiglas si Anina sa pag-iisip na may hahadlang na naman sa kanilang paglalakbay. Parang inaanod ang hantungan niya palayo nang palayo sa kanya. “Paano ang ina mo?” tanong niya. “Paano tayo makikipagkita sa kanya? Halos isang buwan na kayong magkahiwalay. Hindi ka ba nag-aalala?”
“Oo naman!” sagot ni Sano. “Pero naniniwala akong mas maayos ang kalagayan niya kaysa sa atin. Tayo ang hinahabol ng hari. Baka nga hindi magandang makipagkita kay Ina ngayon, kung ibig nitong sabihin ay ihahatid natin si Bunawi sa kanya.”
Lumalakas ang kabiguan sa loob ni Anina, hinihigpitan ang dibdib niya. Wala na ba siyang magagawa para makita ang Manghihiwagang Lingid kahit saglit lang? Pagkatapos nito, puwede siyang lumayas, lumayo sa gulong ito, at magsimula ulit sa ibang lugar. Kapag natutuhan ni Anina kung paano niya nasira ang baranggay niya, hindi na niya kailangang makihalubilo sa mga ganitong mapanganib na pakana.
Wala sa kanila ang nagsalita muna. Nakatingin si Sano sa balong, sa maliit na bahagi nito na naaaninag sa pagitan ng mga puno.
“Iniisip ko,” sabi ni Sano sa wakas. “Na tulungan si Dayang Yiling.”
Muntik nang mabulunan si Anina. “Nawawala ka ba sa tamang pag-iisip? Kalabanin ang hari? Alam mo ba kung gaano tayong kapalad na makawala sa kanya at sa mga manidirigma niya tatlong beses na?”
“Oo, at alam mo ba kung ano ang mas maganda pa diyan? Na makapamuhay na hindi laging tumatakbo o nagtatago,” ibinalik ni Sano. May igting sa kanya na hindi pa nakikita ni Anina dati. “Alam kong may sarili kang layunin, pero paano naman kami ng ina ko? Mananatili na lang ba kaming mga pugante buong buhay namin? Wala kaming kinabukasan kung hindi kami lalaban sa hari.”
“Ewan ko, Sano.” Nanlamig ang mga kamay at paa ni Anina sa pangangamba. “Iniisip ko lang makipaglakbay kay Dayang Yiling ng mga ilang araw. Mabigyan natin ang sarili natin ng panahong makapagpahinga, maiayos ang pag-iisip at makabuo ng mga plano. Hindi ko iniisip na...”
“Ipaglaban ang Katam?”
Pinigilan ni Anina na umirap kay Sano. Kung makasalita si Sano, parang marangal ang paglalaban imbes na mapusok. “Talaga ba tungkol sa Katam ito para sa iyo? Kasi sa akin, parang gusto mo lang magpakabayani at naghahanap ka ng makakaaway.”
“Hindi mo ba naiisip na marahas si Bunawi?”
“Oo. Pero hindi ibig sabihin ako ang tatalo sa kanya. Hari siya! Sino ba ako?”
“Hindi mo ba naiisip na kailangan nating pabutihin ang Katam?”
“Hindi ko alam kung ano ang iisipin!” Pinilantik ni Anina ang mga kamay sa hangin. “Gusto ko lang makawala. Tumakas sa malayo at magtago. Katulad ng ginawa ng ina mo! O ng ama ni Dayang Yiling!”
Tinitigan ni Sano si Anina, parang nagulat at nasaktan. Ipinikit ni Sano ang mga mata niya at huminga nang malalim. Nang magsalita ulit siya, napakahinhin ng tinig niya, halos hindi siya marinig ni Anina.
“Isa sa mga pinuno ng Himagsikan ng Katam ang ina ako.”
Dumaluhong kay Anina ang pakiramdam na umuugoy ang lupa sa ilalim ng mga paa niya, na bumabagsak ang sikmura, na tumataob ang lupa at langit. Pakiramdam na nahuli siya sa isang bahay-gagamba, at bawat pagtangka niyang makawala, mas humihigpit pa ang kapit sa kanya. Tinakpan ni Anina ng mga kamay ang mukha niya, hahagulgol na sana dahil sa kawalan ng pag-asa. Paano niya hinayaan ang sariling matangay ng mga tao na ito? Bakit siya dinala ng tigmamanukan dito?
“Patawad.” Lumapit si Sano kay Anina. “Patawad na hindi ko sa iyo sinabi ang katotohanan, pero intidihin mo na lang. Hindi ko basta-basta masasabi iyon.
“Nawalan ako ng ama bago pa lang ako ipinanganak. Nawalan ako ng mga kamag-anak. Si Ina lang ang nakaligtas sa huling digmaan. Kaya sana makita mo, ang pagtatago ang pinakahuli niyang ginawa. Lumaban siya ng maraming taon bago pa iyon. Nang talagang talong-talo na lang siya, nang nawala na ang lahat sa kanya maliban lang ako, noon lang siya nagtago.”
Sumimangot si Sano sa malayo. “Hindi ko maipapaliwanag sa 'yo kung gaano kapait sa akin na nandito tayo, pinagpipilian ang dalawang landas na pareho ring makapapatay sa atin, habang nagsasaya sina Bunawi at Angtara sa bawat saglit na tinatakot nila tayo. Sa tingin mo ba na hindi ko namalayan ang kahinaan ko sa buong panahong pinagsama natin? At kung gaano ako naging pahirap sa iyo? Kung may magagawa ako para matulungan ang sarili ko, gagawin ko. At ngayong may pagkakataon tayong makipanig sa isang makapangyarihang nilalang, sa isang makapagdudulot ng mga pagbabago, sa tingin ko hindi ko dapat palampasin iyon.”
At doon naunawaan ni Anina na para kay Sano, ito ang pinaka-inaasam niya mula nang iniwan niya ang kanyang bahay sa bundok. Nakita ni Sano ang pagkakatulad nila ng Halimaw ng Katam – ang pagkahambing ng ugali ng kanilang mga magulang, ang direksyon ng kanilang buhay. Ngayon kumakapit na rin si Sano sa mga minimithi at hinahangad ng Halimaw. At kapag lalong kumokontra si Anina, lalong ipipilit ni Sano – dahil nagdadala ang mga hangaring ito ng panganib, ng matataas na pusta. Maibubunsod siya mga nito palayo sa katamlayan ng lumang buhay niya. Pero hindi kayang makiramay ni Anina. Pinipilit ni Sano na makita ang buong gubat kaysa sa bawat puno, kahit babangga na siya sa isang sangang makasasaksak sa kanya.
Sa taas nila, kinaluskos ng hangin ang mga dahon. Sa malayo, lumalaguklog ang balong. Inisip ni Anina kung nandodoon pa ang bangka nila. Ngunit tama ba na lumisan siya? Malamang kasimpusok rin ng pagsanib kay Dayang Yiling ang desisyon na maglakbay siyang mag-isa ngayon.
Muntik ng hilutin ni Anina ang noo niya, pero naalala niyang may sugat siya doon, kaya ibinaba niya ang kamay. Naguguluhan talaga siya. “Hindi ko alam, Sano,” sabi niya, nahihirapan. “Kung ang labanang ito ay sa pagitan ng Dayung at Gila, kung ang tutulungan natin ay ang Punong Arbitro, sasang-ayon ako. Pero ang pinag-uusapan natin ay ang Halimaw. Ang nilalang sa masasamang panaginip. Tayo ang magmumukhang masama.”
Ang mahirap sa suliranin na ito ay nasa kalaban ang lahat ng kapangyarihan, karapatan, at mas magandang ngalan. Mahirap pilitin ang sarili na tama nga ang ginagawa, ngayong inaaway niya ang tao na sinubukan niyang isamba buong buhay.
Subalit ano ba ang nais talaga ni Anina? Lagi siyang umiiwas sa mga gulo, umiiwas sa kahit ano'ng magpapabuway sa kanyang hiwaga. Pero tama si Sano sa isang bagay. Makapangyarihan si Dayang Yiling. Makapangyarihan din si Sano, at kahit na nasaktan si Matiban, mas mahigpit pa rin ang kontrol niya sa kanyang hiwaga kaysa sa kontrol ni Anina sa sariling hiwaga. Mapapalibutan si Anina ng mga manghihiwagang tunay na mahusay. Kung kaligtasan ang inaalala niya, hindi ba siya mas ligtas kasama nila sa ngayon?
At hindi pa rin tuluyang nawawala ang pagkakataon niyang matuklasan ang lihim ng paglakas ng hiwaga. Hangga't kasama ni Anina si Sano, may pagkakataon pa rin siyang makipagkita sa Manghihiwagang Lingid sa kalaunan.
Ibinuga ni Anina ang hiningang hindi niya namalayan ay pinipigilan pala niya. “Ayos lang sa aking sumama kay Dayang Yiling sa ngayon, pero iyon lang ang maipapangako ko. Hindi pa ako nakakapagpasya tungkol sa pagtulong sa Katam.”
Tumango si Sano, nabawasan ang pagkasimangot. “Naiintindihan ko.”