Kabanata 7
Ang Parusa sa Kaduwagan
Nanlamig ang buong katawan ni Sano, umaalon ang mga titik ng anto sa kanyang paningin. Kung susulpot ang Halimaw ng Katam ngayon para kainin siya, baka magpasalamat pa siya.
Kumitid ang mga mata ni Matiban. Nawala ang banayad niyang itsurang suot-suot sa buong usapan kanina. “Sa bilis ng pagbasa mo diyan, sa palagay ko sanay na sanay ka nang bumasa ng Kataman.”
Gumuhit ang matalas na pagsisisi sa dibdib ni Sano. Sa desperasyon niyang magpanggap bilang isang pangkarinawang tao, hindi lang siya naging magalang, naging masunurin din siya. Sobrang masunurin na sumang-ayon na lang siya agad sa anto ni Matiban nang hindi iniisip kung saang wika nakasulat ito.
Nag-unahan ang mga palusot sa isip niya, pero walang saysay na subukin pa ang mga ito. Gumagalaw rin ang bibig ni Anina, pero wala ring mga salitang lumabas sa kanya.
Kinuha ni Matiban ang pilas sa nanlalambot na kamay ni Sano. “Bukod pa dito, nakapanghihinala ang iba mong mga sagot. Magagandang tanawin dito, talaga? At hindi pa namumunga ang mga bignay sa panahong ito. Bakit ka magsisinungaling tungkol sa pagkasakit mo, maliban kung may ayaw kang ipaalam sa tunay na dahilan?”
Nagpatuloy si Matiban sa isang tinig na mas nagpasindak kay Sano. “Ano'ng nangyari sa mga kasamahan kong mandirigma na inutusang dalhin ka kay Haring Bunawi? Kung pinatay mo sila–”
“Hindi po!” binulalas ni Sano.
“Sano!” Napahindik si Anina. Alam ni Sano na naamin na niya ang hindi pa deretsong nasasabi. Ngunit wala nang kabuluhan ang paglilihim nila. Matalas ang isip ni Matiban, at kung kailangan nilang pumili sa pag-amin ng katotohanan o mapagbintangan ng hindi naman nila ginawa, mas pipiliin na ni Sano ang una.
“Opo, ako ang manghihiwagang sinasabi nilang nagpahinto sa pagguho,” sabi ni Sano, gumagaralgal ang mga salita sa lalamunan na tila kinakalmot palabas. “Pero wala pong kinalaman si Anina doon. At hindi po namin pinatay ang mga mandirigmang humabol sa akin. Nahipan sila ng Malagim na Hangin!”
Naghalukipkip si Matiban. Mabigat ang tingin niya, at pinatagal niya ang nakababalisang katahimikan hangga't hindi na makayanan ni Sano. Sabi ni Sano, ramdam ang pagkatalo, “Sasama po ako sa inyo nang wala nang pahirap kung pakakawalan niyo si Anina.” Hindi na makatatago si Sano ulit, ngunit kahit papaano, mababawasan niya ang parusa kay Anina. Narito lang naman si Anina dahil sa kanya, at nahihiya siyang isiping babayaran niya ng kamatayan ang kabutihang ipinakita sa kanya.
Tumingin si Matiban sa mga nagsasayang taga-nayon. Naririnig ni Sano ang mga tawanan at magagaang usapan nila. Kahit nasa baranggay na siya, malayo pa rin siya sa pagiging tunay na bahagi ng mundo.
Tumayo si Sano mula sa tuod, itinabi ang kanyang pagkaing nasa dahon ng saging na ngayon ay nakauumay nang tingnan. “Sige na po,” sinabi niya, hindi na makayanan ang katahimikan ng mandirigma.
Nagbuntong-hininga si Matiban, at hinila ang itak sa may balakang. Lumundag palayo si Sano.
Ngunit hindi siya sinaktan ng mandirigma. Ipinatong ni Matiban ang tuktok ng itak sa pilas ng kawayan, at isang matingkad na asul na liwanag ang dumaloy sa talim. Lumiyab ang pilas. Hinayaan ni Matiban na kainin ito ng apoy hanggang maihulog niya sa lupa para tapakan.
Tinitigan ni Sano ang mga abo, nagtataka. Winasak ni Matiban ang katibayan.
“Huwag niyong sasabihin ito kanino man,” inutos ni Matiban, malabakal ang tinig. “Umalis kayo agad sa baranggay pagsapit ng umaga. Tiyakin niyo na hindi tayo magtatagpo uli, o ibang-iba ang kalalabasan ng pagkikita natin sa nangyari ngayon.”
Nakatayo lang si Sano sa pagkabigla habang lumakad pabalik sa baranggay si Matiban. Nakaupo si Anina sa tuod, nakanganga.
“Hindi niya ako huhulihin,” ibinulong ni Sano pagkatapos matakpan si Matiban ng umpukan. “Hindi ko maintindihan. Banal na Karingal, ano'ng nangyari?”
Nagkibit-balikat si Anina sa pagkalito. “Tiniyak niya na ikaw ang manghihiwagang sumuway sa batas, pero parang gusto niyang ilihim iyon.”
Isang panlilinlang ba ito? O talaga bang malaya na sila?
Oo, guminhawa ang loob ni Sano na hindi sila mamamatay ni Anina, guminhawa na hindi man lang siya paparusahan ng isang kataas-taasang tao. Pero mahirap unawain ang kababalaghan na ito.
“Ano'ng gagawin na natin ngayon?”
“Aalis,” sinambit ni Anina. “Iyon ang pinakaligtas nating puwedeng gawin.”
Lumingon ulit si Sano sa umpukan para makita kung ano na ang ginagawa ni Matiban. Napansin niya ang dulo ng isang tapis na dumaan sa likuran ng kubo ni Lola Silim. “Nakita mo iyon?”
Tumingin si Anina sa dilim at umiling. “Ano'ng napansin mo?”
“Akala ko may nakita akong tao.” Baka may dumaan lang. O baka may kinailangan lang si Lola Silim sa kanyang kubo. Baka wala namang masamang ibig sabihin ito.
Kahit na. May kabigatan na ang kapaligiran ngayon, at wala nang ganang itinuloy nina Sano at Anina ang kanilang hapunan.
Bago pa sumikat ang araw sa baranggay, ginising na ni Anina si Sano para maghandang umalis. Karamihan sa mga taga-nayon ay natutulog pa. Naisip ni Anina na tumakas bago bumangon sina Kuya Aklin at Kuya Danihon. Kinakabahan siya na magpaalam sa kanila nang biglaan, ngayong wala siyang maayos na paliwanag.
Subalit habang ibinabalot nila ang pagkaing inalok ni Lola Silim para sa kanilang paglakbay, biglang sumulpot si Kuya Danihon at dinala siya sa isang tabi.
“Sa totoo lang, hindi kami narito para magsuri,” ibinulong niya kay Anina na parang magkasabwat sila. Pinilit itago ni Anina ang sindak sa likod ng mausisang mukha. “Hinahanap namin ang manghihiwagang sumagip sa isang baranggay gamit ang mga Katamang anto. Nang makita namin ni Aklin si Sano, natakot kami na siya ang hinahanap namin. Mabuti tiniyak ni Matiban na hindi siya.”
“Ganoon po ba?” Sinubukan ni Anina patatagin ang tinig. “Buti naman. Hindi matutuwa ang hari kung dadalhin niyo po sa kanya ang makulit na batang iyon.” Itinuro niya ang mga labi sa dako ni Sano, kung saan kinakausap ng binata ang mga pagkaing hinahanda niya.
Dumating din si Kuya Aklin para magpaalam sa kanya. “Sayang na hindi tayo matagal nagkasama, pero sa tingin ni Matiban hindi rin kami dapat mag-aksaya ng panahon dito. Magpapatuloy kami sa timog-silangan kapag handa na kami.”
Timog-silangan. Salungat iyon sa patutunguhan nila ni Sano. Talaga nga yatang ayaw makigulo ni Matiban kay Sano. Nababahala sa Anina na hindi niya maintindihan ang binabalak ng lalaking iyon.
“Kung pupunta ka rin naman sa Gila, dalawin mo na si Ina at Ama,” udyok ni Aklin. “Tiyak hindi naman mahaba ang lalakbayin mo mula sa kung saan mo dadalhin si Sano. Mas maayos ang mga daanan sa Gila kaysa sa Katam.”
Natapos nang magbalot si Sano ng mga pagkain at si Anina na lang ang hinihintay. Sa pagnanais na lumisan bago makita muli si Matiban, pinangakong mabilisan ni Anina na dadalawin niya ang ampunan. Hindi nagtagal, umalis na sila ni Sano sa baranggay.
Buong araw, pinilit nilang mapalayo sa mga mandirigma. Halos hindi sila nag-usap. Hindi nagkuwento si Sano tungkol sa hiwaga, at hindi isinalaysay ni Anina ang mga nangyayari sa kaharian.
Pagsapit ng gabi nakarating sila sa pampang ng isang sapa. Masasakyan nila ito pakanluran hanggang marating ang Ilog Kunting, ang nagtatandang pagitan ng mga bayan ng Gila at Katam. Sa tingin ni Anina, may dalawang araw pa ng paglalakbay mula doon hanggang sa pangatlong baranggay kung saan sinabi ni Sano pumunta ang kanyang nanay.
Nagpahinga sila sa pampang sa gabing iyon. Maraming nagbibigay-alay sa mga diwata at bathala sa iba't-ibang uri ng anyong-tubig. Dito, maraming bakas ng mga lumang alay: mga sangang wala nang bunga, mga sirang garapon, mga bilao at dahon ng saging na wala nang laman.
Kinain nila ang natitira sa inihanda ni Lola Silim. Ginusto ni Anina na mas tumagal pa ang mga ito, pero hindi rin marami ang ibinigay sa kanila, at kasalanan din naman niya na kalahati ng kanyang pagkain ay hindi nauwi sa kanyang tiyan. Inialay niya ang mga ito kay Likubay, nanalangin ng mas maayos na kapalaran sa paglalakbay nila.
Pagkatapos nilang kumain at magbanlaw, humiga sina Sano at Anina para matulog. Nakatingin si Anina sa langit, pinag-iisipan ang pangako sa kanyang mga kuya. Dati na niyang gustong dumalaw sa ampunan; kaya lang, lagi siyang nawawalan ng lakas ng loob. Pero baka kapag natapos ang katungkulan niya kay Sano at sa Manghihiwagang Lingid, makauuwi na ulit siya.
“Patawad ha,” sabi ni Sano, habang umikot paharap sa kanya. Natigil tuloy ang pag-iisip ni Anina. “Muntik na tayong nahuli sa ginawa ko.”
Nagbuntong-hininga si Anina. Totoo na nainis siya kay Sano. Kung hindi nakalimutan ni Sano na mag-alay, hindi siya magkakaroon ng manghihiwagang-pilay, at hindi sila matatagpuan ng mga kuya ni Anina, at pati na si Matiban. Pero hindi rin naman niya masisisi kay Sano ang lahat ng nangyari. Kusang hinanap ni Anina ang Manghihiwagang Lingid. Kusang nakipagkasundo siya kay Sano. Kahit ngayon, pinili pa rin niyang samahan si Sano at sabayan siya patungo ng Gila.
At kailangan ni Anina na maniwala sa kanyang kakayahang mamili; maniwala na siya ang namamahala sa sariling buhay.
“Ayos lang,” sagot ni Anina. “Nagkamali rin naman ako sa mga tanong ni Matiban. Kailangan lang natin mas lalong mag-ingat mula ngayon. Mas handa.”
Minatyagan siya ni Sano ng ilang saglit, tapos nagtanong, “Naisip mo na bang maging bahagi rin ng hukbo, tulad ng mga kuya mo? O talagang hindi mo inisip gawin iyon dahil sa palagay mo sa hari?”
“Kahit gugustuhin kong pumasok, huli sa mga alalahanin ko ang pakiramdam ko tungkol sa hari. Maliban sa mga pinanganak na maharlika, kailangan mong manalo sa isang pagsubok sa panghihiwaga o pakikipaglabanan para makapasok. Wala pang Kataman na nagtagumpay.”
“Bakit naman?”
Nagkibit-balikat si Anina. “Maraming dahilan. Hindi sapat ang kanilang lakas, hindi sapat ang kanilang bilis, hindi sapat ang bisa ng kanilang mga anto. Narinig ko karamihan sa kanila ay umuuwing sugatan o pilay.”
Napasipol si Sano. “Hindi ba nakapagtataka 'yon?”
“Ibinibigay rin naman ang pagsubok na iyon sa ibang mga tao,” paliwanag ni Anina. “Maraming Gilan at Dayungan ang pumapasa. Minsan nananalo rin pati ang mga taong mula sa maliliit na bayan. Sa tingin ko hindi lang handa ang mga Kataman na sumusubok. Tingnan mo ang mga taga-Gila. Naipagmamalaki nila ang kanilang husay sa pakikibaglabanan, dahil maraming kabataan sa labas ng maharlika ang tinuturuan nang maaga. Katulad ni Kuya Aklin.”
“Mukhang tama ka nga,” amin ni Sano. “Pero sa tingin ko matatapang din 'yung mga Kataman na natalo. Alam nilang malamang na mabibigo sila, pero sinubukan pa rin nila.”
“O baka mangmang lang sila,” sinabi ni Anina na may mahinang tawa.
“Baka, pero kung wala talagang susubok, isa pa iyong magiging dahilan para sabihin ng ibang tao na duwag ang mga Kataman, katulad ng huli nating lakan.”
Hindi kayang makipagtalo ni Anina doon. Tumakas sa gubat sa timog ang huling lakan ng Katam, imbes na makipaglaban kay Haring Bunawi. Namana ng mga Kataman ngayon ang reputasyon na sila ay sinduwag ng kanilang lumang lakan.
“Sa tingin mo ba tunay na naging Halimaw ng Katam ang lakan natin?” pabulong ang tanong ni Sano. Nilunok ni Anina ang halakhak niya. Akala niya nakita na niya ang dulo ng pagkaignorante ni Sano, pero may ipapakita pa pala ito.
Sinasabi ng mga alamat na nilamon daw ng pagsisisi ang lakan sa pag-iwan na ginawa niya sa mga kababayan. Dahil dito, nagbago ang anyo niya sa isang kakaibang nilalang. Yumuko raw ang likod niya dahil sa kanyang karuwagan. Naging balat ng kahoy ang balat niya dahil sa kanyang karamutan. At nagbigay ng matinding gutom ang kanyang kasalawahan, na mabubusog lang siya kung kakain siya ng mga bata. May iba pang nakakamanghang kakayahan ang Halimaw, katulad ng paglitaw niya nang sabay-sabay sa iba't-ibang lugar, kaya nanganganib lahat ng mga batang pasaway sa buong kaharian. Sa dulo ng lahat ng mga kuwento tungkol sa Halimaw, na laging may namamatay na isang bata o higit pa, sinasabi nito: “Sarili mo lang ang masisisi mo.”
Umiling si Anina kay Sano. “Paano mo pa nagagawang isipin ang Halimaw ng Katam? Tatlumpung taon na ang lumipas mula nang sinakop tayo ni Haring Bunawi. Mas iisipin kong patay na ang lakan. At ang Halimaw? Isang alamat lang iyong panakot sa mga bata.”
“Sayang,” sabi ni Sano na may ngiti. “Noong kinakausap tayo ni Matiban, hinihiling ko pa naman na sagipin ako ng Halimaw. Kahit kainin na niya sana ako.”
Ngumisi si Anina. “Pagsagip ba iyon? Hindi yata.”
Natapos na ang pag-uusap nila roon, at tumahimik ang pag-iisip ni Anina. Sa pagtulog niya, napaniginipan niya ang ampunan at ang mga nilalaro niya kasama ang ibang mga bata roon. Nagising siya ng ilang beses sa amoy ng mangga, at naaninag na nakatayo ang Halimaw ng Katam sa tabi ng pampang. Pero sa pagod ni Anina, hindi rin siya natakot sa kanyang mga malikmata.
Dumating din ang umaga, at sumakay sila sa isang balsang natagpuan ni Anina sa pampang ng sapa. Habang sumisikil si Anina, nagkukuwento si Sano tungkol sa balot-usok, isa sa mga hiwagang madalas ipagawa sa ina niya.
“Wala akong dala sa bayong ko, pero isa itong balot ng mga iba't-ibang dahon at halaman. At kapag sinindihan ito ng apoy, hindi nawawala agad ang usok nito. Ginagamit dati ito ng mga manghihiwaga kapag gusto nilang magsulat sa hangin mismo!”
“Dati?” sabi ni Anina. Hindi pa siya nakakikita ng balot-usok sa buong buhay niya. “Bakit sila huminto ng paggamit?”
“Pinagbawal ng hari noong siyam na taon si Ina,” sagot ni Sano. “May hinala daw ang hari na nagsusulat sa ibang wika ang mga tao gamit ang balot-usok, pero hindi niya mapatunayan.”
Parang puwedeng gamitin ang balot-usok pang-init o panlamig ng hangin, pero may mga paraang magawa ang mga iyon gamit ang pamaypay – at hindi labag sa batas ito. Maganda man ang konsepto ng balot-usok, hindi dahilan ito para suwayin ang batas. Baka mas maayos pa nga itong gamitin bilang panghingi ng saklolo kaysa panulat ng anto.
Nagpalitan sila ni Sano sa pagsikil, at umupo si Anina sa balsa para mapahinga ang kanyang mga braso. Mahinahon ang alon ng tubig, at malumbay ang hangin. Sa pagkabanayad ng araw, kumukupas na ang alaala niya sa kasawiang nangyari kasama si Matiban. Hindi siya makapaniwala na dalawang gabi na ang nakalipas.
Gumulong ang mga yantok ni Anina sa balsa at naumpog sa hita niya. Naalala niya kung ano'ng unang nagpainteresado sa kanya kay Sano. Tinakpan niya ang dulo ng isang yantok gamit ang paa niya.
“Ano'ng dapat gawin dito?” tanong niya kay Sano. “Kailangan bang may gawin ako sa paa ko?”
Tiningnan siya ni Sano at nalaman na sinusubukan niyang buhayin ang isang anto. “Hindi naman. Isipin mo lang kung paano mo itinutulak ang hiwaga sa kamay mo. Gamitin mo rin ang paraang iyon, pero palihisin mo ang daloy ng hiwaga papunta sa iyong paa.”
Sanay si Anina sa pagtulo ng hiwaga sa kanyang mga bisig; parang ipinanganak siyang may mga daluyan na doon. Wala siyang maramdaman na ibang daanan kung saan niya maililihis ang hiwaga. Gayumpaman, sinubukan ni Anina na akayin ang hiwaga mula sa kanyang kalagitnaan at ipadaloy sa mga binti. Hindi siya nagtagumpay, pero pinilit niyang gawin hangga't sumakit ang ulo niya.
Tumuloy ang sakay nila sa sapa na walang masamang nangyayari. Para sa pagkain, humuli sila ng isda o pumitas ng mga prutas na namumunga sa pampang. May ilang mga dumaang bangka, pero hindi sila pinansin ng nakasakay sa mga ito. Nang gumabi, hinila nila sa pampang ang balsa, at natulog sila malapit sa tubig katulad ng nakaraang gabi. Sa hapon ng susunod na araw, nakarating sila sa wakas sa salikop ng sapa at Ilog Kunting.
Pinangalanan ang Kunting dahil sa paghati nito sa malaking pulo na nagbabahay sa kaharian ng Dayung at ang mga Lupang Dinalupig. Makitid ang pulo dito sa may Kunting, at naipit and bayan ng Katam sa pagitan ng ilog sa kanluran at mga bundok sa silangan.
Hindi nagulat si Anina na matagpuang maraming mga bangka na nasa ilog. Iba't-iba ang mga laki nito, mula sa maliliit na mga balangay na sinasakyan ng isang pamilya, hanggang sa malalaking daong na puno ng mga kahon ng paninda. May ilan-ilan ding mga balsa katulad ng sinasakyan nila ni Sano.
Sa pampang ng Kunting sa gilid nila, may mga nangangalakal na nakaupo sa mga kupas na kumot at lumang banig. Naglalako sila ng mga kakanin, prutas, at tuba. Kaunti lang sila, at matatamlay ang paninda nila kung ihahambing sa mga nakapila sa kabila ng ilog sa Gila. Sa tabing iyon, nakakikita si Anina ng matitibay na puwesto at matitingkad na banig.
Humanda silang tumawid ng Kunting, at inako uli ni Anina ang mga sagwan. Ibinigay niya kay Sano ang kanyang mga yantok at itinuro ang mga anto na nakakapagtulak ng tubig. “Dahil mas malakas ang hiwaga mo kaysa sa akin, mas mabuting ikaw na ang bumuhay sa mga iyan, at ako ang uugit sa tamang direksyon. Pupuntahan natin 'yong kabilang sanga.” Itinuro niya ang hilagang-kanluran. “Dadalhin tayo niyon pakanluran, kahilera ng dagat, at idadaan tayo sa baranggay na dinalaw ng nanay mo.”
Pumasok sila sa Kunting, at habang mabilis na nagsasagwan si Anina, binigyan sila ni Sano ng pakanlurang tulin na lumalaban sa daloy ng ilog. Kahit nagsisikil si Anina, minasdan niya ang mga taong nasa mga bangka at balsa, kahit na ang mga nakatayo lang sa pampang. Wala sa kanilang mukhang mandirigma ng hari. May ilan-ilang tanod sa gilid ng Gila – mga babae't lalaking nakabihis ng pandirigma, pero kaiba ang kulay sa sinusuot ng hukbo ng hari. Nakatindig sila, nagbibigay ng direksyon, o nagsusuri ng mga paninda. Lahat ng pangangalakal na nangyayari sa Katam ay sinisingil ng dobleng buwis kaysa sa ibang panig ng kaharian.
Ang paniningil ng dobleng buwis ay isa sa mga panghuhupang sinimulan ni Haring Bunawi pagkatapos ng himagsikan na nangyari labing-anim na taon na nakalipas. Ang himagsikang iyon ay sama-samang pinagsikapan ng mga maginoo, katalonan, maharlika, at manghihiwaga mula sa iba't-ibang panig ng kaharian. Ito ang mga taong hindi nasiyahan sa pamamahala ng hari. Subalit dahil lumaki ito sa Katam, pinangalanan ito ng Himagsikan ng Katam. Pagkatapos ng gulo, tinaasan ni Haring Bunawi ang mga buwis at alay mula sa Katam para matiyak na susunod na ang mga tao rito sa kanya, at para na ring magawa silang halimbawa.
Iniling ni Anina ang kanyang ulo para luminaw ang isip. “Nakikita mo ba ang ina mo?” tinanong niya si Sano.
Lumingon si Sano para tingnan ang mga ibang nakasakay sa ilog. “Hindi yata.”
Malapit na sila sa kabilang bahagi ng ilog. May isang tanod doon, naghihintay na suriin ang mga dala nila at palampasin sila. Dahil kaunti lang ang mga baon nila, hindi nag-aksaya ng matagal na panahon ang tanod at hindi rin gaanong nagtanong. Pero nang akala ni Anina na makararaan sila nang walang problema, dumukwang ang tanod.
“Bayad,” sinabi niya sa Dayungan.
Napahinto si Anina. “Wala pong bayad noong tumawid ako papunta sa Katam.”
“May bago nang bayad papasok ng Gila. Hindi ka puwedeng umalis ng Katam na walang bayad.” Nagpahid ng pawis ang tanod. Sa mga kilos niya, mukhang hindi niya gaanong hilig ang pagbabantay, pero mukha ring tatawag siya ng mga kasabwat kung pahihirapan siya ni Anina. “Bayad na. Isa't-kalahating daan na saga ng tumbaga.”
“Isa't-kalahating daan?” napahiyaw si Anina. Pangdarambog na iyon!
May mga lumingon sa kanila, at yumuko si Anina para kunin ang salapi sa kanyang lukbot.
“Ito, may limampung saga ako ng tumbaga,” sinabi ni Sano, kinakalog ang sariling lukbot hanggang wala nang laman. Nagniningning ang mga butil sa palad ni Sano nang inabot kay Anina. Iyon lang ang pera ni Sano, at kahit na nagpapasalamat si Anina na humati siya sa gastos, hindi naman dapat sila talaga pinagbabayad ng ganitong napakamahal.
Pagkatapos niyang magbayad, may natitirang ilang butil na lang ng tumbaga si Anina, at hindi lalayo ang abot ng mga ito.
Pinadaan na sila sa wakas ng tanod. Pinilit ni Anina na hindi simangutan yung lalaki. Hindi naman sa kanya nanggaling ang batas. Marahil hindi rin naman niya alam – o walang pakialam – kung gaano katagal inipon ni Anina ang isang daang saga ng tumbaga na ibinigay lang niya sa isang iglap.
Ipinatong ni Sano ang kamay sa balikat ni Anina. “Huwag kang mag-alala. Malapit naman na tayo, 'di ba? Makikita na natin ang ina ko sa madaling panahon.”
Sana nga, isip ni Anina.