Kabanata 22
Halaga
Nang binalikan ni Anina ang mga pangyayari, nakita niyang naging halaghag siya sa pag-aakalang madadalian sila sa Angbun. Hindi dahil mabuti ang inaasahan niyang mangyari, kundi masyadong negatibo ang hinala niya. Inakala niya na tatanggi agad ang datu sa pagsasanib, na hihingi lang ng patawad si Dayang Yiling, at uuwi silang tatlo agad. O mas malala: hihiyaw at hihimatayin ang datu, at tatalilis silang tatlo pabalik sa pugad ni Dayang Yiling na wala nang problema. Na inaliw ng datu ng Angbun si Dayang Yiling nang ganoong katagal, na nabigyan ng panahon ang kanyang mga tauhan na maghanda ng tambangan, ay isang posibilidad na hindi pinaghandaan ni Anina.
Tatlong araw na ang lumipas mula ng sakuna sa Angbun, at kahit na nasa pugad na siya ulit ni Dayang Yiling, ngumangatal pa rin ang puso ni Anina, parang gusto nitong makawala sa kanyang tadyang. Kapag ipinipikit niya ang mga mata, naaaninag niya sa kadiliman ng mga talukap ang imahe ng mga taga-nayon, ang kanilang galit na mukha, ang mga winawasiwas na sandata. Lunti't ube na ang katawan ni Anina kung saan siya tinamaan ng mga bato. Tinuldukan ng mga paltos ang kanang kamay niya sa paghagupit niya ng hiwaga. At pagkagising niya matapos ang buong araw na walang malay, may malupit na hapdi sa kanyang gitna na nagpapahiwatig na may manghihiwagang-pilay siya. Kinailangan niyang ialay ang minamahal niyang anyong kahoy ni Likubay para gumaling, pero kahit ngayon, bumabawi pa rin siya ng lakas.
Ang pinakamahirap ay minsan, hindi na rin malaman ni Anina kung ang mga naaalala niya ay mula sa Angbun o sa pagsalakay ng baranggay niya. Lumalabo ang mga alaala sa isa't-isa, hinahatak ang mapait na kalungkutan ng nakaraan sa bungad ng kanyang isip.
Ngayon, habang nakalubog sa batis malapit sa bahay ni Dayang Yiling at binabalutan ng bendahe ang nasaktang kamay, alam na ni Anina na panahon nang magpaalam.
Tumayo siya mula sa batis, nangingiwi sa makikirot na sugat. Nagtuyo siya at nagbihis, tapos binitibit ang natitirang bendahe at mga yantok sa maayos niyang kamay. Parehong masakit ang kanyang labas at loob. Bumibilis ang tibok ng kanyang puso sa bawat palaisipang dumaraan sa utak, gaano mang pangkaraniwan. Napatalon pa nga siya sa takot nang nakatapak ng isang sanga papunta sa batis.
Gayumpaman, halos nagpapasalamat si Anina sa nangyari sa Angbun. Sa ganitong paraan, napatunayan ang pinaniniwalaan niya noon pa – na hindi gustong makihalubilo ng mga Kataman sa Halimaw. Na hindi nararapat makisama si Anina sa mga plano ni Dayang Yiling. Sa paghahanap niya sa nagsanhi ng pagsablay ng kanyang hiwaga, nauwi lang si Anina sa mismong iniiwasan niya. Tama na. Lalo lang siyang mamalasin pa.
Habang tinatahak ni Anina ang daan pabalik sa kubo ni Dayang Yiling, may lumapit sa kanya. Sa lumalamlam na liwanag ng tumatandang hapon, binigyan siya ni Sano ng isang ngiti at kaway. Tinapal-tapalan din si Sano ng mga pasa at bendahe, pero hindi gaanong napawi ang sigla niya. Kahit nagkaroon rin siya ng manghihiwagang-pilay, dahil mas maayos ang kalagayan niya, nakapag-alay siya nang maaga, at magaling na siya ngayon. Mukhang kinuskos nang maigi ang kanyang mga damit. Nakapalibot sa noo niya ngayon ang isang kayumangging putong, marahil hiram kay Matiban.
“Maayos na pakiramdam mo?” tanong ni Sano.
Nagbuntong-hininga si Anina. “Hindi ko alam.”
“Ako nga rin. Ang gulo-gulo, 'no?” Binigyan siya ni Sano ng malumanay na ngiti. “Inutusan ako ni Dayang Yiling na magmatyag, para lang siguraduhin na walang lumalaboy malapit sa atin. Gusto mo bang sumama? Puwede nating pag-usapan ang plano natin, kung ayos lang sa iyo.”
Huminga si Anina nang malalim, hindi nakatitiyak kung tamang panahon na bang ipagsabi na alam na niya kung ano'ng gagawin niya. Pero dahil nagpasya na siya, mas maiging sabihin na niya kay Sano.
“Aalis ako.” Ayon. Nakalabas na.
Kumurap si Sano at nawala ang ngiti. “Hindi mo kailangang magpasya agad. Alam kong hindi maganda ang kinalabasan sa Angbun, pero parang walang pagmamalasakit naman ang kanilang datu sa mga Kataman sa labas ng baranggay niya. Hindi pa sumusuko si Dayang Yiling. Susubukan daw niya ang baranggay ng Liman sa kalaunan.”
Parang mas kinukumbinsi ni Sano ang sarili kaysa sa kanya. Pumiksi si Anina. “Hindi lang naman ito tungkol sa Angbun, Sano. Tungkol ito sa lahat ng tumatangay sa atin. Huwag mong damdamin ang pasya ko, hindi ko lang talaga kayang sumali sa labanan ni Dayang Yiling at ng hari. Manatili ka rito kung 'yon ang gusto mo, pero kailangan kong umalis.”
“Kailan? Papunta saan?” tanong ni Sano, parang nagsisimula nang kabahin.
“Hindi pa ako sigurado,” inamin ni Anina. “Iniisip ko pupunta ako sa Gamhana. Ngayong nakalayo na tayo kay Baying Angtara at sa mga mandirigma niya, malamang ligtas na ulit akong maglakbay. Puwede akong pumunta sa pinakamalapit na daungan sa timog at sumakay ng karakoa patungo sa pinakamalapit na pulo ng Gamhana.”
“Paano ang ina ko? Paano ang paglakas ng hiwaga mo?”
Suminghot si Anina. “Hindi ko na kayang magkunwaring may matututuhan ako rito tungkol diyan. Sa totoo lang, kapag lalo kong pinag-iisipan ang lahat ng mga ginawa ko para makakuha ng sagot, mas lalo akong nagtatanong kung sulit nga bang matuklasan ko pa.”
Nilililiman ng mas mapait na damdamin ang pag-aalala sa mukha ni Sano. “Hindi ko maintindihan. Noong pinasya mong sumama sa akin sa Angbun apat na araw nakaraan, inakala ko na nag-aalala ka talaga sa akin. Pero isang paraan lang pala ako para maabot mo ang hangarin mo, 'di ba? Isa lang akong kawing sa ina ko. At ngayong sumuko ka nang makipagkita sa kanya, wala ka nang pakialam kung ano'ng mangyayari sa akin.”
“Sano, mabubuting bagay lang ang hinahangad ko para sa 'yo,” sabi ni Anina, tumitigas ang boses. Hindi niya hahayaang sisihin siya para manatili rito. “Kung may mangyayari man sa 'yo, dahil iyon sa pagpilit mong ipanganib ang sarili mo.”
“At paano na ang ibang mga Kataman na nanganganib sa pagdating ng hukbo ni Bunawi? O ang mga matagal nang nagugutom? Kasalanan din ba nilang ganoon ang kalagayan nila?”
Napatawa si Anina nang hindi sinasadya. Inasahan niyang magtatampo nang kaunti si Sano sa paglisan niya. Kung tutuusin, siya lang ang nakasama ni Sano mula nang nawalan ng tirahan ito. Pero sa lahat ng mga dahilang inisip ni Anina na gagamitin ni Sano panghikayat sa kanya na manatili, wala roon ang Katam. Tutal, kung aalis na siya ng kaharian ngayon, hindi na niya kailangang isipin pa ang ibang mga Kataman.
“Sino ba sila sa akin?” sabi ni Anina. “Sumama ako kay Dayang Yiling kasi dito ako pinakaligtas sa panahong 'yon. At oo, malaki ang utang na loob ko sa kanya. Ilang beses niya ring sinagip ang buhay ko. Pero sa tingin ko hindi ko naman laban ito, Sano. Magparugo na si Dayang Yiling kasama ni Haring Bunawi, at sabihin na nating baka manalo pa siya, pero sa tingin mo ba magkakaroon ng mas malaking pagmamalasakit ang susunod na pamuno ng Dayung sa mga Kataman?
“Nakita mo kung paano ituri ng mga tao ng Angbun si Dayang Yiling. Kahit ibang mga Kataman ayaw magkaroon ng pinunong tulad niya. Malamang tama ang datu ng Angbun. Malamang ang Katam ang dapat magbago. Parang isang mabuway na kubo ang bayan na ito na kailangang sirain at itayo na lang uli.”
“O baka ang kailangan ng Katam ay mga taong handang ilagay ito sa kanilang mga balikat at buhatin sa mas matatag na lupa.” Huminga si Sano. “Hindi kita talaga maintindihan, Anina. Ang bait-bait mo nitong lumipas na buwan. Bakit ang manhid mo ngayon? Bakit mo ba ginugustong lumakas ang hiwaga mo kung wala ka naman palang mabuting balak gawin doon?”
“Hindi ko gustong lumakas ang hiwaga ko,” sabi ni Anina. “Gusto kong malaman kung paano lumakas ito, hindi gamitin ito.”
“Pero bakit nga?”
Si Anina naman ngayon ang nagbuga ng hininga. “Wala ka nang pakialam doon.”
“Oo, mayroon!” May matalim na ngayon sa tinig ni Sano na hindi pa niya narinig dati. “Ikaw ang bumuhat sa akin nang nagkasakit ako. Ang nagpatumba kay Bikon nang wala sa mga nabiktima niya ang makagawa. Ang sumagip sa akin mula kay Bunawi kahit kaya mo naman umalis. At ngayon, gusto mo akong maniwala na pabigat lang pala sa 'yo ang pagtulong sa ibang tao kung hindi mo makukuha ang isang bagay na hindi mo naman gagamitin? Walang kabuluhan iyon!”
“Pagtulong?” inalingawngaw ni Anina, hindi makapaniwala. “Iyan ba ang akala mong ginagawa mo rito? Tumutulong? Ay, siyempre. Gusto mo lang ng mga papuri, mga pasalamat, mga salysay kung gaano ka kagaling, 'di ba? Alam mo kung ano ang hindi ko maintindihan? Hindi ko maintindihan kung bakit mo pinpilit isali ang sarili mo sa labanang ito kahit malamang mamamatay ka lang!”
“Dahil gusto kong maging mahalaga!” halos sinigaw na ni Sano. Bumilog ang mga mata niya, at napatigil siya, parang hindi niya alam na iyon ang kanyang dahilan hanggang nasabi niya. Ipinikit niya ang mga mata at umurong, ngunit nakalabas na ang mga salita. “Gusto kong maging mahalaga. Pero pagkalabas ko mula sa pagtatago, lagi akong sinasabihan na walang pakinabang ang mga bumubuo sa pagkatao ko.
“Hindi mo alam, Anina. Hindi mo alam kung paano mamuhay nang mag-isa doon sa gubat. Kung paano lumaking nalalaman na ayaw ka ng mundo, na mabubuhay ka lang kung hindi ka makikilala ng iba. Kung paanong makita ang tanging nagmamahal sa 'yo pagurin ang sarili niya sa buto, takot na takot bumalik sa labas dahil baka sakali kunin ka rin nito. Hindi mo alam kung paanong magpalipas ng napakaraming gabi, iniisip kung ganoon ka na lang ba habambuhay, kung mamamatay ka nang walang ibang nakaaalam na nabuhay ka nga.”
Mapapaluha na si Sano, pero katulad noong nasa kakahuyan sila malapit sa lungga ng Halimaw, hindi nadala si Anina sa mga salita. Lumiliyab ang hinanakit sa dibdib niya. Kung nag-aani si Sano ng awa, hindi niya dapat ipagmayabang ang kanyang buhay sa gubat.
“Hay naku, Sano. Napakawalang-muwang mo.” Ibang-iba ang mababang pagsasalita ni Anina sa mapusong talumpati ni Sano. “Mapalad ka. Napakapalad mo na lumaki kang may nagmamahal sa iyo. Gagawin ko ang lahat magkaroon lang sana ng buhay katulad ng sa 'yo. Tahimik at mapayapa, malayo sa lahat ng gulong ito.
“Gusto mong malaman kung bakit ako naghahanap ng magpapalakas sa hiwaga ko? Dahil naranasan ko nang lumakas dati! Sa isang iglap habang sinasalakay ang baranggay ko, parang ako na ang pinakamakapangyarihang nilalang sa buong kaharian, at hinagupit ko lahat ng hiwagang iyon sa aking maliit at kawawang baranggay. Nalulungkot ka dahil hindi ka nagkaroon ng mga kaibigan at kapit-bahay? Isipin mo na lang kung pinatay mo sila!”
Ito na yata ang pinakamalubhang paraan na ibunyag ang naganap noon, isang pangyayaring hindi pa naibabahagi ni Anina kanino man. Wala siyang pakialam. May sarili ngang mga pighati si Sano, pero parang isang namumulok na abismo si Anina, na sa lawak ay kayang lamunin lahat ng hinanakit ni Sano at higit pa.
Lumayo si Sano, nalilito. “Hindi tama 'yon. Kahit lumakas ka nang ganoon, dapat napaslang ka rin sa paghagupit mo. Ayon sa mga patakaran–”
“Alam ko kung ano'ng sinasabi ng mga patakaran!” bulyaw ni Anina. “Sa tingin mo ba hindi ko pinag-isipan ang mga iyon? Kung may kabuluhan ang nangyari, wala ako dapat dito naghahanap ng mga sagot! Hindi dapat ako laging natatakot na sisiklab ulit ang hiwaga ko tulad noon. Hindi ako dapat laging naghihinalang isang panganib ako sa mga tao sa paligid ko, nag-iisip kung mas mabuti pang bumukas na lang ang lupa at lunukin ako nito nang buo. Kaya huwag mo akong sisisihin kung gusto kong magtago, na para bang wala akong karapatan gawin iyon tulad ng ina mo at ng ama ni Dayang Yiling.”
“Karapatan?” inulit ni Sano. “Sa tingin mo isang karapatan ang pagtatago na ginamit namin?” Iwinagayway niya ang kamay, tila pinaaalis na si Anina. Tumalikod si Sano, pero sa halip na tumakbo siya tulad ng inaasahan ni Anina, kinuskos niya ang lupa gamit ang isang paa. Napagtanto ni Anina na nagsulat si Sano ng isang anto nang pinadyakan niya ito, at ngumatog ang sahig. Bumukas ang isang butas malapit kay Sano.
“Naghahanap ka ng butas?” Yamot na pinagaspas ni Sano ang kamay dito. “Heto na.”
Napanganga si Anina sa kanya. Nanggagagad ba si Sano? Malamang iniisip niya na babawiin ni Anina ang mga salitang binitawan kung ipatotoo ang mga ito. Binigyan niya ng isang magaslaw na senyas si Sano, at inihagis ang sarili sa loob ng ginawang butas. Malalim na rin ito na mas mataas ng kaunti ang sahig ng gubat sa kanyang ulo pagkaupo niya. Naghalukipkip siya at sinimangutan ang maitim na lupa at ang mga nakahalong bato at ugat dito.
“Nakikiramay ako sa nangyari sa iyong mga kamag-anak at baranggay,” sabi ni Sano sa taas niya. “Napakahirap ng dinanas mo. Puwede kang umalis kung gusto mo. Puwede ka ring magtago kung 'yon talaga ang pinapangarap mo sa sarili mo. Pero tandaan mo ito. Hindi mababago ng pagtatago ang buhay mo. Nandiyan pa rin lahat ng kinatatakutan mo. Hahabulin ka ng mga iyon. Ang maiiba lang ay mahihiwalay ka sa lahat ng tulong, sa lahat ng makalulutas sa mga tinatakbuhan mo. Sasaya ka ba sa ganoon?”
Umalis si Sano sa tinatayuan, at yumukyok pababa pa si Anina sa butas.