Kabanata 8
Ang Sinumpang Baranggay
Akala ni Sano na ang pinakamasamang mangyayari ay makarating sila sa baranggay na dinalaw ng kanyang ina at matagpuan na umuwi na pala siya.
Ang tunay na pinakamasamang nangyari ay wala na ang mismong baranggay.
Sa kapal ng amoy ng usok, napilitang huminga si Sano gamit ang bibig. Sa paanan niya, maputla ang lupa sa abo, malutong ang damo sa pagkasunog o pagkabaon sa ilalim ng mga nangingitim na kalat. Tinapon niya sa tabi ang isang pirasong kahoy na mukhang uling na, at tumingin sa paligid niya ng pansampung beses. Nagluluha na ang mga mata niya. Dahil sa usok, pero lalo na sa pagkabahala.
Nandito kaya ang ina niya nang mawasak ang baranggay? Nahuli kaya siya ng mga mandirigma ng hari, at isinama ba nilang parusahin ang buong baranggay? Patay na ba silang lahat?
Umurong si Sano at may nabanggang mabigat ang paa niya. Lumingon siya at natagpuan ang isang sunog na katawan sa lupa. Humiyaw siya at napapikit.
Tumakbo si Anina palapit. “Ano'ng nangyari?”
Itinuro ni Sano ang lupa, nakapikit pa rin ang mga mata.
Pagkatapos ng isang malamlam na saglit, nagsalita si Anina. “A... kahoy ang buong katawan na ito. Tiyak Malagim na Hangin ang may gawa nito.”
Kahit hindi rin mabuti ito, iminulat ni Sano ang mga mata at tumingin ulit. Tulad ng sinabi ni Anina, balat nga ng kahoy ang mga kayumangging hindi nadaanan ng apoy.
“Hay, ang dami pala,” sabi ni Anina, nanginginig ang boses. Itinuro niya ang mga kahoy na hugis tao, karamihan maitim dahil sa sunog at abo. Napakarami ng bilang.
“Banal na Karingal,” ibinulong ni Sano. “Sabi mo minsan lang umiihip ang Hangin.”
“Iyon din ang akala ko.”
May dumaang mabagal na hangin, at nangilabot si Sano, takot na baka ang Malagim na Hangin iyon. Pero wala itong hatid na sindak, hindi tulad ng naranasan niya sa gubat. Hinaplos niya ang mga bisig at kinisap paalis ang mga luha sa mga mata. Hindi niya alam kung gusto niyang makakita ng katibayan na narito ang kanyang ina o hindi. Pinipilit ng mga mata niyang makakita ng hindi itim o abuhan o maputlang kayumanggi, kahit anuman na makakapagpahiwatig sa nangyari sa ina niya.
“Sano, sa tingin ko hindi ito isang pagsasalakay,” sabi ni Anina. Mas paos ang tinig niya sa karaniwan. “Wala pa akong nahahanap... nahahanap na katawang hindi kahoy. Wala ring dugo. Walang mga sirang palayok o garapon, walang naiwang mga sandata, walang mga damit o sirang gamit.”
“Sa tingin mo umalis na lang ang mga tao?” tanong ni Sano. Lumisan ba ang mga taga-nayon pagkatapos nilang sunugin ang kanilang tirahan?
Naglakad pa nang kaunti sina Sano at Anina. Sa bawat hakbang, kumakaluskos ang malulutong na dumi sa ilalim ng mga paa nila. Nang natiyak nilang wala na talaga silang magagawa roon, iminungkahi ni Anina na bumalik sila sa pangalawang baranggay. “Puwede tayong makibalita roon,” sabi niya. “Sigurado ako na alam nila kung ano'ng nangyari. Baka doon din nagpunta ang iba sa mga taga-nayon dito.”
Bumalik silang matamlay at tahimik sa pampang ng ilog. Nilalamig si Sano sa nakitang malakalansay na baranggay at ang mga katawang kahoy na nilalaman nito. Binibigatan ng panghihinayang niya ang bawat hakbang. Akala niya magtatagpo na sila ng ina niya, at sabay nilang aayusin ang gulo na kanyang nasimulan. Hindi niya alam kung ano'ng gagawin na niya ngayon.
Nakarating si Sano sa may pampang at napahinto. Nawawala ang kanilang balsa.
“Ano naman ngayon?” tawag ni Anina, habang lumalapit. Sinundan niya ang tingin ni Sano, at bumilog ang mga mata. “Ano'ng nangyari sa balsa natin?” Tumakbo siya sa pinakadulo ng pampang at luminga pataas at pababa sa sapa. Inunat niya ang kanyang leeg at tumiyad. “Dito natin iniwan iyon, 'di ba?”
“Oo, sigurado ako.” Sinamahan ni Sano si Anina sa pampang. Naramdaman ng mga paa niya ang malambot at maluwag na lupa. May mahahabang hukay dito. Sa itsura ng mga bakas, dumulas ang balsa nila pabalik sa tubig.
Sinuklay ni Anina ang mga daliri niya sa buhok, namumula ang mukha. Akala ni Sano baka sisigaw siya, pero napaluhod lang siya sa lupa at itinago ang ulo sa ilalim ng mga braso.
May bukod-tanging paraan ang ina ni Sano sa pag-ayos ng mga gamit sa kubo nila. Dahil hindi kalakihan ang kanilang bahay, gumagamit sila ng maliliit na kaban at kahon kung saan nakatago ang kanilang mga pag-aari. Itinatago sa baba ang mga hindi nila madalas gamitin, at nasa taas ang mga lagi nilang kinakailangan. Minsan, may inilalagay ang ina niya sa baba na makakalimutan na lang niya.
Ganoon dapat ang gawin ni Sano sa mga nararamdaman niya. Ilagay ang nakagagambalang takot sa likod ng isip, at itulak sa harap ang mga makatutulong sa kanya.
Halos maghapon na silang nakaupo ni Anina sa pampang. Malapit nang lumubog ang araw, pero hindi pa sila nakapag-usap. Nakahigang malumbay si Anina sa lupa, nakapikit ang mga mata. Baka umiidlip siya. Maganda nga sanang umidlip, pero sa bawat buga ng hangin na nagdadala ng amoy ng usok galing sa baranggay, lumiliyab ulit ang pag-aalala ni Sano sa ina niya.
Sa totoo lang, kung may dapat siyang alalahanin, dapat ang sarili niya. May panahon dati na muntik nang napaluhod ng ina ni Sano ang buong kaharian. Kahit pa labing-anim na taon na ang nakalipas, maaalagaan pa rin ng ina ni Sano ang sarili nito. Hindi rin ito ang una niyang pag-alis sa gubat simula nang maging Manghihiwagang Lingid siya. Sigurado naman na ayos lang siya.
Ang problema ngayon ay kung paano sila magkikita muli.
Humarap si Sano kay Anina na nakalantad sa sahig. “Sa tingin ko kailangan na nating pag-isipan kung ano'ng gagawin natin.”
“Sige na nga. Tama na ang pagmumukmok ko,” ungot ni Anina. Iminulat niya ang mga mata at umupo. Ipinusod niya nang maayos ang buhok. “Sabihin na natin na bumalik ang nanay mo sa bahay niyo. Ano sa palagay mo ang gagawin niya kapag nakitang sunog na ang kubo niyo?”
“Hahanapin niya ako,” sabi ni Sano. “Matatagpuan niya ring walang laman ang isa pa naming pugad sa gubat, kaya pupunta siya sa mga baranggay. Susundin niya ang mga sabi-sabi.”
Tumango si Anina. “Ibig sabihin, hahanapin ka niya sa mga baranggay na nadaanan na natin. Kung iba lang ang ating kalagayan, sasabihin kong bumalik tayo sa mga iyon at magbakasakaling makita natin siya, pero alam din natin na sinusundan ng mga mandirigma ng hari ang mga sabi-sabi na iyon. Kahit pa sinabi ni Matiban na ililihis niya ang iba sa timog-silanganan, tiyak may mga mandirigma pa ring magsusuri sa mga baranggay na dinaan natin. At hindi ko alam kung mapapagkatiwalaan ko nga si Matiban.”
“Sa tingin mo ba matagal akong hahanapin ng hari? Kung makatatago tayo pansamantala, baka mawala ang mga alingasngas tungkol sa akin.”
“Napag-isipan ko na rin 'yan, at puwede ring mangyari. Pero kung magtatagal tayong hindi makikipagkita sa nanay mo, mas mahihirapan tayong maghanap sa kanya.” Tinapik ni Anina ang kanyang bayong. “At kulang na ang pera natin. Mas marami pa ang kakailanganin natin para hanapin ang ina mo, lalo na ngayong hindi natin alam kung nasaan siya. Puwede nating gawing bayad ang pagsusulat ng anto at iba pang mga gawain kapalit ng pagkain at matutuluyan, pero mas mabagal ang ganoon sa pagbigay ng mga saga. At hindi natin makukuha sa ganoon ang ibang mabibili ng pera.”
Naghalukipkip si Sano at tinitigan ang sapa. Kung sana may paraan lang na makausap niya ang kanyang ina. Bigyan siya ng impormasyon. Ngunit walang makaaalam na mag-ina sila, walang makahahatid ng kabatirang ito kahit may makakita sa ina niya. At hindi rin niya mapapagkatiwalaan ang sino-sino lang. May dahilan si Anina para itago ang mga lihim ni Sano, pero ano'ng magpipigil sa ibang tao na magsumbong sa mga mandirigma kung naghihinala silang siya nga ang manghihiwagang pugante?
Napadaan sa isip ni Sano ang alaala ng paglampas ng isang tapis pagkatapos silang kausapin ni Matiban. Nangilabot siya.
Mula sa silangan, may lumitaw na malaking bangka, papunta sa direksyon nila. May ilan-ilang mga balasian at balsa na dumaan habang nagpapahinga sila ni Anina, pero wala pang ganitong kalaki. Sa lawak ng balangay na ito, halos sakop nito ang kalahating lawak ng sapa, at sa haba ng mga katig nito, walang makararaang iba pang sasakyan sa tabi. Puno ito ng mga kaban na iba't-iba ang laki, at paglapit nito sa kanila, napansin ni Sano na ang mga kaban na iyon ay puno ng mga garapon at palayok. May mga gawa sa luwad na napakalalim, puwedeng pagtaguan ng mga bata ang loob. Mas maliliit na ang iba: mga paso na kahugis ng mangkok at pinalamutian ng mga bulaklaking disenyong uso sa Gila; magagarang na basong napakatingkad ang pagkapula o pagkabughaw; mga luwad na palayok, at mga gusing kumikinang sa pagkit.
Ang natitirang puwang sa balangay ay sakop ng isang mag-anak: isang matandang lalaking namumuti ang buhok, dalawang babae, tatlong binata, at ilang mga bata. May nakalupasay na mga alipin sa mga katig, sinasagwan ang malaking bangka. Ang tanging suot lang nila ay manipis na bahag, at pinagpapawisan ang likod nila sa init ng araw.
Nang dumaan ang balangay, napansin sila ng matandang lalaki. Sinenyasan niya ang mga alipin na pabagalin ang bangka at iusad palapit sa pampang – pero dahil sa haba ng mga katig, hindi rin gaanong makalapit ito.
“Kailangan niyo ng tulong?” sumigaw ang matandang lalaki sa Dayungan. Kinilatis sina Anina at Sano ng tingin ng matanda, bago ito umiling sa awa sa umuusok na baranggay sa likod nila. “Hindi sana kayo nakatira doon.”
Tumuwid ang pagkaupo ni Anina at sinabi niya kay Sano, “Baka may alam siya.” Lumakad siya sa mababaw na bahagi ng sapa hanggang nasa sakong na niya ang tubig. “Magandang hapon po. Alam niyo po ba kung ano ang nangyari sa baranggay na ito?” itinanong niya sa Dayungan, malakas at mabilog ang boses.
“May narinig akong mga kuwento na may nag-away raw doon,” paliwanag ng lalaki. Hindi siya kasintanda ng unang akala ni Sano. Kahit nagsisimula nang mamuti ang buhok niya, wala pang mga kulubot ang kanyang balat. Mukha siyang isang mayamang mangangalakal, ayon sa suot niyang damit na gawa sa bulak na may mahahabang manggas at binurdahan ng makikintab na sinulid. Mahaba ang dulo ng mga tainga niya sa bigat ng nakasabit na hikaw na pilak. Ganoon ding kagarang ang mga suot ng mga kamag-anak niyang nasa likod, pati na ang mga bata.
Nagpatuloy ang mangangalakal, “Mga isang buwan na ang nakalipas. Nagsimula lang daw ang away dahil nalasing ang ilang mga taga-nayon. Tapos umihip ang Malagim na Hangin, at higit pa raw sa sampu ang naging kahoy.”
“Pero bakit po sinunog ang mga bahay?” tanong ni Anina.
“Inisip ng mga taga-nayon na malas manirahan pa dito. Narinig ko na halos isang buwan din silang nag-aanyaya ng mga katalonan at manghihiwaga mula sa iba't-ibang lupalop ng kaharian para makahanap ng gamot sa naging kahoy, pero walang makatulong. Maraming nagsabi na wala nang magagawa pa at baka isang babala ang nangyari, kaya nagpasya ang mga taga-nayong sunugin ang kanilang tahanan at umalis.” Napailing ang matandang mangangalakal. “Sana hindi kayo kamag-anak ng ibang mga namatay.”
“Alam niyo po ba kung ano'ng nangyari sa mga katalonan at manghihiwagang dumalaw?” sabi naman ni Sano.
“Malamang umuwi na. Kahit iyong pinakahuli, baka matagal nang umalis, dahil nakikita niyo naman, wala nang nagawa ang mga taga-nayon kundi umalis din.”
“Naiintindihan ko po,” sabi ni Sano. Wala palang kinalaman si Haring Bunawi sa pagkasira ng baranggay. Iyon, kahit papaano, ay isang magandang balita. “Maraming salamat po sa pagkuwento.”
“Walang anuman. Maging mapalad sana kayo sa lakbay niyo. Kailangan ko na ring tumuloy sa pupuntahan ko. Dapat sana akong makarating sa Masagan ngayong gabi, pero sa bagal kong ito, papalarin ako kung makararating ako doon samakalawa.” Nagkibit-balikat ang mangangalakal na parang walang problema naman sa kanya kung matagalan siya o hindi.
“Masagan...” bulong ni Anina. Lumingon siya kay Sano, kumikislap ang mga mata. “Baka puwede rin tayong magpunta sa Masagan! Sa laki ng baranggay na iyon, hindi tayo papansinin ng mga tao. At maraming mahahanap na trabaho sa palengke doon, kahit para sa mga tulad natin. Ano'ng sa tingin mo?”
Hindi alam ni Sano kung ano'ng sasabihin. Hanggang ngayon, ang Masagan ay isa lamang malayong hibaybay sa mga kuwento ng ina niya, isang lugar na sabay hinubog ng kanyang imahinasyon at ng katotohanan. Dati hanggang pangarap lang ang Masagan para sa kanya. At sigurado namang mas alam ni Anina kung paano kumita ng pera.
Lumingon si Sano sa mga sirang kubo. Kung tutuusin, wala na rin naman silang magagawa rito. Wala rin silang mahahanap na pagkain, maliban kung mangingisda sila. Kung pupunta sila pakanluran, lalayo nga sila sa ina niya, pero kahit papaano, hindi sila nakatunganga lang para mahanap ng mga mandirigma.
“Oo, puwede naman,” sabi ni Sano.
Humarap ulit si Anina sa mangangalakal. “Ginoo!” tinawag niya. “Sabi niyo po papunta kayo sa Masagan?”
“Oo! Magandang magbenta doon ngayon. Panahon na ng mga ahas-dagat, at maraming nagdadagsaan sa tabing-dagat. At, hindi naman ako nagyayabang, pero mabenta rin ang mga paninda ko, ha!” Kumikislap ang mga mata niya. “Magpapahatid ba kayo?”
Ngumiti si Anina. “Kung hindi po isang abala sa inyo, makikisakay po kami. Tinangay po ng sapa ang balsa namin.” Kinuha niya ang mga yantok sa pamigkis sa likuran niya at itinuro ang mga antong nakakapagtulak sa tubig. “Matutulungan din po namin kayong bilisan ang paglakbay niyo.”
Ngumiting malawak ang mangangalakal. “Mabuti, mabuti!” Masigla rin ang pagtango ng isa sa mga babae sa likuran, habang pinupuna ang init.
Nagtampisaw sina Sano at Anina palapit sa balangay, at tinulungan silang umakyat ng mangangalakal. “Maayos din ang alok niyo,” sinabi niya. “Kailangang magpahinga ng iba sa mga alaga ko roon. Puwede niyo silang palitan.”
Lumakad nang patingkayad sina Sano at Anina sa pagitan ng mga kaban, garapon at palayok. Parang isang maling hakbang lang, titiwarik na ang bangka, at mahuhulog silang lahat sa ilalim ng sapa. Ibinigay ni Anina ang isa niyang yantok kay Sano bago sila umupo sa mga katig kung saan nakaupo kanina ang mga aliping magpapahinga na.
Sabay silang naghanap ng tamang pagdaloy ng hiwaga na makakapagpabilis sa balangay pero hindi makauubos ng hiwaga nila agad. Nang nakalayo na ang balangay sa baranggay, pinalitan ng naghalo-halong amoy ng kahoy, luwad, at pangkulay ang natitirang singaw ng usok. Nawala sa paningin ni Sano ang sunog na balangkas ng mga kubo, at isang nakamamanhid na kapayapaan ang bumalot sa kanya. Hindi man ito ang ninais niyang mangyari, pero kahit papaano, hindi pa tapos ang kanyang paghahanap.