Kabanata 19
Ang Pugad sa Gubat
Nang sinabi nina Sano at Anina kay Dayang Yiling na gusto nilang sumama sa kanya para makalayo sa mga humahabol sa kanila, kagyat silang dinala ni Dayang Yiling sa isang ilog sa ilalim ng lupa na konektado sa lungga. Nagbaon sila ng mga pagkain at iba pang mga kailangan sa paglalakbay, at naiwang walang laman ang buong lungga. Akala ni Sano masyadong malala ang sakit ni Matiban para makapaglakbay, pero hindi nagbitiw kahit isang angal ang mandirigma habang intaantok siyang sumunod sa kanila sa bangka.
Namangha si Sano sa mga kumikinang na estalaktitang nakabitin sa taas ng malawak na yungib. May sulo sa likuran ng bangka nila, iniilawan ang kanilang daan. Pinapasayaw nito ang mga anino sa pader ng yungib, at pinalalaki ang sukat ng mga bato sa baybayin. Umaalingawngaw sa paligid ang tilamsik ng tubig sa sagwan, pati na ang paminsan-minsang pagpatak na hindi alam ni Sano kung saan nanggagaling. Ayon kay Dayang Yiling, dadalhin sila ng ilog na ito sa Ilog Kunting, sa pagka't magpipisan ang dalawang ilog sa katimugan ng kaharian. Mula roon, isang sapa ang maghahatid sa kanila sa loob ng gubat sa timog ng Katam.
Walang imik ang mga sakay ng bangka mula nang nag-umpisa ang kanilang paglalakbay. Tahimik sinasagwan ni Dayang Yiling ang bangka sa harap; nakapikit naman ang mga mata ni Matiban sa tapat ni Sano; at nakatunganga si Anina sa mabubulang alon ng ilog, mas malumbay siya sa pangkaraniwan. Parang si Sano lang ang nangangating makaalam kung ano na ang kailangan nilang gawin tungkol kay Bunawi.
Hindi na matiis ni Sano ang katahimikan, at tumikhim siya. “Tama ba ang pagkakaintindi ko, Dayang Yiling?” sinimulan niya. “Kahit ano'ng gawin niyo po – kahit lumaban pa o hindi – sigurado po kayo na susubukan tayong paslangin ni Bunawi. Hindi ba posibleng umurong siya?”
“Sa tingin ko hindi,” sumang-ayon si Dayang Yiling. “At makatitiyak din tayo na paparusahan ni Bunawi ang buong Katam kasama ko. Nanganganib ang kanyang katayuan at ngalan.”
Sumuray ang bangka nang iniwasan nila ang isang malaking bato, at kumapit si Sano sa gilid. “Binabalak niyo po ba talagang patayin ang hari?”
“Iyan ang mahirap. Hindi mahuhulog ang loob sa atin ng ibang tao sa kaharian kung papatayin natin si Bunawi, at mas kamumuhian lang nila tayo. Kung puwede lang, kailangan nating tanggalin ang hari sa isang paraang makikiramay sa atin ang iba.” Nagbuntong-hininga si Dayang Yiling. “Wala tayong gaanong magagawa.”
“Kailangan nating maghanap ng bahid sa katauhan niya,” inisip ni Sano nang malakas. “Tiyak hindi lang naman tayo ang may ayaw sa kanya.”
“Hindi, pero isipin mo na lang. Kung ikaw ay isang taong walang kinakampihan, sino ang papanigan mo? Ang isang makapangyarihang tao na nagdadala ng kayamanan at kabantugan, o ang mga mahihirap na tao na kahit kailan walang napatunayan?” sumalungat si Dayang Yiling.
Tumingin siya kay Matiban na nakasandal sa labi ng bangka, nakikinig nang maigi sa kanilang usapan. “Pinakisamahan mo si Bunawi ng sampung tao. May alam ka bang ugali niya na kinaiinisan ng mga tao?”
“Madalas niyang napapagpalit ang pangalan ng mga bathala,” walang-siglang tinugon ni Matiban. “Pero aminin na natin, sa paningin ng mga madlang hindi iyon kasing sama ng pagiging Halimaw ng Katam.” Ngumisi siya kay Dayang Yiling, at sinuklian siya ng dayang ng blankong tingin. Maputla at pawisan pa ang balat ni Matiban, pero may katatagan ang pagdala niya sa sarili na siguradong bihirang makita sa ibang natutusok ng sibat.
“Paano iyong mga kaibigan niyo po sa Gamhana?” sinambit ni Anina. Nagulat si Sano na nakikisali siya sa usapan. “Makatutulong ba sila? Malakas ang mga Gamhanan.”
Itinulak sila ni Dayang Yiling palayo sa isa na namang bato gamit ang sagwan. “Sayang man, pero hindi tayo makahihingi ng tulong sa ganito. Pangangalakal lang ang usapan namin. Hindi magsisimula ng away ang mga Gamhana sa Kaharian ng Dayung. Ang nais lang nila'y tigilan ni Bunawi ang pagsagpang sa mga pulo nila. Kung manganganib ang mga Pulo ng Gamhana sa paghiganting gagawin ni Bunawi, puwede silang magpadala ng tulong. Pero kung aabot pa ang away sa ganoon, wala na talagang pag-asa ang Katam.”
Kumuha si Sano ng isang suman mula sa kanilang tiklis ng mga pagkain, kahit hindi mapipigilan nito ang pag-aasam na gumagapang sa ilalim ng balat niya. Akala niya hihinahon na ang pakiramdam niya dahil sa pagod at sa mapanglaw na kalagayan nila, pero may humihilab na napakalaking layunin sa loob niya ngayon.
Sa liblib na kabuhayan niya sa bundok, nangarap si Sano ng ilang daang paraang magpakadakila, ilang daang paraan para hangaan at tanggapin siya ng iba – pero ang pagpaslang sa hari ng Dayung ay kahit kailan hindi naging isa sa mga paraang iyon. Kahit laging may agam ang pagbanggit ng ina niya sa pangalan ni Bunawi, sinabi niya rin kay Sano na hindi dapat kalabanin ang hari. Si Bunawi ay tulad ng bagyo na dumarating taon-taon, mabangis at hindi mapipigilan.
Subalit habang tumatagal ang pagbubulay ni Sano, mas lumalakas ang paniwala niyang hindi siya mabubuhay nang malaya habang buhay pa rin si Bunawi. Nais ng ina niyang tumakbo at magtago uli, pero paano kung may magagawa siya para patunayan sa ina na panahon nang tigilan ang pagtatago? Paano kung makakabuo siya ng uri ng mundo kung saan maitutuloy ng ina niya ang pagiging Tagaipon? Paano kung mabigyan ni Sano ng halaga lahat ng sakripisyo ng magulang niya? Maraming ninanais si Sano na hindi niya makukuha kung mananatiling makapangyarihan si Bunawi.
“Baka may isa tayong puwedeng gawin,” nagsalita si Dayang Yiling, hinatak si Sano pabalik sa kanyang pagmumuni. Tinanggal niya ang balot ng suman at kinagatan ito. “Hahamunin ko si Bunawi sa isang parugo. Lumang patakaran iyon ng paglutas sa away ng dalawang pinunong gustong umiwas sa matinding pagdanak ng dugo. Papatunayan nila ang mga sarili nila sa isang labanang hihinto lang sa pagkamatay ng isa, at ang mananalo ang magiging pinuno ng pinag-aagawang lupa. Bilang tagapagmana sa bayan ng Katam, may karapatan pa rin akong hingilin ang parugong ito, at bilang kapwang mandirigma, katungkulan ni Bunawi na tuparin iyon. At 'di ba ninais ni Bunawi na magparugo kasama ang ama ko noong tatlumpung taong lumipas? At nagalit siya nang hindi nangyari.”
Natutuhan ni Sano ang mga parugong ganoon sa mga kuwento ng ina niya. Ngunit baka hindi sapat ang dangal ni Bunawi para ilaan ang kapalaran ng Katam sa labanan ng dalawang tao lang. Mas malamang na susugurin sila ni Bunawi kasama ng mga mandirigma nito. At may isa pang problema.
“Pero para sa mga tunay na pinuno lang ang patakarang 'yan,” sabi ni Sano. Dumapo ang tingin nina Matiban at Anina sa kanya. Nanatili ang mga mata ni Dayang Yiling sa ilog. “Tinitiyak nito na sinusuportahan ang pinuno ng mga tauhan niya. Tutal, kung magpapadala ka ng isang tao lang para ipaglaban ang kapalaran ng bayan mo, dapat pinaninindigan siya ng mga tao.”
Tumango si Dayang Yiling, at umalog ang buhaghag niyang buhok sa galaw. “Hindi ko nakalimutan iyan. Kaya nga hindi ko iminungkahi ito sa umpisa, pero parang wala na tayong ibang naiisip na paraan.”
“Sa tingin niyo po ba, pagkatapos ng maraming taon, kikilalanin pa kayo ng mga Kataman bilang pinuno?” tanong ni Sano. Umiiling na agad si Anina.
“Makikita natin,” sabi ni Dayang Yiling, pero walang sigla ang tinig niya.
Nakarating sila sa mas malawak na bahagi ng yungib, at mas makinis ang agos ng ilog dito. Itinabi ni Dayang Yiling ang mga sagwan niya at inihanda ang sarili sa harap ng bangka.
“Kumapit kayong mahigpit,” babala niya. Kahahawak lang ni Sano sa gilid ng bangka nang nagsimulang dumagsa ito sa ilog. Tumilamsik ang mga agos sa gilid. Hinampasan ng hangin ang mga mukha nila. Sumirit ang sulo at lumiit ang apoy, muntik nang mawala.
Sa huli, ang inakala ni Sano na dalawang araw na pagbabangka ay hindi pa umabot ng isa. Umalis sila sa lungga nang magtatanghali, at nakalabas sila sa yungib sa ilalim ng lupa sa gabi ring iyon. Huminto si Dayang Yiling at nagpahinga ng ilang beses, pero maliban doon, gumamit siya ng hiwaga para panatilihin ang matatag at mabilis nilang tulin sa buong paglakbay. Kumikinang ang mga tala sa langit nang pumisan sila sa Ilog Kunting.
Nakatulog si Sano pagkatapos. Nasanay na siya sa galaw ng bangka at inantok siya dito. O baka naman sa pagkabusog at sa natitirang pagod dulot ng mga lumipas na araw. Nagising siya nang maaga pa ang liwayway, nasa anino ng mga punong nakahanay sa tabi ng ilog.
“Nasaan na po tayo?” tanong ni Sano.
“Kapapasok lang natin sa gubat sa timog ng Katam,” sabi ni Matiban. “Malapit na tayong makauwi.”
Ang bilis nilang naglakbay. Kaya pala nagagawa ni Dayang Yiling magnakaw ng kung ano-ano at ipamahagi ang mga 'biyayang nakabalot' sa iba't-ibang baranggay na hindi napapansin. Sa isang iglap, kaya niyang humabi papasok at palabas hindi lang sa mga anino, pero sa malalayong panig na rin.
Nakasukot si Anina sa tabi ni Sano. Hindi mahalata ni Sano kung nakapagpahinga siya, pero baka mas maayos na ang kanyang pakiramdam kung nagagawa na niyang magsanay ulit ng pagtulak ng hiwaga sa paa. Hawak ni Anina ang dulo ng isa niyang yantok sa paa, nakakunot ang noo sa pagkatutok sa ginagawa. May asul na liwanag na biglang kumislap sa isang anto. Napasinghap si Anina. Tumingala siya, at nahuling nakatitig si Sano.
“Nakita mo iyon?” tanong niya.
“Oo!” Binigyan siya ni Sano ng isang maganyak na ngiti. “Nakukuha mo na!”
Uminat ang mga labi ni Anina sa isang nag-aatubiling ngiti, parang hindi niya alam kung sapat itong dahilan para ikatuwa niya, lalo na sa mapanglaw nilang sitwasyon ngayon.
Hindi gaanong nakausap ni Sano si Anina habang namamangka sila; masyadong nakatutok si Sano sa hari at sa hinaharap nila. Pero nais niyang makipagsundo kay Anina. Hindi pa rin niya maintindihan kung bakit hindi handang ipagtanggol ni Anina ang Katam ngayong kalaban na rin naman niya si Bunawi.
Lumaki ang mga punong pumapaligid sa kanila, kumakapal at lumalago ang mga sanga ng mga ito. Mas kaunti ang liwanag na nakapapasok, at puno ang hangin ng singaw ng lupa at kahoy. Alam na alam ni Sano ang amoy na ito. Bumagal ang bangka. May mga nakabiting baging sa paligid. Umaalingawngaw ang awit ng mga ibon. Isang kurtina ng halaman ang nakaharang sa daan nila, at nang pumasok sila rito, nakarating sila sa isang maliit na kapatagan. Sa gitna ng kapatagan ay isang kubo, katulad ng dating tinitirhan ni Sano, pero mas malaki.
“Heto na tayo,” pahayag ni Matiban, para bang mga manlalako sila na dumaraan sa mga bara-baranggay para magbenta ng kanilang paninda. Tinulungan niya si Dayang Yiling na isadsad ang bangka sa baybayin. Umalis sina Sano at Anina sa bangka, at dinala sila ni Dayang Yiling paloob ng kubo.
Inakala ni Sano, dahil pag-aari ito ng Halimaw, na baka pambhira at nakamamangha rin ang kubo ng dayang, pero natagpuan niyang pangkaraniwan lang ito. Malawak ang pangunahing silid. May mga salansanang gawa sa kahoy sa mga pader, puno ng mga palayok at garapon, mga pilas ng kawayan at dahon, mga nakabalumbong tela at nakatuping damit. Nakatayo ang isang hapag gawa sa palas sa gitna ng silid, pinapaligiran ng mga unan at banig na kulay kayumanggi at kupas na lunti. Puno rin ng mga halaman ang silid, nasa mga palayok sa taas ng salansanan, o nasa mga mumurahing mangkok na nakabitin sa bubong. Umaagos ang liwanag mula sa isang nakabukas na bintana, binibigyan ng maaliwalas na pakiramdam ang tahanan.
Sa kabilang gilid ng silid, may isang pintuang papunta sa mas angat na palapag. Natatakluban ito ng pampalamuting lambat yari sa nakar. Sa kabila ng lambat, naaaninag ni Sano ang isang makitid na pasilyo. Baka naroon sa taas ang mga tulugan.
“Nandito na tayo,” sabi ni Dayang Yiling. Halatang may pagtalab ang kubo sa kanya. Sa matuwid niyang tayo at malinaw niyang mukha, parang mas mapayapa siya dito. “May batis malapit dito. Puwede kayong magsiliguan doon. Mapapahiram ko kayo ng mga damit kung kailangan niyo.”
Pagsapit ng kalahating araw, nakapagsalitan na sina Sano at Anina sa batis, nalinis na ang mga sarili, at naalagaan na ang mga sugat. Sumigla si Sano sa malamig na tubig ng batis; hinupa nito ang sakit sa mga kalamnan niya at ang pilay sa kanyang sakong. Bumalik siya sa kubo na mas maginhawa ang pakiramdam, kung saan sila ni Anina inahinan ni Dayang Yiling ng katas ng kalamansi at niligis na ube. Pumasok si Matiban sa isang silid sa taas, ipinagpapatuloy ang kinakailangang pahinga.
“Nakita ko na kayong dalawa dati,” sabi ni Dayang Yiling habang dinadagdagan ng gata ang kanyang ube. “Hinahatid ko ang isang tiklis sa baranggay pinakamalapit sa paanan ng bundok. Hindi ko alam kung naaalala niyo, pero gabi iyon ng malakas na bagyo. Nakita ko kayong nakahiga sa putikan, walang mga malay. Hindi ko naman kayo maiwan, kaya dinala ko kayo sa baranggay.”
Napanganga si Sano kay Anina. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na hinimatay ka rin noon? Akala ko binuhat mo ako hanggang sa baranggay!” Pero binuhat pala siya ni Anina hanggang hindi na rin nito makayanan. Hindi alam ni Sano kung malalambingan o magsisisi.
Namula ang mga pisngi ni Anina. “Hindi ko naaalalang hinimatay ako. Ang alam ko... nagising na lang ako sa baranggay, at hindi ko matandaan kung paano tayo nakarating doon.”
Tumawa nang marahan si Dayang Yiling. “Ngayon alam niyo nang dalawa.”
Tumikhim si Anina at lumingon pabalik kay Dayang Yiling. “Ginawa niyo po ba 'yong malalaking lundag niyo? Paano niyo nga ba nagagawa iyon? Hindi pa ako nakakita ng katulad niyon dati. At parang hindi rin po kayo gumagamit ng mga anto.”
Tumingala si Dayang Yiling, gumagapang ang tingin sa mga barakilan sa bubong, na parang naroon ang mga sagot. “Isang kababalaghan din sa akin 'to. Ang alam ko lang, kailangan ko lang mag-isip ng isang utos para gumana ang hiwaga ko. Hindi ko kailangang magsulat. Kapag tumatalon ako nang malayo, inuutusan kong itulak ako ng hangin at lupa. Puwede rin naman akong magpabuhay ng mga anto, pero hindi ko na kailangan. Nang una naming malaman ang kakayahan kong ito, sinabi ni Ama na baka dahil hindi ako ganap na tao sa katawan, baka hindi rin ako ganap na tao sa kaluluwa.”
“A, nakukuha ko,” sabi ni Sano. “Hindi rin kailangan ng mga diwata ng kalikasan ang hiwaga para mabago ang kanilang paligid. Kaya nilang hubugin ang kanilang larangan ayon sa gusto nila, o ayon sa hiling ng mga nag-aalay sa kanila. Ibig bang sabihin, kayo po ay bahaging... diwata ng puno ng mangga? At iniba nito ang paggamit niyo ng hiwaga?”
Tumawa si Dayang Yiling. “Kailangan kong magpatingin sa isang katalonan para malaman 'yan, pero hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataon.”
“Kung marami po kayong alam na pambihirang hiwaga,” sumingit si Anina, inaayos ang tapis niya. “Alam niyo po ba kung paano mapapalakas ang hiwaga ng isang tao?”
“Mas malakas pa sa inilaan sa kanila sa pagsilang, ibig mong sabihin?” niliwanag ni Dayang Yiling. “Sigurado ako na walang likas na paraan. Itinuro sa akin ni Ama na ibinibigay sa atin ni Karingal ang kabuuan ng ating hiwaga sa pagsilang natin.” Katulad ito ng sagot ni Sano kay Anina noon sa paanan ng bundok.
“Sandali po, ano'ng ibig niyong sabihin sa 'walang likas'?” pilit ni Anina. “Ibig niyo bang sabihin na baka may paraan, labas sa katauhan natin, na makapagbibigay ng higit pang hiwaga?”
Sinuklay ni Dayang Yiling ang kulot niyang buhok gamit ang mga daliring mukhang sanga. “May ilang paraan na magmumukhang lumakas ang isang manghihiwaga. Posibleng doon pa lang niya naabot ang tunay niyang kakayahan. O baka may ibang mga manghihiwagang sumabay sa pagbuhos ng hiwaga doon sa anto, at walang nakapansin sa mga iyon.”
Nag-alinlangan si Anina ng isang saglit, tapos sinabi, “Sa iniisip ko po, may isa lang tao na nagpapabuhay sa anto. At hindi na ulit nakita ng manghihiwagang ito ang ganoong lakas mula sa sarili niya, kaya hindi maaaring naabot lang niya ang tunay niyang kakayahan. Sa isang beses na ito, biglang nagliyab ang kapangyarihan ng manghihiwaga.”
Inilapat ni Dayang Yiling ang mga kamay niya sa hapag, at kumitid ang mga mata kay Anina. “Sa tingin ko alam ko kung ano'ng tinutukoy mo. At baka may katuturan ang hinala mo, pero baka hindi tama ang mga tinatanong mo.”
Napalunok si Sano ng katas ng kalamansi. Hindi niya inaasahan ang sagot na iyon. Unang beses may sumang-ayon na maaari ngang lumakas ang kapangyarihan ng isang manghihiwaga.
Parang nagulat din si Anina. “Alam niyo po ang sinasabi ko?”
“Tinutukoy mo sina Bunawi at Angtara, hindi ba?” Ibinagsak ni Dayang Yiling ang mga kamay sa hapag. “Oo! Naghinala na rin ako. Malalakas sila sa umpisa pa lang, pero sa mga taon na lumipas, bigla silang naggagagawa ng mga nakamamanghang bagay. Katulad na lang nang pagsanhi ng daluyong. Alam niyo bang nagawa rin nilang magpataas ng isang burol sa gitna ng punong-lungsod ng Dayung? Isang burol! At doon nila inilipat ang buong kumpulan ng mga bahay-pandatu. Pinagtaka namin ni Matiban kung lumalakas nga sila, ngunit binaliwala lang namin. At ngayon sinasabi mo na ganoon din ang hinala mo?”
Umalumpihit si Anina at binigyan si Sano ng isang nababahalang tingin. Sinalamin ito ni Sano, pero hindi siya sigurado kung nababahala sila sa parehong dahilan. Hindi alam ni Sano kung sinong manghihiwaga ang tinutukoy ni Anina, pero tiyak na mas nakababalisang marinig na posibleng lumalakas sina Bunawi at Angtara.
Pumaram ang biglaang sabik ni Dayang Yiling. Hinilot niya ang baba sa mahinahong pag-iisip. “Kung ano man ang ginawa nila, tiyak labas sa katauhan nila 'yon, 'di ba? Alagay naman sabay silang kusang lumakas. Sana may panahon pa tayong mag-imbestiga, pero sa tingin ko hindi na natin sila mamamatyagan.”
Tumahimik si Anina, malamlam na umiinom sa tabi ni Sano.
“Napagpasyahan niyo na po ba kung ano ang gagawin niyo?” tanong ni Sano. Kaya ba ni Dayang Yiling kalabanin si Bunawi kung sakaling lumalakas nga ang hiwaga ng hari?
“Mag-iisip ako ng iba pang magagawa bukod sa parugo,” sagot ni Dayang Yiling. “Kung bukas wala pa akong nahahanap, mabuti kung magsisimula na akong magtantiya ng suporta. Kung patatagalin ko pa, bibigyan ko lang si Bunawi ng panahong gumanti habang wala akong nagagawa.”
“Matutulungan ko ba kayo?” Itinuwid ni Sano ang pag-upo, masigasig ang ngiti.
“Mahusay ka ba sa pagbuo ng mga plano?”
Nauntol ang ngiti ni Sano. “Wala po akong gaanong karanasan – baka wala nga, sa totoo lang – pero marami pong ikinuwento sa akin si Ina tungkol sa paghihimagsik noon, kung mabibilang ang mga iyon.”
Kinamot ni Dayang Yiling ang ulo. “A, hihintayin ko na lang magising si Matiban kung ganoon. Pero pansamantala, baka matulungan mo akong magtipon ng mga sangkap sa hapunan.”
“Opo, kaya ko 'yon.” Tumango si Sano. Hindi naman niya talaga inaasahang maniniwala si Dayang Yiling na mahusay siya; kahit si Sano mismo, hindi iiwan ang kapalaran ng buong bayan sa isang taong nadaya ng isang manlilinlang. Subalit kahit papaano, naipakita niya ang kanyang pagkukusa. Kung maisasama niya ang sarili dito sa binabalak ni Dayang Yiling, nakatitiyak siyang may maiaambag siya na mauuwi sa mas mabuting kabuhayan nilang mag-ina.