Kabanata 9

Masagan

Nabanggit minsan ng ina ni Sano na kung hindi sa baranggay at daungan ng Masagan, hindi mabubuo ang Kaharian ng Dayung.

Sikat ang bayan ng Gila dahil sa mababagsik nitong mandirigma at manghihiwaga, mga matatalinong datu, at masasarap na lutuin. Ginto't bulak at bigas, lahat ng hinahangad ng mga tao sa buong sangkapuluan, ay matatagpuan sa Gila.

Ngunit ang maunlad na daungan sa Masagan ang unang nakaagaw ng pansin ng ama ni Haring Bunawi, ang pinuno ng bayan ng Dayung noon. Ang pangalan niya ay Lakan Taruwid, at dahil sa talas ng kanyang kakayahan sa pangangalakal, nakakita siya ng magandang pagkakataon sa Masagan – at sa buong bayan ng Gila. Iminungkahi niya sa mga datu ng Gila na magkaisa sa Dayung, at nang pumayag ang mga datu ng Gila, naging isang makapangyarihang lugar ang nagsamang bayang ito.

Naging kaharian lang ang lugar na ito noong naging pinuno si Bunawi, at ginawa niyang hari ang sarili. Diniinan pa niya ang pangarap ng ama, at sinakop ang mga bayang katabi ng kaharian sa pamamagitan ng malupit na kahusayan – hindi tulad ng ama niya na nakilala ng mga tao dahil sa kanyang mabuting pakikipagsama.

“Kaya nang lumayas ang ating lakan, talagang nainis si Bunawi,” ipinaliwanag ng ina ni Sano noong bata pa siya. “Binata lang si Bunawi noon, gustong takasan ang anino ni Taruwid. Unang pananakop niya ang Katam. Pero hindi ibinigay ng ating lakan ang parugong makapagpapakita ng kanyang galing, at mula noon lagi nang naghahanap si Bunawi ng mga paraang mapatunayan na mas angat siya sa atin.”

Naglakbay sina Sano at Anina ng dalawang gabi sa sapa kasama ang mangangalakal, at nakarating sila sa Masagan pagsapit ng liwayway. Nagpaalam sila sa mabait na mampapalayok, at ngayon, pinapatnubayan ni Anina si Sano sa malawak na baranggay na nakapalibot sa daungan. Deretso nilang nilakbay ang baranggay para makalabas sa kabilang dulo nito. Hindi interesado si Anina sa mga tirahan, kundi sa palengkeng malapit sa tabing-dagat.

Maaga pa ang umaga, pero puno na ng mga tao ang mga daanan sa pagitan ng mga kubo. Karamihan sa kanila ay may dalang mga bayong, papunta sa pamilihan sa hilaga. Ang iba naman ay naglalako ng mga paninda. Nakabalanse sa kanilang balikat ang mahahabang patpat ng kawayan kung saan nakasabit ang mabibigat na lalagyan. May ilang beses na habang nakatitig si Sano sa mga bahay-panuluyan, muntik na siyang mabangga ng mga patpat na iyon, kung hindi lang siya hinila palayo ni Anina.

Ang mga tahanan na dinaanan nila ay ang pinakamaimis at magarang na nakita ni Sano. Gawa ang mga pader ng mga ito sa kahoy na napakalinis ng hiwa at sa palasang masisisinsin ang habi. Matutuwid at matitibay ang baitang ng mga hagdanang paakyat sa pintuan. Walang nakatikwas na hibla ng atip sa mga bubong. Mukhang kawawa ang sariling bahay ni Sano, kahit malinis at maginhawa pa ito, kung ihahambing sa mga bahay rito.

At ang ingay! Napapangiwi si Anina sa mga tunog, pero ninanamnam naman ni Sano. Nag-uusap at tumatawa at sumisigaw ang mga tao. Tinatawag nila ang mga pangalan o palayaw ng isa't-isa. Masayang humahalakhak ang mga batang naglalaro ng hindi maintindihan ni Sano. Nagtatapikan ang magkakaibigan sa likod; nagsisitsitan ang matatanda sa pintuan ng kanilang tahanan. Parang magkakaugnay lahat ng mga tao, at punong-puno sila ng sigla. Sa lumipas na mga araw pagkatapos niyang mabigo sa paghahanap sa ina niya, lumamlam ang loob ni Sano. Pero ngayon, gumiginhawa na siya sa kasiyahan sa paligid.

Ganito rin kaya ang buhay sa malalaking baranggay sa Katam? Nabanggit ng ina ni Sano na kung ihahambing sila sa ibang tao, mas ginugusto ng mga Kataman ang tahimik na kabuhayan. Mas banayad silang magsalita, mas mahinhin ang kanilang kilos. Kahit ang mga damit nila, mas simple. Siyempre, nagsimulang magbago ang mga ito pagkatapos dinugtong ang Katam sa Kaharian ng Dayung. Hindi lang dahil sa paglaganap ng kultura ng ibang mga bayan, ngunit dahil na rin minamasama ng iba ang kasimplehan ng mga Kataman. Matatamlay raw; walang sigla; mga duwag. Sana, balang araw, makapaglakbay si Sano sa buong Katam para makita kung ano talaga ang kalagayan ng mga tao roon.

Dahil sa laki ng baranggay sa Masagan, hapon na nang natapos tahakin ito nina Sano at Anina. Sa panahong iyon, halos wala nang laman ang mga daang iniwanan nila. Karamihan sa mga tao ay pumasok na sa kani-kanilang bahay. Tirik na tirik na ang araw, nagpapatikim ng init na maasahan nila kapag tag-init na.

Nang lumabas sila sa hilagang bakod ng baranggay, nakarating sila sa isang manipis na kakahuyan na may mga daang papunta sa palengke at daungan. Payat ang mga puno rito at hindi gaanong natatakluban ang tanawin sa tabing-dagat. May malalaking bangkang nakasadsad doon, pero ang tuktok lang ng mga ito ang nakikita ni Sano sa ngayon. Lumukso ang kanyang puso. Dati sa paanan ng bundok, sa malayuan lang niya nakikita ang mga ganoong kalaking bangka. Mararanasan kaya niyang makasakay sa mga iyon balang araw?

Nagdala ang maginhawang hangin ng maalat na simoy ng dagat. Sinundan ni Sano si Anina sa palikong daan papasok ng pamilihan. Lumalakas na ang ingay mula roon.

“Dito ka lang sa tabi ko,” babala ni Anina. Hinawakan niyang mahigpit ang kamay ni Sano, at sumisid sila sa dumadaluyong na masa ng tao.

Binunggo at itinulak si Sano ng isang alon ng mga katawan. Marami ang sumisigaw ng halaga ng kanilang paninda, ng ganda ng gawa ng mga ito, ng kakulangan ng kanilang mga kompetisyon, at ng talino ng mga namimili sa kanila. Dumaragasa ang matitingkad na kulay sa paningin ni Sano sa pagdaan ng mga taong nakasuot ng mayayamang sulta at makukulay na bulak. Naghalo ang amoy ng katas ng kalamnsi sa lansa ng tinuyong isda. Dinala ng hangin ang bango ng mga kakanin, pati na ang mga hindi pa naamoy ni Sano kailanman. Mabuting hinahawakan siya ni Anina. Parang nahihila siya sa iba't-ibang direksyon.

Nakarating sila sa isang bahagi ng palengke na hindi kasimpuno ng tao, at nakahingang mas maayos si Sano. Kahit papaano, natatanaw na niya ang kanyang paligid na walang nakaharang na ulo.

“Hah, nakaraos din!” sabi ni Anina. Hindi na niya tinigilan ang pagda-Dayungan simula nang nakilala nila ang mampapalayok, at ramdam ni Sano na ganito na sila mag-uusap mula ngayon. “Siguradong mas maluwag na buhat dito. Mas maimis naman talaga ang palengke kaysa sa unang tingin. Ang dami lang talagang nagtitinda na sumusuyo ng mga mamimili doon sa pasukan, kaya laging masikip doon.”

“Saan tayo pupunta ngayon?” tanong ni Sano.

“Kailangan nating kausapin ang Punong Arbitro.”

Sikat ang tungkulin ng Punong Arbitro sa buong sangkapuluan. Kilala bilang tagapamahala sa daungan at pamilihan ng Masagan, ang Punong Arbitro ay itinuturi ng karamihan na singhusay at singkatarungan ng isang datu. At dapat mayroon din siyang matalas na alaala para maisaulo ang apat-na-daan at apatnapu't pitong batas na nagpapatnubay sa pangangalakal sa Masagan. Sinabi ng ina ni Sano na ito ang pinakamataas na tungkulin na maabot ng isang Gilan sa labas ng mga maginoo.

“Bakit natin kailangan makita siya?” tanong ni Sano.

“Makikibalita tayo. Maraming mga alingasngas sa kaharian na dumarating dito, at kung gusto nating mapadali tayo sa paghahanap sa iyong ina, kailangan nating malaman ang mga pangyayari sa kaharian. At kakilala ako ng Punong Arbitro, kaya baka matulungan niya tayong makahanap ng matutuluyan. Hindi murang manirahan dito.”

“Kaibigan mo ang Punong Arbitro?” Hindi aakalain ni Sano na malapit si Anina sa mga taong nasa 'mataas na lugar,' ayon sa ina niya.

“Hindi kaibigan. Naaalala lang ng Punong Arbitro lahat ng kinakausap niya, at lagi akong pumupunta dito sa palengke noon. Dito ako kumikita ng pera at kumukuha ng impormasyon sa mga puwedeng matanungan na katalonan o manghihiwagang baka may alam sa paglakas ng hiwaga.”

Mabilis lumibot si Anina sa pamilihan at hindi gaanong napagamasdan ni Sano ang kapaligiran nila. Pero totoo ang sinabi ni Anina. Maliban sa pasukan, halatang may pagitan ang iba't-ibang pangkat ng mga tindero. Nagmadali silang lumakad sa isang lugar na puno ng mga manggagawa ng kahoy, at isa naman na puno ng mga mampapalayok.

Pagkatapos ng pangkat na ito, biglang lumiko si Anina sa isang makitid na daanan. Sa dulo nito, may isang matatag na kubo na may pila ng mga dalawampung tao sa harap.

“Dito nakatira ang Punong Arbitro.” Itinuro ni Anina ang kubo. “Pumila ka na para s'atin, at bibili ako ng makakain. May kaunting pera pa ako.”

Isang nilagang gabe lang na bigay ng mampapalayok ang nakain nila sa lumipas na araw, na ngayo'y parang napakakaunti pagkatapos ng lahat ng nadaanan nilang mga pagkain sa pamilihan. Gumaralgal ang tiyan ni Sano.

Naghintay siya sa dulo ng pila, habang tumakbo pabalik si Anina sa palengke. Nang bumalik siya, may dalang isang mainit na bibingkang may kinayod na niyog sa taas. Hinati ni Anina sa kalahati ito at ibinigay kay Sano ang isang piraso.

“Salamat,” sabi ni Sano, sinusubukang huwag biglang lamunin ang bibingka.

Parang isang pagong na napadpad sa lupa ang pag-usad ng pila, at palubog na ang araw nang sila na ang kasunod.

Nagulat nang kaunti si Sano sa pagpasok sa bahay. Inaasahan niyang maluho at puno ng mamahaling gamit ito, pero maliit at pangkaraniwan ang silid na pinasukan nila. Sa gitna, may isang matibay na hapag na halos sakop ang buong sahig, at sa paligid nito may mga unang may makikintab na burda. Sa isang sulok, may banyagang karamik na palayok na kalahati ng taas ni Sano. Nakasandal ang isang mababang salansanan sa pader malapit sa pinto. Sa kabilang dulo ng silid, may pintuang patungo sa mas mataas na palapag ng bahay.

Nakaupo sa isang tabi ng hapag ang isang babae na may mahabang buhaghag na buhok at magiliw na mukha. Mas bata siya sa inaasahan ni Sano para sa isang Punong Arbitro, pero walang duda si Sano na siya na nga ito. May katangian siyang nagpupukaw ng paggalang at nagpapalapit kay Sano. Dumapo ang tingin ng Punong Arbitro kay Anina at ngumiti siya sa pagkakilala.

“Anina! Matagal na kitang hindi nakikita dito sa palengke,” sabi ng Punong Arbitro. Malakas at mabilog ang kanyang boses. “Halika, upo kayo!”

Dumeretso si Anina sa mga unan, at mabilis siyang ginaya ni Sano.

Humarap ang Punong Arbitro sa kanya, nakangiti pa rin. “Hindi pa yata tayo nagkakilala. Ano'ng pangalan mo?”

“Sano po,” sagot niya.

“Mabuting makilala ka, Sano. Sana nagugustuhan mo ang palengke.” Kumuha ng dalawang malinis na tasa ang Punong Arbitro sa salansanan at pinuno ang mga ito ng tuba. Inusog niya ang isang bilao ng mga hitso palapit kina Sano at Anina.

Madalas ialok ang tuba at hitso sa mga pulong. Nakatikim na si Sano ng tuba dati, pero hindi pa ang hitso. Dahil minsan lang silang mag-ina magkaroon ng mamimili, walang dahilang maghanda pa sila ng mga hitso. Kumuha si Sano ng isa at nginuya.

Napuno ang bibig niya ng mapait at maanghang na katas, at bigla siyang nakaramdam ng pagduwal. Dahil nahihiya't baka mapansin siya, napilitan si Sano na lunukin ang katas. Pero hindi pala magandang plano iyon. Napaso naman ang lalamunan niya, at hindi na niya naiwasang pakawalan ang malalakas na ubo, habang tumatalsik ang laway kung saan-saan.

Naglagay ng isang maliit na mangkok ang Punong Arbitro sa harap niya. Tinampal naman ni Anina ang kanyang likod. Iniluwa ni Sano ang hitso sa mangkok, bago kinuha ang tasang may tuba at ininom ito sa isang lunok. Minasdan siya ni Anina at ng Arbitro, parehong gulat at nag-aalala.

“Patawad po,” sabi ni Sano, habang pinapahid ang bibig sa likod ng kamay. Dumagsa ang dugo sa mga pisngi niya at tainga.

“Hayaan mo na,” sabi ng Punong Arbitro, nakangiting tabingi na parang pinipilit niyang hindi matawa. Pero tumikhim lang siya at lumingon ulit kay Anina, na ngayon ay napakaputla, marahil nahihiya kay Sano.

“Bakit naparito ka ulit sa Masagan?” tanong ng Punong Arbitro. Wala nang ngiti sa kanyang mukha, pero hindi nakalampas kay Sano ang nginig sa boses niya na parang pinipigilan pa rin ang pagtawa.

“May hinahanap po kaming kamag-anak ni Sano,” sagot ni Anina.

“Ah, kukuha ba kayo ng tagahanap?”

“Hindi po, makakaya namin ang paghahanap mismo. Nandito lang kami para kumita, pero hindi kami magtatagal. May mga balita po ba na kailangan naming malaman bago kami maglakbay ulit?”

Nag-isip nang saglit ang Punong Arbitro. Mas maayos na siya ngayon, nabawi na ang pagkahinahon. “Galing sa silangan ang karamihan ng mga balitang naririnig ko. May baranggay hindi nalalayo dito sa Masagan na nahipan daw ng Malagim na Hangin, at labing-tatlong tao ang naging kahoy. Baka alam niyo na ito kung sa Kunting kayo dumaan. May sirang baranggay na makikita roon.”

Pagkatango nina Sano at Anina, nagpatuloy ang Punong Arbitro. “Masama ang loob ni Haring Bunawi tungkol doon. Dodoblehan daw niya ang gagawing alay. Nakatanggap ng pahiwatig ang kanyang punong katalonan mula sa mga bathala na ang pampatalo raw sa Hangin ay kaugnay sa ginto't pilak at – ito ang nakakagulat – ang buwan. Kaya naisip ni Haring Bunawi na mag-alay sa iba't-ibang bathala kada buwan.”

May iba pang ibinalita ang Punong Arbitro, pero nakakalito na ang mga ito kay Sano. Hindi niya kilala ang karamihan sa mga pangalan ng mga tao at lugar na binabanggit. Nagkuwento ang Arbitro tungkol sa mga binabahang ilog, mga taong tumatakas sa buwis, at mga pag-aaway ng mga maginoo.

“A, at may isa pa pala na baka narinig niyo na rin,” dagdag ng Punong Arbitro. “May isang manghihiwaga mula sa Katam na nagsanhi ng pagguho ng lupa para mawasak ang isang baranggay.”

“Ano po?” bulalas nina Sano at Anina.

“Hindi niyo pa ba naririnig iyon?”

“May narinig po akong iba,” dahan-dahang sabi ni Sano. “Na may isang manghihiwagang nagligtas sa baranggay mula sa pagguho.”

Tumango ang Punong Arbitro. “Nagsimula nang ganoon, pero nalaman namin na ang manghihiwaga mismo ang nagsanhi ng guho. Wala na raw ang baranggay ngayon.”

Hindi makapaniwala si Sano sa naririnig niya. Tiningnan niya si Anina, pero kung may pangangambang nararamdaman ito sa kuwento na iyon, mas maayos niyang naitatago kaysa kay Sano.

Ipinaliwanag ng Punong Arbitro, “Ang huli kong narinig, mismong mga mandirigma ng hari ang tumulong sa mga taga-nayon na maghanap ng bagong matitirhan.”

“Ano'ng–” tututol pa sana si Sano, pero pinisil ni Anina ang kanyang kamay sa ilalim ng hapag para patahimikin siya.

“Maraming salamat po,” sumabad si Anina. “Ganoon pala ang kinalabasan. Mabilis na nga talagang magbago ang mga alingasngas ngayon. Ay, oo nga pala! May alam po ba kayong matutuluyan ngayon na malapit sa palengke?”

Binitawan ni Anina ang kamay ni Sano, at naiwan na lang siyang nanghihinayang sa biglaang paghinto ng usapan tungkol sa pagguho.

“Baka mayroon, pero hindi gaanong komportable,” sabi ng Punong Arbitro. “Puwede kayong lumapit sa ginang na nagmamay-ari sa bahay-panuluyan malapit sa talampas sa silangan. Alam mo naman ang sinasabi ko, 'di ba? Nakatira ka na roon dati. May utang sa akin ang may-ari doon. Hanapin niyo siya, mang-upa kayo ng silid, at sabihin niyo sa kanya ako ang nagpadala sa inyo. Tatawaran niya kayo.”

Nagpasalamat ulit si Anina sa Punong Arbitro, at nagpaalam na sila.

Sinundan ni Sano si Anina papunta sa bahay-panuluyan na sinabi ng Punong Arbitro. “Iniligtas ko talaga iyong baranggay sa pagguho,” sabi niya, mahina ang boses. “Umulan ng matindi sa mga araw bago nangyari iyon. Sigurado ako iyon ang dahilan. Mahalaga sa akin ang baranggay na iyon, at hinding-hindi ko sisirain iyon nang sadya.”

Naglapat si Anina ng isang daliri sa labi. “Shh, naniniwala ako sa 'yo. Sa tingin ko alam ko kung ano ang nangyayari. Pero kumuha muna tayo ng isang silid-tulugan.”

Nasa dulo ng pamilihan ang bahay-panuluyan, banda sa paanan ng isang talampas. Mukha itong mahabang kubo na maraming mga pintuan. Katulad ng mga bahay na nakita ni Sano sa baranggay ng Masagan, matatag at maayos ang gawa nito. Hinanap ni Anina ang ginang na nagpapaupa sa mga silid, at sinabi sa kanya ang ipinagbilin ng Punong Arbitro.

Nang naayos na ang lahat, pumasok sina Sano at Anina sa isang maliit na silid, halos hindi mapapagkasya ang dalawang katawan sa sahig. Humingi si Anina ng isang mahabang kurtina at tali na magagamit niyang panghati sa kuwarto. Pagkatapos nilang isabit ito, umupo sina Sano at Anina sa pinakamalayong sulok kung saan sila makakapag-usap nang tahimik.

“Tungkol sa mga sabi-sabi,” sinimulan ni Anina. “Sa tingin ko, may nagbago talaga sa kuwento mo. Siguradong naiinis na ang hari dahil hindi ka pa nahuhuli hanggang ngayon, at gusto niyang bigyan ang mga tao ng insentibong tulungan siya. Kung ikaw ay isang masamang manghihiwaga, mas susubaybayan ng mga tao ang mga kuwento tungkol sa iyo at magsasalita sila kung may alam sila.”

Dumaing si Sano, at hinila ang ilang hibla ng buhok niya. Kahit tinutugis siya ngayon dahil iniligtas niya ang baranggay na iyon, ipinagmamalaki pa rin niya ang ginawa niya. Naniniwala pa rin siya na tama ang pagligtas niya sa baranggay. Paanong nagagawa ng ibang mga taong magsinungaling para lang sa sarili nilang pakinabang? Ang mas masakit, kahit nga sinagip niya ang mga taga-nayon, nawalan pa rin sila ng tirahan sa huli.

“Kaya sa tingin ko tama ang pagpasya nating pumunta rito sa Masagan,” itinuloy ni Anina. “Mas madali tayong makatatago rito. Ang kailangan lang nating gawin ay kumita ng pera at mag-isip kung paano tayo makikipagkita sa ina mo. Makatutulong ang mga balitang ibinatid sa atin ng Punong Arbitro, dahil alam na natin na ipapadala ng hari ang malalakas niyang manghihiwaga sa mga binahang ilog para ayusin ang mga ito, at papapuntahin niya ang matatalinong mandirigma sa mga nagsasabwatang maginoo para matyagan sila. Siyempre, may mga mandirigma pa ring nakalaang maghanap sa iyo, pero ngayon alam natin kung saan tayo iiwas.”

A, hindi naisip iyon ni Sano. Umupo lang siya sa harap ng Arbitro, iniisip na hindi gaanong mahalaga ang mga ibinabalita. Kung hindi sila magkasama ni Anina, baka nakasabit na siya ngayon sa dulo ng itak ni Haring Bunawi.

“Maraming salamat, Anina,” taos-pusong sinabi ni Sano. “Alam kong nanganganib ang buhay mo habang kasama mo ako.”

“'Wag kang mag-alala diyan.” Pumula ang mga pisngi ni Anina. “Gusto ko lang talagang makita ang Manghihiwagang Lingid. Pasalamatan mo na lang ako sa pagkita ng maraming pera. Sa ngayon, maligo na lang tayo at matulog nang maaga.”

Tumayo si Anina at pumunta sa kabila ng kurtina sa kanyang bahagi ng silid. Ngayong nag-iisa si Sano, sumandal siya sa dingding, nilalasap ang mga sandaling nakakahinga nang malalim. Ang labo ng mga nakaraang araw. Para bang lumipas ang ilang buhay sa napakaikling panahon. Pero baka pakiramdam lang niya iyon dahil hindi niya itinuring tunay na pamumuhay ang buhay niya sa gubat.

Lahat-lahat, wala naman gaanong mairereklamo si Sano. Kung tutuusin, natakasan niya ang pinakamalalang kapalaran. Nakalusot sila ni Anina sa mga mandirigma ni Haring Bunawi ng dalawang beses. At kung kaya ni Anina na harapin ang mga pagsubok na darating, kakayanin din ni Sano. Utang na loob na lang niya kay Anina.

Sabi ni Anina kailangan daw nila ng maraming pera? Sige, kikita si Sano ng maraming pera.