Kabanata 6
Ang Mga Mandirigma ng Hari
Napatulala si Sano kay Anina. “Mga kapatid? Akala ko namatay lahat ng pamilya mo sa pagsalakay!”
“Mga kapatid sa ampon,” nilinaw ni Anina, nakatitig pa rin sa gulo sa labas.
Tumingin ulit si Sano sa umpukan. Sa layo niya, wala siyang gaanong makita, pero taya niyang hindi gaanong magkahawig ang tatlong lalaki. May isang may hawak ng sibat, matangkad at mas maitim pa sa malalim na kayumanggi nina Sano at Anina. May isang pangkaraniwan ang laki, walang masasabing kapansin-pansin sa kanya. At ang huli ay mayroong mga tato ng pinakataas-taasang uri ng mandirigma mula sa Gamhana. Nakagugulat makita ito dahil nag-aaway ang kaharian ng Dayung at ang mga Pulo ng Gamhana sa timog. Isa ito sa mga balita tungkol sa kaharian na nakarating kay Sano at sa kanyang ina.
“E, sino sa mga iyon ang mga kapatid mo?” tanong ni Sano na may kaunting pagkahiya. Hindi siya sigurado kung gaano dapat magkahawig ang mga magkakamag-anak.
“Iyon si Kuya Aklin, 'yung pinaka-matangkad,” sinagot ni Anina. “At si Kuya Danihon, 'yung may mga tato. Noong sinalakay ang baranggay namin, napadpad ako sa Gila kung saan ako inangkin ng matandang mag-asawa na tumutulong sa mga nauulilang tulad ko. Si Kuya Aklin lang ang tunay na anak nila. Galing naman sa Gamhana si Kuya Danihon, at matagal na sa ampunan bago pa ako dumating.”
Napasipol si Sano. “Bakit nila pinaglilingkuran si Haring Bunawi ngayon?”
“Para sa salapi, katulad ng karamihan.” Naging malumbay si Anina. “Matanda lang nang kaunti sina Kuya Aklin at Kuya Danihon sa akin, pero mahuhusay sila sa labanan at sa panghihiwaga. Nangangailangan si Haring Bunawi ng mga mandirigma at manghihiwaga, at binantaan niya ang kaligtasan ng ampunan kapalit ng katapatan ng aking mga kapatid.”
Biglang umakyat si Lola Silim sa hagdan, naghugas ng mga paa sa palapag, at pumasok sa kubo hawak-hawak ang isang tiklis sa may balakang. Nakita dito ni Sano ang garapon ng gata ng niyog at ang mga prutas na pinag-uusapan ng taga-nayon kahapon.
“Itatago ko lang ang mga ito,” ipinaalam sa kanila ni Lola Silim. Tinakpan niya ng mangkok ang mga prutas at inilagay ang garapon ng gata sa likod ng mga lalagyan ng gamot. Tiningnan nang makahulugan ni Lola Silim ang mga luma nilang damit, at idinagdag sa mababang tinig, “Naiintindihan niyo naman, hindi ba? Buwis.”
Pagkatapos, umalis na si Lola Silim para batiin ang mga mandirigma.
“Ano'ng ibig sabihin niya?” tanong ni Sano.
Naaaliw ang ngiting ibinalik sa kanya ni Anina. “Oo nga pala. Sa liblib na kabuhayan niyo sa paanan ng bundok, hindi niyo kinailangang isipin ang buwis. Ganito, ang buwis na hinihingi ng hari ay batay sa yaman ng mga tao, at kadalasan, tinataya ito kapag nagsusuri ang mga mandirigma. Matapat naman ang karamihan ng mga tao, dahil labag sa batas ang mandaya, pero dahil din naipagmamalaki nila ang pagiging mayaman. Pero hindi mayaman ang baranggay na ito. Hindi naman nila laging natatanggap iyong mga napulot nilang pagkain kahapon. Kung makikita ng mga mandirigma ang mga iyon, iisipin nila na mas maunlad ang katayuan ng baranggay na ito.”
Bumalik sila sa pagdungaw sa bintana at sa mga taong nagkukumpulan sa labas.
“Kailangan nating panindigan ang kuwentong ibinigay natin sa mga taga-nayon,” sabi ni Anina. “Sigurado na babanggitin naman nila tayo sa mga mandirigma. Baka makatulong nga sa atin ang sakit mo. Kung hinahanap nila ang manghihiwagang nagpahinto sa pagguho ng lupa, ang hahanapin nila ay isang taong dalubhasa na talaga sa hiwaga. Sobrang galing niya na nakapagtayo siya ng pader para mailigtas ang isang baranggay. Hindi nila mabilis na maiuugnay iyon sa isang nagkasakit ng manghihiwagang-pilay.”
Namula si Sano, ngunit hindi nagawang sumalungat. Bumalik siya sa banig niya, at sinubukang magmukhang masakitin, katulad ng ginagawa niya noong bata pa siya at ayaw niyang mag-ayos ng bahay. Hindi naman siya pinaniniwalaan noon ng ina niya, kaya hindi rin siya sigurado kung kapani-paniwala nga siya.
Umupo si Anina sa mga baitang ng hagdan ng kubo at itinuloy ang paghasa ng mga bolo.
“Ano'ng wika ang gagamitin ko?” tanong ni Sano. Sinabi ni Anina na nasa Gila ang ampunan, kaya tiyak nakapaggi-Gilan ang mga kuya ni Anina, pero bilang mga mandirigma, baka mas mabuti kung kakausapin niya sila sa Dayungan. Ngunit dahil nasa isang baranggay sila sa Katam, baka nakakaasiwa kung hindi sila magka-Kataman.
“Sumagot ka sa wikang gagamitin muna nila,” sagot ni Anina. “Kung iba ang gagamitin mo, iisipin nila na nang-iinis ka o nagmamalaki ka.”
Sa labas, inalok ng datu ng baranggay ang mga mandirigma ng maiinom. Humina ang mga tinig nila, at lumayo ang mga hakbang. Hindi bumalik si Lola Silim, at naiwang mag-isa sina Sano at Anina sa loob ng kubo. Sa ilalim ng mga kumot niya, nabababad si Sano sa agam-agam. Parang noong tatlong araw pagkatapos ng guho ng lupa, hindi niya alam kung ano'ng mangyayari. Sana nga nandito ang mga mandirigma para magsuri, at hindi para hanapin siya.
Pagsapit ng takipsilim, isang malakas na singhap ang bumasag sa katahimikan sa labas ng kubo. May mabilis na gumalaw sa may pintuan, at sumagpang ang isang mandirigma kay Anina. Hinatak ni Sano paalis ang kanyang mga kumot, kumakabog ang puso.
“Anina, nandito ka pala!” Si Danihon iyon, ang may mga tato, nagsasalita sa Gilan. At hindi niya sinasaktan si Anina, kundi niyayakap. Hinawakan niya ang mukha ni Anina, kinurot ang mga pisngi, ginulo ang buhok, at niyapos ulit. “Ang laki mo na! Ano'ng ginagawa mo dito? Hoy, Aklin!” May tinawag siya sa malayo. “Hulaan mo kung sino ang natagpuan ko!”
Nanatiling nakaupo si Anina, mahigpit ang hawak sa hasaan. Hindi makita ni Sano ang mukha ng dalaga, ngunit may katigasan ang mga balikat niya. Sa sinabi ni Danihon, parang matagal na siyang hindi nakikita ng kanyang mga kuya.
At ngayon, tinutulungan ni Anina na makaligtas sa kanila ang isang pugante.
Bumalik si Sano sa ilalim ng mga kumot habang nahaluan ng pagsisisi ang kabang nararamdaman niya. Sandali pa'y dumating din si Aklin. Bumitak ang isang malaking ngiti sa seryoso niyang mukha. Tumakbo siya kay Anina at hinila itong palapit. Hindi man kasinsigla ang yakap niya sa ibinigay ni Danihon, nararamdaman pa rin ni Sano ang tahimik na ligaya sa paghawak ni Aklin.
“Saan ka nanggaling?” tinanong ni Aklin. Malumanay ang himig ng kanyang pagsasalita. “Sabi ni Ina umalis ka raw pagsali namin ni Danihon sa hukbo ng hari. At hindi mo rin daw sila dinadalaw.” Kinamot ni Sano ang ulo niya. Sandali, may kamag-anak ba talagang mababalikan si Anina, at hindi lang niya binibisita? Malamang nahihirapan makisama si Anina sa mga kuya niya hindi lang dahil naglalakbay siya kasama ang isang pugante ng hari, ngunit dahil baka may tampuhan din silang magkakamag-anak.
“Ay, naglalakbay lang po ako,” sabi ni Anina, sabay ang pagaspas ng kamay. “Nasa tamang gulang na rin ako para maghanap ng mapapagkitaan. Ayaw ko naman pong pahirapan pa sina Tita Aka at Tito Lukud.”
“Hindi ka naman naging pahirap,” tutol ni Aklin.
Lumapit si Lola Silim sa pintuan ng kubo, at itinigil na nina Aklin at Danihon ang usapan. Tumikhim si Kuya Danihon. “Maaari po bang tingnan namin ang mga kasangkapan niyo?” Mula Gilan, gumamit siya ng Dayungan para kausapin si Lola Silim. Tumangong may ngiti ang matandang katalonan, at pinapasok sila sa loob ng kubo. Binuhat ni Anina ang mga bolo at naunang pumasok. Hinugasan nina Aklin at Danihon ang kanilang mga paa bago sumunod. Huling pumasok si Lola Silim.
Kagyat, tinutukan ng pansin ng mga mandirigma si Sano.
“Sino ito?” tanong ni Danihon kay Lola Silim.
“Ay, pinsan ni Anina itong si Sano,” sinagot ni Lola Silim. Tumaas ang mga kilay ni Danihon, at tiningnan ang nakababatang kapatid.
Napatawa nang marahan si Anina. “Malayong pinsan.”
Sa isang mahabang saglit na kapigil-pigil hininga, tinitigan nina Aklin at Danihon si Sano. Hindi niya mabasa ang kanilang mukha. Yumuko pa siya, sinisikap na maging mukhang maamo. Baka kailangan niyang magsalita, pero hindi pa siya kinakausap, at ayaw rin niyang magmukhang walang galang.
“Sinasamahan ko si Sano na maglakbay patungong Gila, kung saan siya inaasahan ng isang kamag-anak,” tuloy ni Anina. Parang pinipilit niyang pagaanin ang tinig niya. “Nagkaroon siya ng manghihiwagang-pilay, at dito kami napatigil.”
Bumalik ang mga tingin ng mga mandirigma kay Anina, at halos hindi naitago ni Sano ang kanyang buntong-hininga.
“Iyan ba ang ginagawa mo simula nang umalis ka sa bahay ng mga magulang natin?” malumbay na itinanong ni Aklin. “Naghahanap ng mga kamag-anak? Dapat sinabihan mo sina Ina at Ama. Hindi naman nila ipagkakait iyon sa iyo.”
Nagpaanod na lang si Anina sa daloy ng usapan. “Hindi iyon ang balak ko noong una. Nangyari na lang.”
“Gusto naming kilalanin pa ang pinsan mo mamaya, pero ngayon, kailangan muna naming ituloy ang pagsusuri.” Binigyan ni Aklin si Anina ng ngiti, bago pumunta sa mga salansanan ni Lola Silim.
Lumalim pa ang pag-uusap ng katalonan sa mga kapatid ni Anina tungkol sa mga halamang gamot at iba pang kasangkapan. Isa o dalawang beses, tiningnan ni Danihon si Sano, ngunit walang tanda ng paghihinala o pagka-palakaibigan ang tingin niya. Kinakabahan si Sano sa mga tatanungin nila sa kanya mamaya tungkol sa pagiging pinsan ni Anina.
“... ipababatid po namin kay Matiban ang mga nagkukulang, at tiyak naman po na matutulungan namin kayo,” sinabi ni Aklin kay Lola Silim.
Matiban? Narinig na ni Sano ang pangalang iyon mula sa isang bumili sa kanyang ina. Si Matiban ang pinakamagaling na manghihiwagang-mandirigma sa hukbo ni Haring Bunawi, maliban lang sa bayi. May mga sabi-sabi raw na mababa ang pinagmulan ni Matiban, pero wala rin namang nakaaalam ng tunay niyang pinagdaanan. Ang nasisigurado ng mga tao ay ang mabilis niyang pagtaas sa maharlika ng ilang taon lamang.
Si Matiban ba ang isa pang kasama ng mga kuya ni Anina?
May babae mula sa labas na nagsabing handa na ang hapunan. Itinigl ni Lola Silim ang pagpapakita sa mga mandirigma ng kanyang namamatay na halaman, at hinikayat niya silang mauna sa pagkuha ng pagkain. Nag-aalinlangang sumunod si Sano, nag-aalala na ipagpapatuloy ang pagtatatanong sa kanya habang kumakain sila.
Nang lumapit ang mga kuya ni Anina sa lutuan sa labas, dinagsa sila ng mga taong humihingi ng balita mula sa Munting Dayung – ang katutubong bayan ng mga Dayungan at ang punong bayan sa kaharian ngayon. Pumila si Anina para sa pagkain, nagpapasalamat na humupa ang pansin sa kanya ng mga kapatid. Kumuha siya ng kaunting kanin at ilang piraso ng manggang may bagoong, pero nilampasan niya ang sinigang. Hinayaan niya na iba na lang ang kumuha ng hati niya.
Pagkaalis niya sa pila, natagpuan niya ang mga kapatid na nakikipag-usap sa pangatlong mandirigma. Lumayo na ang mga taong nagsisisiksik sa kanila kanina. Kung hindi narinig ni Anina sa mga bulung-bulungan kanina na ang pangatlong mandirigma ay si Matiban, hinding-hindi niya aakalain na ang lalaking iyon ay ang pangalawang tagapamahala sa hukbo ng hari. Sa tabi ng mga kapatid ni Anina, mukha siyang sobrang pangkaraniwan. Hindi siya matipuno tulad ni Kuya Danihon, at hindi rin sintangkad ni Kuya Aklin.
Walang gaanong mabasa si Anina sa kanilang mga mukha, pero parang maraming tinatanong si Matiban. Nagkibit-balikat si Kuya Aklin. Nang napansin siya ni Kuya Danihon, nginitian siya at kinawayan. Nanliit si Anina nang dumapo ang tingin ni Matiban sa kanya. Yumuko na lang siya at umalis.
Pumunta si Anina sa nag-iisang tuod sa likuran ng kubo ni Lola Silim, malapit sa pinag-alayan ni Sano. Sana isipin na lang ng mga madirigma na naiilang lang siya dahil mahiyain siya.
Pagkalipas ng ilang sandali, sinamahan siya ni Sano sa tuod, pero laging lumilingon ang binata sa mga taong magkakasamang kumakain.
“Pasensiya na, na nagkita kayo ng mga kapatid mo sa ganitong kalagayan,” sabi ni Sano pagkatapos ng mga tahimik na sandaling ngumungyua lang sila. Marahil napansin ni Sano ang masayang pagbati kay Anina ng mga kuya niya, at kung paano niya hindi maisukli ang sayang iyon. “Kailan ka pa naging malayo sa mga umampon sa iyo?”
Napaubo si Anina sa deretsong pagtanong ni Sano. Mas malakas pa lang makaramdam si Sano sa inakala niya. Ayaw na sana niyang sumagot, pero baka pag-isipan lang siya ng kung anu-ano. Baka mas masama pa ang kalalabasan kaysa kung magtatapat siya.
“Tatlong taon. Halos pagkatapos nilang magpasyang paglingkuran si Haring Bunawi.” Inilihis ni Anina ang sagot papunta sa kalagayan ng kaharian. Totoo pa rin naman, hindi nga lang ang unang dahilan kung bakit siya umalis ng ampunan.
Tumango si Sano. “Hindi ka masaya sa pasya nila, ganoon ba?”
Lumingon si Anina para tingnan kung may malapit sa kanila. Nagtipon ang mga taga-nayon sa may apoy, at nakita niyang inaawitan ni Kuya Aklin ang ilang matatanda. Inilapit pa rin niya ang ulo kay Sano at bumulong. “Natatakot ako kay Haring Bunawi. Kinatatakutan ko na siya buhat nang una ko siyang nakita.”
“Nagkita kayo?”
“Dumalaw siya sa lumang baranggay ko noon, maraming taon na ang nakalipas,” paliwanag ni Anina. “Maayos siya sa umpisa. Makisig at may ngiting nakaaamo ng buwaya. Mahirap lang ang baranggay namin, at mas malaki lang ng kaunti sa baranggay na ito. Ipinaghanda namin ang hari lahat ng pagkaing mayroon kami. Nag-alay ang pinuno namin kay Karingal para sa hari, humihingi ng magandang kinabukasan. Nagalit bigla si Haring Bunawi, dahil parang sinasabi raw ng pinuno na hindi pa siya mapalad. Pero nagkamali lang ng pagsabi, kasi hindi naman matatas sa Dayungan ang datu namin. Siningil kami ni Haring Bunawi ng dobleng buwis ng araw na iyon.”
Hindi bumigat ang loob ni Anina dahil sa mismong parusang iyon, kundi sa malumanay na pagbitaw ng hari ng parusa, na para bang isa siyang mabuting ama na ninanais lang tumino ang mga anak. Hindi man lang nawala ang pagngiti niya. Hanggang ngayon, hindi maipaliwanag ni Anina ang nakalilitong nararamdaman niya tungkol sa hari; na kahit hinahangad niya ang mga kagustuhan ni Haring Bunawi, pakiramdam niya na hindi niya maaabot ang mga iyon bago pa niya subukan abutin.
Mabigat pa rin sa loob ni Anina ang pagpasya ng mga kuya niyang sumali sa hukbo. “Bago nasalakay ang baranggay ko, may dalawa rin akong kuya. Nang inampon ako ng mga magulang ni Kuya Aklin, itinuri kong mga bagong kuya sina Kuya Aklin at Kuya Danihon. Sila ang nagturo sa akin lahat ng alam ko ngayon sa hiwaga at sa pakikipaglaban. Noong umalis sila patungo sa Munting Dayung, parang nawalan ako ng mga kuya ulit.”
Nagsisi si Anina nang kaunti sa pagpakita niya ng lubusang lumbay, pero hindi niya magawang ipakita ang takot.
Masaya man ang mga panahon niya sa ampunan, hindi pa rin siya nakababawi nang ganap sa pagwasak niya sa sariling baranggay. Wala siyang binanggit tungkol dito sa mga umampon sa kanya. Paaalisin siya kung nalaman nila. Isang mabuway na manghihiwaga, maninirahan kasama ng iba pang mga bata? Hindi. Manganganib ang mga buhay nila.
Kapag naiisip ni Anina ang nakaraan, dapat umalis na siya noong simula pa lang. Ngunit dahil naroon sina Kuya Aklin at Kuya Danihon, nagkaroon siya ng kompiyansang wala siya sa kapahamakan. Dahil mas matanda sila at mas marunong sa hiwaga, naging kampante si Anina na mapipigilan nila kung may mangyayaring masama sa hiwaga niya. Pagkaalis nila, nawala ang pakiramdam na iyon.
Doon napagtanto ni Anina na ang tunay na kailangan niya ay mga sagot, hindi ang kathang-isip na kaligtasan. Kailangan niyang maintindihan kung ano ang nangyari sa hiwaga niya para hindi na maulit ang pagkakamaling nagawa niya kailanman.
Nangislig si Sano habang may minamasdan sa likuran ni Anina. Tumalikod si Anina, at bumigat ang puso nang nakitang lumalapit sa kanila si Matiban. Nakatago ang mga kamay ng mandirigma sa likuran, mahinahon ang tindig, at may banayad na ngiti.
“Magandang gabi. Hindi pa yata tayo nagpakilala sa isa't-isa,” sabi ni Matiban sa Dayungan. Kahit hindi maamo ang boses niya katulad ng kay Kuya Aklin, wala rin namang nilalamang talim. Walang punto na sumasagabal sa kanyang pagda-Dayungan, at ginagamit niya ang matapang na pagsasalita na uso sa Munting Dayung. “Ako si Matiban.”
Hindi alam ni Anina kung paano niyang sasabihin nang magalang na alam na nila iyon, kaya yumuko na lang siya at ipinakilala ang sarili. Ginawa rin ito ni Sano.
Tumango si Matiban at nagpasalamat, hindi nawawala ang ngiti. Lumingon siya kay Anina. “Ikaw yata ang kapatid ng mga kasamahan ko. Marami silang nasabi tungkol sa iyo.”
Tinatagan ni Anina ang kanyang paghinga. Kahit maayos ang bati sa kanila, alam niya na pumunta si Matiban dito para mag-imbestiga. “Opo, kapatid sa ampunan. Nasalakay po ang baranggay ko noong bata pa ako, at tinulungan ako ng mga magulang ni Kuya Aklin.” Wala siyang maaaring gawin kundi magsabi ng totoo. Madaling masisigurado ni Matiban ang mga ito sa mga kapatid niya.
“Galing ka sa Gila, katulad nila?”
“Hindi po. Galing ako dito, sa Katam.” Isa rin itong madaling maaalam ni Matiban.
“Ang haba ng nilakbay mo,” pinansin ni Matiban. “Lalo na nang bata ka pa. Tinahak mo ang isang buong bayan nang mag-isa?”
“Totoo po,” sinabi ni Anina. “Sana may iba pa akong mas nakaaaliw na maikukuwento, bukod sa malubha ang kalagayan ko noon at naggagala-gala ako nang matagal. Ganoon ang nangyayari sa isang bata pagkatapos ng marahas na pananalakay at ng pagkawala ng kanyang tahanan.”
Tinitigan siya ni Matiban nang maligalig na saglit, hindi mabasa ang itsura. Nakahanda ang mga panlihis ng usapan ni Anina kung ididiin pa ng mandirigma ang tanong. Ngunit pagkatapos ng mahabang katahimikan, ang sinabi lang ni Matiban ay, “Nalulungkot akong marinig iyan. Gagawin namin ang lahat para mapigilan ang mga pananalakay sa mga baranggay ng kaharian.”
Si Sano naman ang pinagtuunan ng pansin ni Matiban. Kinagat ni Anina ang labi niya para itago ang buntong-hininga. Kinalma niya ang kanyang mukha, at nagdasal na paghusayin ni Sano ang pagsagot.
“At itong binatang ito? Sigurado namang nagpapasalamat ka na may kasama kang alam na alam ang papunta sa Gila?”
“Opo!” Tumango si Sano, doble pa ang pangkaraniwang sigla. Gusto sana ni Anina na sabihing bawasan naman, pero hindi niya alam kung paano. “Maayos pong kasama si Anina!”
“Oo nga, napakabait niya, tumulong pa siya sa mga kamag-anak na hindi siya kinupkop nang masalakay ang baranggay niya.” Palarong binigyan ni Matiban si Anina ng isang nakakaawang tingin. Napagtanto ni Anina na kung magpinsan talaga sila ni Sano, mas makatwirang kupkupin siya ng mga kamag-anak nito kaysa ng mga hindi niya kakilala. Lalo na mga hindi kakilala na nakatira pa sa kabilang bayan.
“A, kamakailan lang po namin nalamang mag-pinsan kami,” sumabat si Anina. “Kasi po, nakaramdam akong ng matinding lungkot at nagpasya akong dumalaw sa Katam. Nang makilala ko si Sano sa baranggay niya, natuklasan namin na ang... asawa ng tito niya ay... pinsan ng ina ko.”
Pinaglapat ni Anina ang mga kamay niya sa kandungan para itago ang panginginig ng mga ito. Dumudulas ang hawak niya sa kanilang kuwento.
“Ang liit talaga ng daigdig, ano?” sabi ni Matiban. Walang nagpapakita sa mukha niya kung naniwala siya sa sagot o hindi. “Saan ang iyong baranggay?”
“Nasa timog-silangan,” sinagot ni Sano. “Malapit po sa gubat.”
“Malayo na pala ang narating mo. Pero parang paikot ang pagpunta niyo sa Gila. Hindi ba mas madali kung naglakbay kayo nang deretso sa Ilog Kunting?”
“Gusto ko pong makita ang magagandang tanawin,” sinabi ni Sano, at pinigilan ni Anina na tingnan ang tigang na paligid nila.
“Sabagay nga, may mga mainam na tanawin rin sa bahaging ito, kung nawiwili ka sa mga bato,” seryosong sinambit ni Matiban. “Ganoon talaga ang ibang mga tao, wala namang nakakahiya doon. Sayang lang na nagkaroon ka ng manghihiwagang-pilay. Siguradong naistorbo nito ang pagtatanaw mo. Paano ba nangyari iyon?”
Napakalakas napalunok si Sano, na tiyak si Anina na narinig ni Matiban. Naaalala niya ang labanan sa bundok na natapos lang ng pagdating ng Malagim na Hangin. Wala silang sagot para sa mandirigma na kahit bahagi man lang ay totoo.
“A, isang kamangmangan lang po. Pumitas po ako ng mga prutas sa isang punong bignay at nakalimutan kong magbigay ng alay. Sabik na sabik lang po talaga ako sa paglalakbay namin.” May kaunting nginig ang boses ni Sano.
Pumalatak si Matiban. “Dapat lagi mong isipin ang mga batas ng hiwaga. Hindi kinakalimutan ang mga iyon ng mga magagaling na manghihiwaga. Alam mo, kapag nakatatagpo kami ng mahuhusay na manghihiwaga, dinadala namin sila sa Munting Dayung para magtanghal sa hari.”
Inilabas na ni Matiban ang mga kamay niyang nakatago sa likuran. Muntik nang sumikad si Anina, pero isang bilao lang ang hawak ng mandirigma. Namukhaan niya ito bilang isa sa mga inukitan niya para sa isang taga-nayon.
“May babaeng nagsabi sa akin na ikaw raw ang gumawa nito.” Ibinigay ni Matiban ang bilao kay Anina, at sinimulan niyang purihin ang iba't-ibang bahagi ng anto.
Tumakbo nang mabilis ang isip ni Anina, sinusubkang malaman ang patutunguhan ng usapan. Naghahanap ba si Matiban ng mga manghihiwaga na gagawing kawal ng hari? Hinding-hindi paglilingkuran ni Anina si Haring Bunawi, pero paano niya masasabi iyon na hindi siya magmumukhang walang galang o isang taksil?
“Heto, may anto ako na baka matingnan ng isa sa inyo.” Hinugot ni Matiban ang isang pilas ng kawayan mula sa isang sisidlan sa may balakang niya. Dahil hawak-hawak ni Anina ang bilao at ang hapunan niya, ibinigay muna ni Matiban ang pilas kay Sano. “Sa tingin ko, hindi maayos ang pagkakatasa ko ng bigat.”
Inunat ni Sano ang pilas, at pagkatapos ng isang saglit ng pagbabasa, ngumiti siya. “Ito ay isang antong pampainit ng buhangin hanggang maging salamin, hindi po ba? Opo, hindi niyo nga po naitakda ang bigat ng buhangin, kaya hindi malalaman ng manghihiwaga kung gaano kalakas ang hiwagang kailangan niyang gamitin. Maitatama naman po ng maliit na pagbabago iyan.”
Inangat ni Sano ang pilas para mabasa ni Anina, at tiningnan niya ang anto.
Umatras ang dugo mula sa mukha ni Anina, hanggang akala niya hihimatayin siya. Nakasulat ang anto sa parisukat na mga titik ng Kataman, at binasa ito nang malakas ni Sano!
Sumimangot si Anina sa kanya. Namitig si Sano at bumilog ang mga mata nang naintindihan ang pagkakamali. Nahuli na sila.