Kabanata 1
Ang Manghihiwagang Lingid
Inangat ni Sano ang dungawan at sumilip sa sandaliring agwat. Hindi gumagalaw ang mga halaman sa labas, at wala ring mga bakas ng paa sa damo't lupa. Hindi gumagalaw ang mga dahon sa pinakatuktok ng mga puno. Walang hangin na nagpapasayaw sa mga ito. Walang nagbago na kahit isang sanga o siit mula noong huling sulyap niya. At malalaman ni Sano kung may nabago. Sandaang beses na niyang sinisilip ang labas sa nagdaang tatlong araw.
May nakakabahala sa gubat ngayon. Parang pinipigilan nito ang hininga, parang may hinihintay. Hindi matiyak ni Sano kung ano. Tila lalong umitim ang mga anino at kumapal ang mga puno. Pati na ang mga dahon, nagmumukhang matatalas na ngipin.
Ngunit wala namang lumabas sa gubat. Nagtaka si Sano. Akala niya may narinig siya.
Umiling na lang siya at ibinaba ulit ang dungawan. Sa nakalipas na mga araw, naghabi siya ng mga bagong panakip gawa sa labnit para sa mga dungawan ng kubo. Makakapal ito at masisinsin ang habi. Tiyak hindi siya maaaninag sa labas. Naglagay rin siya ng pangalawang harang sa pinto ng kubo. Kung may masamang mangyayari, baka sakali matulungan siyang makatakas ng mga ito.
Humarap si Sano sa loob ng bahay, at hinakbangan ang panghabi na iniwan niya sa sahig. Gusto niya sanang tapusin ang kumot na sinimulan ng ina niya bago umalis, pero ibinuhol lang ng mga daliri niya ang mga sinulid.
Nagpasya na lang si Sano na gumawa muna ng manika. Hindi man makatutulong ito sa kanya, pero kailangan niyang kalamayin ang loob. Simula noong sinuway niya ang Punong Utos, masyado na siyang nababahala. Tiyak, walang kumakaluskos sa labas. Hindi kumakapal ang mga puno, at hindi nagiging ngipin ang mga dahon. Nasa isip niya lang lahat iyon.
Humugot si Sano ng isang dahon ng saging mula sa salansanan. Umupo siya sa sahig at sinimulan niyang putol-putulin ito sa mahahabang pilas. Inihugis niya ang isa na parang tubo, at ang isa naman na parang timbulog. Magiging dahong katawan at dahong ulo ang mga ito.
Alam ni Sano na para siyang batang katutuklas lang sa Halimaw ng Katam. Sa totoo lang, wala naman kilalang ibang bata si Sano, dahil mag-isa silang mamuhay ng kanyang ina. Pero napakatindi ng takot niya noong una niyang narinig ang alamat ng nilalang na kumakain ng mga batang matitigas ang ulo.
Kung totoo nga ang Halimaw ng Katam, tiyak palabas na ito ngayon sa gubat, tumutulo ang laway sa matatalim nitong ngipin na handa nang sakmalin si Sano. Kahit masasabing hindi na bata si Sano, baliwala ito sa Halimaw sa lala ng nagawa niyang pagsuway.
“Huwag kang magpapakita sa mga hindi bumibili ng bawal na hiwaga,” binigkas ni Sano ang Punong Utos sa sarili. Sa loob ng labing-anim na taon, napakaraming beses na niyang narinig at binigkas ang Punong Utos para makalimutan pa niya ito.
Hindi naman sa walang-wala talaga dapat makakita kay Sano at sa kanyang ina. Kapag ganoon, hindi makapamumuhay ang ina niya bilang Manghihiwagang Lingid. Ngunit dahil ang ibinebenta ng ina niya ay mga hiwagang ipinagbabawal, nagpapakilala lang sila sa mga taong nagipit, sa mga nauuwi sa pagsuway sa batas. Sa mga taong mas tikom ang bibig.
Kaya hindi naman problema na nagpakita si Sano sa mga tao sa munting baranggay sa may bangin. Ang problema ay hindi sila bumibili mula sa Manghihiwagang Lingid. Pero ano ba dapat ang ginawa niya? Hayaan lang mamatay ang mga taong iyon sa pagguho ng lupa? At dahil lang hindi sila bumibili sa kanyang ina? Kahit hindi nila kilala si Sano, kilala niya sila. Pinanonood niya ang mapayapang buhay nila kapag naiinip siya sa sariling buhay.
Itinupi ni Sano ang mga natitirang pilas ng dahon ng saging sa hugis ng mga kamay at paa, at isinuksok ang mga ito sa dahong katawan. Kinuha niya ang pakal na nakasukbit sa baywang niya. Dahan-dahang iniukit ni Sano ang titik ng ka, isang salita sa wikang Kataman. Kahit isang titik lang ito, nagbubuo na ito ng isang anto – isang mahiwagang utos.
Ipinatong ni Sano ang daliri niya dito. Lumabas ang hiwaga mula sa gitna ng kanyang katawan, dumaloy sa bisig papunta sa daliri. Pinuno ng malamlam na bughaw na liwanag ang ukit sa dahon.
Walang nangyari. Paborito man ni Sano ang utos na ka, kailanman hindi niya ito napagana. Wala ni isa sa mga manikang inukitan niya ng ka ang tumalon at nagkabuhay.
Itinabi ni Sano ang manika at luminga-linga sa loob ng bahay, nababalisa muli. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayon na may nakakita na sa kanya at wala namang dahilan ipaglihim siya sa iba. Kunsabagay, baka yayain siyang kumain ng isa sa mga niligtas niya para magpasalamat. Maganda sana kung mangyari iyon! Pero baka naman may humuli din sa kanya para dalhin siya sa hari.
Sa bigat ng pagsisisi niya, naudyok siyang maghanap ng mapag-aabalahan, pero walang nakatulong. Inayos niya ang mga garapon sa salansanan, itinupi muli ang mga damit nilang mag-ina, at itinago ang isinusulat nilang mga anto sa mga lihim na lalagyan. Baka patawarin siya ng ina niya sa pagsuway sa Punong Utos kung malinis ang kubo.
Nang wala na talaga siyang makitang mapagkakaabalahan pa, bumalik si Sano sa panghabi sa sahig. Matamlay niyang inangat ang isang hibla ng mga nagbuhol-buhol na sinulid.
May biglang lumagapak na mga yabag sa labas ng kubo. Alam na alam ni Sano ang ganoong tunog. May lumalapit sa kubo nila. Napahinto siya, kumakabog ang puso.
“Tahimik ka lang,” ibinulong niya sa sarili. Maaaring may bibili lang. Ngayon pa lang haharap si Sano sa isang mambibili nang mag-isa. Mabuti kung makapaglalako rin siya sa wakas ng sarili niyang ipinagbabawal na hiwaga.
May umakyat sa hagdan at kumatok sa pinto. Nagbitiw ng mga salita ang isang malalim at malakas na boses, mga salitang hindi maunawaan ni Sano.
Naglaho ang pananabik niya. Kung ano man ang sinabi ng lalaki sa labas, hindi iyon ang hudyat upang magpakita ang Manghihiwagang Lingid.
Kumatok ulit ang lalaki, at inulit niya ang sinabi. Napagtanto ni Sano na nagsasalita siya sa Dayungan, ang pantungkuling wika sa kaharian. Tinuruan si Sano ng kanyang ina kung paano magsulat at magbasa sa ganitong wika, pero hindi nila madalas gamitin.
“Magandang hapon! May tao ba?” ang sinasabi ng lalaki.
Tumayo si Sano, umiikot ang sikmura sa kaba. Bakit may gumagamit ng wikang Dayungan dito sa kabundukan? Mas malala yata ang kalagayan ni Sano sa inakala niya.
Tumiyad si Sano papunta sa papag. Dumapa siya at sinilip ang ilalim nito. Kinuha niya mula dito ang isang abakang bayong na naglalaman ng mga panlakbay. Isinukbit niya ito sa balikat.
Kumatok uli ang lalaki, mas malakas. “May itatanong ako,” sabi niya. Hindi pa rin iyon ang tamang hudyat.
Nanatili ang hininga ni Sano sa kanyang lalamunan habang umurong siya sa likod ng kubo. Binuksan niya ang dungawan at tumalon palabas sa halamanan.
May matutuluyan si Sano sa ibang bahagi ng gubat. Tumatakas silang mag-ina roon kapag may naliligaw sa bandang kubo nila. Ayaw talaga ng ina niyang makihalubilo sa mga hindi nagbibigay ng tamang hudyat. Mukhang hindi naman naliligaw ang kumakatok, at hindi rin naman yata niya yayayain si Sano na kumain. Walang dahilan na makipag-usap pa siya sa lalaki.
Lumakad si Sano papunta sa mga puno. Sana hindi umikot sa kubo ang lalaki bago siya makapagtago.
“Oy, ikaw diyan!” may tumawag sa kanya, ibang tao naman ito. Sa kaliwa ni Sano, may lumitaw na babae mula sa likod ng isang puno. Sa gulat at pangamba, namanhid ang mga paa ni Sano at napatigil siya sa paglalakad.
Malamang narinig ng lalaki sa harap ng bahay ang sigaw, kaya lumapit siya sa kanila. Nakasuot ng matingkad na pulang putong ang lalaki at babae, at may bitbit bawat isa sa kanila ng matalas na itak sa baywang. Ang mga talim nito, na kumikinang kahit sa lilim ng gubat, ay inukitan ng magagandang antong Dayungan. Nasa hugis ng ahas-dagat ang hawakan ng mga itak.
Napalunok si Sano. Mga mandirigma sila ni Haring Bunawi. Ganitong-ganito ang suot ng mga iyon, sa kuwento ng ina niya.
“Dito ka ba nakatira?” tanong ng lalaki. Parang lagaslas ng ulan ang mga salita niya sa pagdausdos ng mga ito sa dila. Kapag nagsasanay si Sano ng ibang wika, hindi ganitong kabilis ang pag-uusap nilang mag-ina.
“Opo.” Hindi na rin maitatanggi ni Sano ngayon.
“Nakita kong lumusot siya sa dungawan,” binanggit ng babae sa kasama niya. Minamata nito ngayon si Sano, parang isang gutom na ahas na pinag-aaralan ang sasakmaling sisiw.
“May alam ka ba sa pagguho ng lupa na nangyari malapit dito?” mabagsik na tanong ng lalaki, at lalong kinabahan si Sano.
“Puwede po bang pakibagalan?” sabi ni Sano. Ang daming mga salita. Paano siya makapagsisinungaling kung hinahabol niya ang mga sinasabi nila? “At wala po. Hindi ko nga po alam na may gumuhong lupa rito.”
Nagtinginan ang mga mandirigma, nakataas ang mga kilay. Naniniwala ba sila? Bumilis ang pagtibok ng puso ni Sano.
“Mayroon, mga ilang araw na ang nakalipas,” tugon ng babae, sobrang bagal naman. “Muntik na nitong mabagsakan ang isang munting baranggay, pero may mga sabi-sabi na nalaglag ang isang binata mula sa langit, bitbit ng nagniningning na kumot. At nagtaas raw siya ng pader na humarang sa dumadausdos na lupa bago nito matabunan ang baranggay.”
Kung hindi lang nasa gitna ng alanganing pagtatanong si Sano, matutuwa na sana siya sa paglalarawan sa kanya ng mga sabi-sabi. Pinalalabas na napakahusay niya, pero napakalayo nito sa katotohanan. Pinagmamasdan ni Sano noon ang baranggay. Nakadapa siya sa taas ng bangin, at muntik na niyang naduwal ang sariling puso nang gumuho ang isang bahagi ng talampas. Muntik na siyang matangay sa pagbagsak ng mga bato, kasama ng mga puno at putik.
Wala namang balak si Sano na sagipin ang baranggay noong umpisa. Lalayas na sana siya. Nagbago lang ang isip niya nang narinig ang mga sigaw ng tao.
Isa sa pinakamapusok na nagawa ni Sano ang pagtalon niya mula sa bangin gamit ang balabal niyang puno ng anto. Nawala na siguro siya sa tamang pag-iisip. Kahit ngayon, malabo ang alaala ng mga pangyayari pagkatalon niya. Ang tanging naaalala niya ay sa huli, nakatayo siya sa harap ng isang mataas na lupang pader. Napapalibutan ang lahat ng makapal na alikabok. Nang humupa na ito, naaninag niya ang anino ng mga tao. Doon niya namalayan kung ano ang nagawa niya, at lumisan siya.
“Kung narinig namin ang salaysay na ito sa isang baranggay sa labas ng gubat, tiyak na narinig mo rin dito dahil ikaw nga ang mas malapit,” sabi ng babae.
“Hindi po,” sagot ni Sano. “Wala pong nagsabi sa akin.”
Pinansin ng lalaking mandirigma ang saradong-saradong kubo ni Sano. “Bakit nga ba wala? Wala bang dumadalaw sa inyo? May nakakaalam ba na nakatira ka rito?”
Kinagat ni Sano ang kanyang labi. Napahiwatig niya ang patagong buhay nilang mag-ina. Mas maghihinala ngayon ang mga mandirigma. Laging may itinatago sa iba ang mga namumuhay nang mag-isa.
“Ano iyan?” Lumapit ang babae, at kinuha niya ang pakal sa tagiliran ni Sano. Nanigas si Sano at nanlaki ang mga mata. Nakalimutan niyang itago ang kanyang pakal!
Isang tingin lang at nakita ng mga mandirigma na puno ito ng anto sa wikang Kataman. Ngumiti ang lalaki. “Sabi-sabi rin nila na gumamit ang kataka-takang bayaning ito ng antong Kataman. Nagkataon lang ba na ang pakal mo ay puno rin ng ganoong sulat?”
Pagkakataon lang man o hindi, may karapatan na ngayon hulihin ng mga mandirigma si Sano. Sa kaharian ng Dayung, maaari lang iakda ang mga anto sa Dayungan. Baliwala na nakatira si Sano sa Katam, isa sa mga bayan sa kaharian. Bawal magsulat sa ibang wika.
Sinaniban ng lakas ang katawan ni Sano, at tumalon siya pabalik sa dungawan kung saan siya lumabas. Narinig niyang umikot ang isa sa mga mandirigma papunta sa harap ng kubo, pero hinabol rin siya ng isa paloob. Dinampot ni Sano ang lahat ng mahahawakan niya sa mga hapag at salansanan. Hinagis niya nang pabalik ang isang garapon ng alamang, at kinalat niya ang matatalas na mga karayom sa sahig. Hinila niya nang pababa ang mga halamang nakasabit, habang napapangiwi sa paggulo sa bahay na ilang araw niyang inayos.
Pero hindi na mahalaga ang kalinisan ngayon. Kung madadakip si Sano, baliwala ang kubo. Manganganib ang mismong buhay nilang mag-ina. Nang naisip ito, napuno siya ng lakas ng loob. Hinatak niya ang mga harang sa pintuan, at sinipa niya ito pabukas. Natamaan ang tao na nasa harapan ng pinto. Mabilisang napansin ni Sano na panibagong tao na naman ito. Sa pagmamadali, nagkabanggaan sila at nadapa, nagkabuhol-buhol ang binti't bisig habang gumugulong pababa sa hagdan.
Huminto sila sa paggulong sa may damuhan. Isang dalaga ang nakabanggaan ni Sano, na ngayo'y nakahiga sa tabi niya. Kupas at nagnanasnas ang mga suot ng dalaga, at may bitbit din siyang bayong katulad ng hawak ni Sano. Umupo ang dalaga, tumingin sa kanya, at pagkatapos ay lumingon sa mga mandirigmang humahabol sa kanya. Napahinto naman ang mga mandirigma nang nakita ang babae.
“Masakit ang tiyan ko sa kakakain ng maaasim na sampalok?” sinabi nang patanong ng dalaga sa matatas na Kataman, habang hinihilot ang noo niyang may pasa.
Iyon ang tamang hudyat! Ano ba naman. Nagkaroon sa wakas ng mamimili si Sano, nangyari pa kung kailan hinuhuli siya ng mga mandirigma.
“Umalis ka rito!” sumugod sa dalaga ang mandirigmang lumabas ng kubo, at inamba ang kanyang itak.
Napangiwi si Sano sa sindak, pero sa isang kurap, tumalsik ang itak ng mandirigma sa mga halaman. Nagulat si Sano nang nakitang sinangga ng dalaga ang pagsalakay gamit ang isang sandatang hawak niya. Hindi – hindi sandata. Isang pangkaraniwang yantok na singhaba ng braso. Ang tanging kakaiba lang dito ay ang napakarming anto – na tila Dayungan lahat – na nakaukit dito.
Nagawang patalsikin ng dalaga ang itak ng mandirigma ng hari.
“Pa-patawad po!” sambit ng dalaga. Bumilog ang mga mata niya sa takot. “Hindi ko po sinasadya–”
Naglabas ang mandirigma ng pakal mula sa tagiliran. Mukha siyang baboy-damong handang tuhugin sa mga pangil ang isang kawawang tao.
May biglang lumiyab sa likuran ni Sano at pinalibutan silang lahat ng matinding init. Tumalikod siya at napanganga. Nasusunog ang kanyang kubo. Nakabaon sa atip ng bubong ang kalahati ng itak ng isa pang mandirigma. Lumiliwanag sa hiwaga ang isa sa mga anto nito. Kayang hulaan ni Sano kung ano ang inuutos ng antong iyon.
Ngumiti ang babaeng mandirigma, hinatak ang kanyang itak, at sinunggaban si Sano. Hinila ng mandirigma ang bisig niya, at inilapit ang itak, mamula-mula pa sa init, sa kanyang leeg.
“Nagsisisi ka ba?” kutya ng babae. “Kung sasama ka sa amin nang wala nang gulo, hindi ka namin sasaktan pa.”
Inilayo ni Sano ang leeg sa nagbabagang itak. Kinuha na kanina ang pakal niya. Nakatago naman sa bayong ang iba pa niyang sandata. Puwede siya sigurong magsulat ng anto, pero hindi nito mauunahan ang paghampas ng isang itak.
Tumagos ang isang matinis na hiyaw sa kapaligiran, at sa isang iglap, hinampasan ng yantok ang bunganga ng mandirigmang babae. Lumuwag ang hawak niya, at pumiglas paalis si Sano.
Tumakbo ang dalagang may yantok papasok sa gubat, at sumunod si Sano sa kanya. Lumingon si Sano, at natagpuang nakadapa ang mandirigmang sumalakay sa dalaga kanina, niyayakap ang tuhod at umaangal sa sakit.
Nagpasalamat si Sano sa malulusog niyang binti, habang yumayabag ang mga paa sa lupa.
“Salamat sa tulong!” sabi niya sa dalagang nasa harap. Lumingon ang babae sa kanya, at binilisan ang takbo. “Sandali, hintayin mo ako! Parating na ang gamot sa sakit ng tiyan mo!” Iyon ang sagot sa hudyat para maipaalam na siya ang taong hinahanap ng dalaga.
Tiningnan ulit siya nito, at tumango nang hindi bumabagal. “Tara, bilisan mo!”