Kabanata 13
Iba sa Kanila
Lumipas na ang hating-gabi, at hindi pa rin makatulog si Anina. Parang may dumidiin sa kanyang dibdib habang minamasdan niya ang pagdaan ng mga anino sa silid, hanggang sa wakas, punong-puno na siya ng pagkabahala para makatulog pa. Lumabas siya ng bahay-panuluyan, makalanghap sana ng sariwang hangin.
Hindi naman sa nagulat siya sa kuewnto ni Sano – may mga manlilinlang talaga sa palengke, kahit mahigpit minamatiyagan ng Punong Arbitro ang panloloko. At hindi rin naman sa mga manloloko naiinis si Anina. Kundi kay Sano. Bakit hindi siya nagtanong nang maigi tungkol sa mangangalakal? Hindi ba siya nagtaka kung bakit walang ibang mga tao doon sa awang ngayong punong-puno ito ng mga tahong? At nalinlang pa siya sa pilak na saga! Hindi naman nagkukulang ang lugar na ito sa mga manlalangoy para tumaas nang ganoon ang bayad. Lahat naman ng mga tao sa sangkapuluan ay nakalalangoy – nakatira silang lahat sa mga pulo!
Ibinuga ni Anina ang kanyang pagkainis, at lumakad pababa sa tabing-dagat. Maliwanag ang buwan, at nagbibigay ang ilaw nito ng nakapangingilabot na kapayapaan sa palengkeng walang laman. Nakapaninibagong makitang walang buhay ang pamilihan; parang isang kalansay ito, ngayong wala ang makukulay at masisiglang umpukan dito.
Tumataas-baba ang mga bangka at balasian sa pagdaloy ng mga alon sa daungan. Ang mga kupit at sata naman, na mukhang mga dambuhalang anino, ay nagbabantay laban sa hampas ng dagat. Idiniin ni Anina ang mga paa sa buhangin, habang nilalanghap ang maginhawang hangin ngayong gabi. Nanatili siya roon nang matagal, ang isip niya kasing-kakab ng pamilihan, at gumaan ang kanyang loob.
May biglang napansin si Anina na ningning malapit sa talampas sa kanluran. Halata ang isang kislap na kahel sa mapuputing tuktok ng mga alon, halos parang aninag ng isang apoy. Hindi ba doon dinala ni Bikon si Sano?
Mas mabilis gumalaw ang mga paa ni Anina sa isip niya, at bago niya namalayan ang ginagawa, naglalakad na siya papunta sa talampas kung saan nagtipon si Sano ng mga tahong. Napauntol siya sa madilim na tubig, pero hindi ito ang unang beses na lalangoy siya sa gabi. Dumagasa ang malalamig at mabibigat na alon sa binti niya, at sumisid siya sa mga ito.
Nang umahon si Anina sa kabila ng bangin, hindi siya nagulat nang makitang may isang lumiliyab na apoy sa awang. May dalawang tao na nakaupo sa tabi nito. Yumuko si Anina at kumapit sa malapit na bato, kung saan niya maitatago ang sarili at matatanaw pa rin ang mga lalaki. May kinaaaliwan yata sila.
“Dapat nakita mo ang mga mukha nila,” sabi ng isa sa mga lalaki. Malawak ang mga balikat niya at may nakasukbit na dalawang bolo sa kanyang balakang. Yumukod siya at idinilat ang mga mata sa kunwaring takot. Ang kasama niyang nakalupasay malapit sa apoy at nag-iihaw ng isda ay nadapa sa malakas na paghalakhak.
“Takot na takot silang lahat na makita ako roon!” dagdag ng lalaking may mga bolo. “E, maliban lang sa isa.”
“A, 'yung bagong bata na binanggit ko sa iyo?”
“Noong sinabi mong 'bago,' akala ko ibig mong sabihin ay bago sa Masagan. Hindi ko aakalaing baguhan sa mga patakaran ng palengke mismo.”
“Parang baguhan siya sa lahat. Pati na ang pagsasalita ng Dayungan. Narinig mo ba siya? Kapag sinasabi ng mga tao na katunog ng bibe ang mga Kataman, siya ang tipong iniisip nila,” sabi ng lalaking nag-iihaw.
Pinag-uusapan nila si Sano, tiyak si Anina. Ilan bang binata ang mayroong punto na kasingkapal ng kay Sano at umaasta nang kasing walang-muwang niya?
May tinutukoy na 'takot silang lahat' ang lalaking may mga bolo; siya kaya ang tanod na nakahuli kay Sano at sa iba pang mga manlalangoy? Hindi siya nakadamit bilang isang tanod, pero mapapaliwanag nito kung bakit siya may dalang dalawang bolo.
Ipinagpatuloy ng nag-iihaw gagarin ang pagsasalita ni Sano. Sanay na si Anina na marining ang ganoong mga biro, at binaliwala niya ang hapdi sa dibdib; sa halip, tinutukan niya ang mapoot na tuwa sanhi ng pagkahuli niya sa usapan nitong dalawa. Gaano ba kadalas matatagpuan ang isang manlilinlang na ibinubunyag ang kanyang panlilinlang? Nagiging malingat sila dahil sa sarili nilang yabang.
“Sigurado pa siya na pagkakamali lang daw!” sabi ng may bolo. “Sinabihan pa niya akong hintayin ka. Nakakaaliw naman, lubusan ka pala niya pinagkatiwalaan. Tinodo mo yata ang pagpapanggap. Pero siguradong hindi kasinggaling ng ginawa ko. Binigyan ko pa nga siya ng matinding buntal, tulad ng talagang mahihigpit na mga tanod diyan!”
A, si Bikon na nga iyong isang lalaki, gaya ng hinala ni Anina. Nag-alala pa naman si Sano kay Bikon, at nandito ang lalaking iyon, tawa nang tawa sa paggaya ng tanod sa pagkahulog ni Sano nang sinuntok siya.
Kumuyom ang mga kamao ni Anina sa bato, habang pumipintig ang init ng galit sa kanyang basang balat. Kung gugustuhin niya, kayang-kaya niyang lumangoy papunta sa awang doon. Hindi niya dala ang mga yantok niya, pero hindi naman niya kailangan ang mga iyon. Ilang mabibilis na dagok sa tuhod, at walang makalalangoy sa mga lalaki roon pabalik sa pamilihan. Kayang gawin ito ni Anina. Itinuro sa kanya ng mga kuya niya.
“A, ayos 'to, ayos!” sabi ni Bikon pagkatapos niyang bumawi ng hininga. “Mahusay ang planong ito. Wala sa kanila ang magsasalita. Nahuli sila sa isang bahaging nakatakda sa iba. Hindi nila tayo isusumbong kung ayaw rin nilang mapahamak.”
“Mabuti rin na Kataman silang lahat,” sang-ayon ng tanod. Napadiin ang hawak ni Anina sa bato, at nasugatan ang balat niya sa isang matalim na gilid nito. “Kahit magsalita sila, walang maniniwala. Iisipin lang ng iba na naghahanap sila ng paawang bayad. Alam mo naman ang mga taong ganoon. Takot sa pagsisikap, kaya nagpapaawa na lang. Ilalaban ba nila ang salita natin sa salita nila?”
“Ayaw ko rin diyan sa mga Ka-daga na iyan, pero kung nabibigyan nila tayo ng madaling kita, sino ba ako para magreklamo pa? Dalawang araw pa bago babalik si Ginang Tali, kaya mauulit natin itong plano bukas. At sang-ayon din si Bini na magpanggap na tunay na katalonan ulit.”
“Sige, sige. Kaunti lang ang nakuha natin sa mga bayad.” Umismid ang tanod. “Mabuti na lang mataas ang kinita natin sa mga tahong. Ang bilis binuksan ni Suwari ang lukbot niya para lang maangkin ang mga bugsok.”
Nilunok ni Anina ang bumubuhol na galit sa sikmura niya. Mahusay maghabi ng kasinungalingan ang mga lalaking ito, at kung ipapakita niya ang sarili sa kanila, magiging isa pang sinulid lamang siya. Baka siya pa itong magmukhang masama.
Hindi na naghintay si Anina na may marinig pa. Sumisid siya sa tubig, at lumangoy sa pinakamabilis na makakaya niya hanggang nakarating siya sa publikong bahagi ng tabing-dagat.
Nawala na ang payapa dito. May kabigatan na ang hangin, at saan man siya mapatingin, parang may kumukulong sa kanya. Ang walang-hangganang dagat sa harap, ang mga talampas sa dalawang gilid, at ang pamilihan sa likod. Lumanghap siya ng malalim, ngunit magaspang na ang pagkaalat ng hangin sa lalamunan niya.
Umiling si Anina. Hindi niya puwedeng pabayaan na lang ang nararamdaman niya. Iyon ang nangyari noong sinalakay ang baranggay niya. Ang hagupit ng hiwagang inilabas niya ay sanhi ng pagbuhos ng galit at takot sa kanya noon. Kahit walang kaugnayan ang hiwaga sa damdamin ng isang tao, hindi niya hahagupitin ang kanyang hiwaga noon kung nasa tamang pag-iisip siya.
Ano ba ang pakialam ni Anina? Nararapat lang nangyari ito kay Sano, dahil sa kamangmangan niya. Kailangan niyang matuto ng isang aral, at ngayon natuto na nga siya. Nararapat lang malinlang ang mga Kataman na nagpapalinlang. Bakit, si Anina lang ba dapat ang mag-ingat?
Subalit baliwala na hindi katulad ng ibang mga Kataman si Anina. Kung makararamdam siya ng pangingibabaw sa pagdurusa ng iba, para na rin siyang kasinsama nina Bikon.
Naglakad-lakad si Anina sa baybayin. Kailangan niyang kumilos. Makikiusap ba siya sa Punong Arbitro? Mapipilit ba niyang ilitis si Bikon at ang tanod sa pandadayang ginawa nila? Pero tama ang sinabi nila. Salita nila ang laban sa salita nina Anina at Sano. Itatanggi lang nila na naroon sila sa awang, pinag-uusapan ang kanilang mga balak. Kahit may katwiran pa si Anina, iisipin pa rin ng ibang tao na isa siyang nanggugulong Kataman na naghahabol lang sa paawang pera.
Pero kung walang gagawin si Anina, hindi ba patutunayan lang niya na sinduwag nga siya ng pinaniniwalaan ng mga tao tungkol sa mga Kataman? Umaasa sina Bikon sa paniwalang ito. Kahit ngayon, nagtatangka pa rin silang manira ng ibang mga Kataman, dahil alam nilang hindi sila mahuhuli.
Baka mayroong magagawa si Anina. Isang mabisang plano na hindi mas makapapahamak sa kanya, kay Sano, o sa iba pa nilang mga kabayan.
Unti-unti, may isang pakanang nabuo sa isip ni Anina. May binanggit na mangangalakal ang tanod. Suwari, yata. Alam ni Anina kung sino si Suwari at kung saan ang puwesto niya. Baka mabibigyan ni Anina ng isang surpresa si Suwari bukas ng umaga.
Bumalik si Anina sa bahay-panuluyan, at hinila ang kurtina. Nakahiga si Sano sa tagiliran, nakayuko. Lumuhod si Anina sa tabi niya at mahinhin siyang ginising.
Napaupo si Sano nang mabilis. Umungol siya sa sakit na alam ni Anina ay biglang sumiklab mula sa mga sugat niya. “Ano'ng nangyayari?”
“Shh.” Tinulungan ni Anina na humiga ulit si Sano. “Sinabi mo sa akin na tinuruan ka ng ina mong magbasa at magsulat sa sampung wika. Isa ba sa mga iyon ang Gilan?”
“Siyempre, bakit?”
Mapanganib ang binabalak ni Anina, at malamang dapat niyang kalimutan na lang ito. Ano ngayon kung duwag nga siya? Pero kung iisipin niyang maligaya ang gabi nina Bikon at ng tanod, habang nakayukod si Sano sa sakit at hiya, nagagatungan lang ang galit ni Anina. Kailangan niyang pahupain ang silab nito. Kailangan niyang bawiin ang pamamahala sa sariling buhay.
“Gusto kong magpasalin ng isang anto.”
Nagising si Anina kinaumagahan, nahihilo't may sumpong. Lumipas ang maikling tulog niya na nananaginip ulit tungkol sa Halimaw ng Katam. Sa panaginip niya, hinintay ng Halimaw matapos niya ang pagtanim ng kanyang paghihiganti, bago siya kinain nito sa isang kagat. Dinilaan nito ang mga daliring mukhang sanga, at binitawan ang mga salitang laging sinasabi: “Sarili mo lang ang masisisi mo.”
O sige, baka tama nga iyon, pero wala rin namang ginagawa ang Halimaw ng Katam sa kasamaan ng ibang mga tao. Nananatili lang itong isang kathang-isip. At nasaan ang Malagim na Hangin ngayong kinakailangan ni Anina ito? Nasaan lahat ng mga makatarungang nilalang na nagpaparusa sa masasamang tao, ngayong may masasamang taong kailangang parusahan nga?
Buti na lang, hindi ni Anina kinailangang makisama sa iba sa kanyang masungit na kalagayan. Nagbukas uli ng puwesto si Haraw, at kinuha niya sila bilang manunulat ng anto para sa buong araw. Nagulat ang babae sa kanilang itsura, pinupuna ang namamagang pisngi ni Sano at ang malalalim na kalumata ni Anina. Ngunit pagkatapos nilang ipaliwanag na hindi sila nanganganib, pinapasok na sila ni Haraw sa dampa. Inulit niya na manahimik sila, bago sila iniwan sa kanilang gawain.
Mapayapang nagtrabaho sina Anina at Sano sa loob ng dampa kasama ng mga anak ni Haraw. Hinayaan ni Anina na mapanatag ang loob niya sa mabusising pag-uukit ng mga anto, pero alerto pa rin siya sa kanyang inaabangan.
Nang palapit na ang tanghali, may nagsimulang gulo sa labas. Pinilit ni Anina na manatiling nakaupo at huwag sumugod palabas ng dampa. Nagsipuntahan sa silangan ang mga tao mula sa ibang puwesto, at may narinig siyang mga tahimik na singhap at mga naaaliw na bulungan mula sa mga namimili.
Sumilip si Haraw sa dampa. “May nangyayari,” sabi niya sa kanila. “Tara, matingnan nga kung ano ang pinagkakaabalahan nila.”
Magiging sinungaling si Anina kung sasabihin niyang hindi siya nasasabik makita ang kahihinatnan ng ginawa niya kagabi. Sinundan nila ni Sano si Haraw, kasabay ng umpukan, patungo sa pangkat ng mga pagkain. Sa palaisdaan, sa mga halayhay ng malalansang lamang-dagat, naririnig ang ngitngit ng isang babae sa ibabaw ng bulahaw ng mga nanonood.
“... at HINDI ako makikianib sa isang buhong na sumusuway ng batas para lang magkapera!” iwinagayway ng babae ang daliri sa lalaking kaharap, habang namimintog ang mga pisngi niya at namumula ang mukha sa galit. Sa hapag niya, tulad ng inaasahan ni Anina, ay ang mga itim at lunting tahong sa tabi ng nakataob na mga bugsok.
Nakatayo ang Punong Arbitro sa tabi ng babae, may hawak-hawak na maninipis na tabla ng kahoy at ilang pilas ng kawayan. Kahit sa ganitong layo, nakikita ni Anina ang mga hindi pangkaraniwang titik na nakaukit sa mga iyon.
“Sinasabi ko sa inyo, hindi ko ginawa ito!” sigaw ni Bikon, kinakaway ang mga kamay sa mga tablang hawak ng Punong Arbitro.
“Aba, hindi ba?” Sinimangutan ng babae si Bikon, mabilog at nakakatakot ang mga mata, parang gusto niyang buksan ang bibig at lamunin si Bikon katulad ng isang ahas-dagat. O katulad ng Halimaw ng Katam. “Maipapaliwanag mo ba kung paano ka nakakuha ng maraming tahong, ngayong sinabi mo rin na ubos na ang mga ito sa publikong bahagi ng dagat? Nang sinabi mo s'akin na nakahanap ka ng paraan, hindi ko inakala na susuway ka pala sa batas!”
Nautal si Bikon, at diniinan pa ng babae. “O tingnan mo? Hindi mo maipaliwanag, 'di ba? Ngayon nakikita kong gumamit ka pala ng Gilang anto para magalaw ang tubig at sahig ng dagat, at makahukay ka ng mga tahong. Ganoon ka nakatipon ng marami.”
“Walang kabuluhan 'yan! Bakit ko kakailanganin ang Gilang anto kung nakasusulat ako nang maayos sa Dayungan?” tinugon ni Bikon, namumula ang mukha at ang mga mata. “At kahit sinulat ko ang mga 'yan sa Gilan, bakit ko iiwan sa mga bugsok?”
Napahindik ang mga tao. Namintog lalo ang mukha ng babae. “Malay ko!” sigaw niya. “Hindi ko naman alam kung paano mag-isip ang mga kriminal! Hay naku, basta! Hindi ko hahayaang isipin ng mga tao na may kinalaman ako dito.” Iwinasiwas ng babae ang mga kamay, bago siya lumingon sa Punong Arbitro. “Paniwalaan niyo po ako. Kung alam ko lang na pasaway itong lalaking ito, hinding-hindi po ako bibili sa kanya. Akala ko po matapat siya!”
Kumitid ang mga mata ng Punong Arbitro at humarap siya kay Bikon. “Tama si Suwari. Nakadadawit makita ang mga antong ito sa bugsok mo. Ipadadala kita sa ating Datu para ipalitis.”
Dinakma ng dalawang tanod ang mga bisig ni Bikon at kinaladkad siya paalis ng palaisdaan. Pumiglas siya at humiyaw, pinipilit maiparinig sa umpukan ang mga alsa niya. “Ano'ng gagawin ko sa mga antong iyon? Hindi naman ako manghihiwaga! Gawa-gawa lang ito! Gawa-gawa!”
Subalit upang mapatunayan na gawa-gawa nga lamang, kailangan munang ipaliwanag ni Bikon kung paano nga niya natipon ang ganoong karaming tahong sa isang araw, at hindi naniniwala si Anina na aamin si Bikon sa panlilinlang niya. Sa kabalintunaan, hindi rin makita ang tanod na kaibigan ni Bikon. Nanghihinayang nang kaunti si Anina na hindi niya naidamay ito, pero sana mapilitan nang magtago ang tanod pagkatapos ng mga nangyari ngayon.
“Ayan, tapos na!” ipinahayag ng Punong Arbitro sa maiingay na mga nanonood. “Magsibalikan na kayo sa gawain niyo.” Isinipit niya ang mga tabla sa loob ng siko niya, itinatago mula sa paningin ng mga nasa paligid.
Alam ni Anina na ipinagmamalaki ng mga Gilan ang kultura nila, at nahamak sila nang nagpasya si Haring Bunawi na walang ibang wika bukod sa Dayungan ang maaaring gamitin panulat ng anto. May mga Gilan na sumanib sa Himagsikan ng Katam dahil sa batas na iyon. Baka matukso ang iba rito kung makikita nila ang mga Gilang anto.
Habang naglalakad sila pabalik sa puwesto ni Haraw, halos naawa si Anina sa ibinintang niya kay Bikon. Mabilis at malala ang magiging parusa niya, mas masahol pa kung nahuli siya sa panlilinlang. Hindi maipagmamalaki ni Anina ang ginawa niya.
Gayumpaman, gumaan pa rin ang loob niya.
“Hindi ko alam na kaya mo palang magmukhang mayabang,” sabi ni Sano, malapit sa tainga ni Anina.
“Ganoon ba ang itsura ko?” Tinapik ni Anina ang mga pisngi niya at nilubayan ang mukha. “E ngayon?”
Marahang tumawa si Sano. “Ayos na. Kasintigas ng karaniwan mong mukha.” Idinagdag niya nang may ngiti, “Salamat, Anina. Ang paghiganting naiisip ko lang ay butasan ang kanilang bangka. Hindi kasimbisa ng ginawa mo.”
“Hindi, pero humahanga ako sa bait mo,” sabi ni Anina. “Pasalamatan mo na lang ako sa pagbawi ng pera mo. Gusto ko nang umalis dito.”