Kabanata 21

Sino Ang Kataman?

Hindi nakahanap sina Dayang Yiling at Matiban ng mas mabuting magagawa sa halip ng parugo, kaya sa susunod na gabi, nagpasya si Dayang Yiling na dalawin ang baranggay ng Angbun.

Hindi gaanong nahirapan si Sano pilitin si Dayang Yiling na pasamahin siya. Makapangyarihang manghihiwaga man o hindi, may tatlumpung taon pa rin ng masamang alamat na bumabahid sa katauhan ni Dayang Yiling.

“Pampalakas loob lang po ako,” sinabi ni Sano sa kanya. “Binanggit niyo po dati na kinakabahan kayo na magwawala ang mga tao kapag nakita kayo. Magmumukha kayong mas maamo kapag napansin nilang may kasama kayong malusog na binata.”

Bantulot ang pagsang-ayon ni Dayang Yiling, pero sa huli, pumayag pa rin siya.

Si Anina ang muntik nang saktan sa puso nang sinabi ni Sano na sasama siya sa Angbun. “Baliw ka ba?” pabulong isinigaw ni Anina, ayaw na may makarinig. Simula't sapul, magalang naman si Anina sa dayang, at ano mang agam ang nararamdaman niya tungkol sa mga balak nila, nananatili lang sa pagitan nila ni Sano.

“Hindi, gusto ko lang talaga marinig kung ano'ng sasabihin ng datu ng Angbun tungkol sa parugo,” sinagot ni Sano. “Hindi mo naman kailangan sumama sa amin. Puwede kang manatili dito kasama ni Matiban.”

Nanlaki ang mga butas ng ilong ni Anina at pumintog ang mga pisngi. Namula ang mukha niya, na muntik nang dumakma si Sano ng isang basahan sakaling magdugo ang ilong niya. Ngunit naglakad-lakad lang si Anina nang sandali, at nang humarap siya muli kay Sano, napigilin niya kahit papaano ang init ng ulo. “Hindi. Sasama ako sa inyo. Paano ako makikipagkita sa Manghihiwagang Lingid kung may mangyayari sa iyo?”

“A, nag-aalala ka ba o nanlalait?” tinugon ni Sano.

Ang baranggay ng Angbun ang pinakamalaki sa Katam, pero hindi pa rin nito kayang kalabanin ang lawak ng Masagan, at ang iba pang matataong pook na nakakalat sa Gila at Munting Dayung. Kahit na, mabuting pinili ito ni Dayang Yiling na unang dalawin. Namamahala ang Angbun sa ilang daang sambahayan, pati na rin sa ilang mga baranggay sa paligid nito na nagbabayad ng buwis. At bilang isang mayaman-yamang pook sa naghihirap na bayan, nangunguna ang Angbun sa paglaganap ng Katamang kalinangan at impluensya. Kung kakampi ang datu ng Angbun kay Dayang Yiling, maaari nitong ihikayat ang ibang mga baranggay na karapat-dapat siyang suportahan.

Ngayon, humahabi sina Sano, Anina at Dayang Yiling sa daan papunta sa kumpulan ng mga bahay-pandatu na ayon kay Dayang Yiling ay nasa pusod ng Angbun. Mahiyain ang liwanag ng buwan sa gabing ito, at may mabibigat na ulap sa himpapawid. Kahit mahalumigmig, suot ng Halimaw ang balabal niya. Sa malayuan, walang maaaninag na kakaiba sa kanya. Pero wala ring ibang tumatahak sa mga daan ng Angbun. Halos hindi rin marinig ang kanilang mga yapak. Pinipigilan ba ni Dayang Yiling ang pagbitbit ng hangin sa mga ingay nila? Paano kaya maisusulat sa isang anto ang ganitong utos? Siguro napakadali kapag walang mga salitang nagsasaklaw sa magagawa ng hiwaga.

Pagilid silang pumunta sa kumpulan ng mga bahay ng mga maginoo, imbes na sa harap. Dito, binubuo ng tatlong bahay-panuluyan at ng kanilang mga hardin ang isang paliku-likong daan. Nasa gitna ng kumpulan ng mga bahay and bahay-pandatu, mas malaki sa iba.

Bumilis ang pagtibok ng puso ni Sano. Mahirap makapaniwala na nandito na talaga sila. Simula nang umalis sila sa pugad ni Dayang Yiling, parang kumukulo siya sa magulong paghahalo ng balisa at sabik.

Sinundan nina Sano at Anina si Dayang Yiling sa pagtahak ng daan. Kaiba sa mga mahimbing na bahagi ng Angbun na nilampasan nila, may mga gising pa rito. Sa liwanag ng mga sulo, napansin ni Sano ang mga dumaraang anino. May umaalingawngaw ring mga hakbang sa paligid nila. Pero nagulat siya nang hindi nag-alinlangan lumakad si Dayang Yiling. Hinatid niya sila mula sa isang nakatagong sulok papunta sa susunod, tamang-tama lang sa paglipas ng mga mandirigma at katulong. Wala sa mga ito ang nakapansin na may kakaiba.

Huminto si Dayang Yiling sa isang hilera ng mga punong sampalok na nakadungaw sa gitnang bahay parang mga magulang na sinisilip ang anak sa kuna. “Kailangan kong hanapin kung saan ang datu ngayong gabi,” bulong ni Dayang Yiling. Sinuksok niya ang kanyang magulong buhok pailalim sa pandong ng balabal. “Dito muna kayo. Babalikan ko kayo.”

Pagkasabi niyon, humakbang si Dayang Yiling sa pinakamalapit na bintana. Sa isang tahimik at maliksing galaw, lumusot siya dito at nawala sa kabila ng silid. Naghanda si Sano na may tumili, pero walang nangyari.

Ngayong wala na silang ginagawa, nagtambay sila ni Anina sa mga sampalok, sinusubukang makihalo sa mga anino. Ilang beses, may mga hugis na lumapit sa kanila, pero hindi nagpatuloy ang mga ito sa mga puno at halaman. Umiikot ang sikmura ni Sano sa kainipan; halos hindi siya makasukot nang maayos.

Pagkatapos ng mahaba at maigting na paghihintay, nakarinig siya ng mahinang sagitsit sa bintana. “Psst!” Nakasilip si Dayang Yiling sa kanila at kumakaway. “Ayos na. Sama na kayo.”

Magkasunod lumabas nang mabilis sina Sano at Anina mula sa halamanan, umakyat papasok sa bintana, at lumapag sa isang makitid na pasilyo. Bumuntot sila kay Dayang Yiling, nilalapat ang mga sarili sa pader kapag may sumusulpot na mga katulong o alipin sa katabing daanan. Tumiyad sila sa mga silid at pasilyo, minsan pumapasok sa mga pang-imbakang kuwarto na naghahatid sa ibang panig ng bahay. Sa wakas, biglang huminto si Dayang Yiling sa harap nila, at napagtanto ni Sano na hindi sila nasa isang silid-tulugan, kundi sa isang silid-pulungan.

Isa itong parihabang pangkat sa pinakalooblooban ng bahay, at walang deretsong daanan palabas. May mahahabang telang nakatakip sa mga pader, ilang dipa ng matitingkad na ginto o makulimlim na pulang sulta, nakasabit sa nakasalapid na tali. Ang tanging liwanag sa silid ay sanhi ng ilang salaming garapon na puno ng mga nabitag na alitaptap. Malamang ikatutuwa ni Sano ang ganda ng mga ito, kung hindi lang mayroong mabalasik na babaeng nakasimangot pababa sa kanila. Kahanga-hangang nagagawa niya ito, dahil sila ang nakatayo, at siya ang nakaupo sa tabi ng isang hapag.

Gumalaw ang babae, pero bago siya makagawa pa ng iba, nagsalita si Dayang Yiling. “Upang parangalan ang dugo na dating nag-ugnay sa atin, gawin natin itong kanlungan ng mga salita,” binigkas niya. Dating ginagamit ang pararilang ito ng mga datu sa Katam kapag gusto nilang talakayin ang pagsasanib. Tinitiyak nito na ligtas ang mga datu sa panganib habang nagpupulungan.

Itong babaeng ito pala ang datu ng Angbun. Lampas na siya sa balubata. Nakahatak ang kanyang abuhing buhok sa isang mahigpit na pusod. Kahit halos makinis pa rin ang balat niya, may mga kulubot na ang gilid ng mga mata at bibig. Matuwid siyang nakaupo, nakasuot ng marikit na yambong, at may talukbong na nakabalot sa mga balikat niya.

Maingat at mausisa silang minatyagan ng datu ng Angbun habang hinintay nila ang sagot niya. Pagkatapos ng isang nakapipigil-hiningang saglit, nilagutok niya ang mga daliri at itinuro ang kabila ng hapag. “Dito sa Angbun, Dayungan ang gamit namin,” sabi niya sa masungit na boses. Itinabi niya ang mga pilas ng kawayang puno ng sulat. Hindi man maganda ang pagbati niya, kahit papaano hindi siya sumigaw o nag-amba ng sandata.

Umusad si Dayang Yiling sa kabila ng hapag. Sumunod agad si Sano sa kanya, naiilang na nakatayo sa bungad ng silid. Umupo siya sa likuran ni Dayang Yiling, at ganoon din ang ginawa ni Anina.

“Huwag na tayong magpaligoy-ligoy,” sinimulan ng datu, matatag at palautos ang tinig. Pinag-aralan niya ang katangian ni Dayang Yiling at lumaylay ang mga gilid ng labi niya. “Sabihin mo kung bakit ka nandito at kung bakit hindi kita dapat ipahuli agad.”

“Kung puwede akong magpakilala–”

“Hindi mo na kailangan. Hindi ako magkakamali sa Halimaw ng Katam.”

“At ang tagapagmana ng ating dating lakan,” madiin idinugtong ni Dayang Yiling.

Tumaas ang mga kilay ng datu. Akala ni Sano na nagulat siya, baka namangha pa. Pero tumawa siya nang may talim na nagpakaba kay Sano.

“Pambihira. Ano ba 'to? Isang kawawang pagtangkang maghiganti?” tanong ng datu ng Angbun. “Narinig ko ang mga balita mula sa Masagan, alam mo ba. Halos hindi makahinto sa isang lugar ang mga mangangalakal at manlalakbay sa sabik nilang ikalat ang mga ito. Matagal niyo na palang binabagbag ng kasamahan mo si Haring Bunawi! Bigyan mo nga ako ng dahilan kung bakit hindi kita dapat isuko sa kanya ngayon.”

“Ang kasarinlan ng Katam,” sagot ni Dayang Yiling. “Kung narinig mo lahat ng balita sa Masagan, alam mo na lulusob si Bunawi at kakalabanin tayo. Kung pananagutan mo ako, magkakaroon ako ng karapatang pigilin ang pagdatal niya, at–”

“Darating si Haring Bunawi dahil sa iyo,” pinaalala ng datu ng Angbun. “Huwag mong ipalabas na susugod siya nang walang dahilan.”

“Kung sa tingin mo titigil siya pagkatapos niya akong talunin, napakalaki ng pagtantya mo sa pagmamalasakit ng hari.” Hindi bumagal ang pagtugon ni Dayang Yiling. “Alam ko na alam mo rin na tutuunan ka niya at ang iba pang mga maginoong natitira sa Katam. Lahat ng mga datu ay mapapalitan kagaya ng nangyari pagkatpos ng himagsikan. Marahil magiging alipin ka at ang mga kamag-anak mo, o mas malala pa.”

Ngumiti ang datu, pero tumingin kay Dayang Yiling na para siyang isang daga. “Sarili mo lang ang masisisi mo, tama ba? Bakit mo sinuway ang mga batas? Bakit ka nagpapatuloy sa pagsalungat sa hari? Kung gusto mo talagang iligtas ang Katam, sagipin mo kami at ialay ang sarili mo!” Mapangutya niyang idinagdag, “Ay pasensya na, nakalimutan ko nga pala na hindi namamana sa angkan niyo ang katapangan at karangalan.”

Hindi tuminag si Dayang Yiling, pero si Sano ang napaigkas sa mga salitang iyon. Uminit ang balat niya, at hindi niya napigilan ang sarili na humirit. “Wala po kayong alam kung ano'ng ginawa ni Dayang Yiling at ni Matiban sa lumipas na mga taon para tulungan ang Katam. Bawat pagsalungat nila sa hari, ginawa nila para tulungan ang mga taga-nayon natin.” Nalalaglag ang mga Dayungang salita na parang bato mula sa bibig niya. Pagkatapos ng ilang araw na puro Kataman lang ulit ang usapan, mahirap bumalik muli sa pantungkuling wika.

Sinulyapan si Sano nang saglit ng datu ng Angbun, pero halatang hindi siya pinaniniwalaan.

“Balak kong ibalik ang Katam sa mga kamay ng talagang mag-aalaga rito,” pinilit ni Dayang Yiling. “Pero para magawa ko iyon, kailangan nating mapalaya ang ating sarili mula sa pamamahala ni Bunawi.”

“Bakit ko naman nanaisin na mapamunuan mo ang Katam?” tinuya ng datu.

“Hindi naman kailangan ako. Pero kailangang pamunuan ang bayan ng isang taong tunay na hinahangad ang kabutihan natin. Simula nang idinagdag tayo sa Kaharian ng Dayung, nawawala nang nawawala ang kakayahan ng mga tao sa Katam na mamuhay nang mabuti, na umunlad. Kailangan nating pabutihin ang Katam.”

“Sa wakas, doon tayo nagsasang-ayon,” tugon ng datu. “Oo, kailangan nating pabutihin ang Katam. At para magawa iyon, kailangan nating yakapin ang mga paniniwala ng Kaharian ng Dayung. Pinipilit ni Haring Bunawi na tulungan tayo. Kusa niyang inako ang bigat ng pagpapausad sa mga Kataman. Ang mga nakikita mo lang ngayon sa ibang bahagi ng bayan ay ang kahirapan ng pagbabago. Mahirap baguhin ang nakaugalian, pero hindi ibig sabihin hindi na natin dapat subukan.

“Tingnan mo na lang itong Angbun! Lahat kami dito parang Dayungan na rin. Tingnan mo ang mga suot namin. Tingnan mo ang pagsasalita at pag-aasta namin. Sinama na rin namin sa kabuhayan dito ang paraan ng pakikipaglaban ng mga Gilan. Hindi ako magugulat kung isa sa mga kabataan dito ang unang magiging tapat na Katamang mandirigma sa hukbo ng hari. Aba, isang malaking karangal iyon!

“At nakikita mo naman.” Kumumpas ang datu sa silid, pero tiyak si Sano na tinutukoy niya ang kabuuan ng baranggay. “Mabisa ang mga ito. Umuunlad ang Angbun. Kami lang ang yumayabong sa kawawang bayan na ito, kaya malinaw sa akin na kailangan niyong ihinto ang katigasan ng ulo niyo, at magsimulang mag-angkop!”

Umuusbong ang isang mapait at ngumangatngat na gigil sa loob ni Sano sa bawat salitang binibitiwan ng datu. “Hindi po patas ang batayan niyo! Pinamamahalaan tayo ng mga batas na pinapanigan ang Dayungang kalinangan. Siyempre uunlad kayo kung huhubugin niyo ang sarili niyo sa hugis nila. Pero hindi ibig sabihin na hindi kayang umunlad ng mga Kataman sa sarili natin.”

Napasinghot ang datu. “Walang kabuluhan iyan! Malaya ang Katam dati, at wala pa rin tayong silbi noon. Sa sarili natin, pinipigilan tayo ng kaduwagang likas sa atin na umunlad. Tatlumpung taong nakaraan, kilala lang tayo bilang 'ang panig sa pagitan ng Ilog Kunting at ng mga bundok.' Nasaan ang luwalhati roon? Masuwerte tayo na ginusto ni Haring Bunawi na isama pa tayo sa kaharian.”

“Hindi ko sinasabing mali ka,” sumabad si Dayang Yiling, ibinabalik ang usapan sa tamang dako. “Hindi ko sinasabing perpekto ang Katam noon at kailangan nating bumalik sa nakaraan. Hindi ko rin sinasabi na kailangan nating itaboy lahat ng hindi likas sa Katam. Ang pinaglalaban ko ay ang pamamahala natin sa sarili – ang uri ng kabuhayan na hindi tayo ang unang manganganib at ang huling makikinabang sa mga pasyang ginawa ng iba para sa atin. Ang mga tagumpay at kabiguan natin ay sariling atin.”

“Sa tingin mo mapapagkatiwalaan ang mga Kataman na magpasya ng kapalaran natin? Tingnan mo ang sarili mo! Sumasama-sama ka sa mga bata dahil alam mo na hindi papayag ang mga matatandang may sariling isip sa mga ginagawa mo.” Tumutok ulit ang tingin ng datu kay Sano. “Huwag mong isipin na hindi kita kilala. Narinig ko rin ang mga sitsit tungkol sa iyo. Ikaw ang manghihiwagang naninirahan sa paanan ng bundok at nagwasak sa isang baranggay sa gubat. At ngayon kasabwat mo na ang Halimaw.”

Napangiwi si Sano. Bakit hanggang ngayon, iyong maling kuwento ang kumakalat?

Nagpatuloy ang datu ng Angbun, napipihit ang mukha sa pagkasuklam. “Sino ba kayo? Lumaki kayong dalawa sa liblib na kagubatan. Paano niyo naisip na alam niyo ang talagang ikakabuti ng Katam? Paano niyo naisip na alam niyo man kung paano maging isang Kataman? Dahil nagsasalita kayo ng pumapalatak na wikang iyan? Dahil nakasuot kayo ng mga damit na may disenyo na nalipasan na ng panahon? Huwag naman kayong magpatawa! Dito kami ng mga tauhan ko nakatira at lumaki. Alam namin kung ano'ng kagipitan ang dinaranas ng mga tao rito, at kung ano ang mga dapat magbago.”

Mas malakas pa sa suntok ng tanod sa Masagan ang pagtama kay Sano ng pananalig ng datu sa mga salitang ito. May bigat na dumiin sa dibdib ni Sano na nagpahirap sa paghinga niya. Hindi niya malaman kung ano ang nararamdaman, pero naninigas siya sa igting, lumiliyab ang balat sa galit o hiya. Dahil totoo ang karamihan sa sinabi ng datu. At dahil sa kabila ng katotohanan ng mga ito, hindi pa rin matanggap ni Sano.

“Paano niyo nasasabing layunin niyo ang kabutihan ng Katam, ngayong gusto niyong tanggalin lahat ng katangian natin para lang matanggap tayo ng iba?” mahigpit tinanong ni Sano.

“Kung maililigtas tayo, bakit hindi? Gaano ba kahalaga ang pagiging Kataman, kung hindi ka kayang buhayin nito?”

Namanhid si Sano sa tanong na iyon. Hindi gaanong naiiba ang mga Kataman sa mga tao mula sa ibang bayan. Sinabi ng ina ni Sano iyon daw ang dahilan kung bakit parang napakahalata ng kakaunting pagkakaiba nila. Madali para kay Sano na baguhin ang pananamit niya at maging dalubhasa sa ibang wika; sampu na rin naman ang alam niya. Madali sa kanya na umasta nang mas mabulaklak, na mag-iba ng pagdala sa sarili, na tawagin ang mga kamag-anak at kaibigan sa ibang palayaw, na magsimulang mag-aral ng pakikipaglaban.

Hindi maitataltal ni Sano na ang pagiging Kataman ng mga taga-Angbun ay kulang sa pagiging Kataman niya. Tulad ng sinabi ng datu, nakatira sila dito. Ngunit kung gayon, ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging Kataman? Hanggang saan niya dapat baguhin ang sarili, imbes na pilitin baguhin ang daigdig, ginigiit dito na tanggapin siya kung sino man siya ngayon? Tutal, isang kayabangan din na isipin ni Sano na hindi niya kailangang magbago. Siya pa naman na kakaunti ang kaalaman. Hindi na siya makatugon sa pagkatuyo ng bibig niya.

“Bukas sa loob kong talakayin kung ano dapat maging ang mga Kataman,” sabi ni Dayang Yiling, dumadagan sa hapag. “Magandang usapan iyon, pero bago tayo makapagpasya kung ano'ng uri ng tao tayo, baka kailangan muna nating tiyakin na mabubuhay tayo. At para mangyari iyan, kailangan ko ang pagtaguyod mo. Hindi natin alam ang kabagsikan ng paghihiganti ni Bunawi, at pinipilit kong gawin lahat ng makakaya ko para bigyan ng pag-asa ang ating bayan.”

“Sa nakikita ko, may isang malinaw na paraan na maililigtas ko ang Angbun, 'di ba?” Ngumiti ang datu sa kanila. “Ipapakita ko ang katapatan ko sa hari.”

Sa isang lagutok ng mga daliri ng datu, nalaglag ang mga telang nagpapalamuti sa mga pader, at napalibutan sila ng maraming mandirigma. May nakahanda itong mga itak at sibat na puno ng mga anto. May mga pana ring nakatutok sa kanilang tatlo.

Napabulong si Dayang Yiling ng isang mura. “Sayang, sinuway mo ang kasunduan.” Hinawakan niya sina Sano at Anina sa bawat kamay. Bumuga ang isang malupit na hangin mula sa katawan niya, at hinampas nito ang mga mandirigma sa mga pader at itinaob ang hapag sa datu. Ang susunod na namalayan ni Sano, hinahatak ang braso niya pataas. Lumipad sila nina Anina at Dayang Yiling sa bubong na ngayon ay may malaking butas na.

Sumulpot sila sa itaas ng bubong. Mainit at malagkit ang hangin ngayong gabi. Ibinaba sila ni Dayang Yiling sa may atip, pero dumalusdos sila at nahulog sa gitna ng isang umpukan ng mga taong nakasandata.

Sumibol ang sakit sa iba't-ibang bahagi ng katawan ni Sano nang tumama siya sa lupa, pero pinilit niyang tumayo agad. Umikot ang paligid niya habang sinusubukan niyang ituwid ang sarili.

Hindi pa nakatuon kina Sano at Anina ang mga taong pumapaligid sa kanila. Nakatutok ang tingin ng mga ito kay Dayang Yiling, puno ng takot ang kanilang mukha. Higit pa sa tatlumpu ang tantiya ni Sano sa bilang nila, nagkukumpulan sa harap ng bahay-pandatu, at may nagdaratingan pa. Mukha silang pangkaraniwang taga-nayon, pero hindi naginhawaan si Sano dito. Sinabi ng datu na bata pa lang, sinasanay na sa pakikipaglaban ang mga taga-Angbun.

Sa bubong, may umaakyat na mga mandirigma na haharap kay Dayang Yiling. Sumugod sa kanya ang isa sa mga ito, nakataas ang itak, habang may isa pang lumulusot sa butas ng bubong. Itinulak ni Dayang Yiling ang may itak gamit ang malakas na hangin, at nalaglag ang mandirigma sa dulo ng bubong. Iwinasiwas ng babaeng kasusulpot lang sa butas ang isang umaapoy na sulo kay Dayang Yiling.

“Iyon ba ang Halimaw ng Katam?” may nagsabi mula sa umpukan ng mga tao. Nawala ang dulingas na katahimikan, pinalitan ng maligasgas na mga bulungan.

“Banal na Karingal, mas pangit pa pala sa akala ko.”

“Nakakakilabot...”

Iyan ang gustong pumalit kay Haring Bunawi? Aba ay, pagtatawanan tayo ng buong sankapuluan!”

“Bakit ganyan ang itsura niya?”

Ngayong nagsimula na ang panghahamak nila, hindi na mahinto. Nag-unahan ang mga boses sa pagbato ng pinakamalubhang panlalait. Hindi tumagal nang sinabayan ang labanan sa bubong ng pagsisisigaw ng, “Pangit, pangit, pangit!”

Natauhan si Sano sa pagkatulala niya nang may maliit na batong humampas sa kanyang panga. Marami pang bato ang humagis sa kanya, tinatamaan ang kanyang balakang, hita, tagiliran at likuran. Tinakpan niya ang ulo niya, ngumangalit ang ngipin sa sakit, habang naghahanap siya ng paraang makatakas. Sa dulo ng paningin niya, napansin niyang ganito rin ang ginagawa kay Anina, pero lumalaban siya. Lumiliwanag ang dalawang yantok sa hiwaga, at nililihis ng mga ito ang mga bato.

Sinubukan ni Sano harangan ng isang bisig ang daluhong, habang niluwagan niya ang pagkatali ng balabal niya sa baywang. Pasalamat na lang na bato lang ang inihahagis ng mga tao, at hindi pakal o sibat. Iwinagayway niya ang balabal sa pagkatiklop, pero may malaking bato na humagip dito at dinaganan sa lupa. Umungol si Sano. Agad siyang sumukot at nagsulat ng anto sa mabuhanging lupa. Kahit burara man ang hugis ng mga titik at halos hindi na mabasa, nang ibinuhos niya ang hiwaga niya sa anto, umangat pa rin ang isang parihabang pader mula sa lupa. Kasintaas niya ito, at bumubuo ng paikot na sagabal sa pagitan nila nina Anina at ng mapanganib na umpukan.

Sinipa ni Sano ang mabigat na bato na umiipit sa balabal niya at tumakbo kay Anina. Pero bago siya nakalapit, giniba ng mga manghihiwaga sa kabila ang iba't-ibang bahagi ng pader, sumisiklab ang hiwaga nila sa mga anto ng kanilang mga sandata.

Lumusob si Anina sa isang lalaki, pero nasalo nito ang dulo ng yantok at hindi na pinakawalan. Sa halip, hinatak ito ng lalaki mula sa kamay ni Anina. Umikot ito at hinampasan ang tuhod niya, at natumba siya.

Dumarami na ang pumapasok sa sirang pader. Ang susunod na namalayan ni Sano, nabitag siya sa ilalim ng isang bunton ng mga tao, napipisa sa kanilang bigat. Pumiglas siya laban sa mainit na pagdiin ng mga katawan, sumisipa ang mga paa at nangangalmot ang mga kamay. Naghanap siya ng mga agwat, namimilipit at kumakawag, hanggang sa wakas, nakalag niya ang sarili palayo sa iba. Gumapang si Sano paalis, nananatiling nakadapa at hawak-hawak ang balabal. Hinanap niya si Anina.

Umaaligid na ngayon kay Anina ang lalaki, hawak pa rin ang isang yantok. May nagniningning na anto rito sa hiwaga, at umuusok ang palasan. Nawawala ang isa pang yantok ni Anina, at ang mga kamay lang niya ang nakataas bilang panangga. Mabangis na umangil ang lalaki, at ibinagsak niya ang yantok sa ulo ni Anina. Umigtad si Anina palayo, at hinawakan ang isang nananatiling nakatayong bahagi ng pader.

Nagsabugan ang mga bato sa paligid nila. Tinakpan ni Sano ang ulo at yumuko. Umulan ng matatalas na batong bubog, at nasugatan ang balat niya. Napakagat siya sa labi sa kirot ng mga ito, habang naririnig ang mga himutok sa sakit ng ibang tao.

Dahan-dahan, ibinaba ni Sano ang mga braso niya at sumilip sa ulap ng alikabok. Nahanap niyang nakahiga si Anina sa lupa, nakakalat ang mga bato ng pader sa paligid niya. Wala ring malay ang lalaking kumalaban sa kanya. Basa ang mukha at dibdib nito sa dugo.

“Banal na Karingal,” bulong ni Sano. Lalapit na sana siya kay Anina, nang may dumampot sa kanya sa may baywang at binuhat siya sa ere. Sumiklab ang takot niya, pero nang lumingon siya, si Dayang Yiling lang ang may hawak sa kanya. Umigpaw ng malayo ang dayang papunta sa kinaroroonan ni Anina, bago siya pinakawalan. Tumakbo si Sano at dinakma ang mga nalaglag na yantok ni Anina; mainit pa rin ang isa sa mga ito.

Pagkabuhat ni Dayang Yiling kay Anina, tumalon siya sa langit. Isang saglit lang, sumunod na rin si Sano, hinahabol ng mga naglalakasang sigaw ng mga tao. Sa malakas niyang pagbuhos ng hiwaga sa balabal niya, bigla siyang tinangay pataas ng hangin at muntik na niyang maduwal ang huling kinain. Mahigpit hinawakan ni Sano ang mga dulo ng balabal. Pinilit niyang ituon ang pansin sa pagdaloy ng hiwaga niya, at hindi sa mga sugat at pasa sa katawan, hindi sa alingawngaw ng malulupit na hiyaw ng mga taga-nayon. Sa bilis ng salimbay nina Sano at Dayang Yiling sa himpapawid, sa susunod na pagyapak nila sa lupa, nasa labasan na sila ng Angbun.