Kabanata 28
Magnanakaw
Sa lumipas na araw, pinunuan ni Anina ang patpat niya ng mga anto mula sa mga luma niyang yantok, katulad ng magpapatibay dito laban sa paghampas ng matatalas na sandata, at ang mga utos pampagalaw ng hangin o tubig. Sa natirang panahon, kapag hindi siya umuukit ng anto, natulog at kumain siya; may mga prutas sa gubat at mga isda sa ilog.
Nang sumapit ang tanghali, habang naghahabol pa siya ng tulog sa yungib, isang nakabilot na pilas ng kawayan ang nahulog mula sa butas, kasama ang isang damit at tapis pangpanggap bilang katulong. Nakasulat sa pilas ang ilang mga utos, pati na ang balangkas ng kampo. Nakabakas dito kung aling dampa ang sa hari at sa bayi.
Ngayong gumabi na, sumiksik si Anina sa mga halaman malapit sa dulo ng kampo ni Bunawi, kung saan niya nakikita ang ilang mga mandirigmang naglalakad banda sa pinakadulong dampa. Hinihintay niya ang tatlong magkakasunod na huni ng kuliglig, ang hudyat mula sa mga kuya niya na maghanda na siya.
Sinulyapan ni Anina ang madilim na langit. Kapag lumitaw ang ahas-dagat, tututukan ng mga tao sa kampo ang pagbigay ng alay dito, at kasama na doon sina Bunawi at Angtara. Iyon ang pagkakataon ni Anina na pumunta sa kampo, pumasok sa mga dampa ng hari at ng bayi, at nakawin ang mga itak.
Namamasa-masa ang mga kamay ni Anina sa malamig na pawis. Mas mabuti ang planong ito sa kahit ano'ng maiisip niya nang mag-isa, pero mayroon pa rin siyang napakaiksing sandali para kupitin ang mga itak at makabalik sa takip ng gubat. At kailangan din niyang maialay ang mga itak nang walang nakakakita sa kanya habang lumilisan ang ahas-dagat.
Marami pa ring paraan na gumuho ang planong ito. Sa sulat nila, sinabi ni Kuya Aklin at Kuya Danihon na hindi na mag-aaksaya ng panahon ang hari at ang bayi na isama pa ang mga itak nila kung hahakbang lang sila sa labas ng dampa para makapaghagis ng alay sa ahas-dagat. Pero kahit iwan pa ni Bunawi at ni Angtara ang mga itak sa dampa, mahahanap ba kaya ni Anina ang mga ito agad? Paano kung maling sandata ang makuha niya? Paano kung pumasok ulit ang hari at ang bayi habang nasa loob pa si Anina?
“Psst, Anina,” bulong ng isang boses sa loob ng gubat. Si Kuya Aklin.
Inangat ni Anina ang suot niyang mahabang pangkatulong na tapis at gumapang papunta sa kuya niyang kaway nang kaway sa likuran ng isang palumpong. “Bakit ka po nandito?” tanong niya.
“May nangyaring hindi inaasahan,” sabi ni Kuya Aklin, nakakunot ang mga kilay. “May nagtawag kina Haring Bunawi at Baying Angtara mula sa mga dampa nila. May isang umpukan ng mga tao raw sa kapatagan sa kabila ng bangin.”
“Ano'ng uri ng umpukan?”
“Malayo pa sila para makita nang maaayos, pero sabi ng mga mandirigmang nagbabala, mukha raw mga mandirigma rin ang nasa kabila.” Bumaba ang dalawang sulok ng labi ni Kuya Aklin. “Ang nasisigurado lang namin ay sumulong sila mula sa kapatagan, at hindi nanggaling sa ilog. Ibig nitong sabihin nagmula sila paloob ng Katam.”
Hinigpitan ni Anina ang pagkatali ng kanyang buhok. Dumidikit ang ibang mga hibla sa pawisang balat niya. Nakapagtipon ba ng mga susuporta si Matiban para tulungan si Dayang Yiling? O iaalay ba ng mga Katamang iyon ang katapatan nila sa hari? Hindi alam ni Anina kung ano'ng idudulot ng pagdating nila sa binabalak niya.
May nagsigawan mula sa kampo. Umusog sina Anina at Kuya Aklin palapit sa dulo ng gubat, at natagpuan na ang mga mandirigmang nakatayo doon kanina ay nagtatakbuhan paloob ng kampo.
“Magnanakaw!” may sumigaw. “Hulihin niyo iyon!”
Yumuko si Anina sa mga palumpong, kumakabog ang puso. Siya ba ang tinutukoy nila? Napansin ba nila ang nawawalang damit ng katulong? Pero tumakbo sila palayo ng mga puno. Nalilito, sumilip ulit si Anina sa tuktok ng halaman. Nawala na lahat ng mga mandirigma na nagbabantay sa dulo ng kampo.
Biglang humugong ang lupa sa ilalim nina Anina at Kuya Aklin, lumalakas nang lumalakas hanggang nakakalog na ang mga buto nila sa pagyanig. Isang batong haligi ang umusbong sa gitna ng kampo, nagpapainog ng malawak na ulap ng alikabok. Isang babae ang nakatayo sa tuktok nito. Nakasuot siya ng manipis na talukbong at mga damit na may simpleng paguhit na Katamang disenyo.
Hawak-hawak ng babae ang isang kumikinang na gintong-pilak na itak. Hindi alam ni Anina kung itak ito ng hari o ng bayi, pero naging sigurado siya sa isang bagay: ninanakaw rin ito ng babae.
“Sisirain niya ang plano natin!” sabi ni Anina.
“Sana mas maganda ang plano niya kaysa sa plano natin,” ungot ni Kuya Aklin.
Mula sa mga guhit na nagpapalamuti sa talukbong ng babae, umilaw ang isang anto malapit sa leeg niya, kahit hindi niya hinahawakan. May sumibol na munting palaisipan kay Anina. Maaari bang ito ang Manghihiwagang Lingid? Sino pa ba ang may alam kung paano magpabuhay ng anto gamit ang ibang bahagi ng katawan, at ang magsasadya ring makihalubilo sa labanang ito?
Sumikip ang dibdib ni Anina sa pag-isip kay Sano at ang ina nito.
“Ayaw kong maghatid ng masamang balita.” Lumipad ang isang tinig sa kabuuan ng kampo, malakas at malinaw, abot pati ang pinagluluhuran nina Anina at Kuya Aklin. Lumiyab ang liwanag ng hiwaga sa talukbong ng babae. “Pero ikabubuti niyong malaman na dinaya kayo ng hari!”
“Sino itong babaeng ito? Ano'ng ginagawa niya?” Tumayo si Kuya Aklin at lumingon kay Anina. “Maghintay ka rito.” Tapos sumibad siya palabas ng mga puno.
“Huwag, Kuya Aklin!” Sinubukan ni Anina na dakmain ang kapatid, pero napakabilis niyang tumakbo. Napamura si Anina. Tiyak alam ng babaeng iyon kung ano ang kakayahan ng itak; kung hindi, hindi niya nanakawin iyon. Ngunit gusto ba niyang sarilinin ang itak? O gusto ba niyang sirain din ito?
Ngayong nawawasak na ang kanilang plano – na sa totoo lang, hindi naman talaga gaanong kahusay – hindi na alam ni Anina kung ano'ng gagawin. Hindi niya alam kung ano'ng binabalak ng babae, o kung ano'ng ginagawa ng mga mandirigma sa kapatagan sa kabila ng bangin. Pero hindi rin magawa ni Anina na umalis na lang. Nagpasya siyang gumawa ng isang bagay – kahit isang bagay lang – para makatulong, at hindi siya aalis dahil lang may mga nangyayaring hindi niya inaasahan.
Dinampot ni Anina ang larawan ng kampo na ibinigay sa kanya ng mga kapatid. May dalawang dampa bandang dulo ng kampo na nagsisilbing imbakan. Walang laman ang madamong kapatagan sa pagitan ng mga puno at ng mga pinakamalapit na dampa, at tiyak wala namang lilingon sa gubat ngayong may sumisigaw na babae sa tuktok ng mataas na batong haligi.
Humingang malalim si Anina at tumakbo papunta sa isang imbakang dampa. Nagpagulong siya sa ilalim ng tela, at pumasok sa kadiliman. Pagkatpos nasanay ang mga mata niya sa dilim, nakita niyang napapalibutan siya ng mga tampipi at mga abakang bayong. Kumapa-kapa si Anina papunta sa kabilang bahagi ng dampa, kung saan siya gumawa ng maliit na hiwa sa tela para makasilip sa labas.
Halos natatakpan pa rin ng ibang dampa ang paningin niya, pero may maliit na awang kung saan mapapanood ni Anina ang isang umpukan ng mga tao na nagtipon sa baba ng mataas na bato.
“Hindi ako nagsisinungaling,” sabi ng babae, mas maliwang ang boses ngayong mas malapit na si Anina. Malamang tinutulungang ipadala ng anto sa kanyang talukbong ang boses niya sa malayo. “At mag-ingat ka sa pag-utos sa iyong mga mandirigma na atakihin ako. Alam mo kung gaano kadali kong masasaktan lahat ng mga tao dito gamit ang itak na ito.” Hindi makita ni Anina kung sino ang kinakausap ng babae, pero baka isa kina Bunawi o Angtara.
Itinaas ng babae ang dalawa niyang braso at lumingon sa paligid, kinakausap lahat ng mga tao. “Hindi pangkaraniwang itak ito, hindi tulad ng inaakala niyo. Kapag ginagamit ito ng isang manghihiwaga, pinapalakas nito ang hiwaga niya. Nakapagtataka, 'di ba? Sa buong panahong ito, pinalalabas ng hari niyo na likas ang kanyang lakas.”
“Wala kang katibayan!” sigaw ng isang mandirigma.
Tumalon ang babae mula sa tuktok ng bato. Sa halip na lumagapak siya sa sahig, lumapag siya nang mahinahon at tumigil sa harapan ng isang matandang lalaking may abuhing buhok.
“Heto, subukan mo.” Ibinigay ng babae ang itak sa matandang mandirigma.
“Bilis, ipasa mo sa akin!” bumulyaw ang tinig ni Bunawi, hindi kasinlinaw ng sa babae, pero puno ng galit. May umusog na tao sa umpukan, at nasulyapan ni Anina ang hari. Nanlalaki ang mga mata niya at nakalitaw ang mga ngipin. Kung tama nga ang hinala ni Kuya Danihon na may manghihiwagang-pilay si Bunawi, baka hindi pa malala ito, o hindi na makatatayo ang hari.
Iaabot na sana ng mandirigma ang itak kay Bunawi, nang napatitig siya sa kintab ng bakal, at huminto. Alam ni Anina ang akit ng bakal; ang kakayahan nitong bihagin ang pansin ng mga tao at tuksuhing hawakan ito. Umangil si Bunawi, pero nang dudukwangin na niya ang itak, lumiyab ng asul ang isang anto rito.
Umihip ang napakalakas na hangin sa kampo. Pumagaspas ang tela ng dampa sa mukha ni Anina, at hinagis niya ang sarili palayo. Ngumatal ang mga haliging nagtataguyod sa dampa. Humawak si Anina sa isang kahon, inaasahan na guguho ang dampa. Pero pagkatapos ng ilang sandali, huminto ang panginginig ng mga haligi, at lumapat ang tela sa balangkas nito ulit.
Kumapa si Anina pabalik sa hiwang ginawa niya, at tumingin sa kampo sa labas. Mas minalas ang mga dampa na malapit sa haliging bato kaysa sa dampa kung saan siya nagtatago. Nakahilata ang mga ito sa sahig, bali-bali ang mga poste at punit-punit ang mga tela. Nakadapa lahat ng mga tao – mandirigma man o katulong – sa mga buntong sa lupa.
Ang matandang mandirigma lamang ang nanatiling nakatayo. Nanginginig siya mula sa tuktok ng ulo pababa sa mga paa, gumigiwang ang itak sa kanyang mahinhing hawak.
“To-totoo nga!” bulalas ng mandirigma. “Hindi pa nagagawa ng hiwaga ko ang ganoon dati.”
“Umpisa pa lang iyan ng panlilinlang,” tuloy ng babae. “Baka gusto niyong malaman din na bawat gamit ng itak na ito, tinatawag nito ang Malagim na Hangin.”
Hindi man nauntol ang hininga ni Anina sa pagbuga ng malakas na hangin, nauntol ito ngayon sa sinabi ng babae. Umikot ang kanyang isip. Paano namamahala ang bakal sa pag-ihip ng Malagim na Hangin? At paano nalaman ng babae ito?
Sinabi ni Kuya Danihon na ginamit ni Bunawi ang itak sa parugo, at hindi nagtagal bago umihip ang Masamang Hanging. At hindi ba ang buwang ang isa sa mga mensaheng natatanggap ng punong katalonan kapag nagtatanong sa mga bathala kung paano patitigilin ang Malagim na Hangin? Baka hindi nito tinutukoy ang buwan sa himpapawid, o na kailangan nilang mag-alay kada buwan. Baka nakatatanggap ang punong katalonan ng mensahe tungkol sa bakal na kahawig ng buwan!
“Ano ngayon?” sigaw ni Bunawi, nakaupo sa sahig. “Ano ngayon kung gumgagala ang Hangin sa buong kaharian, ginagawang kahoy ang mga tao? Nangyayari lang naman iyon sa mga taong gumagawa ng masama. Mabuti iyon.”
Lumukso si Bunawi sa matandang mandirigma, nakainat ang bisig. Ngunit biglang tumaas ang lupa sa ilalim ng mandirigma hanggang hindi na siya kayang abutin ni Bunawi.
“O tingnan niyo,” alipusta ng babae. “Walang pakialam ang hari niyo na ang itak niya ang dahilan kung bakit ilan taon nang nanganganib ang mga buhay niyo.”
“Hindi mo mapapatunayan iyan!” singhal ni Bunawi. “Baka ikaw ang nagpapaihip sa Hangin, at gusto mo lang ibintang sa akin.”
Sa sandaling iyon, may tao na mabilis sumingit sa umpukan, iniigpawan ang mga nakahiga pa sa lupa. Si Angtara. Hinatak niya mula sa panakip ang sariling itak pagkarating niya sa babaeng nakatalukbong, at hinampas ito sa kanya. Hinarangan ng babae ang itak gamit ang bisig, nagliliyab nang matingkad ang isang antong nakabalat-kayo sa manggas niya. Napanganga si Anina. Hindi nahiwa ang tela sa matalas na talim ng itak.
Hinila ng babae ang sariling itak at kinalaban ang bayi. Kumuha si Bunawi ng isang pangkaraniwang sandata mula sa isang nakadapang mandirigma, nagmumura't umaangil. Sinimulan niyang buhayin ang isang anto rito, nang may bumagsak na dalawang tao sa kanya mula sa langit.
Pumilantik ang tingin ni Anina sa alapaap. Nablangko ang isip niya ng isang saglit, hindi makapaniwala sa nakikita niya. Tinutuldukan ang langit ng mga tao, mga isang daan ang bilang, at bawat isa ay nakakapit sa isang mahabang telang tinahian ng anto tulad ng nasa balabal dati ni Sano. Nalalaglag sila sa buong kampo, pinahihinhin ng tela ang kanilang pagbagsak.
Heto ba ang mga mandirigmang nakita sa kapatagan sa kabila ng bangin? May katuturan kung ganoon. Inudyok ng paglitaw nila ang paglabas ng hari at ng bayi mula sa kanilang dampa, at nagbigay ito ng pagkakataon sa babaeng nakatalukbong na nakawin ang isa sa mga itak. At habang ibinubunyag ng babaeng ito kung ano ang kakayahan ng mga itak, nagtipon ang mga mandirigma sa langit para makapasok sa kampo.
Ngumiti si Anina, biglang gumaan ang dibdib. Talaga ngang winasak ng mga taong ito ang binabalak niya – pero baka ngayon, may pagkakataon na siyang magtagumpay.
“Ay, patawad! Mali ang bagsak namin.” Binigyan ni Sano si Bunawi ng nangungutyang ngiti at kaway. Nakalantad ang hari sa lupa sa ilalim nina Sano at Datu Dulan. Namitig ang mga panga ni Bunawi, pero bago siya makakilos, umangat ulit sina Sano at Datu Dulan sa himpapawid, tinangay ng telang pinapagana ng datu.
Dahil isa lang ang maayos na braso ni Sano, hindi niya kayang gamitin nang mag-isa ang tela, at kinakailangang kumapit siya sa iba. Hinawig ang mga telang ito sa balabal niya; ang nag-iisang anto rito ang namamahala sa hangin para makalipad ang manghihiwaga.
Dumapo sina Sano at Datu Dulan sa tuktok ng mataas na bato na nag-angat sa matandang mandirigma palayo kay Bunawi. “Patawad sa gagawin ko po, lolo!” sabi ni Sano, sabay hatak sa Buwang Bakal na itak mula sa kamay ng matanda. Pinipigilan ni Datu Dulan ang mga braso nito, pero mukhang hindi naman niya kailangan. Madaling binitawan ng matanda ang sandata at walang ginawa habang itinali ni Datu Dulan ang itak sa sariling likod.
“Isa na lang,” sabi ni Datu Dulan, at tumingin sa kampo kung saan naglalaban sina Angtara at ang ina ni Sano. “Gusto mo bang tulungan ang ina mo?”
“Kailangan ko po,” sagot ni Sano, kahit hindi niya alam kung ano ang maitutulong niya ngayong paikaika siya at nakasakbat pa ang isang braso niya. Hindi rin naman siya mahusay sa pakikipaglaban kahit na wala ang mga pinsalang ito. Pero hindi niya kayang maupo lang sa tabi habang pinaglalaban ng iba ang kanilang kabuhayan.
Nabulabog ang kampo sa baba nila sa mga nakikipagbunuan na katawan at mga kumakalatong na itak. Nakataob ang mga dampa sa mga baling haligi, at umiikot ang alikabok sa mga nagdarambugang paa. Handa na sana si Sano na gawin ang lahat para mapigilan si Bunawi, kahit sakaling sila lang ng ina niya at ni Matiban ang lalaban. Ngayong may kasama silang isang daang tao – mga tao na walang utang na loob sa kanya – tumataba ang kanyang puso sa pasasalamat at sa damdamin ng kapatiran. Ang labanang ito ay para sa sarili niya at para rin sa mas higit pa sa sarili lang niya.
“Alam ko pong hindi panahon ngayon para sa mga matamis na salita,” sabi ni Sano. “Pero, maraming salamat po.” Inilapat niya ang kanyang kamay sa balikat ni Datu Dulan.
Mataimtim ang pagtango ng datu. “Winasak ng bakal na ito ang aking tahanan at tinawag nito ang Malagim na Hangin. Hindi dapat ginagamit ang sandatang tulad nito na basta-basta lang. At kahit na sabihin nating hindi alam ng hari o ng bayi na magkaugnay ang Buwang Bakal at Malagim na Hangin, mukhang hindi rin naman nila pinag-iisipan kung ano ang kahihinatnan ng kanilang kapangyarihan. Panahon nang may tumayo laban sa kanila.”
Inakbayan ni Sano ang mga balikat ni Datu Dulan. Pinaihip ng datu ang tela papunta sa puwesto kung saan naglalaban si Angtara at ang ina niya. Nang palapit na sila sa lupa, bumitiw si Sano sa datu at lumapag nang payuko.
“Titiyakin kong napalaya na ni Matiban ang Halimaw,” sabi ng datu, bumabaling na palayo.
“Ingatan niyo po ang itak,” pahabol na sigaw ni Sano. Pinag-aralan na ng kanyang ina lahat ng kaalaman nito tungkol sa Buwang Bakal, pero hindi pa rin nila malaman kung paano nasira ang karamihan sa mga ito dati. Ang balak nila ay nakawin ang dalawang itak at tunawin ang mga ito. Kung paano nila tuluyang mapapawi ang bakal, hindi pa nila alam. Sa ngayon, ang magagawa lang nila ay pigilan ang paggamit sa mga ito.
“Oy, tingnan mo kung ano ang hinipan ng hangin.” Sinulyapan ni Angtara si Sano at humalakhak, naaaliw. “Akala ko namatay ka na! Iyon pa naman ang sinabi ko sa kaibigan mo, bago siya itinulak ng ama ko sa bangin!”
Sumibat ang isang matalas na lamig sa loob ni Sano. “Ano?”
“Hoy, ako ang kalaban mo!” Inamba ng ina ni Sano ang itak niya kay Angtara, pero umigtad lang ang bayi at tumawa. Itinaas niya ang Buwang Bakal na itak, at sumugod sa ina ni Sano. Nagsiklaban ang mga itak nila sa mabilisang pagsalag at paghampas.
Nilunok ni Sano ang pag-aatubili. Hindi niya hahayaang lituhin pa siya ni Angtara. Kailangan nilang maagaw ang itak mula sa bayi, bago pa magpadaloy dito si Angtara ng hiwaga at matawag nito ang Malagim na Hangin nang mas malakas. Naisip ni Matiban na hindi maiiwasan ang isang labanan sa pagnakaw ng mga itak mula sa mga maginoo, at na maraming mapapaslang ang Malagim na Hangin kung daraan ito. Sinama nila ang isa sa mga katalonan ni Datu Dulan na nakakaramdam sa pagdating ng Malagim na Hangin, para babalaan sila gamit ang pulang pampasiklab sa langit. Gayumpaman, ikabubuti pa rin ng lahat kung makukuha agad nina Sano ang mga itak at tapusin ang labanan nang maaga.
Kahit nilalamig ang kamay ni Sano, hinatak niya ang isa sa mga yantok ni Anina mula sa pamigkis sa likuran niya. Buti nasasabayan pa ng ina niya ang mga kilos ni Angtara. Kahit dati siyang isang mahusay na mandirigma sa panahon ng himagsikan, labing-anim na taon na rin siyang hindi nagsasanay.
Sinipa ni Sano ang alikabok mula sa sahig, at hinampas ang yantok dito, sabay ang pag-utos sa hangin na lumipad sa mga mata ni Angtara. Sinamahan ni Angtara ang kasunod niyang tarak ng isang buga ng hangin din, at lumayo ang alikabok sa kanya. Pero nahati ang pansin ng bayi, at hindi niya nakita ang mahahabang tela na sumulpot mula sa mga manggas ng ina ni Sano. Binalutan ng mga telang ito ang leeg ni Angtara, pati na ang mga pulso at sakong.
Umangil si Angtara; inikot niya ang kanyang itak at kinaskas ang talim nito sa tela. Nagbuhos pa ng hiwaga ang ina ni Sano sa mga anto sa manggas niya, at hindi nahiwa ang mga ito ng itak.
Nagsulat si Sano ng isang mabilis na anto sa sahig. Humigpit ang puso niya nang natandaan ang kanyang huling paggamit ng antong ito. Nagpadaloy siya ng hiwaga sa mga titik, at umugong pabukas ang sahig sa ilalim ni Angtara. Nilunok ng butas ang bayi hanggang sa dibdib. Binago ni Sano nang kaunti ang anto, at humigpit ang butas, lubusang binibitag ang bayi sa lupa.
“Bilis, kunin mo ang itak!” sabi ng ina ni Sano. Hinila niya ang mga tela na nakapalibot sa mga bisig ni Angtara, sinusugpo lalo ang paggalaw ng mga ito.
Lumuhod si Sano sa tapat ng nabitag na bayi. Kinalmot niya ang kamao ni Angtara, sinusubukang buksan ang mga daliri, pero magkasinghigpit ang hawak nito sa sariling itak at ang hawak ng ina ni Sano sa bayi.
Napatawa si Angtara. “Ay, bayanihan ba 'to? Nakakagulat naman. Kaya niyo palang gawin iyon.” Humagikgik siya. “Sa tingin niyo matatapang kayo ngayon, ikaw at ang ina mo at lahat ng mga tangang kinaladkad niyo rito. Pero nakalimutan niyo na ba? Ako ang pinakamarunong tungkol sa mga Kataman. Pinag-aralan ko ang mga taong tulad niyo nang matagal! Hindi bahagi ng katauhan niyo ang katapangan. Nililinlang niyo lang ang sarili niyo kung sa tingin niyo mananalo kayo sa mga tao na simula't sapul ay mas matalino, mas malakas, at mas maunlad sa inyo!”
“Huwag kang makinig sa kanya,” sabi ng ina ni Sano. “Bakit ka makikinig sa isang babaeng nakabitag sa sahig?”
Umangil si Sano at binalot ang mga daliri sa puluhan ng itak. Ginamit niya ang buong lakas sa pagbatak dito. Ipinatong pa niya ang paa sa ulo ni Angtara para magtamo ng lakas at mapatahimik ang pagdaldal ng bayi. Pero ang sariling katawan ni Sano ang lumaban sa kanya. Nagpaliyab ng malupit na sakit sa dibdib at likod ang mga nalamat niyang tadyang. Lumuwag ang hawak niya.
Sa baba ni Sano, bumulyaw si Angtara sa galit. Isang asul na liwanag ang humaginit sa talim ng itak, at tinangay ng isang matinding hangin si Sano at ang ina niya mula sa lupa, at hinagis sila palayo sa bayi.