Kabanata 31
Magkasundo
Lumipas ang dalawang buong araw ng pahinga bago bumuti nang kaunti ang pakiramdam ni Sano. Iminungkahi ng katalonang nag-aalaga sa kanya na ipagpatuloy niya ng kahit isang buwan pa ang pagpapahinga at ang mga gamot. Sa ngayon, kailangan niyang magsuot ng makakapal na bimpo sa paa kung gusto niyang maglakad; pilay pa rin ang kaliwa niyang sakong, pero natutuwa na rin siyang hindi tuluyang nabali ito sa labanan. Ang sugatan niyang braso ang lumala. Dagdag pa rito ang iba pang maliliit na sugat at bugbog, at wala ngang magtataka kung bakit matagal pa bago siya lubusang maghilom. Kahit na, nabibilang pa rin si Sano sa mga mapapalad, at sinusubukan niyang hindi gaanong magreklamo.
Sa pangatlong araw pagkabalik nila sa Liman, nagpahanda si Datu Dulan ng bangkete. Pumunta si Sano – nakabalot sa mga bendahe at nakaakbay sa ina – sa bagong itinayong kumpulan ng mga bahay-pandatu. Inayos ni Dayang Yiling ang pananalantang sinanhi ni Sano sa lupain ng datu, at kasimpatag na ito noong una nilang natagpuan. Pansamantalang pinalitan ng isang matibay at malaking bahay ang dating magkakarugtong na mga kubo.
Nakatayo sina Datu Dulan at ang mga kamag-anak niya sa harapan ng bagong bahay. Nakapila ang mga mandirigma niya sa tabi nila, suot-suot ang kanilang pinakamagarang na damit, kahit na tadtad din sila ng mga bendahe tulad ni Sano. Puno ng mga pagkain ang mahahabang hapag sa plataporma sa tabi. Sapat ang dami ng mga ito para may maiuwi ang bawat sambahayan ng baranggay.
Bago nagsimula ang handaan, nagpahayag si Datu Dulan. Nagtipon ang mga tao mula sa iba't-ibang bahagi ng Liman para makinig. “Mga tao ng Liman,” sabi ng datu sa malakas na boses. “Hindi natin maitatanggi na puno ng hilahil at lito ang lumipas na mga araw. Sa mga susunod, tiyak marami kayong maririnig na mga kuwento, karamihan dito magkakasalungat. Kaya makinig kayo nang maayos sa ipapaliwanag ko ngayon, dahil ito ang katotohanang paninidigian natin.”
Nagsimula si Datu Dulan sa salaysay ng mga Buwang Bakal at ang kanilang ugnayan sa Malagim na Hangin. Nabihag ng alamat na ito ang pansin ng umpukan, at itinatag nito na mas malaki ang saklaw ng digmaang naganap kaysa sa away lamang nina Bunawi at ng Halimaw ng Katam. Ipinaliwanag ng datu ang pagsikap ng Halimaw na tulungan ang mga Kataman, at kung paano nauwi ito sa labanan sa giliran ng bayan. Matipid ang kanyang mga salita at wala siyang pinatamis.
Alam ni Sano na ito rin ang salaysay na ibabahagi ni Ginang Nawa – ang punong katalonan ng namatay na hari – sa mga tao ng Dayung. Bago sila umalis ng larangan ng digmaan, inutos ng katalonan na sabihin nila sa kanya ang lahat, para makabalik siya sa sariling bayan na bitbit ang buong pangyayari. Gumaan ang loob ni Sano na naroroon si Ginang Nawa, at siya ang nag-alok magbatid ng malagim na balita tungkol sa pagkamatay ng hari sa mga Dayungan. Nakapupukaw ng matinding paggalang ang mga makapangyarihan at marangal na katalonan, isang uri ng paggalang na pinapangarap lang makuha ng karamihan. Mas matatanggap ng mga tao ang salaysay nina Sano kung maririnig nila mula kay Ginang Nawa.
“Hindi pa tiyak ang kapalaran ng ating bayan,” tuloy ni Datu Dulan. “Ang pamangkin ni Haring Bunawi ang maghahari, dahil walang anak si Baying Angtara. Walang bisa ang parugong naganap, at hindi nito maitatakda ang katayuan ng Katam. Lumaban lang si Haring Bunawi para sa sariling kahambugan, at hindi nakakuha si Dayang Yiling ng sapat na pagtataguyod mula sa mga Kataman. Magkakaroon ng pagpupulong para talakayin ng kaharian kung ano ang mangyayari sa atin. Pansamantala, siguradong marami na sa inyo ang nakarinig, may nagbabantay na mga mandirigma sa giliran ng Katam.”
May iba't-ibang waring narinig si Sano mula kay Dayang Yiling at Matiban na baka aalisin ang Katam mula sa kaharian, o baka mananatili ito pero hihigpitan pa ang pamamahala. Mas nauusisa si Sano sa mga hangarin ng ibang mga Kataman. Narinig niya sa usupan ng iba na hindi natutuwa ang mga taga-nayon ng Angbun sa pagkatalo ng hari.
Ngunit may mga alingasngas din naman na may nakikiramay sa kanila sa ibang panig ng kaharian. May nagsasabi pa nga na pinigilan ng Punong Arbitro ng Masagan mismo ang pagpapadala ng kinakailangang kagamitan ng hukbo sa kampo ni Bunawi, at ito ang nagpaantala sa paglusob ng hukbo sa Katam. Tumatanggi naman ang iba, sinasabi na hindi nakarating ang mga kinakailangang kagamitan ng hukbo dahil nawasak ang Masagan pagkalitaw ng Halimaw.
Ang daming iba't-ibang reaksiyon, na minsan hinihiling ni Sano na nasa isang alamat na lang siya ng ina niya, kung saan kinamumuhian ng lahat ang kalaban. Mapapayapa ang loob niya na mas bubuti na ang kalagayan nilang lahat ngayong wala na ang umaaway sa kanila. Mas madali nga rin sana kay Sano na makiramay sa hari kung mayroong lang mahirap na dinanas si Bunawi o mayroong pabigat sa kaluluwa nito na makakapagpaliwanag sa kanyang karahasan sa mga Kataman. Sa halip, kinailangan ni Sano na ipagkasundo ang dalawang mapait na katotohanan: na inapi ni Bunawi ang mga Kataman para iangat ang sarili, at minahal pa rin siya ng karamihan sa kaharian sa kabila nito – o baka dahil dito.
Napansin ni Datu Dulan ang ulap ng pag-aalala na umaligid sa umpukan, at pinalitan niya ang kanyang tindig. Itinuwid niya ang mga balikat, itinaas niya ang baba, at ngumiti siya nang kaunti. “Alam kong madaling marinig ang balitang ito at mawalan na ng pag-asa. Ngunit hindi rin natin dapat ibaliwala ang mga biyayang inilaan ng mga bathala sa atin. Sa kabila ng panganib na hinarap natin, naririto pa rin tayo, buhay at humihinga. Napaghiganti na natin ang ating mga patay. Buo uli ang ating baranggay. Marami mang walang-katiyakan, hindi ibig sabihin na madilim ang ating kinabukasan. Maaaring mabubuting bagay ang darating, at pinaparangalan ng handaan ngayon ang posibilidad na iyon.”
Nagpalakpakan ang mga tao sa pagpapasalamat. Humanga si Sano sa kakayahan ni Datu Dulan na ibaligtad ang damdamin ng mga nakikinig sa kanya.
Nagsimula na ang handaan, at nagbigay ang mga katulong ng pagkain sa bawat pamilya. Nakatanggap si Sano at ang ina niya ng sapat na pagkain para ibahagi kina Dayang Yiling at Matiban sa kanilang pansamantalang tinitirhan. Bitbit ang kanilang tiklis na may mga kakanin, prutas, at ulam, humabi sila palabas ng umpukan. Naglaan si Sano ng huling sulyap kay Datu Dulan. May mga tagaaliw sa harapan ng datu, at pinapaligiran siya ng mga pinakamahusay niyang mandirigma at pinakatapat na mga katulong. Nakaupo ang asawa niya sa kanyang tabi, nasa kandungan nito ang sanggol nila, habang naglalakad-lakad naman ang iba niyang mga kamag-anak. Paminsan-minsan, may nagpapalakpakan sa mga tauhan niya. May gumagawa na rin ng mga awit tungkol sa kanya.
Si Datu Dulan ang malamang na pinakamalapit sa imahe ng bayani na naiisip ni Sano. Nagpapahiwatig ng karangalan at kapangyarihan ang datu. Makatuwiran siya at mapagwari, at sanay siya sa paggamit ng itak at anto. Mapagpatawad din siya, sa pagka't hindi niya sinisi si Sano sa pagkawasak ng tahanan niya.
Pero may kulang. Hindi malaman ni Sano kung ano ito, hanggang napansin niya ang maliit na kulubot sa pagitan ng mga kilay ng datu, at doon lang niya naintindihan. Ang nagkukulang sa datu ay ang kintab, ang kinang, ang kaluwalhatian na akala ni Sano mayroon lahat ng mga bayani. At paano nga naman makakamit ni Datu Dulan ang mga iyon, ngayong may mga namatay sa tauhan niya at hindi tiyak ang kanilang kinabukasan? Tila maraming nagpapabigat sa datu, mga bagay na hindi pumasok sa isip ni Sano sa mga pangarap niya noon.
Dumapo ang tingin ni Datu Dulan kay Sano at binigyan siya ng maliit na tango. Yumuko si Sano, tapos sinundan ang ina niya pauwi.
Sa dulo ng baranggay, may mga kubo na mabilisang itinayo para sa mga taong nawalan ng tahanan sa pagsalakay ni Angtara. Tinutuluyan ni Sano at ng ina niya ang isa rito, kasama sina Dayang Yiling at Matiban. Sa umpisa, gusto sanang bumalik ni Dayang Yiling sa gubat, pero napag-isipan niyang baka magmukha lang siyang duwag.
“Ay salamat, may pasalubong kayo!” Inayos in Dayang Yiling ang hapag, na sa ngayon ay isang banig lang sa gitna ng silid nila.
“Iniisip ko pa rin na mas mabuti kung nagpakita ka habang nagpahayag si Datu Dulan,” sabi ng ina ni Sano habang inilapag ang tiklis. Inilabas niya ang mga bibingkang nakabalot sa dahon ng saging, ang mga prutas na nakababad sa suka, at ang mga mangkok ng ulam. “Dapat masanay na ang mga taga-Liman na nakikita ka.”
“Alam ko iyan,” tugon ni Dayang Yiling. “At dapat din akong masanay sa kanila. Marami pa namang pagkakataong mangyari iyon, sigurado ako.”
Umupo silang apat sa gilid ng banig, at kumain. Natutuwa si Sano na kabahagi niya sa masarap na kainang ito ang magulang at mga kaibigan niya. Sa alwan ng pagsasama nila, halos hindi niya pansin ang pagkapayak ng kanilang kubo.
Mabilis kinaibigan ng ina ni Sano si Dayang Yiling, nabibighani sa kasaysayan at pagkakaiba ng Halimaw. Nananatiling madamot sa mga salita si Matiban, pero parang maayos naman siya at patuloy pa rin ang paghihilom ng katawan niya. Hindi alam ni Sano kung nakausap ni Matiban sina Aklin at Danihon bago bumalik ang dalawa sa Munting Dayung, pero ayon sa nakita ni Sano sa digmaan, wala namang hinanakit ang dalawang ito.
Tiningnan ni Sano ang ina niya at si Dayang Yiling at si Matiban. Nakangiti sila habang kumakain, nagbabahagi ng mga biro at nakakatawang kuwento, pero mayroon din silang bakas ng lumbay, katulad ni Datu Dulan. Ngunit kaiba sa datu, malamang walang gagawa ng mga awit sa kanila sa madaling panahon.
Pagkatapos ng kainan, lumabas si Sano para maggala sa baranggay. Sinabihan siya ng ina niya na magpahinga, pero ipinangako niya na saglit lang siyang lalabas. Gusto niyang makilala ang mga taong nakatira malapit sa kanila, bilang isang tanda ng pakikisama – at dahil unang pagkakataon niya sa buong buhay niya na gawin ito nang malaya.
Nang humakbang si Sano sa pinakamalapit na kapitbahayan, tinitigan siya ng ibang mga taga-nayon. Binigyan niya sila ng nag-aalinlangang ngiti, kinakabahan. Hindi man siya sinisi ni Datu Dulan sa pagkasira ng Liman, pero baka may mga taga-nayong sinisisi siya palihim. Pinanuod ni Sano ang mga pinagkakaabalahan sa hapon na iyon – ang paglalaro ng mga bata, ang pagsasampay ng labada ng mga matatandang babae – at inisip niya kung paano siya lalapit sa kanila.
Humingang malalim si Sano para pahupain ang kaba niya, at napalitan ito ng isang mapayapang damdamin. Masaya na rin pala na mapaligiran lang ng iba bilang sarili niya, na malasap ang pagkakaisa nila, kahit naririto siya para itama ang mga nagawang mali. Hindi man niya alam kung sino siya at kung ano ang halaga niya sa ngayon, pero isang magandang simula na rin ang maging simpleng tao kabilang sa mga kapwang tao.
Iminulat ni Anina ang mga mata niya at huminga nang malalim.
Lumipas ang isang saglit at lumawak ang kanyang kamalayan. Napagtanto niyang hindi na siya dapat makahinga. Kaya huminga siya ulit.
Nasa isang malaki't parihabang silid si Anina, na may dalawang hanay ng mga banig. Mga labing-lima ang tao na kasama niya sa silid. Gising ang iba sa kanila. Puno ng amoy ng halaman at bagong labang kumot ang hangin.
Sinubukan ni Anina na itulak ang sarili mula sa banig. Naninigas ang mga kalamnan niya, pero maliban sa mga ito, parang maayos naman siya. Kahit papaano, hindi lumala ang karamdaman niya pagkatapos siyang itulak sa bangin ni Bunawi. Kung isasaalang-alang ang huling naaalala niyang naging kahoy siya, hindi talaga masasabing masama ang kalagayan niya ngayon.
May lumuhod na babae sa tabi niya. Sa umpisa, akala ni Anina na katalonan siya, pero hindi pangkatalonan ang kanyang suot. Walang nakapalibot na agimat sa leeg; walang nakapalawit na ngipin ng buwaya o balahibo ng tigmamanukan.
Mabait at maamo ang mukha ng babae. Ngumiti siya kay Anina, at lumitaw ang dalawang malalim na biloy sa mga pisngi niya. Namukhaan siya ni Anina roon. Ito ang babae na lumaban kay Angtara sa digmaan. Ito ang ina ni Sano.
“O, magandang araw po,” ang tanging nagawang ibigkas ni Anina. Mas paos ang tinig niya sa pangkaraniwan. Ang tagal niyang hinangad makipagkita sa Manghihiwagang Lingid, na hindi niya gaanong alam kung paano umasta ngayong magkaharap na sila.
“Magandang araw rin sa iyo. Mabuti't gising ka na,” sabi ng Manghihiwagang Lingid. “Natagalan ka kaysa sa iba. Maayos ba ang pakiramdam mo?”
“Maayos naman po, salamat.” Luminga-linga si Anina, nakararamdam ng biglang pagkamahiyain. Sinuklay niya ang buhok paalis ng kanyang mukha.
“Maganda iyan. Puwede mo akong tawaging Tita Kabi.” Binigyan ng babae si Anina ng isang maliit na tasa ng tubig para makainom. Pagkaubos ni Anina dito, tinanong niya kung ano'ng nangyari.
“May sapat na lakas ka na ba para makinig sa mahabang kuwento?” tanong ni Tita Kabi.
Tumango si Anina. “Opo, sabihin niyo na lahat.”
At ginawa ito ni Tita Kabi. Inumpisahan niya ang pagpapaliwanag sa panahong iniwan niya si Sano sa paanan ng bundok mahigit isang buwan na ang nakalipas. Tapos ibinahagi niya ang mga nangyari tungkol sa sakuna sa Liman. Binuod niya ang kanilang pag-atake sa kampo ni Bunawi, at tinapos niya ang kuwento sa pagkamatay ng hari at sa pagpawi ng Malagim na Hangin.
“Siguradong nilalaman ng mga itak na iyon ang mga huling piraso ng natirang Buwang Bakal. Mabuti iyon. Kung hindi, tiyak nandito pa rin ang Malagim na Hangin.”
“At ang mga kuya ko po?” tanong ni Anina. “Mga mandirigma po sila sa hukbo ni Bunawi. Nasaan po sila ngayon?”
“Sina Aklin at Dinahon, hindi ba?” tiniyak ni Tita Kabi. “Inalok nilang ibalik ka sana sa ampunan sa Gila, kasi iyon daw ang tunay na tahanan mo. Pero natatakot si Ginang Nawa, ang punong katalonan, na hindi ka ligtas doon, dahil may kinalaman ka sa... pagkamatay ng dalawang maginoo.”
“Opo.” Iyon lang ang nasabi ni Anina. Tiningnan niya ang mga kamay niya. Mukhang mahina ang mga ito ngayong nakabalot sa manipis na bendahe, pero alam ni Anina na ito ang mga kamay na pumatay kay Angtara. Hindi niya alam kung ano'ng dapat niyang maramdaman.
Binuksan ni Tita Kabi ang isang lukbot na nakasabit sa baywang niya at may inilabas na magaspang na bato na may matatalas na sulok. Inabot niya ito kay Anina.
“Nakita ko ang mga batong sagisag na itinatago mo sa iyong bayong sa bahay ni Dayang Yiling,” sabi ni Tita Kabi. “Binanggit ni Sano na para sa mga kamag-anak mo raw iyon. Sinabi niya na kung kaya mo, pipilitin mong magbitbit ng isang bayong na puno ng mga bato. Natagpuan ko ang batong iyan kaninang umaga, at inisip ko na baka mapapakinabangan mo.”
Inikot ni Anina ang bato sa kamay. Makasusugat ang mga sulok nito kung hindi siya mag-iingat. Hinding-hindi pipiliin ni Anina ang batong ito bilang sagisag sa isang minamahal niya. Pero may hinala siyang hindi ibinibigay ito ni Tita Kabi para sa ganoong tao.
“Para kay Angtara?” tanong ni Anina. Para sa isang buhay na sinadya niyang kunin. Ngunit isang buhay pa rin iyon. Kailangan tandaan ito ni Anina.
Tumango si Tita Kabi.
“Salamat po.” Tumikhim si Anina. “Ano na po ang nangyayari ngayon?”
“Hindi pa namin alam. Magkakaroon daw ng pulong para pag-usapan kung ano'ng dapat gawin sa atin. Binabantayan ang giliran ng Katam para mapigilan ang paglabas o pagpasok ng mga pag-aaway. Sa kasalukuyan, sinusubukan lang naming lahat makabawi ng lakas.”
Sinuri ni Tita Kabi ang iba pang mga tao sa silid pagkatapos ng usapan nila. Bago siya umalis sa pagamutang-silid, lumingon siya kay Anina at sinabi na tumutuloy sila nina Sano, Dayang Yiling, at Matiban sa isang bagong kubo sa timog na bahagi ng Liman.
Pagkalipas ng maikling panahon, may pumasok na katalonan na nag-ahin ng malinamnam na sabaw at suman sa mga gising na. Pagkakain, mas guminhawa ang pakiramdam ni Anina, at inisip niya na baka maganda kung maglakad siya sa labas. Maliwanag ang sikat ng araw ngayong hapon, at may pumapasok na malamig na hangin sa nakabukas na mga bintana.
Itinaas ni Anina ang leeg ng damit niya sa kanyang ilong. Baka maganda rin kung maligo siya.
Doon napansin ni Anina ang maliit na parisukat na bendahe na nakatakip sa kanyang dibdib. Alam na niya kung ano ang itinatago nito; gayumpaman, nanginginig ang kamay niya at pinipigilan niya ang kanyang hininga nang tinuklap niya ang bendahe. Tumingin siya sa paligid, at hiniram ang makintab na pakal sa tabi ng isang natutulog na babae. Tinitigan ni Anina ang imahe niya sa talim. Hindi malalim ang sugat, at nagkakaroon na ng pilat ito. May nakausling tuyong dugo sa ibang bahagi ng titik.
Ka.
Mahigpit ang lalamunan ni Anina nang ibinalik niya ang pakal sa tabi ng banig ng babae. Bago pa lahat ng mga binabalak niya, may kailangan muna siyang gawin.
Hindi mahirap hanapin ang mga kubo sa dulo ng Liman. Maliit at mabuway bawat isa sa mga ito, parang hindi nalalayo ang laki sa silid na tinuluyan nina Anina at Sano sa Masagan. Pero kahit na, may dumaloy na giliw pa rin kay Anina sa pagsulyap sa mga ito. Nakahihinahon ang pagkatabingi ng mga kubo, parang sinasabi na hindi niya kailangang mailang dito.
Tinatagan ni Anina ang sarili, at pumunta sa unang kubo. Hindi niya alam kung ito nga ang tamang kubo, o kahit tama nga, kung nandito si Sano ngayon. Mas malamang na nakikipaglaro si Sano sa mga bata o nakikipag-usap sa mga taga-nayon.
Sinubukan pa rin ni Anina. Nagulat siya nang nahanap niyang bahagyang nakabukas ang pinto at, nang sumilip siya sa loob, natanaw si Sano sa kabilang bahagi ng silid. Napalingon si Sano sa langitngit ng pinto, at bumilog ang mga mata nito pagkakita kay Anina. Ngayong nakatayo na si Anina sa harap ni Sano, kumalat ang mga nasa isip niya.
Napanatag ang loob ni Anina kahit papaano nang nakita niyang bumubukas at sumasara ang bibig ni Sano, na para bang nahihirapan din tulad niya. Ngunit ngayong napapalibutan si Sano ng gintong liwanag ng palubog na araw, bagong-ligo at nakasuot ng mga kasyang-kasyang damit, hindi maihahambing ni Anina ang sariling itsura sa pagkaimis ni Sano. At kahit nakasakbat pa rin ang kaliwang braso ni Sano, at tadtad pa rin siya ng mga bendahe at pasa, tila nakakabawi na siya ng lusog.
Sinubukang magsalita ni Anina, ngunit sinubukan din ni Sano, at tumahimik silang dalawa ulit.
Tumikhim si Sano, at sumenyas na mauna si Anina.
Hindi pa rin maituwid ni Anina ang kanyang pag-iisip. “Narinig ko sinapak mo ang isang ahas-dagat sa mukha,” ang tanging lumabas sa bibig niya.
Kumurap si Sano, tapos umalik-ik. Hinilot niya ang kanyang batok. “Ay, oo. Huwag niyo akong gayahin. Hindi magandang gawin iyon sa mga banal na nilalang. Siguradong duling iyon pagbalik sa dagat.”
Napatawa silang dalawa. Gumaan ang damdamin ni Anina nang nakita ang ngiti ni Sano. Walang pagkakataon na ngumiti noong nakikipaglaban sila kay Angtara. Nakalimutan niya kung gaanong nakakahawa ito. “Tinatawag ka na bang bayani ng mga tao ngayon?” tanong niya. “Dapat lang.”
Itinuloy ni Sano ang paghilot sa leeg, namumula ang mga pisngi. “A, hindi. Pagkatapos ko silang ipinahamak, baka matagalan pa bago ako tawagin nang ganyan. Ayos lang naman. Hindi ko kailangang maging bayani.”
Pagkalipas ng ilang nakakaasiwang sandali, nagpasya si Anina na sumugod na lang at sabihin na kung ano ang pinunta niya rito.
“Patawad,” sabi niya, kasabay ng pagbigkas din nito ni Sano.
Nagbuntong-hininga silang dalawa. “Sige, ikaw na mauna,” sabi ni Anina.
“Salamat, kasi – paano ba 'to – nagsanay ako.” Napangiwi si Sano. “Ang ibig kong sabihin ay gusto ko lang talagang mailabas ito nang maayos. Ako ay... ano – banal na Karingal – nakalimutan ko ang sasabihin.” Kinamot niya ang ulo, naguguluhan. “Ganito kasi, Anina, patawad na iniwan kita doon sa butas. At patawad rin sa ginawa kong butas! At sa lahat ng mga sinabi ko pagkatapos mong ikuwento sa akin ang nangyari sa baranggay mo. Hindi ko naintindihan.”
Huminga siya nang mabagal at inulit, “Hindi ko talaga naintindihan. Hindi ko sinubukan, at ang pinakamasama pa ay hindi ko man ginustong subukan. Sa buong panahong ito, pinili kong makita ka bilang isang tao na nakakaya ang lahat. At totoo naman, malakas at mapamaraan ka, pero naliligaw ka rin, at pinili kong magbulagbulagan doon. Dahil ibig niyon sabihin na tama ang ina ko. Na kaya ng mundong maging sobrang lupit, na napapahirapan nito ang isang tulad mo. Ayaw kong tanggapin na ang pagtatago at pamumuhay nang mag-isa ang mas maayos na kabuhayan.
“Pero dapat mas maaga kong napag-isipan na mahirap ang naging buhay nating dalawa, parehong malayo sa ginhawa, at ang kinaiinggitan natin sa isa’t-isa ay mga butil lang, mga tira-tira lang ng iba. Wala akong karapatan na kunin ang sakit na ipinakita mo sa akin at itapon lang pabalik sa iyo.” Bumaba ang tingin ni Sano. “Hindi ako naging kaibigan noong nangangailangan ka ng isa, at lubusan akong humihingi ng patawad.”
Lumala ang pagkawalang-kakayahan ni Anina na magsalita. “A, dapat pala ako ang nauna. Paano ko pa masusundan iyan?” sabi niya, at tumawa nang mahina, naiilang.
“Sabihin mo na pinapatawad mo ako?” Tiningnan siya ni Sano, puno ng pagsisisi ang madilim na mga mata. “Pero hindi mo kailangan. Nasa sa iyo.”
“Patawad din. Nagkamali rin ako,” inamin ni Anina. “Nagkamali sa pagbabaliwala ng sakit mo, dahil kakaiba ito sa sakit na naranasan ko. May karapatan kang masaktan. Sano, ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan, at kung kabaligtaran nito ang nadama mo sa akin, kasalanan ko iyon. Pinapatawad kita, at sana patawarin mo rin ako, dahil sa tingin ko panahon na para magsimula tayong gumaling sa mga sakit natin.”
Ang tagal hinayaan ni Anina na maghari sa kanya ang pighati niya. Kinapa ng mga daliri niya ang bakas sa dibdib, ang titik na nag-uutos sa kanyang mabuhay. Hindi lang na makaraos siya ng isang araw, matamlay at walang gana, pero talagang mabuhay sa lahat ng kahulugan ng salitang ka. Nagtaka siya dati kung bakit tatlo ang ibig sabihin ng nag-iisang salitang iyon. Naiintindihan na niya ngayon na higit pa sa pagsasama-sama ng bawat isa sa tatlong iyon ang tunay na kahulugan nito.
Napagbigyan si Anina ng napakaraming pagkakataong mabuhay, at nararamdaman niya sa pinakailalim ng kanyang kaluluwa na wala nang darating pa. Hindi na niya puwedeng sayangin ito.
May tumulong luha sa ilalim ng takipmata niya at nahulog sa pisngi. Hindi man namalayan ni Anina na umiiyak na pala siya. Napatawa siya, mas lalong napapailang. Pinahid niya ang luha. “Sana hindi ka napapahiya ngayon sa akin.”
“Hindi, bakit naman?” Lumakad si Sano nang mabagal papunta sa kanya. “Puwede bang yakapin kita?”
Binigyan ni Anina si Sano ng malungkot na ngiti. “Puwede sana, kaya lang hindi pa ako naliligo.”
Tumawa si Sano, iniling ang ulo, at inilapit si Anina sa sarili. Sumandal si Anina sa yapos, na kahit malamya ng bahagya dahil sa nakasakbat na braso ni Sano, napagtiyagaan pa rin nila. Ngayong nasa bisig siya ni Sano, nakalapat ang basang mukha sa balikat nito, gumaan sa wakas ang pakiramdam ni Anina pagkatapos ng matagal na panahon.